Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Isaias 7-8

Unang Babala kay Ahaz

Nang(A) ang hari ng Juda ay si Ahaz, anak ni Jotam na anak ni Uzias, ang Jerusalem ay sinalakay ni Haring Rezin ng Siria, at ng hari ng Israel na si Peka, anak ni Remalias, ngunit hindi sila nagtagumpay. Nang mabalitaan ng sambahayan ni David na nagkasundo na ang Siria at ang Efraim, ang hari at ang buong bayan ay nanginig sa takot na parang mga puno sa kakahuyan na hinahampas ng hangin.

Sinabi ni Yahweh kay Isaias: “Isama mo ang iyong anak na si Sear-Yasub[a] at salubungin ninyo si Ahaz. Matatagpuan ninyo siya sa may dulo ng padaluyan ng tubig mula sa tipunan ng tubig sa itaas, sa daang patungo sa dakong Bilaran ng Tela. Ganito ang sabihin mo sa kanya: ‘Humanda ka! Huwag matakot at mabagabag. Huwag kang masisiraan ng loob dahil sa nag-aalab na poot ni Rezin ng Siria at ni Peka na anak ni Remalias; ang dalawang iyon ay parang dalawang putol ng kahoy na umuusok ngunit walang apoy.’ Nagbalak ng masama laban sa iyo ang Siria, ang Israel at ang anak ni Remalias, at kanilang sinabi:

‘Lusubin natin ang Juda,
    at sakupin ang Jerusalem.
Gagawin nating hari doon ang anak ni Tabeel.’
Ngunit sinabi ng Panginoong Yahweh, “Hindi ito mangyayari.
Sapagkat ang Siria'y mas mahina kaysa Damasco na punong-lunsod niya,
    at ang Damasco'y mas mahina kaysa kay Haring Rezin.
Ang Israel naman ay mawawasak sa loob ng animnapu't limang taon,
    at hindi na ito ibibilang na isang bayan.
Malakas pa kaysa Israel ang lunsod ng Samaria na punong-lunsod nito,
    at ang Samaria ay mas mahina kaysa kay Haring Peka.
Ikaw ay mabubuwal kapag hindi naging matatag ang iyong pananalig sa Diyos.”

Ang Palatandaan ng Emmanuel

10 Muling nagsalita si Yahweh kay Ahaz: 11 “Humingi ka ng palatandaan kay Yahweh na iyong Diyos, maging ito ay buhat sa malalim na libingan o sa kaitaasan ng langit.” 12 Ngunit sinabi ni Ahaz: “Hindi po ako hihingi. Hindi ko po susubukin si Yahweh.”

13 At sinabi ni Isaias:

“Makinig kayo, sambahayan ni David!
Hindi pa ba sapat na subukin ninyo ang pagtitiis ng mga tao,
    at pati ang pagtitiis ng aking Diyos ay inyong sinusubok?
14 Dahil(B) dito si Yahweh mismo ang magbibigay sa inyo ng palatandaan:
Maglilihi ang isang dalaga[b]
    at magsisilang ng isang sanggol na lalaki
    at tatawagin sa pangalang Emmanuel.[c]
15 Gatas at pulot ang kanyang kakainin
    kapag marunong na siyang umiwas sa masama at gumawa ng mabuti.
16 Sapagkat bago matuto ang bata na umiwas sa masama
    at gumawa ng mabuti,
    ang lupain ng dalawang haring kinatatakutan mo ay wawasakin.
17 Ikaw at ang iyong bayan, pati na ang sambahayan ng iyong ama
    ay ipapasakop ni Yahweh sa hari ng Asiria.
Pagdaranasin ka nito ng paghihirap na kailanma'y hindi mo pa nararanasan
    mula nang humiwalay ang Efraim sa Juda.
18 Sa panahon ding iyon, tatawagin ni Yahweh ang mga Egipcio
    na parang mga langaw mula sa malalayong batis ng Ilog Nilo,
    at ang mga taga-Asiria na gaya ng mga pukyutan.
19 Darating ang mga ito at maninirahan sa matatarik na bangin,
    sa mga lungga ng malalaking bato,
    at sa lahat ng dawagan at mga pastulan.
20 Sa araw na iyon, ang Panginoon ay uupa
    ng mang-aahit mula sa kabila ng Ilog Eufrates—ang hari ng Asiria!
Aahitin niya ang buhok mo sa ulo pati na ang iyong balbas
    at gayundin ang balahibo mo sa buong katawan.
21 Sa araw na iyon ang bawat tao ay mag-aalaga
    ng isang dumalagang baka at dalawang tupa.
22 Sa dami ng gatas na makukuha,
    ang lahat ng natira sa lupain ay mabubuhay sa gatas at pulot.
23 Sa panahong iyon ang ubasang noo'y may isang libong punong ubas
    na nagkakahalaga ng isang libong salaping pilak
    ay magiging dawagan at puro tinikan.
24 May dalang palaso at pana ang papasok doon,
    sapagkat ang buong lupain ay mapupuno ng mga tinik at dawag.
25 Wala nang pupunta doon upang magbungkal ng lupa
    sapagkat mga tinik ay sanga-sanga na.
Pagpapastulan na lamang iyon ng mga baka at tupa.”

Babala at Pag-asa

Sinabi sa akin ni Yahweh, “Kumuha ka ng isang malapad na tapyas ng bato at isulat mo sa malalaking letra ang mga sumusunod: ‘Kay Maher-salal-has-baz.’[d] Ikuha mo ako ng dalawang saksing mapagkakatiwalaan: ang paring si Urias at si Zacarias na anak ni Jeberequias.”

Sinipingan ko ang aking asawa. Siya'y naglihi at nanganak ng isang lalaki. At sinabi sa akin ni Yahweh: “Ang ipangalan mo sa kanya'y Maher-salal-has-baz. Sapagkat bago pa siya matutong tumawag ng ‘Tatay’ o ‘Nanay,’ ang kayamanan ng Damasco at ang mga nasamsam ng Samaria ay dadalhin ng hari ng Asiria.”

Sinabi pa sa akin ni Yahweh:

“Sapagkat tinanggihan ng bayang ito ang tubig ng Siloe na umaagos nang banayad,
    at nangangatog[e] sila sa harapan ni Rezin, at ng anak ni Remalias;
ipadadala sa kanila ng Panginoon ang hari ng Asiria at ang kanyang mga hukbo,
    na lulusob tulad ng malakas na agos ng Ilog Eufrates.
Parang baha ito na aagos sa Juda,
    tataas ang tubig nang hanggang leeg, at lalaganap ito sa buong lupain mo, O Emmanuel.”

Magsama-sama man kayo mga bansa ay mawawasak din kayo!
    Makinig kayo, mga bansang nasa malalayong dako.
Maghanda man kayo sa pakikipaglaban ay matatakot din kayo.
10 Magplano man kayo, tiyak na kayo'y mabibigo;
    magpulong man kayo, wala ring mangyayari,
    sapagkat ang Diyos ay kasama namin.

Binalaan ni Yahweh ang Propeta

11 Sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan, binalaan ako ni Yahweh
    na huwag kong sundan ang mga landas na dinadaanan ng mga taong ito.
12 Sinabi(C) niya, “Huwag kayong maniwala sa sabwatan na sinasabi ng bansang ito;
    huwag kayong matakot sa kanilang kinatatakutan.
13 Ngunit si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang dapat ninyong kilalanin bilang Banal.
    Siya ang dapat ninyong igalang at dapat katakutan.
14 Sa(D) dalawang kaharian ng Israel,
    siya'y magiging isang santuwaryo, isang batong katitisuran;
    bitag at patibong para sa mga naninirahan sa Jerusalem.
15 Dahil sa kanya, marami ang babagsak, mabubuwal at masusugatan;
    marami rin ang masisilo at mahuhulog sa bitag.”

Babala Laban sa Pagsangguni sa Patay

16 Ingatan mo at pagtibayin ang mensaheng ito para sa aking mga alagad.
17 Maghihintay(E) ako kay Yahweh na tumalikod sa sambahayan ni Jacob;
    at sa kanya ako aasa.
18 Ako(F) at ang mga anak na kaloob sa akin ni Yahweh
    ay palatandaan at sagisag sa Israel,
    mula kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat na naninirahan sa Bundok ng Zion.
19 Kapag may nagsabi sa inyo: “Sumangguni kayo sa mga espiritu ng namatay at sa mga manghuhula.
    Hindi ba dapat sumangguni ang mga tao sa kanilang diyos at patay para sa mga buháy?”
20 Ganito ang inyong isasagot, “Nasa inyo ang aral at tagubilin ng Diyos!
Huwag kayong makikinig sa mga sumasangguni sa espiritu,
    ipapahamak lang kayo ng mga iyon.”

Panahon ng Kaguluhan

21 Maglalakbay sila sa lupain na pagod na pagod at gutom na gutom,
    magwawala sila dahil sa gutom at susumpain ang kanilang hari at ang kanilang diyos.
Titingala sila sa langit
22 at igagala nila ang kanilang mata sa lupa,
ngunit wala silang makikita kundi kaguluhan at kadiliman;
    isang nakakatakot na kadiliman kung saan sila itatapon.

Efeso 2

Patay Subalit Muling Binigyang-buhay

Noong(A) una'y patay kayo dahil sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan. Sinusunod ninyo noon ang masamang takbo ng mundong ito, at napailalim kayo sa pinuno ng mga kapangyarihan sa himpapawid, ang espiritung naghahari sa mga taong ayaw pasakop sa Diyos. Ang totoo, tayong lahat ay dati ring namumuhay ayon sa pagnanasa ng ating laman, at sumusunod sa mga hilig ng katawan at pag-iisip. Kaya't sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos.

Subalit napakasagana ng habag ng Diyos at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin. Tayo'y binuhay niyang kasama ni Cristo noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob. Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus, tayo'y muling binuhay na kasama niya upang mamunong kasama niya sa kalangitan. Ginawa niya ito upang sa darating na mga panahon ay maipakita niya ang di-masukat na kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob, sa kabutihan niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y kaloob ng Diyos at hindi mula sa inyong sarili; hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya't walang maipagmamalaki ang sinuman. 10 Kung ano tayo ngayon ay gawa ng Diyos, at sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus ay nilikha niya tayo para sa mabubuting gawa na inihanda niya noong una pa man upang gawin natin.

Pinag-isa kay Cristo

11 Kaya't alalahanin ninyo ang dati ninyong kalagayan. Kayo'y ipinanganak na mga Hentil, at “di-tuli” ang tawag sa inyo ng mga Judio. Ang mga Judio naman ay tinatawag na mga “tuli” dahil sa ginagawa sa kanilang katawan. 12 Noong panahong iyon, hiwalay kayo kay Cristo, hindi kabilang sa bayang Israel, at hindi saklaw ng tipan na nababatay sa mga pangako ng Diyos. Noo'y nabubuhay kayo sa mundo nang walang pag-asa at walang Diyos. 13 Ngunit ngayon, dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayo na dati'y malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. 14 Sapagkat si Cristo mismo ang nagbigay sa atin ng kapayapaan dahil pinag-isa niya ang mga Judio at ang mga Hentil. Sa pamamagitan ng kanyang katawan, giniba niya ang pader ng alitan na naghihiwalay sa atin. 15 Pinawalang-bisa(B) niya ang Kautusan, kasama ang mga utos at mga alituntunin nito upang mula sa dalawang lahi ay makalikha siya ng isang bagong bayan na nakipag-isa sa kanya at sa gayon ay magkaroon ng kapayapaan. 16 Sa(C) pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, winakasan niya ang kanilang alitan, pinagkasundo sila sa Diyos at pinagbuklod sa iisang katawan. 17 Naparito(D) nga si Cristo at ipinangaral niya sa lahat ang Magandang Balita ng kapayapaan, sa inyong mga Hentil na noo'y malalayo, at sa mga Judio na malalapit. 18 Dahil kay Cristo, tayong lahat ay nakakalapit sa Ama sa pamamagitan ng iisang Espiritu.

19 Samakatuwid, hindi na kayo mga dayuhan o taga-ibang bansa, kundi mga kababayan na ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan. 20 Tulad ng isang gusali, kayo'y itinayo sa pundasyong inilagay ng mga apostol at mga propeta,[a] na ang batong panulukan ay si Cristo Jesus. 21 Sa pamamagitan niya, ang bawat bahagi ng gusali ay nagkakaugnay-ugnay at nagiging isang templo na nakatalaga sa Panginoon. 22 Dahil din sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo man ay sama-samang itinatayo bilang tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.