Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Genesis 17

17 At nang si Abram ay may siyam na pu't siyam na taon, ay napakita ang Panginoon kay Abram, at sa kaniya'y nagsabi, (A)Ako ang Dios na Makapangyarihan sa lahat (B)lumakad ka sa harapan ko, at (C)magpakasakdal ka.

At ako'y makikipagtipan sa iyo (D)at ikaw ay aking pararamihing mainam.

(E)At nagpatirapa si Abram: at ang Dios ay nakipagusap sa kaniya, na sinasabi,

Tungkol sa akin, narito, ang aking tipan ay sumasaiyo, at ikaw ang (F)magiging ama ng maraming bansa.

At hindi na tatawagin ang pangalan mong Abram, (G)kundi Abraham ang magiging iyong pangalan; (H)sapagka't ikaw ay ginawa kong ama ng maraming bansa.

At ikaw ay aking gagawing totoong palaanakin at papanggagalingin ko sa iyo ang mga (I)bansa; (J)at magbubuhat sa iyo ang mga hari.

(K)At aking papagtitibayin ang aking tipan sa iyo at sa iyong binhi pagkamatay mo sa buong kalahian nila, na tipang walang hanggan, na ako'y (L)magiging iyong Dios, at ng iyong binhi, pagkamatay mo.

(M)At ibibigay ko sa iyo, at sa iyong binhi, pagkamatay mo, ang lupaing iyong mga pinaglakbayan, ang buong lupain ng Canaan, na pagaaring walang hanggan (N)at ako ang magiging Dios nila.

Ang tipan ng pagtutuli.

At sinabi pa ng Dios kay Abraham, At tungkol sa iyo, iingatan mo ang aking tipan, iingatan mo at ng iyong binhi pagkamatay mo, sa buong kalahian nila.

10 Ito ang aking tipan na inyong iingatan sa akin at sa inyo, at ng iyong binhi, pagkamatay mo; tutuliin ang bawa't lalake sa inyo.

11 At kayo'y tutuliin sa laman ng inyong balat ng masama; (O)at ito ang magiging tanda ng aking tipan sa inyo.

12 (P)At ang may walong araw ay tutuliin sa inyo, ang bawa't lalake sa buong kalahian ninyo; ang ipinanganak sa bahay, o ang binili ng salapi sa sinomang taga ibang lupa na hindi sa iyong lahi.

13 Ang ipinanganak sa bahay at ang binili ng iyong salapi, ay dapat tuliin: at ang aking tipan ay sasa iyong laman na pinakatipang walang hanggan.

14 At ang lalaking hindi tuli, na hindi tinuli ang laman ng kaniyang balat ng masama, ang taong yaon ay mahihiwalay sa kaniyang bayan; sinira niya ang aking tipan.

Ang panganganak kay Isaac ay ipinangako.

15 At sinabi ng Dios kay Abraham, Tungkol kay Sarai na iyong asawa, ay huwag mo nang tatawagin ang kaniyang pangalang Sarai, kundi Sara[a] ang magiging kaniyang pangalan.

16 At akin siyang pagpapalain, (Q)at saka sa kaniya'y bibigyan kita ng anak: oo, siya'y aking pagpapalain, (R)at magiging ina ng mga bansa; ang mga hari ng mga bayan ay magmumula sa kaniya.

17 Nang magkagayo'y nagpatirapa si Abraham, at (S)nagtawa, at nasabi sa kaniyang sarili, Magkakaanak kaya siya na may isang daang taon na? at manganak pa kaya si Sara na may siyam na pung taon na?

18 At sinabi ni Abraham sa Dios, Kahimanawari, si Ismael ay mabuhay sa harapan mo!

19 At sinabi ng Dios, (T)Hindi, kundi ang iyong asawang si Sara ay magkakaanak sa iyo; at tatawagin mo ang kaniyang ngalang Isaac; at aking pagtitibayin ang aking tipan sa kaniya ng pinakatipang walang hanggan, sa kaniyang lahi pagkamatay niya.

20 At tungkol kay Ismael, ay dininig din kita. Narito't aking pinagpala siya, at siya'y aking papagaanakin ng marami, at siya'y aking (U)pararamihin ng di kawasa; (V)labing dalawang prinsipe ang kaniyang magiging anak, (W)at siya'y gagawin kong malaking bansa.

21 Nguni't ang (X)aking tipan ay pagtitibayin ko kay Isaac (Y)na iaanak sa iyo ni Sara, sa tadhanang araw, sa taong darating.

22 At nang matapos na makipagusap sa kaniya, ay napaitaas ang (Z)Dios mula sa piling ni Abraham.

23 At ipinagsama ni Abraham si Ismael, na kaniyang anak, at ang lahat na ipinanganak sa kaniyang bahay, at ang lahat ng binili niya ng kaniyang salapi, ang lahat ng lalake sa mga lalaking kasangbahay ni Abraham, at tinuli ang laman ng kanilang balat ng masama ng araw ding yaon, ayon sa sinabi ng Dios sa kaniya.

24 At si Abraham ay may siyam na pu't siyam na taon, nang tuliin ang laman ng kaniyang balat ng masama.

25 At si Ismael ay may labing tatlong taon, nang tuliin ang laman ng kaniyang balat ng masama.

26 Nang araw ding yaon tinuli si Abraham, at si Ismael na kaniyang anak.

27 (AA)At lahat ng lalaking kasangbahay niya, maging ang mga ipinanganak sa bahay, at ang mga binili ng salapi sa taga ibang lupain, ay pinagtuling kasama niya.

Mateo 16

16 At nagsilapit (A)ang mga Fariseo at mga Saduceo, na tinutukso siya na sa kaniya'y nagsisihiling na sila'y pagpakitaan ng isang tanda na mula sa langit.

Datapuwa't siya'y sumagot at sa kanila'y sinabi, (B)Sa kinahapunan, ay sinasabi ninyo, Bubuti ang panahon: sapagka't ang langit ay mapula.

At sa umaga, Ngayo'y uunos: sapagka't mapula at makulimlim ang langit. Kayo'y marurunong magsikilala ng anyo ng langit; datapuwa't hindi ninyo mangakilala ang mga tanda ng mga panahon.

Ang isang lahing masama at (C)mapangalunya ay humahanap ng tanda; at hindi siya bibigyan ng anomang tanda, kundi ng tanda ni Jonas. At sila'y iniwan niya, at yumaon.

At nagsidating ang mga alagad sa kabilang ibayo at nangakalimot na mangagdala ng tinapay.

At sinabi sa kanila ni Jesus, Kayo'y mangagingat at magsipangilag sa (D)lebadura ng mga Fariseo at mga Saduceo.

At sila'y nangagkatuwiranan sa kanilang sarili, na nagsasabi, Hindi tayo nangakapagbaon ng tinapay.

At nang matalastas ni Jesus ay sinabi, Oh kayong kakaunti ang pananampalataya, bakit kayo'y nangagbubulaybulay sa inyong sarili, sapagka't wala kayong tinapay?

Hindi pa baga ninyo natatalastas, (E)at hindi ninyo naaalaala ang limang tinapay sa limang libong lalake, at kung ilang bakol ang inyong nailigpit?

10 Ni yaong pitong tinapay (F)sa apat na libong lalake, at kung ilang bakol ang inyong nailigpit?

11 Ano't hindi ninyo napaguunawa na hindi ang sinabi ko sa inyo'y tungkol sa tinapay? Datapuwa't kayo'y mangagingat sa lebadura ng mga Fariseo at ng mga Saduceo.

12 Nang magkagayo'y kanilang natalastas na sa kanila'y hindi ipinagutos na sila'y magsipagingat sa lebadura ng tinapay, kundi sa mga aral ng mga Fariseo at ng mga Saduceo.

13 Nang dumating nga si Jesus sa mga sakop ng Cesarea ni Filipo, ay itinanong niya sa kaniyang mga alagad, na sinasabi, (G)Ano baga ang sabi ng mga tao kung sino ang Anak ng tao?

14 At kanilang sinabi, (H)Anang ilan, Si Juan Bautista; ang ilan, Si Elias; at ang mga iba, Si Jeremias, o isa sa mga propeta.

15 Kaniyang sinabi sa kanila, Datapuwa't, ano ang sabi ninyo kung sino ako?

16 At sumagot si Simon Pedro at sinabi, Ikaw ang Cristo, (I)Ang anak ng (J)Dios na buhay.

17 At sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Mapalad ka, (K)Simon Bar-Jonas: sapagka't hindi ipinahayag sa iyo ito ng (L)laman at ng dugo, kundi ng aking Ama na nasa langit.

18 At sinasabi ko naman sa iyo, na (M)ikaw ay Pedro, at (N)sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at (O)ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.

19 Ibibigay ko sa iyo (P)ang mga susi ng kaharian ng langit: (Q)at anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anomang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.

20 Nang magkagayo'y ipinagbilin niya (R)sa mga alagad na huwag sabihin kanino man na siya ang Cristo.

21 Mula ng panahong yao'y nagpasimulang (S)ipinakilala ni Jesus sa kaniyang mga alagad, na kinakailangang (T)siya'y pumaroon sa Jerusalem, at magbata ng maraming bagay sa matatanda at sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba, at siya'y patayin, at (U)muling ibangon sa ikatlong araw.

22 At isinama siya ni Pedro, at nagpasimulang siya'y pinagwikaan, na nagsasabi, Panginoon, malayo ito sa iyo: kailan man ay hindi mangyayari ito sa iyo.

23 Datapuwa't lumingon siya, at sinabi kay Pedro, Lumagay ka sa likuran ko, Satanas: ikaw ay tisod sa akin: sapagka't hindi mo pinagiisip ang mga bagay ng Dios, kundi ang mga bagay ng tao.

24 Nang magkagayo'y (V)sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, Kung ang sinomang tao'y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.

25 Sapagka't (W)ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin ay makakasumpong niyaon.

26 Sapagka't ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay? o ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay?

27 Sapagka't (X)ang Anak ng tao ay pariritong nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na kasama ang kaniyang mga anghel; at kung magkagayo'y bibigyan ang bawa't tao ayon sa kaniyang mga gawa.

28 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, May ilan sa nangakatayo rito, na hindi (Y)matitikman sa anomang paraan ang kamatayan, (Z)hanggang sa kanilang makita ang Anak ng tao na pumaparito sa kaniyang kaharian.

Nehemias 6

Ang panglilinlang ni Sanballat, Tobias, at Gesem.

Nangyari nga nang (A)maibalita kay Sanballat at kay Tobias, at kay Gesem na taga Arabia, at sa nalabi sa aming mga kaaway, na aking naitayo na ang kuta, at wala nang sirang naiiwan doon; (bagaman (B)hanggang sa panahong yaon ay hindi ko pa nailalagay ang mga pinto sa mga pintuang-bayan;)

Na si Sanballat at si Gesem ay nagsugo sa akin, na nagpapasabi, Ikaw ay parito, magkikita tayo sa isa ng mga nayon sa mga kapatagan ng (C)Ono. Nguni't pinagisipan nila akong gawan ng masama.

At ako'y nagsugo ng mga sugo sa kanila, na nangagsasabi, Ako'y gumagawa ng dakilang gawain, na anopa't hindi ako makababa: bakit ititigil ang gawain, habang aking maiiwan, at binababa kayo?

At sila'y nangagsugo sa aking makaapat sa dahilang ito; at sinagot ko sila ng ayon sa gayon ding paraan.

Nang magkagayo'y sinugo ni Sanballat ang kaniyang lingkod sa akin ng gaya ng paraan ng ikalima na may bukas na sulat sa kaniyang kamay.

Na kinasusulatan: Naibalita sa mga bansa, at sinasabi ni Gasmu (D)na ikaw at ang mga Judio ay nagaakalang manghimagsik; na siyang kadahilanan ng iyong pagtatayo ng kuta: at ikaw ay magiging kanilang hari ayon sa mga salitang ito.

At ikaw naman ay naghalal ng mga propeta upang magsipangaral tungkol sa iyo sa Jerusalem, na nangagsasabi, May isang hari sa Juda; at ngayo'y ibabalita sa hari ang ayon sa mga salitang ito. Parito ka nga ngayon, at magsanggunian tayo.

Nang magkagayo'y nagsugo ako sa kaniya, na aking sinasabi, Walang ganyang mga bagay na nagawa na gaya ng iyong sinasabi, kundi iyong mga pinagbubuhat sa iyong sariling puso.

Sapagka't ibig nilang lahat na sidlan ng takot kami, na sinasabi, Ang kanilang mga kamay ay manganghihina sa gawain na anopa't hindi mayayari. Nguni't ngayon, Oh Dios, palakasin mo ang aking mga kamay.

10 At ako'y naparoon sa bahay ni Semaias na anak ni Delaias na anak ni Mehetabeel na (E)nakulong; at kaniyang sinabi, Tayo'y magpupulong na magkakasama sa bahay ng Dios, sa loob ng templo, at ating isara ang mga pinto ng templo: sapagka't sila'y magsisiparito upang patayin ka; oo, sa kinagabiha'y magsisiparito sila upang patayin ka.

11 At aking sinabi, Tatakas ba ang isang lalaking gaya ko? at sino kaya; na sa paraang gaya ko, ay paroroon sa templo upang iligtas ang kaniyang buhay? hindi ako papasok.

12 At nahalata ko, at, narito, hindi siya sinugo ng Dios; kundi kaniyang sinaysay ang hulang ito laban sa akin: at inupahan siya ni Tobias, at ni Sanballat.

13 Dahil sa bagay na ito inupahan siya, upang ako'y matakot, at gumawa ng gayon, at magkasala, at upang sila'y magkaroon ng dahilan sa isang masamang pinaka hiwatig, upang kanilang madusta ako.

14 (F)Alalahanin mo, Oh aking Dios, si Tobias at si Sanballat ayon sa ganitong mga gawa nila, at gayon din ang propetisa na Noadias, at ang nalabi sa mga propeta, na ibig nilang sidlan ako ng katakutan.

Ang kuta ay natapos.

15 Sa gayo'y natapos ang kuta sa ikadalawang pu't limang araw ng buwan ng Elul, sa limang pu't dalawang araw.

16 At nangyari, nang mabalitaan ng (G)lahat naming mga kaaway, na ang lahat ng mga bansa na nangasa palibot namin ay nangatakot, at nangalumatang mainam: (H)sapagka't kanilang nahalata na ang gawang ito ay gawa ng aming Dios.

17 Bukod dito'y sa mga araw na yao'y ang mga mahal na tao sa Juda ay nangagpadala ng maraming sulat kay Tobias at ang mga sulat ni Tobias ay dumating sa kanila.

18 Sapagka't marami sa Juda na nanganumpa sa kaniya, sapagka't siya'y manugang ni Sechanias na anak ni Arah; at ang kaniyang anak na si Johanan ay nagasawa sa anak na babae ni (I)Mesullam na anak ni Berechias.

19 Sila nama'y nangagsalita ng kaniyang mga mabuting gawa sa harap ko, at ibinalita ang aking mga salita sa kaniya. At si Tobias ay nagpadala ng mga sulat upang sidlan ako ng katakutan.

Mga Gawa 16

16 At siya'y naparoon din naman sa (A)Derbe at sa Listra: at narito, naroon ang isang alagad, na nagngangalang (B)Timoteo, na (C)anak ng isang Judiang sumasampalataya; datapuwa't Griego ang kaniyang ama.

Siya'y may mabuting patotoo ng mga kapatid na nangasa Listra at Iconio.

Iniibig ni Pablo na sumama siya sa kaniya; at (D)kaniyang kinuha siya at tinuli dahil sa mga Judio na nangasa mga dakong yaon: sapagka't nalalaman ng lahat na ang kaniyang ama'y Griego.

At sa kanilang pagtahak sa mga bayan, ay ibinigay sa kanila (E)ang mga utos na inilagda ng mga apostol at ng mga matanda sa Jerusalem, upang kanilang tuparin.

Kaya nga, (F)ang mga iglesia'y pinalakas sa pananampalataya at naragdagan ang bilang araw-araw.

At nang kanilang matahak ang lupain ng Frigia at (G)Galacia, ay pinagbawalan sila ng Espiritu Santo na saysayin ang salita sa Asia;

At nang sila'y magsidating sa tapat ng Misia, ay pinagsikapan nilang magsipasok sa Bitinia; at hindi sila tinulutan ng Espiritu ni Jesus;

At pagkaraan nila sa Misia, ay nagsilusong sila sa (H)Troas.

At napakita ang isang pangitain sa gabi kay Pablo: May isang lalaking taga Macedonia na nakatayo, na namamanhik sa kaniya, at sinasabi, Tumawid ka sa Macedonia, at tulungan mo kami.

10 At pagkakita niya sa pangitain, pagdaka'y pinagsikapan naming magsiparoon sa Macedonia, na pinatutunayang kami'y tinawag ng Dios upang sa kanila'y ipangaral ang evangelio.

11 Pagtulak nga sa Troas, ay pinunta namin ang Samotracia, at nang kinabukasa'y ang Neapolis;

12 At mula doo'y (I)ang Filipos, na isang bayan ng Macedonia, na siyang (J)una sa purok, lupang nasasakupan ng Roma: at nangatira kaming ilang araw sa bayang yaon.

13 At nang araw (K)ng sabbath ay nagsilabas kami sa labas ng pintuan sa tabi ng ilog, na doo'y sinapantaha naming may mapapanalanginan; at kami'y nangaupo, at nakipagsalitaan sa mga babaing nangagkatipon.

14 At isang babaing nagngangalang Lidia, na mangangalakal ng kayong kulay-ube, na taga bayan ng (L)Tiatira, isang masipag sa kabanalan, ay nakinig sa amin: na binuksan ng Panginoon ang kaniyang puso upang unawain ang mga bagay na sinalita ni Pablo.

15 At nang siya'y mabautismuhan na, (M)at ang kaniyang mga kasangbahay, ay namanhik siya sa amin, na sinasabi, Kung inyong inaakalang ako'y tapat sa Panginoon, ay magsipasok kayo sa aking bahay, at kayo'y magsitira doon. At kami'y pinilit niya.

16 At nangyari, na nang kami'y nagsisiparoon sa mapapanalanginan, ay sinalubong kami ng isang dalagang may karumaldumal na espiritu ng panghuhula, at nagdadala ng maraming pakinabang sa kaniyang mga panginoon sa pamamagitan ng panghuhula.

17 Siya'y sumusunod kay Pablo at sa amin at nagsisigaw, na sinasabi, Mga alipin ng Kataastaasang Dios ang mga taong ito, na nagsisipangaral sa inyo ng daan ng kaligtasan.

18 At maraming mga araw na ginawa niya ito. Datapuwa't palibhasa'y si Pablo ay totoong nababagabag, ay lumingon at sinabi sa espiritu, Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesucristo na lumabas ka sa kaniya. At ito ay lumabas nang oras ding yaon.

19 Datapuwa't nang makita ng (N)kaniyang mga panginoon na wala na ang inaasahan nilang kapakinabangan, ay hinuli nila si Pablo at si Silas, at kinaladkad sila sa pamilihan, sa harapan ng mga may kapangyarihan,

20 At nang maiharap na sila sa mga hukom, ay sinabi nila, Ang mga lalaking ito, palibhasa'y mga Judio, (O)ay nagsisipanggulong totoo sa ating bayan,

21 At nangaghahayag ng mga kaugaliang hindi matuwid nating tanggapin, o gawin, palibhasa tayo'y (P)Romano.

22 At samasamang nagsitindig ang karamihan laban sa kanila: at hinapak ng mga hukom ang kanilang mga damit, at (Q)ipinapalo sila ng mga panghampas.

23 At nang sila'y (R)mapalo na nila ng marami, ay ipinasok sila sa bilangguan, na ipinagtatagubilin sa tagapamahala na sila'y bantayang maigi:

24 Na, nang tanggapin nito ang gayong tagubilin, ay ipinasok sila sa kalooblooban ng bilangguan, at piniit ang kanilang mga paa sa mga pangawan.

25 Datapuwa't nang maghahatinggabi na si Pablo at si Silas ay nagsipanalangin at nagsiawit ng mga himno sa Dios, at sila'y pinakikinggan ng mga bilanggo;

26 At (S)kaginsaginsa'y nagkaroon ng isang malakas na lindol, ano pa't nangagsiuga ang mga patibayan ng bahay-bilangguan: at pagdaka'y nangabuksan ang (T)lahat ng mga pinto; at nangakalas ang mga gapos ng bawa't isa.

27 At ang tagapamahala, palibhasa'y nagising sa pagkakatulog at nang makitang bukas ang mga pinto ng bilangguan, ay binunot ang kaniyang tabak at magpapakamatay sana, sa pagaakalang nangakatakas na ang mga bilanggo.

28 Datapuwa't sumigaw si Pablo ng malakas na tinig, na sinasabi, Huwag mong saktan ang iyong sarili: sapagka't nangaririto kaming lahat.

29 At siya'y humingi ng mga ilaw at tumakbo sa loob, at, nanginginig sa takot, ay nagpatirapa sa harapan ni Pablo at ni Silas,

30 At sila'y inilabas at sinabi, Mga ginoo, ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas?

31 At kanilang sinabi, (U)Manampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at (V)ang iyong sangbahayan.

32 At sa kaniya'y sinalita nila ang salita ng Panginoon, pati sa lahat ng nangasa kaniyang bahay.

33 At sila'y kaniyang kinuha nang oras ding yaon ng gabi, at hinugasan ang kanilang mga latay; at pagdaka'y binautismuhan, siya at ang buong sangbahayan niya.

34 At sila'y kaniyang ipinanhik sa kaniyang bahay, at hinainan sila ng pagkain, at nagalak na totoo, pati ng buong sangbahayan niya, na nagsisampalataya sa Dios.

35 Datapuwa't nang umaga na, ang mga hukom ay nangagsugo ng mga sarhento, na nagsasabi, Pawalan mo ang mga taong iyan.

36 At iniulat ng tagapamahala kay Pablo ang mga salitang ito, na sinasabi, Ipinagutos ng mga hukom na kayo'y pawalan: ngayon nga'y magsilabas kayo, at magsiyaon kayong payapa.

37 Datapuwa't sinabi sa kanila ni Pablo, Pinalo nila kami sa hayag, na hindi nangahatulan, (W)bagama't mga lalaking Romano, at kami'y ibinilanggo; at ngayo'y lihim na kami'y pinawawalan nila? tunay na hindi nga; kundi sila rin ang magsiparito at kami'y pawalan.

38 At iniulat ng mga sarhento ang mga salitang ito sa mga hukom: at (X)sila'y nangatakot nang kanilang marinig na sila'y mga Romano;

39 At sila'y nagsiparoon at pinamanhikan sila; at nang kanilang mailabas na sila, ay hiniling nila (Y)sa kanila na magsilabas sa bayan.

40 At sila'y nagsilabas sa bilangguan, at (Z)nagsipasok sa bahay ni Lidia: at nang makita nila ang mga kapatid, ay kanilang inaliw sila, at nagsialis.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978