Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the Gospels in 40 Days

Read through the four Gospels--Matthew, Mark, Luke, and John--in 40 days.
Duration: 40 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Lucas 7-9

Pinagaling ni Jesus ang Alipin ng Kapitan(A)

Pagkatapos ipangaral ni Jesus sa mga tao ang mga bagay na ito, pumunta siya sa Capernaum. May isang kapitan doon ng hukbong Romano na may aliping malubha ang sakit at naghihingalo. Mahal niya ang aliping ito. Kaya nang mabalitaan ng kapitan ang tungkol kay Jesus, sinugo niya ang ilang mga pinuno ng mga Judio para pakiusapan si Jesus na pumunta sa bahay niya at pagalingin ang kanyang alipin. Pagdating nila kay Jesus, nakiusap silang mabuti sa kanya, “Kung maaari po sanaʼy tulungan nʼyo ang kapitan, dahil mabuti siyang tao. Mahal niya tayong mga Judio at ipinagpatayo pa niya tayo ng isang sambahan.”

Kaya sumama sa kanila si Jesus. Nang malapit na sila sa bahay ng kapitan, sinugo ng kapitan ang ilang mga kaibigan niya para salubungin si Jesus at sabihin, “Panginoon, huwag na po kayong mag-abalang pumunta sa bahay ko, dahil hindi ako karapat-dapat na puntahan nʼyo ang tahanan ko. Kaya nga hindi na rin ako naglakas-loob na lumapit dahil hindi ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Sabihin nʼyo na lang po at gagaling na ang utusan ko. Alam ko ito dahil nasa ilalim ako ng nakakataas na opisyal, at may nasasakupan din akong mga sundalo. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon,’ pumupunta siya. Kapag sinabi kong, ‘Halika,’ lumalapit siya. At kahit ano pa ang iutos ko sa aking alipin ay sinusunod niya.” Nang marinig ito ni Jesus, namangha siya sa kapitan at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Hindi pa ako nakakita ng isang tao sa Israel na may ganitong pananampalataya.” 10 Nang bumalik sa bahay ang mga sinugo ng kapitan, nakita nilang magaling na ang alipin.

Binuhay ni Jesus ang Patay na Binata

11 Pagkatapos, pumunta si Jesus sa bayan ng Nain. Sumama sa kanya ang mga tagasunod niya at ang maraming tao. 12 Nang malapit na sila sa pintuan ng bayan ng Nain, nakasalubong nila ang libing ng kaisa-isang anak ng isang biyuda. Marami ang nakikipaglibing. 13 Nahabag ang Panginoon sa biyuda nang makita niya ito. Sinabi niya sa biyuda, “Huwag kang umiyak.” 14 Nilapitan ni Jesus at hinawakan ang kinalalagyan ng patay upang tumigil ang mga nagdadala nito. Sinabi ni Jesus, “Binata, bumangon ka!” 15 Umupo ang patay at nagsalita. At ibinigay siya ni Jesus sa kanyang ina. 16 Kinilabutan ang mga tao at nagpuri sila sa Dios. Sinabi nila, “Inalala tayo ng Dios. Isinugo niya sa atin ang isang dakilang propeta.” 17 At kumalat sa buong Judea at sa lahat ng lugar sa palibot nito ang balita tungkol kay Jesus.

Si Jesus at si Juan na Tagapagbautismo(B)

18 Ang lahat ng pangyayaring iyon ay ibinalita kay Juan ng mga tagasunod niya. 19 Kaya tinawag ni Juan ang dalawa sa mga tagasunod niya at pinapunta sa Panginoon upang tanungin, “Kayo na po ba ang inaasahan naming darating o maghihintay pa kami ng iba?” 20 Pagdating nila kay Jesus, sinabi nila, “Pinapunta po kami rito ni Juan na tagapagbautismo upang itanong sa inyo kung kayo na po ba ang inaasahan naming darating o maghihintay pa kami ng iba?” 21 Nang mga sandaling iyon, maraming pinagaling si Jesus na mga may sakit, at pinalayas niya ang masasamang espiritu sa mga tao. Pinagaling din niya ang mga bulag. 22 Kaya sinabi niya sa mga tagasunod ni Juan, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin sa kanya ang nakita at narinig ninyo: Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga lumpo, gumagaling ang mga may malubhang sakit sa balat, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. 23 Mapalad ang taong hindi nagdududa[a] sa akin.”

24 Nang makaalis na ang mga taong inutusan ni Juan, nagtanong si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Noong pumunta kayo kay Juan sa ilang, ano ang inaasahan ninyong makita? Isang taong tulad ng talahib na humahapay sa ihip ng hangin? 25 Pumunta ba kayo roon upang makita ang isang taong magara ang pananamit? Ang mga taong magara ang pananamit at namumuhay sa karangyaan ay sa palasyo ninyo makikita. 26 Pumunta kayo roon para makita ang isang propeta, hindi ba? Totoo, isa nga siyang propeta. At sinasabi ko sa inyo, higit pa siya sa isang propeta. 27 Siya ang binabanggit ng Dios sa Kasulatan, ‘Ipapadala ko ang aking mensahero. Mauuna siya sa iyo upang ihanda ang dadaanan mo.’[b] 28 Sinasabi ko sa inyo, walang taong isinilang na mas dakila pa kay Juan. Ngunit mas dakila pa sa kanya ang pinakahamak sa mga taong kabilang sa kaharian ng Dios.”

29 Nang marinig ng mga tao, pati ng mga maniningil ng buwis, ang pangangaral ni Jesus, sumang-ayon sila na matuwid ang layunin ng Dios, dahil nagpabautismo pa nga sila kay Juan. 30 Pero ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan ay tumanggi sa layunin ng Dios para sa buhay nila, dahil hindi sila nagpabautismo kay Juan.

31 Sinabi pa ni Jesus, “Sa anong bagay ko maihahambing ang mga tao ngayon? Kanino ko sila maihahalintulad? 32 Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa at sinasabi sa kanilang kalaro, ‘Tinugtugan namin kayo ng tugtuging pangkasal, pero hindi kayo sumayaw! Umawit kami ng awit para sa patay pero hindi kayo umiyak!’ 33 Katulad nila kayo, dahil pagdating dito ni Juan na nakita ninyong nag-aayuno at hindi umiinom ng alak, sinabi ninyo, ‘Sinasaniban siya ng masamang espiritu.’ 34 At nang dumating naman ako na Anak ng Tao, nakita ninyong kumakain ako at umiinom, ang sabi naman ninyo, ‘Ang taong iyan ay matakaw at lasenggo, at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang makasalanan.’ 35 Ganoon pa man, ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Dios ay sumasang-ayon sa ipinapagawa ng Dios sa amin.”[c]

Binuhusan ng Pabango si Jesus

36 Inanyayahan si Jesus ng isang Pariseo na kumain sa bahay niya. Pumunta naman si Jesus at kumain doon. 37 Sa bayang iyon ay may isang babaeng kilala sa pagiging makasalanan. Nabalitaan niyang kumakain si Jesus sa bahay ng Pariseo, kaya pumunta siya roon at nagdala ng pabango na nasa isang sisidlang yari sa batong alabastro. 38 Lumapit siya sa likuran ni Jesus sa bandang paanan. Doon ay umiyak ang babae at tumulo ang luha niya sa paa ni Jesus. Pagkatapos, pinunasan niya ito ng kanyang buhok, hinalikan at binuhusan ng pabango.

39 Nang makita iyon ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, inisip niya, “Kung talagang propeta ang taong ito, alam sana niyang masama ang babaeng ito na humihipo sa kanya.” 40 Pero alam ni Jesus ang nasa isip niya, kaya sinabi ni Jesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” Sumagot si Simon, “Ano po iyon, Guro?” 41 Sinabi ni Jesus, “May isang lalaking inutangan ng dalawang tao. Ang isaʼy umutang sa kanya ng 500, at ang isa namaʼy 50. 42 Nang kapwa sila hindi makabayad, pareho silang pinatawad. Ngayon, sa palagay mo, sino sa dalawa ang lalong magmamahal sa nagpautang?” 43 Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po, ang may mas malaking utang.” “Tama ang sagot mo,” sabi ni Jesus. 44 Pagkatapos ay nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, “Tingnan mo ang babaeng ito. Nang pumasok ako sa bahay mo, hindi mo ako binigyan ng tubig na ipanghuhugas sa paa ko. Pero ang babaeng itoʼy sariling luha ang ipinanghugas sa paa ko at ang buhok pa niya ang ipinunas dito. 45 Hindi mo ako hinalikan bilang pagtanggap, pero siyaʼy walang tigil sa paghalik sa mga paa ko mula nang dumating ako. 46 Hindi mo pinahiran ng langis ang ulo ko, pero pinahiran niya ng mamahaling pabango ang mga paa ko. 47 Kaya sinasabi ko sa iyo na ang malaking pagmamahal na ipinakita niya sa akin ay nagpapatunay na pinatawad na ang marami niyang kasalanan. Pero ang taong kaunti lang ang kasalanang pinatawad ay kaunti rin ang ipinapakitang pagmamahal.” 48 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa babae, “Pinatawad na ang mga kasalanan mo.” 49 Ang mga kasama niya sa pagkain ay nagtanong sa kanilang sarili, “Sino kaya ito na pati kasalanan ay pinapatawad?” 50 Sinabi ni Jesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa.”

Mga Babaeng Tumutulong kay Jesus

Pagkatapos, nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon ng Galilea. Nangaral siya ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios. Kasama niya ang 12 apostol at ilang babaeng pinagaling niya sa sakit o pinalaya sa masasamang espiritu. Kabilang dito si Maria na taga-Magdala[d] na pinalaya niya mula sa pitong masasamang espiritu, si Juana na asawa ni Cuza na katiwala ni Herodes, si Susana, at marami pang iba. Ang mga babaeng ito ay tumutulong sa mga pangangailangan nina Jesus mula sa mga ari-arian nila.

Ang Talinghaga tungkol sa Manghahasik(C)

Isang araw, nagdatingan ang maraming tao mula sa ibaʼt ibang bayan at lumapit kay Jesus. Ikinuwento niya sa kanila ang talinghaga na ito:

“May isang magsasakang naghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, may mga binhing nahulog sa tabi ng daan, natapakan ito ng mga dumadaan at tinuka ng mga ibon. May mga binhi namang nahulog sa mabatong lugar. Tumubo ang mga ito, pero madaling nalanta dahil sa kawalan ng tubig. May mga binhi namang nahulog sa lupang may matitinik na damo. Sabay na tumubo ang mga binhi at mga damo, pero sa bandang huli ay natakpan ng mga damo ang mga tumubong binhi. Ang iba namaʼy nahulog sa mabuting lupa. Tumubo ang mga ito at namunga nang napakarami.”[e] Pagkatapos, sinabi ni Jesus, “Kayong mga nakikinig, dapat nʼyo itong pag-isipan!”[f]

Ang Layunin ng mga Talinghaga(D)

Tinanong si Jesus ng mga tagasunod niya kung ano ang kahulugan ng talinghaga na iyon. 10 Sumagot si Jesus, “Ipinagkaloob sa inyo na malaman ang mga lihim tungkol sa paghahari ng Dios, ngunit sa ibaʼy ipinapahayag ito sa pamamagitan ng talinghaga, upang ‘tumingin man silaʼy hindi makakita, at makinig man silaʼy hindi makaunawa.’ ”[g]

Ang Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa Manghahasik(E)

11 Isinalaysay ni Jesus kung ano ang kahulugan ng talinghaga na iyon: “Ang binhi ay ang salita ng Dios. 12 Ang tabi ng daan, kung saan nahulog ang ilang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios, ngunit dumating ang diyablo at kinuha iyon sa mga puso nila upang hindi sila sumampalataya at maligtas. 13 Ang mabatong lugar, kung saan nahulog ang ibang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios at masaya itong tinanggap. Ngunit hindi taimtim sa puso nila ang pagtanggap, kaya hindi tumagal ang kanilang pananampalataya. Pagdating ng mga pagsubok ay agad silang tumatalikod sa kanilang pananampalataya. 14 Ang lupang may matitinik na damo, kung saan nahulog ang iba pang binhi ay ang mga taong nakinig ng salita ng Dios. Ngunit sa katagalan, nadaig sila ng mga alalahanin sa buhay, kayamanan at kalayawan sa mundong ito. Kaya hindi sila lumago at hindi namunga. 15 Ngunit ang mabuting lupang hinasikan ng binhi ay ang mga taong nakikinig sa salita ng Dios, at iniingatan ito sa kanilang malinis at tapat na puso, at pinagsisikapang sundin hanggang sa silaʼy mamunga.”

Ang Aral Mula sa Ilaw(F)

16 Sinabi pa ni Jesus, “Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tatakpan ng palayok o ilalagay sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay ang ilaw sa patungan para magbigay-liwanag sa lahat ng pumapasok sa bahay. 17 Ganoon din naman, walang natatagong hindi mahahayag at walang lihim na hindi malalaman at mabubunyag.[h]

18 “Kaya makinig kayong mabuti sa sinasabi ko, dahil ang taong sumusunod sa narinig niyang katotohanan ay bibigyan pa ng pang-unawa. Ngunit ang taong hindi sumusunod sa katotohanan, kahit ang inaakala niyang nauunawaan niya ay kukunin pa sa kanya.”

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(G)

19 Ngayon, pinuntahan si Jesus ng kanyang ina at mga kapatid, pero hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. 20 Kaya may nagsabi kay Jesus, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid, at gusto kayong makita.” 21 Sumagot si Jesus, “Ang mga nakikinig at sumusunod sa salita ng Dios ang siya kong ina at mga kapatid.”

Pinatigil ni Jesus ang Malakas na Hangin at Alon(H)

22 Isang araw, sumakay ng bangka si Jesus kasama ang mga tagasunod niya. Sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabila ng lawa.” At ganoon nga ang ginawa nila. 23 Nang naglalayag na sila, nakatulog si Jesus. Maya-mayaʼy lumakas ang hangin at pinasok ng maraming tubig ang bangka nila, kaya nalagay sila sa panganib. 24 Nilapitan si Jesus ng mga tagasunod niya at ginising, “Guro![i] Guro! Lulubog na tayo!” Bumangon si Jesus at pinatigil ang malakas na hangin at ang malalaking alon. Tumigil ang mga ito at biglang kumalma ang panahon. 25 Pagkatapos, tinanong ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Nasaan ang pananampalataya ninyo?” Namangha sila at natakot, at nag-usap-usap, “Sino kaya ito? Kahit ang hangin at ang alon ay inuutusan niya, at sinusunod siya!”

Pinagaling ni Jesus ang Taong Sinaniban ng Masamang Espiritu(I)

26 Nagpatuloy sila sa paglalayag hanggang sa makarating sila sa lupain ng mga Geraseno[j] na katapat ng Galilea. 27 Pagkababa ni Jesus sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking taga-roon na sinasaniban ng masasamang espiritu. Matagal na itong walang suot na damit at ayaw tumira sa bahay kundi sa mga kwebang libingan. 28 Nang makita niya si Jesus, sumigaw siya at lumuhod sa harapan ni Jesus. At sinabi niya nang malakas, “Ano ang pakialam mo sa akin, Jesus na Anak ng Kataas-taasang Dios? Nakikiusap ako sa iyo, huwag mo akong pahirapan!” 29 Sinabi niya ito dahil inutusan ni Jesus na lumabas ang masamang espiritu sa kanya. Matagal na siyang sinasaniban nito. At kahit tinatalian siya ng kadena sa kamay at paa at binabantayan, nilalagot niya ang kadena, at pinapapunta siya ng demonyo sa ilang. 30 Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” Sagot niya, “Kawan,” dahil maraming masamang espiritu ang pumasok sa kanya. 31 Nagmakaawa ang masasamang espiritu kay Jesus na huwag silang papuntahin sa kailaliman at parusahan doon. 32 Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nanginginain sa gilid ng burol. Nagmakaawa ang masasamang espiritu kay Jesus na payagan silang pumasok sa mga baboy, at pinayagan naman sila ni Jesus. 33 Kaya lumabas ang masasamang espiritu sa lalaki at pumasok sa mga baboy. Nagtakbuhan ang mga baboy pababa ng burol, nagtuloy-tuloy sa lawa at nalunod.

34 Nang makita iyon ng mga tagapag-alaga ng mga baboy, tumakbo sila patungo sa bayan at sa mga karatig nayon at ipinamalita ang nangyari. 35 Kaya pumunta roon ang mga tao para tingnan ang nangyari. Pagdating nila kay Jesus, nakita nila ang taong sinaniban dati ng masasamang espiritu na nakaupo sa paanan ni Jesus, nakadamit at matino na ang pag-iisip. At natakot ang mga tao. 36 Ikinuwento sa kanila ng mga nakakita kung paano gumaling ang lalaking sinaniban ng masasamang espiritu. 37 Nakiusap ang lahat ng Geraseno[k] kay Jesus na umalis sa kanilang bayan dahil takot na takot sila. Kaya muling sumakay si Jesus sa bangka upang bumalik sa pinanggalingan niya. 38 Nakiusap sa kanya ang lalaking gumaling na isama siya. Pero hindi pumayag si Jesus. Sinabi niya, 39 “Umuwi ka na sa inyo at sabihin mo sa kanila ang ginawa sa iyo ng Dios.” Umuwi nga ang lalaki at ipinamalita sa buong bayan ang ginawa sa kanya ni Jesus.

Ang Anak ni Jairus at ang Babaeng Dinudugo(J)

40 Pagdating ni Jesus sa kabila ng lawa, masaya siyang tinanggap ng mga tao dahil hinihintay siya ng lahat. 41 Dumating naman ang isang lalaking namumuno sa sambahan ng mga Judio, na ang pangalan ay Jairus. Lumuhod siya sa harap ni Jesus at nakiusap na kung maaari ay pumunta siya sa bahay niya, 42 dahil naghihingalo ang kaisa-isa niyang anak na babae na 12 taong gulang.

Habang papunta si Jesus sa bahay ni Jairus, nagsisiksikan sa kanya ang mga tao. 43 May isang babae roon na 12 taon nang dinudugo at hindi mapagaling ng kahit sino. [Naubos na lahat ang mga ari-arian niya sa pagpapagamot.] 44 Nang makalapit siya sa likuran ni Jesus, hinipo niya ang laylayan[l] ng damit ni Jesus, at biglang tumigil ang kanyang pagdurugo. 45 Nagtanong si Jesus, “Sino ang humipo sa akin?” Nang walang umamin, sinabi ni Pedro, “Guro, alam nʼyo naman po na napapaligiran kayo ng maraming taong nagsisiksikan papalapit sa inyo.” 46 Pero sinabi ni Jesus, “May humipo sa akin, dahil naramdaman kong may kapangyarihang lumabas sa akin.” 47 Nang malaman ng babae na hindi pala lihim kay Jesus ang ginawa niya, lumapit siyang nanginginig sa takot at lumuhod sa harap ni Jesus. Pagkatapos, sinabi niya sa harapan ng lahat kung bakit niya hinipo si Jesus, at kung paanong gumaling siya kaagad. 48 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling[m] ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa.”

49 Habang kausap pa ni Jesus ang babae, dumating ang isang lalaki galing sa bahay ni Jairus. Sinabi niya kay Jairus, “Patay na po ang anak ninyo. Huwag nʼyo nang abalahin ang guro.” 50 Nang marinig iyon ni Jesus, sinabi niya kay Jairus, “Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang at mabubuhay siyang muli.” 51 Pagdating nila sa bahay, wala siyang pinayagang sumama sa loob, maliban kina Pedro, Santiago at Juan, at ang mga magulang ng bata. 52 Nag-iiyakan ang mga taong naroroon, kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong umiyak. Hindi patay ang bata kundi natutulog lang.” 53 Pinagtawanan nila si Jesus dahil alam nilang patay na ang bata. 54 Pero hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi sa kanya, “Nene, bumangon ka.” 55 At noon din ay bumalik ang kanyang espiritu at bumangon siya agad. At iniutos ni Jesus na pakainin ang bata. 56 Labis na namangha ang mga magulang ng bata. Pero pinagbilinan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.

Sinugo ni Jesus ang Labindalawang Apostol(K)

Isang araw tinipon ni Jesus ang 12 apostol at binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng lahat ng masasamang espiritu at magpagaling ng mga sakit. Pagkatapos, sinugo niya sila upang mangaral tungkol sa paghahari ng Dios at magpagaling ng mga may sakit. Sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magdala ng anuman sa inyong paglalakbay, kahit tungkod, bag, pagkain, pera o bihisan. Kapag tinanggap kayo sa isang bahay, doon kayo makituloy hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. At kung ayaw kayong tanggapin ng mga tao sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa mga paa nʼyo bilang babala sa kanila.” Pagkatapos noon, umalis ang mga apostol at pumunta sa mga nayon. Nangaral sila ng Magandang Balita at nagpagaling ng mga may sakit kahit saan.

Naguluhan si Haring Herodes(L)

Nabalitaan ni Herodes na pinuno ng Galilea ang mga ginagawa ni Jesus. Naguluhan siya dahil may mga nagsasabing muling nabuhay si Juan na tagapagbautismo. May nagsasabi namang siya si Elias na nagpakita ngayon. At may nagsasabi pang isa siya sa mga propeta noong unang panahon na muling nabuhay. Sinabi ni Herodes, “Pinapugutan ko ng ulo si Juan. Pero sino kaya itong nababalitaan ko? Marami akong kahanga-hangang bagay na narinig tungkol sa kanya.” Kaya pinagsikapan ni Herodes na makita si Jesus.

Pinakain ni Jesus ang 5,000 Tao(M)

10 Pagbalik ng mga apostol, ikinuwento nila kay Jesus ang lahat ng ginawa nila. Pagkatapos, isinama sila ni Jesus sa bayan ng Betsaida; wala na siyang isinamang iba. 11 Pero nalaman pa rin ng mga tao kung saan sila pumunta at sinundan sila. Pagdating nila doon, tinanggap naman sila ni Jesus at nangaral siya sa kanila tungkol sa paghahari ng Dios, at pinagaling din niya ang mga may sakit.

12 Nang dapit-hapon na, lumapit sa kanya ang 12 apostol at sinabi, “Paalisin nʼyo na po ang mga tao nang makapunta sila sa kanayunan at kabukiran na malapit para humanap ng matutuluyan at makakain, dahil nasa ilang na lugar po tayo.” 13 Pero sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayo ang magpakain sa kanila.” Sumagot sila, “May limang tinapay lang po tayo at dalawang isda. Hindi ito kakasya, maliban na lang kung bibili kami ng pagkain para sa kanila.” 14 (May 5,000 lalaki ang naroon.) Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Paupuin ninyo sila nang grupo-grupo na tig-50 bawat grupo.” 15 At pinaupo nga nila ang lahat. 16 Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda. Tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, hinati-hati niya ang tinapay at ibinigay sa mga tagasunod niya upang ipamigay sa mga tao. 17 Kumain silang lahat at nabusog. Pagkatapos, tinipon nila ang natirang pagkain, at nakapuno sila ng 12 basket.

Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(N)

18 Isang araw, nanalanging mag-isa si Jesus nang di-kalayuan sa mga tagasunod niya. Tinanong niya sila, “Sino raw ako ayon sa mga tao?” 19 Sumagot sila, “May mga nagsasabing kayo po si Juan na tagapagbautismo. May nagsasabi ring kayo si Elias. At ang iba namaʼy nagsasabing isa po kayo sa mga propeta noong unang panahon, na muling nabuhay.” 20 Tinanong sila ni Jesus, “Pero para sa inyo, sino ako?” Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo!”

Ang Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(O)

21 Mahigpit na sinabihan ni Jesus ang mga tagasunod niya na huwag nilang ipaalam kahit kanino na siya ang Cristo. 22 Sinabi pa niya, “Ako na Anak ng Tao ay kailangang dumanas ng maraming paghihirap. Itatakwil ako ng mga pinuno ng mga Judio, ng mga namamahalang pari, at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Ipapapatay nila ako, ngunit sa ikatlong araw ay muli akong mabubuhay.”

23 Pagkatapos, sinabi niya sa kanilang lahat, “Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay hindi dapat inuuna ang sarili. At dapat ay handa siyang humarap kahit sa kamatayan[n] alang-alang sa pagsunod niya sa akin araw-araw. 24 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 25 Ano ba ang mapapala ng isang tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo pero mapapahamak naman ang buhay niya? Wala! 26 Kung ako at ang mga aral ko ay ikakahiya ninuman, ikakahiya ko rin siya kapag ako na Anak ng Tao ay pumarito na taglay ang aking kapangyarihan at ang kapangyarihan ng Ama at ng mga banal na anghel. 27 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hanggaʼt hindi nila nakikita ang paghahari ng Dios.”

Ang Pagbabagong-anyo ni Jesus(P)

28 Mga walong araw matapos sabihin ni Jesus iyon, isinama niya sina Pedro, Juan at Santiago sa isang bundok upang manalangin. 29 Habang nananalangin si Jesus, nagbago ang anyo ng kanyang mukha. At ang damit niya ay naging puting-puti at nakakasilaw tingnan. 30 Biglang lumitaw ang dalawang lalaki – sina Moises at Elias – at nakipag-usap sa kanya. 31 Nakakasilaw din ang kanilang anyo, at ang pinag-uusapan nila ni Jesus ay ang tungkol sa kanyang kamatayan na malapit nang maganap sa Jerusalem. 32 Tulog na tulog noon sina Pedro. Pero nagising sila at nakita nila ang nagliliwanag na anyo ni Jesus at ang dalawang lalaking nakatayo sa tabi niya. 33 Nang paalis na ang dalawang lalaki, sinabi ni Pedro kay Jesus, “Guro, mabuti poʼt narito kami.[o] Gagawa po kami ng tatlong kubol:[p] isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” (Ang totoo, hindi niya alam ang sinasabi niya.) 34 At habang nagsasalita pa si Pedro, tinakpan sila ng ulap at natakot sila. 35 May narinig silang tinig mula sa ulap na nagsasabi, “Ito ang aking Anak, na aking pinili. Pakinggan ninyo siya!” 36 Nang tumigil ang tinig, nakita nilang nag-iisa na lang si Jesus. Hindi muna nila sinabi kahit kanino ang mga nasaksihan nila nang mga panahong iyon.

Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(Q)

37 Kinabukasan, pagbaba nila galing sa bundok ay sinalubong si Jesus ng napakaraming tao. 38 May isang lalaki roon sa karamihan na sumisigaw, “Guro, pakitingnan po ninyo ang kaisa-isa kong anak na lalaki! 39 Sinasaniban po siya ng masamang espiritu at bigla na lang siyang sumisigaw, nangingisay at bumubula ang bibig. Sinasaktan siya lagi ng masamang espiritu at halos ayaw siyang iwan. 40 Nakiusap ako sa mga tagasunod ninyo na palayasin nila ang masamang espiritu, pero hindi po nila kaya.” 41 Sumagot si Jesus, “Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya at baluktot ang pag-iisip! Hanggang kailan ba ako magtitiis sa inyo? Dalhin mo rito ang anak mo!” 42 Nang papalapit na ang bata, itinumba siya at pinangisay ng masamang espiritu. Pero pinalayas ni Jesus ang masamang espiritu at pinagaling ang bata, at ibinalik sa ama nito. 43 Namangha ang lahat sa kapangyarihan ng Dios.

Ang Ikalawang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(R)

Habang mangha pa ang lahat sa mga ginawa ni Jesus, sinabi niya sa mga tagasunod niya, 44 “Pakinggan ninyo at tandaan ang sasabihin kong ito: Ako na Anak ng Tao ay ibibigay sa kamay ng mga tao na kumokontra sa akin.” 45 Pero hindi nila naunawaan ang sinasabi niya, dahil inilihim sa kanila ang kahulugan nito. Nag-aalangan naman silang magtanong sa kanya tungkol sa bagay na ito.

Sino ang Pinakadakila?(S)

46 Minsan, nagtalo-talo ang mga tagasunod ni Jesus kung sino sa kanila ang pinakadakila. 47 Alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya kumuha siya ng isang maliit na bata at pinatayo sa tabi niya. 48 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang tumatanggap sa batang tulad nito dahil sa akin ay tumatanggap sa akin. At ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa aking Amang nagsugo sa akin. Sapagkat ang pinakamababa sa inyong lahat ang siyang pinakadakila.”

Kakampi Natin ang Hindi Laban sa Atin(T)

49 Sinabi ni Juan kay Jesus, “Guro, nakakita po kami ng taong nagpapalayas ng masasamang espiritu sa inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan.” 50 Pero sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag nʼyo siyang pagbawalan, dahil ang hindi laban sa atin ay kakampi natin.”

Hindi Tinanggap si Jesus sa Isang Nayon sa Samaria

51 Nang malapit na ang araw para bumalik si Jesus sa langit, nagpasya siyang pumunta sa Jerusalem. 52 Kaya pinauna niya ang ilang tao sa isang nayon ng mga Samaritano para humanap ng matutuluyan. 53 Pero ayaw siyang tanggapin ng mga taga-roon dahil alam nilang papunta siya sa Jerusalem. 54 Nang malaman iyon ng mga tagasunod ni Jesus na sina Santiago at Juan, sinabi nila kay Jesus, “Panginoon, gusto nʼyo po bang humingi kami ng apoy mula sa langit para sunugin sila?” 55 Pero lumingon si Jesus at pinagsabihan sila.[q] 56 At tumuloy na lang sila sa ibang nayon.

Ang mga Nagnais Sumunod kay Jesus(U)

57 Habang naglalakad sila, may isang lalaking nagsabi kay Jesus, “Susunod po ako sa inyo kahit saan.” 58 Pero sinagot siya ni Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat, at may mga pugad ang mga ibon, ngunit ako na Anak ng Tao ay walang sariling tahanan na mapagpahingahan.” 59 Sinabi ni Jesus sa isa, “Sumunod ka sa akin.” Pero sumagot siya, “Panginoon, pauwiin po muna ninyo ako para maipalibing ko ang aking ama.”[r] 60 Pero sinabi sa kanya ni Jesus, “Ipaubaya mo sa mga patay ang paglilibing ng kanilang patay. Pero ikaw, lumakad ka at ipangaral ang tungkol sa paghahari ng Dios.” 61 May isa ring nagsabi kay Jesus, “Susunod po ako sa inyo, Panginoon, pero hayaan nʼyo muna po akong magpaalam sa pamilya ko.” 62 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang sinumang nag-aararo na palaging lumilingon ay hindi kapaki-pakinabang ang paglilingkod sa ilalim ng paghahari ng Dios.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®