Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 95

Awit ng Pagpupuri kay Yahweh

95 Tayo na't lumapit
    kay Yahweh na Diyos, siya ay awitan,
ang batong kublihan,
atin ngang handugan, masayang awitan!
Tayo na't lumapit,
sa kanyang presensya na may pasalamat,
siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
Sapagkat si Yahweh,
siya ay dakila't makapangyarihang Diyos,
ang dakilang Haring
higit pa sa sinuman na dinidiyos.
Nasa kanyang palad
ang buong daigdig, pati kalaliman;
ang lahat ay kanya
maging ang mataas nating kabundukan.
Kanya rin ang dagat
at pati ang lupa na kanyang nilalang.

Tayo na't lumapit,
sa kanya'y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap
ni Yahweh na siyang sa ati'y may lalang.
Siya(A) (B) ang ating Diyos,
at tayo ang bayan sa kanyang pastulan,
mga tupang kanyang inaalagaan.

At ngayon kanyang salita'y ating pakinggan:
“Iyang(C) inyong puso'y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masah.
Ako ay tinukso't
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagama't nakita
ang aking ginawang sila'ng nakinabang.
10 Apatnapung taon,
sa inyong ninuno ako ay nagdamdam,
ang aking sinabi,
‘Sila ay suwail, walang pakundangan
at ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin!’
11 Kaya't(D) sa galit ko,
ako ay sumumpang hindi sila makakapasok
at makakapagpahinga sa aking piling.”

Mga Awit 97-99

Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari

97 Si Yahweh ay naghahari, magalak ang buong mundo!
    Magsaya nama't magdiwang, lahat kayong mga pulo!
Ang paligid niya'y ulap na punô ng kadiliman,
    kaharian niya'y matuwid at salig sa katarungan.
Sa unahan niya'y apoy, patuloy na nag-aalab,
    sinusunog ang kaaway sa matindi nitong ningas.
Yaong mga kidlat niyang tumatanglaw sa daigdig,
    kapag iyon ay namasdan, ang lahat ay nanginginig.
Itong mga kabundukan ay madaling nalulusaw,
    sa presensya ni Yahweh, Diyos ng sandaigdigan.
Sa langit ay nahahayag nga ang kanyang katuwiran,
    sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.

Lahat silang sumasamba sa kanilang diyus-diyosan, mahihiya sa kanilang paghahambog na mainam.
    Mga diyos nilang ito ay yuyuko sa Maykapal.
Nagagalak itong Zion, mamamaya'y nagsasaya,
    nagagalak ang lahat ng mga lunsod nitong Juda,
    dahilan sa wastong hatol yaong gawad na parusa.
Ikaw, Yahweh, ay Dakila at hari ng buong lupa,
    dakila ka sa alinmang mga diyos na ginawa.

10 Mahal ni Yahweh ang lahat ng namumuhi sa masama,
    siya ang nag-iingat sa buhay ng mga lingkod niya;
    sa kamay ng mga buktot, tiyak na ililigtas niya.
11 Sa tapat ang pamumuhay ay sisinag ang liwayway,
    sa dalisay namang puso maghahari'y kagalakan.
12 Kayong mga matuwid, kay Yahweh ay magalak,
    sa banal niyang pangalan kayo'y magpasalamat.

Si Yahweh ang Hari ng Buong Mundo

98 Kumanta ng bagong awit at kay Yahweh ay ialay,
    pagkat mga ginawa niya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at kabanalan niyang taglay,
    walang hirap na natamo itong hangad na tagumpay.
Ang tagumpay ni Yahweh, siya na rin ang naghayag,
    sa harap ng mga bansa'y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad,
    tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay nahayag!

Magkaingay na may galak, lahat ng nasa daigdig;
    si Yahweh ay buong galak na purihin sa pag-awit!
Sa saliw ng mga lira kayong lahat ay umawit,
    at si Yahweh ay purihin sa ating mga tugtugin.
Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli,
    magkaingay sa harapan ni Yahweh na ating Hari.

Mag-ingay ka, karagatan, at lahat ng lumalangoy,
    umawit ang buong mundo at lahat ng naroroon.
Umugong sa palakpakan pati yaong karagatan;
    umawit ding nagagalak ang lahat ng kabundukan.

Si Yahweh ay dumarating, maghahari sa daigdig;
    taglay niya'y katarungan at paghatol na matuwid.

Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari

99 Si(A) Yahweh ay naghahari kaya't sa takot ay,
    mga tao'y nanginginig,
trono'y sa ibabaw ng mga kerubin,
    kaya daigdig ay nayayanig.
Si Yahweh'y dakilang tunay, sa Zion o sa mga bansa,
    si Yahweh ang naghahari sa lahat ng mga nilikha.
Purihin natin ang banal at dakila niyang ngalan,
    si Yahweh ay banal!

Ikaw ay dakilang Hari, umiibig sa katuwiran,
    ang dulot mo sa Israel ay ganap na katarungan;
    ang dulot mo sa kanila ay pagtinging pantay-pantay.
Si Yahweh na ating Diyos ay lubos na parangalan;
    sa harap ng kanyang trono, tayo ay manambahan!
    Si Yahweh ay banal!

Si Moises at si Aaron, na mga pari niya;
    at si Samuel nama'y lingkod na sa kanya ay sumamba;
    nang si Yahweh'y dalanginan, dininig naman sila.
Si(B) Yahweh ay nagsalita sa isang haliging ulap;
    sila naman ay nakinig, utos niya ay tinupad.

O Yahweh na aming Diyos, sinagot mo sila agad,
    at ikaw ay nakilalang Diyos na mapagpatawad;
    ngunit pinagdurusa mo kung ang gawa'y hindi tumpak.
Ang Diyos natin na si Yahweh, dapat nating parangalan,
    sa banal na bundok niya sambahin ang kanyang ngalan!
Si Yahweh na ating Diyos ay banal!

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.