Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Read the Gospels in 40 Days

Read through the four Gospels--Matthew, Mark, Luke, and John--in 40 days.
Duration: 40 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Mateo 10-12

Ang Labindalawang Apostol(A)

10 Tinawag ni Jesus ang kanyang 12 tagasunod[a] at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng anumang sakit at karamdaman. Ito ang mga pangalan ng 12 apostol: si Simon (na kung tawagin ay Pedro), na siyang nangunguna sa kanila, si Andres na kanyang kapatid, si Santiago at si Juan na mga anak ni Zebedee, si Felipe, si Bartolome, si Tomas, si Mateo na maniningil ng buwis, si Santiago na anak ni Alfeus, si Tadeus, si Simon na makabayan,[b] at si Judas Iscariote na siyang nagtraydor kay Jesus nang bandang huli.

Sinugo ni Jesus ang Labindalawang Apostol(B)

Sinugo ni Jesus ang 12 tagasunod niya at pinagbilinan, “Huwag kayong pumunta sa mga lugar ng mga hindi Judio o sa alin mang bayan ng mga Samaritano. Sa halip, puntahan ninyo ang mga Israelita na parang mga nawawalang tupa. Ipahayag ninyo sa kanila na malapit na[c] ang paghahari ng Dios. Pagalingin nʼyo ang mga may sakit, buhayin ang mga patay, pagalingin ang mga may malubhang sakit sa balat para maituring silang malinis, at palayasin ang masasamang espiritu. Tinanggap ninyo ang kapangyarihang ito nang walang bayad, kaya ipamahagi rin ninyo nang walang bayad. Huwag kayong magbaon ng pera,[d] 10 o kayaʼy magdala ng bag, damit na pambihis, sandalyas o tungkod. Sapagkat ang manggagawa ay dapat lang na suportahan sa mga pangangailangan niya.

11 “Sa alin mang bayan o nayon na inyong pupuntahan, humanap kayo ng taong malugod kayong tatanggapin sa kanyang bahay,[e] at makituloy kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo. 12 Sa pagpasok ninyo sa tahanang iyon, pagpalain ninyo ang lahat ng nakatira roon. 13 Kung talagang tinatanggap nila kayo, pagpalain ninyo sila. Ngunit kung hindi, huwag nʼyo silang pagpalain. 14 Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang babala laban sa kanila. 15 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin nila kaysa sa mga taga-Sodom at Gomora.”

Mga Pag-uusig na Darating(C)

16 “Tandaan ninyo, tulad kayo ng mga tupang sinugo ko sa mga lobo, kaya maging matalino kayo gaya ng mga ahas, at kasing-amo ng mga kalapati. 17 Mag-ingat kayo sa mga tao, dahil dadakpin nila kayo at dadalhin sa hukuman, at hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sambahan. 18 Iimbestigahan kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Magiging pagkakataon ninyo iyon para magpatotoo sa kanila at sa mga hindi Judio ng tungkol sa akin. 19 At kapag dinala kayo sa hukuman, huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo o kung paano kayo sasagot, dahil ibibigay ng Dios sa inyo sa sandaling iyon ang sasabihin ninyo. 20 Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama. Siya ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.”

21 Sa panahong iyon, may mga taong ipagkakanulo ang kanilang kapatid para patayin. Ganoon din ang mga ama sa kanilang mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga magulang. 22 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ay maliligtas 23 Kapag inuusig kayo sa isang bayan, pumunta kayo sa ibang bayan. Dahil ang totoo, hindi pa man ninyo nalilibot ang lahat ng bayan ng Israel, ako na Anak ng Tao ay babalik na.

24 “Walang mag-aaral na mas higit sa kanyang guro, at walang aliping mas higit sa kanyang amo. 25 Sapat na sa isang mag-aaral na maging katulad ng kanyang guro, at sa alipin na maging katulad ng kanyang amo. Kung akong pinuno ninyo ay tinatawag nilang Satanas,[f] gaano pa kaya kasama ang itatawag nila sa inyong mga tagasunod ko?”

Ang Dapat Katakutan(D)

26 “Kaya huwag kayong matakot sa mga tao. Sapagkat walang natatagong hindi malalantad, at walang lihim na hindi mabubunyag. 27 Ang mga bagay na sa inyo ko lang sinasabi ay sabihin ninyo sa lahat,[g] at ang mga ibinubulong ko sa inyo ay ipamalita ninyo sa mga tao. 28 Huwag kayong matakot sa mga gustong pumatay sa inyo. Ang katawan lang ninyo ang kaya nilang patayin, pero hindi ang inyong kaluluwa. Sa halip, matakot kayo sa Dios, na siyang may kakayahang puksain ang katawan at kaluluwa ninyo sa impyerno. 29 Hindi baʼt napakamura ng halaga ng dalawang maya? Pero wala ni isa man sa kanila ang nahuhulog sa lupa nang hindi ayon sa kagustuhan ng inyong Ama. 30 Mas lalo na kayo, maging ang bilang ng inyong mga buhok ay alam niya. 31 Kaya huwag kayong matakot, dahil mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.”

Ang Pagkilala kay Cristo(E)

32 “Ang sinumang kumikilala sa akin bilang Panginoon sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko rin sa harap ng aking Amang nasa langit. 33 Ngunit ang hindi kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Amang nasa langit.”

Ang Pagkakahati-hati ng Sambahayan Dahil kay Cristo(F)

34 “Huwag ninyong isipin na naparito ako sa lupa upang magkaroon nang maayos na relasyon ang mga tao. Naparito ako upang magkaroon sila ng hidwaan.[h] 35 Dahil sa akin, kokontrahin ng anak na lalaki ang kanyang ama, at kokontrahin ng anak na babae ang kanyang ina. Ganoon din ang gagawin ng manugang na babae sa kanyang biyenang babae. 36 Ang magiging kaaway ng isang tao ay ang sarili niyang sambahayan.[i]

37 “Ang nagmamahal sa kanyang mga magulang ng higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang nagmamahal sa kanyang anak ng higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. 38 Ang sinumang ayaw sumunod sa akin dahil natatakot siyang mamatay para sa akin[j] ay hindi karapat-dapat sa akin. 39 Ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.”

Mga Gantimpala(G)

40 “Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. 41 Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa kanyang pagkapropeta ay makakatanggap ng gantimpalang naaayon para sa isang propeta. At ang tumatanggap sa matuwid na tao dahil sa kanyang pagkamatuwid ay makakatanggap ng gantimpalang naaayon para sa matuwid na tao. 42 At ang sinumang magbibigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa pinakahamak kong tagasunod ay tiyak na makakatanggap ng gantimpala.”

Si Jesus at si Juan na Tagapagbautismo(H)

11 Matapos turuan ni Jesus ang kanyang 12 tagasunod, umalis siya sa lugar na iyon upang magturo at mangaral sa mga karatig lugar.

Nang nasa bilangguan si Juan na tagapagbautismo, narinig niya ang mga ginagawa ni Jesus, kaya inutusan niya ang kanyang mga tagasunod upang tanungin si Jesus, “Kayo na po ba ang inaasahan naming darating o maghihintay pa kami ng iba?” Sumagot si Jesus sa kanila, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin sa kanya ang narinig at nakita ninyo: Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga lumpo, gumagaling ang mga may malubhang sakit sa balat, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinangangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Mapalad ang taong hindi nagdududa[k] sa akin.”

Pagkaalis ng mga tagasunod ni Juan, nagtanong si Jesus sa mga tao, “Noong pumunta kayo kay Juan sa ilang, ano ang inaasahan ninyong makita? Isa bang taong tulad ng talahib na humahapay sa ihip ng hangin? Pumunta ba kayo roon para makita ang isang taong magara ang pananamit? Ang mga taong magara ang pananamit ay sa palasyo ninyo makikita. Pumunta kayo roon para makita ang isang propeta, hindi ba? Totoo, isa nga siyang propeta. At sinasabi ko sa inyo, higit pa siya sa isang propeta. 10 Siya ang binabanggit ng Dios sa Kasulatan, ‘Ipapadala ko ang aking mensahero. Mauuna siya sa iyo upang ihanda ang dadaanan mo.’[l] 11 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang taong isinilang na mas dakila pa kay Juan. Ngunit mas dakila kaysa sa kanya ang pinakahamak sa mga taong kabilang sa kaharian ng Dios. 12 Mula nang mangaral si Juan hanggang ngayon, nagpupumilit ang mga tao na mapabilang sa kaharian ng Dios.[m] 13 Sapagkat bago pa dumating si Juan, ipinahayag na ng lahat ng propeta at ng Kautusan ni Moises ang tungkol sa paghahari ng Dios. 14 At kung naniniwala kayo sa mga pahayag nila, si Juan na nga ang Elias na inaasahan ninyong darating. 15 Kayong mga nakikinig, dapat ninyo itong pag-isipan!”[n]

16 “Sa anong bagay ko maihahambing ang henerasyong ito? Katulad sila ng mga batang nakaupo sa plasa na sinasabi sa kanilang kalaro, 17 ‘Tinugtugan namin kayo ng tugtuging pangkasal,[o] pero hindi kayo sumayaw! Umawit kami ng awit para sa patay, pero hindi kayo umiyak!’ 18 Katulad nga nila ang mga tao ngayon, dahil nang dumating dito si Juan, nakita nilang nag-aayuno siya at hindi umiinom ng alak, kaya sinabi nila, ‘Sinasaniban siya ng masamang espiritu.’ 19 At nang dumating naman ako, na Anak ng Tao, nakita nilang kumakain ako at umiinom, at sinabi naman nila, ‘Ang taong iyan ay matakaw at lasenggo, at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng iba pang makasalanan.’ Ganoon pa man, ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Dios ay sumasang-ayon na tama ang ipinapagawa ng Dios sa amin.”[p]

Babala sa mga Bayang Hindi Nagsisisi(I)

20 Pagkatapos, tinuligsa ni Jesus ang mga bayang nakasaksi ng maraming himala na kanyang ginawa, dahil hindi sila nagsisi sa kanilang mga kasalanan. 21 Sinabi niya, “Nakakaawa kayong mga taga-Corazin! Nakakaawa rin kayong mga taga-Betsaida! Sapagkat kung sa Tyre at Sidon naganap ang mga himalang ginawa ko sa inyo, matagal na sana silang nagsuot ng sako at naglagay ng abo sa kanilang ulo[q] upang ipakita ang kanilang pagsisisi. 22 Kaya tandaan ninyo na sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin ninyo kaysa sa mga taga-Tyre at taga-Sidon. 23 At kayo namang mga taga-Capernaum, baka akala ninyoʼy papupurihan kayo kahit doon sa langit. Hindi! Ibabagsak kayo sa impyerno![r] Sapagkat kung sa Sodom nangyari ang mga himalang ginawa sa inyo, nananatili pa sana ang lugar na iyon hanggang ngayon. 24 Kaya tandaan ninyo na sa Araw ng Paghuhukom, mas mabigat na parusa ang tatanggapin ninyo kaysa sa mga taga-Sodom.”

May Kapahingahan kay Jesus(J)

25 Nang oras ding iyon, sinabi ni Jesus, “Pinupuri kita Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil inilihim mo ang mga katotohanang ito sa mga taong ang akala sa sarili ay marurunong at matatalino, pero inihayag mo sa mga taong tulad ng bata na kaunti lang ang nalalaman. 26 Oo, Ama, pinupuri kita dahil iyon ang kalooban mo.”

27 Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao, “Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga taong nais ng Anak na makakilala sa Ama.

28 “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatan sa inyong pasanin, at bibigyan ko kayo ng kapahingahan. 29 Sundin ninyo ang mga utos ko at matuto kayo sa akin, dahil mabait ako at mababang-loob. Makakapagpahinga kayo, 30 dahil madaling sundin ang aking mga utos, at magaan ang aking mga ipinapagawa.”

Ang Tanong Tungkol sa Araw ng Pamamahinga(K)

12 Isang Araw ng Pamamahinga, dumaan sina Jesus sa triguhan. Nagugutom noon ang kanyang mga tagasunod kaya nanguha ang mga ito ng uhay ng trigo at kinain ang mga butil. Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Jesus, “Tingnan mo ang mga tagasunod mo! Ginagawa nila ang ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga.” Sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang ginawa ni David nang magutom siya at ang mga kasamahan niya? Pumasok siya sa bahay ng Dios at kinain nila ng mga kasama niya ang tinapay na inihandog sa Dios, kahit na ayon sa Kautusan, ang mga pari lang ang may karapatang kumain nito. At hindi rin ba ninyo nabasa sa Kautusan na ang mga pari ay nagtatrabaho sa templo kahit sa Araw ng Pamamahinga? Isa itong paglabag sa tuntunin ng Araw ng Pamamahinga, pero hindi sila nagkasala. Tandaan ninyo: may naririto ngayon na mas dakila pa kaysa sa templo. 7-8 Sapagkat ako na Anak ng Tao ang siyang makapagsasabi kung ano ang dapat gawin sa Araw ng Pamamahinga. Kung alam lang sana ninyo ang ibig sabihin ng sinabi ng Dios sa Kasulatan: ‘Hindi ang handog ninyo ang hinahangad ko kundi ang maging maawain kayo,’[s] hindi sana ninyo hinatulan ang mga taong walang kasalanan.”

Ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay(L)

Mula sa lugar na iyon, pumunta si Jesus sa sambahan ng mga Judio. 10 May lalaki roon na paralisado ang isang kamay. Naroroon din ang mga Pariseo na naghahanap ng maipaparatang kay Jesus, kaya tinanong nila si Jesus, “Ipinapahintulot ba ng Kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga?” 11 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung mahulog ang tupa ninyo sa isang balon sa Araw ng Pamamahinga, pababayaan na lang ba ninyo? Siyempre, iaahon ninyo, hindi ba? 12 Ngunit mas mahalaga ang tao kaysa sa tupa! Kaya ipinapahintulot ng Kautusan ang paggawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga.” 13 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa lalaking paralisado ang kamay, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at gumaling ito. 14 Lumabas naman ang mga Pariseo at nagplano kung paano nila ipapapatay si Jesus.

Ang Piniling Lingkod ng Dios

15 Nang malaman ni Jesus ang plano ng mga Pariseo, umalis siya roon. Marami ang sumunod sa kanya, at pinagaling niya ang lahat ng may sakit. 16 Pero pinagbilinan niya silang huwag ipaalam sa iba kung sino siya. 17 Katuparan ito ng sinabi ng Dios sa pamamagitan ni Propeta Isaias:

18 “Narito ang pinili kong lingkod.
    Minamahal ko siya at kinalulugdan.
    Ibibigay ko sa kanya ang aking Espiritu,
    at ipapahayag niya ang katarungan sa mga bansa.
19 Hindi siya makikipagtalo o mambubulyaw,
    at hindi maririnig ang kanyang tinig sa daan.
20 Hindi niya ipapahamak ang mahihina ang pananampalataya
    o pababayaan ang mga nawawalan ng pag-asa.[t]
    Hindi siya titigil hanggaʼt hindi niya napapairal ang katarungan.
21 At ang mga tao sa lahat ng bansa ay mananalig sa kanya.”[u]

Si Jesus at si Satanas(M)

22 May dinala ang mga tao kay Jesus na isang lalaking bulag at pipi na sinasaniban ng masamang espiritu. Pinagaling siya ni Jesus, agad siyang nakakita at nakapagsalita. 23 Namangha ang lahat at sinabi, “Ito na nga kaya ang Anak ni David?”[v] 24 Pero nang marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Si Satanas[w] na pinuno ng masasamang espiritu ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu!” 25 Alam ni Jesus ang iniisip nila, kaya sinabi niya sa kanila, “Kung ang mga mamamayan ng isang kaharian ay nagkakahati-hati at nag-aaway-away, mawawasak ang kahariang iyon. Ganito rin ang mangyayari sa isang lungsod o tahanan na ang mga nakatira ay nag-aaway-away. 26 Kaya kung si Satanas mismo ang nagpapalayas sa kanyang mga kampon, nagpapakita lang ito na nagkakahati-hati sila at nag-aaway-away. Kung ganoon, paano mananatili ang kanyang kaharian? 27 At kung si Satanas nga ang nagbigay sa akin ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, sino naman ang nagbigay ng kapangyarihan sa mga tagasunod ninyo na nagpapalayas din ng masasamang espiritu? Sila na rin ang nagpapatunay na mali kayo. 28 Ngayon, kung nagpapalayas ako ng masasamang espiritu sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios, nangangahulugan ito na dumating na sa inyo ang paghahari ng Dios.

29 “Hindi maaaring pasukin ng magnanakaw ang bahay ng malakas na tao kung hindi muna niya ito gagapusin. Ngunit kapag naigapos na niya, maaari na niyang nakawan ang bahay nito.[x]

30 “Ang hindi kampi sa akin ay laban sa akin, at ang hindi tumutulong sa aking pagtitipon ay nagkakalat. 31 Sinasabi ko sa inyo na ang lahat ng kasalanan, pati na ang paglapastangan sa Dios ay mapapatawad, ngunit ang paglapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad. 32 Ang sinumang magsalita ng masama laban sa akin na Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang sinumang magsalita ng masama laban sa Banal na Espiritu ay hindi mapapatawad kailanman.”

Nakikilala ang Puno sa Bunga Nito(N)

33 “Nakikilala ang puno sa bunga nito. Kung mabuti ang puno, mabuti rin ang bunga nito. Kung masama ang puno, masama rin ang bunga nito. 34 Mga lahi kayo ng ahas! Paano kayo makakapagsalita ng mabuti gayong masasama kayo? Sapagkat kung ano ang laman ng puso ng isang tao, ito ang lumalabas sa kanyang bibig. 35 Ang mabuting tao ay nagsasalita ng mabuti, dahil puno ng kabutihan ang kanyang puso. Pero ang masamang tao ay nagsasalita ng masama, dahil puno ng kasamaan ang kanyang puso. 36 Tinitiyak ko sa inyo na sa Araw ng Paghuhukom, mananagot ang bawat isa sa mga walang kwentang salitang binitiwan niya. 37 Sapagkat ibabatay sa mga salita mo kung paparusahan ka o hindi.”

Humingi ng Himala ang mga Tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo(O)

38 May ilang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na nagsabi kay Jesus, “Guro, pakitaan nʼyo kami ng isang himalang magpapatunay na sugo nga kayo ng Dios.” 39 Sumagot si Jesus, “Kayong henerasyon ng masasama at hindi tapat sa Dios! Humihingi kayo ng himala, pero walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang katulad ng nangyari kay Propeta Jonas. 40 Kung paanong nasa tiyan ng dambuhalang isda si Jonas sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi, ganoon din naman ang mangyayari sa akin na Anak ng Tao. Tatlong araw at tatlong gabi rin ako sa ilalim ng lupa. 41 Sa Araw ng Paghuhukom, tatayo[y] ang mga taga-Nineve at kokondenahin ang henerasyong ito, dahil nagsisi sila nang mangaral sa kanila si Jonas. At ngayon, narito ang higit pa kay Jonas, na nangangaral sa inyo, pero ayaw nʼyong magsisi. 42 Maging ang Reyna ng Timog ay tatayo rin at kokondenahin ang henerasyong ito. Sapagkat nanggaling pa siya sa napakalayong lugar para makinig sa karunungan ni Solomon. At ngayon, narito ang higit pa kay Solomon, pero ayaw ninyong makinig sa kanya.”

Ang Pagbabalik ng Masamang Espiritu(P)

43 “Kapag lumabas ang masamang espiritu sa tao, gumagala ito sa mga tuyong lugar upang maghanap ng mapagpapahingahan. At kung wala siyang matagpuan, 44 iisipin na lang niyang bumalik sa kanyang pinanggalingan. At kung sa kanyang pagbabalik ay makita niya itong walang naninirahan, malinis at maayos ang lahat, 45 aalis siya at tatawag ng pito pang espiritu na mas masama kaysa sa kanya. Papasok sila sa taong iyon at doon maninirahan. Kaya lalo pang sasama ang kalagayan ng taong iyon kaysa sa dati. Ganyan din ang mangyayari sa masamang henerasyong ito.”

Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus(Q)

46 Habang nagsasalita pa si Jesus sa mga tao, dumating ang ina niya at mga kapatid. Naghihintay sila sa labas at gusto nila siyang makausap. 47 May nagsabi sa kanya, “Nasa labas ang po ang inyong ina at mga kapatid, at gusto kayong makausap.” 48 Sumagot si Jesus, “Sino ang aking ina at mga kapatid?” 49 Itinuro niya ang mga tagasunod niya at sinabi, “Ito ang aking ina at mga kapatid. 50 Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Ama sa langit ang siya kong ina at mga kapatid.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®