Read the Gospels in 40 Days
Sinugo ni Jesus ang Kanyang 72 Tagasunod
10 Pagkatapos nito, pumili pa ang Panginoon ng 72[a] tagasunod, at sinugo ang mga ito nang dala-dalawa sa mga bayan at sa iba pang mga lugar na pupuntahan niya. 2 Sinabi niya sa kanila, “Marami ang aanihin ngunit kakaunti ang tagapag-ani. Kaya idalangin ninyo sa Panginoon, na siyang may-ari ng anihin, na magpadala siya ng mga tagapag-ani. 3 Sige, lumakad na kayo. Ngunit mag-ingat kayo, dahil tulad kayo ng mga tupang isinugo ko sa mga lobo. 4 Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o sandalyas. At huwag kayong mag-aksaya ng panahon sa pakikipagbatian sa daan. 5 Pagpasok nʼyo sa alin mang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa tahanang ito.’ 6 Kung ang nakatira roon ay maibigin sa kapayapaan, mapapasakanila ang kapayapaang idinalangin ninyo. Ngunit kung hindi, hindi rin nila makakamtan iyon. 7 Manatili kayo sa bahay na tinutuluyan ninyo. Huwag kayong magpalipat-lipat ng bahay. Kainin at inumin ninyo ang anumang ihain nila sa inyo dahil ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng sahod. 8 Kapag dumating kayo sa isang bayan at tinanggap kayo ng mga tao, kainin ninyo ang anumang ihain nila sa inyo. 9 Pagalingin ninyo ang mga may sakit doon, at sabihin ninyo sa kanila na malapit na[b] ang paghahari ng Dios sa kanila. 10 Ngunit kung ayaw kayong tanggapin sa isang bayan, umalis kayo, at habang naglalakad kayo sa lansangan nila ay sabihin ninyo, 11 ‘Kahit ang alikabok ng bayan ninyo na dumidikit sa mga paa namin ay ipinapagpag namin bilang babala sa inyo. Ngunit dapat ninyong malaman na malapit na ang paghahari ng Dios.’ ” 12 Sinabi pa ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Tinitiyak ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin nila kaysa sa mga taga-Sodom.”
Babala sa mga Bayang Hindi Nagsisisi(A)
13 Sinabi pa ni Jesus, “Nakakaawa kayong mga taga-Corazin! Nakakaawa rin kayong mga taga-Betsaida! Sapagkat kung sa Tyre at Sidon naganap ang mga himalang ginawa ko sa inyo, matagal na sana silang nagsuot ng sako at naglagay ng abo sa kanilang ulo[c] para ipakita ang pagsisisi nila. 14 Kaya sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin ninyo kaysa sa mga taga-Tyre at taga-Sidon. 15 At kayo namang mga taga-Capernaum, inaakala ninyong pupurihin kayo kahit sa langit. Pero ihuhulog kayo sa lugar ng mga patay!”
16 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga sinugo niya, “Ang nakikinig sa inyoʼy nakikinig sa akin, ang nagtatakwil sa inyoʼy nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin.”
Bumalik ang 72 Tagasunod ni Jesus
17 Masayang bumalik ang 72 tagasunod ni Jesus. Sinabi nila sa kanya, “Panginoon, kahit po ang masasamang espiritu ay sumusunod sa amin kapag inutusan namin sila sa pangalan nʼyo!” 18 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Nakita kong nahulog si Satanas mula sa langit na parang kidlat. 19 Binigyan ko kayo ng kapangyarihang daigin ang masasamang espiritu at ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway nating si Satanas.[d] At walang anumang makapipinsala sa inyo. 20 Ganoon pa man, huwag kayong matuwa dahil napapasunod ninyo ang masasamang espiritu kundi matuwa kayo dahil nakasulat sa langit ang pangalan ninyo.”
Napuno si Jesus ng Kagalakang Mula sa Banal na Espiritu(B)
21 Nang oras ding iyon, napuno si Jesus ng kagalakang mula sa Banal na Espiritu. At sinabi niya, “Pinupuri kita Ama, Panginoon ng langit at ng lupa, dahil inilihim mo ang mga katotohanang ito sa mga taong ang akala sa sariliʼy mga marurunong at matatalino, at inihayag mo sa mga taong tulad ng bata na kaunti lang ang nalalaman. Oo, Ama, pinupuri kita dahil iyon ang kalooban mo.”
22 Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao, “Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga taong nais kong makakilala sa Ama.”
23 Humarap si Jesus sa mga tagasunod niya at sinabi sa kanila ng sarilinan, “Mapalad kayo dahil nakita mismo ninyo ang mga ginagawa ko. 24 Sinasabi ko sa inyo na maraming propeta at mga hari noon ang naghangad na makakita at makarinig ng nakikita at naririnig ninyo ngayon, pero hindi ito nangyari sa panahon nila.”
Ang Mabuting Samaritano
25 Lumapit kay Jesus ang isang tagapagturo ng Kautusan upang subukin siya. Nagtanong siya, “Guro, ano po ang dapat kong gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan?” 26 Sumagot si Jesus, “Ano ang nakasulat sa Kautusan? Ano ang nababasa mo roon?” 27 Sumagot ang lalaki, “Mahalin mo ang Panginoon mong Dios nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong pag-iisip.[e] At mahalin mo ang iyong kapwa tulad ng pagmamahal mo sa iyong sarili.”[f] 28 “Tama ang sagot mo,” sabi ni Jesus. “Gawin mo iyan at magkakaroon ka ng buhay na walang hanggan.”
29 Pero ayaw mapahiya ng tagapagturo, kaya nagtanong ulit siya, “At sino naman po ang kapwa ko?” 30 Bilang sagot sa kanya, nagkwento si Jesus: “May isang taong papunta sa Jerico galing sa Jerusalem. Habang naglalakad siya, hinarang siya ng mga tulisan. Kinuha nila ang mga dala niya, pati na ang suot niya. Binugbog nila siya at iniwang halos patay na sa tabi ng daan. 31 Nagkataong dumaan doon ang isang pari. Nang makita niya ang taong nakahandusay, lumihis siya at nagpatuloy sa kanyang paglalakad. 32 Napadaan din ang isang Levita[g] at nakita niya ang tao, pero lumihis din siya sa kabilang daan at nagpatuloy sa kanyang paglalakad. 33 Pero may isang Samaritanong naglalakbay na napadaan doon. Nakita niya ang taong nakahandusay at naawa siya. 34 Nilapitan niya ang lalaki, hinugasan ng alak ang sugat, binuhusan ng langis at saka binendahan. Pagkatapos, isinakay niya ang tao sa sinasakyan niyang hayop, dinala sa bahay-panuluyan at inalagaan doon. 35 Kinabukasan, binigyan ng Samaritano ng pera[h] ang may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung kulang pa iyan sa magagastos mo ay babayaran kita pagbalik ko.’ ”
36 Nagtanong ngayon si Jesus sa tagapagturo ng Kautusan, “Sa palagay mo, sino sa tatlong ito ang nagpakita na siya ang tunay na kapwa-tao ng biktima ng mga tulisan?” 37 Sumagot siya, “Ang tao pong nagpakita ng awa sa kanya.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Lumakad ka at ganoon din ang gawin mo.”
Dumalaw si Jesus kina Marta at Maria
38 Nagpatuloy si Jesus at ang mga tagasunod niya sa paglalakbay at dumating sila sa isang nayon. May isang babae roon na ang pangalan ay Marta. Malugod niyang tinanggap sina Jesus sa kanyang tahanan. 39 Si Marta ay may kapatid na ang pangalan ay Maria. Naupo si Maria sa paanan ng Panginoon at nakinig sa itinuturo niya. 40 Pero si Marta ay abalang-abala sa paghahanda niya, kaya lumapit siya kay Jesus at sinabi, “Panginoon, balewala po ba sa inyo na nakaupo lang diyan ang kapatid ko at hinahayaang ako ang gumawa ng lahat? Sabihin nʼyo naman po sa kanya na tulungan niya ako.” 41 Pero sinagot siya ng Panginoon, “Marta, Marta, hindi ka mapalagay at abalang-abala ka sa maraming bagay. 42 Ngunit isang bagay lang ang kailangan, at ito ang pinili ni Maria. Mas mabuti ito at walang makakakuha nito sa kanya.”
Ang Turo Tungkol sa Panalangin(C)
11 Minsan ay nananalangin si Jesus sa isang lugar. Pagkatapos niyang manalangin, sinabi sa kanya ng isa sa mga tagasunod niya, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, katulad ng ginawa ni Juan sa mga tagasunod niya.”
2 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kapag nananalangin kayo, ganito ang sabihin ninyo:
‘Ama, sambahin nawa kayo ng mga tao.[i]
Nawaʼy magsimula na ang inyong paghahari.
3 Bigyan nʼyo po kami ng makakain sa araw-araw.
4 At patawarin nʼyo kami sa aming mga kasalanan,
dahil pinapatawad din namin ang mga nagkakasala sa amin.
At huwag nʼyo kaming hayaang matukso.’ ”
5 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Halimbawa, pumunta kayo sa kaibigan ninyo isang hatinggabi at sinabi sa kanya, ‘Kaibigan, pahiram naman diyan ng tatlong tinapay, 6 dahil dumating ang isang kaibigan ko na galing sa paglalakbay at wala akong maihain sa kanya.’ 7 Sasagot ang kaibigan mo mula sa loob ng bahay, ‘Huwag mo na akong istorbohin. Sarado na ang pinto at nakahiga na kami ng mga anak ko. Hindi na ako makakabangon pa para bigyan ka ng kailangan mo.’ 8 Ang totoo, kahit ayaw niyang bumangon at magbigay sa inyo sa kabila ng inyong pagkakaibigan, babangon din siya at magbibigay ng kailangan ninyo dahil sa inyong pagpupumilit. 9 Kaya sinasabi ko sa inyo: Humingi kayo sa Dios, at bibigyan niya kayo. Hanapin ninyo sa kanya ang inyong hinahanap, at makikita ninyo. Kumatok kayo sa kanya, at pagbubuksan kayo. 10 Sapagkat ang lahat ng humihingi ay nakakatanggap; ang naghahanap ay nakakakita; at ang kumakatok ay pinagbubuksan. 11 Kayong mga magulang,[j] kung ang anak nʼyo ay humihingi ng isda, ahas ba ang ibibigay ninyo? 12 At kung humihingi siya ng itlog, alakdan ba ang ibibigay ninyo? 13 Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa mga anak ninyo, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit! Ibibigay niya ang Banal na Espiritu sa mga humihingi sa kanya.”
Si Jesus at si Satanas(D)
14 Minsan, pinalayas ni Jesus ang isang masamang espiritu na sanhi ng pagkapipi ng isang lalaki. Nang lumabas na ang masamang espiritu, nakapagsalita ang lalaki. Namangha ang mga tao. 15 Pero may ilan sa kanila ang nagsabi, “Si Satanas[k] na pinuno ng masasamang espiritu ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu!” 16 Ang iba naman ay gustong subukin si Jesus, kaya hiniling nilang magpakita siya ng himala mula sa Dios[l] bilang patunay na sugo siya ng Dios. 17 Pero alam niya ang kanilang iniisip, kaya sinabi niya sa kanila, “Kung ang mga mamamayan ng isang kaharian ay nagkakawatak-watak at nag-aaway-away, mawawasak ang kahariang iyon. Ganoon din ang mangyayari sa isang tahanang ang nakatira ay nag-aaway-away. 18 Kaya kung si Satanas at ang mga kampon niya ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, paano mananatili ang kaharian niya? Tinatanong ko ito sa inyo dahil sinasabi ninyo na nagpapalayas ako ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Satanas.[m] 19 Kung si Satanas nga ang nagbigay sa akin ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, sino naman ang nagbigay sa mga tagasunod ninyo ng kapangyarihang makapagpalayas din ng masasamang espiritu? Sila na rin ang makakapagpatunay na mali kayo. 20 Ngayon, kung nagpapalayas ako ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios, nangangahulugan ito na dumating na sa inyo ang paghahari ng Dios.
21 “Kung ang isang taong malakas at armado ang nagbabantay sa kanyang bahay, ligtas ang mga ari-arian niya. 22 Pero kapag sinalakay siya ng isang taong mas malakas kaysa sa kanya, matatalo siya, at kukunin nito ang mga armas na inaasahan niya at ipapamahagi ang mga ari-arian niya.
23 “Ang hindi kumakampi sa akin ay laban sa akin, at ang hindi tumutulong sa pagtitipon ko ay nagkakalat.”
Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(E)
24 “Kapag lumabas ang masamang espiritu sa tao, gumagala ito sa mga tuyong lugar para maghanap ng mapagpapahingahan. At kung wala siyang matagpuan ay iisipin na lang niyang bumalik sa kanyang pinanggalingan. 25 Kung sa pagbabalik niya ay makita niyang malinis at maayos ang lahat, 26 aalis siya at tatawag ng pito pang espiritu na mas masama kaysa sa kanya. Papasok sila sa taong iyon at doon maninirahan. Kaya lalo pang sasama ang kalagayan ng taong iyon kaysa sa dati.”
Ang Tunay na Mapalad
27 Nagsasalita pa si Jesus nang biglang sumigaw ang isang babae sa gitna ng karamihan, “Mapalad ang babaeng nagsilang at nagpasuso sa inyo!” 28 Pero sumagot si Jesus, “Higit na mapalad ang mga nakikinig at sumusunod sa salita ng Dios.”
Humingi ng Himala ang mga Tao(F)
29 Nang lalo pang dumarami ang mga tao, sinabi ni Jesus, “Napakasama ng henerasyong ito. Humihingi sila ng himala, pero walang ipapakita sa kanila maliban sa himalang katulad ng nangyari kay Jonas. 30 Kung paanong naging palatandaan si Jonas sa mga taga-Nineve, ganoon din ako na Anak ng Tao sa henerasyong ito. 31 Sa Araw ng Paghuhukom, tatayo[n] ang Reyna ng Timog[o] at ipapamukha sa henerasyong ito ang kanilang kasalanan. Sapagkat nanggaling pa siya sa napakalayong lugar upang makinig sa karunungan ni Solomon. At ngayon, narito ang isang nakahihigit pa kay Solomon, pero ayaw ninyong makinig sa kanya. 32 Maging ang mga taga-Nineve ay tatayo rin at hahatulan ang henerasyong ito, dahil nagsisi sila nang mangaral sa kanila si Jonas. At ngayon, narito ang isang nakahihigit pa kay Jonas, na nangangaral sa inyo, pero ayaw ninyong magsisi.”
Ang Ilaw ng Katawan(G)
33 “Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay itatago o tatakpan ng takalan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan upang magbigay-liwanag sa lahat ng pumapasok sa bahay. 34 Ang mata ang nagsisilbing ilaw ng katawan. Kung malinaw ang mata mo, maliliwanagan ang buo mong katawan. Pero kung malabo ang mata mo, madidiliman ang buo mong katawan. 35 Kaya tiyakin mong naliwanagan ka, dahil baka ang liwanag na inaakala mong nasa sa iyo ay kadiliman pala. 36 Kung naliwanagan ang buo mong katawan, at walang bahaging nadiliman, magiging maliwanag ang lahat, na parang may ilaw na lumiliwanag sa iyo.”
Tinuligsa ni Jesus ang mga Pariseo at mga Tagapagturo ng Kautusan(H)
37 Pagkatapos magsalita ni Jesus, inanyayahan siya ng isang Pariseo na kumain sa kanila. Kaya pumunta si Jesus at kumain. 38 Nagtaka ang Pariseo nang makita niyang hindi muna naghugas ng kamay si Jesus bago kumain ayon sa seremonya ng mga Judio. 39 Kaya sinabi sa kanya ni Jesus, “Kayong mga Pariseo, nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan, pero ang loob ninyoʼy punong-puno ng kasakiman at kasamaan. 40 Mga mangmang! Hindi baʼt ang Dios na gumawa ng labas, ang siya ring gumawa ng loob? 41 Para maging malinis kayo, kaawaan ninyo ang mga mahihirap at tulungan nʼyo sila sa kanilang pangangailangan.
42 “Nakakaawa kayong mga Pariseo! Ibinibigay nga ninyo ang ikapu[p] ng mga pampalasa[q] at mga gulay ninyo, pero kinakaligtaan naman ninyo ang makatarungan na pakikitungo sa kapwa at ang pag-ibig sa Dios. Magbigay kayo ng mga ikapu ninyo, pero huwag naman ninyong kaligtaang gawin ang mas mahalagang bagay.
43 “Nakakaawa kayong mga Pariseo! Mahilig kayong umupo sa mga upuang pandangal sa mga sambahan. At gustong-gusto ninyong batiin kayo at igalang sa matataong lugar. 44 Nakakaawa kayo! Sapagkat para kayong mga libingang walang palatandaan at nilalakaran lamang ng mga tao nang hindi nila nalalaman.”
45 Sinagot si Jesus ng isa sa mga tagapagturo ng Kautusan, “Guro, pati kami ay iniinsulto mo sa sinabi mong iyan.” 46 Sumagot si Jesus, “Nakakaawa rin kayong mga tagapagturo ng Kautusan! Sapagkat pinapahirapan ninyo ang mga tao sa inyong mahihirap na kautusan, pero kayo mismo ay hindi sumusunod sa mga ito. 47 Nakakaawa kayo! Pinapaayos ninyo ang mga libingan ng mga propetang pinatay ng inyong mga ninuno. 48 Kaya kayo na rin ang nagpapatunay na sang-ayon kayo sa ginawa nila. Sapagkat pinatay nila ang mga propeta, at kayo naman ang nagpapaayos ng mga libingan nila. 49 Kaya ito ang sinabi ng Dios ayon sa karunungan niya, ‘Magpapadala ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; papatayin nila ang ilan sa mga ito at uusigin ang iba.’ 50 Kaya mananagot ang henerasyong ito sa pagkamatay ng mga propeta ng Dios mula nang likhain ang mundo – 51 mula kay Abel hanggang kay Zacarias na pinatay sa pagitan ng altar[r] at ng templo. Oo, tinitiyak ko sa inyo na parurusahan ang henerasyong ito dahil sa ginawa nila.
52 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan! Sapagkat kinuha nʼyo sa mga tao ang susi sa pag-unawa ng katotohanan. Ayaw na nga ninyong sumunod sa katotohanan, hinahadlangan pa ninyo ang mga gustong sumunod.”
53 Umalis si Jesus sa bahay na iyon. At mula noon, matindi na ang pambabatikos sa kanya ng mga Pariseo at tagapagturo ng Kautusan. Pinagtatanong siya tungkol sa maraming bagay, 54 upang siya ay mahuli nila sa kanyang pananalita.
Babala Laban sa mga Pakitang-tao(I)
12 Libu-libong tao ang dumagsa kay Jesus, kaya nagkakasiksikan na sila. Binalaan ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Mag-ingat kayo at baka mahawa kayo sa ugali[s] ng mga Pariseo na pakitang-tao. 2 Walang natatago na hindi malalantad, at walang nalilihim na hindi mabubunyag. 3 Kaya anumang sabihin ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag, at anumang ibulong ninyo sa loob ng kwarto ay malalaman ng lahat.”
Ang Dapat Katakutan(J)
4 “Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan, huwag kayong matakot sa mga gustong pumatay sa inyo. Ang kaya lang nilang patayin ay ang katawan ninyo, at pagkatapos ay wala na silang magagawa pa. 5 Sasabihin ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan: katakutan ninyo ang Dios, dahil pagkatapos niyang patayin ang katawan nʼyo ay may kapangyarihan pa siyang itapon kayo sa impyerno. Oo, sinasabi ko sa inyo, siya ang dapat ninyong katakutan. 6 Hindi baʼt napakamura ng halaga ng maya? Ngunit kahit isa sa kanila ay hindi nakakalimutan ng Dios. 7 Higit kayong mahalaga kaysa sa maraming maya. Kahit ang bilang ng buhok nʼyo ay alam niya. Kaya huwag kayong matakot.”
Ang Pagkilala kay Cristo(K)
8 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Tandaan ninyo: ang sinumang kumikilala sa akin na ako ang Panginoon niya sa harap ng mga tao, ako na Anak ng Tao, ay kikilalanin din siya sa harap ng mga anghel ng Dios. 9 Ngunit ang hindi kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng mga anghel ng Dios. 10 Ang sinumang magsalita ng masama laban sa akin na Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang magsalita ng masama laban sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad.
11 “Kung dahil sa pananampalataya ninyo ay dadalhin kayo sa mga sambahan ng mga Judio o sa mga tagapamahala ng bayan upang imbestigahan, huwag kayong mag-alala kung paano kayo mangangatwiran o kung ano ang sasabihin ninyo. 12 Sapagkat ituturo sa inyo ng Banal na Espiritu sa oras ding iyon kung ano ang dapat ninyong sabihin.”
Ang Mayamang Hangal
13 Sinabi kay Jesus ng isa sa karamihan, “Guro, sabihin nga po ninyo sa kapatid ko na ibigay niya sa akin ang bahagi ko sa mana namin.” 14 Sumagot si Jesus, “Kaibigan, tagahatol ba ako o tagahati ng pag-aari ninyo?” 15 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman, dahil ang buhay ng tao ay hindi nasusukat sa dami ng kanyang pag-aari.” 16 At ikinuwento niya ang talinghaga na ito: “May isang mayamang may bukirin na umani nang sagana. 17 Sinabi niya sa kanyang sarili, ‘Ano kaya ang gagawin ko? Wala na akong mapaglagyan ng ani ko. 18 Alam ko na! Gigibain ko ang mga bodega ko at magpapagawa ako ng mas malaki, at doon ko ilalagay ang ani at mga ari-arian ko. 19 At dahil marami na akong naipon para sa maraming taon, magpapahinga na lang ako, kakain, iinom at magpapakaligaya!’ 20 Ngunit sinabi sa kanya ng Dios, ‘Hangal! Ngayong gabi ay babawiin ko sa iyo ang buhay mo. Kanino ngayon mapupunta ang lahat ng inipon mo para sa iyong sarili?’ 21 Ganyan ang mangyayari sa taong nagpapayaman sa sarili ngunit mahirap sa paningin ng Dios.”
Manalig sa Dios(L)
22 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Kaya huwag kayong mag-alala tungkol inyong buhay – kung ano ang inyong kakainin, o susuotin. 23 Dahil kung binigyan kayo ng Dios ng buhay, siguradong bibigyan din niya kayo ng pagkain at isusuot. 24 Tingnan ninyo ang mga uwak. Hindi sila nagtatanim, o nag-aani, o nag-iipon sa mga bodega, pero pinakakain sila ng Dios. Higit kayong mahalaga kaysa sa mga ibon! 25 Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit kaunti sa pamamagitan ng pag-aalala? 26 Kaya kung hindi ninyo kayang gawin ang ganyang kaliit na bagay, bakit kayo mag-aalala tungkol sa iba pang bagay? 27 Tingnan ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang. Hindi sila nagtatrabaho o gumagawa ng maisusuot nila. Ngunit sasabihin ko sa inyo, kahit si Solomon ay hindi nakapagsuot ng kasingganda ng mga bulaklak na iyon sa kabila ng kanyang karangyaan. 28 Kung dinadamitan ng Dios nang ganito ang mga damo sa parang, na buhay ngayon pero kinabukasan ay malalanta at susunugin, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya! 29 Kaya huwag kayong mag-alala kung ano ang kakainin o iinumin ninyo. 30 Ang mga bagay na ito ang pinapahalagahan ng mga tao sa mundo na hindi kumikilala sa Dios. Ngunit alam ng inyong Amang nasa langit na kailangan ninyo ang mga ito. 31 Sa halip, unahin ninyo ang mapabilang sa kaharian ng Dios at pati ang mga pangangailangan ninyo ay ibibigay niya.”
Kayamanan sa Langit(M)
32 “Kayong mga tagasunod ko ay kaunti lang.[t] Ngunit huwag kayong matakot, dahil ipinagkaloob ng inyong Ama na maghari kayong kasama niya. 33 Ipagbili ninyo ang mga ari-arian ninyo at ipamigay ang pera sa mga mahihirap, upang makaipon kayo ng kayamanan sa langit. Doon, ang maiipon ninyong kayamanan ay hindi maluluma o mauubos, sapagkat doon ay walang makakalapit na magnanakaw o makakapanirang insekto. 34 Sapagkat kung nasaan ang kayamanan ninyo, naroon din ang puso ninyo.”
Ang Mapagkakatiwalaang mga Utusan
35-36 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Maging handa kayo palagi sa pagbabalik ng inyong Panginoon, katulad ng mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang amo mula sa kasalan. Nakahanda sila at nakasindi ang mga ilawan nila, upang sa pagdating at pagkatok ng amo nila ay mabubuksan nila agad ang pinto. 37 Mapalad ang mga aliping madadatnan ng amo nila na gising at nagbabantay sa kanyang pag-uwi. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, maghahanda ang amo nila para pagsilbihan sila. Sila ay pauupuin niya sa kanyang mesa at pagsisilbihan habang kumakain sila. 38 Mapalad ang mga aliping iyon kung madadatnan sila ng amo nila na handa kahit anong oras – hatinggabi man o madaling-araw. 39 Tandaan ninyo ito: kung alam ng isang tao kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya hahayaang pasukin nito ang bahay niya. 40 Kayo man ay dapat maging handa, dahil ako, na Anak ng Tao, ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
Ang Tapat at Hindi Tapat na Alipin(N)
41 Nagtanong si Pedro, “Panginoon, para kanino po ba ang talinghaga na iyon, para sa amin o para sa lahat?” 42 Sumagot ang Panginoon, “Hindi baʼt ang tapat at matalinong utusan ang pamamahalain ng amo niya sa mga kapwa niya alipin? Siya ang magbibigay sa kanila ng pagkain nila sa tamang oras. 43 Mapalad ang aliping iyon kapag nadatnan siya ng amo niya na ginagawa ang kanyang tungkulin. 44 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, pamamahalain siya ng kanyang amo sa lahat ng mga ari-arian nito. 45 Ngunit kawawa ang alipin kung inaakala niyang matatagalan pa bago bumalik ang amo niya, at habang wala ito ay pagmamalupitan niya ang ibang mga alipin, lalaki man o babae, at magpapakabusog siya at maglalasing. 46 Darating ang amo niya sa araw o oras na hindi niya inaasahan, at parurusahan siya nang matindi[u] at isasama sa mga hindi mapagkakatiwalaan.
47 “Ang aliping nakakaalam ng kagustuhan ng amo niya ngunit hindi naghahanda at hindi gumagawa ng kanyang tungkulin ay tatanggap ng mabigat na parusa.[v] 48 At ang aliping hindi nakakaalam ng kagustuhan ng amo niya, at nakagawa ng kamalian ay parurusahan din, pero magaan lang. Ang binigyan ng marami ay hahanapan ng marami. Mas marami nga ang pananagutan ng pinagkatiwalaan ng mas marami.”
Ang Pagkakahati-hati ng Sambahayan Dahil kay Cristo(O)
49 “Naparito ako sa lupa upang magdala ng apoy[w] at gusto ko sanang magliyab na ito. 50 Ngunit bago ito mangyari, may mga paghihirap na kailangan kong pagdaanan. At hindi ako mapapalagay hanggaʼt hindi ito natutupad.
51 “Akala ba ninyo ay naparito ako sa lupa upang magkaroon ng maayos na relasyon ang mga tao? Ang totoo, naparito ako upang magkaroon sila ng hidwaan. 52 Mula ngayon, mahahati ang limang tao sa loob ng isang pamilya. Tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo. 53 Kokontrahin ng ama ang anak niyang lalaki, at kokontrahin din ng anak na lalaki ang kanyang ama. Ganoon din ang mangyayari sa ina at sa anak niyang babae, at sa biyenang babae at sa manugang niyang babae.”
Magmatyag sa mga Nangyayari Ngayon(P)
54 Sinabi ni Jesus sa mga tao, “Kapag nakita ninyo ang makapal na ulap sa kanluran, sinasabi ninyong uulan, at umuulan nga. 55 At kapag umihip naman ang hanging habagat ay sinasabi ninyong iinit, at umiinit nga. 56 Mga pakitang-tao! Alam ninyo ang kahulugan ng mga palatandaang nakikita ninyo sa lupa at sa langit, pero bakit hindi ninyo alam ang kahulugan ng mga nangyayari ngayon?
Makipagkasundo sa Kaaway(Q)
57 “Bakit hindi ninyo mapagpasyahan kung ano ang matuwid? 58 Kapag may magdedemanda sa iyo, pagsikapan mong makipag-ayos sa kanya habang papunta pa lang kayo sa hukuman; dahil baka pilitin ka pa niyang humarap sa hukom, at pagkatapos ay ibigay ka ng hukom sa alagad ng batas upang ipabilanggo. 59 Tinitiyak ko sa iyo, hindi ka makakalabas ng bilangguan hanggaʼt hindi mo nababayaran ang lahat ng multa[x] mo.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®