Chronological
Nilinlang ng mga Taga-Gibeon si Josue
9 Ang mga tagumpay ng Israel ay nabalitaan ng lahat ng mga hari sa ibayo ng Jordan, sa kaburulan, sa kapatagan, at sa baybayin ng Dagat Mediteraneo hanggang sa Lebanon, sa dulong hilaga. Ang mga haring ito ng mga Heteo, ng mga Amoreo, ng mga Cananeo, ng mga Perezeo, ng mga Hivita, at ng mga Jebuseo 2 ay nagsama-sama upang lusubin si Josue at ang bayang Israel.
3 Ngunit nang mabalitaan ng mga taga-Gibeon ang ginawa ni Josue sa Jerico at sa Ai, 4 umisip sila ng paraan upang malinlang si Josue. Nagdala sila ng pagkain at kinargahan nila ang kanilang mga asno ng mga lumang sako at mga sisidlang-balat na tagpi-tagpi. 5 Nagsuot sila ng mga pudpod at butas-butas na sandalyas, at damit na gula-gulanit. Matigas na at amagin pa ang baon nilang tinapay. 6 Pumunta sila kay Josue sa kampo ng Israel sa Gilgal. Ganito ang sabi nila kay Josue at sa kasama niyang mga pinuno ng Israel: “Kami po'y galing pa sa malayong lupain; nais po naming makipagkasundo sa inyo!”
7 Ngunit(A) sumagot ang mga pinuno ng Israel, “Baka kayo'y mga tagarito. Hindi kami maaaring makipagtipan sa inyo.”
8 Nagmakaawa sila kay Josue, “Handa po kaming maglingkod sa inyo!”
Tinanong sila ni Josue, “Sino ba kayo? Saan kayo galing?”
9 At ganito ang kanilang salaysay: “Buhat po kami sa napakalayong lupain. Nagsadya po kami sa inyo sapagkat nabalitaan namin ang tungkol kay Yahweh, na inyong Diyos. Narinig po namin ang ginawa niya sa Egipto. 10 Nalaman(B) din po namin ang ginawa niya sa dalawang haring Amoreo sa silangan ng Jordan: kay Sihon na hari ng Hesbon at kay Og na hari ng Bashan, na nakatira sa Astarot. 11 Kaya't isinugo po kami ng aming matatanda at mga kababayan. Nagdala po kami ng baon at naglakbay hanggang dito upang makipagkita sa inyo at paabutin sa inyo na kami'y handang maglingkod sa inyo! Marapatin po sana ninyong makipagkasundo sa amin. 12 Tingnan po ninyo ang tinapay na baon namin. Mainit pa po iyan nang umalis kami sa amin. Ngunit ngayo'y matigas na at amagin. 13 Bago pa rin ang mga sisidlang-balat na iyan nang aming lagyan. Tingnan po ninyo! Sira-sira at tagpi-tagpi na ngayon. Gula-gulanit na po itong aming kasuotan at pudpod na itong aming sandalyas dahil sa kalayuan ng aming nilakbay.”
14 Tinikman ng mga pinuno ng Israel ang mga pagkain ngunit hindi man lamang sumangguni kay Yahweh. 15 Kaya't nakipagkasundo sa kanila si Josue at nangako na hindi sila papatayin. Sumang-ayon din sa kasunduan ang mga pinuno ng Israel.
16 Tatlong araw pagkatapos pagtibayin ang kasunduan, nalaman ng mga Israelita na hindi pala taga malayo ang mga taong iyon, kundi tagaroon din sa lupaing iyon. 17 Kaya lumakad sila, at pagkatapos ng tatlong araw ay natagpuan nila ang mga tinitirhan ng mga taong iyon: ang mga lunsod ng Gibeon, Cefira, Beerot at Lunsod ng Jearim. 18 Ngunit hindi magawang patayin ng mga Israelita ang mga taong iyon sapagkat ang mga pinuno ng Israel ay nanumpa sa kanila sa pangalan ni Yahweh. At nagreklamo ang buong bayan laban sa pangyayaring iyon. 19 Kaya't nagpaliwanag ang mga pinuno, “Nakipagkasundo kami sa kanila sa ngalan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Hindi natin sila maaaring saktan. 20 Kailangang igalang natin ang kanilang buhay; kung hindi, baka tayo parusahan ng Diyos dahil sa sumpang aming binitiwan sa kanila. 21 Hayaan ninyo silang mabuhay. Gagawin natin silang tagapangahoy at taga-igib.”
22 Ipinatawag naman ni Josue ang mga taga-Gibeon at kanyang sinabi, “Bakit ninyo kami nilinlang? Bakit ninyo sinabing kayo'y taga malayo, gayong tagarito pala kayo? 23 Dahil sa ginawa ninyo, isinusumpa kayo ng Diyos. Buhat ngayon, magiging alipin namin kayo, tagapangahoy at taga-igib sa bahay ng aking Diyos.”
24 Sumagot sila, “Ginawa po namin iyon sapagkat napatunayan namin na talagang iniutos ni Yahweh, na inyong Diyos, sa lingkod niyang si Moises na ipamahagi sa inyo ang mga lupaing ito at lipulin ang lahat ng taong nakatira dito. At ngayong kayo nga'y dumating na, natatakot po kaming baka kami'y lipulin ninyo. 25 Kami po'y nasa ilalim ng inyong kapangyarihan ngayon. Gawin po ninyo sa amin ang inyong mamarapatin.” 26 Kaya't ipinagtanggol ni Josue ang mga taong iyon at hindi pinabayaang patayin ng mga Israelita. 27 Subalit sila'y ginawa niyang mga alipin, tagapangahoy at taga-igib sa altar ni Yahweh. Nananatili sila sa kalagayang iyon hanggang ngayon, at naglilingkod sa altar ni Yahweh saanman sila kailanganin.
Nalupig ang mga Amoreo
10 Nabalitaan ni Adonizedec, hari ng Jerusalem, na sinakop at tinupok ni Josue ang lunsod ng Ai. Nabalitaan din niya ang ginawa ni Josue sa hari at mga mamamayan ng Ai, at ang ginawa niya sa hari ng Jerico at sa mga tagaroon. Nalaman din niya na ang mga taga-Gibeon ay nakipagkasundo at naninirahang kasama ng mga Israelita. 2 Labis itong ikinabahala ng mga taga-Jerusalem, sapagkat ang Gibeon ay kasinlaki ng mga lunsod na may sariling hari, higit na malaki kaysa Ai, at magigiting ang mga mandirigma nito. 3 Kaya nagpadala ng mensahe si Adonizedec kay Hoham, hari ng Hebron; kay Piream, hari ng Jarmut; kay Jafia, hari ng Laquis; at kay Debir, hari ng Eglon. 4 Ganito ang kanyang ipinasabi: “Kailangan namin ang inyong tulong. Kailangang salakayin natin ang Gibeon sapagkat ang mga tagaroon ay nakipagkasundo kay Josue at sa mga Israelita.” 5 Nagkaisa nga ang limang haring Amoreo; ang mga hari ng Jerusalem, ng Hebron, ng Jarmut, ng Laquis at ng Eglon, at pinaligiran nila at sinalakay ang Gibeon.
Tinulungan ni Josue ang mga Taga-Gilgal
6 Nagpasabi naman kay Josue sa kampo ng Gilgal ang mga taga-Gibeon, “Huwag po ninyong pabayaan itong inyong mga abang alipin! Pumarito po kayong madali upang kami'y saklolohan. Iligtas ninyo kami! Pinagtutulung-tulungan po kami ng lahat ng mga haring Amoreong naninirahan sa kaburulan.”
7 Kaya nga't dumating si Josue buhat sa Gilgal, kasama ang kanyang buong hukbo pati ang magigiting niyang mandirigma. 8 Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila. Ibinigay ko na sila sa iyong mga kamay. Wala ni isa man sa kanilang makakatalo sa inyo.” 9 Magdamag na naglakbay si Josue at ang kanyang hukbo buhat sa Gilgal at bigla nilang sinalakay ang mga Amoreo. 10 Niloob ni Yahweh na magulo ang mga ito dahil sa takot nang makita ang hukbo ng Israel. Nilipol sila ng mga Israelita sa Gibeon; hinabol sila sa paglusong ng Beth-horon hanggang sa Azeka at sa Makeda. 11 Samantalang tumatakas sila sa paghabol ng mga Israelita, pinaulanan sila ni Yahweh ng malalaking tipak ng yelo buhat sa langit; umabot ito hanggang sa Azeka at napakaraming namatay. Mas marami pa ang namatay sa pagbagsak ng yelo kaysa tabak ng mga Israelita.
Tumigil ang Araw at ang Buwan
12 Noong araw na ang mga Israelita'y pinagtagumpay ni Yahweh laban sa mga Amoreo, nakipag-usap si Josue kay Yahweh. Ito ang sinabi niya na naririnig ng buong bayan:
“Huminto ka, Araw, sa tapat ng Gibeon,
at ikaw rin, Buwan, sa Libis ng Ayalon.”
13 Tumigil(C) nga ang araw at hindi gumalaw ang buwan hanggang sa matalo ng mga Israelita ang kanilang mga kaaway. Hindi ba't nasusulat ito sa Aklat ni Jasher? Tumigil ang araw sa gitna ng langit at hindi lumubog sa buong maghapon. 14 Kailanma'y hindi pa nangyari at hindi na muling mangyayari na si Yahweh ay sumunod sa isang tao at nakipaglaban sa panig ng Israel.
Pinuksa ang mga Amoreo
15 Pagkatapos nito, si Josue at ang mga tauhan niya ay bumalik sa Gilgal.
16 Nakatakas ang limang hari at nagtago sa yungib ng Makeda. 17 Ngunit may nakaalam na doon sila nagtago, at ito'y ipinasabi kay Josue. 18 Kaya't iniutos ni Josue, “Takpan ninyo ng malalaking bato ang bunganga ng yungib at inyong pabantayan iyon. 19 Ngunit huwag kayong titigil doon. Habulin ninyo ang kaaway, unahan sila at harangin upang huwag makapasok sa kani-kanilang lunsod. Inilagay na sila ni Yahweh sa inyong kapangyarihan.” 20 At sila nga'y pinuksa ni Josue at ng kanyang mga kawal kahit may ilang nakatakbo at nakapasok sa mga napapaderang lunsod. 21 At bumalik na sa kampo sa Makeda ang lahat ng mga kawal ni Josue.
Buhat noon, wala nang nangahas magsalita laban sa mga Israelita.
22 Iniutos ni Josue sa kanyang mga tauhan, “Alisin ninyo ang nakatakip na bato sa bunganga ng yungib, ilabas ninyo ang limang haring iyon at iharap sa akin.” 23 Ganoon nga ang ginawa nila. Inilabas sa yungib ang mga hari ng Jerusalem, ng Hebron, ng Jarmut, ng Laquis at ng Eglon. 24 Nang nasa harapan na ni Josue ang limang hari, tinipon niya ang kanyang mga mandirigma at iniutos sa mga pinuno, “Halikayo! Tapakan ninyo sa leeg ang mga haring ito.” At ganoon nga ang ginawa nila. 25 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong matatakot o panghihinaan ng loob. Ganito ang gagawin ni Yahweh sa lahat ng inyong mga kaaway.” 26 Ang limang hari ay ipinapatay ni Josue at maghapong ibinitin sa limang punongkahoy. 27 Nang palubog na ang araw, iniutos ni Josue na ibaba sila sa pagkakabitin at ipinatapon sa yungib na pinagtaguan nila. Ang bunganga ng yungib ay pinatakpan ng malalaking bato na naroroon pa magpahanggang ngayon.
Sinakop ni Josue ang Buong Bayan ng mga Amoreo
28 Nang araw ding iyon, nasakop ni Josue ang Makeda at pinatay ang hari roon. Nilipol din niya ang buong bayan at wala siyang itinirang buháy isa man. Ginawa niya sa hari ng Makeda ang ginawa niya sa hari ng Jerico.
29 Buhat sa Makeda, sinalakay naman ni Josue at ng mga Israelita ang Libna. 30 Ibinigay rin ni Yahweh sa kanilang kapangyarihan ang hari at ang lahat ng mamamayan doon. Pinatay nilang lahat ang mga tagaroon, at walang itinira isa man. Ginawa ni Josue sa hari ng Libna ang ginawa niya sa hari ng Jerico.
31 Pagkatapos nito, kinubkob naman at sinalakay ni Josue at ng mga Israelita ang Laquis. 32 Sa ikalawang araw ng labanan, muli silang pinagtagumpay ni Yahweh. Nilipol din nila ang lahat ng tagaroon tulad ng ginawa nila sa Libna. 33 Si Horam, na hari ng Gezer, ay sumaklolo sa mga taga-Laquis. Ngunit tinalo rin sila ni Josue at walang itinirang buháy sa kanyang mga tauhan.
34 Buhat sa Laquis, kinubkob at sinalakay ni Josue at ng mga Israelita ang Eglon. 35 Sa araw ring iyon, nasakop nila ang Eglon at pinatay ang lahat ng tagaroon, tulad ng ginawa nila sa Laquis.
36 Pagkatapos nito, si Josue at ang buong hukbo ng Israel ay umakyat sa mga bulubundukin at sinalakay nila ang Hebron. 37 Nasakop nila ang lunsod at pinatay ang lahat ng tagaroon, buhat sa hari hanggang sa kahuli-hulihang mamamayan. Gayundin ang ginawa nila sa mga karatig-bayan ng Hebron. Sinunog nila ang lunsod at walang iniwang buháy, gaya nang ginawa nila sa Eglon.
38 Hinarap naman ni Josue at ng buong hukbo ng Israel ang Debir. 39 Sinakop nila ang lunsod at ang mga karatig-bayan nito. Pinatay nila ang hari at nilipol ang lahat ng mamamayan. Ginawa rin nila sa Debir ang ginawa nila sa Hebron, sa Libna, at sa kanilang mga hari.
40 Sinakop nga ni Josue ang buong lupain: ang kaburulan sa silangan, ang mga nasa paanan ng mga bundok sa kanluran, pati ang mga lupain sa katimugan. Natalo nila ang mga hari sa mga lugar na ito at nilipol ang lahat ng naninirahan doon, at walang itinirang buháy ayon sa ipinag-utos ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 41 Sinakop ni Josue ang lahat ng lupain buhat sa Kades-barnea hanggang sa Gaza, pati ang nasasakupan ng Goshen hanggang sa Gibeon sa dakong hilaga. 42 Sinakop niya ang lahat ng mga lupain at mga kahariang ito sa loob lamang ng isang tuluy-tuloy na pananalakay sapagkat si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ay kasama ng mga Israelita sa kanilang pakikipaglaban. 43 Pagkatapos, bumalik si Josue at ang buong hukbo ng Israel sa kampo ng Gilgal.
Tinalo ni Josue si Jabin at ang mga Kasama Nito
11 Nang mabalitaan ni Jabin, hari ng Hazor, ang ganitong mga pangyayari, nagpasabi siya kay Jobab, hari ng Madon, at sa mga hari ng Simron at Acsaf. 2 Pinabalitaan din niya ang mga hari sa kaburulan sa dakong hilaga, sa Kapatagan ng Jordan, sa timog ng lawa ng Cineret at sa kapatagan hanggang sa baybayin ng Dor sa gawing kanluran. 3 Nagpasabi rin siya sa mga Cananeo sa magkabilang panig ng Ilog Jordan, sa mga Amoreo, Heteo at Perezeo. Nagpadala rin siya ng mensahe sa mga Jebuseo na naninirahan sa kaburulan, at sa mga Hivita na naninirahan sa paanan ng Bundok Hermon, sa lupain ng Mizpa. 4 Dumating lahat ang mga haring iyon, kasama ang kanilang mga sandatahang lakas. Halos sindami ng buhangin sa tabing-dagat ang bilang ng kanilang hukbo. Napakarami rin ng kanilang mga kabayo at mga karwaheng pandigma. 5 Nagkaisa ang mga haring iyon na pag-isahin ang kanilang mga pwersa at sama-sama silang nagkampo sa may batisan ng Merom upang salakayin ang Israel.
6 Ngunit sinabi ni Yahweh kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila. Asahan mo, bukas sa ganito ring oras, lilipulin ko silang lahat para sa Israel. Lalagutan ninyo ng litid upang mapilay ang kanilang mga kabayo at susunugin ang kanilang mga karwahe.” 7 Kaya't sila'y biglang sinalakay ni Josue at ng kanyang mga kawal sa may batis ng Merom. 8 Pinagtagumpay ni Yahweh ang mga Israelita. Hinabol nila ang mga kaaway hanggang sa Dakilang Sidon at sa Misrefot-mayim sa gawing hilaga, at hanggang sa Libis ng Mizpa sa gawing silangan. Nagpatuloy ang labanan hanggang walang natirang buháy sa mga kaaway. 9 Ginawa sa kanila ni Josue ang utos ni Yahweh, pinilayan niya ang mga kabayo at sinunog ang kanilang mga karwahe.
10 Pagkatapos, bumalik si Josue, sinakop ang Hazor at pinatay ang hari roon. Nang panahong iyon, ang Hazor ang kinikilalang pinakamakapangyarihang lunsod sa mga kahariang iyon. 11 Sinunog ng mga Israelita ang lunsod at pinatay ang lahat ng tagaroon—walang itinira ni isa man. 12 Natalo ni Josue ang lahat ng mga haring iyon at sinakop ang kanilang mga lunsod. Pinatay niyang lahat ang mga tao roon, gaya ng iniutos ni Moises na lingkod ni Yahweh. 13 Maliban sa Hazor na sinunog ni Josue, hindi sinunog ng mga Israelita ang mga lunsod na nasa burol. 14 Sinamsam ng mga Israelita ang kanilang mahahalagang kagamitan at mga baka. Ngunit pinatay nila ang mga tao roon at walang itinirang buháy. 15 Ito ang utos na ibinigay ni Yahweh kay Moises, at ibinigay naman ni Moises kay Josue. Tinupad ni Josue ang lahat ng iniutos ni Yahweh kay Moises.
Sinakop ni Josue ang Buong Lupain
16 Sinakop nga ni Josue ang buong lupaing iyon: ang kaburulan at ang mga nasa paanan ng bundok na nasa hilaga at timog, ang buong saklaw ng Goshen, at ang tuyong bahagi sa katimugan nito, pati ang Kapatagan ng Jordan. 17 Buhat sa Bundok Halac paahon sa Seir hanggang sa Baal-gad sa Kapatagan ng Lebanon, sa may paanan ng Bundok Hermon, ay nasakop lahat ni Josue at pinatay ang kanilang mga hari. 18 Matagal ding dinigma ni Josue ang mga bansang ito. 19 Walang nakipagkasundo sa Israel kundi ang mga Hivita na naninirahan sa Gibeon. 20 Ipinahintulot(D) ni Yahweh na mahigpit silang makipaglaban sa mga Israelita, upang walang awa silang lipuling lahat at matupok ang kanilang mga lunsod, ayon sa sinabi ni Yahweh kay Moises.
21 Nang panahon ding iyon, sinalakay ni Josue ang lahi ng mga higante na tinatawag na mga Anaceo sa kaburulan ng Hebron, Debir, Anab, at sa lahat ng kaburulan ng Juda at Israel. Sila'y nilipol niya, 22 kaya't walang natirang Anaceo sa lupain ng Israel. Sa Gaza, sa Gat at sa Asdod lamang may natirang ilan. 23 Sinakop nga ni Josue ang buong lupaing iyon, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises, at ipinamahagi sa bawat lipi ng Israel, upang paghati-hatian ng lahat ng bumubuo ng bawat lipi.
Pagkatapos nito, namuhay na nang mapayapa ang mga Israelita sa lupaing iyon.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.