Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Old/New Testament

Each day includes a passage from both the Old Testament and New Testament.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Kawikaan 19-21

19 Mas mabuti ang mahirap na marangal ang pamumuhay,
    kaysa taong masalita ngunit walang nalalaman.
Masugid man kung mangmang, walang mapapakinabang;
    ang kawalan ng tiyaga'y magbubulid sa kaguluhan.
Ipinapahamak ng mangmang ang kanyang sarili,
    pagkatapos si Yahweh ang kanyang sinisisi.
Ang kayamana'y umaakit ng maraming kaibigan,
    ngunit ang mahirap ay tinatalikuran ng dating kasamahan.
Ang bulaang saksi ay tiyak na mapaparusahan,
    at ang sinungaling ay wala ring tatakbuhan.
Marami ang lumalapit sa taong mabait,
    at sa taong bukas-palad, lahat ay malapit.
Kung ang mahirap ay tinatalikuran ng mismong kapatid,
    wala na itong magiging kaibigan, kaninuman lumapit.
Ang nagsisikap matuto, sa sarili ay nagmamahal,
    ang nagpapahalaga sa karunungan ay magtatagumpay.
Ang bulaang saksi ay tiyak na mapaparusahan,
    at ang sinungaling ay wala ring tatakbuhan.
10 Ang masaganang pamumuhay ay di angkop sa isang mangmang;
    gayon din ang alipin, di dapat mamuno sa mga dugong bughaw.
11 Ang kahinahunan ay nagpapakilala ng katalinuhan,
    ang pagpapatawad sa masamang ginawa sa kanya ay kanyang karangalan.
12 Ang poot ng hari ay parang leong umuungal,
    ngunit ang kanyang paglingap ay parang hamog sa halaman.
13 Ang anak na hangal ay kasawiang-palad ng kanyang ama,
    at tila ulang walang tigil ang bibig ng madaldal na asawa.
14 Namamana sa magulang ang bahay at kayamanan,
    ngunit si Yahweh lang ang nagbibigay ng mabuting maybahay.
15 Ang taong tamad ay laging nakatihaya;
    kaya't siya'y magugutom, walang panlagay sa sikmura.
16 Ang tumutupad sa kautusan ay nag-iingat ng kanyang buhay,
    at ang nagwawalang-bahala sa utos ay tiyak na mamamatay.
17 Parang pagpapautang kay Yahweh ang pagtulong sa mahirap,
    at pagdating ng panahon, si Yahweh ang magbabayad.
18 Ituwid mo ang iyong anak habang may pagkakataon pa,
    kung hindi'y ikaw na rin ang nagtulak sa pagkawasak niya.
19 Di dapat pansinin ang taong mainit ang ulo,
    mapayuhan mo mang minsan, patuloy ding manggugulo.
20 Dinggin mo at sundin ang payo sa iyo,
    at pagdating ng araw, pakikinabangan mo.
21 Ang isang tao'y maraming iniisip, maraming binabalak,
    ngunit ang kalooban din ni Yahweh ang siyang mananaig.
22 Kaibig-ibig sa isang tao ang kanyang katapatan,
    higit na mainam ang mahirap kaysa isang bulaan.
23 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagbibigay ng buhay,
    ang gumawa nito'y makakaranas ng kapayapaan, at ligtas sa kapahamakan.
24 Ang kamay ng batugan ay nadidikit sa pinggan,
    hindi halos makasubo dahil sa katamaran.
25 Parusahan mo ang mapanuya, matututo pati mangmang,
    pagsabihan mo ang may unawa, lalawak ang kanyang kaalaman.
26 Ang anak na suwail sa magulang
    ay anak na masama at walang kahihiyan.
27 Ang anak na ayaw makinig sa pangaral
    ay tumatalikod sa turo ng kaalaman.
28 Ang saksing sinungaling ay sumisira sa takbo ng katarungan,
    ang bibig ng liko ay nagbubunga ng kasamaan.
29 May hatol na nakalaan para sa mga mapanuya,
    at sa mga mangmang ay may hagupit na nakahanda.

20 Ang alak ay nagpapababa sa dangal ng isang tao,
    kaya isang kamangmangan ang magpakalulong dito.
Ang poot ng hari ay parang leong umuungal,
    ang gumalit sa kanya'y nanganganib ang buhay.
Ang marangal na tao'y umiiwas sa kaguluhan,
    ngunit ang gusto ng mangmang ay laging pag-aaway.
Ang taong tamad sa panahon ng taniman
    ay walang magagapas pagdating ng anihan.
Tulad ng tubig na malalim ang isipan ng isang tao,
    ngunit ito'y matatarok ng isang matalino.
Sinasabi ng bawat isa na siya ay tapat,
    ngunit kahit kanino sa kanila'y hindi ka nakakatiyak.
Kung ang isang ama'y namumuhay sa katuwiran,
    mapalad ang mga anak na siya ang tinutularan.
Sa pagluklok ng hari upang igawad ang kahatulan,
    walang matatagong anumang kasamaan.
Sino ang makakapagsabi na ang puso niya'y malinis
    at di namuhay sa kasamaan kahit isang saglit?
10 Ang mandarayang timbangan at mandarayang sukatan,
    kay Yahweh ay parehong kasuklam-suklam.
11 Kahit ang bata ay makikilala sa kanyang mga gawa;
    makikita sa kanyang kilos kung siya ay tapat nga.
12 Ang taingang nakakarinig at matang nakakakita,
    parehong si Yahweh ang siyang maylikha.
13 Matulog ka nang matulog at ika'y maghihirap,
    ngunit maganda ang iyong bukas kung ika'y magsisikap.
14 Ang sabi ng mamimili, “Ang presyo mo'y ubod taas.”
    Ngunit pagtalikod ay ipinamamalitang nakabarat.
15 Ang taong nakakaalam ng kanyang sinasabi,
    daig pa ang may ginto at alahas na marami.
16 Ang sinumang nananagot sa utang ng iba,
    dapat kunan ng ari-arian bilang garantiya.
17 Anumang nakuha sa pandaraya ay parang masarap na pagkain,
    ngunit kapag tumagal ay para kang kumain ng buhangin.
18 Ang mabuting payo ay kailangan para magtagumpay;
    kung hindi ka handa huwag nang pumalaot sa labanan.
19 Ang lihim ay nahahayag dahil sa mga tsismis,
    kaya huwag kang makisama sa taong makati ang dila.
20 Sinumang magmura sa kanyang magulang,
    parang ilaw na walang ningas ang wakas ng kanyang buhay.
21 Ang perang hindi pinaghirapan,
    kung gastusin ay walang hinayang.
22 Huwag mong gantihan ng masama ang masama;
    tutulungan ka ni Yahweh, sa kanya ka magtiwala.
23 Si Yahweh ay napopoot sa panukat na di tama,
    siya ay namumuhi sa timbangang may daya.
24 Si Yahweh lamang ang nagtatakda ng ating landasin;
    kaya huwag ipagyabang ang iyong lakbayin.
25 Bago mangako sa Diyos ay isiping mabuti,
    upang hindi ka magsisi sa bandang huli.
26 Malalaman ng haring matalino ang lahat ng gumagawa ng masama,
    at pagdating ng araw sila'y pinaparusahan nang walang awa.
27 Binigyan tayo ni Yahweh ng isipan at ng budhi,
    kaya't wala tayong maitatago kahit na sandali.
28 Ang haring tapat at makatarungan
    ay magtatagal sa kanyang luklukan.
29 Karangalan ng kabataan ang kanyang kalakasan,
    ang putong ng katandaan, buhok na panay uban.
30 Ang hampas na lumalatay ay lumilinis ng kasamaan,
    at ang palong nadarama'y humuhugas sa kalooban.

21 Hawak ni Yahweh ang isip ng isang hari
    at naibabaling niya ito kung saan igawi.
Ang akala ng tao lahat ng kilos niya'y wasto,
    ngunit si Yahweh lang ang nakakasaliksik ng puso.
Higit na kalugud-lugod kay Yahweh kaysa mga handog
    ang mga gawang makatuwiran at makatarungan.
Ugaling mapangmata at pusong mapagyabang,
    ito ang siyang gabay ng mga makasalanan.
Ang mabuting pagbabalak ay pinapakinabangan,
    ngunit ang dalus-dalos na paggawa'y walang kahihinatnan.
Ang pagkakamal ng salapi dahil sa kadayaan
    ay maghahatid sa maagang kamatayan.
Ang masama'y ipinapahamak ng sariling karahasan,
    pagkat ayaw gawin ang talagang katuwiran.
Ang landas ng may sala ay paliku-liko,
    ngunit ang lakad ng matuwid ay laging wasto.
Masarap(A) pa ang tumira sa bubungan ng bahay
    kaysa sa loob ng bahay na ang kasama'y asawang madaldal.
10 Ang isip ng masama'y lagi sa kalikuan,
    kahit na kanino'y walang pakundangan.
11 Parusahan mo ang mangungutya at matututo ang mangmang,
    pagsabihan mo ang matino, lalong lalawak ang kanyang kaalaman.
12 Alam ng Diyos ang nangyayari sa loob ng bahay ng masama,
    at siya'y gumagawa ng paraan upang sila'y mapariwara.
13 Ang hindi pumapansin sa daing ng mahirap,
    daraing din balang araw ngunit walang lilingap.
14 Kung ang kapwa mo ay may hinanakit,
    regaluhan mo nang palihim, mawawala ang galit.
15 Kapag umiiral ang katarungan, natutuwa ang matuwid,
    ngunit nalulungkot ang masama at may likong pag-iisip.
16 Ang lumilihis sa daan ng kaalaman
    ay hahantong sa kamatayan.
17 Ang taong maluho at mahilig sa alak ay di yayaman,
    bagkus sa hirap siya'y masasadlak.
18 Ang masamang balak sa taong matuwid
    ay babalik sa liko ang pag-iisip.
19 Mas mabuti ang mag-isang manirahan sa ilang
    kaysa makisama sa asawang madaldal at palaaway.
20 Ang bahay ng matalino'y napupuno ng kayamanan,
    ngunit lahat ay winawaldas ng taong mangmang.
21 Ang lumalakad sa daan ng katuwiran at katapatan
    ay nagkakamit ng buhay at karangalan.
22 Ang matalinong pinuno ay makakapasok sa lunsod na may mga bantay,
    at kanyang maiguguho ang inaasahan nilang muog na matibay.
23 Ang pumipigil sa kanyang dila
    ay umiiwas sa masama.
24 Ang taong makasarili ay palalo at mapang-api.
25 Gutom ang papatay sa taong batugan,
    pagkat ayaw niyang ikilos ang kanyang mga kamay.
26 Ang taong tamad ay nanghihingi araw-araw,
    ngunit ang matuwid ay di nagsasawa ng kabibigay.
27 Ang(B) handog ng masama ay kasuklam-suklam sa Diyos,
    lalo't ang layunin nito ay di kalugud-lugod.
28 Ang patotoo ng sinungaling ay di papakinggan,
    ngunit ang salita ng tapat ay pahahalagahan.
29 Alam ng matuwid ang kanyang hinaharap,
    di tulad ng masama, nagkukunwa, nagpapanggap.
30 Ang kaalaman ng tao, unawa o karunungan
    ay di makatutulong kung si Yahweh ay kalaban.
31 Ang kabayo'y naihahanda para sa digmaan,
    ngunit tanging si Yahweh ang nagbibigay ng tagumpay.

2 Corinto 7

Mga minamahal, yamang ipinangako sa atin ang mga bagay na ito, alisin natin sa ating sarili ang lahat ng nakapagpaparumi sa ating katawan at sa ating espiritu. Sikapin nating mamuhay nang may ganap na kabanalan at paggalang sa Diyos.

Ang Kagalakan ni Pablo

Bigyan ninyo kami ng puwang sa inyong puso. Kailanma'y hindi namin kayo ginawan ng masama, itinulak na gumawa ng masama, o nilamangan ang sinuman sa inyo. Sinasabi ko ito hindi upang hatulan kayo sapagkat gaya ng sinabi ko, mahal na mahal namin kayo at kami'y kasama ninyo sa buhay at kamatayan. Lubos ang aking pagtitiwala sa inyo; lagi ko kayong ipinagmamalaki! Sa kabila ng lahat naming tinitiis, ang nadarama ko'y kaaliwan; nag-uumapaw sa puso ko ang kagalakan.

Nang(A) kami'y nasa Macedonia, hindi rin kami nakapagpahinga. Sa lahat ng pagkakataon ay naranasan namin ang matinding hirap, panunuligsa mula sa labas at pangamba naman na nasa aming kalooban. Subalit ang Diyos na umaaliw sa naghihinagpis ay nagbigay-aliw sa amin sa pagdating ni Tito. Hindi lamang ang pagdating niya ang nakaaliw sa amin. Maging ang pag-aliw ninyo sa kanya ay nakaaliw din sa amin. Ibinalita niya ang inyong pananabik na ako'y makita, ang inyong kalungkutan at pagmamalasakit sa akin, kaya't lalo akong nagalak.

Hindi ko pinagsisisihan ang pagkasulat ko sa inyo kahit na nalungkot kayo dahil dito. Nalungkot nga ako nang malaman kong nasaktan kayo nang kaunting panahon dahil sa aking sulat. Ngayon ay nagagalak na ako sapagkat ang kalungkutang iyon ang ginamit ng Diyos para akayin kayo na pagsisihan at talikuran ang inyong pagkakasala, kaya't hindi kayo napinsala dahil sa amin. 10 Sapagkat ang kalungkutang buhat sa Diyos ay nagbubunga ng pagsisisi at pagbabago tungo sa kaligtasan. Ngunit ang kalungkutang dulot ng mundo ay humahantong sa kamatayan. 11 Tingnan ninyo ang ibinunga ng kalungkutang buhat sa Diyos: naging masikap kayo at masigasig na linisin ang inyong pangalan; nagalit kayo sa mali; nagkaroon kayo ng banal na pagkatakot; nanabik kayo sa aking pagdating; nagkaroon ng malasakit at hangaring maparusahan ang nagkasala! Ipinakita ninyo sa lahat ng paraan na kayo'y walang sala sa mga bagay na iyon.

12 Kaya nga, ang pagsulat ko sa inyo ay hindi dahil sa taong nagkasala o sa taong ginawan ng kasalanan, kundi upang sa harapan ng Diyos ay makita ninyo na kayo'y nagmamalasakit sa amin. 13 Kaya't ang ginawa ninyo ay nagdulot sa amin ng malaking kaaliwan.

At nalubos ang aming kagalakan dahil pinasigla ninyo ang kalooban ni Tito. 14 Ipinagmalaki ko kayo sa kanya, at hindi naman ako napahiya. Sapagkat kung paanong lahat ng sinasabi ko sa inyo ay totoo, napatunayang totoo rin ang lahat ng sinabi ko kay Tito tungkol sa inyo. 15 At lalo kayong napapamahal sa kanya habang naaalala niya ang pagkamasunurin ninyong lahat at ang inyong pagtanggap sa kanya nang may takot at paggalang. 16 Labis akong nagagalak dahil kayo'y lubos kong mapagkakatiwalaan.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.