Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Deuteronomio 5-7

Ang Sampung Utos(A)

Tinipon ni Moises ang buong Israel at kanyang sinabi, “Bayang Israel, dinggin ninyo ang kautusan at ang mga tuntuning ibibigay ko sa inyo ngayon. Unawain ninyong mabuti at tuparin ang mga ito. Ang Diyos nating si Yahweh ay gumawa ng kasunduan sa atin sa Bundok ng Sinai,[a] hindi sa ating mga ninuno kundi sa ating nabubuhay ngayon. Harap-harapan siyang nakipag-usap sa inyo sa bundok mula sa naglalagablab na apoy. Habang ibinibigay niya ang kanyang mga utos, nakatayo ako sa pagitan ninyo at ni Yahweh sapagkat natatakot kayo sa ningas at ayaw ninyong umakyat sa bundok. Sinabi niya:

“‘Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na naglabas sa iyo sa Egipto at nagpalaya sa iyo mula sa pagkaalipin.

“‘Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin.

“‘Huwag(B) kang gagawa ng diyus-diyosang imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. Huwag(C) mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi. 10 Ngunit ipinadarama ko ang aking pag-ibig at pagkalinga sa libu-libong salinlahi ng mga umiibig sa akin at tumutupad sa aking mga kautusan.

11 “‘Huwag(D) mong gagamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ni Yahweh na iyong Diyos. Tiyak na paparusahan ko ang gumamit nito nang walang kabuluhan.

12 “‘Ilaan(E) mo para sa akin ang Araw ng Pamamahinga, tulad ng ipinag-uutos ni Yahweh na iyong Diyos. 13 Anim(F) na araw kang magtatrabaho, at tapusin mo ang dapat gawin. 14 Subalit ang ikapitong araw ay para kay Yahweh na iyong Diyos; ito ay Araw ng Pamamahinga. Sa araw na iyo'y huwag magtatrabaho ang sinuman sa inyo; ikaw, ang iyong mga anak, mga aliping lalaki o babae, ni alinman sa mga alaga mong hayop, ni ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. Ang iyong alipin, lalaki man o babae ay kailangang mamahingang tulad mo. 15 Alalahanin mong naging alipin ka rin sa Egipto at mula roo'y inilabas kita sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Kaya iniutos ko na panatilihin mong nakalaan kay Yahweh ang Araw ng Pamamahinga.

16 “‘Igalang(G) mo ang iyong ama at ina tulad ng iniutos ko sa iyo. Sa gayo'y mabubuhay ka nang matagal at sagana sa lupaing ibinibigay sa iyo ni Yahweh na iyong Diyos.

17 “‘Huwag(H) kang papatay.

18 “‘Huwag(I) kang mangangalunya.

19 “‘Huwag(J) kang magnanakaw.

20 “‘Huwag(K) kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa.

21 “‘Huwag(L) mong pagnanasaang maangkin ang asawa ng iyong kapwa. Huwag mong pagnasaang maangkin ang kanyang sambahayan, bukid, alilang lalaki o babae, baka, asno o anumang pag-aari niya.’

22 “Ang(M) mga ito'y sinabi sa inyo ni Yahweh doon sa bundok, mula sa naglalagablab na apoy at makapal na usok. Liban doon, hindi na siya nagsalita sa inyo. Pagkatapos, isinulat niya ang mga ito sa dalawang tapyas na bato at ibinigay sa akin.

Pinagharian ng Takot ang Lahat(N)

23 “Nang marinig ninyo ang kanyang tinig mula sa kadiliman, habang nagliliyab ang bundok, lumapit sa akin ang pinuno ng bawat angkan at ang inyong matatandang pinuno. 24 Sinabi nila, ‘Ipinakita sa atin ni Yahweh na ating Diyos ang kanyang kaluwalhatian at kadakilaan, at ipinarinig sa atin ang kanyang tinig. Nakipag-usap siya sa atin nang harapan ngunit hindi tayo namatay. 25 Bakit natin hihintaying mamatay tayo rito? Lalamunin tayo ng apoy na ito at tiyak na mamamatay tayo kapag nagsalita pa siya sa atin. 26 Sinong tao ang nanatiling buháy matapos marinig mula sa apoy ang tinig ng Diyos na buháy? 27 Ikaw na lang ang makipag-usap kay Yahweh na ating Diyos. Sabihin mo na lamang sa amin ang lahat ng sasabihin niya sa iyo, at susundin namin.’

28 “Narinig ni Yahweh ang sinabi ninyo noon at ito naman ang kanyang sinabi sa akin: ‘Narinig ko ang sinabi nila sa iyo at tamang lahat iyon. 29 Sana nga'y manatili ang takot nila sa akin at lagi nilang sundin ang aking mga utos upang maging matiwasay ang buhay nila at ng kanilang mga anak habang panahon. 30 Magbalik ka sa kanila at pauwiin mo na sila. 31 Ngunit mananatili ka rito at sasabihin ko sa iyo ang aking mga batas at mga tuntunin. Ituturo mo ito sa kanila upang kanilang sundin sa lupaing ibibigay ko sa kanila.’

32 “Sundin ninyong mabuti ang lahat ng iniuutos sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. Huwag kayong lilihis sa mga ito. 33 Mamuhay kayo ayon sa kanyang mga utos. Sa ganoon, sasagana kayo at hahaba ang buhay ninyo sa lupaing sasakupin ninyo.

Ang Pangunahing Utos

“Ito nga ang Kautusan at mga tuntuning ibinigay niya sa akin, na siya ninyong susundin sa lupaing inyong sasakupin. Ang mga ito'y ibinigay sa inyo ni Yahweh at sa inyong mga anak at sa mga susunod na salinlahi upang magkaroon kayo ng takot sa kanya. Kung ito'y susundin ninyo, hahaba ang inyong buhay. Kaya nga, pakinggan ninyo ito at sunding mabuti. Kung magkagayo'y sasagana kayo, at darami ang inyong lahi pagdating ninyo sa lupaing ipinangako ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno, sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay.

“Pakinggan(O) mo, O Israel: Si Yahweh na ating Diyos ang tanging Yahweh.[b] Ibigin(P) mo si Yahweh na iyong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas. Ang(Q) mga utos niya'y itanim ninyo sa inyong puso. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; pag-aralan ninyo ito sa inyong tahanan, sa inyong paglalakbay, sa inyong pagtulog sa gabi, at sa inyong pagbangon sa umaga. Ipulupot ninyo ito sa inyong mga kamay bilang tanda, itali sa inyong noo, isulat sa mga hamba ng pintuan ng inyong bahay at mga tarangkahan.

Babala Laban sa Pagsuway

10 “Malapit(R) na kayong dalhin ni Yahweh sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Maninirahan kayo sa malalaki at magagandang lunsod na hindi kayo ang nagtatag. 11 Titira kayo sa mga tahanang sagana sa lahat ng bagay ngunit hindi ninyo pinaghirapan. Iinom kayo ng tubig na galing sa mga balong hindi ninyo hinukay. Mamimitas kayo sa mga ubasan at sa mga olibong hindi ninyo itinanim. Kung kayo'y naroon na at masagana na sa lahat ng bagay, 12 huwag na huwag ninyong kalilimutan si Yahweh na naglabas sa inyo sa Egipto, sa bayan ng pagkaalipin. 13 Magkaroon(S) kayo ng takot kay Yahweh, paglingkuran ninyo siya at sa kanyang pangalan kayo manumpa. 14 Huwag kayong maglilingkod sa diyus-diyosan ng mga bayang pupuntahan ninyo 15 sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ay mapanibughuing Diyos; kapag sumamba kayo sa diyus-diyosan magagalit siya sa inyo at lilipulin niya kayong lahat.

16 “Huwag(T) ninyong susubukin si Yahweh na inyong Diyos, tulad ng ginawa ninyo sa Masah. 17 Sundin ninyong mabuti ang kanyang mga utos at mga tuntunin. 18 Gawin ninyo kung ano ang tama at mabuti sa paningin ni Yahweh, at mamumuhay kayong matiwasay. Masasakop ninyo ang lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno; 19 mapapalayas ninyo ang inyong mga kaaway, tulad ng pangako niya sa inyo.

20 “Kapag dumating ang araw na itanong ng inyong mga anak kung bakit kayo binigyan ni Yahweh ng kautusan at mga tuntunin, 21 ganito ang sabihin ninyo: ‘Noong araw, inalipin kami ng Faraon sa Egipto. Pinalaya kami roon ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 22 Nasaksihan namin ang maraming kababalaghang ginawa niya laban sa Faraon at sa mga Egipcio. 23 Inilabas niya kami sa Egipto upang dalhin sa lupaing ipinangako niya sa ating mga ninuno. 24 Ibinigay niya sa amin ang kautusan at mga tuntuning ito upang magtaglay kami ng takot sa kanya. Sa ganoon, sasagana tayo at iingatan niyang tulad ng ginagawa niya sa atin ngayon. 25 Kalulugdan tayo ng Diyos nating si Yahweh kung susundin natin nang buong katapatan ang lahat ng ipinag-uutos niya sa atin.’

Ang Bayang Hinirang ni Yahweh(U)

“Pagdating(V) ninyo sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh at kapag nasakop na ninyo ang pitong bansang nauna sa inyo roon—Heteo, Gergeseo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hivita at Jebuseo—mga bansang mas malakas at mas makapangyarihan kaysa inyo, at kapag sila'y ipinaubaya na ni Yahweh sa inyo, lipulin ninyo silang lahat. Huwag ninyo silang kaaawaan at huwag kayong gagawa ng kasunduan sa kanila. Huwag kayong papayag na mapangasawa ng inyong mga anak ang kanilang mga anak sapagkat tiyak na ilalayo nila ang inyong mga anak kay Yahweh, at pasasambahin sa kanilang mga diyus-diyosan. Kapag nagkaganoon, magagalit sa inyo si Yahweh at kayo'y kanyang lilipulin agad. Kaya(W) nga, gibain ninyo ang kanilang mga altar, pagputul-putulin ang kanilang mga sinasambang haligi, durugin ang mga imahen ng kanilang diyosang si Ashera, at sunugin ang mga diyus-diyosan. Kayo(X) ay bansang itinalaga kay Yahweh. Hinirang niya kayo sa lahat ng bansa upang maging kanyang sariling bayan.

“Pinili niya kayo at inibig hindi dahil mas marami kayo kaysa ibang mga bansa, sa katunayan, kayo pa nga ang pinakakaunti sa lahat. Pinili niya kayo dahil sa pag-ibig niya sa inyo, at sa kanyang pangako sa inyong mga ninuno. Ito rin ang dahilan kaya niya kayo iniligtas sa kamay ng Faraon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Kaya't(Y) pakatatandaan ninyong si Yahweh na inyong Diyos ay Diyos, at siya ay Diyos na hindi marunong sumira sa pangako. Tapat siya sa lahat ng umiibig sa kanya at sumusunod sa kanyang mga tuntunin. Ipinadarama niya ang kanyang pagmamahal hanggang sa ikasanlibong salinlahi. 10 Subalit nililipol niya ang lahat ng namumuhi sa kanya; hindi makakaligtas sa kanyang parusa ang lahat ng hindi sumusunod sa kanya. 11 Kaya, sundin ninyo ang kautusan at mga tuntuning ito na ibinibigay ko sa inyo ngayon.

Ang Pagpapala ng Pagiging Masunurin(Z)

12 “Kung(AA) taos-puso ninyong susundin ang mga utos na ito, tutuparin naman ni Yahweh ang kanyang kasunduan, at patuloy niya kayong iibigin, tulad ng ipinangako niya sa inyong mga ninuno. 13 Iibigin, pagpapalain, at pararamihin niya kayo. Magkakaroon kayo ng maraming anak, at bibigyan ng masaganang ani, inumin at langis. Pararamihin niya ang inyong mga hayop. Tutuparin niya ito pagdating ninyo sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno. 14 Pagpapalain niya kayo nang higit sa alinmang bansa. Walang magiging baog sa inyo, maging tao o maging alagang hayop man. 15 Ilalayo niya kayo sa mga karamdaman. Alinman sa mga sakit na ipinaranas sa mga Egipcio ay hindi niya padadapuin sa inyo kundi sa inyong mga kaaway. 16 Pupuksain ninyo ang lahat ng bansang ipapasakop ni Yahweh na inyong Diyos sa inyo. Huwag ninyo silang kaaawaan. Huwag din ninyong sasambahin ang kanilang mga diyus-diyosan. Iyan ang patibong na naghihintay sa inyo roon.

17 “Huwag ninyong ikabahala kung paano ninyo matatalo ang mga mas makapangyarihang bansang ito. 18 Huwag kayong matatakot sa kanila. Alalahanin ninyo ang ginawa ni Yahweh sa Faraon at sa buong Egipto, 19 ang malalagim na salot na kanyang ipinadala, at ang mga kababalaghang ipinakita niya nang ilabas niya kayo roon. Ganoon din ang gagawin niya sa mga taong iyan na kinatatakutan ninyo. 20 Maliban diyan, si Yahweh na inyong Diyos ay magpapadala ng kaguluhan[c] sa kanila hanggang sa lubusang malipol pati iyong mga nakapagtago at ang mga pugante. 21 Hindi kayo dapat matakot sa kanila sapagkat kasama ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh, ang dakila at makapangyarihang Diyos. 22 Unti-unti silang lilipulin ni Yahweh. Hindi sila uubusin agad at baka hindi ninyo makaya ang mababangis na hayop. 23 Ngunit tiyak na ipapasakop sila sa inyo ni Yahweh. Sila'y lilituhin niya sa matinding takot hanggang sa lubusang malipol. 24 Ipapabihag niya sa inyo ang kanilang mga hari. Ibabaon ninyo sila sa limot. Isa man sa kanila'y walang makakatalo sa inyo hanggang sa malipol ninyo sila. 25 Sunugin ninyo ang kanilang mga diyus-diyosan. Huwag ninyong pagnanasaan ang mga pilak o gintong ginamit sa mga iyon sapagkat ito ang magiging patibong sa inyo dahil iyon ay kasuklam-suklam kay Yahweh. 26 Huwag kayong mag-uuwi ng anumang bagay na kasuklam-suklam sapagkat iyon ang magiging dahilan ng inyong kapahamakan. Lahat ng tulad ng diyus-diyosan ay sinumpa, kaya, dapat ituring na kasuklam-suklam.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.