Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Exodo 7-9

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Gagawin kitang parang Diyos sa harapan ng Faraon, at ang kapatid mong si Aaron ang magiging tagapagsalita mo. Lahat ng sabihin ko sa iyo ay sasabihin mo kay Aaron; siya naman ang magsasabi sa Faraon na payagan na kayong umalis ng Egipto. Ngunit(A) patitigasin ko ang puso ng Faraon, at gumawa man ako ng maraming kababalaghan sa Egipto ay hindi siya makikinig sa iyo. Kung magkagayon ipadarama ko sa kanila ang bigat ng aking kamay. Paparusahan ko ang buong Egipto at ilalabas ko mula roon ang aking mga hukbo, ang aking bayan, ang mga Israelita. Makikilala ng mga Egipcio na ako si Yahweh kapag natikman nila ang bigat ng aking kamay at inilabas ko na sa Egipto ang mga Israelita.” At ginawa nina Moises at Aaron ang lahat ng iniutos ni Yahweh. Walumpung taon si Moises at walumpu't tatlo naman si Aaron nang makipag-usap sila sa Faraon.

Ang Tungkod ni Aaron

Sinabi pa ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Kapag sinabi sa inyo ng Faraon na magpakita kayo ng kababalaghan bilang katunayan ng pagkasugo ko sa inyo, sabihin mo kay Aaron na ihagis ang kanyang tungkod sa harapan ng Faraon at magiging ahas iyon.” 10 Nagpunta nga sila sa Faraon tulad ng sinabi ni Yahweh. Pagdating doon, inihagis ni Aaron ang kanyang tungkod sa harapan ng Faraon at ng mga tauhan nito. At naging ahas nga ang tungkod. 11 Kaya ipinatawag ng Faraon ang mga matatalinong tao at mga salamangkero at sa pamamagitan ng kanilang lihim na karunungan ay ipinagaya ang ginawa ni Aaron. 12 Inihagis nila sa lupa ang kanilang mga tungkod at naging ahas din, ngunit ang mga ito'y nilulon ng tungkod ni Aaron. 13 Gayunma'y nagmatigas pa rin ang Faraon at hindi nakinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ni Yahweh.

Ang Unang Salot: Naging Dugo ang Tubig

14 Sinabi(B) ni Yahweh kay Moises, “Nagmamatigas ang Faraon. Ayaw pa ring paalisin ang mga Israelita. 15 Kaya, bukas ng umaga, dalhin mo ang tungkod na naging ahas, at hintayin mo ang Faraon pagpunta niya sa tabing ilog. 16 Sabihin mo sa kanya ang ganito, ‘Pinapunta ako rito ni Yahweh, ang Diyos ng mga Hebreo upang sabihin sa iyo na payagan mong umalis ang kanyang bayang Israel at sumamba sa kanya sa ilang. Hanggang ngayon ay ayaw mo pa ring sumunod. 17 Ngunit(C) tiyak na kikilalanin mo si Yahweh sa pamamagitan nitong gagawin niya. Tingnan mo, ihahampas ko sa Ilog Nilo ang tungkod na ito at magiging dugo ang tubig 18 at mamamatay ang mga isda. Dahil dito, babaho ang ilog at hindi maiinom ng mga Egipcio ang tubig nito.’”

19 Idinugtong pa ni Yahweh, “Pagkatapos, sabihin mo kay Aaron na itaas ang kanyang tungkod at sumpain ang lahat ng tubig sa Egipto. Ang lahat ng tubig sa mga ilog, kanal at lawa ay magiging dugo, pati ang nasa mga batya at tapayan.”

20 Ginawa nina Moises at Aaron ang iniutos sa kanila ni Yahweh. Sa harapan ng Faraon at ng mga tauhan nito ay inihampas ni Aaron sa tubig ang kanyang tungkod at naging dugo nga ang tubig. 21 Namatay ang mga isda at bumaho ang ilog, kaya't hindi mainom ng mga Egipcio ang tubig nito. Naging dugo rin ang lahat ng tubig sa buong Egipto. 22 Ngunit nagaya rin ito ng mga salamangkerong Egipcio sa pamamagitan ng kanilang lihim na karunungan kaya't lalong nagmatigas ang Faraon. Ayaw pa rin niyang pakinggan sina Moises at Aaron, tulad ng sinabi ni Yahweh. 23 Ang ginawa nila'y hindi pinansin ng Faraon, umuwi na lang ito sa palasyo. 24 Samantala, ang mga Egipcio ay humukay sa tabing ilog upang kumuha ng inumin sapagkat hindi nila mainom ang tubig sa ilog.

25 At lumipas ang pitong araw mula nang hampasin ni Yahweh ang tubig.

Ang Ikalawang Salot: Ang Napakaraming Palaka

Pagkaraan noon, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumunta ka sa Faraon. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Payagan mo nang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. 2-3 Kapag hindi ka pumayag, patuloy kong pahihirapan ang buong Egipto. Pupunuin ko ng palaka ang Ilog Nilo. Papasukin ng mga ito ang palasyo at aakyatin pati higaan mo. Papasukin din ng mga ito ang bahay ng mga tauhan mo at ng lahat ng Egipcio, ganoon din ang inyong mga lutuan at lalagyan ng pagkain. Ikaw, ang iyong mga tauhan, at ang buong bayan ay pahihirapan nito.”

Sinabi pa ni Yahweh, “Sabihin mo naman kay Aaron na itapat niya sa ilog ang kanyang tungkod, gayon din sa mga kanal at mga lawa upang mapunô ng palaka ang buong Egipto.” Ganoon nga ang ginawa ni Aaron. Umahon sa ilog ang mga palakang di mabilang sa dami at kumalat sa buong Egipto. Ngunit nagaya rin ito ng mga salamangkero sa pamamagitan ng kanilang lihim na karunungan.

Ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Hilingin ninyo kay Yahweh na alisin ang mga palakang ito at papayagan ko na kayong maghandog sa kanya.”

Sinabi ni Moises, “Karangalan kong malaman kung kailan ninyo nais na idalangin ko kayo kay Yahweh, pati ang inyong mga tauhan at nasasakupan. At mawawala na ang mga palaka, maliban ang mga nasa ilog.”

10 “Bukas kung ganoon,” sabi ng Faraon.

“Matutupad po ayon sa inyong sinabi para malaman ninyo na walang kapantay ang Diyos naming si Yahweh. 11 Mawawala ang mga palaka at ang matitira lamang ay ang nasa ilog.” 12 Lumakad na sina Moises at Aaron. At tulad ng pangako nila, idinalangin ni Moises na alisin ang mga palakang nagpapahirap sa Faraon. 13 Tinugon naman siya ni Yahweh; namatay lahat ang mga palaka sa mga bahay at mga bukid. 14 Ibinunton ng mga Egipcio ang mga patay na palaka at umaalingasaw ang baho nito sa buong Egipto. 15 Ngunit nagmatigas muli ang Faraon nang ito'y makahinga na naman nang maluwag. At tulad ng sinabi ni Yahweh, hindi pa rin siya nakinig kina Moises at Aaron.

Ang Ikatlong Salot: Ang mga Niknik

16 Inutusan ni Yahweh si Moises na sabihin kay Aaron na ihampas sa lupa ang tungkod upang maging niknik ang lahat ng alikabok sa buong Egipto. 17 Inihampas nga ni Aaron ang tungkod at ang lahat ng alikabok sa buong Egipto ay naging niknik na labis na nagpahirap sa mga tao't mga hayop. 18 Pinilit ng mga salamangkero na magpalitaw rin ng niknik sa pamamagitan ng lihim nilang karunungan ngunit hindi nila ito nagawa. At ang mga tao't hayop ay patuloy na pinahirapan ng mga niknik. 19 Dahil(D) dito'y sinabi ng mga salamangkero sa Faraon, “Diyos na ang may gawa nito.” Ngunit hindi rin natinag ang kalooban ng Faraon; hindi rin siya nakinig kina Moises at Aaron, tulad ng sinabi ni Yahweh.

Ang Ikaapat na Salot: Ang mga Langaw

20 Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bukas ng umaga, hintayin mo ang Faraon pagpunta niya sa ilog at sabihin mong payagan na niyang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. 21 Kapag hindi niya pinayagan, padadagsaan ko siya ng makapal na langaw, pati ang kanyang mga tauhan at mga kababayan. Mapupuno ng langaw ang mga bahay ng mga Egipcio, pati ang lupang kanilang lalakaran. 22 Ngunit ililigtas ko ang lupain ng Goshen, ang tirahan ng mga Israelita. Hindi ko sila padadalhan ni isa mang langaw para malaman niyang akong si Yahweh ang siyang makapangyarihan sa lupaing ito. 23 Sa pamamagitan ng kababalaghang gagawin ko bukas, ipapakita ko na iba ang pagtingin ko sa aking bayan at sa kanyang bayan.” 24 Kinabukasan, ginawa nga ito ni Yahweh. Dumagsa sa Egipto ang makapal na langaw hanggang sa mapuno ang palasyo ng Faraon, ang bahay ng mga tauhan niya at ang buong Egipto. Dahil dito'y nasalanta ang buong bansa.

25 Kaya, ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron at sinabi, “Sige, maghandog na kayo sa inyong Diyos, huwag lamang kayong lalabas ng Egipto.”

26 Sumagot si Moises, “Hindi po maaaring dito sa Egipto. Magagalit po sa amin ang mga Egipcio kapag nakita nila kaming naghahandog kay Yahweh sa paraang kasuklam-suklam sa kanila. Tiyak na babatuhin nila kami hanggang mamatay. 27 Ang kailangan po'y maglakbay kami ng tatlong araw at sa ilang kami maghahandog kay Yahweh tulad ng utos niya sa amin.”

28 Sinabi ng Faraon, “Papayagan ko kayong umalis, ngunit huwag kayong masyadong lalayo. At ipanalangin din ninyo ako.”

29 Sumagot si Moises, “Pag-alis ko po rito'y ipapanalangin ko kay Yahweh na alisin sa inyo ang mga langaw, gayon din sa inyong mga tauhan at nasasakupan. Ngunit huwag na ninyo kaming dadayain; huwag ninyo kaming hahadlangan sa paghahandog namin kay Yahweh.”

30 Umalis si Moises at nanalangin. 31 Tinugon naman siya ni Yahweh, at umalis nga ang mga langaw; walang natira ni isa man. 32 Ngunit nagmatigas pa rin ang Faraon; hindi niya pinayagang umalis ang mga Israelita.

Ang Ikalimang Salot: Ang Pagkamatay ng mga Hayop

Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumunta ka sa Faraon at sabihin mong ipinapasabi ni Yahweh, ng Diyos ng mga Hebreo, na payagan na niyang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. Kapag pinigil pa niya kayo, paparusahan ko ng kakila-kilabot na salot ang kanyang mga hayop: ang mga kabayo, asno, kamelyo, baka, tupa at kambing. Mamamatay ang lahat ng mga hayop ng mga Egipcio, ngunit isa mang hayop ng mga Israelita ay walang mamamatay. Naitakda ko na ang oras, bukas ito mangyayari.”

Kinabukasan, ginawa nga ni Yahweh ang kanyang sinabi at namatay ang lahat ng hayop ng mga Egipcio, ngunit kahit isa'y walang namatay sa hayop ng mga Israelita. At nang patingnan ng Faraon, wala ngang namatay sa mga hayop ng mga Israelita. Ngunit nagmatigas pa rin ito at ayaw pa ring payagan ang mga Israelita.

Ang Ikaanim na Salot: Ang mga Pigsa

Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Dumakot kayo ng abo sa pugon at ito'y pataas na ihahagis ni Moises na nakikita ng Faraon. Mapupuno ng pinong alikabok ang buong Egipto at ang lahat ng tao at hayop sa lupain ay matatadtad ng mga pigsang nagnanaknak.” 10 Kumuha(E) nga sila ng abo sa pugon at pumunta sa Faraon. Pagdating doon, pataas na inihagis ni Moises ang abo at natadtad nga ng mga pigsang nagnanaknak ang mga tao't mga hayop sa buong Egipto. 11 Ang mga salamangkero'y hindi na nakaharap kay Moises sapagkat sila ma'y tadtad rin ng mga pigsang nagnanaknak. 12 Samantala, ang Faraon ay pinagmatigas pa rin ni Yahweh. Hindi nito pinansin ang mga Israelita, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises.

Ang Ikapitong Salot: Ang Malakas na Ulan ng Yelo

13 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bukas ng umagang-umaga, pumunta ka sa Faraon. Sabihin mong iniuutos ko na payagan na niyang sumamba sa akin ang mga Israelita. 14 Kapag hindi pa siya pumayag, magpapadala ako ng matinding salot sa kanya, sa kanyang mga tauhan at nasasakupan, upang malaman nilang ako'y walang katulad sa buong daigdig. 15 Kung siya at ang buong bayan ay pinadalhan ko agad ng salot na sakit, sana'y patay na silang lahat. 16 Ngunit(F) hindi ko ginawa iyon upang ipakita sa kanya ang aking kapangyarihan at sa gayo'y maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig. 17 Ngunit hanggang ngayo'y hinahadlangan pa niya ang aking bayan, at ayaw pa rin niyang payagang umalis. 18 Kaya, bukas sa ganitong oras, pauulanan ko sila ng malalaking tipak ng yelo na walang kasinlakas sa buong kasaysayan ng Egipto. 19 Pasilungin mo ang lahat ng tao at isilong ang lahat ng hayop, sapagkat lahat ng bagsakan nito ay mamamatay.” 20 Ang ibang tauhan ng Faraon ay natakot sa ipinasabi ni Yahweh kaya pinasilong nila ang kanilang mga alipin at mga hayop 21 ngunit ipinagwalang-bahala ito ng iba at hinayaan nila sa labas ang kanilang mga alipin at mga hayop.

22 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Iunat mong pataas ang iyong kamay at uulan ng malalaking tipak ng yelo sa buong Egipto, at babagsak ito sa mga tao't mga hayop na nasa labas, pati sa mga halaman.” 23 Itinaas nga ni Moises ang kanyang tungkod. Gumuhit ang kidlat, dumagundong ang kulog at umulan ng malalaking tipak ng yelo sa buong Egipto. 24 Malakas(G) na malakas ang pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo at sunud-sunod ang pagkidlat. Ito ang pinakamalakas na pag-ulan ng yelo sa kasaysayan ng Egipto. 25 Bumagsak ito sa buong Egipto at namatay ang lahat ng hindi nakasilong, maging tao man o hayop. Nasalanta ang lahat ng mabagsakan, pati mga halaman at mga punongkahoy. 26 Ngunit ang Goshen na tinitirhan ng mga Israelita ay hindi naulanan ng yelong ito.

27 Kaya, ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Tinatanggap ko ngayon na nagkasala ako kay Yahweh. Siya ang matuwid at kami ng aking mga kababayan ang mali. 28 Ipanalangin ninyo kami sa kanya sapagkat hirap na hirap na kami sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo at sa malalakas na kulog. Ipinapangako kong kayo'y papayagan ko nang umalis sa lalong madaling panahon.”

29 Sinabi ni Moises, “Pagkalabas ko ng lunsod, mananalangin ako kay Yahweh. Mawawala ang mga kulog at titigil ang pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo. Sa gayo'y malalaman ninyo na si Yahweh ang siyang may-ari ng daigdig, 30 kahit alam kong kayo at ang inyong mga tauhan ay hindi pa natatakot sa Panginoong Yahweh.”

31 Ang mga tanim na lino at ang mga sebada ay sirang-sira sapagkat may uhay na ang sebada at namumulaklak na ang lino. 32 Ngunit hindi napinsala ang trigo at ang espelta sapagkat huling tumubo ang mga ito.

33 Umalis si Moises at lumabas ng lunsod. Nanalangin siya kay Yahweh at tumigil ang kulog, ang ulan at ang pagbagsak ng malalaking tipak ng yelo. 34 Nang makita ng Faraon na tumigil na ang ulan at wala nang kulog, nagmatigas na naman siya. Dahil dito, muli siyang nagkasala pati ang kanyang mga tauhan. 35 Lalo siyang nagmatigas sa pagpigil sa mga Israelita, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.