Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 7

Panalangin Upang Magtamo ng Katarungan

Shigaion[a] ni David na kanyang inawit kay Yahweh; patungkol kay Cus, na isang Benjaminita.

O Yahweh, aking Diyos, sa iyo ako lumalapit,
    iligtas mo ako sa mga taong sa aki'y tumutugis,
kundi, sila'y parang leon na lalapa sa akin
    kung walang magliligtas, ako nga ay papatayin.
O Yahweh, aking Diyos, kung ako ma'y nagkasala,
    at kung aking mga kamay ay puminsala sa iba,
    kung ako ay naging taksil sa tapat kong kaibigan,
    kung ako po'y naminsala o nang-api ng kaaway,
payag akong hulihin, patayin kung kailangan,
    iwan akong walang buhay at sa lupa'y mahandusay. (Selah)[b]

O Yahweh, bumangon ka, puksain mo ang kaaway,
    ako'y iyong ipagtanggol sa malupit nilang kamay!
    Gumising ka't sagipin mo, ako ngayon ay tulungan,
    dahil ang hangad mo'y maghari ang katarungan.
Tipunin mo sa iyong piling ang lahat ng mga bansa,
    at mula sa trono sa kaitaasan, ikaw, Yahweh, ang mamahala.
Sa lahat ng mga bayan, ikaw ang hukom na dakila,
    humatol ka sa panig ko sapagkat ako'y taong tapat.
Ikaw(A) ay isang Diyos na matuwid,
    batid mo ang aming damdamin at pag-iisip;
sugpuin mo ang gawain ng masasama,
    at ang mabubuti'y bigyan mo ng gantimpala.

10 Ang Diyos ang aking sanggalang;
    inililigtas niya ang may pusong makatarungan.
11 Ang Diyos ay isang hukom na makatarungan,
    at nagpaparusa sa masama sa bawat araw.
12 Kung di sila magbabago sa masasama nilang gawa,
    ang tabak ng Diyos ay kanyang ihahasa;
    pati ang kanyang pana ay kanyang ihahanda.
13 Mga pamatay na sandata ay kanyang itatakda,
    kanya ring iuumang ang mga palasong nagbabaga.

14 Pagmasdan mo ang masama, sa baluktot niyang isip,
    ipinaglilihi niya ang kalokohan at ipinanganganak niya ang kasamaan.
15 Humuhukay ng patibong para sa ibang tao,
    subalit siya rin mismo ang nahuhulog dito.
16 Siya rin ang may gawa sa parusang tinatanggap,
    sa sariling karahasan, siya ngayo'y naghihirap.

17 Pasasalamatan ko si Yahweh sa kanyang katarungan,
    aawitan ko ng papuri ang Kataas-taasan niyang ngalan.

Ester 2:1-18

Naging Reyna si Ester

Lumipas ang mga araw at napawi ang galit ni Haring Xerxes. Subalit patuloy pa rin nitong naaalaala si Vasti, ang ginawa nito at ang utos na nilagdaan niya laban dito. Kaya't iminungkahi ng kanyang mga lingkod, “Bakit di kayo magpahanap ng magaganda at kabataang dalaga, Kamahalan? Pumili kayo ng mga tauhan sa bawat lalawigan para humanap ng magagandang dalaga sa kanilang lugar at dalhin sa inyong harem sa lunsod ng Susa. Ipagkatiwala ninyo sila kay Hegai, ang eunukong namamahala sa harem ng hari, at bigyan ninyo sila ng mga pampagandang kailangan nila. Ang maibigan ng hari ang siyang ipapalit kay Vasti.” Nagustuhan ng hari ang mungkahing ito, at ganoon nga ang kanyang ginawa.

Noon ay may isang Judio na nakatira sa Susa. Siya'y si Mordecai na mula sa lipi ni Benjamin. Siya'y anak ni Jair at apo ni Simei na anak naman ni Kis. Isa(A) siya sa mga nabihag ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia mula sa Jerusalem, kasama ni Haring Jeconias ng Juda. Si Mordecai ay may isang napakaganda at kabigha-bighaning pinsang dalaga na ulilang lubos at siya na ang nagpalaki. Ang pangalan niya'y Ester (Hadasa naman sa Hebreo). Nang mamatay ang mga magulang ni Ester, inampon na siya ni Mordecai at itinuring na parang tunay na anak. Bilang tugon sa utos ng hari tungkol sa paghahanap ng magagandang dalaga sa buong kaharian, napasama siya sa maraming dalagang tinipon sa palasyo sa pamamahala ni Hegai na tagapangasiwa sa harem. Nakagaanan siya ng loob ni Hegai, kaya binigyan agad siya ng pagkain at mga pampaganda. Bukod dito, ipinili pa siya ng pinakamainam na tirahan sa harem at binigyan ng pitong katulong na babae.

10 Gayunpaman, hindi sinabi ni Ester kung saang lahi o sambahayan siya nagmula dahil iyon ang bilin sa kanya ni Mordecai. 11 Araw-araw naman, nagpupunta si Mordecai sa bulwagan ng harem upang alamin ang kalagayan ni Ester.

12 Bilang tuntunin, isang taon munang pagagandahin ang mga babae: anim na buwan silang pinapahiran ng langis at mira, at anim na buwan ding nilalagyan ng pabango at iba pang pampaganda. Pagkatapos, isa-isa silang inihaharap sa hari. 13 Bago humarap sa hari, ibinibigay sa kanila ang lahat ng maibigan nilang dalhin sa pagharap sa hari. 14 Bawat isa'y pumupunta sa hari sa gabi at kinabukasa'y dinadala sa isa pang harem nito na pinapamahalaan naman ng eunukong si Saasgaz. Sinumang pumunta sa hari ay hindi nakababalik sa palasyo kung hindi siya ipapatawag nito, lalo na kung hindi nasiyahan sa kanya ang hari.

15 Dumating ang araw na haharap na sa hari si Ester. (Si Ester ay anak ni Abihail na tiyuhin naman ni Mordecai.) Wala siyang hiniling maliban sa sinabi sa kanya ni Hegai. Nabighani ang lahat ng nakakita sa kanya. 16 Noon ay ang ikasampung buwan ng ikapitong taon ng paghahari ni Xerxes. 17 Lubos na nabighani ang hari kay Ester at inibig niya ito nang higit sa ibang babae. Kaya, kinoronahan siya nito at ginawang reyna kapalit ni Vasti. 18 Nagdaos ng isang malaking handaan ang hari upang parangalan si Ester at inanyayahan niya ang lahat ng kanyang mga pinuno at mga kaibigan. Kaugnay nito, nagpahayag pa siya ng pista opisyal[a] sa buong kaharian at namahagi ng maraming regalo.

2 Timoteo 2:8-13

Alalahanin mo si Jesu-Cristo, ang muling binuhay at nagmula sa angkan ni David, ayon sa Magandang Balitang ipinapangaral ko. Ito ang dahilan ng aking pagdurusa at pagkagapos na parang isang kriminal. Subalit hindi kailanman maigagapos ang salita ng Diyos. 10 Tinitiis ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga hinirang ng Diyos upang magkaroon sila ng kaligtasan at walang hanggang kaluwalhatian mula kay Cristo Jesus. 11 Totoo ang kasabihang ito:

“Kung tayo'y namatay na kasama ni Jesu-Cristo,
    mabubuhay din tayong kasama niya.
12 Kung(A) tayo'y nagtitiis ng hirap sa mundong ito,
    maghahari din tayong kapiling niya.
Kapag itinakwil natin siya,
    itatakwil rin niya tayo.
13 Kung tayo man ay hindi tapat,
    siya'y nananatiling tapat pa rin
    sapagkat hindi niya maaaring itakwil ang kanyang sarili.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.