Read the Gospels in 40 Days
Ang mga Ninuno ni Jesus(A)
1 Ito ang talaan ng mga ninuno ni Jesu-Cristo na mula sa angkan ni David. Si David ay mula sa lahi ni Abraham.
2 Si Abraham ang ama ni Isaac, si Isaac ang ama ni Jacob, at si Jacob ang ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid. 3 Si Juda ang ama nina Perez at Zera, at si Tamar ang kanilang ina. Si Perez ang ama ni Hezron, at si Hezron ang ama ni Aram. 4 Si Aram ang ama ni Aminadab, si Aminadab ang ama ni Nashon, at si Nashon ang ama ni Salmon. 5 Si Salmon ang ama ni Boaz, at si Rahab ang kanyang ina. Si Boaz ang ama ni Obed, at si Ruth ang kanyang ina. Si Obed ang ama ni Jesse, 6 at si Jesse ang ama ni Haring David.
Si Haring David ang ama ni Solomon (ang ina niya ay ang dating asawa ni Uria). 7 Si Solomon ang ama ni Rehoboam, si Rehoboam ang ama ni Abijah, at si Abijah ang ama ni Asa. 8 Si Asa ang ama ni Jehoshafat, si Jehoshafat ang ama ni Joram, at si Joram ang ama ni Uzia. 9 Si Uzia ang ama ni Jotam, si Jotam ang ama ni Ahaz, at si Ahaz ang ama ni Hezekia. 10 Si Hezekia ang ama ni Manase, si Manase ang ama ni Amos,[a] si Amos ang ama ni Josia, 11 at si Josia ang ama ni Jeconia at ng kanyang mga kapatid. Sa panahong ito, binihag ang mga Israelita at dinala sa Babilonia.
12 Ito naman ang talaan ng mga ninuno ni Jesus matapos ang pagkabihag ng mga Israelita sa Babilonia: Si Jeconia ang ama ni Shealtiel, si Shealtiel ang ama ni Zerubabel, 13 at si Zerubabel ang ama ni Abiud. Si Abiud ang ama ni Eliakim, si Eliakim ang ama ni Azor, 14 at si Azor ang ama ni Zadok. Si Zadok ang ama ni Akim, si Akim ang ama ni Eliud, 15 at si Eliud ang ama ni Eleazar. Si Eleazar ang ama ni Matan, si Matan ang ama ni Jacob, 16 at si Jacob ang ama ni Jose na ang asawaʼy si Maria. Si Maria ang ina ni Jesus na tinatawag na Cristo. 17 Kaya may 14 na henerasyon mula kay Abraham hanggang kay David, may 14 na henerasyon naman mula kay David hanggang sa pagkabihag ng mga Israelita sa Babilonia, at may 14 na henerasyon din mula sa pagkabihag hanggang kay Cristo.
Ang Pagkapanganak kay Jesu-Cristo(B)
18 Ganito ang pangyayari sa pagkapanganak kay Jesu-Cristo: Si Maria na kanyang ina ay nakatakdang ikasal kay Jose. Pero bago pa sila ikasal, nalaman ni Maria na buntis siya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 19 Si Jose na magiging asawa niya ay isang matuwid na tao at ayaw nitong malagay sa kahihiyan si Maria, kaya ipinasya niyang hiwalayan na lang si Maria nang palihim. 20 Habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon at nagsabi, “Jose, na mula sa angkan ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria dahil ang pagbubuntis niyaʼy sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 21 Manganganak siya ng isang lalaki at papangalanan mo siyang Jesus,[b] dahil ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.” 22 Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, 23 “Magbubuntis ang isang birhen[c] at manganganak ng isang lalaki. Tatawagin siyang Emmanuel”[d] (na ang ibig sabihin, “Kasama natin ang Dios”). 24 Nang magising si Jose, sinunod niya ang sinabi ng anghel at pinakasalan niya si Maria. 25 Pero hindi siya sumiping kay Maria hanggang sa maipanganak nito ang sanggol. Nang manganak na si Maria, pinangalanan ni Jose ang sanggol ng Jesus.
Ang Pagdalaw ng mga Taong Galing sa Silangan
2 Ipinanganak si Jesus sa bayan ng Betlehem sa lalawigan ng Judea noong si Herodes ang hari. Isang araw, dumating sa Jerusalem ang ilang taong dalubhasa[e] galing sa silangan. 2 Nagtanong sila, “Saan ba ipinanganak ang hari ng mga Judio? Nakita namin ang kanyang bituin sa silangan, at naparito kami upang sambahin siya.”
3 Nang mabalitaan ito ni Herodes, nabagabag siya at pati na rin ang buong Jerusalem. 4 Kaya ipinatawag ni Herodes ang lahat ng namamahalang pari at mga tagapagturo ng Kautusan, at tinanong sila kung saan isisilang ang Cristo. 5 Sumagot sila, “Sa Betlehem na sakop ng Juda, dahil ganito ang isinulat ng propeta:
6 ‘Ikaw, Betlehem sa lupain ng Juda,
hindi ka huli sa mga pangunahing bayan ng Juda;
dahil magmumula sa iyo ang isang pinuno
na magsisilbing pastol ng mga mamamayan kong Israelita.’ ”[f]
7 Nang marinig ito ni Herodes, palihim niyang ipinatawag ang mga taong galing sa silangan at inalam kung kailan talaga nila unang nakita ang bituin. 8 Pagkatapos, pinapunta niya sila sa Betlehem. Ibinilin niya sa kanila, “Lumakad na kayo at hanaping mabuti ang sanggol. At kapag nakita ninyo, balitaan nʼyo ako kaagad upang makapunta rin ako at makasamba sa kanya.” 9-10 Pagkatapos nilang marinig ang bilin ng hari, umalis na sila. Habang sila ay naglalakbay, muling lumitaw ang bituin na nakita nila sa silangan, at lubos ang kanilang kagalakan. Nanguna sa kanila ang bituin hanggang makarating sila sa kinaroroonan ng sanggol. 11 Pagpasok nila sa bahay, nakita nila ang sanggol at ang ina nitong si Maria. Lumuhod sila at sumamba sa sanggol. Inilabas din nila at inihandog sa sanggol ang mga dala nilang ginto, insenso at pabangong mira.
12 Nang pauwi na sila, binalaan sila ng Dios sa pamamagitan ng isang panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes. Kaya nag-iba na sila ng daan pauwi.
Ang Pagtakas Patungo sa Egipto
13 Nang makaalis na ang mga taong galing sa silangan, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi ng anghel sa kanya, “Bumangon kaʼt dalhin ang bata at ang kanyang ina sa Egipto. Doon muna kayo hanggaʼt hindi ko sinasabing bumalik kayo, dahil hinahanap ni Herodes ang sanggol para patayin.”
14 Kaya nang gabi ring iyon, umalis papuntang Egipto si Jose, kasama ang bata at ang ina nitong si Maria. 15 At nanatili sila roon hanggang sa mamatay si Herodes.
Sa gayon, natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, “Tinawag ko mula sa Egipto ang aking anak.”[g]
Ipinapatay ni Herodes ang mga Batang Lalaki
16 Galit na galit si Herodes nang malaman niyang nilinlang siya ng mga taong galing sa silangan. Kaya iniutos niyang patayin ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem at sa mga lugar sa paligid nito, mula dalawang taong gulang pababa. Sapagkat ayon sa nalaman niya sa mga taong galing sa silangan, dalawang taon na ang nakalipas mula nang una nilang makita ang bituin.
17 Sa ginawang kalupitan ni Herodes, natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias,
18 “May narinig na iyakan at malakas na panaghoy sa Rama.
Iniiyakan ni Raquel ang pagkamatay ng kanyang mga anak,
at ayaw niyang magpaaliw
dahil patay na ang mga ito.”[h]
Ang Pagbabalik Mula sa Egipto
19 Nang mamatay na si Herodes, ang anghel ng Panginoon ay muling nagpakita sa panaginip ni Jose doon sa Egipto 20 at sinabi nito sa kanya, “Bumangon kaʼt iuwi na ang bata at ang kanyang ina sa bayan ng Israel, dahil patay na ang mga nagtatangka sa buhay ng bata.” 21 Kaya bumangon si Jose, at dinala ang mag-ina pauwi sa Israel.
22 Pero nang malaman ni Jose na si Arkelaus ang naghahari sa Judea kapalit ng ama nitong si Herodes, natakot siyang pumunta roon. Binalaan siyang muli ng Dios sa pamamagitan ng panaginip, kaya tumuloy siya sa lalawigan ng Galilea, 23 at nanirahan sila sa bayan ng Nazaret. Kaya natupad ang sinabi ng mga propeta na tatawagin ang Cristo na Nazareno.
Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(C)
3 Dumating ang panahon na si Juan na tagapagbautismo ay pumunta at nangaral sa ilang ng Judea. 2 Ito ang kanyang sinasabi, “Magsisi na kayo sa inyong mga kasalanan, dahil malapit na[i] ang paghahari ng Dios.”[j] 3 Si Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin niya,
“Maririnig ang sigaw ng isang tao sa ilang, na nagsasabi:
‘Ihanda ninyo ang daan para sa Panginoon.
Tuwirin ninyo ang mga landas na kanyang dadaanan.’ ”[k]
4 Ang damit ni Juan ay gawa sa balahibo ng kamelyo at ang sinturon niyaʼy gawa sa balat ng hayop. Ang kinakain niya ay balang at pulot-pukyutan. 5 Nagpuntahan sa kanya ang maraming tao galing sa Jerusalem, sa mga bayan ng Judea, at sa mga bayan na malapit sa Ilog ng Jordan. 6 Ipinagtapat nila ang kanilang mga kasalanan at binautismuhan sila ni Juan sa Ilog ng Jordan.
7 Pero nang makita ni Juan na maraming Pariseo at Saduceo ang pumupunta para magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ahas! Sino ang nagsabi sa inyo na makakaiwas kayo sa darating na parusa ng Dios? 8 Kung tunay na nagsisisi kayo sa inyong mga kasalanan, patunayan ninyo ito sa inyong mga gawa. 9 Huwag ninyong isipin na hindi kayo mapaparusahan dahil mula kayo sa lahi ni Abraham. Tandaan ninyo: kahit ang mga batong itoʼy magagawa ng Dios na maging mga anak ni Abraham. 10 Tandaan ninyo, ngayon pa lang ay nakaamba na ang palakol para putulin ang mga puno. Ang mga punong hindi namumunga ng mabuting bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.
11 “Binabautismuhan ko kayo sa tubig bilang tanda ng inyong pagsisisi, ngunit may isang darating na kasunod ko, mas makapangyarihan siya kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat na maging alipin niya.[l] Babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu at sa apoy. 12 Tulad siya ng isang taong nagtatahip upang ihiwalay ang ipa sa butil. Ilalagay niya ang mga butil sa bodega, at ang ipa ay susunugin niya sa apoy na hindi mamamatay kailanman.”
Ang Pagbabautismo kay Jesus(D)
13 Dumating si Jesus sa Ilog ng Jordan mula sa Galilea at pinuntahan niya si Juan upang magpabautismo. 14 Tumutol si Juan na bautismuhan si Jesus at sinabi, “Bakit magpapabautismo ka sa akin? Ako ang dapat magpabautismo sa iyo.” 15 Pero sumagot si Jesus, “Hayaan mong mangyari ito ngayon, dahil ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Dios.” Kaya pumayag si Juan. 16 Nang mabautismuhan si Jesus, umahon siya sa tubig. Bumukas ang langit at nakita ni Jesus ang Espiritu ng Dios na bumaba sa kanya na tulad ng isang kalapati. 17 At may boses na narinig mula sa langit na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®