Chronological
Batas tungkol sa Ninakaw
22 “Kapag ang isang tao'y nagnakaw ng baka o tupa at ito'y pinatay o ipinagbili, papalitan niya ito: lima ang ipapalit sa isang baka, at apat naman sa isang tupa. 2-4 Kailangan siyang magbayad. Kung walang ibabayad, siya ang ipagbibili at ang pinagbilhan ang ibabayad sa kanyang ninakaw. Kung ang ninakaw naman ay makita sa kanya at buháy pa, doble lamang ang ibabayad niya.
“Kapag ang magnanakaw ay pumasok nang gabi at siya ay napatay ng may-ari ng bahay, walang pananagutan ang nakapatay. Kung ang pagkapatay ay naganap pagkasikat ng araw, mananagot ang nakapatay.
5 “Kapag ang hayop na alaga ay nakawala at nakapanira sa bukid ng iba, papalitan ng may-ari ang anumang nasira ng kanyang hayop. Ang ibabayad niya ay ang pinakamainam na ani ng kanyang bukirin.
6 “Kapag may nagsiga, kumalat ang apoy at nakasunog ng mga inani o ng pananim ng iba, ito ay babayaran ng nagsiga.
7 “Kapag ang salapi o anumang ari-arian ng isang tao'y ipinagkatiwala sa kanyang kapwa at ang mga ito'y nawala sa bahay, pagbabayarin nang doble ang kumuha kapag ito'y mahuli. 8 Kung hindi naman mahuli ang nagnakaw, ang pinagkatiwalaan ay panunumpain sa harapan ng Diyos[a] para patunayang wala siyang kinalaman sa pagkawala ng inihabilin sa kanya.
9 “Anumang usapin tungkol sa pang-aangkin ng nawawalang asno, baka, tupa, damit o anumang bagay, ay dadalhin sa harapan ng Diyos.[b] Ang mapatunayang nang-aangkin lamang ay magbabayad nang doble sa tunay na may-ari.
10 “Kung mamatay, mapinsala o inagaw ang isang asno, baka, tupa o anumang hayop na paalaga ngunit walang nakakita sa pangyayari, 11 ang nag-aalaga ay manunumpa sa harapan ni Yahweh upang patunayan na wala siyang kinalaman sa pangyayari. Ito'y dapat paniwalaan ng may-ari at wala nang pananagutan ang tagapag-alaga. 12 Ngunit kung ninakaw ang hayop, magbabayad ang tagapag-alaga. 13 Kung ang hayop naman ay pinatay ng isang hayop na mabangis, ipapakita ng tagapag-alaga ang bahaging natira at wala siyang pananagutan.
14 “Kapag ang isang tao'y nanghiram ng isang hayop at ito'y namatay o napinsala nang hindi nakikita ng may-ari, babayaran ito ng nanghiram. 15 Ngunit kung naroon ang may-ari, hindi ito babayaran, lalo na kung inupahan; ang upa ang magiging kabayaran.
Tuntunin tungkol sa Pananampalataya at Kabutihang-asal
16 “Kapag(A) ang isang dalagang hindi pa nakatakdang ikasal ay inakit at sinipingan ng isang lalaki, siya ay pakakasalan ng lalaking iyon at bibigyan ng kaukulang dote. 17 Kung hindi pumayag ang ama na ipakasal ang babae, ibibigay na lang sa ama ang halagang katumbas ng dote.
18 “Ang(B) mga mangkukulam ay dapat patayin.
19 “Sinumang(C) makipagtalik sa hayop ay dapat patayin.
20 “Sinumang(D) maghandog sa diyus-diyosan ay dapat patayin sapagkat kay Yahweh lamang dapat maghandog.
21 “Huwag(E) ninyong aapihin ang mga dayuhan; alalahanin ninyong naging dayuhan din kayo sa Egipto. 22 Huwag din ninyong aapihin ang mga balo at ang mga ulila. 23 Kapag inapi ninyo sila at dumaing sa akin, tiyak na papakinggan ko sila. 24 Dahil dito, kapopootan ko kayo at lilipulin sa pamamagitan ng digmaan. Sa gayo'y mabibiyuda rin ang inyu-inyong asawa at mauulila ang inyong mga anak.
25 “Kapag(F) nangutang sa inyo ang mga kababayan ninyong mahihirap, huwag kayong hihingi ng tubo, tulad ng ginagawa ng mga nagpapatubo. 26 Kapag(G) may nagsanla sa inyo ng balabal, ibalik ninyo iyon sa kanya bago lumubog ang araw 27 sapagkat iyon lamang ang pambalot niya sa katawan; wala siyang kukumutin sa pagtulog. Kapag siya'y dumaing sa akin, papakinggan ko siya sapagkat ako'y mahabagin.
28 “Huwag(H) ninyong lalapastanganin ang Diyos ni mumurahin ang mga pinuno ng inyong bayan.
29 “Huwag ninyong kalilimutang maghandog ng inaning butil, alak na mula sa katas ng ubas at langis sa takdang panahon.
“Ihahandog ninyo sa akin ang inyong mga panganay na lalaki. 30 Ihahandog din ninyo sa akin ang panganay ng inyong mga baka at tupa. Huwag ihihiwalay sa ina ang panganay nitong lalaki hanggang sa ikapitong araw mula sa kapanganakan; sa ikawalong araw, ihahandog siya sa akin.
31 “Kayo'y(I) aking bayang pinili. Kaya huwag kayong kakain ng karne ng hayop na pinatay ng mabangis na hayop; ipakain ninyo iyon sa mga aso.
Ang mga Tuntunin tungkol sa Katarungan
23 “Huwag(J) kayong gagawa ng anumang pahayag na walang katotohanan. Huwag kayong magsisinungaling para lamang tulungan ang isang taong may kasalanan. 2 Huwag kayong makikiisa sa karamihan, sa paggawa ng masama o sa paghadlang sa katarungan. 3 Ngunit(K) huwag rin ninyong kikilingan ang mahihirap dahil lang sa kanilang kalagayan.
4 “Kung(L) makita ninyong nakawala ang baka o asno ng inyong kaaway, hulihin ninyo ito at dalhin sa may-ari. 5 Kapag nakita ninyong nakabuwal ang asno ng inyong kaaway dahil sa bigat ng dala, tulungan ninyo ang may-ari upang ibangon ang hayop.
6 “Huwag(M) ninyong pagkakaitan ng katarungan ang mahihirap. 7 Huwag kayong magbibintang nang walang katotohanan. Huwag ninyong hahatulan ng kamatayan ang isang taong walang kasalanan; paparusahan ko ang sinumang gagawa ng ganoon. 8 Huwag kayong tatanggap ng suhol sapagkat ang suhol ay bumubulag sa tao sa katuwiran at ikinaaapi naman ng mga walang sala.
9 “Huwag(N) ninyong aapihin ang mga dayuhan; naranasan na ninyo ang maging dayuhan sapagkat kayo man ay naging dayuhan din sa Egipto.
Ang Ikapitong Taon at ang Ikapitong Araw
10 “Anim(O) (P) na taon ninyong tatamnan ang inyong mga bukirin at anim na taon din ninyong aanihin ang bunga. 11 Sa ikapitong taon, huwag ninyo itong tatamnan at huwag din ninyong aanihin ang anumang tutubo roon. Bayaan na ninyo iyon sa mga kapatid ninyong mahirap, at ang matira ay ipaubaya na ninyo sa mga maiilap na hayop. Ganoon din ang gagawin ninyo sa inyong mga ubasan at taniman ng olibo.
12 “Anim na araw kayong magtatrabaho, ngunit sa ikapitong araw ay titigil kayo sa paggawa upang makapahinga rin ang inyong mga baka, asno, alipin at ang mga manggagawang dayuhan.
13 “Pakinggan ninyong mabuti itong mga sinasabi ko sa inyo. Huwag kayong mananalangin sa mga diyus-diyosan, ni babanggitin man ang kanilang pangalan.
Ang Tatlong Pangunahing Pista
14 “Ipagpipista ninyo ako nang tatlong beses isang taon. 15 Ipagdiriwang(Q) ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Tulad ng sinabi ko sa inyo, pitong araw na huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa. Ito'y gagawin ninyo sa takdang araw ng unang buwan, ang buwan ng pag-alis ninyo sa Egipto. Walang haharap sa akin nang walang dalang handog.
16 “Ipagdiriwang(R) din ninyo ang Pista ng Pag-aani tuwing aanihin ninyo ang unang bunga ng inyong mga bukirin.
“At ipagdiriwang din ninyo ang Pista ng mga Tolda sa pagtatapos ng taon, sa pitasan ng ubas at ng mga bungangkahoy. 17 Tatlong beses isang taon, lahat ng lalaki ay haharap sa Panginoong Yahweh.
18 “Huwag ninyong sasamahan ng tinapay na may pampaalsa ang mga hayop na ihahandog ninyo sa akin, at huwag ninyong hahayaang matira sa kinabukasan ang taba ng mga hayop na handog ninyo sa pagpipista para sa akin.
19 “Dadalhin(S) ninyo bilang handog sa bahay ni Yahweh na inyong Diyos ang mga pinakamainam na unang ani ng inyong mga bukirin.
“Huwag kayong maglalaga ng tupa o batang kambing sa gatas ng sarili nitong ina.
Mga Pangako at mga Tagubilin
20 “Magpapadala ako ng anghel na mangunguna sa inyo. Pangangalagaan niya kayo sa inyong paglalakbay at papatnubayan hanggang sa lupaing inihanda ko sa inyo. 21 Papakinggan ninyo siya at susundin ang lahat ng sasabihin niya sa inyo. Huwag ninyo siyang susuwayin sapagkat lahat ng ginagawa niya'y sa pangalan ko at hindi niya kayo patatawarin kapag nagrebelde kayo sa kanya. 22 Kung susundin ninyo siya at gagawin ninyo ang mga sinasabi ko, ipaglalaban ko kayo sa inyong mga kaaway. 23 Pangungunahan kayo ng aking anghel patungo sa lupain ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Cananeo, Hivita at Jebuseo, at sila'y lilipulin ko. 24 Huwag ninyong yuyukuran o sasambahin ang kanilang mga diyus-diyosan, ni tutularan ang kanilang ginagawa. Durugin ninyo ang kanilang mga diyus-diyosan pati mga haliging ginamit nila sa pagsamba. 25 Akong si Yahweh ang siya lamang ninyong paglilingkuran. Pasasaganain ko kayo sa pagkain at inumin, at ilalayo sa anumang karamdaman. 26 Isa man sa mga babaing Israelita ay walang makukunan o mababaog. At bibigyan ko kayo ng mahabang buhay.
27 “Dahil sa gagawin ko, masisindak ang lahat ng haharap sa inyo. Malilito ang mga bansang makakalaban ninyo at magtatakbuhan dahil sa takot. 28 Habang kayo'y papalapit, guguluhin ko ang inyong mga kaaway[c] at palalayasin ko ang mga Hivita, Cananeo at Heteo sa kanilang lupain. 29 Hindi ko muna sila paaalising lahat sa loob ng isang taon para hindi mapabayaan ang lupain at nang hindi dumami ang mga maiilap na hayop. 30 Unti-unti ko silang paaalisin hanggang sa dumami ang inyong mga anak. 31 Ang magiging hangganan ng inyong lupain ay mula sa Dagat na Pula[d] hanggang sa Dagat Mediteraneo, at mula sa ilang hanggang sa Ilog Eufrates. Ipapalupig ko sa inyo ang mga tagaroon at sila'y inyong palalayasin. 32 Huwag kayong makikipagtipan sa kanila o sa kanilang mga diyus-diyosan. 33 Huwag ninyo silang patitirahing kasama ninyo sa lupaing sasakupin ninyo, at baka mahikayat nila kayong magkasala sa akin. Kapag pinaglingkuran ninyo ang kanilang mga diyus-diyosan, iyon ang magiging simula ng inyong kapahamakan.”
Pinagtibay ang Kasunduan
24 Pagkatapos, sinabi naman ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka rito sa bundok. Isama mo sina Aaron, Nadab, Abihu at ang pitumpu sa mga pinuno ng Israel. Sumamba kayo sa lugar na malayo sa akin. 2 Ikaw lamang ang makakalapit sa akin. Sabihin mo naman sa mga taong-bayan na huwag aakyat sa bundok.”
3 Lahat ng iniutos ni Yahweh ay sinabi ni Moises sa mga Israelita. Ang mga ito nama'y sabay-sabay na sumagot, “Lahat ng iniuutos ni Yahweh ay susundin namin.” 4 Isinulat ni Moises ang lahat ng utos ni Yahweh. Kinabukasan, maagang-maaga siyang nagtayo ng altar sa paanan ng bundok. Nagtayo rin siya ng labindalawang bato, na kumakatawan sa labindalawang lipi ni Israel. 5 Pagkatapos, inutusan niya ang ilang kabataang lalaki na magdala sa altar ng mga handog na susunugin. Sila rin ang inutusan niyang pumatay ng mga hayop na gagamitin bilang handog sa pakikipagkasundo kay Yahweh. 6 Ang kalahati ng dugo ng pinatay na hayop ay inilagay niya sa malalaking mangkok at ang kalahati'y ibinuhos niya sa altar. 7 Kinuha niya ang aklat ng tipan at binasa nang malakas. Sabay-sabay namang sumagot ang mga Israelita, “Susundin namin ang lahat ng utos ni Yahweh.”
8 Pagkatapos,(T) kinuha ni Moises ang mga mangkok ng dugo at winisikan ang mga tao. Sinabi niya, “Ang dugong ito ang siyang katibayan ng pakikipagtipang ginawa sa inyo ni Yahweh sa pagbibigay sa inyo ng kautusang ito.”
9 Umakyat nga sa bundok sina Moises, Aaron, Nadab, Abihu at ang pitumpung pinuno ng Israel. 10 Doo'y nakita nila ang Diyos ng Israel. Ang kanyang tuntungan ay parang bughaw na safiro at nakakasilaw na parang langit. 11 Ngunit walang masamang nangyari sa kanila kahit nakita nila ang Diyos. At sila'y kumain doon at uminom.
Si Moises sa Bundok ng Sinai
12 Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka rito. Maghintay ka at ibibigay ko sa iyo ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng mga kautusan at ng mga tagubilin. Sinulat ko ito upang maging tuntuning ituturo mo sa mga tao.” 13 Umakyat nga si Moises, kasama ang lingkod niyang si Josue. 14 Bago siya lumakad, sinabi niya sa mga pinuno ng Israel, “Hintayin ninyo kami rito. Kasama ninyong maiiwan sina Aaron at Hur; sila ang inyong lapitan sakaling magkaroon ng anumang usapin sa inyo.”
15 Umakyat si Moises sa bundok at ito'y natakpan ng ulap. 16 Ang Bundok ng Sinai ay nalukuban ng kaluwalhatian ni Yahweh; anim na araw itong nabalot ng ulap. Nang ikapitong araw, si Moises ay tinawag ni Yahweh mula sa gitna ng ulap. 17 Nakita rin ng mga Israelita ang kaluwalhatian ni Yahweh na parang nagniningas na apoy sa taluktok ng bundok. 18 At(U) unti-unti siyang natakpan ng ulap habang umaakyat; nanatili siya sa bundok sa loob ng apatnapung araw at gabi.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.