Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Deuteronomio 8-10

Ang Masaganang Lupain

“Sundin ninyong mabuti ang mga batas na ito na ibinigay ko sa inyo ngayon upang humaba ang inyong buhay, dumami ang inyong lahi, at kayo'y makarating sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno. Alalahanin ninyo kung paano niya kayo pinatnubayan sa ilang sa loob ng apatnapung taon upang matuto kayong magpakumbaba. Sinubok niya kayo kung susundin ninyo siya. Tinuruan(A) nga kayong magpakumbaba; ginutom niya kayo bago binigyan ng manna, isang pagkaing hindi ninyo kilala ni ng inyong mga ninuno. Ginawa niya ito upang ipaunawa sa inyo na ang tao'y hindi lamang sa tinapay nabubuhay kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ni Yahweh. Sa loob ng apatnapung taon, hindi nasira ang inyong kasuotan ni hindi namaga ang inyong mga paa sa kalalakad. Itanim(B) ninyo sa inyong isipan na kayo'y dinidisiplina ni Yahweh na inyong Diyos gaya ng pagdidisiplina ng isang ama sa kanyang anak. Kaya, matakot kayo sa kanya at sundin ang kanyang mga utos, sapagkat kayo'y dadalhin niya sa isang mainam na lupain, lupaing sagana sa tubig, maraming batis at bukal na umaagos sa mga burol at mga kapatagan. Sagana rin doon sa trigo, sebada, ubas, igos, bunga ng punong granada, olibo at pulot. Doon ay hindi kayo magkukulang ng pagkain o anumang pangangailangan. Ang mga bato roon ay makukunan ng bakal at makukunan ng mga tanso ang mga burol. 10 Mabubusog kayo roon at pupurihin ninyo si Yahweh na inyong Diyos dahil sa masaganang lupaing ibinigay niya sa inyo.

Babala Laban sa Pagtalikod kay Yahweh

11 “Huwag(C) ninyong kalilimutan si Yahweh na inyong Diyos. Sundin ninyo ang kanyang mga utos at mga tuntunin. 12 Kung kayo'y namumuhay na nang sagana, nakatira na sa magagandang bahay, 13 at marami nang alagang hayop, at marami nang naipong pilak at ginto, 14 huwag kayong magmamalaki. Huwag ninyong kalilimutan si Yahweh na nagpalaya sa inyo mula sa pagkaalipin sa bansang Egipto. 15 Siya ang pumatnubay sa inyo sa inyong paglalakbay sa malawak at nakakatakot na ilang na puno ng makamandag na mga ahas at alakdan. Nang wala kayong mainom, nagpabukal siya ng tubig mula sa isang malaking bato. 16 Kayo'y pinakain niya roon ng manna, isang pagkaing hindi ninyo kilala. Pinaranas niya kayo ng hirap para kayo'y subukin, at turuang magpakumbaba; ang lahat ng iyo'y sa ikabubuti rin ninyo. 17 Kaya, huwag na huwag ninyong iisipin na ang kayamanan ninyo'y bunga ng sariling lakas at kakayahan. 18 Subalit alalahanin ninyong si Yahweh na inyong Diyos ang nagbibigay sa inyo ng lakas upang yumaman kayo. Ginagawa niya ito bilang pagtupad niya sa kanyang pangako sa inyong mga ninuno. 19 Kapag siya'y tinalikuran ninyo at sumamba kayo sa diyus-diyosan, ngayon pa'y binabalaan ko na kayo na malilipol kayo. 20 Kung hindi ninyo papakinggan ang kanyang tinig, malilipol kayo tulad ng nangyari sa mga bansang ipinalipol sa inyo ni Yahweh.

Mga Bunga ng Pagsuway kay Yahweh

“Pakinggan ninyo, O Israel: Ngayong araw na ito, tatawid kayo ng Jordan upang sakupin ang mga bansang makapangyarihan kaysa inyo at ang mga lunsod na napapaligiran ng matataas na pader. Malalaki at matataas ang mga tagaroon, mga higante. Hindi kaila sa inyo ang kasabihang: ‘Walang makakalupig sa angkan ng higante.’ Subalit pakatatandaan ninyo na ang Diyos ninyong si Yahweh ang nangunguna sa inyo tulad ng isang malakas na apoy. Sila'y kanyang gagapiin upang madali ninyo silang maitataboy gaya ng sinabi ni Yahweh.

“Kung sila'y maitaboy na ni Yahweh alang-alang sa inyo, huwag ninyong iisipin na sila'y itinaboy dahil sa kayo'y matuwid. Ang totoo'y itinaboy sila ni Yahweh dahil sa kanilang kasamaan at hindi dahil sa kayo'y matuwid kaya mapapasa-inyo ang lupaing iyon. Itataboy sila ni Yahweh dahil sa kanilang kasamaan, at bilang pagtupad pa rin sa pangako niya sa mga ninuno ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob.

Naghimagsik ang Israel nang Sila'y nasa Sinai

“Kaya nga't pakatatandaan ninyo na ibinibigay ni Yahweh ang lupaing ito hindi dahil sa kayo'y matuwid; ang totoo'y lahi kayo ng matitigas ang ulo. Huwag ninyong kalilimutan kung bakit nagalit sa inyo si Yahweh nang kayo'y nasa ilang. Mula nang umalis kayo sa Egipto hanggang ngayon, wala na kayong ginawa kundi magreklamo. Noong kayo'y nasa Sinai,[a] ginalit ninyo nang labis si Yahweh at pupuksain na sana niya kayo noon. Nang(D) ako'y umakyat sa bundok at ibigay niya sa akin ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng kanyang kasunduan sa inyo, nanatili ako roon sa loob ng apatnapung araw at gabi. Hindi ako kumain ni uminom. 10 Ibinigay niya sa akin ang dalawang tapyas ng batong sinulatan niya ng lahat ng kanyang sinabi sa inyo mula sa naglalagablab na apoy nang kayo'y nagkakatipon sa may paanan ng bundok. 11 Pagkalipas ng apatnapung araw at gabing pananatili ko sa bundok, ibinigay niya sa akin ang nasabing mga tapyas ng bato.

12 “Sinabi ni Yahweh sa akin, ‘Tumayo ka at puntahan mo agad ang mga taong pinangunahan mo sa paglabas sa Egipto. Sila'y nagpapakasama na. Lumihis sila sa daang itinuro ko sa kanila. Gumawa sila ng imahen at iyon ang sinasamba nila.’

13 “Sinabi pa sa akin ni Yahweh, ‘Talagang matigas ang ulo ng mga taong ito. 14 Hayaan mo akong lipulin sila para mabura na ang alaala nila dito sa lupa, at sa iyo na magmumula ang isang bagong bansa na mas malaki at makapangyarihan kaysa kanila.’

15 “Kaya bumabâ ako mula sa nagliliyab na bundok, dala ang dalawang tapyas ng bato na kinasusulatan ng kasunduan. 16 Nakita ko ang pagkakasalang ginawa ninyo laban kay Yahweh. Gumawa kayo ng guyang ginto, at lumihis sa daang itinuro niya sa inyo. 17 Dahil dito, ibinagsak ko sa lupa ang dalawang tapyas ng batong dala ko, at nagkadurug-durog iyon sa harapan ninyo. 18 Pagkatapos, nagpatirapa ako sa harapan ni Yahweh, at sa loob ng apatnapung araw at gabi hindi ako kumain ni uminom dahil sa mga kasalanan ninyo na labis na ikinagalit ni Yahweh. 19 Natakot(E) ako na baka sa tindi ng galit niya'y puksain kayo. Mabuti na lamang at pinakinggan niya ako. 20 Galit na galit din siya kay Aaron, at ibig na rin niya itong patayin, kaya nanalangin ako para sa kanya. 21 Pagkatapos, kinuha ko ang guyang ginawa ninyo. Sinunog ko ito at dinurog na parang alabok saka ko ibinuhos sa batis na nagmumula sa bundok.

22 “Muli(F) ninyong ginalit si Yahweh nang kayo'y nasa Tabera, Masah, at Kibrot-hataava. 23 Nang(G) kayo'y pinapapunta na niya mula sa Kades-barnea upang sakupin ang lupaing ibinigay niya sa inyo, naghimagsik na naman kayo. Hindi ninyo siya pinaniwalaan ni pinakinggan man. 24 Simula nang makilala ko kayo ay lagi na lamang kayong naghihimagsik laban kay Yahweh.

25 “Nagpatirapa muli ako sa harapan ni Yahweh sa loob ng apatnapung araw at gabi sapagkat nais na niya kayong puksain. 26 Ito ang dalangin ko sa kanya: ‘Panginoong Yahweh, huwag po ninyong pupuksain ang bayang iniligtas ninyo at inilabas sa Egipto sa pamamagitan ng inyong walang kapantay na kapangyarihan. 27 Alalahanin po ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. Huwag na ninyong pansinin ang katigasan ng ulo ng sambayanang ito ni ang kanilang kasamaan o kasalanan sa inyo. 28 Kapag sila'y pinuksa ninyo, sasabihin ng mga taong ipapasakop ninyo sa kanila na ang mga Israelita'y dinala ninyo sa ilang upang puksain; hindi ninyo sila maihatid sa lupaing ipinangako ninyo, sapagkat matindi ang galit ninyo sa kanila. 29 Sila ang inyong bayang hinirang, ang bayang inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan.’

Ang Ikalawang Pagsulat sa Kautusan(H)

10 “Noon ay sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Magtapyas ka ng dalawang bato, tulad noong una, at gumawa ka ng kabang yari sa kahoy. Pagkatapos, umakyat ka sa bundok. Isusulat ko sa dalawang tapyas ng bato ang nakasulat sa unang dalawang tapyas na binasag mo. Pagkatapos, itago mo sa kaban.’

“Kaya gumawa ako ng kabang yari sa punong akasya, tumapyas ng dalawang batong katulad noong una at ako'y umakyat sa bundok. Isinulat nga ni Yahweh ang sampung utos sa dalawang tapyas ng bato. Ang sampung utos na ito ang sinabi niya sa inyo mula sa naglalagablab na apoy samantalang kayo'y nagkakatipon sa paanan ng bundok. Ang dalawang tapyas ng bato ay ibinigay sa akin ni Yahweh. Ako'y nagbalik mula sa bundok at inilagay ko sa kaban ang dalawang tapyas ng bato tulad ng utos sa akin ni Yahweh.”

(Ang(I) mga Israelita'y naglakbay mula sa Jaacan hanggang Mosera. Doon namatay at inilibing si Aaron. Ang anak niyang si Eleazar ang pumalit sa kanya bilang pari. Mula roo'y nagtuloy sila sa Gudgoda, at sa Jotbata, isang lugar na may maraming batis. Noon(J) pinili ni Yahweh ang mga Levita upang magbuhat ng Kaban ng Tipan, tumulong sa paglilingkod sa kanya, at magbasbas sa kanyang pangalan tulad ng ginagawa nila ngayon. Dahil dito, walang kaparte ang mga Levita sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. Si Yahweh ang bahagi nila, tulad ng pangako niya.)

10 “Tulad(K) noong una, apatnapung araw at gabi akong nanatili sa bundok at pinakinggan naman ako ni Yahweh. Dahil dito, hindi na niya itinuloy ang balak na pagpuksa sa inyo. 11 Sinabi niya sa akin na pangunahan kayo sa paglalakbay at pagsakop sa lupaing ipinangako ko sa inyong mga ninuno.

Ang Diwa ng Kautusan ni Yahweh

12 “Bayang Israel, ano nga ba ang nais ni Yahweh mula sa inyo? Ang gusto lang naman niya'y igalang ninyo siya, sundin ang kanyang mga utos, ibigin siya, paglingkuran ng buong puso't kaluluwa, 13 at tuparin ang kanyang mga bilin at tuntunin. Ito rin naman ay para sa inyong kabutihan. 14 Ang pinakamataas na langit, ang daigdig at ang lahat ng narito ay kay Yahweh. 15 Ngunit sa laki ng pag-ibig niya sa inyong mga ninuno, kayong lahi nila ay pinili niya sa gitna ng maraming bansa. 16 Kaya nga, maging masunurin kayo at huwag maging matigas ang inyong ulo. 17 Sapagkat(L) si Yahweh na inyong Diyos ay Diyos ng mga diyos, Panginoon ng mga panginoon, makapangyarihan at kakila-kilabot, walang itinatangi, at hindi nasusuhulan. 18 Binibigyan(M) niya ng katarungan ang mga ulila at balo; minamahal niya ang mga dayuhan at binibigyan ng pagkain at damit. 19 Ibigin ninyo ang mga dayuhan sapagkat kayo ma'y naging dayuhan din sa Egipto. 20 Magkaroon kayo ng takot kay Yahweh. Siya lang ang inyong sambahin; huwag kayong hihiwalay sa kanya, at sa pangalan lamang niya kayo manunumpa. 21 Siya lamang ang dapat ninyong purihin, siya ang inyong Diyos, ang gumawa ng marami at kakila-kilabot na mga bagay na inyong nasaksihan. 22 Pitumpu(N) lamang ang inyong mga ninuno nang pumunta sila sa Egipto ngunit ngayo'y pinarami kayo ng Diyos ninyong si Yahweh; sindami na kayo ng mga bituin sa langit.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.