Old/New Testament
4 Iginala ko ang aking paningin sa buong daigdig, at nakita ko ang kawalan ng katarungan. Ang mga inaapi ay lumuluha ngunit walang tumulong sa kanila sapagkat makapangyarihan ang sumisiil sa kanila. 2 Dahil dito, naisip kong mas mapalad ang mga patay kaysa sa mga buháy. 3 Ngunit higit na mapalad ang mga hindi na isinilang sapagkat hindi na nila nakita ang kasamaan sa mundong ito.
4 Nakita ko ring ang tao'y nagpapakapagod upang mahigitan ang kanyang kapwa. Ngunit ito man ay walang kabuluhan,[a] tulad lang ng paghahabol sa hangin. 5 Sinasabi nilang mangmang lamang ang maghahalukipkip ng kamay at magpapakamatay sa gutom. 6 Ngunit mas mabuti pa ang isang dakot na may katahimikan, kaysa dalawang dakot ng pagpapakapagod, at paghahabol sa hangin.
7 Mayroon pang ibang mga bagay sa mundong ito na nakita kong walang kabuluhan:[b] 8 ang isang taong nag-iisa sa buhay, walang kaibigan ni kamag-anak ngunit walang tigil sa pagtatrabaho. Wala siyang kasiyahan. Ni hindi niya itinatanong sa sarili kung kanino mauuwi ang kanyang pinagpaguran. Ito man ay walang kabuluhan,[c] isang miserableng pamumuhay.
9 Ang dalawa ay mabuti kaysa isa; mas marami ang bunga ng anumang gagawin nila. 10 Kapag nabuwal ang isa, maitatayo siya ng kanyang kasama. Kawawa ang nag-iisa sapagkat walang tutulong sa kanya kapag siya ay nabuwal. 11 Kung malamig ang panahon, maaari silang magtabi sa higaan upang parehong mainitan. Ngunit saan siya kukuha ng init kung nag-iisa siya? 12 Kung ang nag-iisa'y maaaring magtagumpay laban sa isa, lalo na ang dalawa. Ang lubid na may tatlong pilipit na hibla ay hindi agad malalagot.
13 Ang isang batang mahirap ngunit matalino ay mabuting di hamak kaysa sa isang matandang haring mangmang na ayaw nang tumanggap ng payo. 14 Ang batang iyon ay maaaring maging hari mula sa bilangguan o kahit siya'y ipinanganak na mahirap. 15 Nakita ko rin na ang lahat ng tao sa mundong ito'y sumusunod sa isang kabataang papalit sa hari. 16 Walang tigil ang pagdami ng taong nasasakupan ng isang hari ngunit pagkamatay niya, isa man ay walang pupuri sa lahat ng kanyang nagawa. Ito man ay walang kabuluhan,[d] tulad lang ng paghahabol sa hangin.
Huwag Pabigla-bigla sa Pangako
5 Mag-ingat ka sa pagpasok sa bahay ng Diyos. Ang pagsunod ay mabuti kaysa handog ng isang mangmang sapagkat hindi alam ng mangmang kung ano ang mabuti't masama. 2 Huwag kang pabigla-bigla sa pananalangin. Isipin mo munang mabuti ang ipapangako mo sa kanya sapagkat nasa langit siya at ikaw ay nasa lupa. Mag-ingat ka sa pagsasalita. 3 Ang panaginip ay bunga ng maraming alalahanin. Habang dumarami ang iyong sinasabi, lalong nanganganib na makapagsabi ka ng kamangmangan. 4 Kung(A) mangangako ka sa Diyos, tuparin ito agad; hindi siya nalulugod sa taong mangmang. Kaya tuparin mo ang iyong pangako sa kanya. 5 Mabuti pang huwag ka nang mangako kaysa mangangako at hindi mo tutuparin. 6 Huwag mong pabayaang magkasala ka dahil sa iyong pananalita, mangangako ka at pagkatapos ay babawiin mo. Sa ganyan galit na galit ang Diyos. Kung magkagayon, hindi ka niya pagpapalain sa anumang iyong ginagawa. 7 Kaya, gaano man kadalas ang iyong panaginip, gaano man karami ang walang kabuluhan[e] mong salita at gawa, magkaroon ka ng takot sa Diyos.
Ang Buhay ay Walang Kabuluhan
8 Huwag kang magtataka kung makita mong ang mahihirap ay inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Alalahanin mong ganoon din ang ginagawa ng nakatataas sa kanila at bawat pinuno ay may nakasasakop ding mas mataas na pinuno. 9 Sa isang lupaing puno ng kasaganaan, ang hari ang may pinakamainam na kalagayan.
10 Ang gahaman sa salapi ay walang kasiyahan at ang sakim sa kayamanan ay hindi masisiyahan sa kaunting pakinabang. Ngunit ito man ay walang kabuluhan.[f] 11 Habang lumalaki ang kayamanan, dumarami ang pangangailangan at ang tanging kasiyahan ng may-ari ay ang isiping siya ay mayaman. 12 Mahimbing ang tulog ng isang manggagawa, marami man o kaunti ang kanyang pagkain. Ngunit ang mayaman ay hindi man lamang dalawin ng antok.
13 Ito ang isang nakakalungkot na pangyayari na nakita ko sa mundong ito: ang tao'y nag-iimpok para sa kinabukasan. 14 Ngunit nauubos din sa masamang paraan kaya wala rin siyang maiiwan sa kanyang sambahayan. 15 Kung(B) paanong tayo'y walang dala nang isilang dito sa daigdig, wala rin tayong madadala pagpanaw natin. Wala tayong madadalang anuman sa ating pinagpaguran. 16 Narito pa ang isang mahirap isipin: kung ano ang ayos nang tayo'y dumating, gayon din ang ayos sa ating pag-alis. Nagpapakapagod tayo ngunit wala ring napapala. 17 Bukod dito, ang buhay natin ay laging may alinlangan; puno ng pagkabalisa, hinagpis, galit at karamdaman.
18 Ito ang isang mabuting bagay na aking nakita: nararapat lamang na kumain, uminom, at pakinabangan ng isang tao ang bunga ng kanyang pinagpaguran sa mundong ito, sa maikling panahong ibinigay sa kanya ng Diyos; ito ang ating bahagi. 19 Ganoon din ang dapat gawin ng lahat ng niloob ng Diyos na yumaman: tanggapin ang kanilang bahagi at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran sapagkat ito ay kaloob ng Diyos. 20 Sa gayon, hindi siya malulungkot kahit na maikli ang buhay niya sa daigdig sapagkat puno naman ito ng kasiyahan.
Walang Kabuluhan ang Kayamanan
6 Narito ang isang kawalan ng katarungan na nagaganap sa mundo: 2 Isang tao na binigyan ng Diyos ng malaking kayamanan, maraming ari-arian, at karangalan. Sa kasawiang-palad, hindi niloob ng Diyos na tamasahin niya ang kasiyahang dulot ng mga bagay na ito; bagkus ay iba ang nakinabang. Ito man ay walang kabuluhan[g] at nagdudulot lamang ng sama ng loob. 3 Mabuti pang di hamak ang sanggol na ipinanganak na patay kaysa isang taong nagkaanak ng 100 at nabuhay nang matagal ngunit hindi naranasan ang maging masaya at hindi pinarangalan nang siya ay ilibing. 4 Wala ring kabuluhang[h] matatamo ang isang sanggol kahit siya ipanganak sapagkat mamamatay din siya at malilimutan. 5 Hindi nito nakita ang araw ni natikman ang mabuhay, ngunit mayroon naman siyang ganap na kapayapaan. 6 Kaya mabuti pa siya nang hindi hamak kaysa isang taong nabuhay nang 2,000 taon ngunit di nakaranas ng kasiyahan. Hindi ba't iisa lang ang uuwian ng lahat?
7 Nagpapakapagod ang tao para sa kanyang tiyan ngunit kailanma'y di siya nagkaroon ng kasiyahan. 8 Ano ang kahigtan ng matalino sa mangmang? Ano ang mapapala ng isang mahirap kahit malaman niya ang pasikut-sikot ng buhay? 9 Mabuti pa ay masiyahan sa anumang kalagayan kaysa mangarap nang di naman makakamtan. Ito man ay walang kabuluhan,[i] tulad ng paghahabol sa hangin.
10 Lahat ng nangyayari sa daigdig ay alam na noong una pa, at ang tao'y di makapananaig laban sa kapangyarihang higit sa kanya. 11 Habang humahaba ang pagtatalo, lalo lang nawawalan ng kabuluhan; kaya paano masasabing nakahihigit ang isang tao sa kapwa? 12 Sino ang nakaaalam kung ano ang mabuti sa taong nabubuhay sa maikling panahon at pagkatapos ay mawawalang tulad ng anino? Sino ang makakapagsabi kung ano ang mangyayari pagkamatay niya?
Mga Pangitain at mga Pahayag
12 Kailangan ko pang magmalaki, kahit wala akong mapapala dito. Ang sasabihin ko naman ngayo'y ang mga pangitain at mga pahayag mula sa Panginoon. 2 May kilala akong isang Cristiano na dinala sa ikatlong langit, labing-apat na taon na ang nakakalipas. Hindi ko lang matiyak kung iyo'y isang pangitain lamang, o tunay na pangyayari; ang Diyos lamang ang nakakaalam. 3 Alam kong ang taong iyon ay dinala sa Paraiso. Hindi ko lang alam kung iyon ay isang pangitain o tunay na pangyayari. Tanging Diyos ang nakakaalam. 4 Nakarinig siya ng mga bagay na hindi kayang ilarawan ng salita at hindi maaaring sabihin ninuman. 5 Ipagmamalaki ko ang taong iyon, at hindi ang aking sarili, maliban sa aking mga kahinaan. 6 At kung ako'y magmalaki man, hindi ako lalabas na hangal, sapagkat totoo ang sasabihin ko. Ngunit hindi ko ito gagawin, sapagkat ayaw kong mag-isip ang sinuman nang higit tungkol sa akin kaysa kanyang nakita o narinig sa akin. 7 Ngunit upang hindi ako magyabang sa dami ng kamangha-manghang mga bagay na nasaksihan ko, ako'y binigyan ng pahirap sa aking katawan na nagsisilbing sugo ni Satanas upang pahirapan ako, at nang sa gayo'y hindi ako maging palalo. 8 Tatlong beses kong idinalangin sa Panginoon na alisin ito, ngunit 9 ganito ang kanyang sagot, “Ang kagandahang-loob ko ay sapat na para sa iyo, sapagkat lubusang nahahayag ang aking kapangyarihan kapag ikaw ay mahina.” Kaya't buong galak kong ipagmamalaki ang aking mga kahinaan upang manatili sa akin ang kapangyarihan ni Cristo. 10 Alang-alang kay Cristo, ako'y may kasiyahan sa gitna ng mga kahinaan, mga pagkutya, mga kahirapan, pag-uusig at kagipitan. Sapagkat kapag ako ay mahina, doon ako nagiging malakas.
Ang Malasakit ni Pablo sa mga Taga-Corinto
11 Ako'y naging hangal, ngunit kayo ang nagtulak sa akin na magkaganoon. Kayo sana ang dapat pumuri sa akin, dahil kahit na wala akong kuwenta, hindi naman ako nahúhulí sa magagaling na apostol na iyan. 12 Buong tiyaga kong pinatotohanan sa inyo na ako'y isang tunay na apostol sa pamamagitan ng mga himala at iba pang mga kamangha-manghang bagay. 13 Paano nakalamang sa inyo ang ibang mga iglesya? Sila'y nakalamang dahil hindi ako naging pabigat sa inyo. Ipagpatawad ninyo ang pagkukulang kong iyon.
14 Ito ang ikatlong pagpunta ko riyan, at hindi pa rin ako magiging pabigat sa inyo. Sapagkat kayo ang nais ko, at hindi kung anong mayroon kayo. Ang mga magulang ang dapat mag-impok para sa mga anak, at hindi ang mga anak para sa mga magulang. 15 At ikaliligaya kong gugulin ang lahat pati ang aking sarili upang kayo'y mabuhay. Kung madagdagan ang pagmamahal ko sa inyo, dapat bang mabawasan ang pagmamahal ninyo sa akin? 16 Alam ninyong hindi ako nakabigat kaninuman sa inyo. Subalit sinasabi ng ilan na ako'y tuso at dinadaya ko kayo. 17 Bakit? Pinagsamantalahan ko ba ang inyong kabutihan sa pamamagitan ng mga isinugo ko riyan? 18 Pinakiusapan ko si Tito na pumunta riyan at pinasama ko sa kanya ang isang kapatid. Si Tito ba'y nagsamantala sa inyo? Hindi ba't namuhay kami ayon sa iisang espiritu, at iisa ang aming pamamaraan?
19 Akala ba ninyo'y ipinagtatanggol namin ang aming sarili? Hindi! Mga minamahal, lahat ng ginagawa namin ay para sa ikabubuti ninyo. Nagsasalita kami sa harapan ng Diyos ayon sa kalooban ni Cristo.
20 Nangangamba akong baka pagpunta ko riyan ay may makita ako sa inyong hindi ko magustuhan, at kayo naman ay may makita sa aking hindi ninyo magustuhan. Baka ang matagpuan ko'y pag-aaway-away, pag-iinggitan, pag-aalitan, pagmamaramot, pagsisiraan, pagtsitsismisan, pagmamataas at kaguluhan. 21 Nangangamba ako na pagpunta kong muli riyan, hiyain ako ng aking Diyos sa harapan ninyo, at itatangis ko ang karumihan, pakikiapid at kahalayang hindi pa pinagsisihan at tinatalikuran ng marami sa inyo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.