Chronological
Si David nang Matanda na
1 Matandang-matanda na noon si Haring David. Kahit kumutan ng makapal ay giniginaw pa rin siya. 2 Kaya't sinabi ng kanyang mga lingkod, “Kung ipapahintulot po ninyo, Kamahalan, ihahanap namin kayo ng isang dalaga na dito titira at mag-aalaga sa inyo. Matutulog siya sa tabi ninyo upang mabigyan kayo ng init.” 3 At naghanap nga sila sa buong Israel ng isang magandang dalaga, at natagpuan nila si Abisag na taga-Sunem. Siya'y kanilang dinala sa hari. 4 Tumira siya sa piling ng hari at inalagaan ito. Bagama't siya'y napakaganda, hindi siya ginalaw ng hari.
Binalak ni Adonias na Maging Hari
5 Samantala,(A) ipinamamalita ni Adonias na anak ni Haguit na siya ang susunod na hari. May inihanda na siyang mga karwahe, mga mangangabayo at limampung alalay na kawal. 6 Ni minsa'y hindi siya pinagsabihan o sinaway ng hari sa mga ginagawa niya. Si Adonias ay nakababatang kapatid ni Absalom, at napakakisig ding tulad nito. 7 Kinausap na niya si Joab na anak ni Zeruias at ang paring si Abiatar, at sumang-ayon ang mga ito na siya'y tutulungan. 8 Ngunit hindi pumanig sa kanya ang paring si Zadok at ang propetang si Natan, pati si Benaias na anak ni Joiada, gayundin sina Simei at Rei at ang magigiting na bantay ni David.
9 Naghandog si Adonias ng maraming tupa, baka at pinatabang toro sa Bato ng Zohelete na malapit sa En-rogel. Inanyayahan niya roon ang kanyang mga kapatid, ang mga anak ng hari, at ang mga opisyal ng hari mula sa lipi ni Juda. 10 Ngunit hindi niya inanyayahan ang propetang si Natan, si Benaias at ang mga bantay ng hari at ang kapatid niyang si Solomon.
11 Kaya(B) kinausap ni Natan si Batsheba na ina ni Solomon. Sabi niya, “Hindi ba ninyo alam na ipinahayag na ni Adonias na siya na ang hari at ito ay lingid sa kaalaman ni Haring David? 12 Kung gusto ninyong iligtas ang sarili ninyong buhay at pati ang buhay ng inyong anak na si Solomon, ito ang maipapayo ko: 13 pumunta agad kayo sa hari at sabihin sa kanya, “Hindi ba't ipinangako ninyo sa akin na si Solomon ang maghahari na kahalili ninyo? Bakit si Adonias ngayon ang naging hari? 14 At samantalang kausap ninyo ang hari, papasok ako at patutunayan ko ang inyong sinabi.”
15 Pumunta nga si Batsheba sa silid ng hari. Ang hari noon ay matandang-matanda na at si Abisag, ang dalagang taga-Sunem ang nag-aalaga sa kanya. 16 Yumuko si Batsheba at nagpatirapa sa harapan ng hari. “Anong kailangan mo?” tanong ng hari.
17 Sumagot siya, “Mahal kong hari, ipinangako po ninyo sa akin sa pangalan ng Diyos ninyong si Yahweh na ang anak kong si Solomon ang magiging hari kapalit ninyo. 18 Subalit naghahari na ngayon si Adonias nang hindi ninyo nalalaman. 19 Nagpatay po siya ng maraming baka, tupa at pinatabang toro. Inanyayahan po niya sa pagdiriwang na iyon ang mga anak ng hari, ang paring si Abiatar at si Joab, ang pinakamataas na pinuno ng inyong hukbo. Ngunit hindi niya inanyayahan ang inyong lingkod na si Solomon. 20 Kaya po, mahal na hari, hinihintay ng buong bayang Israel na sabihin ninyo kung sino talaga ang hahalili sa inyo bilang hari. 21 At kung hindi, pagkamatay po ninyo'y manganganib ang buhay ko at ng anak kong si Solomon.”
22 Samantalang magkausap ang hari at si Batsheba, dumating naman ang propetang si Natan. 23 May nagsabi sa hari na ito'y naghihintay, kaya't ito'y kanyang ipinatawag.
Lumapit ang propeta, nagpatirapa sa harapan ng hari, 24 at ang sabi, “Mahal na hari, ipinahayag na po ba ninyo na si Adonias ang papalit sa inyo? 25 Ngayon po'y nasa labas siya ng lunsod at nagpapatay ng maraming baka, tupa at pinatabang toro. Inanyayahan po niya ang mga anak ng hari, si Joab na pinakamataas na pinuno ng hukbo at ang paring si Abiatar. Naroon po sila't nagkakainan at nag-iinuman, at ang isinisigaw ay ‘Mabuhay si Haring Adonias!’ 26 Ngunit ako pong inyong lingkod, at ang paring si Zadok, si Benaias na anak ni Joiada, at ang anak ninyong si Solomon ay hindi niya inanyayahan. 27 Ito po ba'y utos ng mahal na hari? Bakit po walang nagsabi sa inyong lingkod kung sino ang susunod sa inyo bilang hari?”
28 Kaya't nagsalita si Haring David, “Tawagin ninyo si Batsheba.” Paglapit ni Batsheba 29 ay sinabi ng hari, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Diyos ng Israel[a] na nagligtas sa akin sa lahat kong mga kaaway! 30 Nanumpa ako noon sa pangalan niya, na ang anak mong si Solomon ang siyang hahalili sa akin. Tutuparin ko ngayon ang aking pangako.”
31 Nagpatirapa si Batsheba sa harapan ng hari bilang paggalang. “Mabuhay ang Haring David magpakailanman,” sabi niya.
32 Pagkatapos, sinabi ni Haring David: “Tawagin ninyo ang paring si Zadok, ang propetang si Natan at si Benaias.” Kaya't humarap sa hari ang mga tinawag. 33 Sila naman ang inutusan ng hari, “Isama ninyo ang aking mga opisyal, pasakayin ninyo ang anak kong si Solomon sa aking sariling mola at samahan ninyo siya patungo sa Gihon. 34 Bubuhusan siya roon ng langis bilang hari ng Israel ng paring si Zadok at ng propetang si Natan. Pagkatapos ay hipan ninyo ang trumpeta at isigaw ninyo, ‘Mabuhay si Haring Solomon!’ 35 Sundan ninyo siya pabalik dito at paupuin sa aking trono, sapagkat siya ang papalit sa akin bilang hari. Siya ang aking pinili na magiging hari sa Israel at sa Juda.”
36 Sumagot si Benaias, “Matutupad po! At pagtibayin nawa ito ni Yahweh, ang Diyos ng mahal na hari. 37 At kung paanong pinagpala ni Yahweh ang mahal kong hari, nawa'y pagpalain din niya si Solomon. Nawa'y maging mas dakila ang kanyang paghahari kaysa paghahari ng mahal kong haring si David.”
38 Lumakad nga ang paring si Zadok, ang propetang si Natan at si Benaias at ang mga Kereteo at Peleteo. Pinasakay nila si Solomon sa mola ni Haring David at sinamahan siya patungong Gihon. 39 Kinuha ng paring si Zadok sa tolda ang sungay na lalagyan ng langis, at binuhusan ng langis si Solomon bilang hari. Hinipan nila ang trumpeta at nagsigawan ang lahat, “Mabuhay si Haring Solomon!” 40 Inihatid siya ng mga tao pabalik sa lunsod. Habang daa'y nagsisigawan sila sa tuwa at nagtutugtugan ng mga plauta, at halos mayanig ang lupa sa lakas ng ingay.
41 Tapos nang kumain noon ang mga panauhin ni Adonias, at ang ingay ay narinig nilang lahat. Narinig din ni Joab ang tunog ng trumpeta, kaya naitanong niya, “Ano iyon? Bakit maingay sa lunsod?” 42 Nagsasalita pa siya nang dumating si Jonatan, anak ng paring si Abiatar. “Halika rito,” tawag ni Adonias. “Narito ang isang mabuting tao at tiyak na mabuti rin ang dala niyang balita.”
43 Sumagot si Jonatan, “Hindi po! Ipinahayag na po ni Haring David na si Solomon na ang hari. 44 Pinasama ng hari kay Solomon ang paring si Zadok, ang propetang si Natan, si Benaias na anak ni Joiada at ang mga Kereteo at Peleteo at pinasakay nila ito sa mola ng hari. 45 Binuhusan na siya ng langis bilang hari ng paring si Zadok at ng propetang si Natan sa Gihon. Siya ay inihatid nila sa lunsod at nagsisigawan sa tuwa ang mga tao. Iyon po ang ingay na naririnig ninyo. 46 At ngayon po, nakaupo na si Solomon sa trono. 47 Pati ang matataas na opisyal ng hari ay pumunta na po kay Haring David at siya'y binati. Sabi po nila, ‘Loobin nawa ng inyong Diyos na ang pangalan ni Solomon ay maging higit na dakila kaysa inyong pangalan. At ang paghahari niya'y maging higit na dakila kaysa inyong paghahari.’ Yumuko ang hari sa kanyang pagkakahiga, 48 at ganito ang sinabi: ‘Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel, sapagkat minarapat niyang makita ko sa araw na ito ang isa sa aking mga anak na nakaupo sa aking trono.’”
49 Nang marinig ito, natakot ang lahat ng panauhin ni Adonias at nagkanya-kanyang takas. 50 Natakot din si Adonias kay Solomon, kaya't tumakbo siya sa altar ng Toldang Tipanan at kumapit sa mga sungay nito.
51 May nagsabi kay Solomon, “Takot na takot po sa inyong Kamahalan si Adonias. Nakakapit siya sa mga sungay ng altar at ipinapasabi na hindi siya aalis doon kung hindi muna kayo mangangako na hindi ninyo siya papatayin.”
Sumagot si Solomon, 52 “Kung mapapatunayan niyang siya'y tapat, hindi siya mamamatay, wala ni isang hibla ng kanyang buhok ang malalaglag sa lupa. Ngunit kung hindi, siya'y mamamatay.” 53 Kaya't pinapuntahan siya ni Haring Solomon at ipinakuha sa altar. Paglapit ni Adonias, nagpatirapa ito sa harapan ni Haring Solomon. Sinabi naman sa kanya ni Solomon, “Umuwi ka na sa inyo.”
Mga Huling Habilin ni Haring David
2 Nang malapit nang mamatay si David, pinagbilinan niya si Solomon ng ganito: 2 “Malapit na akong mamatay. Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. 3 Tuparin mo ang iyong tungkulin kay Yahweh na iyong Diyos, at mamuhay ka ayon sa kanyang kalooban. Sundin mo ang kanyang mga batas, utos, hatol at tuntunin ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises. Sa gayon, magtatagumpay ka sa lahat mong gawain, 4 at tutuparin ni Yahweh ang pangako niya sa akin: ‘Kapag ang iyong mga anak at susunod na salinlahi ay nanatiling tapat sa akin at sumunod sa akin nang buong puso't kaluluwa, magpapatuloy ang iyong angkan sa trono ng Israel.’
5 “Alam(C) mo ang ginawa sa akin ni Joab na anak ni Zeruias, nang patayin niya ang dalawang pinakamataas na pinuno ng hukbo ng Israel na si Abner at si Amasa na anak ni Jeter. Sa pagpatay niya sa dalawang ito, ipinaghiganti sa panahon ng kapayapaan ang dugong dumanak sa panahon ng digmaan. Sa gayo'y dinungisan niya ang aking pangalan bilang marangal na mandirigma. 6 Gawin mo sa kanya ang inaakala mong dapat gawin. Huwag mong hahayaang mamatay siya nang mapayapa.
7 “Ipagpatuloy(D) mo ang magandang pakikitungo sa angkan ni Barzilai na taga-Gilead. Paglaanan mo sila ng upuan sa iyong hapag-kainan, sapagkat tinulungan nila ako noong ako'y tumatakas sa kapatid mong si Absalom.
8 “Huwag(E) mo ring kalilimutan si Simei na taga-Bahurim, ang anak ni Gera na mula sa lipi ni Benjamin. Pinagmumura niya ako noong ako'y umalis patungo sa Mahanaim. Nang masalubong ko siya sa Jordan, ipinangako ko sa pangalan ni Yahweh na hindi ko siya papatayin. 9 Ngunit tiyakin mong siya'y mapaparusahan. Matalino kang tao at alam mo ang dapat gawin. Iparanas mo sa kanya ang lupit ng kamatayan.”
10 Namatay si Haring David at inilibing sa Lunsod ni David. 11 Apatnapung(F) taon siyang naghari: pitong taon sa Hebron at tatlumpu't tatlong taon naman sa Jerusalem.
Si Solomon ay Naging Hari
12 Kaya't(G) nang maupo na si Solomon sa trono ni David bilang bagong hari, matatag na ang kanyang kaharian. 13 Samantala, nilapitan naman ni Adonias na anak ni Haguit ang ina ni Solomon na si Batsheba.
“Kapayapaan ba ang pakay mo?” tanong ni Batsheba.
“Opo! Kapayapaan po!” tugon ni Adonias, 14 at idinugtong niya, “May sasabihin po ako sa inyo!”
“Magpatuloy ka,” sagot ni Batsheba.
15 Nagsalita si Adonias, “Alam po naman ninyo, na ako sana ang naging hari; ito ang inaasahan ng bayan. Ngunit nawala sa akin ang korona at napunta sa aking kapatid, sapagkat iyon ang kagustuhan ni Yahweh. 16 Mayroon po akong hihilingin sa inyo. Huwag ninyo sanang ipagkakait sa akin!”
“Sabihin mo,” wika uli ni Batsheba.
17 At(H) nagpatuloy si Adonias, “Alam ko pong hindi siya makakatanggi sa inyo, maaari po bang hingin ninyo sa Haring Solomon na ipagkaloob sa akin na maging asawa ko si Abisag, ang dalagang taga-Sunem?”
18 “Sige! Kakausapin ko ang hari,” sagot ni Batsheba.
19 Kaya't pumunta si Batsheba kay Haring Solomon upang sabihin ang kahilingan ni Adonias. Tumayo ang hari upang siya'y salubungin, yumuko sa kanya, at saka naupo sa kanyang trono. Nagpakuha ng isa pang trono, inilagay sa kanyang kanan at doon pinaupo ang ina.
20 “Mayroon akong isang maliit na kahilingan sa iyo, anak! Huwag mo sana akong tatanggihan,” sabi ng ina.
Sumagot ang hari, “Mahal kong ina, sabihin ninyo! Alam ninyong hindi ko kayo matatanggihan!”
21 Kaya't nagpatuloy si Batsheba: “Ipahintulot mong si Abisag, ang dalagang taga-Sunem, ay maging asawa ng kapatid mong si Adonias.”
22 Sumagot si Haring Solomon sa kanyang ina, “At bakit po ninyo hiniling si Abisag para kay Adonias? Bakit hindi rin ninyo hilinging ibigay ko sa kanya ang trono, sapagkat siya'y nakatatanda kong kapatid; at ang paring si Abiatar, pati si Joab na anak ni Zeruias ay nasa kanyang panig.” 23 Nanumpa noon si Haring Solomon, “Parusahan nawa ako ni Yahweh kapag hahayaan ko pang mabuhay si Adonias dahil sa ginawa niyang ito! 24 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy[b] na naglagay sa akin sa trono ng aking amang si David, at nangakong mananatiling maghahari sa Israel ang aming lahi; sa araw ding ito'y mamamatay si Adonias.”
25 Kaya't iniutos niya kay Benaias na patayin si Adonias, at ganoon nga ang nangyari.
Ang Parusa kay Abiatar
26 Tungkol(I) naman sa paring si Abiatar, siya'y pinagsabihan ng hari, “Pumunta ka sa lupain mo sa Anatot. Dapat ka sanang mamatay. Ngunit hindi kita ipapapatay sa araw na ito alang-alang sa pangangasiwa mo sa Kaban ng Tipan ng Panginoong Yahweh nang kasama ka pa ng aking amang si David, at sa pakikisama mo sa kanya sa mga hirap na kanyang dinanas.” 27 Ngunit(J) tinanggal ni Solomon si Abiatar sa pagkapari ni Yahweh. Sa gayong paraan, natupad ang sinabi ni Yahweh sa Shilo tungkol sa angkan ni Eli.
Ang Pagkamatay ni Joab
28 Ang lahat ng ito'y nabalitaan ni Joab. Sapagkat pumanig siya kay Adonias, kahit hindi siya pumanig kay Absalom, kaya't nagtago siya sa Tolda ni Yahweh at kumapit sa mga sungay ng altar. 29 Nang malaman ni Haring Solomon na nagtago si Joab sa Tolda ni Yahweh sa tabi ng altar, pinapunta roon si Benaias upang siya'y patayin.
30 Pumunta nga si Benaias sa Tolda ni Yahweh at tinawag si Joab, “Iniuutos ng hari na lumabas ka riyan.”
Ngunit sumagot si Joab; “Hindi ako lalabas dito; dito ako mamamatay.”
At sinabi ni Benaias sa hari ang sagot ni Joab. 31 Kaya't iniutos ng hari: “Gawin mo ang sinabi niya. Patayin mo siya at ilibing. Sa gayon, aalisin mo sa lahi ng aking ama ang sumpa sa pagpatay ng mga walang sala. 32 Siya na rin ang sisisihin ni Yahweh sa kanyang sariling pagkamatay, sapagkat pumatay siya ng dalawang lalaking higit na mabuti kaysa kanya, si Abner at si Amasa na anak ni Jeter. Pinatay niya sa pamamagitan ng patalim ang dalawang pinunong ito ng hukbo ng Israel nang hindi nalalaman ng ama kong si David. 33 Ang sumpa ng kanilang dugo ay dadalhin ni Joab at ng kanyang lahi magpakailanman. At patatatagin ni Yahweh si David, ang kanyang lahi at ang kanyang kaharian magpakailanman.”
34 Pinuntahan nga ni Benaias si Joab at pinatay; siya'y inilibing sa kanyang tirahang malapit sa ilang. 35 Si Benaias na anak ni Joiada ang inihalili ng hari kay Joab bilang pinakamataas na pinuno ng hukbo. At ang paring si Zadok naman ang ipinalit kay Abiatar.
Ang Pagkamatay ni Simei
36 Pagkatapos, ipinasundo ng hari si Simei at sinabi sa kanya, “Magtayo ka ng bahay sa Jerusalem, dito ka tumira, at huwag kang lalabas ng lunsod. 37 At tandaan mo ito: Kapag tumawid ka ng Batis ng Kidron, mamamatay ka; at ikaw na rin ang mananagot sa iyong pagkamatay.”
38 Sumagot si Simei, “Maaasahan po ninyo! Susundin ko po ang inyong utos.” At mahabang panahon ngang nanirahan si Simei sa Jerusalem.
39 Ngunit pagkalipas ng tatlong taon, may dalawang alipin si Simei na tumakas at pumunta kay Aquis na anak ni Maaca, hari ng Gat. At may nagsabi sa kanya na ang mga alipin niya'y nasa Gat. 40 Ipinahanda niya ang kanyang asno at pumunta kay Aquis upang kunin ang kanyang mga alipin. Nakuha nga niya sa Gat ang kanyang mga alipin at siya'y bumalik na.
41 Nabalitaan ni Solomon na si Simei ay umalis ng Jerusalem at nanggaling sa Gat. 42 Ipinatawag siya ng hari at sinabi sa kanya, “Hindi ba't pinanumpa kita sa pangalan ni Yahweh at binalaan pa kita na mamamatay ka kapag nagpunta ka ng ibang lugar? Di ba't ang sagot mo'y susunod ka? 43 Bakit hindi mo iginalang ang sumpa mo kay Yahweh at ang utos ko sa iyo?” 44 At idinagdag pa ng hari, “Alam mo ang mga kasamaang ginawa mo sa aking amang si David. Ngayon, sa iyong ulo ibinabagsak ni Yahweh ang lahat ng iyon. 45 Ngunit pagpapalain niya si Haring Solomon, at sa tulong niya'y magiging matatag ang kaharian ni David.”
46 Iniutos ng hari kay Benaias na patayin si Simei, at ganoon nga ang nangyari. Kaya't naging lubusang matatag ang paghahari ni Solomon.
Ang Kahihinatnan ng Masama at ng Mabuti
Katha ni David.
37 Huwag kang mabalisa dahil sa masama;
huwag mong kainggitan liko nilang gawa.
2 Katulad ng damo, sila'y malalanta,
tulad ng halaman, matutuyo sila.
3 Umasa ka sa Diyos, ang mabuti'y gawin,
at mananahan kang ligtas sa lupain.
4 Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan,
at ang pangarap mo'y iyong makakamtan.
5 Ang iyong sarili'y sa kanya italaga,
tutulungang ganap kapag ika'y nagtiwala.
6 Ang kabutihan mo ay magliliwanag,
katulad ng araw kung tanghaling-tapat.
7 Sa harap ni Yahweh ay pumanatag ka, maging matiyagang maghintay sa kanya;
huwag mong kainggitan ang gumiginhawa,
sa likong paraan, umunlad man sila.
8 Huwag kang mapopoot ni mababalisa, iyang pagkagalit, iwasan mo sana;
walang kabutihang makakamtan ka.
9 Ang nagtitiwala kay Yahweh, mabubuhay, ligtas sa lupain at doon tatahan,
ngunit ang masama'y ipagtatabuyan.
10 Hindi magtatagal, sila'y mapaparam,
kahit hanapin mo'y di masusumpungan.
11 Tatamuhin(A) ng mga mapagpakumbaba, ang lupang pangako na kanyang pamana;
at sa lupang iyon na napakasagana, ang kapayapaa'y matatanggap nila.
12 Ang taong masama'y laban sa matuwid,
napopoot siyang ngipi'y nagngangalit.
13 Si Yahweh'y natatawa lang sa masama,
pagkat araw nila lahat ay bilang na.
14 Taglay ng masama'y pana at patalim,
upang ang mahirap dustai't patayin,
at ang mabubuti naman ay lipulin.
15 Ngunit sa sariling tabak mamamatay,
pawang mawawasak pana nilang taglay.
16 Higit na mabuti ang may kakaunti ngunit matuwid at walang kinakanti,
kaysa kayamanan nitong masasama, pagsamahin mang lahat, ito'y balewala.
17 Lakas ng masama ay aalisin,
ngunit ang matuwid ay kakalingain.
18 Iingatan ni Yahweh ang taong masunurin,
ang lupang minana'y di na babawiin.
19 Kahit na sumapit ang paghihikahos,
di daranasin ang pagdarahop.
20 Ngunit ang masama'y pawang mamamatay;
kalaban ni Yahweh, tiyak mapaparam, tulad ng bulaklak at mga halaman;
para silang usok na paiilanlang.
21 Anumang hiramin ng taong masama, di na ibabalik sa kanyang kapwa,
ngunit ang matuwid na puso'y dakila, ang palad ay bukás at may pang-unawa.
22 Lahat ng mga taong pinagpala ni Yahweh, lupang masagana, kanilang bahagi;
ngunit ang sinuman na kanyang sumpain, sa lupaing iyon ay palalayasin.
23 Ang gabay ng tao sa kanyang paglakad, ay itong si Yahweh, kung nais maligtas;
sa gawain niya, ang Diyos nagagalak.
24 Kahit na mabuwal, siya ay babangon,
pagkat si Yahweh, sa kanya'y tutulong.
25 Mula pagkabata't ngayong tumanda na,
sa tanang buhay ko'y walang nabalita na sa taong tapat, ang Diyos nagpabaya;
o ang anak niya'y naging hampaslupa.
26 Sa lahat ng oras, bukás pa ang palad sa pagkakaloob sa mga mahirap;
pagpapala'y laan ng kanilang mga anak.
27 Masama'y itakwil, mabuti ang gawin,
upang manahan kang lagi sa lupain.
28 Ang lahat ng taong wasto ang gawain,
ay mahal ni Yahweh, hindi itatakwil.
Sila'y iingatan magpakailanman,
ngunit ang masama ay ihihiwalay.
29 Ang mga matuwid, ligtas na titira,
at di na aalis sa lupang pamana.
30 Sa bibig ng matuwid namumutawi'y karunungan;
at sa labi nila'y pawang katarungan.
31 Ang utos ng Diyos ang laman ng puso,
sa utos na ito'y hindi lumalayo.
32 Ang taong masama'y laging nag-aabang,
sa taong matuwid nang ito'y mapatay;
33 ngunit hindi naman siya hahayaang mahulog sa kamay ng mga kaaway;
di rin magdurusa kahit paratangan.
34 Manalig ka kay Yahweh, utos niya'y sundin;
ikaw ay lalakas upang ang lupain ay kamtin,
at ang mga taksil makikitang palalayasin.
35 Ako'y may nakitang taong abusado,
itaas ang sarili ang kanyang gusto; kahoy sa Lebanon ang tulad nito.
36 Lumipas ang araw, ang aking napuna, nang ako'y magdaan, ang tao'y wala na;
hinanap-hanap ko'y di ko na makita.
37 Ang taong matuwid ay inyong pagmasdan,
mapayapang tao'y patuloy ang angkan.
38 Ngunit wawasaking lubos ang masama,
lahi'y lilipulin sa balat ng lupa.
39 Ililigtas ni Yahweh ang mga matuwid,
iingatan sila kapag naliligalig.
40 Sasaklolohan sila't kanyang tutulungan
laban sa masama, ipagsasanggalang;
sapagkat si Yahweh ang kanilang sandigan.
Panalangin ng Isang Matanda Na
71 Sa iyo lang, Panginoon, lubos akong nananalig,
huwag mo akong pabayaang mapahiya at malupig.
2 Tulungan mo po ako sapagkat ikaw ay matuwid,
ako sana ay sagipin, sa daing ko ay makinig.
3 Ikaw nawa ang muog ko, aking ligtas na kanlungan,
matatag na kublihan ko at matibay na sanggalang.
4 Sa lahat ng masasama, O Diyos, ako'y ipaglaban,
sa kuko ng mababagsik, huwag mo akong pabayaan.
5 Panginoon, sa iyo ko inilagak ang pag-asa,
maliit pang bata ako, sa iyo'y may tiwala na.
6 Sa simula at mula pa wala akong inasahang
sa akin ay mag-iingat, kundi tanging ikaw lamang;
kaya naman ikaw, Yahweh, pupurihin araw-araw.
7 Sa marami ang buhay ko ay buhay na mahiwaga,
malakas kang katulong ko na di nila maunawa;
8 kaya ako'y nagpupuri, nagpupuri buong araw,
akin ngayong ihahayag ang taglay mong karangalan.
9 Ngayong ako'y matanda na huwag mo akong pabayaan,
katawan ko'y mahina na kaya ako'y huwag iiwan.
10 Ang lahat ng kaaway ko, nais ako ay patayin,
ang palaging balak nila ay ako ang kalabanin.
11 Ang kanilang sinasabi, ako raw ay iniwanan,
iniwan na ako ng Diyos, kaya nila sinusundan;
ako raw ay mabibihag dahil wala nang sanggalang.
12 Panginoon at aking Diyos, huwag mo akong lalayuan,
lumapit ka sa piling ko't ako ngayon ay tulungan!
13 Nawa silang naghahangad na ako ay salakayin,
lahat sila ay mawasak, at mabigo ang layunin!
Maging yaong mga taong tanging nais ako'y saktan,
mapahamak sanang lahat, mag-ani ng kahihiyan.
14 Ako naman, samantala ay patuloy na aasa,
patuloy na magpupuri, pupurihin ka tuwina.
15 Pagkat ikaw ay dakila, patuloy kong isasaysay,
maghapon kong ihahayag ang dulot mong kaligtasan;
hindi ko man nalalaman kung paanong ito'y gawin.
16 Pagkat ikaw, Panginoong Yahweh, malakas at makatuwiran,
ihahayag ko sa madla, katangiang iyo lamang.
17 Mula pa sa pagkabata ako'y iyong tinuruan,
hanggang ngayo'y hinahayag ang gawa mong kabutihan.
18 Matanda na't puti na ang aking buhok,
huwag akong iiwanan, ang samo ko sa iyo, O Diyos.
Hayaan mong ihayag ko ang lakas mong tinataglay,
samahan sa bawat lahing sa daigdig ay lilitaw.
19 Dakila ka, Panginoon, matuwid ka hanggang langit,
dakila ang ginawa mo at wala kang makaparis.
20 Kahit na nga dinanas ko ang hirap at madlang sakit,
subalit ang aking lakas ay muli mong ibinalik,
upang ako'y di tuluyang sa libingan ay mabulid.
21 Tutulungan mo po ako at karangala'y dadagdagan,
ako'y muli mong aliwin; iahon sa kahirapan.
22 Tutugtugin ko ang alpa't pupurihin kitang tunay,
pupurihin kita, O Diyos, dahil sa iyong katapatan.
Mga imno ng papuri sa alpa ko'y tutugtugin,
iuukol ko ang tugtog sa iyo, Banal na Diyos ng Israel.
23 Habang ako'y tumutugtog ay sisigaw na may galak,
masigla kong aawiting: “Ako'y iyong iniligtas.”
24 Maghapon kong isasaysay, O Diyos, ang iyong katarungan,
yamang lahat na nagtangka, sa lingkod mo ay nasaktan,
lahat sila ay nabigo't humantong sa kahihiyan.
Diyos ang Siyang Huhusga sa Lahat
94 Karapatang magparusa, O Yahweh, ay taglay mo,
ipakita mo ngayon ang karapatang ganito.
2 Tumayo ka at sa lupa'y igawad ang iyong hatol,
ang hambog ay hatulan mo ng parusang nauukol.
3 Hanggang kailan kaya, Yahweh, magagalak ang masama?
Hanggang kailan ibabantog ang kanilang mga gawa?
4 Gaano bang katagal pa ang masama'y maghahambog,
upang sila'y magmalaki sa kanilang gawang buktot?
5 Kanila ngang nililipol itong mga hinirang mo,
Yahweh, inaapi nila mga taong tinubos mo.
6 Ang mga ulila, balo't mamamayan ng ibang bansa,
pinapatay nila ito at kanilang pinupuksa.
7 Madalas na sinasabi, “Hindi kami pansin ni Yahweh,
hindi kami nakikita ni pansin ng Diyos ni Jacob.”
8 Unawain ninyo, bayan, kayong kulang ang isipan;
hanggang kailan pa durunong kayong mga taong mangmang?
9 Itong Diyos na lumikha nitong ating mata't tainga,
akala ba ninyo'y bingi at ni hindi makakita?
10 Sa lahat ng mga bansa di ba siya ang hahatol?
Di ba siya'ng guro nila pagkat siya ang marunong?
11 Batid(A) ni Yahweh mga plano nating baluktot,
katulad lang ng hininga, madaling malagot.
12 Mapalad ang mga taong tumatanggap ng pangaral,
silang sa iyo'y tumatanggap ng turo sa kautusan.
13 Pagkat sila'y magdaranas ng kapahingahan,
hanggang yaong masasama'y mahulog sa kanilang hukay.
14 Mga lingkod ni Yahweh ay hindi niya iiwanan,
itong mga hirang niya'y hindi niya tatalikdan;
15 mababalik sa matuwid ang ganap na katarungan,
diwang ito ang susundin ng tapat ang pamumuhay.
16 Sino kaya'ng kakampi ko sa pagbaka sa masama?
Sino ngayon ang babaka sa masama nilang gawa?
17 O Yahweh, kung ako nga ay hindi mo tinulungan,
akin sanang kaluluwa'y naroon na sa libingan.
18 Kapag aking nagunitang, “Ang paa ko'y dumudulas,”
dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako'y tumatatag.
19 Kapag ako ay ginugulo ng maraming suliranin,
ang wagas na pag-ibig mo ang umaaliw sa akin.
20 Sa iyo ba ay papanig mga hukom na masama,
na ang laging kapasyaha'y ang hatol na hindi tama?
21 Sama-sama silang lagi't ang matuwid ang kalaban,
ang hatol sa walang sala ay hatol na kamatayan.
22 Ngunit ikaw, O Yahweh, ang sa aki'y nagtatanggol.
Ikaw na aking Diyos ang matibay na kanlungan.
23 Sa masamang gawa nila ay Diyos ang gaganti,
lilipulin niyang lahat, pagkat sila'y di mabuti;
ang wawasak sa kanila ay ang Diyos na si Yahweh.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.