Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Genesis 30

Ang kaniyang mga anak.

30 At nang makita ni Raquel, na (A)hindi siya nagkakaanak kay Jacob, ay nainggit si Raquel sa kaniyang kapatid; at sinabi kay Jacob, Bigyan mo ako ng anak, o kung hindi ay mamamatay ako!

At nagningas ang galit ni Jacob laban kay Raquel; at nagsabi, (B)Ako ba'y nasa kalagayan ng Dios, na nagkait sa iyo ng bunga ng bahay-bata?

At sinabi niya, Narito ang aking alilang si Bilha, sumiping ka sa kaniya; (C)upang manganak sa ibabaw ng aking mga tuhod, (D)at magkaroon din naman ako ng anak sa pamamagitan niya.

At ibinigay niyang asawa si Bilha na kaniyang alila: at sinipingan ni Jacob.

At naglihi si Bilha, at nagkaanak kay Jacob, ng isang lalake.

At sinabi ni Raquel, Hinatulan ako ng Dios, at dininig din naman ang aking tinig, at binigyan ako ng anak: kaya't pinanganlang Dan.

At si Bilhang alila ni Raquel ay naglihi uli at ipinanganak ang kaniyang ikalawang anak kay Jacob.

At sinabi ni Raquel, Ako'y nakipagbaka ng malaking pakikipagbaka sa aking kapatid, at ako'y nanaig: at siya'y pinanganlang Nephtali.

Nang makita ni Lea, na siya'y hindi na nanganganak, ay kinuha si Zilpa na kaniyang alila (E)at ibinigay na asawa kay Jacob.

10 At si Zilpa na alila ni Lea ay nagkaanak ng isang lalake kay Jacob.

11 At sinabi ni Lea, Kapalaran! at pinanganlang Gad.

12 At ipinanganak ni Zilpa na alila ni Lea, ang kaniyang ikalawang anak kay Jacob.

13 At sinabi ni Lea, Mapalad ako! sapagka't (F)tatawagin akong mapalad ng mga babae: at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Aser.

14 At yumaon si Ruben nang panahon ng paggapas ng trigo, (G)at nakasumpong ng mga mandragoras sa bukid, at dinala sa kaniyang inang kay Lea. Nang magkagayo'y sinabi ni Raquel kay Lea, Ipinamamanhik ko sa iyo na bigyan mo ako ng mga mandragoras ng iyong anak.

15 At kaniyang sinabi, Kakaunti pa bang bagay na iyong kinuha ang aking asawa? at ibig mo pa ring kunin ang mga mandragoras ng aking anak? At sinabi ni Raquel, Kaya't sisiping siya sa iyo ngayong gabi, dahil sa mga mandragoras ng iyong anak.

16 At si Jacob ay umuwing galing sa bukid ng hapon, at sinalubong siya ni Lea, at sa kaniya'y sinabi, Sa akin ka dapat sumiping; sapagka't tunay na ikaw ay aking inupahan ng mga mandragoras ng aking anak. At sumiping siya sa kaniya ng gabing yaon.

17 At dininig ng Dios si Lea: at siya'y naglihi at kaniyang ipinanganak kay Jacob ang kaniyang ikalimang anak.

18 At sinabi ni Lea, Ibinigay sa akin ng Dios ang aking kaupahan, sapagka't ibinigay ko ang aking alila sa aking asawa: at kaniyang pinanganlang Issachar.

19 At naglihi uli si Lea, at kaniyang ipinanganak ang kaniyang ikaanim na anak kay Jacob.

20 At sinabi ni Lea, Binigyan ako ng Dios ng isang mabuting kaloob; ngayo'y makikisama na sa akin ang aking asawa, sapagka't nagkaanak ako sa kaniya ng anim na lalake: at kaniyang pinanganlang Zabulon.

21 At pagkatapos ay nanganak siya ng babae, at kaniyang pinanganlang Dina.

22 At (H)naalala ng Dios si Raquel, at dininig ng Dios, (I)at binuksan ang kaniyang bahay-bata.

23 At siya'y naglihi at nanganak ng lalake; at kaniyang sinabi, (J)Inalis ng Dios sa akin ang kakutyaan ko:

24 At kaniyang tinawag ang pangalan niya na Jose, na sinasabi, (K)Dagdagan pa ako ng Panginoon ng isang anak.

Pagpapaalam ni Jacob kay Laban.

25 At nangyari, nang maipanganak ni Raquel si Jose, na sinabi ni Jacob kay Laban, Papagpaalamin mo ako upang ako'y makaparoon sa aking dakong tinubuan at sa aking lupain.

26 Ibigay mo sa akin ang aking mga asawa at ang aking mga anak, na siyang (L)kadahilanan ng ipinaglingkod ko sa iyo, at papagpaalamin mo ako: sapagka't talastas mo ang paglilingkod na ipinaglingkod ko sa iyo.

27 At sinabi sa kaniya ni Laban, Kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa harap ng iyong mga mata, matira ka: aking napagkilala, na pinagpala ako ng Panginoon dahil sa iyo.

28 At kaniyang sinabi, (M)Sabihin mo sa akin ang iyong kaupahan, at ibibigay ko sa iyo.

29 At sinabi niya sa kaniya, (N)Nalalaman mo kung paanong pinaglingkuran kita, at kung anong lagay ng iyong mga hayop dahil sa akin.

30 Sapagka't kakaunti ang tinatangkilik mo bago ako dumating, (O)at naging isang karamihan; at pinagpala ka ng Panginoon saan man ako pumihit; at ngayo'y (P)kailan naman ako maghahanda ng sa aking sariling bahay?

31 At sa kaniya'y sinabi, Anong ibibigay ko sa iyo? At sinabi ni Jacob, Huwag mo akong bigyan ng anoman: kung ito'y iyong gawin sa akin, ay muli kong papastulin at aalagaan ang iyong kawan.

32 Dadaanan ko ang lahat mong kawan ngayon, na aking ihihiwalay doon ang lahat ng batikbatik at may dungis, at ang lahat na maitim sa mga tupa, at ang may dungis at batikbatik sa mga kambing: (Q)at siyang magiging aking kaupahan.

33 Gayon ako sasagutan ng aking katuwiran sa haharapin, pagparito mo, tungkol sa aking kaupahan, na nasa harap mo; yaong lahat na walang batik at walang dungis sa mga kambing, at hindi maitim sa mga tupa, na masusumpungan sa akin, ay maibibilang mong nakaw.

34 At sinabi ni Laban, Narito, mangyari nawa ayon sa iyong sabi.

35 At inihiwalay ni Laban ng araw ding yaon ang mga lalaking kambing na may batik at may dungis, at ang lahat ng babaing kambing na may batik at may dungis, lahat ng mayroong kaunting puti, at lahat ng maitim sa mga tupa, at ibinigay sa mga kamay ng kaniyang mga anak;

36 At siya'y naglakad ng tatlong araw ang pagitan kay Jacob; at pinakain ni Jacob ang nalabi sa mga kawan ni Laban.

37 At (R)kumuha si Jacob ng mga sanga ng alamo, at almendro at kastano; at pinagbabakbakan ng mga batik na mapuputi, at kaniyang pinalitaw na gayon ang puti na nasa mga sanga.

38 At kaniyang inilagay ang mga sangang kaniyang binakbakan sa mga bangbang, sa harap ng kawan, sa mga pinagpapainuman; na pinaparoonan ng mga kawan upang uminom; at nangaglilihi pagka nagsisiparoon upang uminom.

39 At nangaglilihi ang mga kawan sa harap ng mga sanga at nanganganak ang mga kawan ng mga may guhit, may batik at may dungis.

40 At ang mga korderong ito ay inihihiwalay ni Jacob, at inihaharap ang kawan sa dakong may batik, at ang lahat ng maitim sa kawan ni Laban; sa kaniyang ibinukod ang mga kawan niya rin, at hindi isinama sa kawan ni Laban.

41 At nangyari, na kailan ma't maglilihi ang mga malakas sa kawan, ay inilalagay ni Jacob ang mga sanga sa harap ng mga mata ng kawan sa mga bangbang, upang sila'y papaglihihin sa gitna ng mga sanga.

42 Datapuwa't pagka ang kawan ay mahina ay hindi niya inilalagay, kaya't ang mahina ay nagiging kay Laban at ang malakas ay kay Jacob.

Ang kaniyang pagyaman.

43 (S)At ang lalake ay lumagong mainam; at (T)nagkaroon ng malalaking kawan, at ng mga aliping babae at lalake, at ng mga kamelyo at ng mga asno.

Marcos 1

Ang pasimula ng evangelio ni Jesucristo, ang Anak ng Dios.

(A)Ayon sa pagkasulat kay Isaias na propeta,

(B)Narito, sinusugo ko ang aking sugo sa unahan ng iyong mukha,
Na maghahanda ng iyong daan;
(C)Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang,
Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon,
Tuwirin ninyo ang kaniyang mga landas;

Dumating si Juan, na nagbabautismo sa ilang (D)at ipinangaral ang bautismo ng pagsisisi sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan.

At nilalabas siya ng buong lupain ng Judea, at nilang lahat na mga taga Jerusalem; at sila'y binabautismuhan niya sa ilog ng Jordan, na nangagpapahayag ng kanilang mga kasalanan.

At si Juan ay nananamit ng balahibo ng kamelyo, at may isang pamigkis na katad sa palibot ng kaniyang baywang, at kumakain ng mga balang at pulot-pukyutan.

At siya'y nangangaral, na nagsasabi, Sumusunod sa hulihan ko ang lalong makapangyarihan kay sa akin; hindi ako karapatdapat yumukod at kumalag ng tali ng kaniyang mga pangyapak.

Binabautismuhan ko kayo sa tubig; datapuwa't kayo'y babautismuhan niya sa Espiritu Santo.

(E)At nangyari nang mga araw na yaon, na nanggaling si Jesus sa Nazaret ng Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa Jordan.

10 At karakarakang pagahon sa tubig, ay nakita niyang biglang nangabuksan ang mga langit, at ang (F)Espiritu na tulad sa isang kalapati na bumababa sa kaniya:

11 At may isang tinig na nagmula sa mga langit, Ikaw ang sinisinta kong Anak, sa iyo ako lubos na nalulugod.

12 At pagdaka'y itinaboy (G)siya ng Espiritu sa ilang.

13 At siya'y nasa ilang na apat na pung araw na tinutukso ni Satanas; at kasama siya ng mga ganid; at pinaglingkuran siya ng mga anghel.

14 (H)Pagkatapos ngang madakip si Juan, ay napasa Galilea si Jesus na ipinangangaral (I)ang evangelio ng Dios,

15 At sinasabi, Naganap na (J)ang panahon, at malapit na (K)ang kaharian ng Dios: kayo'y mangagsisi, at magsisampalataya sa evangelio.

16 At (L)pagdaraan sa tabi ng dagat ng Galilea, ay nakita niya si Simon at si Andres na kapatid ni Simon na naghahagis ng lambat sa dagat; sapagka't sila'y mga mamamalakaya.

17 At sinabi sa kanila ni Jesus, Magsisunod kayo sa aking hulihan, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.

18 At pagdaka'y iniwan nila ang mga lambat, at nagsisunod sa kaniya.

19 At paglakad sa dako pa roon ng kaunti, ay nakita niya si Santiago na anak ni Zebedeo, at si Juan na kaniyang kapatid, na sila rin naman ay nangasa daong na hinahayuma ang mga lambat.

20 At pagdaka'y kaniyang tinawag sila: at kanilang iniwan sa daong ang kanilang amang si Zebedeo na kasama ng mga aliping upahan, at nagsisunod sa kaniya.

21 (M)At nagsipasok sila sa Capernaum; at pagdaka'y pumasok siya sa sinagoga nang araw ng sabbath at nagtuturo.

22 At nangagtaka sila (N)sa kaniyang aral: sapagka't sila'y tinuturuan niyang tulad sa may kapamahalaan, at hindi gaya ng mga eskriba.

23 At pagdaka'y may isang tao sa kanilang sinagoga na may isang karumaldumal na espiritu; at siya'y sumigaw,

24 Na nagsasabi, (O)Anong pakialam namin sa iyo, Jesus ikaw na Nazareno? naparito ka baga upang kami'y puksain? Nakikilala kita kung sino ka, ang Banal ng Dios.

25 At sinaway siya ni Jesus, na nagsasabi, Tumahimik ka, at lumabas ka sa kaniya.

26 At ang karumaldumal na espiritu, nang (P)mapangatal niya siya at makapagsisigaw ng malakas na tinig, ay lumabas sa kaniya.

27 At silang lahat ay nangagtaka, ano pa't sila-sila rin ay nangagtatanungan, na sinasabi, Ano kaya ito? isang bagong aral yata! may kapamahalaang naguutos pati sa mga karumaldumal na espiritu, at siya'y tinatalima nila.

28 At lumipana pagdaka ang pagkabantog niya sa lahat ng dako sa buong palibotlibot ng lupain ng Galilea.

29 (Q)At paglabas nila (R)sa sinagoga, ay nagsipasok pagdaka sa bahay ni Simon at ni Andres, na kasama si Santiago at si Juan.

30 Nakahiga ngang nilalagnat ang biyanang babae ni Simon; at pagdaka'y pinakiusapan nila siya tungkol sa kaniya:

31 At lumapit siya at tinangnan niya sa kamay, at siya'y itinindig; at inibsan siya ng lagnat, at siya'y naglingkod sa kanila.

32 At nang kinagabihan, (S)paglubog ng araw, ay kanilang dinala sa kaniya ang lahat ng mga may-sakit, at ang mga inaalihan ng mga demonio.

33 At ang buong bayan ay nangagkatipon sa pintuan.

34 At (T)nagpagaling siya ng maraming may karamdaman ng sarisaring sakit, at nagpalabas ng maraming demonio; (U)at hindi tinulutang magsipagsalita ang mga demonio, sapagka't siya'y kanilang kilala.

35 At (V)nagbangon siya nang madaling-araw, na malalim pa ang gabi, at lumabas, (W)at napasa isang dakong ilang, at doo'y nanalangin.

36 At si Simon at ang kasamahan niya ay nagsisunod sa kaniya;

37 At siya'y nasumpungan nila, at sinabi sa kaniya, Hinahanap ka ng lahat.

38 At sinabi niya sa kanila, Magsiparoon tayo sa ibang dako ng mga kalapit na bayan, upang ako'y makapangaral din naman doon; (X)sapagka't sa ganitong dahilan ako'y naparito.

39 At siya'y pumasok (Y)sa mga sinagoga nila sa buong Galilea, na nangangaral at nagpapalabas ng mga demonio.

40 (Z)At lumapit sa kaniya ang isang ketongin, na namamanhik sa kaniya, at nanikluhod sa kaniya, at sa kaniya'y nagsasabi, Kung ibig mo, ay maaaring malinis mo ako.

41 At sa pagkaawa ay iniunat niya ang kaniyang kamay, at siya'y hinipo, at sinabi sa kaniya, Ibig ko; luminis ka.

42 At pagdaka'y nawalan siya ng ketong, at siya'y nalinis.

43 At siya'y kaniyang pinagbilinang mahigpit, at pinaalis siya pagdaka,

44 At sinabi sa kaniya, Ingatan mong huwag sabihin sa kanino mang tao ang anoman: kundi yumaon ka, at pakita ka sa saserdote, at maghandog ka sa pagkalinis sa iyo ng mga bagay na ipinagutos ni Moises, na bilang isang patotoo sa kanila.

45 Datapuwa't siya'y umalis, at (AA)pinasimulang ipamalitang mainam, at ipahayag ang nangyari, ano pa't hindi (AB)na makapasok ng hayag si Jesus sa bayan, kundi dumoon sa labas sa mga dakong ilang: (AC)at pinagsasadya nila siya mula sa lahat ng panig.

Esther 6

Si Mardocheo ay pinarangalan ng hari.

Nang gabing yaon ay hindi makatulog ang hari; at kaniyang iniutos na dalhin (A)ang aklat ng mga alaala ng mga gawa, at mga binasa sa harap ng hari.

At nasumpungang nakasulat, na si Mardocheo ay nagsaysay tungkol kay (B)Bigthana at kay Teres, dalawa sa mga kamarero ng hari, sa nangagingat ng pintuan na nangagisip magbuhat ng kamay sa haring Assuero.

At sinabi ng hari, Anong karangalan at kamahalan ang nagawa kay Mardocheo sa bagay na ito? Nang magkagayo'y sinabi ng mga lingkod ng hari na nagsisipaglingkod sa kaniya, Walang anomang nagawa sa kaniya.

At sinabi ng hari, Sino ang nasa looban? Si Aman nga ay pumasok (C)sa looban ng bahay ng hari, (D)upang magsalita sa hari na bitayin si Mardocheo sa bibitayan na inihanda niya sa kaniya.

At ang mga lingkod ng hari ay nagsabi sa kaniya. Narito, si Aman ay nakatayo sa looban. At sinabi ng hari, Papasukin siya.

Sa gayo'y pumasok si Aman. At ang hari ay nagsabi sa kaniya, Anong gagawin sa lalake na kinalulugdang parangalin ng hari? Sinabi nga ni Aman sa kaniyang sarili: Sino ang kinalulugdang parangalin ng hari na higit kay sa akin?

At sinabi ni Aman sa hari, Sa lalake na kinalulugdang parangalin ng hari,

Ay dalhan ng damit-hari na isinusuot ng hari, at (E)ng kabayo na sinasakyan ng hari, at putungan sa ulo ng putong na hari:

At ang bihisan at ang kabayo ay mabigay sa kamay ng isa sa pinakamahal na prinsipe ng hari, upang bihisang gayon ang lalake na kinalulugdang parangalin ng hari, at pasakayin siya sa kabayo sa lansangan ng bayan, at itanyag sa unahan niya; Ganito ang gagawin sa lalake na kinalulugdang parangalin ng hari.

10 Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Aman, Ikaw ay magmadali, at kunin mo ang bihisan at ang kabayo, gaya ng iyong sinabi, at gawin mong gayon kay Mardocheo, na Judio, na nauupo sa pintuang-daan ng hari; huwag magkulang ang anomang bagay sa lahat na iyong sinalita.

11 Nang magkagayo'y kinuha ni Aman ang bihisan at ang kabayo, at binihisan si Mardocheo, at pinasakay sa lansangan ng bayan, at nagtanyag sa unahan niya: Ganito ang gagawin sa lalake na kinalulugdang parangalin ng hari.

12 At si Mardocheo ay bumalik sa pintuang-daan ng hari. Nguni't si Aman ay nagmadaling umuwi, na tumatangis (F)at may takip ang ulo.

13 At isinaysay ni Aman kay Zeres na kaniyang asawa at sa lahat niyang mga kaibigan ang bawa't bagay na nangyari sa kaniya. Nang magkagayo'y sinabi ng kaniyang mga pantas na lalake, at ni (G)Zeres na kaniyang asawa sa kaniya: Kung si Mardocheo, na iyong pinasimulang kinahulugan sa harap, ay sa binhi ng mga Judio, hindi ka mananaig laban sa kaniya, kundi ikaw ay walang pagsalang mahuhulog sa harap niya.

14 Samantalang sila'y nakikipagsalitaan pa sa kaniya, dumating ang mga kamarero ng hari at nagmadaling dinala si Aman (H)sa pigingan na inihanda ni Esther.

Roma 1

Si Pablo na alipin ni Jesucristo, (A)na tinawag na maging apostol, (B)ibinukod sa evangelio ng Dios,

Na kaniyang ipinangako nang una (C)sa pamamagitan ng kaniyang mga propeta sa mga banal na kasulatan,

Tungkol sa kaniyang Anak, (D)na ipinanganak sa binhi ni David ayon sa laman,

Na (E)ipinahayag na Anak ng Dios na may kapangyarihan (F)ayon sa espiritu ng kabanalan, sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ng mga patay, sa makatuwid baga'y si Jesucristo na Panginoon natin,

Na sa pamamagitan niya'y (G)tinanggap namin ang biyaya at pagkaapostol, sa pagtalima sa pananampalataya sa lahat ng mga bansa, dahil sa kaniyang pangalan;

Sa mga ito kayo naman, ay (H)tinawag kay Jesucristo:

Sa lahat ninyong nangasa Roma, mga iniibig ng Dios, tinawag na mangagbanal: (I)Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at Panginoong Jesucristo.

Kaunaunahan, ay (J)nagpapasalamat ako sa aking Dios sa pamamagitan ni Jesucristo tungkol sa inyong lahat, na ang (K)inyong pananampalataya ay bantog sa buong sanglibutan.

Sapagka't ang Dios ang aking saksi, na siyang pinaglilingkuran ko sa aking espiritu sa evangelio ng kaniyang Anak, na (L)walang patid na aking kayong binabanggit, sa aking mga panalangin,

10 At laging isinasamo ko, (M)kung ngayon sa wakas sa anomang paraan ay magkapalad ako sa kalooban ng Dios na makarating sa inyo.

11 Sapagka't ninanasa kong makita kayo, upang ako'y makapamahagi sa inyo ng kaloob na ukol sa espiritu, upang kayo'y mangagsitibay;

12 Sa makatuwid baga, upang ako't kayo ay maaliw sa inyo, ang bawa't isa sa atin sa pananampalataya ng iba, ang sa inyo at sa akin.

13 At hindi ko ibig, mga kapatid, na hindi ninyo matalastas na (N)madalas kong inaakalang makarating sa inyo (datapuwa't hanggang ngayon ako'y nahahadlangan), upang magkaroon naman ako sa inyo ng anomang bunga, na gaya sa mga ibang Gentil.

14 Ako'y may utang sa mga Griego at gayon din naman (O)sa mga barbaro, sa marurunong at gayon din sa mga mangmang.

15 Kaya nga, sa ganang akin, ay handa akong ipangaral din ang evangelio sa inyong nangasa Roma.

16 Sapagka't hindi ko ikinahihiya ang evangelio: (P)sapagka't siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawa't sumasampalataya; una'y (Q)sa Judio, at gayon din sa Griego.

17 Sapagka't (R)dito ang katuwiran ng Dios ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya: gaya ng nasusulat, Nguni't (S)ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.

18 Sapagka't ang poot ng Dios (T)ay nahahayag mula sa langit laban sa lahat na kasamaan at kalikuan ng mga tao, na mga sinasawata ang katotohanan ng kalikuan;

19 Sapagka't (U)ang nakikilala tungkol sa Dios ay hayag sa kanila; sapagka't ito'y ipinahayag ng Dios sa kanila.

20 Sapagka't ang mga bagay niyang hindi nakikita buhat pa nang lalangin ang sanglibutan ay nakikitang maliwanag, sa pagkatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa niya, maging ang walang hanggan niyang kapangyarihan at pagka Dios; upang sila'y (V)walang madahilan:

21 Sapagka't kahit kilala nila ang Dios, siya'y hindi niluwalhati nilang tulad sa Dios, ni pinasalamatan; kundi bagkus (W)niwalang kabuluhan sa kanilang mga pagmamatuwid at ang mangmang nilang puso ay pinapagdilim.

22 Ang mga nangagmamarunong ay naging mga mangmang,

23 At pinalitan nila ang kaluwalhatian ng Dios na hindi nasisira, ng isang katulad (X)ng larawan ng tao na nasisira, at ng mga ibon, at ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga nagsisigapang.

24 Dahil dito'y sa karumihan ng mga pita ng kanilang mga puso ay ibinigay sila ng (Y)Dios sa kahalayan, (Z)upang alisan nila ng puri ang kanilang mga katawan sa kanikanilang sarili:

25 Sapagka't pinalitan nila ang katotohanan ng Dios (AA)ng kasinungalingan, at sila'y nagsisamba at nangaglingkod sa nilalang kay sa Lumalang, na siyang pinupuri magpakailan man. Siya nawa.

26 Dahil dito'y ibinigay sila ng Dios sa mga mahahalay na pita: sapagka't pinalitan ng kanilang mga babae ang katutubong kagamitan niyaong nalalaban sa katutubo:

27 At gayon din naman ang mga lalake, na nang iwan na ang katutubong kagamitan sa mga babae, ay nangagningas sa kanilang karumihan ng pita ang isa't isa, na gumagawa ng kahalayan ang mga lalake sa mga kapuwa lalake, at tumatanggap sa kanilang sarili ng kagantihan ng kanilang pagkakamali.

28 At palibhasa'y hindi nila minagaling na kilalanin ang Dios, ibinigay sila ng (AB)Dios sa isang mahalay na pagiisip, upang gawin yaong mga bagay na hindi nangararapat;

29 Nangapuspus sila ng buong kalikuan, ng kasamaan, ng kasakiman, ng kahalayan; puspos ng kapanaghilian, ng pagpatay sa kapuwa tao, ng pagtatalo, ng pagdaraya, ng mga kasamaan; mga mapagupasala,

30 Mga mapanirang puri, mga napopoot sa Dios, mga manglalait, mga palalo, mga mapagmapuri, mga mangangatha ng mga kasamaan, mga masuwayin sa mga magulang,

31 Mga haling, mga hindi tapat sa tipanan, mga walang katutubong paggiliw, mga walang habag:

32 Na, (AC)bagama't nalalaman nila ang kautusan ng Dios, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay (AD)ay mga karapatdapat sa kamatayan, ay hindi lamang gayon ang ginagawa, kundi naman (AE)pinapayagan ang mga nagsisigawa ng mga yaon.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978