Chronological
Ang mga Lunsod para sa mga Levita
35 Sinabi(A) ni Yahweh kay Moises nang sila'y nasa kapatagan ng Moab, sa may Jordan sa Jerico, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na bigyan nila ng sariling mga lunsod at mga pastulan ang mga Levita. 3 Ang mga lunsod na iyon ay magiging pag-aari ng mga Levita at doon sila maninirahan. Ang mga pastulang iyon ay para sa kanilang mga bakahan at kawan. 4 Ang sukat ng pastulang ibibigay ninyo sa kanila ay 450 metro mula sa pader ng lunsod, 5 450 metro sa silangan, 450 sa timog, 450 sa kanluran, at 450 sa hilaga. 6 Bigyan rin ninyo sila ng anim na lunsod-kanlungan na takbuhan ng mga nakapatay nang hindi sinasadya. Bukod dito, bibigyan pa ninyo sila ng apatnapu't dalawang lunsod, 7 kasama ang mga pastulan ng mga ito. Samakatuwid, ang ibibigay ninyo sa kanila ay apatnapu't walong lunsod. 8 Ang bilang ng lunsod na ibibigay ng bawat lipi ay batay sa laki ng lipi; sa malaking lipi, marami ang kukunin, sa maliit ay ilan lang.”
Ang mga Lunsod-Kanlungan(B)
9 Sinabi(C) ni Yahweh kay Moises, 10 “Sabihin mo sa mga Israelita: Pagtawid ninyo ng Ilog Jordan patungong Canaan, 11 pumili kayo ng mga lunsod-kanlungan na matatakbuhan ng sinumang makapatay nang di sinasadya. 12 Doon siya magtatago habang nililitis pa ang kanyang kaso upang huwag mapatay ng malapit na kamag-anak na gustong maghiganti. 13 Pumili kayo ng anim na lunsod-kanlungan; 14 tatlo sa silangan ng Jordan at tatlo sa Canaan. 15 Ang mga lunsod na ito'y maaaring pagtaguan ng sinumang makapatay nang di sinasadya, maging siya'y Israelita o isang dayuhan.
16-18 “Ang sinumang pumatay ng kapwa sa pamamagitan ng sandatang bakal, bato o kahoy ay nagkasala ng pagpaslang. Siya ay dapat patayin. 19 Tungkulin ng pinakamalapit na kamag-anak ng napatay na patayin ang pumaslang, kapag nakita niya ito.
20 “Papatayin din ang sinuman na dahil sa galit ay nakapatay sa pamamagitan ng panunulak, o pagpukol ng anuman, 21 o sa pamamagitan ng suntok, sapagkat siya'y nagkasala ng pagpaslang. Siya ay dapat patayin. Tungkulin ng pinakamalapit na kamag-anak ng napatay na patayin ang pumaslang, kapag nakita niya ito.
22 “Ngunit ang sinumang nakapatay nang hindi sinasadya, maging sa pamamagitan ng tulak, o pukol ng anumang bagay; 23 o kaya'y naghagis ng bato at may natamaang di niya nakikita, at hindi naman niya kaaway, 24 ang taong iyon ay hindi dapat ipaubaya ng sambayanan sa mga kamag-anak ng namatay upang paghigantihan ng mga ito. 25 Siya ay pangangalagaan ng sambayanan sa kamag-anak na gustong maghiganti; ibabalik siya sa lunsod-kanlungan at mananatili roon habang nabubuhay ang kasalukuyang pinakapunong pari. 26 Kapag ang nakapatay ay lumabas ng lunsod-kanlungan 27 at napatay siya ng pinakamalapit na kamag-anak ng napatay niya, ito'y walang pananagutan sa batas. 28 Ang nakapatay ay dapat manatili sa pinagtataguan niyang lunsod-kanlungan habang nabubuhay ang nanunungkulang pinakapunong pari. Pagkamatay nito, maaari nang umuwi ang nakapatay sa kanyang sariling bayan. 29 Ang mga tuntuning ito ay para sa inyo at sa lahat ng inyong mga salinlahi saanman kayo manirahan.
Mga Tuntunin tungkol sa Pagsaksi at Pagtubos sa Nakamatay
30 “Sinumang(D) pumatay ng kapwa ay papatayin din batay sa patotoo ng dalawa o higit pang saksi; walang papatayin dahil sa patotoo ng iisang saksi lang. 31 Sinumang pumatay nang sinasadya ay hindi maaaring tubusin ng salapi; dapat siyang patayin. 32 Sinumang nakapatay nang hindi sinasadya at nagtago sa isang lunsod-kanlungan ay hindi maaaring payagang umalis agad doon sa pamamagitan ng pagbabayad. Kailangang manatili siya roon habang nabubuhay pa ang nanunungkulang pinakapunong pari. 33 Kapag ginawa ninyo ito, dinudungisan ninyo ng dugo ang lupaing inyong tinitirhan. Ang dugo ng pagpaslang ay nagpaparumi sa lupa, at walang ibang makapagpapalinis nito kundi ang dugo ng pumaslang. 34 Huwag ninyong dungisan ang lupaing inyong tinitirhan, sapagkat akong si Yahweh ay naninirahang kasama ng sambayanang Israel.”
Mga Tuntunin tungkol sa Kaparte ng Babaing Tagapagmana
36 Ang mga pinuno ng sambahayan ng angkan ni Gilead na anak ni Maquir at apo ni Manases na anak ni Jose ay lumapit kay Moises at sa mga pinuno ng Israel. 2 Sinabi(E) nila, “Iniutos sa inyo ni Yahweh na ipamahagi ang lupain sa pamamagitan ng palabunutan. Iniutos din po na ang bahagi ng kapatid naming si Zelofehad ay ibigay sa mga anak niyang babae. 3 Kung ang mapangasawa nila'y mula sa ibang lipi, ang bahagi nila'y mapupunta sa liping iyon, kaya't mababawasan ang bahagi ng aming lipi. 4 At pagdating ng Taon ng Paglaya, kapag ang lupaing naipagbili ay ibinalik nang tuluyan sa dating may-ari, ang bahagi nila'y mauuwi nang lubusan sa lipi ng kanilang asawa. Kapag nagkagayon, mababawas ito sa aming lipi.”
5 Dahil dito, sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Tama ang sinabi ng mga apo ni Jose. 6 Kaya't ang utos ni Yahweh tungkol sa mga anak ni Zelofehad ay malaya silang mag-asawa sa sinumang gusto nila, ngunit huwag lamang lalabas sa lipi ng kanilang ama. 7 Ang bahagi ng alinmang lipi ay hindi maaaring ilipat sa ibang lipi, iyon ay pananatilihin sa lipi ng kanilang ama. 8 Ang babaing may namana sa kanyang ama ay kailangang kumuha ng mapapangasawa mula rin sa lipi nito, upang hindi malipat sa ibang lipi ang kaparte ng kanilang ama. 9 Ang kaparte ng alinmang lipi ay hindi maaaring ilipat sa ibang lipi; pananatilihin ng bawat lipi ang kani-kanilang kaparte.”
10 Sinunod nga ng mga anak ni Zelofehad ang utos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises. 11 Sina Maala, Tirza, Hogla, Milca at Noa ay nag-asawa nga ng mga lalaking mula sa angkan ng kanilang ama, 12 na kabilang sa lipi ni Manases na anak ni Jose. Kaya, nanatili ang kanilang kaparte sa lipi ng kanilang ama.
13 Ito ang mga batas at tuntuning ibinigay ni Yahweh sa Israel sa pamamagitan ni Moises, sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan, sa tapat ng Jerico.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.