Chronological
Ang Awit ng Pagtatagumpay ni David(A)
22 Inawit ni David ang awit na ito para kay Yahweh nang araw na iniligtas siya ni Yahweh mula sa kamay ng kanyang mga kaaway at sa kamay ni Saul.
2 “Si Yahweh ang aking tagapagligtas,
matibay na muog na aking sanggalang.
3 Ang Diyos ang bato na aking kanlungan,
aking kalasag at tanging kaligtasan.
Siya ang aking pananggalang,
sa mga marahas ay siya kong tanggulan.
4 Kay Yahweh ako'y tumatawag,
sa mga kaaway ako'y kanyang inililigtas.
Purihin si Yahweh!
5 “Pinapalibutan ako ng alon ng kamatayan,
tinutugis ako nitong agos ng kapahamakan.
6 Daigdig ng mga patay, ako'y pinupuluputan,
patibong ng kamatayan, ang aking dinaraanan.
7 “Sa kagipitan ko, ako ay tumawag,
ang Diyos na si Yahweh ay aking hinanap.
Mula sa templo niya ay kanyang dininig,
ang aking pagsamo at ang aking hibik.
8 “Nayanig ang lupa nang siya'y magalit,
at nauga pati sandigan ng langit.
9 Nagbuga ng usok ang kanyang ilong,
at mula sa bibig, lumabas ang apoy.
10 Hinawi ang langit, bumabâ sa lupa
makapal na ulap ang tuntungang pababa.
11 Sakay ng kerubin mabilis lumipad;
sa bilis ng hangin siya ay naglayag.
12 Nagtago sa likod ng dilim,
naipong tubig, ulap na maitim.
13 At magmula roon gumuhit ang kidlat,
at sa harap niya'y biglang nagliwanag.
14 Nagpakulog si Yahweh mula sa langit,
tinig ng Kataas-taasang Diyos ay narinig.
15 Mga palaso niya'y pinakawalan,
dahil sa kidlat mga kaaway niya'y nagtakbuhan.
16 Sa sigaw ni Yahweh sa mga kaaway,
sa apoy ng galit niyang nag-aalab,
ang tubig sa dagat ay halos maparam,
mga pundasyon ng mundo'y naglitawan.
17 “Mula sa ilalim ng tubig sa dagat,
iniahon ako't kanyang iniligtas.
18 Iniligtas ako sa mga kaaway
na di ko makayang mag-isang labanan.
19 Sa kagipitan ko, ako'y sinalakay,
subalit para sa akin si Yahweh ang lumaban.
20 Sapagkat sa akin siya'y nasiyahan,
iniligtas niya ako sa kapahamakan.
21 “Ginantimpalaan ako ni Yahweh pagkat ako'y nasa katuwiran,
pinagpapala niya ako dahil ako'y walang kasalanan.
22 Sapagkat ang tuntunin ni Yahweh ay aking sinunod,
hindi ako lumihis sa landas ng aking Diyos.
23 Aking sinunod ang buong kautusan,
isa mang utos niya'y hindi ko sinuway.
24 Nalalaman niyang ako'y walang sala,
sa gawang masama'y lumalayo tuwina.
25 Kaya't ginantimpalaan ako ni Yahweh pagkat ako'y nasa katuwiran;
pinagpapala niya ako dahil ako'y walang kasalanan.
26 “Sa mga taong tapat, ikaw rin ay tapat,
sa mga matuwid, matuwid kang ganap.
27 Sa pusong malinis, bukás ka at tapat,
ngunit sa mga baluktot, hatol mo'y marahas.
28 Mga nagpapakumbaba'y iyong inililigtas,
ngunit ang palalo'y iyong ibinabagsak.
29 Ikaw po, O Yahweh, ang aking tanglaw,
pinawi mong lubos ang aking kadiliman.
30 Sa tulong mo'y nalulupig ko ang mga kaaway,
sa pamamagitan mo, Diyos, anumang pader ay nahahakbang.
31 Mga paraan ng Diyos ay walang kapintasan;
pangako ni Yahweh ay sadyang maaasahan.
Sa nagpapakupkop, siya ay kalasag.
32 “Maliban kay Yahweh, may Diyos pa bang iba?
Iisang tanggulan, hindi ba't siya na?
33 Ang Diyos ang aking muog na kanlungan,
ang nag-iingat sa aking daraanan.
34 Tulad(B) ng sa usa, paa ko'y pinatatag,
sa mga bundok iniingatan akong ligtas.
35 Sinanay niya ako sa pakikipagdigma,
matigas na pana kaya kong mahila.
36 “Ako'y iniligtas mo, Yahweh, ng iyong kalinga,
at sa tulong mo ako'y naging dakila.
37 Binigyan mo ako ng pagtataguan,
kaya di mahuli ng mga kalaban.
38 Mga kaaway ko ay aking tinugis,
hanggang sa malipol, di ako nagbalik.
39 Nilipol ko sila at saka sinaksak,
at sa paanan ko sila ay bumagsak!
40 Pinalakas mo ako para sa labanan,
kaya't nagsisuko ang aking kalaban.
41 Mga kaaway ko'y iyong itinaboy,
mga namumuhi sa aki'y pawang nalipol.
42 Humanap sila ng saklolo, ngunit walang matagpuan.
Hindi sila pinansin ni Yahweh nang sila'y nanawagan.
43 Tinapakan ko sila hanggang sa madurog,
pinulbos ko silang parang alikabok;
sa mga lansangan, putik ang inabot.
44 “Sa mga naghimagsik, ako'y iyong iniligtas,
pamamahala sa mga bansa sa aki'y iniatas;
at marami pang ibang sumuko't nabihag.
45 Ang mga dayuhan sa aki'y yumuyukod,
kapag narinig ang tinig ko, sila'y sumusunod.
46 Sa laki ng takot ay naglalabasan
sa kanilang kutang pinagtataguan.
47 “Mabuhay si Yahweh! Purihin ang aking batong tanggulan.
Dakilain ang aking Diyos! Ang bato ng aking kaligtasan.
48 Nilulupig niya ang aking kalaban
at pinapasuko sa aking paanan.
49 Iniligtas ako sa aking kaaway,
ako'y inilayo sa sumasalakay;
sa taong marahas, ipinagsanggalang.
50 “Sa(C) lahat ng bansa ika'y aking pupurihin,
ang karangalan mo'y aking aawitin, ang iyong pangalan, aking sasambahin.
51 Pinagkaloobang magtagumpay lagi, ang abang lingkod mong piniling hari;
di mo kailanman pababayaan ang iyong pinili,
na si Haring David at ang kanyang mga susunod na lahi.”
Mga Huling Pangungusap ni David
23 Ginawang dakila ng Diyos si David, anak ni Jesse. Siya ang lalaking pinili ng Diyos ni Jacob upang maging hari. Siya rin ang may-akda ng magagandang awit para sa Israel. Ito ang kanyang mga huling pangungusap:
2 “Nagsasalita sa pamamagitan ko ang Espiritu[a] ni Yahweh,
ang salita niya'y nasa aking mga labi.
3 Nagsalita ang Diyos ng Israel,
ganito ang sinabi niya sa akin:
‘Ang haring namamahalang may katarungan
at namumunong may pagkatakot sa Diyos,
4 ay tulad ng araw sa pagbukang-liwayway,
parang araw na sumisikat kung umagang walang ulap,
at nagpapakislap sa dahon ng damo pagkalipas ng ulan.’
5 “Gayon pagpapalain ng Diyos ang aking sambahayan,
dahil sa aming tipan na walang katapusan,
kasunduang mananatili magpakailanman.
Siya ang magbibigay sa akin ng tagumpay,
ano pa ang dapat kong hangarin?
6 Ngunit ang mga walang takot sa Diyos ay matutulad sa mga tinik na itinatapon.
Walang mangahas dumampot sa kanila;
7 at upang sila'y ipunin, kailangan ang kasangkapang bakal.
Kapag naipon naman, sila'y tutupukin.”
Mga Magigiting na Kawal ni David(D)
8 Ito ang mga pangalan ng mga magigiting na kawal ni David: ang una'y si Yosev-basevet na taga-Taquemon. Siya ang pinuno ng pangkat na kung tawagi'y “Ang Tatlo.” Sa isang labanan, nakapatay siya ng 800 kalaban sa pamamagitan lamang ng kanyang sibat.
9 Ang pangalawa'y si Eleazar na anak ni Dodo, mula sa lahi ni Ahohi. Siya ang kasama ni David sa Pas-dammim nang sila'y lusubin ng mga Filisteo. Natalo ang mga Israelita, at nagsiatras, 10 liban kay Eleazar. Hinarap niyang mag-isa ang mga Filisteo hanggang sa manigas ang kanyang kamay sa paghawak sa espada. Ngunit pinagtagumpay siya ni Yahweh nang araw na iyon. Pagkatapos ng labanan, saka pa lamang bumalik ang kanyang mga kasamang kawal para samsaman ang mga kaaway na napatay niya.
11 Ang pangatlo ay si Samma na anak ni Age, isang taga-Arar. Sa Lehi ay may isang bukid na may tanim na gisantes. Dumating ang mga Filisteo at doon nagtipon. Natakot ang mga tagaroon at sila'y tumakas. 12 Ngunit dumating si Samma, at tumayo sa gitna ng bukid upang ipagtanggol ito. Napatay niya ang mga Filisteo sa tulong ni Yahweh.
13 Pagsisimula ng anihan, tatlo sa “Magigiting na Tatlumpu” ang nagpunta kay David sa yungib ng Adullam. Nagkakampo noon ang isang pangkat ng mga Filisteo sa Libis ng Refaim. 14 Nang panahong iyon, si David ay nagkukubli sa isang kuta samantalang nagkakampo sa Bethlehem ang mga kawal na Filisteo. 15 Dala ng matinding pananabik, nabigkas ni David ang ganito, “Sana'y makainom ako ng tubig buhat sa balon sa may pintuang-bayan ng Bethlehem!” 16 Nang marinig nila iyon, nangahas silang lumusot sa mga bantay na Filisteo, at kumuha ng tubig sa balong nabanggit. Dinala nila ito kay David, ngunit hindi niya ito ininom. Sa halip, ang tubig ay ibinuhos niya sa lupa bilang handog kay Yahweh. 17 Sinabi niya, “Hindi ko ito kayang inumin, Yahweh! Para ko na ring iinumin ang dugo ng mga nagtaya ng kanilang buhay upang makuha ito.” Minsan pang nakilala ang tapang ng tatlong magigiting na kawal na ito sa ginawa nilang iyon.
18 Ang pinuno ng pangkat na binubuo ng “Tatlumpu” ay si Abisai, kapatid ni Joab na anak naman ni Zeruias. Kinikilala siya ng mga ito sapagkat minsa'y pinuksa niya sa pamamagitan lamang ng sibat ang 300 kaaway. 19 Ito ang dahilan kaya ginawa siyang pinuno ng pangkat, ngunit kahit kinikilala siya sa tatlumpu, hindi pa rin siya kasintanyag ng “Tatlong Magigiting.”
20 Si Benaias na anak ni Joiadang taga-Kabzeel ay isa ring magiting na kawal sa maraming pakikipaglaban. Siya ang pumatay sa dalawang lalaki na ipinagmamalaki ng Moab. Minsan, nang panahong madulas ang lupa dahil sa yelo, lumusong siya sa balon at pinatay ang isang leon na naroon. 21 Siya rin ang pumatay sa isang higanteng Egipcio, kahit ang sandata niya'y isa lamang pamalo. Naagaw niya ang sibat ng Egipcio, at iyon na ang ipinampatay rito. 22 Iyan ang kasaysayan ng bantog na si Benaias, ang labis na hinahangaan at kaanib ng “Tatlumpu.” 23 Sa pangkat na ito, siya ay talagang kinikilala, ngunit hindi pa rin siya kasintanyag ng grupong “Ang Tatlo.” Dahil sa kanyang tapang, ginawa siyang sariling bantay ni David sa kanyang palasyo.
24 Ang iba pang kabilang sa pangkat ng “Tatlumpu” ay si Asahel na kapatid ni Joab; si Elhanan na anak ni Dodo na taga-Bethlehem; 25 si Samma na isang Harodita; si Elica na Harodita rin; 26 si Helez na isang Peleteo; si Ira na anak ni Ekis na taga-Tekoa; 27 si Abiezer na taga-Anatot; si Mebunai na taga-Husa; 28 si Zalmon na taga-Aho; si Maharai na taga-Netofa; 29 si Heleb, anak ni Baana, taga-Netofa rin; si Itai, anak ni Ribai na taga-Gibea sa lupain ng Benjamin; 30 si Benaias na taga-Piraton; si Hidai na buhat sa mga libis ng Gaas; 31 si Abi-albon na taga-Araba; si Azmavet na taga-Bahurim; 32 si Eliaba na taga-Saalbon; si Jasen na taga-Gimzo: 33 si Jonatan, anak ni Samma, taga-Arar; si Ahiam, anak ni Sarar, taga-Arar din; 34 si Elifelet, anak ni Ahasbai, taga-Maaca; si Eliam na anak ni Ahitofel na taga-Gilo; 35 si Hezrai na taga-Carmel; si Paarai na taga-Arab; 36 si Igal na anak ni Natan, taga-Soba; si Bani na mula sa Gad; 37 si Selec na taga-Ammon; si Naharai na taga-Beerot, tagapagdala ng kasuotang pandigma ni Joab na anak ni Zeruias; 38 sina Ira at Jareb na taga-Jatir; 39 at si Urias na Heteo. May tatlumpu't pitong magigiting na kawal si David.
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
Katha(A) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam,[a] nang si David ay tumakas kay Saul sa kuweba.
57 Mahabag ka, O aking Diyos, ikaw sana ay mahabag;
sa iyo ako lumalapit upang ako ay maligtas,
pagkat aking nasumpungan sa lilim ng iyong pakpak,
ligtas ako sa panganib hanggang ito ay lumipas.
2 Yaong aking tinatawag, ang Diyos na Kataas-taasan,
ang Diyos na nagbibigay ng lahat kong kailangan.
3 Magmula sa kalangitan, diringgin ang aking hibik,
ang lahat ng kaaway ko'y lubos niyang magagapi;
ang tapat niyang pagmamahal at matatag na pag-ibig, ihahayag ito ng Diyos, sa aki'y di ikakait. (Selah)[b]
4 Kasama ko'y mga leon, kapiling ko sa paghimlay,
mabangis na mga hayop na sisila sa sinuman;
parang sibat at palaso yaong ngipin nilang taglay,
matulis ang mga dila na animo'y mga sundang.
5 Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan;
dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!
6 Nadarama ng sarili, lagi na lang pagdurusa;
hinuhuli ng kaaway; masilo ako, nais nila,
ngunit sila ang nahulog sa bitag na inihanda. (Selah)[c]
7 Panatag na ako, O Diyos, ako ngayo'y matatag,
purihin ka at awitan, ng awiting masisigla.
8 Gumising ka, kaluluwa, gumising ka't purihin siya!
Gumising ka't tugtugin mo yaong lumang lira't alpa;
tumugtog ka at hintayin ang liwayway ng umaga.
9 Sa gitna ng mga bansa, kita'y pasasalamatan;
Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng iyong bayan.
10 Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
11 Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan;
dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan!
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.