M’Cheyne Bible Reading Plan
Inilagay ang mga Batong Alaala
4 At nangyari, nang ganap nang nakatawid sa Jordan ang buong bansa, sinabi ng Panginoon kay Josue,
2 “Kumuha ka ng labindalawang lalaki sa bayan, isa sa bawat lipi,
3 at iutos ninyo sa kanila, ‘Kumuha kayo ng labindalawang bato mula rito sa gitna ng Jordan, mula sa dakong matatag na tinatayuan ng mga paa ng mga pari at dalhin ninyo at ilapag sa dakong tinigilan ninyo sa gabing ito.’”
4 Kaya't tinawag ni Josue ang labindalawang lalaki na kanyang inihanda sa mga anak ni Israel, isang lalaki sa bawat lipi.
5 At sinabi ni Josue sa kanila, “Dumaan kayo sa harapan ng kaban ng Panginoon ninyong Diyos sa gitna ng Jordan. Pasanin ng bawat isa sa inyo ang isang bato sa kanyang balikat, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Israel;
6 upang ito'y maging isang tanda sa gitna ninyo, na kapag itinanong ng inyong mga anak sa panahong darating, ‘Anong kahulugan sa inyo ng mga batong ito?’
7 Inyo ngang sasabihin sa kanila, sapagkat ang tubig ng Jordan ay nahawi sa harapan ng kaban ng tipan ng Panginoon; nang iyon ay dumaan sa Jordan ay nahawi ang tubig ng Jordan; at ang mga batong ito ay magiging alaala sa mga anak ni Israel magpakailanman.”
8 Ginawa ng mga anak ni Israel ang ayon sa iniutos ni Josue, at pumasan ng labindalawang bato mula sa gitna ng Jordan, gaya ng sinabi ng Panginoon kay Josue, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Israel; at kanilang dinala sa dakong kanilang tutuluyan, at inilapag ang mga iyon doon.
9 At si Josue ay nagpasalansan ng labindalawang bato sa gitna ng Jordan, sa dakong tinayuan ng mga paa ng mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan, at ang mga iyon ay naroon hanggang sa araw na ito.
10 Ang mga pari na nagdadala ng kaban ay tumayo sa gitna ng Jordan, hanggang sa natapos sabihin ni Josue sa bayan ang bawat bagay na iniutos ng Panginoon ayon sa lahat ng iniutos ni Moises kay Josue; at ang bayan ay tumawid na nagmamadali.
11 Nang ganap nang nakatawid ang buong bayan, ang kaban ng Panginoon at ang mga pari ay itinawid sa harapan ng bayan.
12 Ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases, ay tumawid na may sandata sa harapan ng mga anak ni Israel, gaya ng sinabi ni Moises sa kanila.
13 May apatnapung libo na may sandata sa pakikidigma ang tumawid sa harapan ng Panginoon na patungo sa pakikibaka sa mga kapatagan ng Jerico.
14 Nang araw na iyon ay dinakila ng Panginoon si Josue sa paningin ng buong Israel; at sila'y gumalang sa kanya, gaya ng kanilang paggalang kay Moises sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay.
15 Ang Panginoon ay nagsalita kay Josue, na sinasabi,
16 “Iutos mo sa mga pari na nagdadala ng kaban ng patotoo na sila'y umahon mula sa Jordan.”
17 Kaya't nag-utos si Josue sa mga pari, “Umahon kayo mula sa Jordan.”
18 Nang umahon mula sa gitna ng Jordan ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon, at nang tumuntong sa tuyong lupa ang mga talampakan ng mga paa ng mga pari, ang tubig ng Jordan ay bumalik sa kanilang lugar at umapaw sa pampang na gaya ng dati.
19 Ang bayan ay umahon mula sa Jordan nang ikasampung araw ng unang buwan, at humimpil sa Gilgal, sa hangganang silangan ng Jerico.
20 Ang labindalawang bato na kanilang kinuha sa Jordan ay isinalansan ni Josue sa Gilgal.
21 At siya'y nagsalita sa mga anak ni Israel, “Kapag itinanong ng inyong mga anak sa kanilang mga magulang sa panahong darating, ‘Anong kahulugan ng mga batong ito?’
22 Inyo ngang ipapaalam sa mga anak ninyo, na sinasabi, ‘Ang Israel ay tumawid sa Jordang ito sa tuyong lupa.’
23 Sapagkat tinuyo ng Panginoon ninyong Diyos ang tubig ng Jordan sa harapan ninyo, hanggang sa kayo'y nakatawid, gaya ng ginawa ng Panginoon ninyong Diyos sa Dagat na Pula, na kanyang tinuyo para sa amin hanggang sa kami ay nakatawid;
24 upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa na makapangyarihan ang kamay ng Panginoon, upang sila'y matakot sa Panginoon ninyong Diyos magpakailanman.
Awit ng Pag-akyat.
129 “Madalas nila akong saktan mula sa aking kabataan,”
sabihin ngayon ng Israel—
2 “Madalas nila akong saktan mula sa aking kabataan,
gayunma'y laban sa akin ay hindi sila nagtagumpay.
3 Inararo ng mga mag-aararo ang likod ko;
kanilang pinahaba ang mga tudling nila.”
4 Matuwid ang Panginoon;
ang mga panali ng masama ay kanyang pinutol.
5 Lahat nawa ng napopoot sa Zion,
ay mapahiya at mapaurong!
6 Maging gaya nawa sila ng damo sa mga bubungan,
na natutuyo bago pa ito tumubo man,
7 sa mga ito'y hindi pinupuno ng manggagapas ang kanyang kamay,
ni ng nagtatali ng mga bigkis ang kanyang kandungan.
8 Hindi rin sinasabi ng mga nagdaraan,
“Ang pagpapala nawa ng Panginoon ay sumainyo!
Sa pangalan ng Panginoon ay binabasbasan namin kayo!”
Awit ng Pag-akyat.
130 Mula sa kalaliman, O Panginoon, ako sa iyo'y dumaing!
2 Panginoon, tinig ko'y pakinggan!
Mga pandinig mo'y makinig sa tinig ng aking mga karaingan!
3 Kung ikaw, Panginoon, ay magtatala ng mga kasamaan,
O Panginoon, sino kayang makakatagal?
4 Ngunit sa iyo'y may kapatawaran,
upang ikaw ay katakutan.
5 Ako'y naghihintay sa Panginoon, naghihintay ang aking kaluluwa,
at sa kanyang salita ako ay umaasa;
6 sa Panginoon ay naghihintay ang aking kaluluwa,
higit pa kaysa bantay sa umaga;
tunay na higit pa kaysa bantay sa umaga.
7 O Israel, umasa ka sa Panginoon!
Sapagkat sa Panginoon ay may tapat na pagmamahal,
at sa kanya ay may saganang katubusan.
8 Ang(A) Israel ay tutubusin niya,
mula sa lahat niyang pagkakasala.
Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.
131 Panginoon, hindi hambog ang aking puso,
ni mayabang man ang mata ko;
ni nagpapaka-abala sa mga bagay na lubhang napakadakila,
o sa mga bagay na para sa akin ay lubhang kamangha-mangha.
2 Tunay na aking pinayapa at pinatahimik ang aking kaluluwa;
gaya ng batang inihiwalay sa dibdib ng kanyang ina,
gaya ng batang inihiwalay ang aking kaluluwa sa loob ko.
3 O Israel, umasa ka sa Panginoon
mula ngayon at sa walang hanggang panahon.
64 O buksan mo sana ang langit at ikaw ay bumaba,
upang ang mga bundok ay mayanig sa iyong harapan—
2 gaya nang kapag tinutupok ng apoy ang kakahuyan,
at pinakukulo ng apoy ang tubig—
upang ipakilala ang iyong pangalan sa iyong mga kaaway,
at upang ang mga bansa ay manginig sa iyong harapan!
3 Nang ikaw ay gumawa ng mga kakilakilabot na bagay na hindi namin hinihintay,
ikaw ay bumaba, ang mga bundok ay nayanig sa iyong harapan.
4 Sapagkat(A) hindi narinig ng mga tao mula nang una,
o naulinigan man ng pandinig,
o ang mata man ay nakakita ng Diyos liban sa iyo,
na gumagawa para sa mga naghihintay sa kanya.
5 Iyong sinasalubong siya na nagagalak na gumagawa ng katuwiran,
ang mga umaalala sa iyo sa iyong mga daan.
Narito, ikaw ay nagalit, at kami ay nagkasala;
matagal na panahon na kami sa aming mga kasalanan, at maliligtas ba kami?
6 Kaming lahat ay naging gaya ng isang marumi,
at ang lahat naming katuwiran ay naging parang maruming kasuotan.
Kaming lahat ay nalalantang gaya ng dahon,
at tinatangay kami ng aming mga kasamaan na parang hangin.
7 At walang tumatawag sa iyong pangalan,
na gumigising upang sa iyo ay manangan;
sapagkat ikinubli mo ang iyong mukha sa amin,
at ibinigay mo kami sa kamay ng aming mga kasamaan.
8 Ngunit ngayon, O Panginoon, ikaw ay aming Ama;
kami ang luwad, at ikaw ang aming magpapalayok;
at kaming lahat ay gawa ng iyong kamay.
9 Huwag kang lubhang magalit, O Panginoon,
at huwag mong alalahanin ang kasamaan magpakailanman.
Narito, tingnan mo, ngayon kaming lahat ay iyong bayan.
10 Ang iyong mga lunsod na banal ay naging ilang,
ang Zion ay naging giba,
ang Jerusalem ay sira.
11 Ang aming banal at magandang bahay,
kung saan ka pinuri ng aming mga magulang
ay nasunog sa apoy;
at lahat naming mahahalagang bagay ay nasira.
12 Magpipigil ka ba sa mga bagay na ito, O Panginoon?
Ikaw ba'y tatahimik, at paghihirapan mo kaming mabuti?
Ang Katanungan tungkol sa Sabbath(A)
12 Nang(B) panahong iyon ay dumaan si Jesus sa bukirin ng mga trigo nang araw ng Sabbath. Nagutom ang kanyang mga alagad at nagsimula silang pumitas ng mga uhay at kumain.
2 Ngunit nang makita ito ng mga Fariseo, sinabi nila sa kanya, “Tingnan mo, ginagawa ng mga alagad mo ang hindi ipinahihintulot na gawin sa Sabbath.”
3 Subalit(C) sinabi niya sa kanila, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang nagutom siya at ang mga kasamahan niya;
4 kung(D) paanong pumasok siya sa bahay ng Diyos, at kumain siya ng tinapay na handog, na hindi ipinahihintulot na kainin niya o ng mga kasamahan niya, kundi ng mga pari lamang?
5 O(E) hindi ba ninyo nabasa sa kautusan, kung paanong sa mga araw ng Sabbath ay winalang-galang ng mga pari sa templo ang Sabbath, at hindi sila nagkasala?
6 Ngunit sinasabi ko sa inyo, isang higit na dakila kaysa templo ang narito.
7 Ngunit(F) kung nalaman ninyo kung ano ang kahulugan nito, ‘Habag ang ibig ko, at hindi handog,’ hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang sala.
8 Sapagkat ang Anak ng Tao ay panginoon ng Sabbath.”
Ang Lalaking Tuyo ang Isang Kamay(G)
9 Umalis si Jesus[a] doon at pumasok sa kanilang sinagoga.
10 At doon ay may isang taong tuyo ang isang kamay. Siya ay tinanong nila, “Matuwid bang magpagaling sa araw ng Sabbath?” upang siya'y maparatangan nila.
11 Sinabi(H) niya sa kanila, “Sino kaya sa inyo, na kung mayroon siyang isang tupa, at nahulog ito sa isang hukay sa araw ng Sabbath, ay hindi ba niya ito aabutin, at hahanguin?
12 Gaano pa ngang higit na mahalaga ang isang tao kaysa isang tupa! Kaya't matuwid na gumawa ng mabuti sa araw ng Sabbath.”
13 Pagkatapos ay sinabi niya sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” At iniunat nga niya, at naibalik ito sa dati, magaling na gaya ng isa.
14 Ngunit umalis ang mga Fariseo at nagpulong laban sa kanya kung papaano siya pupuksain.
Ang Lingkod na Hinirang
15 Nang malaman ito ni Jesus ay umalis siya roon. Sinundan siya ng marami at pinagaling niya silang lahat,
16 at ipinag-utos niya sa kanila, na siya'y huwag nilang ipamamalita.
17 Ito ay upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Isaias, na sinasabi:
18 “Narito(I) ang lingkod ko na aking hinirang,
ang minamahal ko na kinalulugdan ng aking kaluluwa.
Ilalagay ko sa kanya ang aking Espiritu,
at ipahahayag niya ang katarungan sa mga Hentil.
19 Hindi siya makikipagtalo, o sisigaw,
o maririnig ng sinuman ang kanyang tinig sa mga lansangan.
20 Hindi niya babaliin ang tambong nasugatan,
o papatayin ang nagbabagang mitsa,
hanggang ang katarungan ay dalhin niya sa tagumpay;
21 at aasa ang mga Hentil sa kanyang pangalan.”
Paglapastangan sa Espiritu Santo(J)
22 Pagkatapos ay dinala kay Jesus[b] ang isang bulag at pipi na inaalihan ng demonyo, at kanyang pinagaling ito kaya't ang dating pipi ay nakapagsalita at nakakita.
23 At ang lahat ng tao ay namangha at nagsabi, “Ito na kaya ang Anak ni David?”
24 Ngunit(K) nang marinig ito ng mga Fariseo ay sinabi nila, “Ang taong ito'y nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan lamang ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.”
25 Ngunit nalalaman niya ang mga iniisip nila, at sinabi niya sa kanila, “Ang bawat kahariang nahahati laban sa kanyang sarili ay mawawasak; at ang bawat lunsod o bahay na nahahati laban sa kanyang sarili ay hindi makakatayo.
26 Kung pinalalayas ni Satanas si Satanas, siya ay nahahati laban sa kanyang sarili; paano ngang makakatayo ang kanyang kaharian?
27 At kung sa pamamagitan ni Beelzebul ay nagpapalayas ako ng mga demonyo, sa pamamagitan nino sila pinalalayas ng inyong mga anak? Kaya't sila ang magiging mga hukom ninyo.
28 Ngunit kung sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos ay nagpapalayas ako ng mga demonyo, dumating na nga sa inyo ang kaharian ng Diyos.
29 O paano bang makakapasok ang sinuman sa bahay ng malakas na tao at nakawin ang mga ari-arian nito, kung hindi muna gagapusin ang malakas na tao? At saka pa lamang niya mapagnanakawan ang bahay nito.
30 Ang(L) hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi ko kasamang nagtitipon ay nagkakalat.
31 Kaya't sinasabi ko sa inyo, ang bawat kasalanan at paglapastangan ay ipatatawad sa mga tao; ngunit ang paglapastangan laban sa Espiritu ay hindi ipatatawad.
32 At(M) ang sinumang magsabi ng isang salita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin; ngunit ang sinumang magsalita laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin maging sa panahong ito o sa darating.
Sa Bunga Nakikilala(N)
33 “O(O) gawin ninyong mabuti ang puno at mabuti ang bunga nito o gawin ninyong masama ang puno at masama ang bunga nito; sapagkat ang puno ay nakikilala sa pamamagitan ng kanyang bunga.
34 Kayong(P) lahi ng mga ulupong! Paano kayo makapagsasalita ng mabubuting bagay gayong kayo ay masasama? Sapagkat sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig.
35 Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabubuting bagay mula sa kanyang mabuting kayamanan, at ang masamang tao ay naglalabas ng masasamang bagay mula sa kanyang masamang kayamanan.
36 Subalit sinasabi ko sa inyo, na sa araw ng paghuhukom ay pananagutan ng mga tao ang bawat salita na binigkas na walang ingat.
37 Sapagkat sa pamamagitan ng iyong mga salita ay pawawalang-sala ka at sa pamamagitan ng iyong salita ay mahahatulan ka.”
Hinanapan si Jesus ng Tanda(Q)
38 Pagkatapos,(R) ilan sa mga eskriba at mga Fariseo ang nagwika sa kanya, “Guro, ibig naming makakita ng isang tanda mula sa iyo.”
39 Ngunit(S) sumagot siya sa kanila, “Humahanap ng tanda ang isang masama at mapangalunyang lahi; ngunit walang tanda na ibibigay sa kanya, liban sa tanda ng propeta Jonas.
40 Sapagkat(T) kung paanong si Jonas ay nasa tiyan ng isang dambuhala sa dagat[c] sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi, gayundin naman ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabing mapapasailalim ng lupa.
41 Ang(U) mga tao ng Ninive ay tatayo sa paghuhukom na kasama ng lahing ito at hahatulan nila ito, sapagkat nagsisi sila sa pangangaral ni Jonas; at masdan ninyo, may isang higit na dakila kaysa kay Jonas ang narito.
42 Ang(V) reyna ng timog ay tatayo sa paghuhukom na kasama ng lahing ito, at hahatulan niya ito, sapagkat nanggaling siya sa mga dulo ng daigdig upang makinig sa karunungan ni Solomon; at masdan ninyo, may isang higit na dakila kaysa kay Solomon ang narito.
Ang Pagbabalik ng Maruming Espiritu(W)
43 “Kaya't nang makalabas mula sa isang tao ang maruming espiritu, nagpagala-gala ito sa mga dakong walang tubig na humahanap ng mapapagpahingahan, ngunit wala siyang matagpuan.
44 Kaya't sinasabi niya, ‘Babalik ako sa aking bahay na pinanggalingan.’ Pagdating niya ay natagpuan niya iyong walang laman, nawalisan at naiayos na.
45 Pagkatapos ay umalis siya, at nagsasama pa ng pitong espiritu na higit na masasama kaysa kanya, at sila'y pumapasok at naninirahan doon; at ang huling kalagayan ng taong iyon ay naging masahol pa kaysa una. Gayundin ang mangyayari sa masamang lahing ito.”
Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(X)
46 Samantalang nagsasalita pa si Jesus[d] sa maraming tao, ang kanyang ina at mga kapatid na lalaki ay nakatayo sa labas at ibig nilang makausap siya.
47 [May nagsabi sa kanya, “Narito, ang iyong ina at mga kapatid ay nakatayo sa labas, at ibig ka nilang makausap.”][e]
48 Ngunit sumagot siya at sinabi sa nagsabi sa kanya, “Sino ang aking ina at sinu-sino ang aking mga kapatid?”
49 Itinuro niya ang kamay niya sa kanyang mga alagad, at sinabi, “Narito ang aking ina at ang aking mga kapatid!
50 Sapagkat sinumang gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit, ay siyang aking mga kapatid na lalaki at babae, at ina.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001