Chronological
Papuri at Panalangin ng Tagumpay(A)
Awit ni David.
108 Nahahanda ako ngayon, O Diyos, ako ay handa na,
na magpuri at umawit ng awiting masisigla!
Gumising ka, kaluluwa, gumising ka at magsaya!
2 O magsigising na nga kayo, mga lira at alpa;
tumugtog na at hintayin ang liwayway ng umaga.
3 Sa gitna ng mga bansa kita'y pasasalamatan,
Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng mga hirang.
4 Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan,
nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan.
5 Sa ibabaw ng mga langit, ikaw ay itatanghal,
at dito naman sa daigdig ang iyong kaluwalhatian.
6 Sa taglay mong kalakasan kami sana ay iligtas,
upang kaming iyong lingkod ay hindi na mapahamak;
dinggin mo ang dalangin ko kapag ako'y tumatawag.
7 Sinabi nga nitong Diyos mula sa tronong luklukan,
“Hahatiin ko ang Shekem, bilang tanda ng tagumpay,
paghahati-hatiin ko ang Sucot na kapatagan, matapos na gawin ito'y ibibigay sa hinirang.
8 Ang Gilead at Manases, dal'wang dakong ito'y akin,
magsisilbing helmet ko itong lugar ng Efraim;
samantalang itong Juda ay setrong dadakilain.
9 Ang Moab ay isang lugar na gagawin kong hugasan,
samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan;
doon naman sa Filistia, tagumpay ko'y isisigaw.”
10 Sino kaya ang sasama sa lakad ko, Panginoon? Sa lunsod na mayroong kuta, sino'ng maghahatid ngayon?
Sino kaya'ng magdadala sa akin sa lupang Edom?
11 Dahil kami'y itinakwil, hindi mo na pinapansin.
Kung ikaw ay di kasama, paano ang hukbo namin?
12 O Diyos, kami'y tulungan mo sa paglaban sa kaaway,
pagkat ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
13 Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin,
matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin.
Panalangin Upang Iligtas Laban sa Masasama
Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
109 Pinupuri kita; O Diyos, huwag ka sanang manahimik,
2 ako ngayo'y nilulusob niyong mga malulupit,
mga taong sinungaling na manira lang ang nais.
3 Kay rami ng sinasabing pangungusap na di tunay,
kinakalaban nga ako kahit walang madahilan.
4 Bagaman sila'y minahal ko, masama rin ang paratang,
kahit ko pa idalangin, masama pa rin yaong bintang.
5 Sa mabuting ginawa ko, iginanti ay masama,
kapalit ng pag-ibig ko ay galit at alipusta.
6 Ang itapat mo sa kanya'y masama ring tulad niya,
kaaway ang pausigin, nang magtamo ng parusa,
7 pagkatapos na malitis, bayaan mo na magdusa,
kahit siya manalangin, huwag mo nang dinggin pa.
8 Ang(B) dapat ay paikliin tinataglay niyang buhay,
kuhanin ng ibang tao maging kanyang katungkulan.
9 Silang mga anak niya ay dapat na maulila,
hayaan mong maging biyuda, itong giliw nilang ina.
10 Bayaan ang mga supling, maglakad at mamalimos,
sa nawasak na tahanan palayasin silang lubos.
11 Ang lahat ng yaman niya'y ilitin ng nagpautang,
agawin ng ibang tao, ang bunga ng pagpapagal.
12 Hindi siya nararapat kahabagan nino pa man,
kahit anak na ulila sa hirap ay pabayaan.
13 Pati angkan niya't lahi, ay bayaang mamatay,
sa sunod na lahi niya, ngalan niya ay maparam.
14 Gunitain sana ni Yahweh ang sala ng kanyang angkan,
at ang sala nitong ina ay di dapat malimutan.
15 Huwag din sanang malimutan ni Yahweh ang sala nila,
ngunit sila naman mismo ay dapat na malimot na!
16 Pagkat mga taong iyo'y wala namang natulungan,
bagkus pa ang mahirap inuusig, pinapatay.
17 Mahilig sa pagsumpa, kaya dapat na sumpain,
yamang ayaw na magpala, di dapat pagpalain.
18 Ang pagsumpa sa kapwa sa kanya ay parang damit, kasuotang oras-oras nagagawa ang magbihis;
sana'y siya ang ginawin, katulad ng nasa tubig
tumagos sa buto niya, iyong sumpang parang langis.
19 Sana'y maging kasuotang nakabalot sa katawan,
na katulad ng sinturong nakabigkis araw-araw.
20 Ang ganitong kaaway ko, Yahweh, iyong parusahan,
sa dami ng ginagawa't sinasabing kasamaan.
21 Katulad ng pangako mo, Yahweh, ako ay tulungan,
yamang ika'y mapagmahal, ako'y ipagtanggol naman.
22 Pagkat ako ay mahirap, laging nangangailangan,
labis akong naghihirap sa ganitong kalagayan.
23 Anino ang katulad ko na kung gabi'y nawawala,
parang balang na lumipad, kapag ako ay inuga.
24 Mahina na ang tuhod ko, dahilan sa di pagkain,
payat na ang katawan ko, buto't balat sa paningin.
25 Ang(C) sinumang makakita sa akin ay nagtatawa,
umiiling silang lahat kapag ako'y nakikita.
26 Tulungan mo ako, Yahweh, sana naman ay iligtas,
dahilan sa pag-ibig mong matatag at di kukupas.
27 Bayaan mong makilala na ikaw ang nahahabag,
ipakita sa kaaway na ikaw ang nagliligtas.
28 Ako'y iyong pagpalain, kung kanilang sinusumpa,
sa kanilang pag-uusig bayaan mong mapahiya;
ako namang iyong lingkod mabubuhay na may tuwa.
29 Silang mga nang-uusig, bayaan mong mabahala,
ang damit ng kahihiyan, isuot mo sa kanila.
30 Kay Yahweh ay buong puso akong magpapasalamat,
sa gitna ng karamiha'y magpupuri akong ganap;
31 pagkat siya'y laging handang tumulong sa mahihirap,
na lagi nang inuusig at ang gusto'y ipahamak.
Si Yahweh at ang Piniling Hari
Isang Awit na katha ni David.
110 Sinabi(D) ni Yahweh,
sa aking Panginoon, “Maupo ka sa kanan ko,
hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”
2 Magmula sa dakong Zion,
ay palalawakin niya ang lupaing iyong sakop;
“At lahat ng kaaway mo'y
sakupin at pagharian,” gayon ang kanyang utos.
3 Sasamahan ka ng madla,
kung dumating ang panahong lusubin ka ng kaaway;
magmula sa mga bundok,
lalabas at sasamahan ka ng mga kabataan.
4 Si(E) Yahweh ay may pangako
at ang kanyang sinabi, hinding-hindi magbabago:
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquisedec.”
5 Si Yahweh ay naroroong
nakaupo sa kanan mo, at kapag siya ay nagalit,
ang lahat ng mga hari ay tiyak na malulupig.
6 Siya'y hukom na hahatol
sa lahat ng mga bansa; sa labanang walang puknat,
marami ang malalagas!
Sapagkat ang mga hari'y lulupigin niyang lahat.
7 Sa batis sa lansangan,
itong hari ay iinom, at sisigla ang katawan;
sa lakas na tataglayin, matatamo ang tagumpay.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.