Old/New Testament
22 Mas mabuting piliin ang malinis na pangalan,
kaysa pilak at ginto o anumang kayamanan.
2 Kay Yahweh ay pareho ang mayama't mahirap,
pagkat siya ang may lalang sa kanilang lahat.
3 Kung may dumarating na panganib, ang matalino'y nag-iingat,
ngunit di ito pansin ng mangmang kaya siya'y napapahamak.
4 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh at ang kapakumbabaan
ay nagbubunga ng yaman, buhay at karangalan.
5 Sa landas ng masama ay may tinik at mga patibong,
at ang nagmamahal sa sarili ay umiiwas doon.
6 Ituro(A) sa bata ang daang dapat niyang lakaran,
at hanggang sa paglaki'y di niya ito malilimutan.
7 Ang mahirap ay nasa kapangyarihan ng mayaman,
ang nangangailangan ay alipin ng nagpapahiram.
8 Ang naghahasik ng kasamaan ay mag-aani ng kamalasan,
at hindi magtatagal ang kanyang kasamaan.
9 Ang mahirap ay bahaginan mo ng pagkain,
at tiyak na ikaw ay pagpapalain.
10 Palayasin mo ang mga sulsol at mawawala ang alitan,
at matitigil ang kaguluhan pati pag-aaway.
11 Ang magiliw mangusap at may pusong dalisay,
pati ang hari'y magiging kaibigan.
12 Binabantayan ni Yahweh ang mga nag-iingat ng kaalaman,
ngunit di niya pinagtatagumpay ang salita ng mga mangmang.
13 Ang tamad ay ayaw lumabas ng bahay,
ang idinadahila'y may leon sa daan.
14 Ang salita ng mapang-apid ay isang patibong
at ang mga hindi nagtitiwala kay Yahweh ang nahuhulog doon.
15 Likas sa mga bata ang pagiging pilyo,
ngunit sa pamamagitan ng palo, sila'y matututo.
16 Ang nagreregalo sa mayaman o umaapi sa mahirap para magpayaman
ay mauuwi rin sa karalitaan.
Tatlumpung mga Kawikaan
17 Pakinggan mo at pag-aralang mabuti ang aking mga ituturo. 18 Ito'y magdudulot sa iyo ng kaligayahan kung isasaulo mo. 19 Sinasabi ko ito sa iyo sapagkat nais kong si Yahweh ang iyong panaligan. 20 Tatlumpu ang kawikaang ito. Bawat isa ay magandang panuntunan at magdudulot ng kaalaman. 21 Ituturo nito sa iyo kung ano ang katotohanan. Sa gayon, may maisasagot ka kung may magtanong sa iyo.
-1-
22 Huwag mong samantalahin ang kahinaan ng mahihirap, ni pagmalabisan ang dukha sa harap ng hukuman. 23 Sapagkat ipagtatanggol sila ni Yahweh, at aagawan niya ang nang-agaw sa mga iyon.
-2-
24 Huwag kang makipagkaibigan sa taong bugnutin, ni makisama sa taong magagalitin, 25 baka mahawa sa kanila at sa bitag ay masilo.
-3-
26 Huwag kang mangangako para sa utang ng iba, ni gumarantiya para sa kanya. 27 Kapag hindi ka nakabayad, hindi ba't kukunin pati ang higaan mo?
-4-
28 Huwag mong babaguhin ang mga hangganang itinayo, ito'y inilagay doon ng ating mga ninuno.
-5-
29 Alam ba ninyo kung sino ang pinaglilingkuran ng mga mahusay magtrabaho? Sila'y naglilingkod sa mga hari, hindi sa mga alipin.
-6-
23 Kung ikaw ay kasalo ng may mataas na katungkulan, huwag mong kalilimutan kung sino ang iyong kaharap. 2 Kung ikaw man ay matakaw, pigilan mo ang iyong sarili. 3 Huwag mong nasain ang pagkain ng hari, baka iyon ay pain lang sa iyo.
-7-
4 Huwag mong pagurin ang sarili sa pagpapayaman; pag-aralan mong umiwas doon. 5 Sapagkat madaling mawala ang kayamanan, ito'y simbilis ng agila sa paglipad sa kalawakan.
-8-
6 Huwag kang makikikain sa taong kuripot, ni nanasain man ang masasarap niyang pagkain. 7 Sapagkat iyon ay maninikit sa iyong lalamunan. Aanyayahan ka nga niyang kumain at uminom, ngunit hindi bukal sa kalooban. 8 Isusuka mo rin ang lahat ng iyong kinain at masasayang lang ang maganda mong sasabihin.
-9-
9 Ingatan mo ang iyong dila sa harap ng mga mangmang, hindi nila mauunawaan kahit gaano kaganda ang sabihin mo.
-10-
10 Huwag mong babaguhin ang hangganang matagal nang nakalagay, ni sasakupin ang lupa ng mga ulila. 11 Sapagkat ang Tagapagtanggol nila ay makapangyarihan, at siya ang iyong makakalaban.
-11-
12 Huwag kang hihiwalay sa mabubuting aral, at pakinggan mong mabuti ang salita ng karunungan.
-12-
13 Disiplinahin mo ang bata. Ang wastong pagpalo ay hindi niya ikamamatay. 14 Inililigtas mo pa siya mula sa daigdig ng mga patay.
-13-
15 Anak, matutuwa ako kung magiging matalino ka. 16 Makadarama ako ng pagmamalaki kung ang mga salita mo ay may karunungan.
-14-
17 Huwag kang maiinggit sa mga makasalanan, sa halip, si Yahweh ay laging igalang at sundin. 18 Kung magkagayon ay gaganda ang iyong kinabukasan.
-15-
19 Anak, maging matalino ka at pag-isipan mong mabuti ang iyong buhay. 20 Huwag kang makikisama sa mga lasenggo at sa masiba sa pagkain. 21 Pagkat sila'y masasadlak sa kahirapan, at darating ang panahong magdadamit ng basahan.
-16-
22 Pakinggan mo ang iyong ama na pinagkakautangan mo ng buhay, at huwag hahamakin ang iyong ina kapag siya'y matanda na.
23 Hanapin mo ang katotohanan, karunungan at unawa. Pahalagahan mo ang mga ito at huwag pababayaang mawala.
24 Ang ama ng taong matuwid ay puno ng kagalakan. Ipinagmamalaki ng ama ang anak na matalino.
25 Sikapin mong ikaw ay maging karapat-dapat ipagmalaki ng iyong mga magulang at madudulutan mo ng kaligayahan ang iyong ina.
-17-
26 Anak, makinig kang mabuti sa akin at tularan mo ang aking pamumuhay. 27 Ang masasamang babae at di-tapat na asawa ay mapanganib na patibong, tiyak na mamamatay ang mahulog doon. 28 Siya'y laging nakaabang tulad ng magnanakaw, at sinumang maakit niya ay natututong magtaksil.
-18-
29 Sino ang may kalungkutan at may malaking panghihinayang? Sino ang may kaaway at kabalisahan? Sino ang nasusugatan nang di nalalaman? At sino ang may matang pinamumulahan? 30 Sino pa kundi ang sugapa sa alak, at ang nagpapakalango sa masarap na inumin. 31 Huwag mong tutunggain ang matapang na alak kahit ito'y katakam-takam, 32 sapagkat kinaumagahan ay daig mo pa ang tinuklaw ng ahas na makamandag. 33 Kung anu-ano ang iyong sasabihin, at hindi ka makapag-isip nang mabuti. 34 Ang makakatulad mo'y nasa gitna ng dagat at hinahampas ng malalaking alon. Pasuray-suray kang maglalakad 35 at sasabihin mo, “Ano sa akin kung ako'y mahandusay? Mabulagta man ako, ayos lang iyan! Pagbangon ko, iinom muli ako.”
-19-
24 Huwag mong kainggitan ang mga makasalanan ni sa kanila'y makipagkaibigan. 2 Ang nasa isip nila'y laging kaguluhan, at ang dila nila'y puno ng kasinungalingan.
-20-
3 Sa pamamagitan ng karunungan, naitatayo ang isang bahay, at ito'y naitatatag dahil sa kaunawaan. 4 Ang loob ng tahanan ay napupuno ng lahat ng magagandang bagay dahil sa karunungan.
-21-
5 Ang karunungan ay higit na mabuti kaysa kalakasan. At ang kaalaman ay kapangyarihan. 6 Ang digmaa'y naipagtatagumpay dahil sa mahusay na pagpaplano sapagkat ang tagumpay ay bunga ng mabuting payo.
-22-
7 Ang malalim na kasabihan ay di mauunawaan ng mangmang. Wala itong masasabi sa mahahalagang usapan.
-23-
8 Ang mahilig sa paggawa ng masama ay tinatawag na puno ng kasamaan. 9 Anumang pakana ng masama ay kasalanan, at kinamumuhian ng tao ang nanunuya sa kapwa.
-24-
10 Kung hindi ka makatagal sa panahon ng kahirapan ay nangangahulugan ngang ikaw ay mahina.
-25-
11 Tulungan mo at iligtas ang hinatulang mamatay nang walang katarungan. 12 Kapag sinabi mong, “Wala akong pakialam sa taong iyan,” ito'y hindi maikakaila sa Diyos na nakakaalam ng laman ng iyong puso. Alam ito ng Diyos na nakatunghay sa iyo. Pagbabayarin niya ang tao ayon sa ginawa nito.
-26-
13 Anak, uminom ka ng pulot-pukyutan at ito'y makakabuti sa iyo. Kung ang pulot-pukyutan ay masarap sa panlasa, 14 ang karunungan naman ay mabuti sa kaluluwa. Kaya, hanapin mo ang kaalaman at magkakaroon ka ng magandang kinabukasan.
-27-
15 Ang tahanan ng matuwid ay huwag mong pag-isipang pagnakawan, ni gagawan ng dahas ang kanyang tinitirhan, 16 sapagkat siya'y makatatayong muli mabuwal man ng pitong ulit. Ngunit ang masama ay dagling nababagsak sa panahon ng kahirapan.
-28-
17 Huwag mong ikagalak ang pagbagsak ng iyong kaaway ni ang kanyang kapahamakan. 18 Kapag ginawa mo iyon, magagalit sa iyo si Yahweh at sila'y hindi na niya paparusahan.
-29-
19 Huwag kang maiinggit sa mga gumagawa ng masama ni tutulad sa kanilang mga gawa. 20 Ang masama ay walang kinabukasan, walang inaasahan sa hinaharap.
-30-
21 Anak, igalang at sundin mo si Yahweh, gayon din ang hari. Huwag mong susuwayin ang sinuman sa kanila 22 sapagkat bigla na lang kayong mapapahamak. Hindi ka ba natatakot sa pinsalang magagawa nila sa iyo?
Mga Karagdagang Kawikaan
23 Narito pa ang ilang mahahalagang kawikaan:
Hindi dapat magtangi sa pagpapairal ng katarungan. 24 Ang hukom na nagpapawalang-sala sa may kasalanan ay itinatakwil ng tao at isinusumpa ng bayan. 25 Ang nagpaparusa sa masama ay mapapabuti at pagpapalain.
26 Ang tapat na kasagutan ay tanda ng mabuting pagkakaibigan.
27 Ihanda mo muna ang iyong bukid para mayroon kang tiyak na pagkakakitaan bago ka magtayo ng bahay at magtatag ng tahanan.
28 Huwag kang sasaksi laban sa iyong kapwa nang walang sapat na dahilan, ni magsasabi ng kasinungalingan laban sa kanya. 29 Huwag mong sasabihin, “Gagawin ko sa kanya ang ginawa niya sa akin upang ako'y makaganti!”
30 Napadaan ako sa bukid at ubasan ng isang tamad at mangmang. 31 Ito'y puno ng matinik na damo, at gumuho na ang bakod nito. 32 Ang nakita ko'y pinag-isipan kong mabuti at may nakuha akong magandang aral: 33 Kaunting(B) tulog, bahagyang idlip, sandaling pahinga at paghalukipkip, 34 samantalang namamahinga ka ang kahirapa'y darating na parang armadong magnanakaw upang kunin ang lahat ng iyong kailangan.
Paano Dapat Magbigay ang Isang Cristiano?
8 Mga(A) kapatid, nais naming malaman ninyo ang ipinakitang kagandahang-loob ng Diyos sa mga iglesya sa Macedonia. 2 Dumanas sila ng matinding kahirapan at ito'y isang mahigpit na pagsubok sa kanila. Ngunit sa kabila ng kanilang paghihikahos, masayang-masaya pa rin sila at bukás ang palad sa pagbibigay. 3 Sila'y kusang-loob na nagbigay, hindi lamang sa abot ng kanilang kaya, kundi higit pa. Alam ko ito sapagkat 4 mahigpit nilang ipinakiusap sa amin na sila'y bigyan ng pagkakataong makatulong sa mga kapatid na nangangailangan, 5 at higit pa sa inaasahan namin. Ibinigay nila ang kanilang sarili, una sa Panginoon, at pagkatapos ay sa amin, ayon sa kalooban ng Diyos. 6 Kaya't pinakiusapan namin si Tito, dahil siya ang nagsimula ng gawaing ito, na kayo'y tulungan niya hanggang sa malubos ang pagkakawanggawa ninyong ito. 7 Masagana kayo sa lahat ng bagay: sa pananampalataya, sa pagpapahayag, sa kaalaman, sa kasipagan, at sa inyong pag-ibig sa amin.[a] Sikapin ninyong maging masagana rin sa pagkakawanggawang ito.
8 Hindi sa inuutusan ko kayo. Sinasabi ko lamang sa inyo ang pagsisikap ng iba upang masubok ang katapatan ng inyong pag-ibig. 9 Hindi kaila sa inyo ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kahit na mayaman ay naging dukha upang maging mayaman kayo sa pamamagitan ng kanyang pagiging dukha.
10 Kaya ito ang payo ko: mas mabuting ipagpatuloy ninyo ang inyong pag-iipon ng kaloob na sinimulan ninyo noon pang isang taon. Kayo ang nanguna, hindi lamang sa pagsasagawa nito kundi maging sa paghahangad. 11 Kaya't tapusin na ninyo ito! Ang sigasig ninyo noon sa paghahangad ay tumbasan ninyo ng sigasig na tapusin ang bagay na ito. Magbigay kayo ayon sa inyong makakaya. 12 Sapagkat kung may hangaring magbigay, tatanggapin ng Diyos ang inyong kaloob ayon sa inyong makakaya at hindi ayon sa hindi ninyo kaya.
13 Hindi sa ibig kong guminhawa ang iba at mabigatan naman kayo. 14 Ang ibig ko ay matulungan ninyo ang isa't isa. Masagana kayo ngayon; marapat lamang na tulungan ninyo ang mga nangangailangan. Kung kayo naman ang mangailangan at sila'y sumagana, sila naman ang tutulong sa inyo. Sa gayon, magkakapantay-pantay ang kalagayan ninyo. 15 Tulad(B) ng nasusulat,
“Ang kumuha ng marami ay hindi lumabis,
at ang kumuha ng kaunti ay hindi naman kinulang.”
Si Tito at ang Kanyang mga Kasama
16 Salamat sa Diyos dahil inilagay niya sa puso ni Tito ang gayunding pagmamalasakit. 17 Hindi lamang niya pinaunlakan ang aming pakiusap, kundi sa kagustuhang makatulong sa inyo, nagprisinta pang siya ang pupunta riyan. 18 Pinasama namin sa kanya ang kapatid na kilala sa lahat ng iglesya dahil sa kanyang pangangaral ng Magandang Balita. 19 Hindi lamang iyan! Siya'y pinili ng mga iglesya upang maglakbay kasama namin at tulungan kami sa pangangasiwa sa gawaing ito. Ang ganitong pagkakawanggawa ay para sa ikaluluwalhati ng Panginoon at upang maipakita ang aming hangaring makatulong.
20 Nag-iingat kami upang walang masabi ang sinuman tungkol sa pangangasiwa namin sa masaganang kaloob na ito. 21 Ang(C) layunin namin ay gawin kung ano ang marangal, hindi lamang sa paningin ng Panginoon kundi maging sa paningin ng mga tao.
22 Kaya isinusugo naming kasama nila ang isa pa nating kapatid na subok na namin sa maraming pagkakataon, at lalong masigasig sa pagtulong ngayon dahil sa malaking tiwala niya sa inyo. 23 Tungkol kay Tito, siya ang kasama ko at kamanggagawa sa pagtulong sa inyo. Tungkol naman sa mga kapatid na kasama niya, sila'y mga kinatawan ng mga iglesya sa ikararangal ni Cristo. 24 Kaya't ipadama ninyo sa kanila ang matapat ninyong pag-ibig upang makita ng mga iglesya na hindi kami nagkamali sa pagmamalaki tungkol sa inyo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.