Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Bilang 18-20

Ang Tungkulin ng mga Pari at mga Levita

18 Sinabi ni Yahweh kay Aaron, “Ikaw, ang iyong mga anak na lalaki, at ang lipi ni Levi ang may pananagutan sa lahat ng gawain sa Toldang Tipanan. Ngunit sa mga gawain ng pari, ikaw at ang iyong mga anak na lalaki lamang ang mangangasiwa. Ang mga kamag-anak ninyong mga Levita ang tutulong sa iyo at sa iyong mga anak sa inyong paglilingkod sa loob ng Toldang Tipanan. Subalit hindi sila lalapit sa altar o sa alinmang sagradong kasangkapan sa loob ng santuwaryo. Kapag lumapit sila, kayong lahat ay mamamatay. Liban sa kanila ay wala kayong ibang makakatulong sa anumang gawain sa Toldang Tipanan, at wala ring dapat lumapit sa inyo roon. Ikaw lamang at ang iyong mga anak na lalaki ang gaganap sa mga tungkulin sa Toldang Tipanan at sa altar upang hindi ako muling magalit sa sambayanang Israel. Ako ang pumili sa mga kamag-anak mong Levita upang makatulong mo sa mga gawaing ito. Handog ko sila sa inyo para maglingkod sa akin sa Toldang Tipanan. Ngunit ikaw lamang at ang iyong mga anak na lalaki ang maghahandog sa altar at sa Dakong Kabanal-banalan. Tungkulin ninyo ito. Ikaw lamang ang pinagkalooban ko ng tungkuling ito. Sinumang makialam sa iyo tungkol sa mga sagradong bagay ay dapat patayin.”

Ang Bahagi ng mga Pari

Sinabi ni Yahweh kay Aaron, “Ipinagkakaloob ko sa iyo ang lahat ng tanging handog ng mga Israelita bilang bahagi mo at ng iyong mga anak habang panahon. Ito ang nauukol sa iyo at sa iyong mga anak: lahat ng handog na hindi sinusunog sa altar, maging handog na pagkaing butil, maging handog na para sa kapatawaran ng kasalanan o handog na pambayad sa kasalanan. 10 Ito ay ituturing ninyong ganap na sagrado at kakainin ninyo sa isang banal na lugar. Ang mga lalaki lamang sa inyong sambahayan ang maaaring kumain nito.

11 “Para sa iyo rin at sa iyong sambahayan ang kanilang mga natatanging handog. Lahat ng iyong kasambahay, lalaki at babaing malinis ayon sa Kautusan ay maaaring kumain nito.

12 “Ibinibigay ko rin sa iyo ang pinakamainam sa lahat ng unang bunga ng halaman na ihahandog nila sa akin, gayundin ang langis, alak at pagkain. 13 Ang lahat ng iyan ay para sa inyo at maaaring kainin ng sinumang kasambahay mo na malinis ayon sa Kautusan.

14 “Lahat(A) ng mga bagay na lubos na naialay ng mga Israelita kay Yahweh ay nauukol sa iyo.

15 “Lahat ng panganay, maging tao o hayop na pawang nakatalaga sa akin ay mauuwi sa iyo. Ngunit ang panganay na Israelita at ang panganay ng mga hayop na marurumi ayon sa Kautusan ay tutubusin nila 16 isang buwan matapos isilang. Ang tubos sa bawat isa ay limang pirasong pilak, ayon sa timbangan ng templo. 17 Ang panganay na baka, tupa o kambing ay hindi na tutubusin. Ang mga ito ay ilalaan sa akin. Ang dugo ng mga ito'y iwiwisik mo sa altar. Susunugin mo naman ang kanilang taba upang ang usok nito'y maging mabangong samyo para sa akin. 18 Para sa iyo rin ang pitso at ang kanang hita ng kanilang mga handog.

19 “Lahat ng tanging handog nila sa akin ay nauukol sa iyong sambahayan. Ito'y isang di-masisirang kasunduan ko sa iyo at sa iyong mga anak at sa magiging anak pa nila.”

20 Sinabi pa ni Yahweh kay Aaron, “Hindi ka na bibigyan ng bahagi sa lupaing ibibigay ko sa kanila; ako mismo ang iyong pinakabahagi at ang iyong mana.

Ang Bahagi ng mga Levita

21 “Ang(B) bahagi ng mga Levita ay ang ikasampung bahagi na ibibigay ng Israel, at ito ang nauukol sa kanilang paglilingkod sa Toldang Tipanan. 22 Mula ngayon, ang mga taong-bayan ay hindi na maaaring lumapit sa Toldang Tipanan, kundi'y magkakasala sila at mamamatay. 23 Ang mga Levita lamang ang gaganap ng anumang paglilingkod sa Toldang Tipanan at pananagutan nila ito. Ito ay tuntuning susundin habang panahon sa lahat ng inyong salinlahi. Subalit walang kaparteng lupa ang mga Levita sa Israel 24 sapagkat ang bahagi ng mga Levita ay ang ikasampung bahagi ng buong Israel, kaya ko sinabing wala silang kaparte sa Israel.”

Dapat ding Maghandog ng Ikasampung Bahagi ang mga Levita

25 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 26 “Sabihin mo sa mga Levita, ‘Pagtanggap ninyo sa ikasampung bahagi ng mga Israelita, ihahandog ninyo kay Yahweh ang ikasampung bahagi noon, samakatuwid ay ang ikasampung bahagi ng ikasampung bahagi. 27 Ang handog ninyong ito ay siyang katumbas ng handog ng ibang lipi mula sa ani ng kanilang mga bukirin at ubasan. 28 Sa gayong paraan, kayo man ay maghahandog ng ikasampung bahagi kay Yahweh sa pamamagitan ng ikasampung bahagi ng tinatanggap ninyo sa mga Israelita. Iyon naman ay ibibigay kay Aaron. 29 Ang pinakamainam sa handog na tinatanggap ninyo ang inyong ihahandog para kay Yahweh.’ 30 Kaya, sabihin mo sa kanila na pagkatapos ibukod ang pinakamainam na bahagi ng ikasampung bahagi ng buong Israel, ang matitira'y kanila na. Iyan ang siyang katumbas ng inaani ng ibang lipi sa kanilang mga bukirin at ubasan. 31 At maaari nilang kainin iyon kahit saan, pati ng kanilang sambahayan sapagkat iyon ang kabayaran sa kanila sa paglilingkod nila sa Toldang Tipanan. 32 Hindi kayo magkakasala sa pagkain ng matitira kapag naibukod na ninyo ang pinakamaiinam. Ngunit kung hindi pa naibubukod at naihahandog kay Yahweh ang mga pinakamaiinam, at ito'y kinain ninyo, ituturing na nilalapastangan ninyo ang handog ng mga Israelita, at kayo'y dapat mamatay.”

Ang Abo ng Pulang Baka

19 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Sabihin ninyo sa mga Israelita na pumili ng isang mapula-pulang dumalagang baka na walang kapintasan at hindi pa napagtatrabaho kahit kailan. Ito'y dadalhin nila sa inyo, at ibibigay naman ninyo kay Eleazar upang patayin sa labas ng kampo habang siya'y nakatingin. Ilulubog ni Eleazar ang kanyang mga daliri sa dugo nito at pitong ulit na wiwisikan ang harap ng Toldang Tipanan. Pagkatapos, ang baka'y susunugin nang buo sa harapan ng pari, pati balat, dugo at dumi. Habang sinusunog ito, ang pari ay kukuha naman ng kahoy na sedar, ng hisopo at lana, at isasama sa bakang sinusunog. Pagkatapos, lalabhan ng pari ang kanyang kasuotan, maliligo siya, saka papasok sa kampo. Ituturing siyang marumi ayon sa Kautusan hanggang kinagabihan. Ang kasuotan ng katulong sa pagsusunog ng dumalagang baka ay dapat ding labhan. Kailangan din siyang maligo at ituturing din siyang marumi hanggang kinagabihan. Ang(C) abo ng sinunog na baka ay iipunin ng sinumang malinis ayon sa Kautusan. Ilalagay ito sa isang malinis na lugar sa labas ng kampo. Ito ang gagamitin ng mga Israelita sa paghahanda ng tubig na panlinis ayon sa Kautusan, sapagkat ang dumalagang bakang iyon ay handog para sa kapatawaran ng kasalanan. 10 Ang kasuotan ng mag-iipon ng abo ay lalabhan at ituturing din siyang marumi hanggang sa kinagabihan. Ang tuntuning ito'y susundin ng lahat habang panahon, para sa mga Israelita at maging sa mga dayuhang naninirahan sa bayan nila.

Mga Dapat Gawin Kapag Nakahawak ng Patay

11 “Sinumang makahawak sa patay ay ituturing na marumi sa loob ng pitong araw. 12 Upang maging malinis muli, kailangang linisin niya ang kanyang sarili sa ikatlo at ikapitong araw sa pamamagitan ng tubig na inilaan para dito. Kapag hindi niya ginawa ito, hindi siya magiging malinis. 13 Sinumang humawak ng bangkay at hindi maglinis ng sarili sa pamamagitan ng tubig na panlinis ay nagpaparumi sa tabernakulo ni Yahweh. Siya'y mananatiling marumi habang panahon, at ititiwalag sa sambayanang Israel.

14 “Ito ang tuntunin kapag may namatay sa loob ng tolda: lahat ng naroroon o sinumang pumasok doon ay ituturing na marumi sa loob ng pitong araw. 15 Pati mga sisidlang walang takip ay ituturing din na marumi.

16 “Lahat namang makahawak ng patay o kalansay sa labas ng tolda, at ang sinumang mapahawak sa libingan ay ituturing din na marumi sa loob ng pitong araw.

17 “Ang mga itinuturing na marumi dahil sa paghawak sa patay, kalansay o libingan ay kukuha ng abo na galing sa sinunog na handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Ilalagay ito sa isang palangganang may sariwang tubig. 18 Pagkatapos, ang isa sa mga itinuturing na malinis ay kukuha ng sanga ng hisopo, ilulubog ito sa tubig at wiwisikan nito ang tolda, ang mga kagamitan dito, at ang lahat ng taong nakahawak ng patay, kalansay o libingan. 19 Sa ikatlo at ikapitong araw, ang itinuturing na marumi ay wiwisikan ng sinumang itinuturing na malinis. Pagkatapos, lalabhan ng itinuturing na marumi ang kanyang kasuotan at siya'y maliligo; sa kinagabihan, ituturing na siyang malinis.

20 “Sinumang itinuturing na marumi ngunit hindi maglinis sa pamamagitan ng tubig na panlinis ay mananatiling marumi. Ititiwalag siya sa sambayanan sapagkat dinudungisan niya ang santuwaryo ni Yahweh. 21 Ang mga ito'y tuntuning susundin ninyo habang panahon. Lalabhan din ang kasuotan ng sinumang magwisik ng tubig na panlinis. At sinumang makahawak sa tubig na ito ay ituturing na marumi hanggang kinagabihan. 22 Anumang mahawakan ng taong itinuturing na marumi ay ituturing ding marumi hanggang kinagabihan, gayundin ang sinumang humipo sa bagay na iyon.”

Ang Bukal Mula sa Malaking Bato(D)

20 Nang unang buwan, nakarating ang buong sambayanan ng Israel sa ilang ng Zin at nagkampo sila sa Kades. Doon namatay at inilibing si Miriam.

Wala(E) silang makuhang tubig doon, kaya nagpulong sila laban kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Mabuti pa'y namatay na kami sa harap ng Tolda ni Yahweh kasama ng iba naming mga kapatid. Bakit pa ninyo kami dinala rito? Upang patayin ba kasama ng aming mga alagang hayop? Bakit ninyo kami inilabas sa Egipto at dinala sa disyertong ito na wala kahit isang butil na pagkain, igos, ubas o bunga ng punong granada! Wala man lang tubig na mainom!” Nagpunta sina Moises at Aaron sa may pintuan ng Toldang Tipanan at nagpatirapa roon. Nagningning sa kanila ang kaluwalhatian ni Yahweh.

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Dalhin mo ang tungkod na nasa harap ng Kaban ng Tipan at isama ninyo ni Aaron ang buong bayan sa harap ng malaking bato. Pagdating doon, magsalita ka sa bato at lalabas ang tubig para sa taong-bayan at sa kanilang mga alagang hayop.” Kinuha nga ni Moises ang tungkod mula sa Kaban ng Tipan.

10 Tinipon nina Moises at Aaron sa harap ng malaking bato ang buong bayan. Sinabi niya, “Makinig kayo, mga mapanghimagsik. Gusto ba ninyong magpabukal pa kami ng tubig mula sa batong ito?” 11 Pagkasabi(F) noon, dalawang ulit na pinalo ni Moises ang bato sa pamamagitan ng tungkod. Biglang bumukal ang masaganang tubig at nakainom ang mga tao pati ang kanilang mga alagang hayop.

12 Ngunit pinagsabihan ni Yahweh sina Moises at Aaron. Sabi niya, “Dahil kulang ang inyong pananalig sa akin na maipapakita ko sa mga Israelita na ako'y banal, hindi kayo ang magdadala sa bayang ito sa lupaing ibibigay ko sa kanila.”

13 Nangyari ito sa bukal ng Meriba, kung saan nagreklamo ang Israel laban kay Yahweh at ipinakita niya na siya ay banal.

Hindi Pinaraan sa Edom ang Israel

14 Mula sa Kades, nagpasabi si Moises sa hari ng Edom, “Ito ang ipinapasabi ng bayang Israel na iyong kamag-anak: Hindi kaila sa iyo ang mga kahirapang dinanas namin. 15 Alam mong ang mga ninuno namin ay nagpunta sa Egipto at nanirahan doon nang mahabang panahon, ngunit kami at ang aming mga ninuno ay inapi ng mga Egipcio. 16 Dahil dito, dumaing kami kay Yahweh. Dininig niya kami at isinugo sa amin ang isang anghel na siyang naglabas sa amin mula sa Egipto. At ngayo'y narito kami sa Kades, sa may hangganan ng iyong nasasakupan. 17 Ipinapakiusap kong paraanin mo kami sa iyong lupain. Hindi kami daraan sa alinmang bukirin o ubasan, ni kukuha ng isang patak na tubig sa inyong mga balon. Sa Lansangan ng Hari kami magdaraan at hindi kami lilihis sa kanan o sa kaliwa hanggang hindi kami nakakalampas sa iyong nasasakupan.”

18 Ngunit ganito ang sagot ng mga taga-Edom: “Huwag kayong makadaan-daan sa aming nasasakupan! Kapag kayo'y nangahas, sasalakayin namin kayo.”

19 Sinabi ng mga Israelita, “Hindi kami lilihis ng daan. Sakaling makainom kami o ang aming mga alagang hayop ng inyong tubig, babayaran namin, paraanin lamang ninyo kami.”

20 “Hindi maaari!” sagot ng mga taga-Edom. At tinipon nila ang kanilang buong hukbo upang salakayin ang mga Israelita. 21 Hindi nga pinaraan ng mga taga-Edom sa kanilang nasasakupang lugar ang mga Israelita kaya humanap na lang sila ng ibang daan.

Namatay si Aaron sa Bundok ng Hor

22 Naglakbay ang mga Israelita mula sa Kades at nakarating sa Bundok ng Hor, 23 sa may hanggahan ng lupain ng Edom. Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, 24 “Mamamatay si Aaron at hindi siya makakapasok sa lupaing ibibigay ko sa Israel sapagkat sinuway ninyo ang utos ko sa inyo sa Meriba. 25 Isama mo siya at ang anak niyang si Eleazar sa itaas ng Bundok ng Hor. 26 Pagdating doon, hubarin mo ang kasuotan niya at isuot mo iyon kay Eleazar. At doon na mamamatay si Aaron.” 27 Ganoon nga ang ginawa ni Moises. Umakyat sila sa bundok habang nakatingin ang buong bayan. 28 Pagdating(G) sa itaas ng bundok, hinubad ni Moises ang kasuotan ni Aaron at isinuot kay Eleazar. Doon ay namatay si Aaron, subalit sina Moises at Eleazar ay bumalik sa kapatagan. 29 Nang malaman ng sambayanan na patay na si Aaron, tatlumpung araw silang nagluksa.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.