M’Cheyne Bible Reading Plan
Ang mga Amoreo ay Natalo
10 Nang mabalitaan ni Adonizedek na hari ng Jerusalem kung paanong nasakop ni Josue ang Ai at ganap itong winasak (gaya ng kanyang ginawa sa Jerico at sa hari niyon, gayundin ang kanyang ginawa sa Ai at sa hari niyon), at kung paanong nakipagpayapaan sa kanila ang mga taga-Gibeon, at naging kasama nila;
2 sila ay masyadong natakot sapagkat ang Gibeon ay malaking lunsod na gaya ng isa sa mga lunsod ng hari, at sapagkat higit na malaki kaysa Ai, at ang lahat ng lalaki roon ay makapangyarihan.
3 Kaya't si Adonizedek na hari ng Jerusalem ay nagsugo kay Oham na hari ng Hebron, at kay Piram na hari ng Jarmut, at kay Jafia na hari ng Lakish, at kay Debir na hari ng Eglon na ipinasasabi,
4 “Pumarito kayo at tulungan ninyo ako, at patayin natin ang Gibeon, sapagkat ito ay nakipagpayapaan kay Josue at sa mga anak ni Israel.”
5 Kaya't tinipon ng limang hari ng mga Amoreo, ang hari ng Jerusalem, ang hari ng Hebron, ang hari ng Jarmut, ang hari ng Lakish, at ang hari ng Eglon ang kanilang hukbo at nagkampo laban sa Gibeon, at nakipagdigma laban dito.
6 At ang mga tao sa Gibeon ay nagpasugo kay Josue sa kampo sa Gilgal, na sinasabi, “Huwag mong iwan ang iyong mga lingkod. Pumarito ka agad sa amin, iligtas at tulungan mo kami, sapagkat ang lahat ng mga hari ng mga Amoreo na naninirahan sa lupaing maburol ay nagtipon laban sa amin.”
7 Kaya't umahon si Josue mula sa Gilgal, siya at ang buong bayang pandigma na kasama niya, at ang lahat ng mga matatapang na mandirigma.
8 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag mo silang katakutan sapagkat ibinigay ko sila sa iyong mga kamay; walang lalaki sa kanila na makakatayo laban sa iyo.”
9 Kaya't si Josue ay biglang dumating sa kanila; siya'y umahon mula sa Gilgal sa buong magdamag.
10 Nilito sila ng Panginoon sa harapan ng Israel, at kanyang pinatay sila sa isang kakilakilabot na patayan sa Gibeon, at kanyang hinabol sila sa daang paahon sa Bet-horon at tinugis sila hanggang sa Azeka at sa Makeda.
11 Habang tumatakas sa harapan ng Israel samantalang sila'y pababa sa Bet-horon ay binagsakan sila ng Panginoon sa Azeka ng malalaking bato mula sa langit at sila'y namatay. Higit na marami ang namatay sa pamamagitan ng mga batong granizo kaysa pinatay ng mga anak ni Israel sa pamamagitan ng tabak.
12 Nang magkagayo'y nagsalita si Josue sa Panginoon nang araw na ibinigay ng Panginoon ang mga Amoreo sa harapan ng mga anak ni Israel; at kanyang sinabi sa paningin ng Israel,
“Araw, tumigil ka sa Gibeon;
at ikaw, Buwan, sa libis ng Aijalon.”
13 At(A) ang araw ay tumigil at ang buwan ay huminto,
hanggang sa ang bansa ay nakapaghiganti sa kanyang mga kaaway.
Hindi ba ito'y nakasulat sa aklat ni Jaser? Ang araw ay tumigil sa gitna ng langit, at hindi nagmadaling lumubog sa isang buong araw.
14 At hindi nagkaroon ng araw na gaya niyon bago noon o pagkatapos noon, na ang Panginoon ay nakinig sa tinig ng isang tao; sapagkat ipinakipaglaban ng Panginoon ang Israel.
15 At bumalik si Josue kasama ang buong Israel sa kampo sa Gilgal.
Nagapi ni Josue ang Limang Hari
16 Samantala, ang limang haring ito ay tumakas at nagtago sa yungib sa Makeda.
17 At ibinalita kay Josue, “Ang limang hari ay natagpuang nagtatago sa yungib sa Makeda.”
18 Sinabi ni Josue, “Magpagulong kayo ng malalaking bato sa bunganga ng yungib, at maglagay kayo ng mga lalaki roon upang magbantay sa kanila.
19 Ngunit huwag kayong magsitigil; habulin ninyo ang inyong mga kaaway at tugisin ang kahuli-hulihan sa kanila. Huwag ninyong hayaang makapasok sila sa kanilang mga lunsod sapagkat ibinigay sila ng Panginoon ninyong Diyos sa inyong kamay.”
20 Pagkatapos silang patayin ni Josue at ng mga anak ni Israel sa isang kakilakilabot na patayan hanggang sa nalipol at ang nalabi sa kanila ay pumasok sa mga may pader na lunsod,
21 ang buong bayan ay bumalik na ligtas kay Josue sa kampo ng Makeda; walang sinumang nangahas magsalita laban sa sinumang Israelita.
22 Kaya't sinabi ni Josue, “Inyong buksan ang bunganga ng yungib at dalhin ninyo sa akin ang limang haring nasa yungib.”
23 Gayon ang kanilang ginawa at inilabas ang limang hari mula sa yungib, ang hari ng Jerusalem, ang hari ng Hebron, ang hari ng Jarmut, ang hari ng Lakish, at ang hari ng Eglon.
24 Nang kanilang mailabas ang mga haring iyon kay Josue, ipinatawag ni Josue ang lahat ng lalaki sa Israel at sinabi sa mga pinuno ng mga lalaking mandirigma na sumama sa kanya, “Lumapit kayo, ilagay ninyo ang inyong mga paa sa mga leeg ng mga haring ito.” At sila'y lumapit at inilagay ang kanilang mga paa sa kanilang mga leeg.
25 At sinabi ni Josue sa kanila, “Huwag kayong matakot ni mabagabag; kayo'y magpakalakas at magpakatapang, sapagkat ganito ang gagawin ng Panginoon sa lahat ninyong mga kaaway na inyong nilalabanan.”
26 Pagkatapos ay pinatay sila ni Josue at ibinitin sila sa limang punungkahoy. Sila'y ibinitin sa mga punungkahoy hanggang sa kinahapunan.
27 Ngunit sa paglubog ng araw, si Josue ay nag-utos at kanilang ibinaba sila sa mga punungkahoy, at kanilang itinapon sa yungib na kanilang pinagtaguan, at kanilang nilagyan ng malalaking bato ang bunganga ng yungib na nananatili hanggang sa araw na ito.
28 Sinakop ni Josue ang Makeda nang araw na iyon, at sinugatan ng talim ng tabak, at ang hari niyon. Kanyang lubos na nilipol ang lahat ng tao na naroon; wala siyang itinira; at kanyang ginawa sa hari ng Makeda ang gaya ng kanyang ginawa sa hari ng Jerico.
29 Si Josue ay dumaan mula sa Makeda, at ang buong Israel na kasama niya, hanggang sa Libna, at nilabanan ang Libna.
30 Ibinigay rin ng Panginoon, pati ang hari niyon sa kamay ng Israel; at kanyang pinatay ng talim ng tabak ang bawat taong naroon. Wala siyang itinira; at kanyang ginawa sa hari niyon ang gaya ng kanyang ginawa sa hari sa Jerico.
31 At dumaan si Josue mula sa Libna, at ang buong Israel na kasama niya, hanggang sa Lakish, at nagkampo laban doon, at lumaban doon.
32 Ibinigay ng Panginoon ang Lakish sa kamay ng Israel at kanyang sinakop sa ikalawang araw. Lahat ng mga taong naroroon ay kanyang pinatay ng talim ng tabak, gaya ng kanyang ginawa sa Libna.
33 Pagkatapos ay umahon si Horam na hari sa Gezer upang tulungan ang Lakish. Siya at ang kanyang bayan ay pinatay ni Josue, hanggang sa siya'y walang iniwang may buhay.
34 Dumaan si Josue mula sa Lakish, at ang buong Israel na kasama niya, hanggang sa Eglon; at sila'y nagkampo at nakipaglaban doon.
35 Kanilang sinakop iyon nang araw na iyon at pinatay ng talim ng tabak, at ang lahat na taong naroon, gaya ng kanyang ginawa sa Lakish.
36 At umahon si Josue at ang buong Israel mula sa Eglon hanggang sa Hebron; at sila'y nakipaglaban doon.
37 At kanilang sinakop at pinatay ng talim ng tabak ang hari niyon, ang lahat ng mga lunsod niyon, at ang lahat ng taong naroon. Wala siyang itinira gaya ng kanyang ginawa sa Eglon; kundi kanyang lubos na nilipol ang lahat ng taong naroon.
38 At si Josue at ang buong Israel na kasama niya ay bumalik sa Debir at nakipaglaban doon.
39 At kanyang sinakop ito at ang hari niyon, at ang lahat ng mga bayan niyon; at kanilang pinatay ng talim ng tabak at lubos na nilipol ang lahat ng taong naroon; wala siyang iniwang nalabi; kung paano ang kanyang ginawa sa Hebron, ay gayon ang kanyang ginawa sa Debir, at sa hari nito; gaya nang kanyang ginawa sa Libna at sa hari nito.
40 Ganito ginapi ni Josue ang buong lupain, ang lupaing maburol, at ang Negeb,[a] at ang mababang lupain, at ang mga libis, at ang lahat ng mga hari niyon. Wala siyang itinira, kundi kanyang lubos na nilipol ang lahat na humihinga, gaya ng iniutos ng Panginoong Diyos ng Israel.
41 At ginapi sila ni Josue mula sa Kadesh-barnea hanggang sa Gaza, at ang buong lupain ng Goshen, hanggang sa Gibeon.
42 At ang lahat ng mga haring ito at ang kanilang lupain ay sinakop ni Josue sa isang panahon sapagkat ang Israel ay ipinaglaban ng Panginoong Diyos ng Israel.
43 At si Josue at ang buong Israel na kasama niya ay bumalik sa kampo sa Gilgal.
Maskil(A) ni David, nang siya ay nasa yungib. Isang Panalangin.
142 Ako'y dumadaing ng aking tinig sa Panginoon;
sa pamamagitan ng aking tinig ay sumasamo ako sa Panginoon.
2 Ibinubuhos ko sa kanyang harapan ang aking daing,
sinasabi ko sa kanyang harapan ang aking suliranin.
3 Kapag ang aking espiritu'y nanlulupaypay sa loob ko,
ang aking landas ay iyong nalalaman!
Sa daan na aking tinatahak
sila'y nagkubli para sa akin ng isang bitag.
4 Tumingin ka sa kanan, at iyong masdan,
walang nakakapansin sa aking sinuman;
walang kanlungang nalalabi para sa akin;
walang sinumang lumilingap sa aking kaluluwa.
5 Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
aking sinabi, “Ikaw ang aking kanlungan,
ang aking bahagi sa lupain ng mga buháy.”
6 Pakinggan mo ang aking pagsamo,
sapagkat ako'y dinalang napakababa.
Iligtas mo ako sa mga nagsisiusig sa akin;
sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
7 Ilabas mo ako sa bilangguan,
upang ako'y makapagpasalamat sa iyong pangalan!
Paliligiran ako ng mga matuwid;
sapagkat ako'y pakikitunguhan mong may kasaganaan.
Awit ni David.
143 Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking dalangin,
iyong dinggin ang aking mga daing!
Sa iyong katapatan, sa iyong katuwiran, ako'y iyong sagutin!
2 At(B) huwag kang pumasok na kasama ng iyong lingkod sa kahatulan;
sapagkat walang taong nabubuhay na matuwid sa iyong harapan.
3 Sapagkat inusig ng kaaway ang aking kaluluwa;
kanyang dinurog sa lupa ang aking buhay,
pinatira niya ako sa madilim na dako gaya ng mga matagal nang patay.
4 Kaya't ang aking espiritu ay nanlulupaypay sa loob ko;
ang puso ko ay kinikilabutan sa loob ko.
5 Aking naaalala ang mga araw nang una,
aking ginugunita ang lahat mong ginawa;
aking binubulay-bulay ang gawa ng iyong mga kamay.
6 Iniuunat ko sa iyo ang aking mga kamay,
ang kaluluwa ko'y uhaw sa iyo na gaya ng lupang tigang. (Selah)
7 Magmadali ka, O Panginoon, na ako'y iyong sagutin!
Ang espiritu ko'y nanlulupaypay!
Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin;
baka ako'y maging gaya nila na nagsibaba sa Hukay.
8 Sa umaga'y iparinig sa akin ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat sa iyo ako ay nananalig.
Ang daan na dapat kong lakaran sa akin ay ituro mo,
sapagkat itinataas ko ang aking kaluluwa sa iyo.
9 Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Panginoon,
tumakas ako patungo sa iyo upang manganlong.
10 Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban,
sapagkat ang aking Diyos ay ikaw!
Akayin nawa ako ng iyong mabuting Espiritu
sa landas na pantay!
11 Alang-alang sa iyong pangalan, O Panginoon, muli akong buhayin!
Sa iyong katuwiran ay ilabas mo ang aking kaluluwa mula sa kaguluhan,
12 At sa iyong tapat na pag-ibig ay tanggalin mo ang aking mga kaaway,
at iyong lipulin ang lahat ng nagpapasakit sa aking kaluluwa,
sapagkat ako'y iyong lingkod.
Panawagan upang Magsisi
4 “Kung ikaw ay manunumbalik, O Israel, sabi ng Panginoon,
sa akin ka dapat manumbalik.
Kung iyong aalisin ang iyong mga karumaldumal sa aking harapan,
at hindi ka mag-uurong-sulong,
2 at kung ikaw ay susumpa, ‘Habang buháy ang Panginoon,’
sa katotohanan, sa katarungan, at sa katuwiran;
ang mga bansa ay pagpapalain sa pamamagitan niya,
at sa kanya luluwalhati sila.”
Ang Juda ay Binalaang Sasalakayin
3 Sapagkat(A) ganito ang sabi ng Panginoon sa mga kalalakihan ng Juda at sa Jerusalem,
“Bungkalin ninyo ang inyong lupang tiwangwang,
at huwag kayong maghasik sa mga tinikan.
4 Tuliin ninyo ang inyong mga sarili para sa Panginoon,
at inyong alisin ang maruming balat ng inyong puso,
O mga taga-Juda at mga mamamayan ng Jerusalem;
baka ang aking poot ay sumiklab na parang apoy,
at magliyab na walang makakapatay nito,
dahil sa kasamaan ng inyong mga gawa.”
5 Ipahayag ninyo sa Juda, at ibalita ninyo sa Jerusalem; at inyong sabihin,
“Inyong hipan ang trumpeta sa buong lupain;
sumigaw kayo nang malakas, at inyong sabihin,
‘Magtipun-tipon kayo, at tayo'y magsipasok
sa mga lunsod na may kuta!’
6 Magtaas kayo ng watawat paharap sa Zion;
kayo'y magsitakas upang maligtas, huwag kayong magsitigil;
sapagkat ako'y nagdadala ng kasamaan mula sa hilaga,
at ng malaking pagkawasak.
7 Ang isang leon ay umahon mula sa sukal niya,
at isang mangwawasak ng mga bansa ang naghanda;
siya'y lumabas mula sa kanyang lugar,
upang wasakin ang iyong lupain,
ang iyong mga lunsod ay magiging guho
na walang maninirahan.
8 Dahil dito ay magbigkis kayo ng damit-sako,
managhoy kayo at tumangis;
sapagkat ang mabangis na galit ng Panginoon
ay hindi pa humihiwalay sa atin.”
9 “Mangyayari sa araw na iyon, sabi ng Panginoon, ang puso ng hari at ang puso ng mga pinuno ay manlulumo. Ang mga pari ay matitigilan at ang mga propeta ay mamamangha.”
10 Nang magkagayo'y sinabi ko, “Ah Panginoong Diyos, tunay na iyong lubos na dinaya ang sambayanang ito at ang Jerusalem, na iyong sinasabi, ‘Kayo'y magiging payapa,’ samantalang ang tabak ay nasa kanilang lalamunan!”
11 Sa panahong iyon ay sasabihin sa sambayanang ito at sa Jerusalem, “Isang mainit na hangin mula sa mga hubad na kaitaasan sa ilang ay patungo sa anak na babae ng aking bayan, hindi upang magtahip o maglinis man;
12 isang hanging napakalakas para dito ang darating dahil sa utos ko. Ngayon ako ay magsasalita ng mga hatol laban sa kanila.”
13 Pagmasdan ninyo, siya'y tumataas na parang mga ulap,
at ang kanyang mga karwahe ay tulad ng ipu-ipo;
mas matulin kaysa mga agila ang kanyang mga kabayo—
kahabag-habag tayo, sapagkat nawawasak tayo!
14 O Jerusalem, puso mo'y hugasan mula sa kasamaan,
upang ikaw ay maligtas naman.
Hanggang kailan titigil sa iyong kalooban
ang iyong pag-iisip na kasamaan?
15 Sapagkat isang tinig ang nagpapahayag mula sa Dan,
at mula sa Bundok ng Efraim ay nagbabalita ng kasamaan.
16 Balaan ninyo ang mga bansa na siya ay darating;
ibalita ninyo sa Jerusalem,
“Dumating ang mga mananakop mula sa malayong lupain,
sila ay sumisigaw laban sa mga lunsod ng Juda.
17 Gaya ng mga bantay sa parang sila'y nakapalibot laban sa kanya
sapagkat siya'y naghimagsik laban sa akin, sabi ng Panginoon.
18 Ang iyong mga lakad at ang iyong mga gawa
ang nagdala ng mga bagay na ito sa iyo.
Ito ang iyong pagkasalanta, anong pait!
Ito'y tumatagos sa iyong puso.”
Ang Kalungkutan ni Jeremias para sa Kanyang Bayan
19 Ang paghihirap ko, ang paghihirap ko! Ako'y namimilipit sa sakit!
O ang pagdaramdam ng aking puso!
Ang aking puso ay kakaba-kaba,
hindi ako matahimik;
sapagkat narinig mo, o kaluluwa ko, ang tunog ng trumpeta,
ang hudyat ng digmaan.
20 Sunud-sunod ang mga pagkapinsala,
ang buong lupain ay nasisira.
Ang aking mga tolda ay biglang nawasak,
at ang aking mga tabing sa isang iglap.
21 Hanggang kailan ang watawat ay aking makikita
at maririnig ang tunog ng trumpeta?
22 “Sapagkat ang bayan ko ay hangal,
hindi nila ako nakikilala:
sila'y mga batang mangmang
at sila'y walang pang-unawa.
Sa paggawa ng masama sila ay marunong,
ngunit sa paggawa ng mabuti ay wala silang alam.”
23 Ako'y tumingin sa lupa, at narito, ito'y wasak at walang laman;
at sa mga langit, at sila'y walang liwanag.
24 Ako'y tumingin sa mga bundok, at narito, sila ay nayayanig,
at ang lahat ng burol ay nagpapabalik-balik.
25 Ako'y tumingin, at narito, walang tao,
at lahat ng mga ibon sa himpapawid ay nagsialisan.
26 Ako'y tumingin, at narito, ang mabungang lupain ay naging disyerto,
at lahat ng mga lunsod ay nakatiwangwang na guho
sa harapan ng Panginoon, sa harapan ng kanyang mabangis na galit.
27 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, “Ang buong lupain ay mawawasak; gayunma'y hindi ko isasagawa ang lubos na pagwasak.
28 Dahil dito ang lupa ay tatangis,
at ang langit sa itaas ay magiging madilim;
sapagkat ako'y nagsalita, ako'y nagpanukala,
at hindi ako magbabago ng isip ni ako'y uurong.”
29 Ang bawat bayan ay tumakas dahil sa ingay
ng mga mangangabayo at ng mga mamamana;
sila'y pumapasok sa mga sukal, at umaakyat sa malalaking bato;
lahat ng mga lunsod ay pinabayaan,
at walang taong sa mga iyon ay naninirahan.
30 At ikaw, ikaw na nawasak, anong gagawin mo?
Magdamit ka man ng matingkad na pula,
gayakan mo man ang iyong sarili ng mga palamuting ginto,
palakihin mo man ang iyong mga mata sa pamamagitan ng pinta?
Sa walang kabuluhan ay nagpapaganda ka.
Hinahamak ka ng iyong mga mangingibig,
pinagbabantaan nila ang iyong buhay.
31 Sapagkat ako'y nakarinig ng isang sigaw na gaya ng sa babaing manganganak,
ng daing na gaya ng isang magsisilang ng kanyang panganay,
ang daing ng anak na babae ng Zion, na hinahabol ang paghinga,
na nag-uunat ng kanyang mga kamay,
“Kahabag-habag ako! Ako ay nanlulupaypay sa harap ng mga mamamatay-tao.”
Sino ang Pinakadakila?(A)
18 Nang(B) oras na iyon ay lumapit ang mga alagad kay Jesus, na nagsasabi, “Sino ang pinakadakila sa kaharian ng langit?”
2 Tinawag niya ang isang maliit na bata at inilagay sa gitna nila.
3 Sinabi(C) niya, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, malibang kayo'y magbago at maging tulad sa mga bata, kailanma'y hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.
4 Sinumang magpakumbaba nang tulad sa batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.
5 At sinumang tumanggap sa isang batang ganito sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin.
Mga Batong Katitisuran(D)
6 “Ngunit sinumang maglagay ng batong katitisuran sa isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, ay mas mabuti pa sa kanya na bitinan ang kanyang leeg ng isang malaking batong gilingan, at siya'y malunod sa kalaliman ng dagat.
7 Kahabag-habag ang sanlibutan dahil sa mga batong katitisuran! Ang mga pangyayaring magbubunga ng pagkatisod ay tiyak na darating. Ngunit kahabag-habag ang taong pagmumulan ng batong katitisuran!
8 “Kaya't(E) kung ang kamay mo o ang paa mo ay nakapagpapatisod sa iyo, putulin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay[a] na may kapansanan o lumpo kaysa may dalawang kamay o dalawang paa na maitapon sa apoy na walang katapusan.
9 At(F) kung ang mata mo ay nakapagpapatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na iisa ang mata, kaysa dalawang mata na maitapon sa impiyerno[b] ng apoy.
Ang Talinghaga ng Nawawalang Tupa(G)
10 “Pag-ingatan(H) ninyong huwag hamakin ang isa man sa maliliit na ito, sapagkat sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel sa langit ay patuloy na nakikita ang mukha ng aking Ama na nasa langit.
[11 Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito upang iligtas ang nawala.]
12 Ano sa palagay ninyo? Kung ang isang tao ay may sandaang tupa, at isa sa kanila ay naligaw. Hindi ba niya iiwan ang siyamnapu't siyam sa kabundukan, at hahayo upang hanapin ang naligaw?
13 At kung matagpuan niya ito ay katotohanang sinasabi ko sa inyo, magagalak siya rito nang higit kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw.
14 Kaya't hindi kalooban ng inyong[c] Ama na nasa langit na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak.
Kung Magkasala ang Isang Kapatid
15 “Kung(I) magkasala laban sa iyo ang iyong kapatid, pumaroon ka at sabihin mo sa kanya ang kanyang pagkakamali kapag kayong dalawa lamang. Kung pakinggan ka niya, ay napanumbalik mo ang iyong kapatid.
16 Ngunit(J) kung hindi siya makinig ay magsama ka pa ng isa o dalawa, upang sa bibig ng dalawa o tatlong saksi ay mapagtibay ang bawat salita.
17 Kung ayaw niyang pakinggan sila, ay sabihin mo sa iglesya; at kung ayaw niyang pakinggan maging ang iglesya, ay ituring mo siya bilang isang Hentil at maniningil ng buwis.
18 Katotohanang(K) sinasabi ko sa inyo, na anumang inyong talian sa lupa ay yaong tatalian sa langit; at anumang inyong kalagan sa lupa ay yaong kakalagan sa langit.
19 Sinasabi ko rin naman sa inyo, na kapag nagkasundo ang dalawa sa inyo sa lupa tungkol sa anumang bagay na kanilang hinihiling ay gagawin para sa kanila ng aking Ama na nasa langit.
20 Sapagkat kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila.”
21 Pagkatapos(L) ay lumapit si Pedro at sinabi sa kanya, “Panginoon, makailang ulit magkakasala ang aking kapatid laban sa akin at siya'y aking patatawarin? Hanggang sa makapito ba?”
22 Sinabi(M) ni Jesus sa kanya, “Hindi ko sinasabi sa iyo, hanggang sa makapito, kundi, hanggang sa makapitumpung pito.[d]
Ang Talinghaga ng Lingkod na Hindi Nagpatawad
23 “Kaya't ang kaharian ng langit ay maihahambing sa isang hari, na nagnais na makipag-ayos sa kanyang mga alipin tungkol sa kanilang mga utang.
24 Nang pasimulan na niya ang pagkukuwenta, iniharap sa kanya ang isang nagkakautang sa kanya ng sampung libong talento.[e]
25 Palibhasa'y wala siyang maibayad, ipinag-utos ng panginoon niya na siya'y ipagbili, pati ang kanyang asawa at mga anak, at ang lahat ng kanyang ari-arian upang sila'y makabayad.
26 Dahil dito'y nanikluhod ang alipin, na nagsasabi, ‘Panginoon, pagpasensyahan mo ako, at babayaran kong lahat sa iyo.’
27 Dahil sa habag ng panginoon sa aliping iyon, siya ay pinalaya at pinatawad sa kanyang utang.
28 Ngunit ang alipin ding iyon, sa kanyang paglabas, ay natagpuan ang isa sa mga kapwa niya alipin na nagkautang sa kanya ng isandaang denario. Sinunggaban niya ito, sinakal, at sinabihan, ‘Bayaran mo ang utang mo.’
29 Kaya't nanikluhod ang kanyang kapwa alipin at nakiusap sa kanya, na nagsasabi, ‘Pagpasensyahan mo ako, at babayaran kita.’
30 Ngunit ayaw niya. Siya'y umalis at ipinabilanggo ang kapwa alipin[f] hanggang sa mabayaran nito ang utang.
31 Nang makita ng mga kapwa alipin ang nangyari, sila ay labis na nabahala. Umalis sila at isinumbong sa kanilang panginoon ang lahat ng nangyari.
32 Kaya't ipinatawag siya ng kanyang panginoon, at sinabi sa kanya, ‘Ikaw na masamang alipin! Ipinatawad ko sa iyo ang lahat ng utang na iyon, sapagkat nakiusap ka sa akin.
33 Hindi ba dapat kang nahabag sa iyong kapwa alipin, kung paanong nahabag ako sa iyo?’
34 At sa galit ng kanyang panginoon, ibinigay siya sa mga tagapagparusa hanggang sa magbayad siya sa lahat ng kanyang utang.
35 Gayundin naman ang gagawin sa bawat isa sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo taos-pusong patatawarin ang inyong kapatid.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001