Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Samuel 24

Nagsagawa ng Sensus si David(A)

24 Dumating ang panahong muling nagalit sa Israel si Yahweh, at ginamit niya si David upang sila'y parusahan. Sinabi niya, “Lumakad ka at bilangin mo ang mga taga-Israel at mga taga-Juda.” Kaya't inutusan ni David si Joab, ang pinuno ng kanyang hukbo, “Pumunta ka kasama ng iyong mga opisyal sa lahat ng lipi ng Israel mula sa Dan hanggang Beer-seba, at bilangin ninyo ang sambayanan. Gusto kong malaman kung gaano sila karami.”

Sumagot si Joab, “Sana'y loobin ni Yahweh, na paramihin ng sandaang ulit ang bilang ng sambayanan. At sana'y makita ninyo ang katuparan nito. Ngunit bakit gusto pa ninyong malaman ang bagay na ito?” Ngunit iginiit ni David ang kanyang utos, kaya't lumakad sila upang isagawa ang pagbilang sa sambayanang Israel.

Tumawid sila ng Jordan at nagsimula sila sa Aroer tuloy sa lunsod sa gitna ng kapatagan patungong Gad hanggang sa Jazer. Pagkatapos, tumuloy sila sa Gilead at sa Kades, sa lupain ng mga Heteo at nagtuloy hanggang sa Dan. Mula roo'y nagpunta sila sa Sidon at nagpatuloy hanggang sa makarating sila sa may pader na lunsod ng Tiro. Nilibot nila ang lahat ng bayan ng mga Hivita at Cananeo at nagtapos sila sa Beer-seba sa katimugan ng Juda. Nagbalik sila sa Jerusalem pagkatapos na malibot nila ang buong lupain sa loob ng siyam na buwan at dalawampung araw. Iniulat ni Joab sa hari ang kabuuan ng lahat ng mga lalaking maaaring maglingkod sa hukbong sandatahan. Sa Israel ay 800,000 at sa Juda naman ay 500,000.

10 Matapos ipabilang ni David ang mga tao, inusig siya ng kanyang budhi. Sinabi niya kay Yahweh, “Nagkasala ako nang malaki sa ginawa kong ito, patawarin po ninyo ako sa aking kahangalan.” 11 Kinaumagahan, pagkagising ni David, sa utos ni Yahweh ay pumunta sa kanya ang propetang si Gad.

Sinabi nito kay David, 12 “Ito po ang ipinapasabi sa inyo ni Yahweh, ‘Mamili ka kung alin sa tatlong parusang ito ang gusto mong gawin ko sa iyo: 13 Tatlong[a] taóng taggutom sa iyong lupain, tatlong buwang pag-uusig ng iyong mga kaaway o tatlong araw na salot! Alin ang gusto ninyo para masabi ko sa nagsugo sa akin?”

14 Sumagot si David, “Hirap na hirap ang aking kalooban sa nangyaring ito. Sapagkat mahabagin si Yahweh, ang pipiliin ko'y ang tuwirang parusa niya, kaysa ako'y mahulog pa sa kamay ng mga tao.”

15 Kaya't si Yahweh ay nagpadala ng salot sa Israel, at mula sa Dan hanggang Beer-seba ay 70,000 tao ang namatay. Nangyari ito mula nang umagang iyon hanggang sa itinakdang panahon. 16 Nang iunat ng anghel ang kanyang kamay upang puksain ang mga taga-Jerusalem, pinigil siya ni Yahweh. Nagbago ang pasya nito at sinabi, “Tama na! Huwag mo nang ituloy.” Ang anghel ni Yahweh ay nakatayo noon sa giikan ni Arauna, isang Jebuseo.

17 Nang makita ni David ang anghel, sinabi niya kay Yahweh, “Napakalaki ng pagkakasalang nagawa ko sa inyo at ang mga walang malay na tupang ito ang nagdurusa. Ako at ang aking sambahayan ang parusahan ninyo.”

18 Nang araw ring iyon, lumapit si Gad kay David at sinabi, “Gumawa kayo ng altar para kay Yahweh sa giikan ni Arauna.” 19 Sinunod ni David ang utos ni Yahweh. 20 Nang makita ni Arauna na dumarating ang hari kasama ang kanyang mga lingkod, sumalubong siya at nagpatirapa sa harapan niyon. 21 “Ano po kaya ang inyong pakay, Kamahalan, at dumalaw sa inyong abang lingkod?” tanong ni Arauna.

Sumagot si David, “Bibilhin ko ang iyong giikan para pagtayuan ng altar ni Yahweh, upang mahinto na ang salot.”

22 “Hindi na po kailangang bilhin ito; gamitin na po ninyo sa paghahandog,” tugon naman ni Arauna. Sinabi pa niya, “Mayroon po akong mga toro dito. Ito na po ang inyong ihandog. Ang kariton po namang ito at mga pamatok ay gawin na ninyong panggatong.” 23 Nang maibigay niya ang lahat ng ito ay idinugtong pa niya, “Maging kalugud-lugod nawa ang inyong handog kay Yahweh na inyong Diyos.”

24 Ngunit sinabi ng hari, “Hindi maaari; babayaran kita, sapagkat hindi ako maghahandog kay Yahweh nang anumang walang halaga sa akin.” Kaya't binayaran ni David ang giikang iyon at ang toro sa halagang limampung pirasong pilak. 25 Gumawa nga siya ng altar at nagdala roon ng handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Pinakinggan ni Yahweh ang panalangin ni David para sa bansa at tumigil na nga ang salot sa Israel.

1 Cronica 21-22

Ang Sensus at ang Salot(A)

21 Nais guluhin ni Satanas ang Israel kaya inudyukan nito si David na magsensus. Dahil dito, inutusan ng hari si Joab at ang mga pinuno ng hukbo na alamin ang bilang ng mga Israelita mula sa Beer-seba hanggang sa Dan, at iulat sa kanya.

Ngunit sinabi ni Joab, “Halimbawang ang mga tao'y paramihin ni Yahweh nang makasandaang beses, hindi ba't sila'y mga lingkod mo pa rin, at ikaw ang kanilang marangal na hari? Bakit pa ninyo kailangang gawin ito, Kamahalan? Bakit pa ninyo bibigyan ng dahilan upang magkasala ang Israel?” Ngunit nanaig ang utos ng hari. Kaya't si Joab ay naglibot sa buong lupain at pagkatapos ay nagbalik sa Jerusalem. Iniulat niya kay David ang kabuuang bilang ng kalalakihang maaaring gawing kawal: sa Israel ay 1,100,000 at sa Juda naman ay 470,000. Ngunit hindi niya isinama sa sensus ang lipi nina Levi at Benjamin, sapagkat labag sa kanyang kalooban ang utos na ito ng hari.

Nagalit ang Diyos sa ginawang ito, kaya pinarusahan niya ang Israel. Sinabi ni David sa Diyos, “Napakalaking kasalanan ang nagawa ko, Yahweh! Patawarin mo sana ako sa aking kahangalan.”

Sinabi ni Yahweh kay Gad, ang propeta ni David, 10-11 “Pumunta ka kay David at sabihin mo sa kanya, ‘Sinabi ni Yahweh, pumili ka sa tatlong bagay na maaari kong gawin sa iyo.’”

Pumunta nga si Gad kay David at pinapili ito: 12 tatlong taóng taggutom, tatlong buwang pananalanta ng mga kaaway, o tatlong araw na pananalanta ng Diyos sa pamamagitan ng salot sa buong Israel na isasagawa ng anghel ni Yahweh. “Magpasya ka ngayon upang masabi ko ito kay Yahweh,” sabi ni Gad kay David.

13 “Napakahirap ng kalagayan ko,” sagot ni David. “Gusto kong si Yahweh ang magparusa sa akin sapagkat mahabagin siya. Ayaw kong tao ang magparusa sa akin.”

14 Nagpadala nga ng salot sa Israel si Yahweh, at pitumpung libo ang namatay sa kanila. 15 Sinugo ng Diyos ang isang anghel ni Yahweh upang wasakin ang Jerusalem, ngunit nang wawasakin na ito, ikinalungkot ni Yahweh ang nangyayari. Kaya't sinabi niya, “Tama na! Huwag mo nang ituloy iyan.” Ang anghel noon ay nakatayo sa tabi ng giikan ni Ornan na isang Jebuseo.

16 Tumingala si David at nakita niya ang anghel ni Yahweh sa pagitan ng langit at lupa. May hawak itong espada at nakaamba sa Jerusalem. Si David at ang matatandang pinuno ay nagsuot ng damit-panluksa, at nagpatirapa. 17 Tumawag siya sa Diyos, “Ako po ang nag-utos na alamin ang bilang ng mga tao. Walang kasalanan ang mga taong-bayan. Kaya ako at ang aking angkan na lamang ang inyong parusahan. Huwag ninyong idamay sa salot ang mga tao.”

18 Si Gad ay inutusan ng anghel ni Yahweh upang sabihin kay David na magpunta sa giikan ni Ornan na Jebuseo at magtayo roon ng altar para kay Yahweh. 19 Sumunod naman si David sa ipinapasabi ni Yahweh kay Gad. 20 Gumigiik noon si Ornan kasama ang apat niyang anak na lalaki. Nang makita nila ang anghel, nagtago ang mga anak niya. 21 Nakita ni Ornan na dumarating si David, kaya't sinalubong niya ito. Nagpatirapa siya bilang pagbibigay-galang. 22 Sinabi ni David, “Bibilhin ko ang lupang ito para pagtayuan ko ng altar ni Yahweh upang matigil na ang salot na namiminsala sa bayan.”

23 “Sa inyo na lang po ito at huwag na ninyong bayaran,” sagot ni Ornan. “Kayo na po ang bahala kung anong gusto ninyong gawin. Narito pa po ang mga toro para sa handog na susunugin at ang mga kahoy na ginagamit sa paggiik para gawing panggatong. Narito rin po ang trigo para sa handog na pagkaing butil. Lahat pong ito'y sa inyo na.”

24 Ngunit sinabi ni David kay Ornan, “Hindi! Ibibigay ko sa iyo ang eksaktong bayad. Hindi ako maghahandog kay Yahweh ng bagay na hindi akin at ng anumang walang halaga.” 25 Kaya't binili ni David kay Ornan ang lugar na iyon sa halagang animnaraang pirasong ginto. 26 Nagtayo siya roon ng altar para kay Yahweh at nagdala ng handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Nanalangin siya kay Yahweh at sumagot naman si Yahweh sa pamamagitan ng apoy buhat sa langit upang sunugin ang mga handog sa ibabaw ng altar.

27 Iniutos ni Yahweh sa anghel na isuksok na ang espada, at sumunod naman ito. 28 Noon natiyak ni David na pinakinggan siya ni Yahweh. Kaya't nag-alay si David ng mga handog sa giikang pag-aari noon ni Ornan na Jebuseo. 29 Noon, ang tabernakulo ni Yahweh na ginawa ni Moises sa ilang, at ang altar na sunugan ng mga handog ay nasa burol na lugar ng pagsamba sa Gibeon. 30 Ngunit hindi makapunta doon si David upang sumangguni sa Diyos sapagkat natatakot siya sa espada ng anghel ni Yahweh.

22 Sinabi ni David, “Dito itatayo ang Templo ng Panginoong Yahweh. Dito rin ilalagay ang altar ng mga susunuging handog para sa Israel.”

Mga Paghahanda para sa Pagtatayo ng Templo

Iniutos ni David na magtipon ang lahat ng mga dayuhan sa Israel, at inatasan niya ang ilan sa mga ito na maging tagatapyas ng mga batong gagamitin sa itatayong Templo ng Diyos. Naghanda siya ng maraming bakal para gawing pako at pang-ipit sa mga pintuan at nag-ipon din siya ng tanso na sa sobrang bigat ay hindi na matimbang. Napakaraming tabla at trosong sedar ang dinala ng mga taga-Sidon at taga-Tiro. Sinabi ni David, “Napakabata pa ng anak kong si Solomon at wala pa siyang karanasan. Dahil dito'y ihahanda ko ang lahat ng kailangan sa ipatatayo niyang Templo ni Yahweh. Kailangang ito'y walang kasingganda upang ito'y matanyag at hahangaan ng buong daigdig.” Naghanda nga si David ng napakaraming kagamitan bago pa siya namatay.

Ipinatawag niya ang anak niyang si Solomon, at sinabi, “Ipagtatayo mo ng bahay si Yahweh, ang Diyos ng Israel.” Sinabi(B) niya rito, “Anak, matagal ko nang binalak na magtayo ng templo upang parangalan ang aking Diyos na si Yahweh ngunit sinabi niya sa akin na marami na akong napatay at napakaraming hinarap na labanan. Dahil sa bahid ng dugo sa aking mga kamay, hindi niya ako pinayagang magtayo ng templo para sa kanya. Ngunit ipinangako niyang pagkakalooban niya ako ng isang anak na lalaki. Mamumuhay ito nang payapa at hindi gagambalain ng kanyang mga kaaway habang siya'y nabubuhay. Tatawagin siyang Solomon[a] sapagkat bibigyan ko ang Israel ng kapayapaan at kapanatagan sa panahon ng kanyang paghahari.’ 10 Sinabi pa niya sa akin, ‘Siya ang magtatayo ng templo para sa akin. Magiging anak ko siya at ako'y magiging ama niya. Patatatagin ko ang paghahari ng kanyang angkan sa Israel magpakailanman!’”

11 Sinabi pa ni David, “Samahan ka nawa ng iyong Diyos na si Yahweh. Tuparin nawa niya ang kanyang pangako na pagtatagumpayin ka niya sa pagtatayo ng templo para sa kanya. 12 Bigyan ka nawa ng Diyos mong si Yahweh ng karunungan at pang-unawa upang pagharian mo ang Israel ayon sa kanyang Kautusan. 13 Magtatagumpay(C) ka kung susundin mong mabuti ang mga utos at tuntuning ibinigay ni Yahweh kay Moises para sa Israel. Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matakot ni panghinaan man ng loob. 14 Sinikap kong magtipon ng lahat ng kailangan sa pagpapatayo ng Templo ni Yahweh. Nakaipon ako ng may 3,500,000 kilong ginto, at humigit-kumulang sa 35,000,000 kilong pilak. Ang tinipon kong tanso't bakal ay hindi na kayang timbangin dahil sa sobrang bigat. Nakahanda na rin ang mga kahoy at batong kailangan. Dagdagan mo pa ang mga ito. 15 Marami ka nang manggagawa: mga tagatapyas ng bato, mga kantero, mga karpintero, at lahat ng uri ng napakaraming manggagawa na eksperto sa 16 ginto, pilak, tanso at bakal. Simulan mo na ngayon ang gawain at tulungan ka nawa ni Yahweh!”

17 Inatasan ni David ang mga pinuno ng Israel na tulungan si Solomon. Sabi niya, 18 “Kayo ay patuloy na pinapatnubayan ni Yahweh. Hindi niya kayo iniiwanan kaya nagtatamasa kayo ng kapayapaan saanmang lugar. Niloob niyang malupig ko ang mga dating naninirahan sa lupaing ito. Sila ngayon ay alipin ninyo at ni Yahweh. 19 Kaya, paglingkuran ninyo si Yahweh nang buong puso't kaluluwa. Simulan na ninyo ang pagtatayo ng santuwaryo niya upang madala na roon ang Kaban ng Tipan ni Yahweh at ang lahat ng sagradong kagamitan para sa pagsamba sa kanya.”

Mga Awit 30

Panalangin ng Pagpapasalamat

Katha ni David; isang Awit para sa pagtatalaga ng Templo.

30 Pinupuri kita, Yahweh, pagkat ako'y iyong iniligtas,
    mga kaaway ko'y di mo hinayaang magmataas.
Sa iyo, Yahweh, aking Diyos, ako'y dumaing,
    at ako nama'y iyong pinagaling.
Hinango mo ako mula sa libingan,
    at mula sa hukay, ako'y muli mong binuhay.

Purihin si Yahweh, siya'y inyong awitan,
    ninyong bayang hinirang, siya ay pasalamatan,
pasalamatan ninyo ang banal niyang pangalan!
Ang kanyang galit, ito'y panandalian,
    ngunit panghabang-buhay ang kanyang kabutihan.
Sa buong magdamag, luha ma'y pumatak,
    pagsapit ng umaga, kapalit ay galak.

Sinabi ko sa sarili pagkat ako'y panatag,
    “Kailanma'y hindi ako matitinag.”
Kay buti mo, Yahweh, ako'y iyong iningatan,
    tulad sa isang muog sa kabundukan.
Ngunit natakot ako, nang ako'y iyong iwan.

Sa iyo, Yahweh, ako'y nanawagan,
    nagsumamo na ako ay tulungan:
“Anong halaga pa kung ako'y mamamatay?
    Anong pakinabang kung malibing sa hukay?
Makakapagpuri ba ang mga walang buhay?
    Maipapahayag ba nila ang iyong katapatan?
10 Pakinggan mo ako, Yahweh, at kahabagan,
    O Yahweh, ako po sana'y tulungan!”

11 Pinawi mo itong aking kalungkutan, pinalitan mo ng sayaw ng kagalakan!
    Pagluluksa ko ay iyong inalis,
    kaligayahan ang iyong ipinalit.
12 Aawit sa iyo ng papuri at hindi ako tatahimik,
    O Yahweh, aking Diyos, pasasalamat ko'y walang patid.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.