Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the Gospels in 40 Days

Read through the four Gospels--Matthew, Mark, Luke, and John--in 40 days.
Duration: 40 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Juan 15-16

Ang Tunay na Puno ng Ubas

15 Sinabi pa ni Jesus, “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga. Pinuputol niya ang aking mga sangang hindi namumunga, at nililinis niya ang bawat sangang namumunga para lalo pang mamunga. Malinis na kayo dahil sa mga salitang sinabi ko sa inyo. Manatili kayo sa akin at akoʼy mananatili sa inyo. Hindi makakapamunga ang isang sanga malibang nakakabit ito sa puno. Ganoon din naman, hindi kayo makakapamunga kung hindi kayo mananatili sa akin.

“Ako ang puno ng ubas, at kayo ang aking mga sanga. Ang taong nananatili sa akin at ako rin sa kanya ay mamumunga nang marami. Sapagkat wala kayong magagawa kung hiwalay kayo sa akin. Ang hindi nananatili sa akin ay tulad ng mga sangang itinatapon at natutuyo, at pagkatapos ay tinitipon at inihahagis sa apoy para sunugin. Kung mananatili kayo sa akin at ang mga salita koʼy mananatili sa inyo, ipagkakaloob ko ang anumang hilingin ninyo. Napaparangalan ang aking Ama kung namumunga kayo nang sagana, at sa ganitong paraan ay naipapakita ninyo na mga tagasunod ko kayo. Mahal ko kayo gaya ng pagmamahal sa akin ng Ama. Manatili kayo sa aking pag-ibig. 10 Kung sinusunod ninyo ang mga utos ko, mananatili ang pag-ibig ko sa inyo. Katulad ko, sinusunod ko ang utos ng aking Ama, kaya nananatili ang kanyang pag-ibig sa akin.

11 “Sinabi ko sa inyo ang bagay na ito para magalak kayo katulad ko at malubos din ang inyong kagalakan. 12 Ito ang aking utos sa inyo: magmahalan kayo katulad ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Wala nang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. 14 Mga kaibigan ko kayo kung sinusunod nʼyo ang aking mga utos. 15 Hindi ko na kayo itinuturing na alipin, dahil hindi alam ng alipin kung ano ang ginagawa ng kanyang amo. Sa halip, itinuturing ko na kayong mga kaibigan, dahil sinasabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. 16 Hindi kayo ang pumili sa akin kundi ako ang pumili sa inyo, para humayo kayo at mamunga ng mga bungang mananatili. Sa ganoon, anuman ang hingin ninyo sa Ama sa pangalan ko ay ibibigay niya sa inyo. 17 Ito nga ang utos ko sa inyo: magmahalan kayo.”

Ang Galit ng mga Taong Makamundo sa mga Sumasampalataya kay Jesus

18 Sinabi pa ni Jesus, “Kung napopoot sa inyo ang mga taong makamundo, alalahanin ninyo na ako ang una nilang kinapootan. 19 Kung kabilang kayo sa kanila, mamahalin nila kayo. Pero hindi kayo kabilang sa kanila, kundi pinili ko kayo mula sa kanila. Kaya napopoot sila sa inyo. 20 Tandaan nʼyo ang sinabi ko sa inyo na walang aliping mas higit sa kanyang amo. Kung inusig nila ako, uusigin din nila kayo. At kung sinunod nila ang aking salita, susundin din nila ang inyong salita. 21 Uusigin nila kayo dahil sumasampalataya kayo sa akin at dahil hindi nila kilala ang nagsugo sa akin. 22 Kung hindi ako naparito sa mundo at nangaral sa kanila, wala sana silang pananagutan sa kanilang kasalanan. Pero ngayon, wala na silang maidadahilan sa mga kasalanan nila. 23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa aking Ama. 24 Kung hindi ako gumawa sa harap nila ng mga himalang kailanmaʼy hindi nagawa ninuman, wala sana silang pananagutan sa kanilang kasalanan. Ngunit kahit nakita na nila ang mga himalang ginawa ko, napopoot pa rin sila sa akin at sa aking Ama. 25 Sa ginawa nilang ito, natupad ang nakasulat sa kanilang Kautusan: ‘Napopoot sila sa akin nang walang dahilan.’ ”[a]

26 Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Ipapadala ko sa inyo ang Banal na Espiritu mula sa Ama. Siya ang Tagatulong nʼyo at tagapagturo ng katotohanan. Pagdating niya, magpapatotoo siya kung sino talaga ako. 27 Kayo rin ay dapat na magpatotoo tungkol sa akin, dahil kasama ko na kayo mula pa noong una.

16 “Sinasabi ko na sa inyo ang mga bagay na ito para hindi manghina ang inyong pananampalataya pagdating ng pag-uusig. Hindi na kayo tatanggapin ng mga kapwa nʼyo Judio sa mga sambahan nila. Sa katunayan, darating ang panahon na ang sinumang papatay sa inyo ay mag-aakalang naglilingkod siya sa Dios. Gagawin nila ang mga bagay na ito dahil hindi nila kilala ang Ama o ako. Pero sinasabi ko sa inyo ang mga ito para pagdating ng pag-uusig, maaalala nʼyong sinabi ko na ito sa inyo.

Ang Gawain ng Banal na Espiritu

“Hindi ko sinabi sa inyo ang mga bagay na ito noong una, dahil kasama nʼyo pa ako. Pero ngayon ay babalik na ako sa nagsugo sa akin, at wala ni isa man sa inyo ang nagtatanong kung saan ako pupunta. At ngayong sinabi ko na sa inyo, nalulungkot kayo. Pero ang totoo, para sa ikabubuti nʼyo ang pag-alis ko, dahil hindi paparito sa inyo ang Tagatulong kung hindi ako aalis. Pero kapag umalis na ako, ipapadala ko siya sa inyo. Pagdating niya, ipapakita niya sa mga taong makamundo na makasalanan sila at ako namaʼy matuwid. At ipapakita rin niya na hahatulan sila ng Dios. Ipapakita niya sa mga tao na makasalanan sila dahil hindi sila sumampalataya sa akin. 10 Ipapakita niya na ako ay matuwid dahil pupunta ako sa Ama at hindi nʼyo na makikita. 11 Ipapakita rin niya sa kanila na hahatulan sila ng Dios dahil hinatulan na si Satanas na siyang naghahari sa mga taong makamundo.

12 “Marami pa sana akong sasabihin sa inyo, pero hindi nʼyo pa kayang intindihin sa ngayon. 13 Pero pagdating ng Banal na Espiritu na siyang tagapagturo ng katotohanan, tutulungan niya kayo para maintindihan nʼyo ang lahat ng katotohanan. Ang ituturo niya ay hindi galing sa kanya; sasabihin niya kung ano lang ang narinig niya at ipapahayag din niya sa inyo ang tungkol sa mga bagay na darating. 14 Pararangalan niya ako dahil sa akin manggagaling ang lahat ng ipapahayag niya sa inyo. 15 Ang lahat ng nasa Ama ay nasa akin, kaya sinabi kong sa akin manggagaling ang lahat ng ipapahayag niya sa inyo.

Mapapalitan ng Galak ang Kalungkutan

16 “Sandaling panahon na lang at hindi nʼyo na ako makikita, at pagkatapos ng kaunti pang panahon ay makikita nʼyo akong muli.” 17 Nagtanungan ang ilan sa mga tagasunod niya, “Ano kaya ang ibig niyang sabihin? Bakit niya sinabing sandaling panahon na lang at hindi na natin siya makikita, at pagkatapos ng kaunti pang panahon ay makikita natin siyang muli? Sinabi pa niya na ang dahilan kung bakit hindi na natin siya makikita ay dahil babalik na siya sa kanyang Ama. 18 Ano kaya ang ibig niyang sabihin sa ‘sandaling panahon’? Hindi natin alam kung ano ang ibig niyang sabihin.” 19 Alam ni Jesus na gusto sana nilang magtanong, kaya sinabi niya sa kanila, “Nagtatanungan ba kayo tungkol sa sinabi ko na sandaling panahon na lang at hindi nʼyo na ako makikita, at pagkatapos ng kaunti pang panahon ay makikita nʼyo akong muli? 20 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, iiyak kayoʼt magdadalamhati sa mangyayari sa akin, pero sasaya ang mga taong makamundo. Malulungkot kayo, pero ang kalungkutan ninyo ay mapapalitan ng kagalakan. 21 Katulad ito ng isang babaeng naghihirap dahil malapit nang manganak. Pero pagkasilang ng sanggol, nakakalimutan na niya ang lahat ng hirap dahil sa kagalakan sapagkat naisilang na niya ang sanggol dito sa mundo. 22 Ganyan din kayo. Nalulungkot kayo ngayon, pero magagalak kayo sa araw na magkita tayong muli. At walang sinumang makakaagaw ng inyong kagalakan.

23 “Sa araw na iyon, hindi nʼyo na kailangang humingi sa akin[b] ng kahit ano. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo. 24 Hanggang ngayon ay wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo at makakatanggap kayo, para malubos ang inyong kagalakan.

Napagtagumpayan ni Jesus ang Kapangyarihan ng Mundo

25 “Sinasabi ko sa inyo ang mga ito sa pamamagitan ng mga talinghaga, pero darating ang panahon na hindi na ako magsasalita sa inyo nang ganito. Sa halip, tuwiran ko nang sasabihin sa inyo ang tungkol sa Ama. 26 Sa araw ding iyon, kayo na mismo ang hihingi sa Ama sa pamamagitan ng aking pangalan. Hindi na kailangang ako pa ang humingi sa Ama para sa inyo. 27 Sapagkat kayo mismo ay minamahal ng Ama, dahil minamahal nʼyo ako at naniniwala kayo na nagmula ako sa Dios. 28 Galing ako sa Ama at naparito ako sa mundo. Pero ngayon ay aalis na ako at babalik na sa Ama.”

29 Sinabi ng mga tagasunod niya, “Ngayon poʼy nagsasalita na kayo sa amin nang malinaw at hindi sa pamamagitan ng talinghaga. 30 Ngayon alam na namin na alam nʼyo ang lahat ng bagay, dahil kahit hindi namin kayo tinatanong, alam nʼyo kung ano ang itatanong namin. Kaya naniniwala kami na galing kayo sa Dios.” 31 Sumagot si Jesus sa kanila, “Kung ganoon, sumasampalataya na ba kayo ngayon sa akin? 32 Pero darating ang oras, at dumating na nga, na magkakawatak-watak kayo at magkakanya-kanya, at iiwan nʼyo akong nag-iisa. Ngunit kahit iwan nʼyo ako, hindi ako nag-iisa dahil kasama ko ang Ama. 33 Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito para magkaroon kayo ng kapayapaan sa akin.[c] Daranas kayo ng paghihirap dito sa mundo,[d] pero magpakatatag kayo dahil nagtagumpay na ako laban sa kapangyarihan ng mundo.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®