Old/New Testament
Patungkol sa Buhay
7 Ang(A) mabuting pangalan ay mas mahalaga kaysa mamahaling pabango;
at ang araw ng kamatayan ay higit na mabuti kaysa araw ng kapanganakan.
2 Mas mabuting pumunta sa bahay ng namatayan
kaysa bahay na may handaan,
pagkat dapat alalahanin ng buháy na siya man ay nakatakda ring mamatay.
3 Ang kalungkutan ay mas mabuti kaysa katuwaan,
pagkat maaaring malungkot ang mukha ngunit masaya ang kalooban.
4 Mangmang ang isang taong nag-iisip ng kasayahan,
ngunit matalino ang isang taong naghahanda para sa kanyang kamatayan.
5 Mas mabuting makarinig ng saway ng matalino
kaysa isang mangmang ang pupuri sa iyo.
6 Ang halakhak ng mangmang
ay tulad ng siklab ng apoy,
walang kabuluhan.[a]
7 Ang matalinong nandadaya ay para na ring mangmang.
Ang suhol ay sumisira sa dangal ng tao.
8 Ang wakas ng isang bagay ay mas mainam kaysa pasimula.
Ang pagtitiyaga ay mabuti kaysa kapalaluan.
9 Pag-aralan(B) mong magpigil sa sarili;
mangmang lamang ang nagtatanim ng galit.
10 Huwag mong itatanong kung bakit mabuti noong araw kaysa ngayon,
pagkat iya'y tanong na walang katuturan.
11 Ang taong nagtataglay ng karunungan ay higit na mainam kaysa minamanang kayamanan.
12 Ang tulong na magagawa ng karunungan sa tao ay tulad ng magagawa ng salapi.
Ang tao'y maililigtas ng kanyang karunungan, at ito ang kabutihan ng kaalaman.
13 Pag-isipan mong mabuti ang ginawa ng Diyos. Sino ang makapagtutuwid sa binaluktot niya? 14 Magalak ka kung mainam ang takbo ng lahat ng bagay. Sa panahon ng kahirapan ay isipin mong parehong ipinadadala ng Diyos ang kaligayahan at kahirapan. Sino ang nakakaalam kung ano ang mangyayari bukas?
15 Sa loob ng maikling panahon ng aking pamumuhay, nakita ko ang lahat ng bagay. Nakita kong ang tao'y namamatay kahit siya mabuti, at may masamang nabubuhay nang matagal. 16 Huwag kayong magpapakabuti o magpapakatalino nang labis. Bakit mo pahihirapan ang iyong sarili? 17 Ngunit huwag ka rin namang magpapakasama ni magpapakamangmang at baka mamatay ka nang wala sa panahon. 18 Huwag kang magpapakalabis ng kabutihan o kasamaan. Sa anumang kalagayan mo, magtatagumpay ka kung may takot ka sa Diyos.
19 Higit ang magagawa ng karunungan ng isang tao, kaysa magagawa ng sampung hari sa isang lunsod.
20 Walang taong nabuhay sa daigdig na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.
21 Huwag mong pakinggan ang lahat ng sasabihin sa iyo ng tao at baka kalaunan ay mismong alila mo ang humamak sa iyo; 22 sapagkat alam mo sa iyong sarili kung gaano na karami ang iyong hinamak.
23 Sa lahat ng bagay ay sinubok ko ang karunungan sa pag-aakalang ako'y matalino ngunit napatunayan kong hindi pala. 24 Hindi natin matatarok ang kahulugan ng buhay. Napakahiwaga nito para natin maunawaan. 25 Gayunpama'y nagpatuloy ako sa pagdidili-dili. Nagsuri akong mabuti at mataman kong siniyasat ang dahilan ng lahat ng bagay. Nalaman kong kamangmangan ang magpakasama at walang kabuluhan[b] ang magpakamangmang. 26 Natuklasan ko ang isang bagay na mas mapait kaysa kamatayan: ito'y walang iba kundi ang babae. Ang kanyang pag-ibig ay tulad ng bitag, at ang kanyang mga bisig ay tulad ng tanikala. Ang taong matuwid ay nakakaiwas rito ngunit naaalipin ang mga masama. 27 Sinabi ng Mangangaral, “Pinag-ugnay-ugnay ko ang lahat ng bagay at ito ang aking natuklasan. 28 Pagkatapos ng mataman ngunit bigong pagsisiyasat, natuklasan kong sa 1,000 lalaki, isa lamang ang matalino, at sa 1,000 babae, walang matalino kahit isa. 29 Ito lamang ang natitiyak ko: ang tao'y nilikha ng Diyos sa kabutihan, ngunit ang tao'y nag-iisip ng kung anu-anong bagay.”
8 Sino ang ipapantay sa taong matalino na nakakasaliksik sa lahat ng bagay? Ang karunungan ay nagpapasaya sa mukha ng tao; pati ang matigas na anyo ng mukha ay nawawala.
Sundin ang Hari
2 Sundin mo ang utos ng hari, at huwag padalus-dalos sa pagbibitaw ng pangako sa Diyos. 3 Lumayo ka sa harap ng hari at huwag mong ipagpipilitan ang anumang labag sa kalooban niya sapagkat maaari niyang gawin ang lahat ng magustuhan niya. 4 Ang utos ng hari ay di mababali at walang makakatutol sa anumang gawin niya. 5 Ang masunurin ay di mapapahamak at alam ng matalino kung ano ang dapat gawin, kung kailan, at kung paano dapat isagawa. 6 May kanya-kanyang panahon at paraan para sa lahat ng bagay ngunit di natin ito lubusang nalalaman. 7 Walang makakapagsabi kung ano ang maaaring mangyari at kung paano ito magaganap. 8 Kung paanong di mapipigil ng tao ang hangin, gayon din hindi niya mapipigil ang pagdating ng kamatayan. Sa panahon ng digmaan, walang mapagtataguan; hindi tayo makakatakas. 9 Lahat ng ito'y nakita ko habang pinagmamasdan ang mga pangyayari sa buong mundo, ang iba'y may kapangyarihan, at ang iba naman ay api-apihan.
10 May nakita akong masasamang taong inilibing ngunit pag-uwi ng mga nakipaglibing ang masamang yaon ay pinupuri sa lugar na ginawan niya ng kasamaan. Ito man ay walang kabuluhan.[c] 11 Ang hatol sa kasamaan ay di agad iginagawad kaya naman ang tao'y nawiwili sa paggawa ng masama. 12 Kung sabagay, daan-daan man ang kasamaang gawin ng masama ay wala ring mawawala sa taong nabubuhay nang matuwid pagkat siya'y may takot sa Diyos. 13 Ngunit ang kasamaan ng masama ay di makakabuti sa kanya; mamumuhay silang parang anino at maaga silang mamamatay sapagkat hindi sila natatakot sa Diyos.
14 Narito pa ang isang bagay sa ibabaw ng lupa na walang kabuluhan:[d] ang kaparusahang para sana sa masama ay sa mabuti nangyayari at ang dapat namang mangyari sa mabuti ay sa masama nangyayari. Sa palagay ko, ito man ay walang kabuluhan. 15 Kaya para sa akin, ang tao'y dapat magpakasaya sa buhay. Walang pinakamabuti kundi kumain, uminom at magsaya. Ito ay magagawa niya habang siya'y nabubuhay at nagpapakapagod sa mundong ito.
16 Habang iniisip ko ang mga pangyayari sa daigdig, lalo akong naniniwalang kahit mag-isip nang mag-isip ang tao araw-gabi, 17 hindi niya mauunawaan ang mga gawa ng Diyos. Kahit ano pa ang kanyang pagpaguran sa mundong ito, hindi niya ito mauunawaan. Maaaring ipalagay ng matalino na alam niya ang bagay na ito ngunit ang totoo'y wala siyang nalalaman.
9 Ang lahat ng ito'y pinag-aralan kong mabuti at nalaman kong lahat ng kilos ng matuwid at ng matalino ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos, maging pag-ibig o pagkapoot. Walang makakatiyak kung ano ang mangyayari sa araw ng bukas. 2 Iisa ang kasasapitan ng lahat: ang nangyayari sa matuwid ay nangyayari rin sa di-matuwid, ganoon din sa mabuti at sa masama, sa malinis at sa marumi ayon sa Kautusan, sa naghahandog at sa hindi naghahandog. Ang nangyayari nga sa mabuti ay siya ring nangyayari sa masama. Walang pagkakaiba ang nangyayari sa marunong tumupad sa pangako at sa sumisira sa pangako. 3 Ito nga ang isang masamang bagay na nangyayari sa buong mundo: iisa ang kinasasapitan ng lahat. Habang ang tao'y nabubuhay, panay kasamaan ang kanyang iniisip, at ang hantungan ay kamatayan. 4 Ngunit habang nabubuhay ang tao ay di siya dapat mawalan ng pag-asa. Ang asong buháy ay mas mainam kaysa patay na leon. 5 Alam ng buháy na siya'y mamamatay ngunit ang patay ay walang anumang nalalaman. Wala na silang pag-asa, at nakakalimutan nang lubusan. 6 Nawawala pati kanilang pag-ibig, pagkapoot, at pagkainggit; anupa't wala silang namamalayan sa anumang nangyayari sa mundo.
7 Sige, magpakasaya ka sa pagkain at pag-inom sapagkat iyon ay itinakda ng Diyos para sa iyo. 8 Nawa'y lumigaya ka sa bawat oras.
9 Magpakaligaya ka sa piling ng babaing iyong minamahal habang ikaw ay nabubuhay sa mundong ito sapagkat iyon ang iyong bahagi at bunga ng iyong pinagpaguran sa maikling buhay na ito. 10 Anuman ang ginagawa mo'y pagbuhusan mo ng iyong buong makakaya sapagkat sa daigdig ng mga patay na kasasadlakan mo ay wala kang gagawin, ni pag-iisipan man, ni pagbubuhusan ng kaalaman o karunungan.
11 Ito pa ang isang bagay na napansin ko sa mundong ito: ang mabilis ay di siyang laging nananalo sa takbuhan ni ang malakas ay laging nagwawagi sa digmaan. Ang matatalino'y di laging nakakasumpong ng kanyang mga kailangan at di lahat ng marunong ay yumayaman. Napapansin ko rin na di lahat ng may kakayahan ay nagtatagumpay; lahat ay dinaratnan ng malas. 12 Hindi alam ng tao kung kailan ang kanyang takdang oras. Siya'y tulad ng isdang nasusukluban ng lambat, at ibong nahuhuli sa bitag. Ang tao'y parang nahuhulog sa patibong sa biglang pagdating ng masamang pagkakataon.
13 Narito pa ang isang halimbawa kung papaanong ang karunungan ay inuunawa sa mundong ito: 14 Mayroong isang maliit na bayan na kakaunti ang mamamayan. Kinubkob ito ng isang hari. Nagpahanda siya ng lahat ng kailangan sa pagsalakay. 15 Nagkataon na sa bayang yaon ay may isang mahirap ngunit matalinong tao na nakapag-isip ng paraan upang mailigtas ang nasabing bayan. Subalit pagkatapos, wala nang nakaalala sa kanya. 16 Ang sinasabi ko, makapangyarihan ang karunungan kaysa lakas. Ngunit ang karunungan ng taong mahirap ay hindi pinahahalagahan at ang mga salita nito ay hindi pinapansin.
17 Ang mahinang salita ng matalino ay mas may pakinabang kaysa sigaw ng hari sa gitna ng mga mangmang. 18 Ang karunungan ay makapangyarihan kaysa sandata ngunit ang isang pagkakamali ay nagbubunga ng malaking pinsala.
Pangwakas na Babala at mga Pagbati
13 Ito(A) ang ikatlong pagpunta ko riyan. “Ang anumang sumbong ay kailangang patunayan ng dalawa o tatlong saksi.” 2 Ngayong ako'y wala riyan,
inuulit ko sa mga nagkasala, at sa iba pa, ang sinabi ko noong pangalawang dalaw ko; hindi ako mag-aatubiling parusahan sila pagdating ko riyan. 3 Gagawin ko ito upang patunayan sa inyong si Cristo ay nagsasalita sa pamamagitan ko. Hindi siya mahina sa pakikitungo sa inyo, kundi makapangyarihan. 4 Kahit na siya'y mahina nang ipako sa krus, nabubuhay siya ngayon sa kapangyarihan ng Diyos. Dahil sa pakikipag-isa namin sa kanya, kami'y mahina rin, ngunit sa pakikitungo sa inyo, kami ay nabubuhay na kasama niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.
5 Subukin ninyo ang inyong mga sarili kung kayo'y namumuhay ayon sa pananampalataya. Suriin ninyo ang inyong sarili. Hindi ba ninyo nalalamang nasa inyo si Cristo Jesus? Maliban na lang kung kayo'y mga bigo sa pagsubok. 6 Umaasa akong makikita rin ninyo na hindi kami bigo. 7 Idinadalangin namin sa Diyos na sana'y huwag kayong gumawa ng masama, hindi upang palabasing kami'y tama, kundi upang magawa ninyo ang mabuti, kahit lumitaw na kami'y nabigo. 8 Sapagkat para sa katotohanan lamang ang maaari naming gawin at hindi laban sa katotohanan. 9 Kami'y nagagalak kapag kami ay mahina at kayo naman ay malakas. Kaya't idinadalangin naming kayo'y maging ganap. 10 Isinusulat ko ang mga bagay na ito habang ako'y wala pa riyan upang sa aking pagdating, hindi na kailangan pang magpakita ako ng bagsik sa paggamit ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng Panginoon. Ang kapangyarihang ito'y ibinigay sa akin upang kayo'y tumibay at hindi upang kayo'y masira.
11 Mga kapatid, paalam na sa inyo. Sikapin ninyong maging ganap at sundin ninyo ang mga payo ko; magkaisa na kayo, at mamuhay nang payapa. Sa gayon, sasainyo ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan.
12 Magbatian kayo bilang magkakapatid na nagmamahalan.[a]
Kinukumusta kayo ng lahat ng mga kabilang sa sambayanan ng Diyos. 13 Nawa'y sumainyong lahat ang kagandahang-loob ng Panginoong Jesu-Cristo, at ang pag-ibig ng Diyos, at ang pakikisama ng Espiritu Santo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.