Old/New Testament
10 Ang isang boteng pabango ay mapababaho ng isang patay na langaw. Ang bahagyang kamangmangan ay nakakasira sa karunungan at karangalan.
2 Ang matalino'y inaakay ng kanyang isipan tungo sa kabutihan. Ngunit ang mangmang ay hinihila ng kanyang damdamin tungo sa kasamaan. 3 Maging sa paglalakad ng mangmang ay nahahalata ang kanyang kahangalan. Nakikilala ng lahat na siya ay mangmang.
4 Kung ang pinuno mo'y magalit sa iyo, huwag kang magbibitiw sa iyong tungkulin, sapagkat maging ang malaking pagkakamali ay mapapatawad kung ikaw ay magiging mahinahon.
5 Ito pa ang isang di-makatuwirang nangyayari sa buong mundo, na may kinalaman sa pamumuno: 6 Ang mga mangmang ay inilalagay sa matataas na tungkulin ngunit ang mayaman ay sa mababang uri ng gawain. 7 Nakakita ako ng mga aliping nakasakay sa kabayo samantalang ang mga pinuno ay naglalakad.
8 Ang(A) nag-uumang ng bitag ay siya ring mahuhuli roon; ang lumulusot sa mga pader ay matutuklaw ng ahas. 9 Ang nagtitibag ng bato ay malamang na mabagsakan nito. Ang nagpuputol ng troso ay nanganganib na madaganan niyon. 10 Ang palakol ay pumupurol kapag hindi hinahasa. Ang mahusay na plano ay nakakatulong nang malaki sa pagtatagumpay. 11 Walang kabuluhan ang kapangyarihan ng nagpapaamo ng ahas kung hindi gagamitin sa pagsaway nito. 12 Ang mga salita ng matalino ay nag-aani ng karangalan, ngunit napapahamak ang mangmang dahil sa kanyang mga salita. 13 Ang pangungusap ng mangmang ay nag-uumpisa sa kamangmangan, hanggang matapos, ito pa ri'y kamangmangan. 14 Ang mangmang ay walang tigil sa pagyayabang. Ngunit sinong makakapagsabi ng susunod na pangyayari at ng magaganap kapag siya ay patay na?
15 Ang pagpapagod ng mangmang ang nagpapahina sa kanya, at hindi man lamang niya alam ang daan papunta sa bayan niya.
16 Kawawa ang lupain na ang hari'y isip bata, at ang mga pinuno'y mahilig sa handaan. 17 Ngunit mapalad ang lupain na may haring matino at may mga pinunong nakakaalam kung kailan dapat magdiwang.
18 Kung pabaya ang may-ari, ang bubong ay masisira; kung siya ay tamad, mawawasak ang buong bahay.
19 Ang pagkain ay nagdudulot ng kasiyahan, at nagpapasaya sa buhay ang inumin. Ito'y mabibiling lahat ng salapi.
20 Ni sa isip ay huwag susumpain ang inyong hari, ni sa pag-iisa'y huwag hamakin ang mayayaman pagkat may pakpak ang balita at may tainga ang lupa.
Ang mga Gawain ng Marunong
11 Maghagis ka ng tinapay sa gitna ng karagatan at may mapapakinabangan ka pagdating ng araw. 2 Hatiin sa pito, sa walo ang kalakal mo pagkat di mo masisiguro kung ano ang kasamaang mangyayari sa mundo.
3 Kapag ang ulap ay maitim na't di makaya ang hangin, nagiging ulan itong bumubuhos sa daigdig. Kung saan nakahapay ang punongkahoy ay doon ito mabubuwal. 4 Ang naghihintay sa pagtigil ng hangin ay di-kailanman makapaghahasik ng kanyang binhi. At ang nag-aalala sa patak ng ulan ay di makapag-aani. 5 Kung hindi mo maaaring malaman kung paanong ang hininga ay pumapasok sa katawan ng isang sanggol na nasa sinapupunan ng kanyang ina, lalong hindi maaabot ng isip mo kung paano ginagawa ng Diyos ang lahat ng bagay. 6 Sa umaga, inihahasik mo ang iyong binhi. Hindi ka tumitigil sa paggawa hanggang gabi sapagkat di mo tiyak kung alin ang magbibigay sa iyo ng tagumpay. O kaya'y umaasa kang lahat ay iyong papakinabangan.
7 Masarap ang nasa liwanag at kay gandang pagmasdan ang araw. 8 Kung ang tao'y mabubuhay nang matagal, dapat niyang ikagalak iyon. Ngunit alalahanin niyang ang darating na panahon ng kadiliman ay mas mahaba. Lahat ng mangyayari ay walang kabuluhan.[a]
9 Magalak ka binata sa panahon ng iyong kabataan. Gawin mo ang gusto mo at lahat ng kaakit-akit sa paningin mo. Ngunit tandaan mong ang lahat ng ito'y iyong ipagsusulit sa Diyos.
10 Iwaksi mo ang alalahanin at mga kabalisahan; ang kabataan at kasibulan ay pawang walang kabuluhan.[b]
12 Alalahanin mo ang iyong Manlilikha sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga araw at taon na puno ng kaguluhan, panahong hindi mo na madama ang tamis ng mabuhay. 2 Alalahanin mo ang Diyos bago makubli ang sikat ng araw, bago magdilim ang buwan at mga bituin, bago ka matabunan ng makapal at madilim na ulap. 3 Alalahanin mo siya bago humina ang iyong katawan, bago manghina ang iyong mga bisig, bago mawalan ng lakas ang iyong mga tuhod. Alalahanin mo siya bago mabungi ang iyong mga ngipin at bago lumabo ang iyong mga mata. 4 Alalahanin mo nga siya bago dumating ang panahon na sarado na ang mga pintuan at tumigil na ang tunog ng gilingan; bago dumating ang panahon na madali kang magising sa himig ng mga ibon, o ang tunog ng awitin ay tuluyan ng tumigil.[c] 5 Alalahanin mo siya bago dumating ang panahong katatakutan mong umakyat sa mataas na lugar, bago dumating ang panahong di ka na makalakad na mag-isa, bago pumuti ang iyong buhok, at lipasan ng pagnanasang sumiping sa minamahal.
Darating ang araw na tayo'y pupunta sa huli nating hantungan at marami ang tatangis sa lansangan. 6 Darating ang araw na malalagot ang tanikalang pilak na nagdadala sa ilawang ginto; babagsak ito at madudurog. Darating din ang araw na malalagot ang tali ng timba at ito'y babagsak at masisira. 7 Alalahanin mo siya bago manumbalik sa alabok ang ating katawang lupa at ang ating hininga ay magbalik sa Diyos na may bigay nito. 8 “Napakawalang kabuluhan![d] Lahat ay napakawalang kabuluhan,” sabi ng Mangangaral.
9 Lahat ng nalalaman ng Mangangaral ay itinuro niya sa mga tao. Pinag-aralan niyang mabuti ang mga kasabihan at sinubok kung ito'y totoo. 10 Pinipili niya ang mga salitang magdudulot ng kasiyahan at isinusulat ang katotohanan.
11 Ang mga salita ng matalino ay matulis na tulad ng tungkod na pantaboy ng kawan, tulad ng matulis na pakong nakabaon pagkat buhat sa tanging pastol nating lahat. 12 Anak ko, mag-ingat ka sa mga bagay na wala rito. Hindi matitigil ang paggawa ng iba't ibang aklat, at ang labis na pag-aaral ay pahirap sa katawan.
13 Sa kabila ng lahat ng ito, isa lamang ang aking masasabi: Matakot ka sa Diyos at sundin mo ang kanyang mga utos sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao. 14 Lahat ng gawin natin, hayag man o lihim, mabuti o masama ay ipagsusulit natin sa Diyos.
1 Mula kay Pablo na hinirang na apostol, hindi ng tao o sa pamamagitan ng tao, kundi ni Jesu-Cristo at ng Diyos Ama na muling bumuhay kay Jesus, 2 at mula sa lahat ng mga kapatid na kasama ko, pagbati sa mga iglesya sa Galacia:
3 Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos Ama at sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 4 Inialay ni Jesu-Cristo ang kanyang sarili para
sa ating kasalanan ayon sa kalooban ng ating Diyos Ama upang mahango tayo sa kasamaang naghahari ngayon sa sanlibutang ito. 5 Purihin ang Diyos magpakailanman! Amen.
Ang Tunay na Magandang Balita
6 Nagtataka ako kung bakit kay dali ninyong tumalikod sa Diyos na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng kagandahang-loob ni Cristo[a] at kayo'y bumaling agad sa ibang magandang balita. 7 Ang totoo'y wala namang ibang magandang balita; kaya nga lamang, may mga nanggugulo sa inyo at nagsisikap na baguhin ang Magandang Balita ni Cristo. 8 Subalit kahit kami o isang anghel mula sa langit ang mangaral sa inyo ng Magandang Balita na iba sa ipinangaral namin sa inyo, parusahan nawa siya ng Diyos! 9 Sinabi na namin ito sa inyo, at inuulit ko ngayon, parusahan nawa ng Diyos ang sinumang mangaral sa inyo ng Magandang Balita na naiiba kaysa tinanggap na ninyo.
10 Bakit ko sinasabi ito, dahil ba sa nais kong mapuri ng tao? Hindi! Ang papuri lamang ng Diyos ang tangi kong hinahangad. Sinisikap ko bang magbigay-lugod sa tao? Hindi! Kung iyan ang talagang hangad ko, hindi na sana ako naging alipin ni Cristo.
Paano Naging Apostol si Pablo
11 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang Magandang Balitang ipinangaral ko'y hindi katha ng tao. 12 Hindi ko ito tinanggap mula sa tao, at hindi rin itinuro sa akin ng sinumang tao. Si Jesu-Cristo mismo ang naghayag nito sa akin.
13 Hindi(A) kaila sa inyo kung paano ako namuhay noon bilang kaanib ng relihiyon ng mga Judio. Walang awa kong inusig ang iglesya ng Diyos at sinikap na ito'y wasakin. 14 Sa(B) relihiyon ng mga Judio, nahigitan ko ang maraming kasing-edad ko at ako'y lubhang masugid sa kaugalian ng aming mga ninuno.
15 Ngunit(C) dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, pinili niya ako bago pa ako ipanganak at tinawag upang maglingkod sa kanya. 16 Nang minabuti niyang ihayag sa akin ang kanyang Anak upang maipangaral ko siya sa mga Hentil, hindi ako sumangguni sa sinumang tao. 17 Ni hindi rin ako nagpunta sa Jerusalem upang makipagkita sa mga apostol na nauna sa akin; sa halip, nagpunta ako sa Arabia, at pagkatapos ay bumalik ako sa Damasco. 18 Pagkaraan(D) ng tatlong taon, pumunta ako sa Jerusalem upang makipag-usap kay Pedro, at labinlimang araw kaming nagkasama. 19 Wala akong nakitang iba pang apostol maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon.
20 Totoong lahat ang isinusulat ko sa inyo. Alam ng Diyos na hindi ako nagsisinungaling.
21 Pagkatapos, pumunta ako sa ilang lugar sa Siria at sa Cilicia. 22 Hindi pa ako kilala noon ng mga mananampalataya kay Cristo na nasa Judea. 23 Nakarating lamang sa kanila ang ganitong balita, “Ang dating umuusig sa atin ay nangangaral na ngayon ng pananampalatayang dati'y sinikap niyang wasakin.” 24 Kaya't nagpuri sila sa Diyos dahil sa akin.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.