M’Cheyne Bible Reading Plan
Pinauwi ni Josue ang Lipi mula sa Silangan
22 Pagkatapos ay tinawag ni Josue ang mga Rubenita, mga Gadita, at ang kalahating lipi ni Manases,
2 at(A) sinabi sa kanila, “Inyong iningatan ang lahat na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, at inyong pinakinggan ang aking tinig sa lahat ng aking iniutos sa inyo;
3 hindi ninyo pinabayaan nitong maraming araw ang inyong mga kapatid hanggang sa araw na ito, kundi inyong iningatan ang tagubilin ng Panginoon ninyong Diyos.
4 At ngayo'y binigyan ng Panginoon ninyong Diyos ng kapahingahan ang inyong mga kapatid, gaya ng ipinangako niya sa kanila. Kaya't ngayo'y bumalik kayo at humayo sa inyong mga tolda sa lupaing kinaroroonan ng inyong ari-arian na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon sa kabila ng Jordan.
5 Maingat ninyong gawin ang utos at batas na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, na ibigin ang Panginoon ninyong Diyos, at lumakad sa lahat niyang mga daan, at ingatan ang kanyang mga utos, manatili at maglingkod sa kanya nang inyong buong puso at kaluluwa.”
6 Kaya't binasbasan sila ni Josue at pinahayo sila at sila'y umuwi sa kanilang mga tolda.
7 Sa kalahating lipi ni Manases ay nagbigay si Moises ng pag-aari sa Basan; ngunit ang kalahating lipi ay binigyan ni Josue ng pag-aari kasama ng kanilang mga kapatid sa kabila ng Jordan sa dakong kanluran. Bukod dito'y, binasbasan sila ni Josue nang kanyang pauwiin sila sa kanilang mga tolda,
8 at sinabi sa kanila, “Kayo'y bumalik sa inyong mga tolda na may maraming kayamanan, maraming hayop, pilak, ginto, tanso, bakal, at maraming kasuotan. Hatiin ninyo sa inyong mga kapatid ang nasamsam mula sa inyong mga kaaway.”
9 Kaya't ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay bumalik at humiwalay sa mga anak ni Israel sa Shilo, na nasa lupain ng Canaan, upang pumunta sa lupain ng Gilead, ang kanilang lupain na kanilang naging pag-aari, ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
Ang Dambana sa Tabi ng Jordan
10 Nang sila'y dumating malapit sa lupain ng Jordan, na nasa lupain ng Canaan, ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagtayo roon ng isang napakalaking dambana sa tabi ng Jordan.
11 At narinig ng mga anak ni Israel, na sinabi, “Tingnan ninyo, ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagtayo ng isang dambana sa tapat ng lupain ng Canaan, sa bahaging pag-aari ng mga anak ni Israel sa lupain ng Jordan.”
12 Nang ito ay marinig ng mga anak ni Israel, ang buong kapulungan ay nagtipon sa Shilo upang makipagdigma laban sa kanila.
13 At sinugo ng mga anak ni Israel sa mga anak nina Ruben, Gad, at sa kalahating lipi ni Manases, sa lupain ng Gilead, si Finehas na anak ng paring si Eleazar.
14 Kasama niya ay sampung pinuno, isang pinuno sa bawat sambahayan ng mga magulang sa bawat isa sa mga lipi ng Israel; at bawat isa sa kanila'y pinuno ng mga sambahayan ng kanilang mga magulang sa mga angkan ng Israel.
15 At sila'y dumating sa mga anak nina Ruben, Gad, at sa kalahating lipi ni Manases sa lupain ng Gilead, at sinabi nila sa kanila,
16 “Ganito(B) ang sinabi ng buong kapulungan ng Panginoon, ‘Anong kataksilan itong inyong ginawa laban sa Diyos ng Israel sa pagtalikod sa araw na ito mula sa pagsunod sa Panginoon, sa pamamagitan ng inyong pagtatayo ng isang dambana bilang paghihimagsik laban sa Panginoon?
17 Hindi(C) pa ba sapat ang kasalanan sa Peor na kung saan ay hindi pa natin nalilinis ang ating mga sarili, kaya't dumating ang salot sa kapulungan ng Panginoon,
18 upang kayo'y humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon? At kung kayo'y maghihimagsik ngayon laban sa Panginoon ay magagalit siya bukas sa buong kapulungan ng Israel.
19 Gayunman, kung ang inyong lupain ay marumi, dumaan kayo sa lupain ng Panginoon, na kinatatayuan ng tabernakulo ng Panginoon at kumuha kayo ng pag-aari kasama namin; huwag lamang kayong maghihimagsik laban sa Panginoon, o gawin kaming mga manghihimagsik sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang dambana bukod sa dambana ng Panginoon nating Diyos.
20 Hindi(D) ba't si Acan na anak ni Zera ay nagtaksil tungkol sa itinalagang bagay, at ang poot ay bumagsak sa buong kapulungan ng Israel? Ang taong iyon ay namatay na hindi nag-iisa dahil sa kanyang kasamaan.’”
21 Nang magkagayo'y sumagot ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases, at nagsalita sa mga pinuno ng mga sambahayan ng Israel.
22 “Ang Makapangyarihan, ang Diyos, ang Panginoon! Ang Makapangyarihan, ang Diyos, ang Panginoon! Nalalaman niya; at hayaang malaman ng Israel! Kung paghihimagsik nga o kataksilan sa Panginoon, huwag mo kaming iligtas sa araw na ito,
23 sa pagtatayo namin ng isang dambana upang humiwalay sa pagsunod sa Panginoon; o kung aming ginawa upang paghandugan ng mga handog na sinusunog o handog na butil o handog pangkapayapaan, ay mismong ang Panginoon ang maghihiganti.
24 Hindi, kundi ginawa namin iyon dahil sa takot na sa darating na panahon ay sasabihin ng inyong mga anak, ‘Anong pakialam ninyo sa Panginoon, sa Diyos ng Israel?
25 Sapagkat ginawang hangganan ng Panginoon ang Jordan sa pagitan namin at ninyo, ninyong mga anak nina Ruben at Gad; kayo'y walang bahagi sa Panginoon.’ Kaya't patitigilin ng inyong mga anak ang aming mga anak sa pagsamba sa Panginoon.
26 Kaya't aming sinabi, ‘Magtayo tayo ngayon ng isang dambana, hindi para sa handog na sinusunog, ni dahil sa alay man,
27 kundi magiging saksi sa pagitan namin at ninyo, at sa pagitan ng ating mga lahi pagkamatay natin, upang aming magawa ang paglilingkod sa Panginoon sa harap niya sa pamamagitan ng aming mga handog na sinusunog, alay, at mga handog pangkapayapaan; baka sabihin ng inyong mga anak sa aming mga anak sa panahong darating, “Kayo'y walang bahagi sa Panginoon.”’
28 At inakala namin, kapag ito ay sinabi sa amin o sa aming mga anak sa panahong darating, ay aming sasabihin, ‘Tingnan ninyo ang anyo ng dambana ng Panginoon na ginawa ng aming mga ninuno, hindi para sa handog na sinusunog, ni sa alay, kundi isang saksi sa pagitan namin at ninyo.’
29 Huwag nawang mangyari sa amin na kami ay maghimagsik laban sa Panginoon, at humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang dambana para sa handog na sinusunog, handog na butil, o alay na hindi sa dambana ng Panginoon nating Diyos na nakatayo sa harap ng kanyang tabernakulo.”
30 Nang marinig ng paring si Finehas, at ng mga pinuno ng kapulungan ng mga puno ng mga angkan ng Israel na kasama niya ang mga sinabi ng mga anak nina Ruben, Gad, at Manases, sila ay nasiyahan.
31 Sinabi ni Finehas na anak ng paring si Eleazar sa mga anak nina Ruben, Gad, at sa mga anak ni Manases, “Sa araw na ito ay nalalaman namin na ang Panginoon ay kasama natin, sapagkat kayo'y hindi nagkasala ng kataksilang ito laban sa Panginoon. Ngayo'y inyong iniligtas ang mga anak ni Israel mula sa kamay ng Panginoon.”
32 At si Finehas na anak ng paring si Eleazar at ang mga pinuno ay bumalik mula sa mga anak nina Ruben at Gad sa lupain ng Gilead, at nagtungo sa lupain ng Canaan, sa sambayanan ng Israel, at sila ay dinalhan nila ng balita.
33 Ang ulat ay ikinatuwa ng mga anak ni Israel; at pinuri ng mga anak ni Israel ang Diyos at hindi na nagsalita pa ng pakikidigma laban sa kanila, na wasakin ang lupaing tinitirhan ng mga anak ni Ruben at mga anak ni Gad.
34 Ang dambana ay tinawag na Saksi ng mga anak ni Ruben at ng mga anak ni Gad: “Sapagkat,” wika nila, “ito ay saksi sa pagitan natin na ang Panginoon ay Diyos.”
Ang Pagdating ng Espiritu Santo
2 Nang(A) dumating ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nagkakatipon sa isang lugar.
2 Biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng isang humahagibis na hanging malakas, at pinuno nito ang buong bahay kung saan sila'y nakaupo.
3 Sa kanila'y may nagpakitang parang mga dilang apoy na nahahati at lumapag sa bawat isa sa kanila.
4 Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo, at nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu.
5 Noon ay may mga naninirahan sa Jerusalem na mga relihiyosong Judio, buhat sa bawat bansa sa ilalim ng langit.
6 Dahil sa ugong na ito ay nagkatipon ang maraming tao at nagkagulo sapagkat naririnig nila ang bawat isa na nagsasalita sa kani-kanilang sariling wika.
7 Sila ay nagtaka, namangha at nagsabi, “Tingnan ninyo, hindi ba mga taga-Galilea ang lahat ng mga nagsasalitang ito?
8 Paanong naririnig natin, ng bawat isa sa atin, ang ating sariling wikang kinagisnan?
9 Ang mga Parto, at mga Medo, at mga Elamita, at mga naninirahan sa Mesopotamia, sa Judea, at sa Capadocia, sa Ponto at sa Asia,
10 sa Frigia at Pamfilia, sa Ehipto at sa mga lupain ng Libya na sakop ng Cirene at mga panauhing taga-Roma, mga Judio, at gayundin ang mga naging Judio,
11 mga Creteo at mga Arabe, ay naririnig nating nagsasalita sa ating mga wika tungkol sa mga makapangyarihang gawa ng Diyos.”
12 Silang lahat ay nagtaka at naguluhang sinasabi sa isa't isa, “Ano ang kahulugan nito?”
13 Ngunit ang mga iba'y nanlilibak na nagsabi, “Sila'y lasing sa bagong alak.”
Nangaral si Pedro
14 Ngunit si Pedro, na nakatayong kasama ng labing-isa, ay nagtaas ng kanyang tinig, at nagpahayag sa kanila, “Kayong mga kalalakihan ng Judea at kayong lahat na naninirahan sa Jerusalem, malaman sana ninyo ito, at makinig kayo sa aking sasabihin.
15 Ang mga ito'y hindi lasing, na gaya ng inyong inaakala, sapagkat ngayo'y ikatlong oras[a] pa lamang.
16 Ngunit ito ay yaong ipinahayag sa pamamagitan ni propeta Joel:
17 ‘At(B) sa mga huling araw, sabi ng Diyos,
mula sa aking Espiritu ay magbubuhos ako sa lahat ng laman;
at ang inyong mga anak na lalaki at mga anak na babae ay magsasalita ng propesiya,
at ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain,
ang inyong matatandang lalaki ay mananaginip ng mga panaginip.
18 Maging sa aking mga aliping lalaki at mga aliping babae,
sa mga araw na iyon ay magbubuhos ako mula sa aking Espiritu;
at sila'y magsasalita ng propesiya.
19 At magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit sa itaas,
at mga tanda sa lupa sa ibaba, dugo, at apoy, at makapal na usok.
20 Ang araw ay magiging kadiliman,
at ang buwan ay dugo, bago dumating ang dakila at maluwalhating araw ng Panginoon.
21 At mangyayari na ang bawat tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.’
22 “Kayong mga Israelita, pakinggan ninyo ang mga salitang ito: Si Jesus na taga-Nazaret, isang lalaking pinatunayan ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ng mga gawang makapangyarihan, mga kababalaghan at mga tanda na ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya sa gitna ninyo, gaya ng nalalaman ninyo—
23 Siya,(C) na ibinigay sa takdang pasiya at paunang kaalaman ng Diyos ay inyong ipinako sa krus at pinatay sa pamamagitan ng kamay ng mga makasalanan.
24 Ngunit(D) siya'y muling binuhay ng Diyos, pagkatapos palayain sa mga hirap ng kamatayan, sapagkat hindi maaaring siya'y mapigilan nito.
25 Sapagkat(E) sinasabi ni David tungkol sa kanya,
‘Nakita ko ang Panginoon na laging kasama ko,
sapagkat siya'y nasa aking kanang kamay, upang huwag akong matinag;
26 kaya't nagalak ang aking puso, at natuwa ang aking dila;
gayundin ang aking katawan ay mananatiling may pag-asa.
27 Sapagkat hindi mo hahayaan ang kaluluwa ko sa Hades,
ni ipahihintulot man na ang iyong Banal ay makakita ng kabulukan.
28 Ipinaalam mo sa akin ang mga daan ng buhay;
pupuspusin mo ako ng kagalakan sa iyong harapan.’
29 “Mga kapatid, may tiwalang masasabi ko sa inyo ang tungkol sa patriyarkang si David. Siya rin ay namatay at inilibing, at nasa atin ang kanyang libingan hanggang sa araw na ito.
30 Yamang(F) siya'y isang propeta at nalalaman niyang nangako ang Diyos sa kanya na ang isa sa kanyang mga inapo ay iluluklok niya sa kanyang trono.
31 Yamang nakita niya ito bago pa mangyari, nagsalita si David tungkol sa muling pagkabuhay ng Cristo:
‘Hindi siya pinabayaan sa Hades,
ni ang kanya mang katawan ay nakakita ng kabulukan.’
32 Ang Jesus na ito'y muling binuhay ng Diyos, at tungkol dito'y mga saksi kaming lahat.
33 Kaya't yamang pinarangalan sa kanang kamay ng Diyos, at tinanggap mula sa Ama ang pangako ng Espiritu Santo, ibinuhos niya ito na pawang nakikita at naririnig ninyo.
34 Sapagkat(G) hindi umakyat si David sa mga langit, ngunit siya rin ang nagsabi,
‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon;
“Maupo ka sa kanan ko,
35 hanggang sa gawin ko ang mga kaaway mo na tuntungan ng iyong mga paa.”’
36 Kaya't dapat malaman nang may katiyakan ng buong sambahayan ng Israel na ginawa siya ng Diyos na Panginoon at Cristo, itong si Jesus na inyong ipinako sa krus.”
37 Nang marinig nila ito, nasaktan ang kanilang puso at sinabi kay Pedro at sa ibang mga apostol, “Mga ginoo, mga kapatid, anong dapat naming gawin?”
38 At sinabi sa kanila ni Pedro, “Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang mapatawad ang inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.
39 Sapagkat ang pangako ay para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, bawat isa na tinatawag ng Panginoon nating Diyos sa kanya.”
40 Sa iba pang maraming salita ay nagpatotoo siya at hinimok sila na sinasabi, “Iligtas ninyo ang inyong sarili mula sa baluktot na lahing ito.”
41 Kaya't ang mga tumanggap ng kanyang salita ay binautismuhan at nadagdag nang araw na iyon ang may tatlong libong kaluluwa.
42 Nanatili silang matibay sa turo ng mga apostol at sa pagsasama-sama, sa pagpuputul-putol ng tinapay at sa mga pananalangin.
Ang Pagkakaisa ng mga Mananampalataya
43 Dumating ang takot sa bawat tao at maraming kababalaghan at tanda ang nangyari sa pamamagitan ng mga apostol.
44 At(H) ang lahat ng mga mananampalataya ay magkakasama at ang kanilang ari-arian ay para sa lahat.
45 Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at mga kayamanan at ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawat isa.
46 At araw-araw, habang sila'y magkakasama sa templo, sila'y nagpuputul-putol ng tinapay sa bahay-bahay, at nagsasalu-salo na may galak at tapat na puso,
47 na nagpupuri sa Diyos, at nagtatamo ng lugod sa lahat ng tao. At idinaragdag sa kanila ng Panginoon araw-araw ang mga naliligtas.
Si Jeremias at ang Tipan
11 Ang salitang dumating kay Jeremias mula sa Panginoon na nagsasabi,
2 “Pakinggan ninyo ang mga salita ng tipang ito, at sabihin ninyo sa mga mamamayan ng Juda at mamamayan ng Jerusalem.
3 Sasabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Sumpain ang taong hindi nakikinig sa mga salita ng tipang ito,
4 na aking iniutos sa inyong mga ninuno, nang araw na aking inilabas sila mula sa lupain ng Ehipto, mula sa hurnong bakal, na sinasabi, Makinig kayo sa aking tinig, at gawin ninyo ang lahat ng iniuutos ko sa inyo. Sa gayo'y magiging bayan ko kayo, at ako'y magiging inyong Diyos,
5 upang aking maisagawa ang aking ipinangako sa inyong mga ninuno, na bibigyan ko sila ng isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, gaya sa araw na ito.” Nang magkagayo'y sumagot ako, “Amen, O Panginoon.”
6 At sinabi ng Panginoon sa akin, “Ipahayag mo ang lahat ng mga salitang ito sa mga lunsod ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem: Pakinggan ninyo ang mga salita ng tipang ito at inyong isagawa.
7 Sapagkat taimtim kong binalaan ang inyong mga ninuno nang araw na aking iahon sila sa lupain ng Ehipto at patuloy ko silang binabalaan hanggang sa araw na ito, na aking sinasabi, Sundin ninyo ang aking tinig.
8 Gayunma'y hindi sila sumunod o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi lumakad ang bawat isa sa katigasan ng kanyang masamang puso. Kaya't dinala ko sa kanila ang lahat ng salita ng tipang ito, na iniutos kong gawin nila, ngunit hindi nila ginawa.”
Pinagbantaan si Jeremias
9 At sinabi sa akin ng Panginoon, “May sabwatang natagpuan sa mga kalalakihan ng Juda at sa mga mamamayan ng Jerusalem.
10 Sila'y bumalik sa mga kasamaan ng kanilang mga ninuno na tumangging makinig sa aking mga salita. Sila'y nagsisunod sa ibang mga diyos upang paglingkuran ang mga iyon. Sinira ng sambahayan ng Israel at ng Juda ang tipan na aking ginawa sa kanilang mga ninuno.
11 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, ako'y magdadala sa kanila ng kasamaan na hindi nila matatakasan. Bagaman sila'y dumaing sa akin, hindi ko sila papakinggan.
12 Kung magkagayo'y hahayo at dadaing ang mga lunsod ng Juda at ang mga naninirahan sa Jerusalem sa mga diyos na kanilang pinaghandugan ng insenso, ngunit hindi sila maililigtas sa panahon ng kanilang kagipitan.
13 Sapagkat ang iyong mga diyos ay naging kasindami ng iyong mga bayan, O Juda; at kasindami ng mga lansangan ng Jerusalem ang mga dambana na inyong itinayo sa kahihiyan, mga dambana upang pagsunugan ng insenso kay Baal.
14 “Kaya't huwag kang manalangin para sa bayang ito, o dumaing alang-alang sa kanila, sapagkat hindi ako makikinig kapag sila'y tumawag sa akin sa panahon ng kanilang kagipitan.
15 Anong karapatan mayroon ang aking minamahal sa aking bahay, gayong siya'y gumawa ng napakasamang mga gawa? Mailalayo ba ng mga panata at handog na laman ang iyong kapahamakan? Makapagsasaya ka pa ba?
16 Tinawag ka ng Panginoon na, ‘Luntiang puno ng olibo, maganda at may mabuting bunga;’ ngunit sa pamamagitan ng ingay ng malakas na bagyo ay susunugin niya ito, at ang mga sanga nito ay matutupok.
17 Ang Panginoon ng mga hukbo na nagtanim sa iyo ay nagpahayag ng kasamaan laban sa iyo, dahil sa kasamaang ginawa ng sambahayan ng Israel at ng sambahayan ng Juda. Ginalit nila ako sa pamamagitan ng pag-aalay ng handog kay Baal.”
18 Ipinaalam iyon sa akin ng Panginoon at nalaman ko;
pagkatapos ay ipinakita mo sa akin ang kanilang masasamang gawa.
19 Ngunit ako'y naging gaya ng maamong kordero
na inaakay patungo sa katayan.
Hindi ko alam na laban sa akin
ay gumawa sila ng mga pakana, na sinasabi,
“Sirain natin ang punungkahoy at ang bunga nito,
at ihiwalay natin siya sa lupain ng mga nabubuhay,
upang ang kanyang pangalan ay hindi na maalala.”
20 Ngunit, O Panginoon ng mga hukbo, na humahatol ng matuwid,
na sumusubok sa puso[a] at sa pag-iisip,
ipakita mo sa akin ang iyong paghihiganti sa kanila,
sapagkat sa iyo'y inihayag ko ang aking ipinaglalaban.
21 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa mga lalaki ng Anatot na nagbabanta sa iyong buhay, at nagsasabi, “Huwag kang magsalita ng propesiya sa pangalan ng Panginoon, kung hindi ay mamamatay ka sa aming kamay”—
22 kaya't ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Parurusahan ko sila. Ang mga kabataang lalaki ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, ang kanilang mga anak na lalaki at babae ay mamamatay sa gutom.
23 Walang matitira sa kanila sapagkat ako'y magdadala ng kasamaan sa mga mamamayan ng Anatot, sa taon ng pagdalaw sa kanila.”
Ang Talinghaga tungkol sa Sampung Birhen
25 “Ang(A) kaharian ng langit ay maihahambing sa sampung birhen na kumuha ng kanilang mga ilawan at lumabas upang salubungin ang lalaking ikakasal.
2 Ang lima sa kanila'y mga hangal at ang lima'y matatalino.
3 Sapagkat nang kunin ng mga hangal ang kanilang mga ilawan, ay hindi sila nagdala ng langis.
4 Ngunit ang matatalino ay nagdala ng langis sa mga lalagyan na kasama ng kanilang mga ilawan.
5 Samantalang naaantala pa ang lalaking ikakasal ay inantok silang lahat at nakatulog.
6 Subalit nang hatinggabi na ay may sumigaw, ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Lumabas kayo upang salubungin siya.’
7 Bumangon lahat ang mga birheng iyon at iniayos ang kanilang mga ilawan.
8 At sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Bigyan ninyo kami ng inyong langis, sapagkat namamatay na ang aming mga ilawan.’
9 Ngunit sumagot ang matatalino na nagsasabi, ‘Maaaring hindi sapat para sa amin at para sa inyo. Kaya't pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili kayo ng para sa inyo.’
10 At habang pumupunta sila upang bumili, dumating ang lalaking ikakasal. Ang mga nakapaghanda ay pumasok na kasama niya sa piging ng kasalan; at isinara ang pintuan.
11 Pagkatapos(B) ay dumating naman ang ibang mga birhen, na nagsasabi, ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami.’
12 Ngunit sumagot siya at sinabi, ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi ko kayo nakikilala.’
13 Kaya maging handa kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman ang araw o ang oras.
Ang Talinghaga tungkol sa mga Talento(C)
14 “Sapagkat(D) tulad sa isang tao na maglalakbay, tinawag niya ang kanyang sariling mga alipin, at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian.
15 Ang isa ay binigyan niya ng limang talento,[a] ang isa ay dalawa, at ang isa ay isa; sa bawat isa'y ayon sa kanyang kakayahan. Pagkatapos ay humayo na siya sa paglalakbay.
16 Ang tumanggap ng limang talento ay umalis kaagad at ipinangalakal niya ang mga iyon, at nakinabang siya ng lima pang talento.
17 Gayundin, ang tumanggap ng dalawa ay nakinabang pa ng dalawa.
18 Subalit ang tumanggap ng isa ay umalis at humukay sa lupa, at itinago ang salapi ng kanyang panginoon.
19 Pagkalipas ng mahabang panahon, dumating ang panginoon ng mga aliping iyon, at nakipag-ayos sa kanila.
20 Ang tumanggap ng limang talento ay lumapit at nagdala ng lima pang talento, na nagsasabi, ‘Panginoon, binigyan mo ako ng limang talento. Heto, ako'y nakinabang ng lima pang talento.’
21 Sinabi sa kanya ng panginoon niya, ‘Magaling! Mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.’
22 At lumapit din ang tumanggap ng dalawang talento at sinabi niya, ‘Panginoon, binigyan mo ako ng dalawang talento. Heto, ako'y nakinabang ng dalawa pang talento.’
23 Sinabi sa kanya ng panginoon niya, ‘Magaling! Mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.’
24 At lumapit din ang tumanggap ng isang talento at sinabi niya, ‘Panginoon, alam kong ikaw ay taong malupit, na gumagapas ka roon sa hindi mo hinasikan, at nagtitipon ka roon sa hindi mo kinalatan ng binhi.
25 Kaya ako'y natakot at ako'y umalis at itinago ko sa lupa ang talento mo. Heto, iyo na ang sa iyo.’
26 Ngunit sumagot ang kanyang panginoon at sinabi sa kanya, ‘Ikaw na masama at tamad na alipin! Alam mo palang ako'y gumagapas sa hindi ko hinasikan, at nagtitipon sa hindi ko kinalatan ng binhi.
27 Dapat sana'y inilagak mo ang aking salapi sa mga mangangalakal ng salapi, at nang sa aking pagdating ay matanggap ko kung ano ang akin pati na ang pakinabang.
28 Kaya't kunin ninyo sa kanya ang talento, at ibigay ninyo sa kanya na may sampung talento.
29 Sapagkat(E) ang bawat mayroon ay bibigyan at siya'y magkakaroon ng kasaganaan, ngunit ang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin.
30 At(F) ang aliping walang pakinabang ay itapon ninyo sa kadiliman sa labas. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.’
Ang Paghuhukom sa mga Bansa
31 “Kapag(G) dumating na ang Anak ng Tao na nasa kanyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng mga anghel, siya'y uupo sa trono ng kanyang kaluwalhatian.
32 At titipunin sa harapan niya ang lahat ng mga bansa at kanyang pagbubukud-bukurin ang mga tao[b] na gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at sa mga kambing,
33 at ilalagay niya ang mga tupa sa kanyang kanan, subalit ang mga kambing ay sa kaliwa.
34 Pagkatapos ay sasabihin ng Hari sa mga nasa kanyang kanan, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkatatag ng sanlibutan.
35 Sapagkat ako'y nagutom at binigyan ninyo ako ng pagkain. Ako'y nauhaw, at binigyan ninyo ako ng inumin. Ako'y taga-ibang bayan, at ako'y inyong pinatuloy.
36 Ako'y naging hubad at inyong dinamitan. Ako'y nagkasakit at ako'y inyong dinalaw. Ako'y nabilanggo at ako'y inyong pinuntahan.’
37 Pagkatapos ay sasagutin siya ng mga matuwid, na nagsasabi, ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom, at pinakain ka namin, o uhaw, at binigyan ka ng inumin?
38 Kailan ka namin nakitang isang taga-ibang bayan at pinatuloy ka, o hubad, at dinamitan ka?
39 At kailan ka namin nakitang maysakit, o nasa bilangguan, at dinalaw ka namin?’
40 At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakamaliit sa mga kapatid kong ito, ay sa akin ninyo ginawa.’
41 Pagkatapos ay sasabihin niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa. Doon kayo sa apoy na walang hanggan na inihanda sa diyablo at sa kanyang mga anghel.
42 Sapagkat ako'y nagutom, at hindi ninyo ako binigyan ng pagkain. Ako'y nauhaw, at hindi ninyo binigyan ng inumin.
43 Ako'y taga-ibang bayan, at hindi ninyo ako pinatuloy. Hubad, at hindi ninyo ako dinamitan; maysakit at nasa bilangguan, at hindi ninyo dinalaw.’
44 Pagkatapos ay sasagot din sila, na nagsasabi, ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom, o uhaw, o isang taga-ibang bayan, o hubad, o maysakit, o nasa bilangguan, at hindi ka namin pinaglingkuran?’
45 At sila'y sasagutin niya, na nagsasabi, ‘Katotohanang sinasabi ko sa inyo, yamang hindi ninyo ito ginawa sa isa sa pinakamaliliit na ito, ay hindi ninyo ito ginawa sa akin.’
46 At(H) ang mga ito'y mapupunta sa walang hanggang kaparusahan, ngunit ang mga matuwid ay sa buhay na walang hanggan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001