Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Josue 16-17

Ang Ipinamana kina Efraim at Manases

16 Ang kabahagi ng mga anak ni Jose ay mula sa Jordan sa Jerico, sa silangan ng mga tubig ng Jerico, hanggang sa ilang na paakyat sa Jerico at patuloy sa lupaing maburol hanggang sa Bethel;

at papalabas mula sa Bethel na patungo sa Luz at patuloy sa nasasakupan ng mga Arkita na patungo sa Atarot;

at pababa sa kanluran sa nasasakupan ng mga Jafleto, hanggang sa nasasakupan ng Bet-horon sa ibaba, hanggang sa Gezer: at ang mga labasan nito ay sa dagat.

Efraim

Tinanggap ng mga anak ni Jose, Manases at Efraim ang kanilang mana.

Ang nasasakupan ng mga anak ni Efraim ayon sa kanilang mga angkan ay ito: ang hangganan ng kanilang mana sa silangan ay Atarot-adar, hanggang sa Bet-horon sa itaas.

Ang hangganan ay palabas sa kanluran sa Micmetat, sa hilaga; at ang hangganan ay paliko sa silangan hanggang sa Tanat-silo at patuloy sa silangan ng Janoa;

at pababa mula sa Janoa na patungo sa Atarot at sa Naara, at abot hanggang sa Jerico, at papalabas sa Jordan.

Mula sa Tapua ay patuloy ang hangganan sa kanluran sa batis ng Cana; at ang labasan niyon ay sa dagat. Ito ang mana ng lipi ng mga anak ni Efraim ayon sa kanilang mga angkan,

pati ang mga bayang ibinukod sa mga anak ni Efraim sa gitna ng pamana sa mga anak ni Manases, lahat ng mga bayan kabilang ang kanilang mga nayon.

10 Gayunma'y(A) hindi nila pinalayas ang mga Cananeo na naninirahan sa Gezer, kaya't ang mga Cananeo ay nanirahan sa gitna ng Efraim hanggang sa araw na ito, ngunit naging mga aliping sapilitang pinagagawa.

Ang Pamana sa mga Anak ni Manases

17 At binigyan ng kabahagi ang lipi ni Manases, sapagkat siya ang panganay ni Jose. Kay Makir na panganay ni Manases, na ama ni Gilead ay ang Gilead at ang Basan, sapagkat siya'y lalaking mandirigma.

Binigyan din ng kabahagi ang iba pang mga anak ni Manases ayon sa kanilang mga angkan: sina Abiezer, Helec, at Asriel, Shekem, Hefer, at Semida; ang mga ito ang mga anak na lalaki ni Manases na anak ni Jose, ayon sa kanilang mga angkan.

Ngunit si Zelofehad na anak ni Hefer, na anak ni Gilead na anak ni Makir, na anak ni Manases, ay hindi nagkaroon ng mga anak na lalaki kundi mga babae; ito ang mga pangalan ng kanyang mga anak: Mahla, Noa, Hogla, Milca, at Tirsa.

Sila'y(B) lumapit sa harapan ng paring si Eleazar at sa harapan ni Josue na anak ni Nun, at sa harapan ng mga pinuno at sinabi, “Iniutos ng Panginoon kay Moises na bigyan kami ng pamana kasama ng aming mga kapatid na lalaki,” kaya't ayon sa utos ng Panginoon ay kanyang binigyan sila ng pamana kasama ng mga kapatid ng kanilang ama.

Kaya't napabigay ang sampung bahagi kay Manases, bukod sa lupain ng Gilead at ang Basan, na nasa kabila ng Jordan;

sapagkat ang mga anak na babae ni Manases ay tumanggap ng pamana kasama ng kanyang mga anak na lalaki; at ang lupain ng Gilead ay ibinahagi sa iba pang mga anak ni Manases.

Ang nasasakupan ng Manases ay mula sa Aser hanggang sa Micmetat, na nasa tapat ng Shekem; at ang hangganan ay patuloy sa kanan, hanggang sa mga taga-En-tapua.

Ang lupain ng Tapua ay para kay Manases; ngunit ang bayan ng Tapua sa hangganan ng Manases ay para sa mga anak ni Efraim.

Ang hangganan ay pababa hanggang sa batis ng Cana, na dakong timog ng batis; ang mga bayang ito ay para kay Efraim sa gitna ng mga bayan ng Manases at ang hangganan ng Manases ay nasa dakong hilaga ng batis, at ang labasan ay sa dagat;

10 Ang dakong timog ay kay Efraim, at ang dakong hilaga ay kay Manases, at ang dagat ay hangganan niyon; hanggang sa Aser sa hilaga at sa Isacar sa silangan.

11 Sa loob ng lupain nina Isacar at Aser ay napabigay ang Bet-shan at ang mga nayon niyon kay Manases at ang Ibleam at ang mga nayon niyon, at ang mga taga-Dor at ang mga nayon niyon, at ang mga taga-Endor at ang mga nayon niyon, at ang mga taga-Taanac at ang mga nayon niyon, at ang mga taga-Megido, at ang mga nayon niyon, at ang ikatlo ay Nafat.

12 Gayunma'y(C) hindi maangkin ng mga anak ni Manases ang mga bayang iyon; kundi ang mga Cananeo ay nagpilit na manirahan sa lupain.

13 Ngunit nang ang mga anak ni Israel ay lumakas, kanilang inilagay ang mga Cananeo sa sapilitang paggawa ngunit hindi nila lubos na pinalayas.

14 Ang mga anak ni Jose ay nagsalita kay Josue, “Bakit ang ibinigay mo sa akin bilang pamana ay isa lamang lote at isang bahagi, bagaman ako'y isang malaking sambayanan, sapagkat pinagpala ako hanggang ngayon ng Panginoon?”

15 At sinabi ni Josue sa kanila, “Kung ikaw ay isang malaking bayan, umahon ka sa gubat, at doon ay magbukas ka ng lupain para sa iyong sarili sa lupain ng mga Perezeo at ng mga Refaim; yamang ang lupaing maburol ng Efraim ay makipot para sa iyo.

16 Sinabi naman ng mga anak ni Jose, “Ang lupaing maburol ay hindi sapat para sa amin; at ang lahat ng mga Cananeo na naninirahan sa lupain ng libis, ang mga naninirahan sa Bet-shan at sa mga nayon niyon, gayundin ang mga nasa libis ng Jezreel ay may mga karwaheng bakal.”

17 At sinabi ni Josue sa sambahayan ni Jose, ni Efraim at ni Manases, “Ikaw ay malaking bayan, at may dakilang kapangyarihan; hindi marapat sa iyo ang isang bahagi lamang;

18 kundi ang lupaing maburol ay magiging iyo. Bagaman isang gubat, ito ay mahahawan ninyo at maaangkin hanggang sa kanyang pinakadulong hangganan. Mapapalayas mo ang mga Cananeo, bagaman sila'y may mga karwaheng bakal, at bagaman sila'y malalakas.”

Mga Awit 148

148 Purihin ang Panginoon!
Purihin ang Panginoon mula sa kalangitan,
    purihin siya sa mga kaitaasan.
Purihin ninyo siya, kayong lahat niyang mga anghel,
    purihin ninyo siya, kayong lahat niyang hukbo!

Purihin ninyo siya, araw at buwan;
    purihin ninyo siya, kayong lahat na mga bituing maningning,
Purihin ninyo siya, kayong mga langit ng mga langit,
    at ninyong mga tubig na nasa itaas ng mga langit.

Ang pangalan ng Panginoon ay purihin nila,
    sapagkat siya'y nag-utos, at sila'y nalikha.
At kanyang itinatag sila magpakailanpaman,
    siya'y gumawa ng pasiya na hindi mapapawi.

Mula sa lupa ang Panginoon ay purihin,
    ninyong mga dambuhala sa dagat, at lahat ng mga malalim,
apoy at yelo, niyebe at hamog,
    maunos na hangin na gumaganap ng kanyang salita!

Mga bundok at lahat ng mga burol,
    mga punong nagbubunga at lahat ng mga sedro!
10 Mga hayop at lahat ng kawan.
    mga bagay na gumagapang at mga ibong nagliliparan!

11 Mga hari sa lupa at lahat ng sambayanan,
    mga pinuno at lahat ng mga hukom sa sanlibutan!
12 Mga binata at gayundin ang mga dalaga;
    ang matatanda at mga bata!

13 Ang pangalan ng Panginoon ay purihin nila,
    sapagkat tanging ang kanyang pangalan ang dakila;
    nasa itaas ng lupa at mga langit ang kaluwalhatian niya.
14 Nagtaas siya ng sungay para sa kanyang bayan,
    ng papuri para sa lahat ng kanyang mga banal,
    para sa mga anak ni Israel na malapit sa kanya.
Purihin ang Panginoon!

Jeremias 8

“Sa panahong iyon, sabi ng Panginoon, ang mga buto ng mga hari ng Juda, ang mga buto ng kanyang mga pinuno, ang mga buto ng mga pari, ang mga buto ng mga propeta, at ang mga buto ng mga naninirahan sa Jerusalem ay ilalabas sa kanilang mga libingan;

at ang mga ito ay ikakalat sa harap ng araw, ng buwan, at ng lahat ng natatanaw sa langit, na kanilang inibig at pinaglingkuran, na sila nilang sinundan, hinanap, at sinamba. Sila'y hindi matitipon o malilibing; sila'y magiging gaya ng dumi sa ibabaw ng lupa.

Ang kamatayan ay higit na pipiliin kaysa buhay ng lahat ng naiwang nalabi na nanatili sa masamang angkang ito sa lahat ng dako na aking pinagtabuyan sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.

Ang Kasalanan at ang Parusa

“Sasabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon!
Kapag nabubuwal ang mga tao, di ba't muling bumabangon sila?
    Kapag ang isang tao'y tumalikod, hindi ba't bumabalik siya?
Kung gayo'y bakit ang bayang ito ng Jerusalem ay tumalikod
    sa tuluy-tuloy na pagtalikod?
Sila'y nananatili sa pandaraya,
    ayaw nilang bumalik.
Aking pinakinggan at aking narinig,
    ngunit hindi sila nagsalita nang matuwid;
walang nagsisisi sa kanyang kasamaan,
    na nagsasabi, ‘Anong aking ginawa?’
Bawat isa'y tumatahak sa kanyang sariling daanan,
    gaya ng kabayo na dumadaluhong sa labanan.
Maging ang tagak sa himpapawid
    ay nakakaalam ng kanyang kapanahunan;
at ang batu-bato, langay-langayan, at tagak
    ay tumutupad sa panahon ng kanilang pagdating,
ngunit hindi nalalaman ng aking bayan
    ang alituntunin ng Panginoon.

“Paano ninyo nasasabi, ‘Kami ay matalino,
    at ang kautusan ng Panginoon ay nasa amin?’
Ngunit sa katunayan, ito ay ginawang kasinungalingan
    ng huwad na panulat ng mga eskriba.
Ang mga taong pantas ay mapapahiya,
    sila'y masisindak at kukunin;
narito, kanilang itinakuwil ang salita ng Panginoon,
    at anong karunungan ang nasa kanila?
10 Kaya't(A) ibibigay ko ang kanilang mga asawa sa iba,
    at ang kanilang mga parang sa mga bagong magmamay-ari,
sapagkat mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki,
    ang bawat isa ay sakim sa pakinabang;
mula sa propeta hanggang sa pari,
    bawat isa'y gumagawang may panlilinlang.
11 Kanilang(B) pinagaling nang bahagya ang sugat ng aking bayan,
    na sinasabi, ‘Kapayapaan, kapayapaan,’
    gayong walang kapayapaan.
12 Nahiya ba sila nang sila'y gumawa ng karumaldumal?
    Hindi, hindi man lamang sila nahiya,
    hindi sila marunong mamula sa hiya.
Kaya't sila'y mabubuwal sa gitna ng mga nabuwal;
    sa panahon ng kanilang kaparusahan, sila'y ibabagsak, sabi ng Panginoon.
13 Lubos ko silang lilipulin, sabi ng Panginoon,
    mawawalan ng ubas sa puno ng ubas,
    o ng mga igos sa mga puno ng igos,
maging ang mga dahon ay nalalanta;
    at ang naibigay ko sa kanila ay lumipas na sa kanila.”

14 Bakit tayo'y nakaupo lamang?
Kayo'y magtipun-tipon, at magsipasok tayo sa mga lunsod na may kuta,
    at mamatay doon;
sapagkat tayo'y itinakda nang mamatay ng Panginoon nating Diyos,
    at binigyan tayo ng tubig na may lason upang inumin,
    sapagkat tayo'y nagkasala laban sa Panginoon.
15 Tayo'y naghanap ng kapayapaan, ngunit walang mabuting dumating;
    ng panahon ng paggaling, ngunit narito, ang panghihilakbot.

16 “Ang singasing ng kanilang mga kabayo ay naririnig mula sa Dan,
    sa tunog ng halinghing ng kanilang malalaking kabayo
    ay nayayanig ang buong lupain.
Sila'y dumarating at nilalamon ang lupain at ang lahat ng naroon;
    ang lunsod at ang mga naninirahan doon.
17 Sapagkat narito, ako'y nagsusugo ng mga ahas sa gitna ninyo,
    mga ulupong na hindi mapapaamo,
    at kakagatin nila kayo,” sabi ng Panginoon.

18 Ang aking kapighatian ay wala nang lunas!
    ang puso ko ay nanlulupaypay.
19 Narito, dinggin ninyo ang daing ng anak na babae ng aking bayan
    mula sa malayong lupain:
“Hindi ba nasa Zion ang Panginoon?
    Wala ba sa loob niya ang kanyang Hari?”
“Bakit nila ako ginalit sa pamamagitan ng kanilang mga larawang inanyuan,
    at ng kanilang ibang mga diyos?”
20 “Ang pag-aani ay nakaraan, ang tag-init ay tapos na,
    at tayo'y hindi ligtas.”
21 Dahil sa sugat ng anak na babae ng aking bayan ay nasaktan ako,
    ako'y nagluluksa, at ako'y sakmal ng pagkabalisa.

22 Wala bang pamahid na gamot sa Gilead?
    Wala bang manggagamot doon?
Bakit nga hindi pa naibabalik
    ang kalusugan ng anak na babae ng aking bayan?

Mateo 22

Ang Talinghaga tungkol sa Kasalan(A)

22 Si Jesus ay muling nagsalita sa kanila sa mga talinghaga, na sinasabi,

“Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang hari na nagdaos ng isang handaan para sa kasal ng kanyang anak na lalaki.

Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa handaan ng kasalan; ngunit ayaw nilang dumalo.

Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin, na sinasabi, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan: Narito, naihanda ko na ang aking handaan; pinatay na ang aking mga baka at matatabang hayop at handa na ang lahat. Halina kayo sa handaan ng kasalan.’

Ngunit hindi nila ito pinansin, at sila'y humayo, ang isa'y sa kanyang sariling bukid, ang isa'y sa kanyang pangangalakal.

Hinuli naman ng iba ang kanyang mga alipin at ginawan ng masama at pinagpapatay.

Kaya't nagalit ang hari. Sinugo niya ang kanyang mga hukbo, pinuksa ang mga mamamatay-taong iyon, at sinunog ang kanilang lunsod.

Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang mga alipin, ‘Handa na ang kasalan, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan.

Kaya pumunta kayo sa mga pangunahing lansangan at anyayahan ninyo sa handaan ng kasalan ang sinumang makita ninyo.’

10 Lumabas ang mga aliping iyon sa mga lansangan, at tinipon nila ang bawat matagpuan nila, masama man o mabuti; kaya't napuno ng mga panauhin ang kasalan.

11 “Ngunit nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, may nakita siya roong isang tao na hindi nakadamit pangkasal.

12 Sinabi niya sa kanya, ‘Kaibigan, paano ka nakapasok dito na hindi nakadamit pangkasal?’ Ngunit hindi siya nakapagsalita.

13 Kaya't(B) sinabi ng hari sa mga lingkod, ‘Gapusin ninyo ang mga paa at mga kamay niya, at itapon ninyo siya sa kadiliman sa labas. Doon ay ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.’

14 Sapagkat marami ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili.”

Ang Pagbabayad ng Buwis(C)

15 Pagkatapos ay umalis ang mga Fariseo at pinag-uusapan nila kung paano siyang mabibitag sa kanyang pananalita.

16 Kaya't sinugo nila ang kanilang mga alagad sa kanya, kasama ng mga Herodiano,[a] na nagsasabi, “Guro, alam naming ikaw ay tapat, at itinuturo mo ang daan ng Diyos ayon sa katotohanan at wala kang pinapanigang sinuman, sapagkat hindi ka nagtatangi ng tao.[b]

17 Sabihin mo nga sa amin, ano sa palagay mo? Matuwid bang magbuwis kay Cesar,[c] o hindi?”

18 Ngunit batid ni Jesus ang kanilang kasamaan, sinabi niya, “Bakit ninyo ako sinusubok, mga mapagkunwari?

19 Ipakita ninyo sa akin ang salaping pambuwis.” At dinala sa kanya ang isang denario.

20 Sinabi niya sa kanila, “Kaninong larawan ito at ang nakasulat?”

21 Sinabi nila sa kanya, “Kay Cesar.” Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Kaya't ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar at sa Diyos ang sa Diyos.”

22 Nang marinig nila ito ay namangha sila. Kanilang iniwan siya at sila'y umalis.

Tungkol sa Muling Pagkabuhay(D)

23 Nang(E) araw ding iyon ay lumapit kay Jesus[d] ang mga Saduceo, na nagsasabing walang pagkabuhay na muli; at kanilang tinanong siya,

24 na(F) sinasabi, “Guro, sinabi ni Moises, ‘Kung mamatay ang isang tao na walang anak, pakakasalan ng kanyang kapatid na lalaki ang asawa niya, at magkakaroon ng mga anak para sa kanyang kapatid na lalaki.’

25 Ngayon, mayroon sa aming pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at siya'y namatay. Sapagkat hindi siya nagkaroon ng anak ay iniwan niya ang kanyang asawa sa kanyang kapatid na lalaki.

26 Gayundin naman ang nangyari sa ikalawa at sa ikatlo, hanggang sa ikapito.

27 At kahuli-hulihan sa lahat ay namatay ang babae.

28 Kaya sa muling pagkabuhay, alin sa pito ang magiging asawa ng babae? Yamang siya'y napangasawa nilang lahat.”

29 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Nagkakamali kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman ang mga kasulatan, o ang kapangyarihan ng Diyos.

30 Sapagkat sa muling pagkabuhay ay hindi sila nag-aasawa o pinag-aasawa pa kundi sila'y tulad sa mga anghel sa langit.

31 At tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, hindi ba ninyo nabasa ang sinabi sa inyo ng Diyos,

32 ‘Ako(G) ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob’? Siya ay hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy.”

33 Nang marinig ito ng napakaraming tao, namangha sila sa kanyang aral.

Ang Dakilang Utos(H)

34 Ngunit nang marinig ng mga Fariseo na napatahimik ni Jesus[e] ang mga Saduceo, ay nagtipon sila.

35 At isa sa kanila, na tagapagtanggol ng kautusan, ay nagtanong sa kanya upang siya'y subukin.

36 “Guro, alin ba ang dakilang utos sa kautusan?”

37 At(I) sinabi sa kanya, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.’

38 Ito ang dakila at unang utos.’

39 At(J) ang pangalawa ay katulad nito, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.’

40 Sa(K) dalawang utos na ito nakasalig ang buong kautusan at ang mga propeta.”

Ang Tanong ni Jesus tungkol sa Anak ni David(L)

41 Habang nagkakatipon ang mga Fariseo ay tinanong sila ni Jesus,

42 na sinasabi, “Ano ang palagay ninyo tungkol sa Cristo? Kaninong anak siya?” Sinabi nila sa kanya, “Kay David.”

43 Sinabi niya sa kanila, “Kung gayo'y bakit si David nang nasa Espiritu ay tumatawag sa kanya ng Panginoon, na nagsasabi,

44 ‘Sinabi(M) ng Panginoon sa aking Panginoon,

“Maupo ka sa aking kanan,
    hanggang sa mailagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa”’?

45 Kung tinatawag nga siya ni David na Panginoon, paanong siya'y naging kanyang anak?”

46 Walang nakasagot sa kanya kahit isang salita, at wala na ring sinumang nangahas pang magtanong sa kanya ng anuman buhat sa araw na iyon.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001