Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Hukom 7

Ang Tatlong Daang Mandirigma

Pagkatapos, si Jerubaal, samakatuwid ay si Gideon, at ang lahat ng mga taong kasama niya ay maagang bumangon, at nagkampo sa tabi ng bukal ng Harod. Ang kampo ng Midian ay nasa dakong hilaga nila, sa may burol ng More, sa libis.

Sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Ang mga taong kasama mo ay lubhang napakarami upang aking ibigay ang mga Midianita sa kanilang kamay. Baka ang Israel ay magmalaki laban sa akin, na sinasabi, ‘Ang sarili kong kamay ang nagligtas sa akin.’

Kaya't(A) ngayo'y ipahayag mo sa pandinig ng mga tao, ‘Sinumang matatakutin at nanginginig ay umuwi na sa bahay.’” At sinubok sila ni Gideon, umuwi ang dalawampu't dalawang libo, at naiwan ang sampung libo.

Sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Napakarami pa rin ng tao, dalhin mo sila sa tubig at doo'y aking susubukin sila para sa iyo. Sinumang aking sabihin sa iyo, ‘Ang taong ito ay sasama sa iyo;’ iyon ang sasama sa iyo; at ang sinumang sabihin ko sa iyo, ‘Ang taong ito ay hindi sasama sa iyo,’ iyon ay hindi sasama sa iyo.”

Kaya't kanyang dinala ang mga tao sa tubig; at sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Bawat uminom ng tubig sa pamamagitan ng kanyang dila, gaya ng pag-inom ng aso, ay iyong ihihiwalay; gayundin ang bawat lumuhod upang uminom.”

Ang bilang ng mga uminom, na inilagay ang kanilang kamay sa kanilang bibig, ay tatlong daang lalaki; ngunit ang lahat ng nalabi sa mga tao ay lumuhod upang uminom ng tubig.

At sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Sa pamamagitan ng tatlong daang lalaking uminom ay ililigtas ko kayo, at ibibigay ko ang mga Midianita sa iyong kamay; at ang iba ay pauwiin mo na sa kanya-kanyang bahay.”

Kaya't kumuha ang mga tao ng mga pagkain at ng kanilang mga trumpeta at kanyang sinugo ang lahat ng mga lalaki sa Israel sa kanya-kanyang tolda, ngunit itinira ang tatlong daang lalaki. Ang kampo ng Midian ay nasa ibaba niya sa libis.

Nang gabing iyon ay sinabi ng Panginoon sa kanya, “Bumangon ka, lusungin mo ang kampo, sapagkat aking ibinigay na ito sa iyong kamay.

10 Ngunit kung natatakot kang lumusong, lumusong ka sa kampo na kasama si Pura na iyong lingkod.

11 Iyong maririnig kung ano ang kanilang sinasabi, at pagkatapos ang iyong mga kamay ay palalakasin upang masalakay mo ang kampo.” Nang magkagayo'y lumusong siyang kasama si Pura na kanyang lingkod sa himpilan ng mga lalaking may sandata na nasa kampo.

12 Ang mga Midianita at ang mga Amalekita at ang lahat ng mga taga-silangan ay nakakalat sa libis na parang balang sa dami; at ang kanilang mga kamelyo ay di mabilang na gaya ng buhangin sa tabi ng dagat.

13 Nang dumating si Gideon, may isang lalaki na nagsasalaysay ng isang panaginip sa kanyang kasama, at kanyang sinabi, “Nagkaroon ako ng isang panaginip. May isang munting tinapay na sebada na gumulong patungo sa kampo ng Midian at umabot sa tolda. Tinamaan ang tolda at iyon ay bumagsak, bumaliktad, at ito'y nawasak.”

14 At sumagot ang kanyang kasama, “Ito'y wala nang iba kundi ang tabak ni Gideon, na anak ni Joas. Siya'y isang lalaking Israelita at sa kanyang kamay ibinigay ng Diyos ang Midian at ang buong hukbo.”

Hinipan ang mga Trumpeta

15 Nang marinig ni Gideon ang salaysay tungkol sa panaginip, at ang kahulugan niyon, siya'y bumalik sa kampo ng Israel, at sinabi, “Tumindig kayo! Ibinigay na ng Panginoon sa inyong kamay ang hukbo ng Midian.”

16 Hinati niya ang tatlong daang lalaki sa tatlong pulutong, at kanyang nilagyan ang mga kamay nilang lahat ng mga trumpeta, at mga bangang walang laman at mga sulo sa loob ng mga banga.

17 At kanyang sinabi sa kanila, “Masdan ninyo ako, at gayundin ang inyong gawin. Pagdating ko sa may hangganan ng kampo, ay gawin ninyo kung ano ang aking gagawin.

18 Kapag hinipan ko at ng lahat ng kasama ko ang trumpeta, ang mga trumpeta sa lahat ng panig ng kampo ay hihipan din, at isigaw ninyo, ‘Para sa Panginoon at para kay Gideon.’”

Nalupig ang Midian

19 Kaya't si Gideon at ang isandaang lalaking kasama niya ay nakarating sa mga hangganan ng kampo sa pasimula ng pagbabantay sa hatinggabi nang halos kahahalili pa lamang ng bantay. Kanilang hinipan ang mga trumpeta at binasag ang mga banga na nasa kanilang mga kamay.

20 Hinipan ng tatlong pulutong ang mga trumpeta at binasag ang mga banga, na hawak ang mga sulo sa kanilang kaliwang kamay, at ang mga trumpeta sa kanilang kanang kamay na kanilang hinihipan, at sila'y nagsigawan, “Ang tabak para sa Panginoon at kay Gideon!”

21 Bawat isa ay nakatayo sa kanya-kanyang lugar sa palibot ng kampo, at ang buong hukbo ay nagtakbuhan; sila'y sumigaw at tumakas.

22 Nang kanilang hipan ang tatlong daang trumpeta, pinapaglaban ng Panginoon ang mga kaaway laban sa isa't-isa,[a] at laban sa buong hukbo; at tumakas ang hukbo hanggang sa Bet-sita sa dakong Zerera, hanggang sa hangganan ng Abel-mehola, sa tabi ng Tabat.

23 At ang hukbo ng Israel ay tinipon mula sa Neftali, sa Aser, at sa buong Manases, at kanilang hinabol ang Midian.

24 Nagpadala si Gideon ng mga sugo sa lahat ng lupaing maburol ng Efraim, na sinasabi, “Lusungin ninyo ang Midian, at abangan ninyo sila sa tubig, hanggang sa Bet-bara, at gayundin ang Jordan.” Sa gayo'y ang lahat ng mga lalaki ng Efraim ay tinipon, at inagapan ang tubig hanggang sa Bet-bara, at ang Jordan.

25 Kanilang hinuli ang dalawang prinsipe ng Midian, sina Oreb at Zeeb. Sa kanilang pagtugis sa Midian, pinatay nila si Oreb sa bato ni Oreb at si Zeeb sa pisaan ng ubas ni Zeeb. Kanilang dinala ang mga ulo nina Oreb at Zeeb kay Gideon sa kabila ng Jordan.

Mga Gawa 11

Nag-ulat si Pedro sa Iglesya sa Jerusalem

11 Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid na nasa Judea na tinanggap din ng mga Hentil ang salita ng Diyos.

Kaya't nang umahon si Pedro sa Jerusalem ay nakipagtalo sa kanya ang mga nasa panig ng pagtutuli,

na sinasabi, “Bakit pumunta ka sa mga taong hindi tuli at kumain kang kasalo nila?”

Ngunit si Pedro ay nagpasimulang magpaliwanag sa kanila nang sunud-sunod, na sinasabi:

“Ako'y nananalangin sa bayan ng Joppa; habang nasa kawalan ng malay ay nakakita ako ng isang pangitain na may isang bagay na bumababa, gaya ng isang malapad na kumot, na sa apat na sulok ay inihuhugos mula sa langit at bumaba sa akin.

Nang titigan ko iyon ay nakita ko ang mga hayop sa lupa na may apat na paa at mga hayop na mababangis at mga hayop na gumagapang at mga ibon sa himpapawid.

Nakarinig din ako ng isang tinig na nagsasabi sa akin, ‘Tumindig ka, Pedro; magkatay ka at kumain.’

Subalit sinabi ko, ‘Hindi maaari, Panginoon, sapagkat kailanman ay walang anumang marumi o karumaldumal ang pumasok kailanman sa aking bibig.’

Ngunit sumagot sa ikalawang pagkakataon ang tinig mula sa langit, ‘Ang nilinis ng Diyos ay huwag mong ituring na marumi.’

10 Ito'y nangyari ng tatlong ulit, at muling binatak ang lahat ng iyon papaakyat sa langit.

11 Nang sandaling iyon, may dumating na tatlong lalaki sa bahay na aming kinaroroonan, na mga sinugo sa akin buhat sa Cesarea.

12 Iniutos sa akin ng Espiritu na ako'y sumama sa kanila at huwag mag-atubili. At sinamahan din ako nitong anim na kapatid; at pumasok kami sa bahay ng lalaki.

13 Kanyang isinalaysay sa amin kung paanong nakita niya ang anghel na nakatindig sa kanyang bahay, at nagsasabi, ‘Magsugo ka sa Joppa at ipatawag mo si Simon, na tinatawag na Pedro.

14 Magsasabi siya sa iyo ng mga salitang ikaliligtas mo, ikaw at ng buong sambahayan mo.’

15 Nang ako'y magsimulang magsalita, bumaba sa kanila ang Espiritu Santo na kung paanong bumaba rin sa atin noong una.

16 At(A) naalala ko ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya, ‘Si Juan ay nagbautismo sa tubig, subalit kayo'y babautismuhan sa Espiritu Santo.’

17 Kung ibinigay sa kanila ng Diyos ang gayunding kaloob na gaya naman ng kanyang ibinigay sa atin nang tayo'y nanampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo, sino ba ako na makakahadlang sa Diyos?”

18 Nang marinig nila ang mga bagay na ito, tumahimik sila at niluwalhati ang Diyos, na sinasabi, “Kung gayo'y binigyan din ng Diyos ang mga Hentil ng pagsisisi tungo sa buhay.”

Ang Iglesya sa Antioquia

19 Samantala,(B) ang mga nagkawatak-watak dahil sa pag-uusig na nangyari kay Esteban ay naglakbay hanggang sa Fenicia, sa Cyprus, at sa Antioquia, na hindi sinasabi kaninuman ang salita, maliban sa mga Judio.

20 Subalit may ilan sa kanila, mga lalaking taga-Cyprus at taga-Cirene, nang dumating sa Antioquia, ay nagsalita din sa mga Griyego, na ipinangangaral ang Panginoong Jesus.

21 Sumasakanila ang kamay ng Panginoon at ang napakalaking bilang na sumampalataya ay nagbalik-loob sa Panginoon.

22 Nakarating ang balita tungkol sa kanila sa mga pandinig ng iglesya na nasa Jerusalem at kanilang sinugo si Bernabe sa Antioquia.

23 Nang siya'y dumating at nakita ang biyaya ng Diyos, ay nagalak siya at kanyang hinimok ang bawat isa upang manatili sa Panginoon na may katapatan ng puso;

24 sapagkat siya'y mabuting lalaki at puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya. At napakaraming tao ang idinagdag sa Panginoon.

25 At si Bernabe ay nagtungo sa Tarso upang hanapin si Saulo.

26 Nang siya'y kanyang matagpuan ay kanyang dinala siya sa Antioquia. At nangyari na sa buong isang taon ay nakasama nila ang iglesya, at nagturo sa napakaraming tao; at sa Antioquia ang mga alagad ay pinasimulang tawaging mga Cristiano.

27 Nang mga araw ngang ito ay may lumusong sa Antioquia na mga propetang galing sa Jerusalem.

28 (C) Isa sa kanila na ang pangalan ay Agabo, ang tumayo at ipinaalam sa pamamagitan ng Espiritu na magkakaroon ng matinding taggutom sa buong sanlibutan; at ito'y nangyari sa kapanahunan ni Claudio.

29 Ang mga alagad, ayon sa kakayahan ng bawat isa, ay nagpasiyang magpadala ng tulong sa mga kapatid na naninirahan sa Judea;

30 at kanilang ginawa ito at ipinadala nila sa matatanda sa pamamagitan ng mga kamay nina Bernabe at Saulo.

Jeremias 20

Ang Pakikipagtalo ni Jeremias kay Pashur

20 Napakinggan ni Pashur na anak ni Imer na pari, na punong-tagapangasiwa sa bahay ng Panginoon, si Jeremias na nagsasalita ng propesiya tungkol sa mga bagay na ito.

Nang magkagayo'y sinaktan ni Pashur si Jeremias na propeta, at ginapos sa tanikala sa mas mataas na pintuan ng Benjamin sa bahay ng Panginoon.

Kinabukasan, nang mapalaya na ni Pashur si Jeremias mula sa mga tanikala, sinabi ni Jeremias sa kanya, “Hindi ka tinatawag ng Panginoon sa pangalang Pashur, kundi Magor-missabib.[a]

Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, gagawin kitang kilabot sa iyong sarili at sa iyong mga kaibigan. Sila'y mabubuwal sa pamamagitan ng tabak ng kanilang mga kaaway habang ikaw ay nakatingin. At ibibigay ko ang buong Juda sa kamay ng hari ng Babilonia. Kanyang dadalhin sila bilang mga bihag sa Babilonia, at papatayin sila ng tabak.

Bukod dito ay ibibigay ko ang lahat ng kayamanan ng lunsod na ito, lahat ng kinita nito, lahat ng mahahalagang ari-arian nito, at ang lahat ng kayamanan ng mga hari ng Juda sa kamay ng kanilang mga kaaway na mananamsam sa kanila na huhuli at magdadala sa kanila sa Babilonia.

At ikaw, Pashur, at ang lahat ng nakatira sa iyong bahay ay pupunta sa pagkabihag. Pupunta ka sa Babilonia at doon ka mamamatay, at doon ka ililibing, ikaw at ang lahat mong mga kaibigan na iyong pinagpahayagan ng kasinungalingan.”

O Panginoon, dinaya[b] mo ako,
    at ako'y nadaya;[c]
mas malakas ka kaysa akin,
    at nanaig ka.
Ako'y nagiging katatawanan buong araw,
    tinutuya ako ng bawat isa.
Sapagkat tuwing ako'y magsasalita, sumisigaw ako,
    isinisigaw ko, “Karahasan at pagkawasak!”
Sapagkat ang salita ng Panginoon ay naging pagkutya at kadustaan sa akin sa bawat araw.
At kung aking sasabihin, “Hindi ko na siya babanggitin,
    o magsasalita pa sa kanyang pangalan,”
waring sa aking puso ay may nag-aalab na apoy
    na nakakulong sa aking mga buto,
at ako'y pagod na sa kapipigil dito,
    at hindi ko makaya.
10 Sapagkat narinig ko ang marami na bumubulong.
    Ang kilabot ay nasa lahat ng panig!
“Batikusin natin siya. Batikusin natin siya!”
    Ang wika ng lahat kong mga kaibigan,
    na nagmamatyag sa aking pagbagsak.
“Marahil siya'y madadaya,
    kung magkagayo'y madadaig natin siya,
    at tayo'y makakaganti sa kanya.”
11 Ngunit ang Panginoon ay kasama ko na gaya ng isang kinatatakutang mandirigma;
    kaya't ang mga umuusig sa akin ay matitisod,
    hindi nila ako madadaig.
Sila'y lubhang mapapahiya,
    sapagkat sila'y hindi magtatagumpay.
Ang kanilang walang hanggang kahihiyan
    ay hindi malilimutan.
12 O Panginoon ng mga hukbo, na sumusubok sa matuwid,
    na nakakakita ng puso at pag-iisip,
ipakita mo sa akin ang iyong paghihiganti sa kanila;
    sapagkat sa iyo ay itinalaga ko ang aking ipinaglalaban.

13 Magsiawit kayo sa Panginoon,
    purihin ninyo ang Panginoon!
Sapagkat kanyang iniligtas ang kaluluwa ng nangangailangan
    mula sa kamay ng mga manggagawa ng kasamaan.

14 Sumpain(A) ang araw
    na ako'y ipinanganak!
Ang araw na ako'y isinilang ng aking ina,
    huwag nawa itong basbasan!
15 Sumpain ang tao
    na nagdala ng balita sa aking ama,
“Isang lalaki ang ipinanganak sa iyo,”
    na kanyang ikinagalak.
16 Ang lalaki nawang iyon ay maging gaya ng mga lunsod
    na walang awang giniba ng Panginoon,
at makarinig nawa siya ng daing sa umaga,
    at babala sa katanghaliang-tapat;
17 sapagkat hindi niya ako pinatay sa sinapupunan;
    at sa gayo'y naging libingan ko sana ang aking ina,
    at ang kanyang sinapupunan, ay naging dakila magpakailanman.
18 Bakit ako'y lumabas pa sa sinapupunan
    upang makakita ng hirap at kalungkutan,
    at gugulin ang aking mga araw sa kahihiyan?

Marcos 6

Hindi Kinilala si Jesus sa Nazaret(A)

Umalis siya roon at pumunta sa kanyang sariling bayan at sumunod sa kanya ang kanyang mga alagad.

Nang sumapit ang Sabbath, nagpasimula siyang magturo sa sinagoga at marami sa mga nakinig sa kanya ay namangha na sinasabi, “Saan kinuha ng taong ito ang lahat ng ito? Anong karunungan ito na ibinigay sa kanya? Anong mga makapangyarihang gawa ang ginagawa ng kanyang mga kamay!

Hindi ba ito ang karpintero, ang anak ni Maria at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Hindi ba naritong kasama natin ang kanyang mga kapatid na babae?” At sila'y natisod sa kanya.

Kaya't(B) sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang propeta ay hindi nawawalan ng karangalan, maliban sa kanyang sariling bayan, sa kanyang sariling mga kamag-anak, at sa kanyang sariling bahay.”

Hindi siya nakagawa roon ng anumang makapangyarihang gawa, maliban sa ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa ilang mga maysakit at pinagaling sila.

Nanggilalas siya sa kanilang hindi pagsampalataya. Siya'y lumibot na nagtuturo sa mga nayong nasa paligid.

Sinugo ni Jesus ang Labindalawa(C)

Tinawag niya ang labindalawa, at pinasimulang isugo sila na dala-dalawa. Sila'y binigyan niya ng kapangyarihan laban sa mga masasamang espiritu.

At ipinagbilin niya sa kanila na huwag silang magdadala ng anuman sa kanilang paglalakbay maliban sa isang tungkod; walang tinapay, walang balutan, walang salapi sa kanilang mga pamigkis,

kundi magsusuot ng sandalyas at hindi magsusuot ng dalawang tunika.

10 Sinabi niya sa kanila, “Saanmang bahay kayo pumasok, manatili kayo roon hanggang sa umalis kayo roon.

11 Kung(D) (E) mayroong lugar na hindi kayo tanggapin at ayaw kayong pakinggan, sa pag-alis ninyo ay ipagpag ninyo ang alikabok na nasa inyong mga paa bilang patotoo laban sa kanila.”

12 Kaya't sila'y humayo at ipinangaral na ang mga tao ay dapat magsisi.

13 Nagpalayas(F) sila ng maraming demonyo, pinahiran ng langis ang maraming maysakit at pinagaling sila.

Ang Pagkamatay ni Juan na Tagapagbautismo(G)

14 Nabalitaan(H) ito ni Haring Herodes, sapagkat ang pangalan ni Jesus ay naging tanyag. Sinasabi ng iba, “Si Juan na Tagapagbautismo ay muling nabuhay mula sa mga patay at dahil dito, gumagawa ang mga kapangyarihang ito sa kanya.”

15 Ngunit sinasabi ng iba, “Siya'y si Elias.” At sinasabi naman ng iba, “Siya'y propeta, na tulad ng isa sa mga propeta noong una.”

16 Ngunit nang marinig ito ni Herodes ay sinabi niya, “Si Juan na aking pinugutan ng ulo ay muling nabuhay.”

17 Sapagkat(I) si Herodes mismo ang nagsugo sa mga kawal na dumakip kay Juan, at nagpagapos sa kanya sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ni Felipe na kanyang kapatid; sapagkat pinakasalan siya ni Herodes.

18 Sapagkat sinasabi ni Juan kay Herodes, “Hindi ipinahihintulot sa iyo na angkinin mo ang asawa ng iyong kapatid.”

19 Kaya't si Herodias ay nagtanim ng galit sa kanya at hinangad siyang patayin ngunit hindi niya magawa,

20 sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Nalalaman niyang si Juan[a] ay isang lalaking matuwid at banal at siya'y ipinagtanggol niya. Nang kanyang mapakinggan siya, labis siyang nabagabag gayunma'y masaya siyang nakinig sa kanya.

21 Ngunit dumating ang isang pagkakataon na si Herodes sa kanyang kaarawan ay nagbigay ng isang salu-salo para sa kanyang mga mahistrado, mga pinuno ng hukbo at mga pangunahing tao sa Galilea.

22 Nang pumasok ang anak na babae ni Herodias at sumayaw, siya'y nagustuhan ni Herodes at ng kanyang mga panauhin. Sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo sa akin ang maibigan mo at ibibigay ko sa iyo.”

23 At sumumpa siya sa kanya, “Ang anumang hingin mo sa akin ay ibibigay ko sa iyo, kahit na ang kalahati ng aking kaharian.”

24 Lumabas siya at sinabi sa kanyang ina, “Ano ang aking hihingin?” At sinabi niya, “Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.”

25 At nagmamadali siyang pumasok sa kinaroroonan ng hari at humiling na sinasabi, “Ibig kong ibigay mo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo na nasa isang pinggan.”

26 At lubhang nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang pangako at sa kanyang mga panauhin, ayaw niyang tumanggi sa kanya.

27 Agad na isinugo ng hari ang isang kawal na bantay at ipinag-utos na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan.[b] Umalis nga ang kawal[c] at pinugutan niya ng ulo si Juan sa bilangguan.

28 At dinala ang ulo ni Juan na nasa isang pinggan at ibinigay ito sa dalaga at ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina.

29 Nang mabalitaan ito ng kanyang mga alagad, pumaroon sila at kinuha ang kanyang bangkay at inilagay sa isang libingan.

Ang Pagpapakain sa Limang Libo(J)

30 Ang mga apostol ay nagtipon sa harap ni Jesus at ibinalita nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro.

31 At sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo ng bukod sa isang dakong ilang at magpahinga kayo nang sandali.” Sapagkat marami ang nagpaparoo't parito at sila'y hindi man lamang nagkaroon ng panahong kumain.

32 Umalis nga silang bukod, sakay ng isang bangka patungo sa isang dakong ilang.

33 Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at sila'y nakilala. Kaya't tumakbo sila mula sa lahat ng mga bayan at nauna pang dumating sa kanila.

34 Pagbaba(K) niya sa pampang nakita niya ang napakaraming tao at nahabag siya sa kanila, sapagkat sila'y tulad sa mga tupa na walang pastol. At sila'y sinimulan niyang turuan ng maraming bagay.

35 Nang gumagabi na, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad at nagsabi, “Ito ay isang ilang na dako at gumagabi na.

36 Paalisin mo na sila upang makapunta sa mga bukid at mga nayon sa paligid at makabili sila ng anumang makakain.”

37 Ngunit sumagot siya sa kanila, “Bigyan ninyo sila ng makakain.” At sinabi nila sa kanya, “Aalis ba kami upang bumili ng dalawang daang denariong tinapay at ipapakain namin sa kanila?”

38 At sinabi niya sa kanila, “Ilang tinapay mayroon kayo? Humayo kayo at inyong tingnan.” Nang malaman nila ay kanilang sinabi, “Lima, at dalawang isda.”

39 Pagkatapos ay iniutos niya sa kanila na paupuin silang lahat nang pangkat-pangkat sa luntiang damo.

40 Kaya't umupo sila nang pangkat-pangkat, nang tig-iisandaan at tiglilimampu.

41 Kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, tumingala siya sa langit, pinagpala at pinagputul-putol ang mga tinapay at ibinigay niya sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. At ipinamahagi niya sa kanilang lahat ang dalawang isda.

42 Kumain silang lahat at nabusog.

43 Kanilang pinulot ang labindalawang kaing na punô ng pira-pirasong tinapay at mga isda.

44 Ang mga kumain ng mga tinapay ay limang libong lalaki.

Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(L)

45 Agad niyang pinasakay sa bangka ang kanyang mga alagad at pinauna sa kanya sa kabilang ibayo, sa Bethsaida, hanggang sa mapauwi na niya ang maraming tao.

46 Pagkatapos na makapagpaalam siya sa kanila, umakyat siya sa bundok upang manalangin.

47 Nang sumapit ang gabi, ang bangka ay nasa gitna ng dagat at siya'y nag-iisa sa lupa.

48 Pagkakita sa kanila na sila'y nahihirapan sa pagsagwan, sapagkat salungat sa kanila ang hangin, nang malapit na ang madaling araw,[d] lumapit siya sa kanila na lumalakad sa ibabaw ng dagat. Balak niyang lampasan sila,

49 ngunit nang makita nilang siya'y lumalakad sa ibabaw ng dagat, inakala nilang iyon ay isang multo at sila'y sumigaw;

50 sapagkat siya ay nakita nilang lahat at sila'y nasindak. Ngunit agad siyang nagsalita sa kanila at sinabi, “Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito; huwag kayong matakot.”

51 Sumakay siya sa bangka kasama nila at tumigil ang hangin. At sila'y lubhang nanggilalas,

52 sapagkat hindi nila nauunawaan ang tungkol sa mga tinapay, kundi tumigas ang kanilang mga puso.

Pinagaling ni Jesus ang mga Maysakit sa Genesaret(M)

53 Nang makatawid na sila, narating nila ang lupain ng Genesaret at dumaong doon.

54 At nang bumaba sila sa bangka, agad siyang nakilala ng mga tao.

55 Tumakbo sila sa palibot ng buong lupaing iyon at pinasimulan nilang dalhin ang mga maysakit na nasa kanilang higaan, saanman nila mabalitaan na naroon siya.

56 At saanman siya pumasok sa mga nayon, o sa mga lunsod o bukid inilalagay nila sa mga pamilihan ang mga maysakit, at pinapakiusapan siya na ipahipo man lamang sa kanila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng humipo nito[e] ay pawang gumaling.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001