Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Samuel 11-12

Si David at Batsheba

11 Nang(A) sumapit ang tagsibol, panahon na karaniwang nakikipagdigma ang mga hari, pinalabas ni David ang buong hukbo ng Israel. Sa pangunguna ni Joab at ng iba pang mga pinuno, pinuksa nila ang mga Ammonita at kinubkob ang Rabba. Subalit si David ay nagpaiwan sa Jerusalem.

Isang hapon, pagkagising ni David, umakyat siya sa bubungan ng palasyo at naglakad-lakad. Mula roon, may natanaw siyang isang babaing naliligo. Napakaganda ng babae. Ipinagtanong niya kung sino iyon. Sinabi sa kanya na iyo'y si Batsheba, anak ni Eliam at asawa ni Urias na isang Heteo. Ipinakuha niya si Batsheba na noo'y katatapos pa lamang ng kanyang paglilinis ayon sa tuntunin para sa mga babaing nireregla. Sinipingan siya ni David, at pinauwi pagkatapos. Dahil sa nangyaring ito, si Batsheba'y nabuntis, at ipinasabi niya ito kay David.

Inutusan agad ni David si Joab na papuntahin sa kanya si Urias na Heteo. Iyon nga ang ginawa ni Joab. Nang dumating ito, tinanong siya ni David, “Kumusta si Joab at ang hukbo? Ano ang lagay ng labanan?” Sinabi pa niya kay Urias, “Umuwi ka na at sipingan ang iyong asawa sapagkat nanggaling ka pa sa malayong paglalakbay.” Lumakad nga si Urias. Ang hari ay nagpadala pa ng regalo para sa tahanan nito. Ngunit hindi pala ito nagtuloy sa kanila. Sa halip, doon siya natulog sa may tarangkahan ng palasyo, kasama ng mga bantay. 10 Nalaman ito ni David at sinabi niya kay Urias, “Hindi ba't kararating mo lang buhat sa isang mahabang paglalakbay? Bakit hindi ka umuwi?”

11 Sumagot siya, “Ang Kaban ng Tipan at ang mga kawal ng Israel at Juda ay nasa mga tolda lamang, at sa labas naman natutulog ang aking pinunong si Joab at ang inyong mga punong-kawal. Sa ganitong kalagayan, hindi po maaatim ng aking kaloobang ako'y umuwi upang magpakaligaya sa piling ng aking asawa. Sa harapan ng Diyos, hindi ko po magagawa iyon.”

12 Sinabi ni David kay Urias, “Dumito ka muna ng isa pang araw at bukas ka na umalis.” Kaya nanatili siya sa Jerusalem nang araw na iyon. 13 Kinabukasan, inanyayahan ni David sa pagkain si Urias at ito'y kanyang nilasing. Hindi rin ito umuwi nang gabing iyon, bagkus natulog na kasama rin ng mga bantay.

14 Kinabukasan, sumulat si David kay Joab at ipinadala kay Urias. 15 Ganito ang nilalaman: “Ilagay mo si Urias sa unahan kung saan mainit ang labanan. Pagkatapos, iwan mo siya roon at bayaan mo siyang mapatay.” 16 Habang pinapaligiran nina Joab ang lunsod, inilagay niya si Urias sa gawing malalakas ang kaaway. 17 Lumabas ang mga kaaway mula sa lunsod, at sinalakay ang mga kawal ni Joab. Napatay ang ilang pinuno ni David, kasama si Urias. 18 Ipinadala ni Joab kay David ang ulat tungkol sa labanan. 19 Ngunit ito ang ipinagbilin niya, “Matapos mong ibalita sa hari ang tungkol sa labanan, 20 maaaring siya'y magalit at itanong, ‘Bakit kayo nagpakalapit sa lunsod? Hindi ba ninyo alam na maaari kayong panain mula sa itaas ng pader? 21 Hindi(B) ba ninyo alam ang dahilan ng pagkamatay ni Abimelec na anak ni Gideon?[a] Siya'y nabagsakan ng batong gilingan na inihulog ng isang babae mula sa itaas ng pader sa Tebez. Bakit masyado kayong lumapit sa pader?’ Kung magkagayon, saka mo sabihing napatay rin si Urias.”

22 Lumakad ang sugo at nag-ulat kay David ayon sa sinabi ni Joab. 23 Sinabi niya sa hari, “Lumabas po ang maraming mga kaaway at nilusob kami, ngunit napaurong namin sila hanggang sa may pasukan ng lunsod. 24 Noon po nila kami tinudla mula sa pader at ilan sa inyong mga pinuno ang napatay. Napatay rin po si Urias.”

25 Sumagot si David, “Kung gayon, sabihin mo kay Joab na huwag ikalungkot ang nangyari, sapagkat talagang ganyan ang labanan, may napapatay. Ipagpatuloy ninyo ang paglusob hanggang sa mawasak ang lunsod. Sabihin mong huwag masisira ang kanyang loob.”

26 Nang mabalitaan ni Batsheba na napatay si Urias, siya'y nagluksa. Pagkatapos ng pagluluksa, 27 ipinatawag siya ni David at naging asawa nito. Nagkaanak siya ng isang lalaki, ngunit hindi nalugod si Yahweh sa ginawang ito ni David.

Ang Mensahe ni Natan para kay David

12 Isinugo(C) ni Yahweh kay David ang propetang si Natan. Pagdating doon ay sinabi niya, “Sa isang lunsod ay may dalawang lalaki, mayaman ang isa at ang isa'y dukha. Maraming kawan at bakahan ang mayaman, samantalang ang dukha ay may isa lamang munting babaing tupa. Inalagaan niya ito at pinalaking kasama ng kanyang mga anak. Kinakalong niya itong parang anak na babae, isinasalo sa pagkain at pinapainom. Minsan, may manlalakbay na naging panauhin ng mayamang lalaki. Sa halip na sa kanyang kawan kumuha ng hayop na papatayin, ang kaisa-isang tupa ng dukhang iyon ang kinuha ng mayaman. At iyon ang inihanda niya para sa kanyang panauhin.”

Napasigaw sa galit si David, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[b] dapat mamatay ang taong iyan! Kailangang magbayad siya nang apat na beses sa kanyang ginawa, sapagkat inapi niya ang dukha.”

Sinabi agad ni Natan kay David, “Ikaw ang lalaking iyon! Ito ang ipinapasabi sa iyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Ginawa kitang hari ng Israel, iniligtas kita mula sa mga kamay ni Saul. Ibinigay ko na rin sa iyo ang sambahayan at mga asawa ni Saul pati ang mga lipi ng Israel at Juda. At mabibigyan pa kita ng higit pa riyan. Bakit mo hinamak ang salita ni Yahweh at gumawa ka ng masama sa kanyang paningin? Ipinapatay mo ang Heteong si Urias sa mga Ammonita at kinuha mo pa ang kanyang asawa. 10 Dahil sa ginawa mong ito, at ako'y itinakwil mo, tandaan mong laging may mamamatay sa patalim sa iyong sambahayan.’ 11 Sinabi(D) pa rin ni Yahweh, ‘Pag-aawayin ko ang iyong sambahayan; sa harapan mo'y ibibigay ko sa iba ang iyong mga asawa, at sisipingan sila kahit sa katanghaliang-tapat. 12 Ginawa mo ito nang lihim, hayag kitang paparusahan at makikita ito ng buong Israel.’”

13 Sinabi ni David kay Natan, “Nagkasala ako kay Yahweh.”

Sumagot si Natan, “Pinapatawad ka na ni Yahweh at hindi ka mamamatay. 14 Ngunit dahil nilapastangan mo si Yahweh, ang magiging anak mo ang mamamatay.” 15 Pagkatapos nito'y umuwi na si Natan.

Namatay ang Anak ni David

Tulad ng sinabi ni Yahweh, ang anak ni David sa asawa ni Urias ay nagkasakit nang malubha. 16 Nanalangin si David sa Diyos para gumaling ang bata. Nagdamit siya ng panluksa at nag-ayuno, at sa lupa nahiga nang gabing iyon. 17 Lumapit sa kanya ang matatandang pinuno sa palasyo at hinimok siyang bumangon, ngunit tumanggi siya. Ayaw rin niyang kumain. 18 Pagkalipas ng anim na araw, namatay ang bata. Hindi nila ito masabi kay David, sapagkat iniisip nilang lalo silang hindi papakinggan nito at sa halip ay gumawa ng marahas na hakbang. 19 Nakita ni David na nagbubulungan ang mga alipin, kaya't naghinala siyang patay na ang bata. “Patay na ba ang bata?” tanong niya.

“Patay na nga po kamahalan,” sagot naman nila.

20 Pagkarinig nito, bumangon si David, naligo at nagbihis. Pumasok siya sa bahay ni Yahweh, nagpatirapa at nanalangin. Pagkatapos, umuwi siya at humingi ng pagkain. 21 Tinanong siya ng kanyang mga tauhan, “Hindi po namin kayo maintindihan. Noong buháy pa ang bata, nag-ayuno kayo at tumangis dahil sa kanya; ngayong patay na, bumangon kayo at kumain!”

Sumagot si David, 22 “Noong buháy pa ang bata, ako'y nag-ayuno at tumangis sa pag-asa kong kahahabagan ako ni Yahweh at pagagalingin ang aking anak. 23 Ngayong patay na siya, bakit pa ako mag-aayuno; maibabalik ko pa ba ang kanyang buhay? Balang araw, susunod ako sa kanya ngunit hindi na siya makakabalik sa akin.”

Ipinanganak si Solomon

24 Inaliw ni David si Batsheba at sinipingan muli. Muli itong nagdalang-tao at nanganak ng isang lalaki. Solomon ang ipinangalan ni David sa bata. 25 Palibhasa'y mahal ni Yahweh ang bata, isinugo niya si propeta Natan upang sabihing Jedidia[c] ang itawag sa bata na ang ibig sabihi'y, “Mahal ni Yahweh.”

Ginapi ni David ang Rabba(E)

26 Samantala, ipinagpatuloy ni Joab ang pagsalakay at handa na niyang pasukin ang Rabba, ang pangunahing lunsod ng mga Ammonita. 27 Nagpadala siya ng mga sugo kay David upang ibalita na lumusob na siya sa Rabba at naagaw ang ipunan ng tubig doon. 28 Kaya kailangang pangunahan naman niya ang iba pang kawal sa pagpasok sa lunsod. “Kapag hindi siya sumama,” sabi ni Joab, “ako ang sasalakay at akin ang karangalan.” 29 Pagkatanggap ng balita, inihanda ni David ang kanyang hukbo, nilusob ang Rabba, at nagtagumpay siya. 30 Inalisan niya ng korona ang diyus-diyosang si Malcam,[d] at ipinutong ito sa kanyang ulo. May mahahalagang bato ang koronang ginto at ang bigat nito'y 35 kilo. Marami rin siyang samsam na inilabas sa lunsod. 31 Binihag niya ang mga mamamayan, at pumili siya sa mga ito ng mga kantero, panday at karpintero, at pinagawa niya ng mga adobe. Ganito ang ginawa ni David sa lahat ng lunsod ng mga Ammonita bago sila nagbalik sa Jerusalem.

1 Cronica 20

Pinarusahan ang mga Ammonita(A)

20 Nang(B) sumapit ang tagsibol, panahon na karaniwang ang mga hari'y nakikipagdigma, lumabas ang hukbo ng Israel na pinamumunuan ni Joab at sinalakay ang lupain ng mga Ammonita. Umabot sila sa Rabba. Kinubkob nila ito, at pagkatapos ay sinunog nila. Subalit si David ay nagpaiwan sa Jerusalem. Kinuha ni David sa ulo ng diyus-diyosang si Molec ang koronang ginto nito na tumitimbang ng tatlumpu't limang kilo. Tinanggal niya mula rito ang nakapalamuting mamahaling bato at inilagay niya sa kanyang sariling korona. Marami siyang kinuha mula sa nasamsam sa lunsod. Binihag niya ang mga mamamayan. Binigyan niya ang mga ito ng mga lagari at iba't ibang matatalim at matutulis na kasangkapang bakal, at sila'y sapilitang pinagtrabaho. Ganoon din ang ginawa niya sa lahat ng mamamayan ng iba pang lunsod ng mga Ammonita. Pagkatapos, si David at ang buong bayan ay bumalik na sa Jerusalem.

Pakikipaglaban sa mga Higanteng Filisteo(C)

Pagkatapos nito ay nakipaglaban naman sila sa mga Filisteo sa Gezer. Sa labanang ito, napatay ni Sibecai na Husatita si Sipai, na nagmula sa lahi ng mga higante, at natalo ang mga Filisteo.

Sa(D) isa pang pakikidigma laban sa mga Filisteo, si Lahmi na kapatid ni Goliat na taga-Gat ay napatay ni Elhanan na anak ni Jair. Ang hawakan ng kanyang sibat ay sinlaki ng hawakan na ginagamit sa habihan ng tela.

Sa isa pang labanan na naganap naman sa Gat, may isa pang higante roon na may dalawampu't apat na daliri, tig-aanim sa paa't kamay. Nang laitin nito ang Israel, pinatay ito ni Jonatan, ang pamangkin ni David sa kanyang kapatid na si Simea.

Ang mga higanteng ito'y buhat sa lahi ng mga higanteng taga-Gat, at napatay silang lahat ni David at ng mga tauhan niya.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.