Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the Gospels in 40 Days

Read through the four Gospels--Matthew, Mark, Luke, and John--in 40 days.
Duration: 40 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Mateo 15-16

Ang tungkol sa mga Tradisyon(A)

15 Pagkatapos noon, lumapit kay Jesus ang ilang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan galing sa Jerusalem. Tinanong nila si Jesus, “Bakit nilalabag ng mga tagasunod mo ang tradisyon ng ating mga ninuno? Hindi sila naghuhugas ng kamay bago kumain.” Sumagot si Jesus sa kanila, “At kayo, bakit ninyo nilalabag ang utos ng Dios dahil sa inyong mga tradisyon? Halimbawa, sinabi ng Dios, ‘Igalang ninyo ang inyong mga magulang,’[a] at ‘Ang lumapastangan sa kanyang mga magulang ay dapat patayin.’[b] Ngunit itinuturo naman ninyo na kapag sinabi ng isang anak sa kanyang mga magulang na ang tulong na ibibigay niya sana sa kanila ay nakalaan na sa Dios, hindi na niya kailangang tumulong sa kanila. Pinawawalang-halaga ninyo ang utos ng Dios dahil sa inyong mga tradisyon. Mga pakitang-tao! Tamang-tama ang sinabi ng Dios tungkol sa inyo sa pamamagitan ni Isaias:

‘Iginagalang ako ng mga taong ito sa mga labi lang nila,
    ngunit malayo sa akin ang kanilang mga puso.
Walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
    sapagkat ang mga itinuturo nila ay mga utos lang ng tao.’ ”[c]

Ang Nagpaparumi sa Tao(B)

10 Tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayo at unawain ang sasabihin ko. 11 Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nagpaparumi sa kanya kundi ang mga lumalabas dito.”

12 Lumapit ngayon ang mga tagasunod niya at sinabi, “Alam nʼyo po ba na nasaktan ang mga Pariseo sa sinabi ninyo?” 13 Sumagot siya, “Lahat ng halamang hindi itinanim ng aking Amang nasa langit ay bubunutin. 14 Hayaan ninyo sila. Mga bulag silang tagaakay. Kung ang bulag ang aakay sa kapwa niya bulag, pareho silang mahuhulog sa hukay.” 15 Sumagot si Pedro, “Pakipaliwanag nʼyo po sa amin ang paghahalintulad na sinabi nʼyo kanina.” 16 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi pa rin ba ninyo naintindihan? 17 Hindi ba ninyo alam na anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan at idinudumi? 18 Ngunit ang lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso ng tao, at ito ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Dios. 19 Sapagkat sa puso ng tao nagmumula ang masasamang pag-iisip na nagtutulak sa kanya para pumatay, mangalunya, gumawa ng sekswal na imoralidad, magnakaw, magsinungaling at manira ng kapwa. 20 Ang mga bagay na ito ang nagpaparumi sa isang tao. Ngunit ang kumain nang hindi naghuhugas ng kamay ay hindi nakapagpaparumi sa tao.”

Ang Pananampalataya ng Babaeng Hindi Judio(C)

21 Umalis si Jesus mula roon at pumunta sa mga lugar na malapit sa Tyre at Sidon. 22 May isang Cananea na naninirahan doon. Lumapit siya kay Jesus at nagmakaawa. Sinabi niya, “Panginoon, Anak ni David,[d] maawa kayo sa akin. Ang anak kong babae ay sinasaniban at lubhang pinahihirapan ng masamang espiritu.” 23 Pero hindi sumagot si Jesus. Kaya lumapit sa kanya ang mga tagasunod niya at sinabi, “Paalisin nʼyo na po ang babaeng iyan, dahil sunod siya nang sunod sa atin at nag-iingay.” 24 Sinabi ni Jesus sa babae, “Sinugo ako para lang sa mga Israelita na parang mga tupang naliligaw.” 25 Pero lumapit pa ang babae kay Jesus at lumuhod sa harap niya, at sinabi, “Panginoon, tulungan nʼyo po ako.” 26 Sinagot siya ni Jesus sa pamamagitan ng isang kasabihan, “Hindi tamang kunin ang pagkain ng mga anak at ihagis sa mga aso.” 27 Sumagot naman ang babae, “Tama po kayo, Panginoon, pero kahit mga aso ay kumakain ng mga tirang nahuhulog mula sa mesa ng kanilang amo.” 28 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Napakalaki ng pananampalataya mo! Mangyayari ang ayon sa hinihiling mo.” At nang sandaling iyon ay gumaling ang anak ng babae.

Maraming Pinagaling si Jesus

29 Mula roon, pumunta si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Pagkatapos, umakyat siya sa bundok at naupo roon. 30 Maraming tao ang pumunta sa kanya na may dalang mga pilay, bulag, komang, pipi, at marami pang mga may sakit. Inilapit sila sa paanan ni Jesus at pinagaling niya silang lahat. 31 Namangha nang husto ang mga tao nang makita nilang nakakapagsalita na ang mga pipi, gumaling na ang mga komang, nakakalakad na ang mga pilay, at nakakakita na ang mga bulag. Kaya pinuri nila ang Dios ng Israel.

Ang Pagpapakain sa Apat na Libo(D)

32 Tinawag ni Jesus ang mga tagasunod niya at sinabi, “Naaawa ako sa mga taong ito. Tatlong araw ko na silang kasama at wala na silang makain. Ayaw kong pauwiin sila nang gutom at baka mahilo sila sa daan.” 33 Sumagot ang mga tagasunod niya, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain dito sa ilang para sa ganito karaming tao?” 34 Tinanong sila ni Jesus, “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” Sinabi nila, “Pito po, at ilang maliliit na isda.” 35 Pinaupo ni Jesus ang mga tao. 36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang pagkain at ibinigay sa mga tagasunod niya, at ipinamigay naman nila ito sa mga tao. 37 Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang mga natirang pagkain at nakapuno sila ng pitong basket. 38 Ang bilang ng mga lalaking kumain ay mga 4,000 maliban pa sa mga babae at mga bata.

39 Matapos pauwiin ni Jesus ang mga tao, sumakay siya sa bangka at pumunta sa lupain ng Magadan.

Humingi ng Himala ang mga Pariseo at Saduceo(E)

16 May mga Pariseo at Saduceo na lumapit kay Jesus para subukin siya. Hiniling nilang magpakita siya ng himala mula sa Dios[e] bilang patunay na sugo siya ng Dios. Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Kapag palubog na ang araw at mapula ang langit, sinasabi ninyo, ‘Magiging maayos ang panahon bukas.’ At kapag umaga at makulimlim ang langit, sinasabi ninyo, ‘Uulan ngayon.’ Alam ninyo ang kahulugan ng mga palatandaang nakikita ninyo sa langit, pero bakit hindi ninyo alam ang kahulugan ng mga nangyayari ngayon? Kayong henerasyon ng masasama at hindi tapat sa Dios! Humihingi kayo ng himala, pero walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang katulad ng nangyari kay Jonas.” Pagkatapos, umalis si Jesus.

Ang Babala ni Jesus tungkol sa Turo ng mga Pariseo at mga Saduceo(F)

Tumawid ng lawa si Jesus at ang mga tagasunod niya, pero nakalimutan ng mga tagasunod na magbaon ng pagkain. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsa[f] ng mga Pariseo at mga Saduceo.” Nag-usap-usap ang mga tagasunod ni Jesus. Akala nila, kaya niya sinabi iyon ay dahil wala silang dalang tinapay. Pero alam ni Jesus ang pinag-uusapan nila, kaya sinabi niya, “Bakit ninyo pinag-uusapan ang hindi ninyo pagdadala ng tinapay? Kay liit ng pananampalataya ninyo! Hindi pa ba kayo nakakaunawa? Nakalimutan na ba ninyo ang ginawa ko sa limang tinapay para mapakain ang 5,000 tao? Hindi ba ninyo naalala kung ilang basket ang napuno ninyo ng mga natirang pagkain? 10 Nakalimutan na rin ba ninyo ang ginawa ko sa pitong tinapay para mapakain ang 4,000 tao, at kung ilang basket ang napuno ninyo ng mga natirang pagkain? 11 Hindi ba ninyo naiintindihan na hindi tinapay ang tinutukoy ko nang sabihin kong, ‘Mag-ingat kayo sa pampaalsa ng mga Pariseo at Saduceo?’ ” 12 At saka lang nila naintindihan na hindi pala sila pinag-iingat sa pampaalsa kundi sa mga aral ng mga Pariseo at Saduceo.

Ang Pahayag ni Pedro Tungkol kay Jesus(G)

13 Nang makarating si Jesus sa lupain ng Cesarea Filipos, tinanong niya ang kanyang mga tagasunod, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin na Anak ng Tao?” 14 Sumagot sila, “May mga nagsasabing kayo po si Juan na tagapagbautismo. May nagsasabi ring kayo si Elias. At ang iba namaʼy nagsasabing kayo si Jeremias o isa sa mga propeta.” 15 Tinanong sila ni Jesus, “Pero sa inyo, sino ako?” 16 Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay.” 17 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pinagpala ka ng Dios, Simon na anak ni Jonas. Sapagkat hindi tao ang nagpahayag sa iyo ng bagay na ito kundi ang aking Amang nasa langit. 18 At ngayon sinasabi ko sa iyo na ikaw si Pedro,[g] at sa batong ito, itatayo ko ang aking iglesya,[h] at hindi ito malulupig kahit ng kapangyarihan ng kamatayan.[i] 19 Ibibigay ko sa iyo ang kapangyarihan[j] sa kaharian ng Dios.[k] Anuman ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal din sa langit, at anuman ang ipahintulot mo sa lupa ay ipapahintulot din sa langit.” 20 Pagkatapos nito, sinabihan ni Jesus ang mga tagasunod niya na huwag nilang ipaalam kahit kanino na siya ang Cristo.

Ang Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(H)

21 Mula noon, ipinaalam na ni Jesus sa mga tagasunod niya na dapat siyang pumunta sa Jerusalem at dumanas ng maraming paghihirap sa kamay ng mga pinuno ng mga Judio, ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. At siyaʼy ipapapatay nila, pero sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay. 22 Nang marinig ito ni Pedro, dinala niya si Jesus sa isang tabi at sinabihan, “Panginoon, huwag po sanang ipahintulot ng Dios. Hindi ito dapat mangyari sa inyo.” 23 Hinarap ni Jesus si Pedro at sinabi, “Lumayo ka sa akin, Satanas! Pinipigilan mo akong gawin ang kalooban ng Dios, dahil hindi ayon sa kalooban ng Dios ang iniisip mo kundi ayon sa kalooban ng tao!”

24 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay hindi dapat inuuna ang sarili. At dapat handa siyang humarap kahit sa kamatayan[l] alang-alang sa pagsunod niya sa akin. 25 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 26 Ano ba ang mapapala ng tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo, pero mapapahamak naman ang kanyang buhay? May maibabayad ba siya para mabawi niya ang kanyang buhay? 27 Sapagkat ako na Anak ng Tao ay darating kasama ang mga anghel, at taglay ang kapangyarihan ng Ama. Sa araw na iyon, gagantimpalaan ko ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa. 28 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hanggaʼt hindi nila nakikita ang Anak ng Tao na dumarating bilang Hari.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®