Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

M’Cheyne Bible Reading Plan

The classic M'Cheyne plan--read the Old Testament, New Testament, and Psalms or Gospels every day.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Josue 8

Sinakop at Winasak ang Ai

Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Huwag kang matakot, ni manlumo; isama mo ang lahat ng lalaking mandirigma. Umahon ka ngayon sa Ai. Tingnan mo, ibinigay ko sa iyong kamay ang hari ng Ai, ang kanyang sambahayan, ang kanyang lunsod, at ang kanyang lupain.

Iyong gagawin sa Ai at sa kanyang hari ang gaya ng iyong ginawa sa Jerico at sa hari niyon; tanging ang samsam at ang mga hayop nila ang iyong kukunin bilang samsam ninyo; tambangan mo ang bayan sa likuran.”

Kaya't humanda si Josue at ang lahat ng lalaking mandirigma upang umahon sa Ai. Pumili si Josue ng tatlumpung libong lalaking matatapang na mandirigma at sinugo sila kinagabihan.

At iniutos niya sa kanila, “Narito, tambangan ninyo ang lunsod sa likuran; huwag kayong masyadong lalayo sa lunsod kundi manatili kayong nakahanda.

Ako at ang buong bayan na kasama ko ay lalapit sa lunsod. Kapag sila'y lumabas laban sa amin gaya ng una ay tatakbuhan namin sila sa harap nila,

at sila'y lalabas upang kami ay habulin hanggang sa aming mailayo sila sa lunsod, sapagkat kanilang sasabihin, ‘Sila'y tumatakas sa harap natin na gaya ng una; kaya't tatakbuhan namin sila sa harap nila.

Pagkatapos, mula sa pananambang ay inyong sasakupin ang lunsod, sapagkat ibibigay ito ng Panginoon ninyong Diyos sa inyong kamay.

Kapag inyong nasakop ang lunsod ay inyong sisilaban ng apoy ang lunsod at gagawin ang ayon sa iniutos ng Panginoon. Narito, inuutusan ko kayo.”

Sila'y pinahayo ni Josue at sila'y pumunta sa dakong pagtatambangan at lumagay sa pagitan ng Bethel at ng Ai sa gawing kanluran ng Ai. Samantalang si Josue ay tumigil nang gabing iyon na kasama ng bayan.

10 Kinaumagahan, si Josue ay maagang bumangon at tinipon ang mga tao, at umahon patungo sa Ai kasama ang mga matanda ng Israel sa unahan ng bayan.

11 Ang buong bayan at ang lahat ng lalaking mandirigmang kasama niya ay umahon at lumapit sa harapan ng lunsod at nagkampo sa dakong hilaga ng Ai. Mayroong isang libis sa pagitan niya at ng Ai.

12 Kumuha siya ng may limang libong lalaki at sila'y inilagay niyang panambang sa pagitan ng Bethel at ng Ai, sa dakong kanluran ng lunsod.

13 Kaya't inilagay nila ang bayan, ang buong hukbo na nasa hilaga ng lunsod, at ang kanilang mga panambang sa kanluran ng lunsod. Ngunit pinalipas ni Josue ang gabing iyon sa libis.

14 Nang ito ay makita ng hari ng Ai, siya at ang kanyang buong bayan, at ang mga lalaki sa lunsod ay nagmamadaling lumabas upang labanan ang Israel sa itinakdang lugar sa harapan ng Araba. Ngunit hindi niya nalalaman na may mananambang laban sa kanya sa likuran ng lunsod.

15 Si Josue at ang buong Israel ay nagkunwaring nadaig sa harapan nila, at tumakbo sila patungo sa ilang.

16 Kaya't ang lahat ng mga tao na nasa loob ng lunsod ay tinawag upang habulin sila, at habang kanilang hinahabol sina Josue, sila ay napapalayo sa lunsod.

17 Walang lalaking naiwan sa Ai o sa Bethel na hindi lumabas upang habulin ang Israel. Kanilang iniwang bukas ang lunsod at hinabol ang Israel.

18 Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Itaas mo ang sibat na nasa iyong kamay sa dakong Ai sapagkat ibibigay ko iyon sa iyong kamay.” At itinaas ni Josue ang sibat na nasa kanyang kamay sa gawi ng lunsod.

19 Pagkaunat niya ng kanyang kamay, ang mga mananambang ay mabilis na tumayo sa kanilang kinalalagyan, at sila'y tumakbo at pumasok sa bayan at sinakop ito; at nagmamadali nilang sinunog ang lunsod.

20 Nang lumingon ang mga lalaki ng Ai sa likuran nila ay kanilang nakita na ang usok ng lunsod ay pumapailanglang sa langit. Wala silang kapangyarihan na makatakas sa daang ito o sa daang iyon; sapagkat ang bayan na tumakas patungo sa ilang ay bumaling sa mga humahabol.

21 Nang makita ni Josue at ng buong Israel na nasakop ng mananambang ang lunsod at ang usok ng lunsod ay pumailanglang, sila ay muling bumalik at pinatay ang mga lalaki ng Ai.

22 Ang iba'y lumabas sa lunsod laban sa kanila, kaya't sila'y nasa gitna ng Israel, na ang iba'y sa dakong ito, at ang iba'y sa dakong iyon. Pinatay sila ng Israel, at hindi nila hinayaang sila'y mabuhay o makatakas.

23 Ngunit ang hari ng Ai ay hinuli nilang buháy at dinala kay Josue.

24 Pagkatapos mapatay ng Israel ang lahat ng mga naninirahan sa Ai, sa ilang na doon ay hinabol at nabuwal silang lahat sa pamamagitan ng talim ng tabak, ay bumalik ang buong Israel sa Ai at nilipol ito ng talim ng tabak.

25 Ang lahat ng nabuwal nang araw na iyon sa mga mamamayan ng Ai, maging lalaki o babae ay labindalawang libo.

26 Sapagkat hindi iniurong ni Josue ang kanyang kamay kundi ginamit ang sibat hanggang sa kanyang lubos na mapuksa ang lahat ng mga taga-Ai.

27 Tanging ang hayop at ang samsam sa lunsod na iyon ang kinuha ng Israel bilang samsam, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang iniutos kay Josue.

28 Kaya't sinunog ni Josue ang Ai, at ginawang isang bunton ng pagkawasak na naroon hanggang sa araw na ito.

29 At binitay niya ang hari ng Ai sa isang punungkahoy nang kinahapunan. Sa paglubog ng araw ay iniutos ni Josue na ibaba nila ang kanyang bangkay sa punungkahoy at ihagis sa pasukan ng pintuan ng lunsod. Iyon ay tinabunan ng malaking bunton ng mga bato na naroon hanggang sa araw na ito.

Binasa ang Kautusan sa Bundok ng Ebal

30 Pagkatapos(A) ay nagtayo si Josue sa bundok ng Ebal ng isang dambana para sa Panginoong Diyos ng Israel,

31 gaya(B) ng iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon sa mga anak ni Israel, gaya ng nakasulat sa aklat ng kautusan ni Moises, na isang dambanang mula sa hindi tinapyasang mga bato at hindi ginamitan ng kagamitang bakal ng sinumang tao. Doon ay naghandog sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog, at nag-alay ng mga handog pangkapayapaan.

32 Sumulat siya sa mga bato ng isang sipi ng kautusan ni Moises na kanyang sinulat sa harapan ng mga anak ni Israel.

33 At(C) ang buong Israel, maging dayuhan o katutubong mamamayan kasama ang kanilang matatanda at mga pinuno at ang kanilang mga hukom, ay tumayo sa magkabilang panig ng kaban at sa harapan ng mga paring Levita, na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon. Ang kalahati sa kanila ay sa harapan ng bundok Gerizim at ang kalahati ay sa harapan ng bundok Ebal; gaya ng iniutos nang una ni Moises na lingkod ng Panginoon na kanilang basbasan ang bayan ng Israel.

34 Pagkatapos ay kanyang binasa ang lahat ng mga salita ng kautusan, ang pagpapala at ang sumpa, ayon sa lahat na nakasulat sa aklat ng kautusan.

35 Walang salita sa lahat ng iniutos ni Moises na hindi binasa ni Josue sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, sa mga babae, mga bata, at mga dayuhang naninirahang kasama nila.

Mga Awit 139

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

139 O Panginoon, siniyasat mo ako at nakilala mo ako.
Iyong nalalaman kapag ako'y umuupo at kapag ako'y tumatayo;
    nababatid mo ang aking pag-iisip mula sa malayo.
Iyong sinisiyasat ang aking landas at ang paghiga ko,
    at ang lahat kong mga lakad ay nalalaman mo.
Bago pa man magkaroon ng salita sa dila ko,
    O Panginoon, lahat ng iyon ay alam mo.
Iyong pinaligiran ako sa likuran at sa harapan,
    at ipinatong mo sa akin ang iyong kamay.
Ang gayong kaalaman ay lubhang kahanga-hanga para sa akin;
    ito ay matayog, hindi ko kayang abutin.

Saan ako pupunta mula sa iyong Espiritu?
    O saan ako tatakas mula sa harapan mo?
Kung ako'y umakyat sa langit, ikaw ay naroon!
    Kung gawin ko ang aking higaan sa Sheol, ikaw ay naroon!
Kung aking kunin ang mga pakpak ng umaga,
    at sa mga pinakadulong bahagi ng dagat ako'y tumira,
10 doon ma'y papatnubayan ako ng iyong kamay,
    at hahawakan ako ng iyong kanang kamay.
11 Kung aking sabihin, “Takpan nawa ako ng dilim,
    at maging gabi ang liwanag na nakapalibot sa akin,”
12 kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa iyo,
    at ang gabi ay kasinliwanag ng araw;
    ang kadiliman at kaliwanagan ay magkatulad sa iyo.

13 Sapagkat hinubog mo ang aking mga nasa loob na bahagi,
    at sa bahay-bata ng aking ina ako'y iyong hinabi.
14 Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat ang pagkagawa sa akin ay kakilakilabot at kamanghamangha.
    Ang iyong mga gawa ay kahangahanga;
at iyon ay nalalamang mabuti ng aking kaluluwa.
15 Ang katawan ko'y hindi nakubli sa iyo,
nang ako'y lihim na ginagawa,
    mahusay na binuo sa kalaliman ng lupa.
16 Nakita ng iyong mga mata ang aking wala pang anyong sangkap;
at sa iyong aklat bawat isa sa mga iyon ay nakasulat,
    ang mga araw na sa akin ay itinakda,
    nang wala pang anuman sa kanila.
17 Napakahalaga sa akin ng iyong mga pag-iisip, O Diyos!
    Napakalawak ng kabuuan ng mga iyon!
18 Kung aking bibilangin, ang mga iyon ay marami pa kaysa buhangin.
    Kapag ako'y nagigising, ako'y kasama mo pa rin.

19 Sana'y patayin mo, O Diyos, ang masama,
    kaya't layuan ninyo ako, mga taong nagpapadanak ng dugo.
20 Sapagkat sila'y nagsasalita laban sa iyo ng kasamaan,
    at ginagamit ng iyong mga kaaway ang iyong pangalan sa walang kabuluhan.
21 Hindi ba kinapopootan ko silang napopoot sa iyo, O Panginoon?
    At hindi ba kinasusuklaman ko silang laban sa iyo'y bumabangon?
22 Kinapopootan ko sila ng lubos na pagkapoot;
    itinuturing ko sila na aking mga kaaway.
23 Siyasatin mo ako, O Diyos, at alamin mo ang aking puso;
    subukin mo ako, at alamin mo ang mga pag-iisip ko!
24 At tingnan mo kung may anumang lakad ng kasamaan sa akin,
    at patnubayan mo ako sa daang walang hanggan.

Jeremias 2

Ang Pag-aaruga ng Diyos sa Israel

Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

“Humayo ka at ipahayag mo sa pandinig ng Jerusalem na sinasabi, Ganito ang sabi ng Panginoon:

Naaalala ko ang katapatan ng iyong kabataan,
    ang iyong pag-ibig bilang babaing ikakasal,
kung paanong sumunod ka sa akin sa ilang,
    sa lupaing hindi hinasikan.
Ang Israel ay banal sa Panginoon,
    ang unang bunga ng kanyang ani.
Lahat ng nagsikain nito ay nagkasala,
    ang kasamaan ay dumating sa kanila, sabi ng Panginoon.”

Pakinggan mo ang salita ng Panginoon, O sambahayan ni Jacob, at lahat ng mga angkan ng sambahayan ng Israel.

Ganito ang sabi ng Panginoon:

“Anong kamalian ang natagpuan sa akin ng inyong mga magulang
    upang ako'y kanilang layuan,
at sumunod sa kawalang kabuluhan, at naging walang kabuluhan?
Hindi nila sinabi, ‘Nasaan ang Panginoon
    na nag-ahon sa atin mula sa lupain ng Ehipto,
na pumatnubay sa atin sa ilang,
    sa lupain ng mga disyerto at mga hukay,
sa lupain ng tagtuyot at malalim na kadiliman,
    sa lupaing hindi dinaanan ng sinuman
    at walang taong nanirahan?’
At dinala ko kayo sa masaganang lupain,
    upang sa mga bunga ng mabubuting bagay nito kayo ay kumain.
Ngunit nang kayo'y pumasok ang lupain ko'y inyong dinungisan,
    at ang aking pamana ay ginawa ninyong karumaldumal.
Hindi sinabi ng mga pari, ‘Nasaan ang Panginoon?’
    Silang nagsisihawak ng kautusan ay hindi nakakilala sa akin;
ang mga pinuno[a] ay sumuway sa akin,
    at ang mga propeta ay nagsalita ng propesiya sa pamamagitan ni Baal,
    at nagsisunod sa mga bagay na walang pakinabang.
“Kaya't makikipagtalo pa rin ako sa inyo, sabi ng Panginoon,
    at sa mga anak ng inyong mga anak ay makikipagtalo ako.
10 Sapagkat tumawid kayo sa mga baybayin ng Kittim,[b] at inyong tingnan,
    at magsugo kayo sa Kedar, at magsuring mainam;
    at inyong tingnan kung may nangyari nang ganitong bagay.
11 Nagpalit ba ang isang bansa ng mga diyos,
    bagaman sila'y hindi mga diyos?
Ngunit ipinagpalit ng bayan ko ang kanilang kaluwalhatian
    sa hindi pinakikinabangan.
12 Magtaka kayo, O mga langit, sa bagay na ito,
    at magulat kayo, mawasak kayong lubos, sabi ng Panginoon.
13 Sapagkat ang bayan ko ay gumawa ng dalawang kasamaan:
    tinalikuran nila ako,
ang bukal ng mga tubig na buháy,
    at gumawa para sa kanila ng mga tipunan ng tubig
na mga sirang tipunan
    na hindi malagyan ng tubig.

Mga Bunga ng Kataksilan ng Israel

14 “Ang Israel ba'y alipin? Siya ba'y aliping ipinanganak sa bahay?
    Bakit nga siya'y naging hayop na nasila?
15 Ang mga batang leon ay nagsiungal laban sa kanya,
    at sila'y malakas na nagsiungal.
Winasak nila ang kanyang lupain;
    ang kanyang mga lunsod ay guho, walang naninirahan.
16 Bukod dito'y binasag[c] ng mga anak ng Memfis at ng Tafnes
    ang bao ng iyong ulo.
17 Hindi ba ikaw na rin ang nagdala nito sa iyong sarili,
    dahil sa iyong pagtalikod sa Panginoon mong Diyos,
    nang kanyang patnubayan ka sa daan?
18 At ano ngayon ang napala mo sa pagpunta sa Ehipto,
    upang uminom ng tubig ng Nilo?
O anong napala mo sa pagpunta sa Asiria,
    upang uminom ng tubig ng Eufrates?
19 Parurusahan ka ng iyong sariling kasamaan,
    at ang iyong pagtalikod ang sa iyo'y sasaway.
Alamin mo at iyong tingnan na masama at mapait
    na iyong talikuran ang Panginoon mong Diyos,
    at ang takot sa akin ay wala sa iyo, sabi ng Panginoong Diyos ng mga hukbo.

Tumanggi ang Israel na Sambahin ang Diyos

20 “Sapagkat matagal nang panahong binasag ko ang iyong pamatok
    at ang mga gapos mo'y nilagot;
    ngunit iyong sinabi, ‘Hindi ako maglilingkod.’
Sapagkat sa bawat mataas na burol
    at sa lilim ng bawat luntiang punungkahoy
    ay yumuko kang tulad sa mahalay na babae.[d]
21 Gayunma'y itinanim kita na isang piling puno ng ubas,
    na pawang dalisay na binhi.
Bakit nga naging bansot ka
    at naging ligaw na ubas?
22 Kahit maligo ka ng lihiya,
    at gumamit ng maraming sabon,
    ang mantsa ng iyong pagkakasala ay nasa harapan ko pa rin, sabi ng Panginoong Diyos.
23 Paano mo nasasabi, ‘Hindi ako nadungisan,
    hindi ako sumunod sa mga Baal’?
Tingnan mo ang iyong daan sa libis!
    Alamin mo kung ano ang iyong ginawa!
Ikaw ay isang matuling batang kamelyo na pinagsala-salabat ang kanyang mga daan,
24     isang mailap na asno na sanay sa ilang,
na sa kanyang init ay sinisinghot ang hangin!
    Sinong makakapigil sa kanyang pagnanasa?
Hindi na mapapagod pa ang mga nagsisihanap sa kanya;
    sa kanyang kabuwanan ay kanilang matatagpuan siya.
25 Ingatan mo ang iyong paa sa paglakad na walang panyapak,
    at ang iyong lalamunan sa pagkauhaw.
Ngunit iyong sinabi, ‘Walang pag-asa,
    sapagkat ako'y umibig sa mga dayuhan,
    at ako'y susunod sa kanila!’

26 “Kung paanong ang isang magnanakaw ay napapahiya kapag nahuhuli,
    gayon mapapahiya ang sambahayan ni Israel;
sila, ang kanilang mga hari, ang kanilang mga pinuno,
    ang kanilang mga pari, at ang kanilang mga propeta,
27 na nagsasabi sa punungkahoy, ‘Ikaw ay aking ama;’
    at sa bato, ‘Ipinanganak mo ako.’
Sapagkat sila'y tumalikod sa akin,
    at hindi ang kanilang mukha.
Ngunit sa panahon ng kanilang kaguluhan ay sinasabi nila,
    ‘Bumangon ka at iligtas mo kami!’
28 Ngunit nasaan ang iyong mga diyos
    na ginawa mo para sa iyo?
Hayaan mo silang magsibangon, kung maililigtas nila kayo
    sa panahon ng iyong kaguluhan,
sapagkat kung gaano karami ang iyong mga bayan
    ay gayon ang iyong mga diyos, O Juda.

29 “Bakit kayo nagrereklamo laban sa akin?
Kayong lahat ay naghimagsik laban sa akin, sabi ng Panginoon.
30 Sa walang kabuluhan ang mga anak ninyo'y aking sinaktan;
    sila'y hindi tumanggap ng saway.
Nilamon ng inyong sariling tabak ang inyong mga propeta,
    na gaya ng leong mapamuksa.
31 At ikaw, O salinlahi, dinggin ninyo ang salita ng Panginoon.
Ako ba'y naging lupang ilang sa Israel,
    o isang lupain ng makapal na kadiliman?
Bakit sinasabi ng aking bayan, ‘Kami ay malaya,
    hindi na kami lalapit pa sa iyo’?
32 Malilimutan ba ng isang dalaga ang kanyang mga hiyas,
    o ng isang ikakasal na babae ang kanyang kasuotan?
Gayunma'y kinalimutan ako ng aking bayan
    sa di mabilang na mga araw.

33 “Kay galing mong pinamahalaan ang iyong lakad
    upang humanap ng mga mangingibig!
Anupa't maging sa masasamang babae
    ay itinuro mo ang iyong mga lakad.
34 Sa iyong mga palda ay natagpuan din
    ang dugong ikinabubuhay ng mga dukhang walang sala;
hindi mo sila natagpuan na sapilitang pumapasok.
    Gayunman, sa kabila ng lahat ng mga ito
35 ay sinasabi mo, ‘Ako'y walang sala;
    tunay na ang kanyang galit sa akin ay lumayo na.’
Narito, sa kahatulan ay dadalhin kita,
    sapagkat iyong sinabi, ‘Hindi ako nagkasala.’
36 Kay dali mong magpagala-gala
    na binabago mo ang iyong lakad!
Ilalagay ka sa kahihiyan ng Ehipto
    na gaya ng panghihiya sa iyo ng Asiria.
37 Mula doon ay lalabas ka rin
    na ang iyong mga kamay ay nakapatong sa iyong ulo,
sapagkat itinakuwil ng Panginoon ang iyong mga pinagkakatiwalaan,
    at sa pamamagitan nila'y hindi ka magtatagumpay.

Mateo 16

Hiningan ng Tanda si Jesus(A)

16 Dumating(B) ang mga Fariseo at ang mga Saduceo, at upang subukin siya, hiniling nila sa kanya na magpakita sa kanila ng isang tanda mula sa langit.

Ngunit sumagot siya at sinabi sa kanila, “[Sa dapit-hapon ay sinasabi ninyo, ‘Magiging maganda ang panahon, sapagkat mapula ang langit.’

At sa umaga, ‘Magiging maunos ngayon, sapagkat mapula ang langit at nagbabanta.’ Marunong kayong kumilala ng anyo ng langit; ngunit hindi ninyo makilala ang mga tanda ng mga panahon.]

Ang(C) isang lahing masama at mapangalunya ay humahanap ng tanda, ngunit hindi ito bibigyan ng tanda, maliban sa tanda ni Jonas.” Kanyang iniwan sila at siya ay umalis.

Ang Lebadura ng mga Fariseo at ng mga Saduceo(D)

Nang makarating ang mga alagad sa kabilang ibayo, nakalimutan nilang magdala ng tinapay.

Sinabi(E) ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo at iwasan ninyo ang lebadura ng mga Fariseo at ng mga Saduceo.”

Nag-usap sila sa isa't isa na nagsasabi, “Hindi kasi tayo nagdala ng tinapay.”

Ngunit alam ito ni Jesus kaya't sinabi niya, “O kayong maliliit ang pananampalataya, bakit kayo'y nagtatalo na wala kayong tinapay?

Hindi(F) pa ba ninyo nauunawaan o natatandaan ang limang tinapay para sa limang libo at kung ilang kaing ang inyong natipon?

10 O(G) iyong pitong tinapay para sa apat na libo at kung ilang kaing ang inyong natipon?

11 Paanong hindi ninyo naunawaan na ang sinabi ko ay hindi tungkol sa tinapay? Ngunit mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo at mga Saduceo!”

12 Kaya't naunawaan nila na ang sinabi ni Jesus[a] ay hindi sa pampaalsa ng tinapay mag-ingat kundi sa mga aral ng mga Fariseo at Saduceo.

Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(H)

13 Nang dumating si Jesus sa nasasakupan ng Cesarea Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, na sinasabi, “Ano ba ang sinasabi ng mga tao kung sino ang Anak ng Tao?”

14 At(I) sinabi nila, “Ang sabi ng iba ay si Juan na Tagapagbautismo, ang iba ay si Elias; at ang iba ay si Jeremias, o isa sa mga propeta.”

15 Sinabi niya sa kanila, “Ngunit ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?”

16 Sumagot(J) si Simon Pedro at sinabi, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy.”

17 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat hindi laman at dugo ang nagpahayag nito sa iyo kundi ang aking Ama na nasa langit.

18 At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro,[b] at sa ibabaw ng batong[c] ito ay itatayo ko ang aking iglesya; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magwawagi laban sa kanya.

19 Ibibigay(K) ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit, at anumang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anumang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.”

20 Pagkatapos ay mahigpit niyang ipinagbilin sa mga alagad na huwag sasabihin kaninuman na siya ang Cristo.

Ipinahayag ni Jesus ang Kanyang Kamatayan(L)

21 Mula ng panahong iyon ay pinasimulan ni Jesus na ipaliwanag sa kanyang mga alagad na kailangang pumunta siya sa Jerusalem at magtiis ng maraming bagay sa kamay ng matatanda, ng mga punong pari at mga eskriba. Siya'y papatayin at muling bubuhayin sa ikatlong araw.

22 At inilayo siya ni Pedro at sinimulang pigilan siya, na sinasabi, “Huwag nawang itulot ng Diyos, Panginoon! Hindi kailanman mangyayari ito sa iyo.”

23 Ngunit lumingon siya at sinabi kay Pedro, “Layuan mo ako, Satanas! Ikaw ay isang katitisuran sa akin; sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay ng Diyos, kundi ang mga bagay ng tao.”

24 Pagkatapos(M) ay sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, at pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin.

25 Sapagkat(N) ang sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay[d] ay mawawalan nito; ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay makakatagpo nito.

26 Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao, kung makamtan niya ang buong sanlibutan ngunit mawawala naman ang kanyang buhay? O ano ang ibibigay ng tao na katumbas ng kanyang buhay?

27 Sapagkat(O) darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel sa kaluwalhatian ng kanyang Ama; at kanyang gagantihan ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa.

28 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito, na hindi makakatikim ng kamatayan, hanggang makita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa kanyang kaharian.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001