Chronological
Ang Lupaing para sa Lipi ng Efraim at Manases
16 Ang lupaing napapunta sa angkan ni Jose ay nagsisimula sa Jordan sa tapat ng Jerico—sa silangan ng batis ng Jerico; papunta sa ilang, at umahon sa kaburulan hanggang sa Bethel; 2 buhat sa Bethel ay nagtuloy sa Luz at nilakbay ang Atarot na lupain ng mga Arkita; 3 bumabâ pakanluran sa lupain ng mga Jaflatita, nagdaan sa hangganan ng Timog Beth-horon, tumuloy ng Gezer, at nagwakas sa Dagat Mediteraneo.
4 Ito ang lupaing napapunta sa angkan ni Jose, sa mga lipi ni Efraim at Manases.
5 Ang hangganang silangan ng lupaing napunta sa lipi ni Efraim ay ang Atarot-adar, hanggang sa Hilagang Beth-horon. 6 Buhat doon ay naglakbay sa timog ng Micmetat, at nagtungo sa Dagat Mediteraneo. Sa gawing silanga'y lumikong patungo sa Taanat-silo, at buhat doo'y nagtuloy sa may silangan ng Janoa. 7 Lumampas ng Janoa at bumabâ sa Atarot at Naara, nagdaan sa tabi ng Jerico at nagtapos sa Jordan. 8 Pumakanluran buhat sa Tapua, namaybay ng batis ng Cana, at nagtapos sa Dagat Mediteraneo. Ito ang lupaing napapunta sa lipi ni Efraim, 9 bukod sa mga bayan at nayong ibinigay sa kanila sa nasasakupan ng lupain ng lipi ni Manases. 10 Hindi(A) na nila pinaalis ang mga Cananeong nakatira sa Gezer, kaya may mga Cananeong naninirahan sa Efraim hanggang ngayon. Subalit sapilitang pinagtrabaho ang mga ito bilang mga alipin.
17 Isang bahagi ng lupain ang ibinigay sa lipi ni Manases, sapagkat siya'y panganay ni Jose. Ibinigay ang Gilead at Bashan kay Maquir na ama ni Gilead, anak na panganay ni Manases, sapagkat siya'y isang mandirigma. 2 Binigyan din ng kani-kanilang bahagi sa lupain ang mga angkan nina Abiezer, Helec, Asriel, Shekem, Hefer at Semida. Sila ang mga anak na lalaki ni Manases, at mga pinuno ng kani-kanilang angkan. 3 Ngunit si Zelofehad na anak ni Hefer at apo ni Gilead na anak naman ni Maquir at apo ni Manases, ay walang anak na lalaki. Babae lahat ang anak niya, at ang pangalan nila'y Mahla, Noa, Hogla, Milca at Tirza. 4 Lumapit(B) sila kay Eleazar na pari, kay Josue na anak ni Nun, at sa mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniutos ni Yahweh kay Moises na bigyan din kami ng lupain, gaya ng ginawa niya sa iba naming kapatid.” Kaya't ayon sa utos ni Yahweh, binigyan din sila ng bahagi tulad ng kanilang mga kamag-anak na lalaki. 5 Ito ang dahilan kung bakit ang lipi ni Manases ay tumanggap pa ng sampung parte, bukod sa Gilead at Bashan sa kabila ng Jordan. 6 Binigyan din ng kanilang kaparte ang mga anak na babae. Ang Gilead ay napunta sa ibang mga anak na lalaki ni Manases.
7 Ang lupain ng lipi ni Manases ay mula sa Asher hanggang sa Micmetat na nasa tapat ng Shekem. Buhat doon, nagtuloy ang hangganan sa En-tapua. 8 Talagang bahagi ng Manases ang lupain ng Tapua, ngunit ang bayan ng Tapua na nasa gilid ng hangganan ng Manases ay kabilang sa mga bayang napapunta sa lipi ni Efraim. 9 Ang hanggana'y nagtuloy sa batis ng Cana, namaybay rito, at nagtapos sa Dagat Mediteraneo. Bahagi ng Efraim ang mga lunsod na nasa timog ng batis, kahit na malapit ang mga ito sa mga lunsod ng Manases. 10 Ang lupain ng Efraim ay nasa timog ng batis at ang lupain ng Manases ay nasa hilaga. Ang Dagat Mediteraneo ang hangganan nila sa kanluran. Katabi ng lipi ni Manases ang Asher sa dulong hilaga, at ang Isacar sa dakong silangan. 11 Sa loob ng lupain ng Isacar at Asher ay may mga lunsod pa ring napunta sa lipi ni Manases: ang mga lunsod ng Beth-sean at Ibleam, pati ang mga nayon sa paligid, gayundin ang mga naninirahan sa Dor, Endor, Taanac at Megido, at sa kanilang mga nayon sa paligid. 12 Ngunit(C) hindi napaalis lahat ng mga taga-Manases ang mga naninirahan sa mga nasabing lunsod, kaya't nanatili roon ang mga Cananeo. 13 Subalit nang maging mas makapangyarihan ang mga Israelita, hindi na nila lubusang pinaalis ang mga Cananeo ngunit sapilitan nilang pinagtrabaho ang mga ito bilang alipin.
14 Lumapit kay Josue ang mga lipi ni Jose at kanilang sinabi, “Bakit iisang bahagi ang ibinigay mo sa amin, gayong napakarami namin sapagkat pinagpala kami ni Yahweh?”
15 Sumagot si Josue, “Kung hindi sapat sa inyo ang kaburulan ng Efraim, pasukin ninyo at linisan ang mga kagubatan sa lupain ng mga Perezeo at mga Refaita.”
16 Tumutol pa ang mga lipi ni Jose, “Hindi pa rin sapat sa amin ang kaburulan. Hindi naman namin kaya ang mga Cananeo sa kapatagan sapagkat sila'y may mga karwaheng bakal; gayundin ang mga Cananeo sa Beth-sean, sa mga nayon sa paligid, at sa Kapatagan ng Jezreel.”
17 Sumagot muli si Josue, “Kayo'y napakarami at makapangyarihan. Hindi lamang iisa ang magiging kaparte ninyo. 18 Mapapasa-inyo ang kaburulan. Kahit na kagubatan pa ngayon, lilinisan ninyo at titirhan ang kabuuan niyon. Mapapalayas ninyo ang mga Cananeo kahit na makapangyarihan sila at may mga karwaheng bakal.”
Ang Paghahati sa Iba pang Bahagi ng Lupain
18 Matapos nilang sakupin ang lupaing iyon, ang buong Israel ay nagtipon sa Shilo at itinayo roon ang Toldang Tipanan. 2 Pitong lipi ni Israel ang hindi pa tumatanggap ng kanilang kaparte sa lupain. 3 Kaya sinabi sa kanila ni Josue, “Kailan pa ninyo sasakupin ang lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno? 4 Pumili kayo ng tatlong lalaki sa bawat lipi. Lilibutin nila ang buong lupain upang gumawa ng plano sa paghahati nito para sa kanila. Pagbalik nila, 5 hahatiin sa pito ang buong lupain. Ngunit hindi magagalaw ang bahagi ni Juda sa timog ni ang bahagi ni Jose sa hilaga. 6 Gagawa kayo ng plano at ilalagay roon ang kani-kanilang hangganan. Ibibigay sa akin ang plano at gagawin ko ang palabunutan ayon sa utos ni Yahweh. 7 Hindi tatanggap ng bahagi ang mga Levita sapagkat ang bahagi nila'y ang paglilingkod kay Yahweh bilang mga pari. Ang mga lipi naman nina Gad at Ruben, at ang kalahati ng lipi ni Manases ay matatag na sa lupaing ibinigay sa kanila ni Moises sa ibayo ng Jordan.”
8 Nang humarap sa kanya ang mga napili, sinabi sa kanila ni Josue, “Lumakad na kayo at tingnan ninyo ang lupain. Gumawa kayo ng ulat at ibigay sa akin sa inyong pagbabalik. Ako ang gagawa ng palabunutan dito sa Shilo para sa inyo, ayon sa utos ni Yahweh.” 9 Sinuri nga nila ang buong lupain, at hinati sa pito. Itinala nila ang mga lunsod at bayang saklaw ng bawat bahagi. Pagkatapos, bumalik sila kay Josue sa Shilo. 10 Ginawa nga ni Josue ang palabunutan ayon sa utos ni Yahweh, at sa pamamagitan nito'y binigyan niya ang bawat lipi ng kani-kanilang kaparte sa lupain.
Ang Bahagi ng Lipi ni Benjamin
11 Nasa pagitan ng lupain ng lipi ni Juda at ni Jose ang lupaing napapunta sa mga angkan ng lipi ni Benjamin. 12 Sa hilaga, ang hangganan nito'y nagsimula sa Ilog Jordan; umahon sa hilaga ng Jerico, napakanluran sa kaburulan, at nagtapos sa ilang ng Beth-aven. 13 Buhat dito'y nagtungo sa gulod, sa gawing timog ng Luz (na tinatawag na Bethel). Nagtuloy sa Atarot-adar, na nasa kabundukan sa timog ng Beth-horong ibaba. 14 Buhat naman sa kanluran ng bundok na nasa timog ng Beth-horon ay lumiko papuntang timog, at nagtapos sa lunsod ng Baal (na ngayo'y tinatawag na lunsod ng Jearim), isang lunsod ng lipi ni Juda. Ito ang hangganan sa kanluran. 15 Sa timog, ang hangganan ng lupaing ito'y nagsimula sa gilid ng Lunsod ng Jearim at nagtapos sa batisan ng Neftoa. 16 Lumusong patungo sa paanan ng bundok na nasa silangan ng Libis ng Ben Hinom at hilaga ng Libis ng Refaim, tinahak ang Libis ng Ben Hinom na nasa timog ng bundok ng mga Jebuseo, at nagtuloy sa En-rogel. 17 Buhat dito'y lumusong pahilaga patungo sa En-shemes. Nagtuloy ng Gelilot na nasa tapat ng tawiran ng Adumim, at lumusong sa Bato ni Bohan na anak ni Ruben. 18 Dumaan sa hilagang gulod ng Bundok ng Beth-araba, at lumusong sa Araba. 19 Dumaan sa hilaga ng Bundok ng Beth-hogla at nagtapos sa pinagtagpuan ng Dagat na Patay at ng Ilog Jordan. Ito ang hangganan sa timog. 20 Ang Ilog Jordan naman ang hangganan sa gawing silangan. Ito ang mga hangganan ng lupaing napapunta sa lipi ni Benjamin.
21 Ang mga lunsod na napapunta sa lipi ni Benjamin ay ang Jerico, Beth-hogla at Emec-casis; 22 Beth-araba, Zemaraim at Bethel; 23 Avim, Para at Ofra; 24 Kefar-ammoni, Ofni at Geba. Labindalawang lunsod kasama ang mga nayon sa paligid. 25 Kasama rin ang Gibeon, Rama at Beerot; 26 Mizpa, Cefira at Moza; 27 Requem, Irpeel at Tarala; 28 Zela, Elef at Jebus (o Jerusalem), Gibeat, at Lunsod ng Jearim—labing-apat na lunsod kasama ang kanilang mga nayon. Ito ang bahagi ni Benjamin ayon sa kani-kanilang mga angkan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.