Chronological
Ang Karunungan ni Solomon(A)
3 Naging kakampi ni Solomon ang Faraon, hari ng Egipto, nang kanyang pakasalan ang anak nito. Itinira niya ang prinsesa sa lunsod ni David habang hindi pa tapos ang kanyang palasyo, ang bahay ni Yahweh at ang pader ng Jerusalem. 2 Ngunit ang mga taong-bayan ay patuloy pang nag-aalay ng kanilang mga handog sa Diyos sa mga sagradong burol, sapagkat wala pa noong naitatayong bahay sambahan para kay Yahweh. 3 Mahal ni Solomon si Yahweh, at sinusunod niya ang mga tagubilin ng kanyang amang si David. Subalit nag-aalay din siya ng handog at nagsusunog ng insenso sa mga altar sa burol.
4 Minsan,(B) pumunta si Solomon sa Gibeon upang maghandog, sapagkat iyon ang pinakatanyag na sagradong burol. Nakapag-alay na siya roon ng daan-daang handog na sinusunog. 5 Kinagabihan, samantalang siya'y naroon pa sa Gibeon, nagpakita sa kanya si Yahweh sa isang panaginip at tinanong siya, “Ano ang gusto mong ibigay ko sa iyo? Sabihin mo!” wika sa kanya.
6 Sumagot si Solomon, “Kinahabagan ninyo at tunay na minahal ang aking amang si David dahil naging tapat at matuwid siya sa inyo at naging malinis ang kanyang puso. At ipinagpatuloy ninyo ang inyong tapat na pagmamahal sa kanya nang bigyan ninyo siya ng isang anak na ngayo'y nakaupo sa kanyang trono. 7 Yahweh, aking Diyos, ginawa mo akong hari bilang kahalili ng aking amang si David, kahit ako'y bata pa't walang karanasan. 8 Ngayo'y nasa kalagitnaan ako ng iyong bayang pinili, bayang hindi na mabilang sa dami. 9 Bigyan po ninyo ako ng karunungang kailangan ko sa pamamahala at kakayahang kumilala ng mabuti sa masama. Sapagkat sino po ba ang may kakayahang maghari sa napakalaking bayang ito?”
10 Dahil ito ang hiniling ni Solomon, nalugod sa kanya si Yahweh 11 at sinabi sa kanya, “Dahil hindi ka humiling para sa iyong sarili ng mahabang buhay, o kayamanan, o kamatayan ng iyong mga kaaway, kundi ang hiniling mo'y karunungang kumilala ng mabuti sa masama, 12 ibibigay ko sa iyo ang hiniling mo. Bibigyan kita ng karunungan na walang kapantay, maging sa mga nauna o sa mga susunod pa sa iyo. 13 Ibibigay ko rin sa iyo ang mga bagay na hindi mo hiningi: kayamanan at karangalang hindi mapapantayan ng sinumang hari sa buong buhay mo. 14 At kung mamumuhay ka ayon sa aking kalooban, kung susundin mo ang aking mga batas at mga utos, tulad ng ginawa ng iyong amang si David, pagkakalooban pa kita ng mahabang buhay.”
15 Nagising si Solomon at noon niya nalaman na siya'y kinausap ni Yahweh sa panaginip. Pagbalik niya sa Jerusalem, pumunta siya sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh, at nag-alay ng mga handog na susunugin at mga handog para sa kapayapaan. Naghanda rin siya ng isang salu-salo para sa kanyang mga tauhan.
Ang Hatol ni Solomon
16 Isang araw, nagpunta sa hari ang dalawang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw. 17 Ang sabi ng isa, “Mahal na hari, kami po ng babaing ito ay nakatira sa iisang bahay. Nanganak po ako habang siya'y naroon. 18 Pagkalipas ng tatlong araw nanganak din ang babaing ito. Wala po kaming ibang kasama roon. 19 Isang gabi ay nadaganan po niya ang kanyang anak at ito'y namatay. 20 Malalim na ang gabi nang siya'y bumangon at habang ako nama'y natutulog. Kinuha niya sa tabi ko ang aking anak at dinala sa kanyang higaan, at inilagay naman sa tabi ko ang kanyang patay na anak. 21 Kinaumagahan, bumangon po ako upang pasusuhin ang aking anak, ngunit natagpuan ko na lang na ito'y patay na. Subalit nang pagmasdan ko pong mabuti, nakilala kong hindi iyon ang aking anak.”
22 Tumutol naman ang pangalawa at ang sabi, “Hindi totoo 'yan! Anak ko ang buháy at ang sa iyo'y patay.”
Lalo namang iginiit ng una, “Hindi totoo 'yan! Anak mo ang patay at akin ang buháy!”
At ganito ang kanilang pagtatalo sa harapan ng hari.
23 Kaya't sinabi ni Solomon sa isa, “Sinasabi mong iyo ang buháy na bata at kanya ang patay;” at sa ikalawa, “Ang sabi mo nama'y iyo ang buháy at kanya ang patay.” 24 Kaya nagpakuha ang hari ng isang tabak. At dinala nga sa kanya ang isang tabak. 25 Sinabi ng hari, “Hatiin ang batang buháy at ibigay ang kalahati sa bawat isa.”
26 Nabagbag ang puso ng tunay na ina ng batang buháy at napasigaw: “Huwag po, Kamahalan! Ibigay na po ninyo sa kanya ang bata, huwag lamang ninyong patayin.”
Sabi naman noong isa, “Sige, hatiin ninyo ang bata upang walang makinabang kahit sino sa amin!”
27 Kaya't sinabi ni Solomon, “Huwag ninyong patayin ang bata. Ibigay ninyo sa una; siya ang tunay niyang ina.”
28 Napabalita sa buong Israel ang hatol na iginawad ng hari at ang lahat ay nagkaroon ng paggalang at takot sa kanya. Nabatid nilang taglay niya ang karunungan ng Diyos upang humatol nang makatarungan.
Ang mga Opisyal ni Solomon
4 Ito ang matataas na opisyal ni Solomon nang siya'y hari ng buong Israel:
Pari: Azariah na anak ni Zadok
Kalihim ng Pamahalaan:
Elihoref at Ahias na mga anak ni Sisa
Tagapag-ingat ng mga Kasulatan:
Jehoshafat na anak ni Ahilud
Pinakamataas na pinuno ng hukbo:
Benaias na anak ni Joiada
Mga Pari: Zadok at Abiatar
Tagapamahala sa mga punong-lalawigan:
Azarias na anak ni Natan
Tagapayo ng Hari:
Ang paring si Zabud na anak ni Natan
Katiwala sa palasyo: Ahisar
Tagapangasiwa sa sapilitang paggawa:
Adoniram na anak ni Abda
7 Naglagay din si Solomon ng labindalawang punong-lalawigan. Bawat buwan, isa sa kanila ang nag-iipon at nagpapadala ng pagkain para sa hari at kanyang sambahayan. 8 Ito ang kanilang mga pangalan: si Benhur, sa kabundukan ng Efraim; 9 si Ben-dequer ang sa Macaz, Saalbim, Beth-semes, at Elon-behanan; 10 si Ben-hessed, sa Arubot; sa kanya rin ang Socoh at ang buong lupain ng Hefer. 11 Sa kataasan ng Dor, si Ben-abinadab, na manugang ni Solomon—asawa ni Tafath. 12 Si Baana, anak ni Ahilud, ang sa Taanac at Megido, kabila ng Jokneam. Sakop din niya ang buong Beth-sean sa ibaba ng Jezreel, buhat sa Beth-sean hanggang sa Abel-mehola na nasa tabi ng Zaretan. 13 Si Ben-geber ang sa Ramot-galaad. Kanya ang mga kampo ni Jair na anak ni Manases sa lupain ng Gilead. Kanya rin ang sakop ng Argob sa lupain ng Bashan—animnapung lunsod na napapaligiran ng pader at may kandadong tanso sa mga tarangkahan. 14 Sa Mahanaim naman ay si Ahinadab na anak ni Iddo, 15 at si Ahimaaz, asawa ni Basemat na anak ni Solomon ang sa Neftali. 16 Si Baana na anak ni Husai ang sa Asher at sa Alot, 17 at si Jehoshafat na anak ni Parua ang sa Isacar. 18 Sa Benjamin ay si Simei na anak ni Ela, 19 samantalang si Geber na anak ni Uri ay inilagay niya sa Gilead, sa lupain ni Sihon, hari ng mga Amoreo, at ni Og, hari ng Bashan.
At mayroon pang isang pinuno sa mga sariling lupain ng hari.
Ang Kayamanan at Karunungan ni Solomon
20 Parang buhangin sa tabing-dagat sa dami ang mga mamamayan sa Juda at Israel. Sagana sila sa pagkain at inumin at masaya silang namumuhay. 21 Napasailalim(C) sa kaharian ni Solomon ang lahat ng kaharian mula sa Ilog Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at hangganan ng Egipto. Nagbabayad sila ng buwis at naglilingkod sa kanya habang siya'y nabubuhay.
22 Ganito karami ang pagkaing nauubos ni Solomon at ng kanyang mga tauhan araw-araw. Harinang mainam, 150 kaban; harinang karaniwan, 300 kaban; 23 ulo ng pinatabang baka, sampu nito ay bakang galing sa pastulan; isandaang tupa, bukod pa ang mga usang malalaki at maliliit, mga usang gubat at mga gansa.
24 Sakop niya ang lahat ng lupain sa kanluran ng Ilog Eufrates buhat sa Tifsa hanggang sa Gaza, at nagpasakop sa kanya ang lahat ng hari sa kanluran ng ilog. Kaya't walang gumagambala sa kanyang kaharian. 25 Habang nabubuhay si Solomon ay mapayapa ang buong Juda at Israel. Mula sa Dan hanggang sa Beer-seba bawat pamilya ay may sariling punong ubas at punong igos.
26 Si(D) Solomon ay may 40,000 kuwadra ng kabayo para sa kanyang mga karwahe, at mayroon rin siyang 12,000 mangangabayo. 27 Ang labindalawang punong-lalawigan ang nagpapadala ng mga pagkain at lahat ng pangangailangan ni Solomon at ng mga tauhang pinapakain niya, bawat isa'y isang buwan. Kailanma'y hindi sila nagkulang. 28 Sila rin ang nagbibigay ng sebada at dayami para sa mga kabayong sasakyan at pangkarwahe; ipinadadala nila iyon kung saan kailangan.
29 Walang kapantay ang katalinuhan at karunungang ipinagkaloob ni Yahweh kay Solomon. Walang katulad ang kanyang kaalaman. 30 Ito ay higit sa karunungan ng lahat ng mga matatalinong tao sa silangan at sa buong Egipto. 31 Mas(E) marunong siya kaysa sinumang tao. Mas marunong siya kay Etan na mula sa angkan ni Ezra, at kina Heman, Calcol, Darda, na mga anak ni Machol. Naging tanyag siya sa lahat ng bansa sa paligid. 32 Siya(F) ang may-akda ng tatlong libong salawikain; kumatha rin siya ng isang libo't limang mga awit. 33 Nakapagpapaliwanag siya tungkol sa lahat ng uri ng halaman: mula sa sedar ng Lebanon hanggang sa hisopong tumutubo sa pader. Naipapaliwanag din niya ang tungkol sa mga hayop na lumalakad o gumagapang sa lupa; gayundin ang tungkol sa mga ibon at mga isda. 34 Dinadayo siya ng mga hari sa buong daigdig upang makinig sa kanyang karunungan. Pinapapunta rin sa kanya ang maraming mga tao upang siya'y mapakinggan.
Binigyan ng Karunungan si Solomon(A)
1 Naging matatag ang paghahari ni Solomon na anak ni David sapagkat pinagpapala siya ng Diyos niyang si Yahweh at pinalakas ang kanyang kapangyarihan. 2 Ipinatawag niya ang mga pinunong namamahala sa libu-libo at sa daan-daan, ang lahat ng may kapangyarihan at ang buong bayan. 3 Isinama niya ang mga ito sa burol ng Gibeon, sa Toldang Tipanan, na ginawa ni Moises noong sila'y nasa ilang. 4 Ngunit(B) wala roon ang Kaban ng Tipan sapagkat ito'y kinuha ni David sa Lunsod ng Jearim at dinala sa Jerusalem, sa toldang itinayo niya roon. 5 Ang(C) nasa Gibeon, sa harap ng tabernakulo ni Yahweh, ay ang altar na tanso na ginawa ni Bezalel, anak ni Uri at apo ni Hur. 6 Pagdating sa Gibeon, nag-alay si Solomon ng sanlibong handog na susunugin sa altar na tanso na nasa loob ng Toldang Tipanan.
7 Kinagabihan, nagpakita ang Diyos kay Solomon at sinabi sa kanya: “Sabihin mo kung ano ang gusto mo, at ibibigay ko sa iyo.”
8 Sumagot si Solomon: “Napakabuti ninyo sa aking amang si David. At ngayo'y ginawa ninyo akong hari kahalili niya. 9 Panginoong(D) Yahweh, natupad sa akin ang pangako ninyo sa kanya. Ginawa ninyo akong hari ng isang lahing sindami ng alabok sa lupa. 10 Kaya ngayon, ang hiling ko'y bigyan ninyo ako ng karunungan at kaalaman upang mapamahalaan ko ang bayang ito. Kung hindi, paano ko pamamahalaan ang malaking bayang ito?”
11 “Mabuti ang hiniling mo,” sagot ng Diyos kay Solomon. “Hindi ka naghangad ng kayamanan o karangalan. Hindi mo hinihiling ang kamatayan ng iyong mga kaaway o pahabain ang iyong buhay. Sa halip, ang hiningi mo'y karunungan at kaalaman sa pamamalakad sa bayang ito na niloob kong pagharian mo. 12 Ipinagkakaloob ko sa iyo ang hinihingi mo. At hindi lamang iyan! Bibigyan pa kita ng kayamanan at karangalan na kailanma'y hindi nakamtan ng mga haring nauna sa iyo, at hindi kakamtan ng mga susunod pa.” 13 Pagkatapos sumamba sa Gibea, bumalik si Solomon sa Jerusalem. At siya'y naghari sa Israel.
Ang Kayamanan at Kapangyarihan ni Solomon(E)
14 Nagtatag(F) si Solomon ng isang hukbong binubuo ng 1,400 karwahe at 12,000 mangangabayo. Ang mga ito'y inilagay niya sa mga bayang himpilan ng mga karwahe at sa Jerusalem upang bantayan ang hari. 15 Sa panahon ng paghahari ni Haring Solomon, ang ginto at pilak sa Jerusalem ay naging pangkaraniwan lamang na parang bato, at ang kahoy na sedar ay naging sindami ng sikamoro sa paanan ng mga burol. 16 Ang(G) mga kabayo niya'y galing pa sa Egipto at sa Cilicia, na binibili ng kanyang mga tagapamili. 17 Bumibili rin siya ng mga karwahe sa Egipto sa halagang 600 pirasong pilak ang isa, at sa 150 pirasong pilak naman ang isang kabayo. Ang mga ito'y ipinagbibili naman niya sa mga hari ng mga Heteo at mga Arameo.
Panalangin para sa Hari
Katha ni Solomon.
72 Turuan mo po ang haring humatol nang makat'wiran,
sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya'y bahaginan;
2 nang matuwid na tuparin tungkulin sa iyong bayan,
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
3 Ang lupain nawa niya'y umunlad at managana;
maghari ang katarungan sa lupain nitong bansa.
4 Maging tapat itong hari sa paghatol sa mahirap,
mga nangangailangan, pag-ukulan ng paglingap;
at ang nang-aapi ay lupigin at ibagsak.
5 Nawa sila ay maglingkod, silang lahat mong hinirang,
hangga't araw sumisikat, hangga't buwa'y sumisilang.
6 Ang hari sana'y matulad sa ulan ng kaparangan;
bumubuhos, dumidilig sa lahat ng nabubuhay.
7 At ang buhay na matuwid sa kanyang kapanahunan,
maghari sa bansa niya't umunlad kailanpaman.
8 Nawa(A) kanyang kaharian ay lubusan ngang lumawak,
mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.
9 Sa harap niya ay susuko mga taong nasa ilang;
isubsob nga sa lupa, lahat ng kanyang kaaway.
10 Mga haring nasa pulo at naroon sa Espanya, maghahandog ng kaloob upang parangalan siya.
Pati rin ang mga hari ng Arabia at Etiopia, may mga kaloob ding ibibigay sa kanya.
11 Ang lahat ng mga hari, gagalang sa harap niya,
mga bansa'y magpupuri't maglilingkod sa tuwina.
12 Kanyang inililigtas ang mga dukhang tumatawag,
lalo na ang nalimutan, mga taong mahihirap;
13 sa ganitong mga tao siya'y lubhang nahahabag;
sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.
14 Inaagaw niya sila sa kamay ng mararahas,
sa kanya ang buhay nila'y mahalagang hindi hamak.
15 Pagpalain itong hari! Siya nawa ay mabuhay!
At magbuhat sa Arabia'y magtamo ng gintong-yaman;
sa tuwina siya nawa'y idalangin nitong bayan,
kalingain nawa ng Diyos, pagpalain habang buhay.
16 Sa lupai'y sumagana nawang lagi ang pagkain;
ang lahat ng kaburulan ay mapuno ng pananim
at matulad sa Lebanon na mauunlad ang lupain.
At ang kanyang mga lunsod, dumami ang mamamayan,
sindami ng mga damong tumubo sa kaparangan.
17 Nawa ang kanyang pangalan ay huwag nang malimutan,
manatiling bantog hangga't sumisikat itong araw.
Nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa, at sa Diyos, silang lahat dumalanging: “Harinawa,
pagpalain kaming lahat, tulad niyang pinagpala.”
18 Si Yahweh, Diyos ng Israel, purihin ng taong madla;
ang kahanga-hangang bagay tanging siya ang may gawa.
19 Ang dakilang ngalan niya ay purihin kailanman,
at siya ay dakilain nitong buong sanlibutan!
Amen! Amen!
20 Ito ang wakas ng mga dalangin ni David, na anak ni Jesse.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.