Read the Gospels in 40 Days
Si Jesus at ang Kanyang mga Kapatid
7 Pagkatapos nito, nilibot ni Jesus ang Galilea. Iniwasan niyang pumunta sa Judea dahil gusto siyang patayin ng mga pinuno ng mga Judio roon. 2 Nang malapit na ang pista ng mga Judio na tinatawag na Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol,[a] 3 sinabi ng mga kapatid ni Jesus sa kanya, “Bakit hindi ka umalis dito at pumunta sa Judea para makita ng mga tagasunod mo ang mga ginagawa mo? 4 Dahil walang taong gumagawa nang patago kung gusto niyang sumikat. Gumagawa ka na rin lang ng himala, ipakita mo na sa lahat!” 5 (Sinabi ito ng mga kapatid ni Jesus dahil kahit sila ay hindi sumasampalataya sa kanya.) 6 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi pa ngayon ang panahon para sa akin, pero kayo, pwede nʼyong gawin kahit anong oras ang gusto ninyo. 7 Hindi sa inyo napopoot ang mga taong makamundo, ngunit sa akin sila napopoot, dahil inilalantad ko ang kasamaan nila. 8 Kayo na lang ang pumunta sa pista. Hindi ako pupunta dahil hindi pa ito ang panahon ko.” 9 Pagkasabi niya nito, nagpaiwan siya sa Galilea.
Pumunta si Jesus sa Pista
10 Pagkaalis ng mga kapatid ni Jesus papunta sa pista, pumunta rin si Jesus pero palihim. 11 Doon sa pista, hinahanap siya ng mga pinuno ng mga Judio. “Nasaan kaya siya?” tanong nila. 12 Maraming bulung-bulungan ang mga tao tungkol kay Jesus. May nagsasabi, “Mabuti siyang tao.” Sabi naman ng iba, “Hindi, niloloko lang niya ang mga tao.” 13 Pero walang nagsasalita tungkol sa kanya nang hayagan dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio.
14 Nang kalagitnaan na ng pista, pumunta si Jesus sa templo at nangaral. 15 Namangha sa kanya ang mga pinuno ng mga Judio, at sinabi nila, “Paano niya nalaman ang mga bagay na ito, gayong hindi naman siya nakapag-aral?” 16 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi galing sa akin ang mga itinuturo ko, kundi sa nagsugo sa akin. 17 Malalaman ng sinumang gustong sumunod sa kalooban ng Dios kung ang itinuturo koʼy galing nga sa Dios o sa akin lang. 18 Ang nagtuturo nang mula sa sarili niyang karunungan ay naghahangad lang na papurihan siya. Ngunit ang naghahangad na papurihan ang nagsugo sa kanya ay tapat at hindi sinungaling. 19 Hindi baʼt ibinigay sa inyo ni Moises ang Kautusan? Ngunit wala ni isa man sa inyo ang sumusunod sa Kautusan. Dahil kung sinusunod ninyo ang Kautusan, bakit gusto nʼyo akong patayin?” 20 Sumagot ang mga tao, “Sinasaniban ka na siguro ng masamang espiritu! Sino naman ang gustong pumatay sa iyo?” 21 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Nagtaka kayo dahil may pinagaling ako noong Araw ng Pamamahinga. 22 Hindi baʼt ibinigay sa inyo ni Moises ang utos tungkol sa pagtutuli? (Hindi ito nagmula kay Moises kundi sa mga nauna pang mga ninuno). At dahil dito, tinutuli nʼyo ang bata kahit sa Araw ng Pamamahinga. 23 Ngayon, kung tinutuli nʼyo nga ang bata sa Araw ng Pamamahinga para hindi masuway ang utos ni Moises, bakit kayo nagagalit sa akin dahil pinagaling ko ang isang tao sa Araw ng Pamamahinga? 24 Huwag kayong humusga ayon lang sa nakikita ninyo, kundi humusga kayo ayon sa nararapat.”
Nagtanong ang mga Tao kung si Jesus nga ba ang Cristo
25 Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong gustong patayin ng mga pinuno natin? 26 Pero tingnan ninyo, lantaran siyang nangangaral at walang sinasabi ang mga pinuno laban sa kanya. Baka kinikilala na nilang siya ang Cristo? 27 Pero alam natin kung saan siya nanggaling, pero ang Cristo na darating ay walang nakakaalam kung saan siya manggagaling.”
28 Habang nagtuturo si Jesus sa templo, sinabi niya nang malakas, “Totoo bang kilala ninyo ako at kung saan ako nanggaling? Sinasabi ko sa inyo ang totoo, hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan. Ang tunay na Dios ang nagsugo sa akin, pero hindi ninyo siya kilala. 29 Kilala ko siya dahil nanggaling ako sa kanya, at siya ang nagsugo sa akin.” 30 Dahil sa mga sinabing ito ni Jesus, gusto na sana siyang dakpin ng mga pinuno ng mga Judio, pero walang humuli sa kanya dahil hindi pa ito ang oras niya. 31 Sa kabila nito, marami pa rin sa mga tao ang sumampalataya sa kanya. Sinabi nila, “Siya na nga ang Cristo, dahil walang makakahigit sa mga himalang ginagawa niya.”
Inutusan ang mga Guwardya sa Templo na Dakpin si Jesus
32 Narinig ng mga Pariseo ang usap-usapan ng mga tao tungkol kay Jesus. Kaya inutusan nila at ng mga namamahalang pari ang mga guwardya sa templo na dakpin si Jesus. 33 Sinabi ni Jesus, “Sandali nʼyo na lang akong makakasama, at pagkatapos nitoʼy babalik na ako sa nagsugo sa akin. 34 Hahanapin nʼyo ako, pero hindi nʼyo makikita, dahil hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.” 35 Nagtanungan ang mga pinuno ng mga Judio, “Saan kaya niya balak pumunta at hindi na raw natin siya makikita? Pupunta kaya siya sa mga lugar ng mga Griego, kung saan nagsipangalat ang mga kapwa natin Judio, para mangaral sa mga Griego? 36 Bakit kaya niya sinabing, ‘Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita, dahil hindi kayo makakapunta sa aking pupuntahan’?”
Ang Tubig na Nagbibigay-buhay
37 Nang dumating ang huli at pinakamahalagang araw ng pista, tumayo si Jesus at sinabi nang malakas, “Ang sinumang nauuhaw ay lumapit sa akin at uminom. 38 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan na dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay mula sa puso ng sumasampalataya sa akin.” 39 (Ang tubig na tinutukoy ni Jesus ay ang Banal na Espiritu na malapit nang tanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya. Hindi pa naipagkakaloob ang Banal na Espiritu nang panahong iyon dahil hindi pa nakabalik sa langit si Jesus.)
Ang Paniniwala ng mga Tao tungkol kay Jesus
40 Maraming tao ang nakarinig sa sinabing iyon ni Jesus, at sinabi ng ilan sa kanila, “Siya na nga ang Propeta na hinihintay natin!” 41 Sinabi naman ng iba, “Siya na nga ang Cristo!” Pero may nagsabi rin, “Hindi siya ang Cristo, dahil hindi maaaring manggaling ang Cristo sa Galilea. 42 Hindi baʼt sinasabi sa Kasulatan na ang Cristo ay manggagaling sa lahi ni Haring David, at ipapanganak sa Betlehem na bayan ni David?” 43 Kaya iba-iba ang paniniwala ng mga tao tungkol kay Jesus. 44 Gusto ng ilan na dakpin siya, pero walang humuli sa kanya.
Ayaw Maniwala ng mga Pinuno ng mga Judio kay Jesus
45 Bumalik ang mga guwardya ng templo sa mga namamahalang pari at mga Pariseo na nag-utos sa kanila na dakpin si Jesus. Tinanong sila ng mga ito, “Bakit hindi ninyo siya dinala rito?” 46 Sumagot sila, “Ngayon lang po kami nakarinig ng katulad niyang magsalita.” 47 Sinabi ng mga Pariseo, “Kung ganoon, pati kayo ay naloko na rin ng taong iyon? 48 May nakita na ba kayong mga pinuno o mga Pariseong sumasampalataya sa kanya? 49 Wala! Mga tao lang na walang alam sa Kautusan ni Moises ang sumasampalataya sa kanya. Sumpain sila ng Dios!” 50 Isa sa mga Pariseong naroon ay si Nicodemus, na minsang dumalaw kay Jesus. Sinabi niya sa mga kasamahan niya, 51 “Hindi baʼt labag sa Kautusan natin na hatulan ang isang tao hanggaʼt hindi siya nalilitis at inaalam kung ano ang ginawa niya?” 52 Sumagot sila kay Nicodemus, “Taga-Galilea ka rin ba? Magsaliksik ka sa Kasulatan at makikita mong walang propetang nanggagaling sa Galilea.” 53 [Pagkatapos nito, nag-uwian na silang lahat.]
Ang Babaeng Nahuli sa Pangangalunya
[8 Si Jesus naman ay pumunta sa bundok ng mga Olibo. 2 Kinabukasan, maaga pa ay bumalik na si Jesus sa templo. Maraming tao ang lumapit sa kanya, kaya umupo siya at nangaral sa kanila. 3 Dumating ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na may dalang babae na nahuli sa pangangalunya. Pinatayo nila ang babae sa harap ng mga tao, 4 at sinabi nila kay Jesus, “Guro, ang babaeng itoʼy nahuli sa pangangalunya. 5 Ayon sa Kautusan ni Moises, ang mga babaeng tulad niyaʼy dapat batuhin hanggang sa mamatay. Anong masasabi mo?” 6 Itinanong nila ito upang hanapan ng maipaparatang laban sa kanya. Pero yumuko lang si Jesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. 7 Pero paulit-ulit silang nagtanong, kaya tumayo[b] si Jesus at sinabi sa kanila, “Kung sino sa inyo ang walang kasalanan ay siya ang maunang bumato sa kanya.” 8 At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa.
9 Nang marinig nila iyon, isa-isa silang umalis mula sa pinakamatanda, hanggang si Jesus na lang at ang babae ang naiwan. 10 Tumayo si Jesus at sinabi sa babae, “Babae, nasaan na sila? May humatol ba sa iyo?” 11 Sumagot ang babae, “Wala po.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hindi rin kita hahatulan. Maaari ka nang umalis, pero huwag ka na muling magkasala.”]
Si Jesus ang Ilaw ng Mundo
12 Muling nagsalita si Jesus sa mga tao, “Ako ang ilaw ng mundo. Ang sumusunod sa akin ay hindi na mamumuhay sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw na nagbibigay-buhay.” 13 Nang marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Ikaw lang naman ang nagpapatotoo tungkol sa sarili mo, kaya hindi ka paniniwalaan.” 14 Sumagot si Jesus, “Kahit na nagpapatotoo ako tungkol sa aking sarili, ang sinasabi ko ay totoo, dahil alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. Ngunit kayo, hindi ninyo alam kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. 15 Humahatol kayo ayon sa pamamaraan ng tao, pero ako ay hindi humahatol kaninuman. 16 Kung hahatol man ako ay tama ang hatol ko, dahil hindi ako humahatol nang mag-isa kundi ako at ang Amang nagsugo sa akin. 17 Hindi baʼt nakasulat sa Kautusan ninyo na kapag tugma ang patotoo ng dalawang saksi, nangangahulugang totoo ang kanilang sinasabi? 18 Nagpapatotoo ako tungkol sa aking sarili, at ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin.” 19 Nagtanong ang mga Pariseo, “Nasaan ba ang iyong Ama?” Sumagot si Jesus, “Hindi nʼyo ako kilala o ang aking Ama. Kung kilala sana nʼyo ako, makikilala nʼyo rin ang aking Ama.”
20 Ang mga itoʼy sinabi ni Jesus nang nangangaral siya sa templo, malapit sa lalagyan ng mga kaloob. Pero walang nagtangkang dumakip sa kanya dahil hindi pa dumarating ang oras niya.
Si Jesus ay Hindi Taga-mundo
21 Muling nagsalita si Jesus sa mga pinuno ng mga Judio, “Aalis ako at hahanapin nʼyo ako, ngunit mamamatay kayo na hindi pa napapatawad ang mga kasalanan ninyo. At hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.” 22 Kaya nag-usap-usap ang mga pinuno ng mga Judio, “Magpapakamatay kaya siya? Ano ang ibig niyang sabihin na hindi tayo makakapunta sa pupuntahan niya?” 23 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayoʼy makamundo at akoʼy makalangit. 24 Kaya sinasabi kong mamamatay kayo na hindi pa napapatawad ang mga kasalanan ninyo. Sapagkat kung hindi kayo maniniwala na ako ang Cristo, tiyak na mamamatay kayo na hindi pa napapatawad ang mga kasalanan ninyo.” 25 “Bakit, sino ka ba talaga?” tanong nila. Sumagot si Jesus, “Hindi baʼt noong una pa ay sinabi ko na sa inyo kung sino ako? 26 Marami akong masasabi at maihahatol laban sa inyo. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, wala akong ipinapahayag sa mga tao sa mundo maliban sa mga ipinapasabi ng nagsugo sa akin. At mapagkakatiwalaan ang mga sinasabi niya.”
27 Hindi nila naintindihan na nagsasalita si Jesus tungkol sa Ama. 28 Kaya sinabi ni Jesus, “Kapag itinaas na ninyo[c] ako na Anak ng Tao, malalaman ninyo na ako nga ang Cristo. At malalaman din ninyo na ang lahat ng bagay na ginagawa at sinasabi ko ay ayon sa itinuro sa akin ng aking Ama. 29 Lagi kong kasama ang nagsugo sa akin, at hindi niya ako pababayaang mag-isa, dahil lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugod-lugod sa kanya.” 30 Nang marinig ng mga tao ang mga sinabi ni Jesus, marami sa kanila ang sumampalataya sa kanya.
Ang Katotohanang Nagpapalaya sa Tao
31 Sinabi ni Jesus sa mga Judiong sumampalataya sa kanya, “Kung patuloy kayong susunod sa aral ko, totoo ngang mga tagasunod ko kayo. 32 Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” 33 Sumagot sila kay Jesus, “Nagmula kami sa lahi ni Abraham, at kailanmaʼy hindi kami naging alipin ng kahit sino. Bakit sinabi mong palalayain kami?” 34 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang nagkakasala ay alipin ng kasalanan. 35 Ang alipin ay hindi namamalagi sa isang pamilya sa habang panahon, ngunit ang anak ay namamalagi magpakailanman. 36 Kaya kung ang Anak ng Dios ang magpapalaya sa inyo, talagang magiging malaya kayo. 37 Alam kong galing kayo sa lahi ni Abraham, pero tinatangka ninyo akong patayin dahil ayaw ninyong tanggapin ang mga itinuturo ko. 38 Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na nakita ko sa aking Ama, ngunit ginagawa naman ninyo ang narinig ninyo sa inyong ama.”
39 Sinabi ng mga tao, “Si Abraham ang aming ama!” Sumagot si Jesus, “Kung totoong mga anak kayo ni Abraham, tinutularan sana ninyo ang mabubuting gawa niya. 40 Ngunit tinatangka ninyo akong patayin, kahit sinasabi ko lang sa inyo ang mga katotohanang narinig ko mula sa Dios. Hindi ginawa ni Abraham ang mga ginagawa ninyo. 41 Ang mga ginagawa nʼyo ay katulad ng ginagawa ng inyong ama.” Sumagot sila kay Jesus, “Hindi kami mga anak sa labas.[d] Ang Dios ang aming Ama.” 42 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ang Dios nga ang inyong Ama, mamahalin sana ninyo ako, dahil nanggaling ako sa Dios. Hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan, kundi sinugo ako ng Dios. 43 Hindi nʼyo maintindihan ang sinasabi ko dahil hindi nʼyo matanggap ang aral ko. 44 Ang diyablo ang inyong ama. At kung ano ang gusto niya, iyon ang ginagawa ninyo. Siyaʼy mamamatay-tao mula pa sa simula, at ayaw niya ng katotohanan dahil walang katotohanan sa kanya. Likas sa kanya ang pagsisinungaling dahil sinungaling siya, at siya ang pinagmumulan ng lahat ng kasinungalingan. 45 Ngunit ako, pawang katotohanan ang mga sinasabi ko, at ito ang dahilan kung bakit ayaw ninyong maniwala. 46 Sino sa inyo ang makakapagsabi na nakagawa ako ng kasalanan? Wala! Bakit ayaw nʼyo akong paniwalaan kung katotohanan ang sinasabi ko? 47 Ang mga anak ng Dios ay nakikinig sa salita ng Dios. Ngunit hindi kayo mga anak ng Dios kaya hindi kayo nakikinig.”
Si Jesus at si Abraham
48 Sinabi ng mga Judio kay Jesus, “Tama nga ang sinabi naming isa kang Samaritano at sinasaniban ng masamang espiritu.” 49 Sumagot si Jesus, “Hindi ako sinasaniban ng masamang espiritu. Pinararangalan ko lang ang aking Ama, ngunit ipinapahiya ninyo ako. 50 Hindi ko hinahangad ang sarili kong karangalan. Ang Ama ang naghahangad na parangalan ako ng mga tao, at siya ang makapagpapasya na tama ang mga sinasabi ko. 51 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang sumusunod sa mga aral ko ay hindi mamamatay.” 52 Sinabi ng mga pinuno ng mga Judio, “Sigurado na kami na sinasaniban ka nga ng demonyo. Si Abraham ay namatay at ganoon din ang mga propeta, pero sinasabi mong hindi mamamatay ang sinumang sumusunod sa aral mo. 53 Mas dakila ka pa ba sa ama naming si Abraham? Kahit siya at ang mga propeta ay namatay! Sino ka ba sa akala mo?” 54 Sumagot si Jesus, “Kung ako lang ang magpaparangal sa sarili ko, wala itong saysay. Ngunit ang Ama, na sinasabi nʼyong Dios ninyo, ang siyang magpaparangal sa akin. 55 Hindi nʼyo siya kilala. Ngunit ako, kilala ko siya. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, magiging sinungaling akong tulad ninyo. Ngunit kilala ko talaga siya at tinutupad ko ang kanyang salita. 56 Natuwa ang ama ninyong si Abraham nang malaman niyang makikita niya ang aking kapanahunan. Nakita nga niya ito, at natuwa siya.” 57 Sinabi ng mga pinuno ng mga Judio sa kanya, “Wala ka pang 50 taon, paano mo nasabing nakita mo na si Abraham?” 58 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, bago pa ipanganak si Abraham, nariyan na ako.” 59 Dahil dito, pumulot ng mga bato ang mga tao upang batuhin siya. Pero nakapagtago[e] si Jesus at umalis sa templo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®