M’Cheyne Bible Reading Plan
5 Nang mabalitaan ng lahat ng mga hari ng mga Amoreo na nasa kabila ng Jordan sa dakong kanluran, at ng lahat ng mga hari ng mga Cananeo na nasa tabing dagat, kung paanong pinatuyo ng Panginoon ang tubig ng Jordan sa harapan ng mga anak ni Israel, hanggang sa sila ay nakatawid, nanlumo ang kanilang puso, at sila'y nasiraan ng loob dahil sa mga anak ni Israel.
Ang Pagtutuli sa Gilgal
2 Nang panahong iyon ay sinabi ng Panginoon kay Josue, “Gumawa ka ng mga patalim na yari sa batong kiskisan at muli mong tuliin sa ikalawang pagkakataon ang mga anak ni Israel.”
3 Kaya't gumawa si Josue ng mga patalim na yari sa batong kiskisan, at tinuli ang mga anak ni Israel sa Gibeat-haaralot.[a]
4 Ito ang dahilan kung bakit tinuli sila ni Josue: ang lahat ng mga lalaking mandirigma na lumabas mula sa Ehipto, samakatuwid ay ang lahat na lalaking mandirigma na namatay sa ilang sa daan, pagkatapos na sila'y makalabas mula sa Ehipto.
5 Bagama't ang buong bayan na lumabas ay mga tuli, ang buong bayan na ipinanganak sa ilang sa daan pagkalabas sa Ehipto ay hindi natuli.
6 Sapagkat(A) ang mga anak ni Israel ay lumakad na apatnapung taon sa ilang, hanggang sa ang buong bansa, samakatuwid, ang mga lalaking mandirigma na lumabas mula sa Ehipto, ay nalipol, sapagkat hindi nila dininig ang tinig ng Panginoon. Sa kanila'y isinumpa ng Panginoon na hindi niya ipapakita ang lupain na ipinangako ng Panginoon sa kanilang mga ninuno na ibibigay sa atin, ang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.
7 Kaya't tinuli ni Josue ang kanilang mga anak na ipinanganak na kahalili nila, sapagkat hindi sila tuli, yamang hindi sila tinuli sa daan.
8 Nang kanilang matuli na ang buong bansa, nanatili sila sa kanilang mga lugar sa kampo hanggang sa sila'y gumaling.
9 At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Sa araw na ito ay iginulong ko palayo sa inyo ang kahihiyan ng Ehipto.” Kaya't ang pangalan ng lugar na iyon ay tinawag na Gilgal[b] hanggang sa araw na ito.
10 Habang(B) ang mga anak ni Israel ay nagkakampo sa Gilgal ay kanilang isinagawa ang paskuwa nang ikalabing-apat na araw ng buwan sa kinahapunan sa mga kapatagan ng Jerico.
11 Kinabukasan, pagkatapos ng paskuwa, nang araw ding iyon, kanilang kinain ang bunga ng lupain, ang mga tinapay na walang pampaalsa at ang sinangag na trigo.
12 At(C) ang manna ay huminto kinabukasan, pagkatapos na sila'y makakain ng bunga ng lupain; at hindi na nagkaroon pa ng manna ang mga anak ni Israel kundi kanilang kinain ang bunga ng lupain ng Canaan ng taong iyon.
Si Josue at ang Lalaking may Tabak
13 Nang si Josue ay nasa may Jerico, kanyang itinaas ang kanyang paningin at nakita niyang nakatayo ang isang lalaki sa tapat niya na may tabak sa kanyang kamay. Lumapit sa kanya si Josue at sinabi sa kanya, “Ikaw ba'y sa panig namin o sa aming mga kaaway?”
14 At kanyang sinabi, “Hindi; ako'y naparito bilang pinuno ng hukbo ng Panginoon.” At si Josue ay sumubsob sa lupa at sumamba, at sinabi sa kanya, “Anong ipinag-uutos ng aking panginoon sa kanyang lingkod?”
15 Sumagot ang pinuno ng hukbo ng Panginoon kay Josue, “Hubarin mo ang panyapak sa iyong paa, sapagkat ang dakong iyong kinatatayuan ay banal.” At gayon ang ginawa ni Josue.
Sinakop ang Jerico
6 Ang Jerico nga ay ganap na nakasara dahil sa mga anak ni Israel, walang nakakalabas at walang nakakapasok.
2 At sinabi ng Panginoon kay Josue, “Tingnan mo, ibinigay ko na sa iyong kamay ang Jerico, ang hari nito at ang mga mandirigma.
3 Lilibutin ninyo ang buong lunsod, lahat ng mga lalaking mandirigma ay liligid na minsan sa lunsod. Gagawin ninyo ito sa loob ng anim na araw.
4 Ang pitong pari ay magdadala ng pitong tambuli na mga sungay ng tupa sa unahan ng kaban; at sa ikapitong araw ay inyong paliligiran ng pitong ulit ang bayan at hihipan ng mga pari ang mga tambuli.
5 Kapag hinipan na nila nang matagal ang sungay ng tupa, at kapag inyong narinig ang tunog ng tambuli ay sisigaw nang malakas ang buong bayan. Ang pader ng lunsod ay guguho at ang buong bayan ay tuluy-tuloy na sasalakay.”
Awit ng Pag-akyat.
132 Panginoon, alalahanin mo para kay David
ang lahat ng kanyang kahirapan,
2 kung paanong sumumpa siya sa Panginoon,
at nangako sa Makapangyarihan ni Jacob,
3 “Hindi ako papasok sa aking bahay,
ni hihiga sa aking higaan,
4 Mga mata ko'y hindi ko patutulugin,
ni mga talukap ng mata ko'y paiidlipin,
5 hanggang sa ako'y makatagpo ng lugar para sa Panginoon,
isang tirahang pook para sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”
6 Narinig(A) namin ito sa Efrata,
natagpuan namin ito sa mga parang ng Jaar.
7 “Tayo na sa kanyang lugar na tirahan;
sumamba tayo sa kanyang paanan!”
8 Bumangon ka, O Panginoon, at pumunta ka sa iyong dakong pahingahan,
ikaw at ang kaban ng iyong kalakasan.
9 Ang iyong mga pari ay magsipagbihis ng katuwiran,
at sumigaw sa kagalakan ang iyong mga banal.
10 Alang-alang kay David na iyong lingkod,
mukha ng iyong binuhusan ng langis ay huwag mong italikod.
11 Ang(B) Panginoon ay sumumpa kay David ng isang katotohanan
na hindi niya tatalikuran:
“Ang bunga ng iyong katawan
ay aking ilalagay sa iyong luklukan.
12 Kung iingatan ng iyong mga anak ang aking tipan
at ang aking patotoo na aking ituturo sa kanila,
magsisiupo rin ang mga anak nila sa iyong trono magpakailanman.”
13 Sapagkat pinili ng Panginoon ang Zion;
kanya itong ninasa para sa kanyang tirahan.
14 “Ito'y aking pahingahang dako magpakailanman;
sapagkat ito'y aking ninasa, dito ako tatahan.
15 Ang kanyang pagkain ay pagpapalain ko ng sagana;
aking bubusugin ng tinapay ang kanyang dukha.
16 Ang kanyang mga pari ay daramtan ko ng kaligtasan,
at ang kanyang mga banal ay sisigaw ng malakas sa kagalakan.
17 Doo'y(C) magpapasibol ako ng sungay para kay David,
aking ipinaghanda ng ilawan ang aking binuhusan ng langis.
18 Ang kanyang mga kaaway ay daramtan ko ng kahihiyan,
ngunit ang kanyang korona ay magbibigay ng kaningningan.”
Awit ng Pag-akyat.
133 Narito, napakabuti at napakaligaya
kapag ang magkakapatid ay sama-samang namumuhay na nagkakaisa!
2 Ito'y gaya ng mahalagang langis sa ulo,
na tumutulo sa balbas,
sa balbas ni Aaron,
tumutulo sa laylayan ng kanyang damit!
3 Ito ay gaya ng hamog sa Hermon,
na pumapatak sa mga bundok ng Zion!
Sapagkat doon iniutos ng Panginoon ang pagpapala,
ang buhay magpakailanman.
Awit ng Pag-akyat.
134 Halikayo, purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na lingkod ng Panginoon,
na nakatayo sa gabi sa bahay ng Panginoon!
2 Itaas ninyo ang inyong mga kamay sa dakong banal,
at ang Panginoon ay papurihan!
3 Pagpalain ka nawa ng Panginoon mula sa Zion;
siyang gumawa ng langit at lupa!
Ang Parusa sa Pagmamatigas
65 Ako'y(A) nakahandang tumugon sa mga hindi nagtatanong sa akin.
Ako'y nakahandang matagpuan noong mga naghahanap sa akin.
Aking sinabi, “Narito ako, narito ako,”
sa isang bansa na hindi tumawag sa pangalan ko.
2 Iniunat(B) ko ang aking mga kamay buong araw
sa mapaghimagsik na bayan,
na lumalakad sa hindi mabuting daan,
na sumusunod sa kanilang sariling mga kalooban;
3 isang Bayan na lagi akong ginagalit nang mukhaan,
na naghahandog sa mga halamanan,
at nagsusunog ng insenso sa ibabaw ng mga bato;
4 na umuupo sa gitna ng mga libingan,
at ginugugol ang magdamag sa lihim na dako;
na kumakain ng laman ng baboy,
at ang sabaw ng mga kasuklamsuklam na mga bagay ay nasa kanilang mga sisidlan;
5 na nagsasabi, “Lumayo ka,
huwag kang lumapit sa akin, sapagkat ako'y higit na banal kaysa iyo.”
Ang mga ito ay usok sa aking ilong,
apoy na nagliliyab buong araw.
6 Narito, nasusulat sa harap ko:
“Hindi ako tatahimik, kundi ako'y gaganti,
oo, ako'y gaganti sa kanilang sinapupunan.
7 Ang inyong sariling mga kasamaan, at ang mga sama-samang kasamaan ng inyong mga magulang, sabi ng Panginoon;
sapagkat nagsunog sila ng insenso sa mga bundok,
at inalipusta nila ako sa mga burol,
susukatin ko sa kanilang kandungan
ang kabayaran sa kanilang ginawa noong una.”
8 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Kung paanong natatagpuan ang bagong alak sa kumpol,
at kanilang sinasabi, ‘Huwag mong sirain,
sapagkat diyan ay may pagpapala;’
gayon ang gagawin ko alang-alang sa aking mga lingkod,
at hindi ko sila pupuksaing lahat.
9 At ako'y maglalabas ng mga lahi na mula sa Jacob,
at mula sa Juda ay mga tagapagmana ng aking mga bundok;
iyon ay mamanahin ng aking hinirang,
at ang aking mga lingkod doon ay maninirahan.
10 Ang(C) Sharon ay magiging pastulan ng mga kawan,
at ang Libis ng Acor ay dakong higaan ng mga bakahan,
para sa aking bayan na humanap sa akin.
11 Ngunit kayo na tumalikod sa Panginoon,
na lumimot sa aking banal na bundok,
na naghahanda ng hapag para sa Kapalaran,
at pinupuno ang kopa ng hinalong alak para sa Tadhana;
12 itatadhana ko kayo sa tabak,
at kayong lahat ay yuyuko sa katayan;
sapagkat nang ako'y tumawag, kayo'y hindi sumagot,
nang ako'y magsalita, kayo'y hindi nakinig;
kundi inyong ginawa ang masama sa aking paningin,
at inyong pinili ang di ko kinaluluguran.”
13 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Narito, ang aking mga lingkod ay magsisikain,
ngunit kayo'y magugutom;
narito, ang aking mga lingkod ay iinom,
ngunit kayo'y mauuhaw;
narito, magagalak ang aking mga lingkod,
ngunit kayo'y mapapahiya;
14 Narito, ang aking mga lingkod ay aawit dahil sa kagalakan ng puso,
ngunit kayo'y dadaing dahil sa kalungkutan ng puso,
at tatangis dahil sa pagkabagbag ng loob.
15 Inyong iiwan ang inyong pangalan sa aking mga pinili bilang isang sumpa,
at papatayin ka ng Panginoong Diyos;
ngunit ang kanyang mga lingkod ay tatawagin niya sa ibang pangalan.
16 Upang siya na nagpapala sa sarili sa lupa
sa pamamagitan ng Diyos ng katotohanan ay magpapala;
at siyang sumusumpa sa lupa
sa pangalan ng Diyos ng katotohanan ay susumpa;
sapagkat ang mga dating kabagabagan ay nalimutan na,
at nakubli sa aking mga mata.
Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa
17 “Sapagkat(D) narito, ako'y lumilikha ng mga bagong langit
at bagong lupa;
at ang mga dating bagay ay hindi na maaalala,
o darating man sa isipan.
18 Ngunit kayo'y matuwa at magalak magpakailanman
sa aking nilikha;
sapagkat, aking nililikha ang Jerusalem na isang kagalakan,
at ang kanyang bayan na isang kaluguran.
19 Ako'y(E) magagalak sa Jerusalem,
at maliligayahan sa aking bayan;
at ang tinig ng iyak ay hindi na maririnig pa sa kanya,
o ang tinig man ng daing.
20 Hindi na magkakaroon doon
ng sanggol na nabuhay lamang ng ilang araw,
o ng matanda man na hindi nalubos ang kanyang mga araw;
sapagkat ang kabataan ay mamamatay na may isandaang taong gulang,
at susumpain ang taong hindi makaabot sa isandaang taong gulang.
21 At sila'y magtatayo ng mga bahay at kanilang titirahan ang mga iyon;
at sila'y magtatanim ng ubasan at kakain ng bunga niyon.
22 Sila'y hindi magtatayo at iba ang titira,
sila'y hindi magtatanim, at iba ang kakain;
sapagkat gaya ng mga araw ng punungkahoy, ay magiging gayon ang mga araw ng aking bayan,
at matagal na tatamasahin ng aking pinili ang gawa ng kanilang mga kamay.
23 Sila'y hindi gagawa nang walang kabuluhan,
o manganganak man para sa kapahamakan,
sapagkat sila ang magiging supling ng mga pinagpala ng Panginoon,
at ang kanilang mga anak na kasama nila.
24 At mangyayari na bago pa sila tumawag ay sasagot ako,
samantalang sila'y nagsasalita ay makikinig ako.
25 Ang(F) asong-gubat at ang kordero ay manginginaing magkasama,
at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka;
at alabok ang magiging pagkain ng ahas.
Sila'y hindi mananakit o maninira man
sa lahat kong banal na bundok,
sabi ng Panginoon.”
Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(A)
13 Nang araw ding iyon ay lumabas si Jesus sa bahay at umupo sa tabi ng dagat.
2 Nagtipun-tipon(B) sa palibot niya ang napakaraming tao, kaya't sumakay siya sa isang bangka at umupo roon samantalang ang lahat ng tao ay nakatayo sa baybayin.
3 At nagsalita siya sa kanila ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga, na sinasabi: “Makinig kayo! Isang manghahasik ang humayo upang maghasik.
4 Habang siya'y naghahasik, may mga binhing nahulog sa tabing daan; at dumating ang mga ibon at kinain nila ang mga ito.
5 Ang iba nama'y nahulog sa batuhan na doo'y kakaunti lamang ang lupa; at kaagad silang sumibol yamang hindi malalim ang lupa.
6 Kaya't pagsikat ng araw, ang mga iyon ay natuyo at dahil sa walang ugat ang mga iyon ay tuluyang nalanta.
7 Ang iba ay nahulog sa mga tinikan. Lumaki ang mga tinik at sinakal ang mga iyon.
8 Ang iba ay nahulog sa mabuting lupa, at namunga. Ang iba ay tig-iisang daan, ang iba ay animnapu, ang iba ay tatlumpu.
9 Ang mga may pandinig ay makinig.”
Ang Layunin ng mga Talinghaga(C)
10 Lumapit ang mga alagad, at sinabi nila sa kanya, “Bakit ka nagsasalita sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga?”
11 Sumagot siya at sinabi sa kanila, “Sapagkat sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga hiwaga ng kaharian ng langit, ngunit hindi ipinagkaloob sa kanila.
12 Sapagkat(D) sinumang mayroon ay lalong bibigyan, at magkakaroon siya ng kasaganaan; ngunit sinumang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin.
13 Dahil dito ay nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga, sapagkat sa kanilang pagtingin ay hindi sila nakakakita, at sa kanilang pakikinig ay hindi sila nakakarinig, at hindi sila nakakaunawa.
14 Natutupad(E) nga sa kanila ang propesiya ni Isaias, na nagsasabi:
‘Sa pakikinig kayo'y makakarinig, ngunit kailanma'y hindi makakaunawa,
at sa pagtingin kayo'y titingin, ngunit kailanma'y hindi makakabatid.
15 Sapagkat naging manhid na ang puso ng bayang ito,
at mahirap nang makarinig ang kanilang mga tainga,
at ipinikit nila ang kanilang mga mata;
baka ang kanilang mga mata'y makakita,
at makarinig ang kanilang mga tainga,
at makaunawa ang puso nila,
at manumbalik sa akin, at sila'y aking pagalingin.’
16 Ngunit(F) mapapalad ang inyong mga mata, sapagkat ang mga ito'y nakakakita; at ang inyong mga tainga, sapagkat ang mga ito'y nakakarinig.
17 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga taong matuwid ang naghangad na makita ang inyong nakikita, ngunit hindi nila nakita; at marinig ang inyong naririnig, ngunit hindi nila ito narinig.
Paliwanag sa Talinghaga tungkol sa Manghahasik(G)
18 “Pakinggan ninyo ang talinghaga ng manghahasik.
19 Kung ang sinuman ay nakikinig ng salita ng kaharian, at hindi niya ito inuunawa, darating ang masama at aagawin ang naihasik sa kanyang puso. Ito ang naihasik sa tabing daan.
20 Ang napahasik sa mga batuhan ay iyong nakikinig ng salita, at agad niyang tinatanggap ito na may kagalakan.
21 Gayunma'y hindi siya nagkaugat kundi sandali lamang tumatagal; at kapag dumating ang kapighatian o pag-uusig dahil sa salita ay kaagad siyang natitisod.
22 Ang napahasik sa mga tinikan ay iyong nakikinig ng salita; ngunit ang kabalisahan ng sanlibutan at ang daya ng mga kayamanan ay sumasakal sa salita at iyon ay nagiging walang bunga.
23 Ang napahasik naman sa mabuting lupa, ay iyong nakikinig ng salita at inuunawa ito, na siyang talagang namumunga. Ang isa ay isandaan, ang iba ay animnapu, at ang iba ay tatlumpu.”
Ang Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan
24 Nagbigay siya sa kanila ng isa pang talinghaga, na sinasabi, “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid.
25 Ngunit samantalang natutulog ang mga tao, dumating ang kaaway at naghasik ng mga damo sa triguhan, at umalis.
26 Kaya't nang sumibol ang mga halaman at namunga ay lumitaw rin ang damo.
27 At ang mga alipin ng puno ng sambahayan ay dumating at sinabi sa kanya, ‘Panginoon, hindi ba't mabuting binhi ang inihasik mo sa iyong bukid? Saan kaya nanggaling ang mga damo?’
28 Sinabi niya sa kanila, ‘Isang kaaway ang gumawa nito.’ At sinabi sa kanya ng mga alipin, ‘Ibig mo bang kami'y pumaroon at tipunin ang mga iyon?’
29 Ngunit sinabi niya, ‘Huwag; baka sa pagtitipon ninyo ng mga damo ay inyong mabunot pati ang trigo.
30 Hayaan ninyong magkasama silang tumubo hanggang sa anihan, at sa panahon ng pag-aani ay sasabihin ko sa mga manggagapas, Tipunin muna ninyo ang mga damo at pagbigkisin ninyo upang sunugin; ngunit tipunin ninyo ang trigo sa aking kamalig.’”
Ang Talinghaga tungkol sa Binhi ng Mustasa(H)
31 Nagbigay siya sa kanila ng isa pang talinghaga, na sinasabi, “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang butil ng binhi ng mustasa na kinuha ng isang tao, at inihasik sa kanyang bukid.
32 Iyon ang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi, ngunit nang tumubo ay siyang pinakamalaki sa mga halaman at nagiging punungkahoy, anupa't ang mga ibon sa himpapawid ay dumarating at nagpupugad sa kanyang mga sanga.
Ang Talinghaga ng Pampaalsa(I)
33 Nagsalaysay siya sa kanila ng isa pang talinghaga: “Ang kaharian ng langit ay tulad sa pampaalsa na kinuha ng isang babae, at inihalo[a] sa tatlong takal na harina, hanggang sa ang lahat ay malagyan ng pampaalsa.”
Ang Paggamit ni Jesus sa mga Talinghaga(J)
34 Ang lahat ng mga bagay na ito'y sinabi ni Jesus sa maraming tao sa pamamagitan ng mga talinghaga, at wala siyang sinabi sa kanila na hindi sa pamamagitan ng talinghaga.
35 Ito(K) ay upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta,[b]
“Bubuksan ko ang aking bibig sa pagsasalita ng mga talinghaga;
isasalaysay ko ang mga natatagong bagay mula pa nang itatag ang sanlibutan.”[c]
Ang Kahulugan ng Talinghaga ng mga Damo sa Triguhan
36 Pagkatapos ay iniwan ni Jesus[d] ang napakaraming tao at pumasok sa bahay. Lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad, na nagsasabi, “Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga ng mga damo sa bukid.”
37 Sumagot siya at sinabi, “Ang naghahasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng Tao.
38 Ang bukid ay ang sanlibutan. Ang mabuting binhi naman ay ang mga anak ng kaharian, subalit ang mga damo ay ang mga anak ng masama.
39 Ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diyablo. Ang anihan ay ang katapusan ng sanlibutan; at ang mga manggagapas ay ang mga anghel.
40 Kaya't kung paanong tinitipon ang mga damo upang sunugin sa apoy, gayundin ang mangyayari sa katapusan ng sanlibutan.
41 Susuguin ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel, at titipunin nila sa labas ng kanyang kaharian ang lahat ng mga sanhi ng pagkakasala at ang mga gumagawa ng kasamaan;
42 at itatapon nila ang mga ito sa pugon ng apoy. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.
43 Kung magkagayo'y magliliwanag ang mga matuwid na tulad ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Ang mga may pandinig ay makinig!
Ang Nakatagong Kayamanan
44 “Ang kaharian ng langit ay tulad sa nakatagong kayamanan sa isang bukid; na natagpuan ng isang tao, at tinabunan niya ito. Sa kanyang kagalakan ay umalis siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang bukid na iyon.
Ang Mamahaling Perlas
45 “Gayundin naman, ang kaharian ng langit ay tulad ng isang mangangalakal na naghahanap ng magagandang perlas;
46 at nang makatagpo ng isang mamahaling perlas ay umalis at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili iyon.
Ang Lambat
47 “Gayundin naman, ang kaharian ng langit ay tulad sa isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng iba't ibang uri ng isda.
48 Nang ito ay mapuno, hinila nila ito sa pampang. Umupo sila at tinipon sa mga sisidlan ang mabubuti, ngunit itinapon ang masasama.
49 Gayon ang mangyayari sa katapusan ng sanlibutan. Lalabas ang mga anghel at kanilang ihihiwalay ang masasama sa matutuwid,
50 at itatapon sila sa pugon ng apoy. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.
Kayamanang Bago at Luma
51 “Naunawaan ba ninyo ang lahat ng mga bagay na ito?” Sinabi nila sa kanya, “Oo.”
52 At sinabi niya sa kanila, “Kaya't ang bawat eskriba na sinanay para sa kaharian ng langit ay tulad sa isang puno ng sambahayan na naglalabas mula sa kanyang kayamanan ng mga bagay na bago at luma.”
Hindi Tinanggap si Jesus sa Nazaret(L)
53 Nang matapos na ni Jesus ang mga talinghagang ito, iniwan niya ang pook na iyon.
54 Dumating siya sa sarili niyang bayan at kanyang tinuruan sila sa kanilang sinagoga, anupa't sila'y namangha, at nagsabi, “Saan kumuha ang taong ito ng ganitong karunungan at ng ganitong mga gawang makapangyarihan?”
55 Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba ang kanyang ina ay tinatawag na Maria? At ang kanyang mga kapatid ay sina Santiago, Jose, Simon, at Judas?
56 Hindi ba't kasama natin ang lahat ng kanyang mga kapatid na babae? Saan kinuha ng taong ito ang lahat ng mga bagay na ito?”
57 At(M) natisod sila sa kanya. Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang isang propeta ay di nawawalan ng karangalan, maliban sa kanyang sariling bayan at sambahayan.”
58 At hindi siya gumawa roon ng maraming gawang makapangyarihan dahil sa kawalan nila ng pananampalataya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001