Chronological
Pagbati at Pasasalamat
1 Mula kay Pablo, tinawag na apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at kay Sostenes na kapatid natin—
2 Sa iglesya ng Diyos na nasa Corinto, sa mga ibinukod para kay Cristo Jesus at tinawag na maging banal, kasama ng lahat na sa lahat ng dako ay tumatawag sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na Panginoon nila at Panginoon din natin: 3 Sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.
4 Palagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos tungkol sa inyo, dahil sa biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus. 5 Dahil sa pakikiugnay ninyo sa kanya ay pinayaman kayo sa lahat ng paraan sa pananalita at bawat kaalaman, 6 kung paanong pinagtibay sa inyo ang patotoo ni Cristo. 7 Kaya't hindi kayo nagkukulang sa anumang espirituwal na kaloob habang inyong hinihintay na maipahayag ang ating Panginoong Jesu-Cristo. 8 Siya rin ang magpapatibay sa inyo hanggang sa katapusan, upang walang anumang maiparatang sa inyo sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 9 Mapagkakatiwalaan ang Diyos, at sa pamamagitan niya ay tinawag kayo upang makiisa sa kanyang Anak, si Jesu-Cristo na ating Panginoon.
Pagkakampi-kampi sa Loob ng Iglesya
10 Nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na magkasundo kayong lahat sa inyong sinasabi, at huwag kayong magkaroon ng pagkakampi-kampihan, kundi kayo'y mabuklod sa iisang pag-iisip at hangarin. 11 Sapagkat nabalitaan ko, mga kapatid, ang tungkol sa inyo mula sa sambahayan ni Cloe, na may pagtatalu-talo sa inyo. 12 Ganito ang ibig kong sabihin, may ilan sa inyo na nagsasabi, “Kay Pablo ako,” o “Kay Apolos ako,” at “Kay Pedro[a] ako,” at ang iba naman “Kay Cristo ako.” 13 Nahahati ba si Cristo? Si Pablo ba ang ipinako sa krus para sa inyo? O binautismuhan ba kayo sa pangalan ni Pablo? 14 Nagpapasalamat ako sa Diyos na wala akong binautismuhan sa inyo, maliban kay Crispo at kay Gayo; 15 upang walang sinumang makapagsabi na kayo'y binautismuhan sa aking pangalan. 16 Binautismuhan ko rin ang sambahayan ni Estefanas. Bukod sa kanila ay hindi ko na alam kung may binautismuhan pa akong iba. 17 Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo, kundi upang ipangaral ang ebanghelyo, hindi sa pamamagitan ng karunungan ng pananalita, upang ang krus ni Cristo ay huwag mawalan ng kapangyarihan.
Si Cristo ang Kapangyarihan at Karunungan ng Diyos
18 Sapagkat ang mensahe ng krus ay kahangalan sa mga napapahamak, ngunit para sa ating mga naliligtas, ito ay kapangyarihan ng Diyos. 19 Sapagkat nasusulat,
“Ang karunungan ng marurunong ay aking wawasakin,
at ang talino ng matatalino ay aking bibiguin.”
20 Nasaan ang taong marunong? Nasaan ang dalubhasa sa batas? Nasaan ang magaling makipagtalo ng kapanahunang ito? Hindi ba't ginawa ng Diyos na kahangalan ang karunungan ng sanlibutan? 21 Sapagkat yamang ayon sa karunungan ng Diyos ay hindi kumilala sa Diyos ang sanlibutan sa pamamagitan ng karunungan nito, minabuti ng Diyos na sa pamamagitan ng kahangalan ng pangangaral ay iligtas ang mga sumasampalataya. 22 Sapagkat ang mga Judio ay pilit na humihingi ng mga himala, at ang mga Griyego ay naghahanap ng karunungan, 23 subalit ang Cristong ipinako sa krus ang ipinapangaral namin. Para sa mga Judio ito ay katitisuran at sa mga Hentil naman ay kahangalan. 24 Ngunit para sa mga tinawag, Judio man o Griyego, si Cristo ang kapangyarihan ng Diyos at ang karunungan ng Diyos. 25 Sapagkat ang itinuturing na kahangalan ng Diyos ay higit sa karunungan ng mga tao, at ang itinuturing na kahinaan ng Diyos ay higit sa kalakasan ng mga tao.
26 Mga kapatid, tingnan ninyo ang inyong kalagayan nang kayo ay tinawag: hindi naman marami sa inyo ang marurunong ayon sa pamantayan ng tao, hindi marami ang makapangyarihan, hindi marami ang galing sa mararangal na angkan. 27 Sa halip, pinili ng Diyos ang mga bagay na kahangalan ng sanlibutan upang hiyain niya ang marurunong, at pinili niya ang mga bagay na mahihina ng sanlibutan upang hiyain niya ang malalakas. 28 Pinili ng Diyos ang mga bagay na mababa at minamaliit sa sanlibutan, kahit ang mga bagay na walang halaga upang pawalang-saysay ang mga bagay na mahalaga, 29 upang walang taong makapagmalaki sa harapan ng Diyos. 30 Ngunit dahil sa kanya, kayo ay iniugnay kay Cristo Jesus, na para sa atin ay naging karunungan mula sa Diyos, at naging ating katuwiran, kabanalan, at katubusan. 31 Kaya tulad ng nasusulat, “Hayaang ang nagmamalaki'y ang ipagmagmalaki ay ang Panginoon.”
Si Cristo na Ipinako sa Krus
2 Mga kapatid, nang pumunta ako sa inyo, hindi ako dumating na nagbabalita sa inyo ng hiwaga[b] ng Diyos ayon sa kahusayan ng pananalita o ng karunungan. 2 Sapagkat napagpasyahan ko noong kasama ninyo ako na walang anumang makilala, maliban kay Jesu-Cristo, siya na ipinako sa krus. 3 Ako nga'y nakasama ninyo nang may kahinaan, may takot, at matinding panginginig. 4 Ang aking pananalita at ang aking pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng mga mapanghikayat na salita ng karunungan, kundi sa pagpapakita ng kapangyarihan ng Espiritu, 5 upang ang inyong pananampalataya ay hindi mapasalig sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos.
Ang Pagpapahayag ng Banal na Espiritu ng Diyos
6 Ngunit sa mga nasa hustong gulang ay nagsasalita kami ng karunungan, gayunma'y hindi ang karunungan ng kapanahunang ito, o ng mga pinuno sa kapanahunang ito, na pawang mawawalan ng kabuluhan. 7 Sa halip, ang sinasabi namin ay ang hiwaga at itinagong karunungan ng Diyos, na kanyang itinalaga bago pa nagkaroon ng mga panahon para sa kaluwalhatian natin. 8 Wala ni isa man sa mga pinuno ng kapanahunang ito ang nakaalam nito, sapagkat kung ito'y nalaman nila, hindi sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. 9 Subalit tulad ng nasusulat,
“Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at hindi narinig ng tainga,
at hindi pumasok sa puso ng tao,
ay ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa kanila na nagmamahal sa kanya.”
10 Ngunit ipinahayag ito sa amin ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu; sapagkat sinisiyasat ng Espiritu ang lahat ng bagay, pati ang malalalim na bagay tungkol ng Diyos. 11 Sapagkat sino ang nakaaalam ng mga iniisip ng isang tao, kundi ang espiritu ng tao na nasa kanya? Gayundin naman, walang nakaaalam ng mga iniisip ng Diyos, kundi ang Espiritu ng Diyos. 12 Kami ay tumanggap, hindi ng espiritu ng sanlibutan, kundi ng Espiritung mula sa Diyos, upang malaman namin ang mga bagay na walang bayad na ipinagkaloob sa amin ng Diyos. 13 At ang mga bagay namang ito ay ipinapahayag namin hindi sa pamamagitan ng mga salitang ayon sa pagtuturo ng karunungan ng tao, kundi sa pagtuturo ng Espiritu, na aming ipinapaunawa ang mga bagay na espirituwal sa mga espirituwal. 14 Ngunit ang taong di-espirituwal ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos, sapagkat kahangalan ang mga iyon sa kanya at hindi niya iyon nauunawaan, yamang ang mga iyon ay hinahatulan sa espirituwal na paraan. 15 Hinahatulan naman ng taong espirituwal ang lahat ng mga bagay, at hindi siya hinahatulan ng sinuman. 16 “Sapagkat sino ang nakaaalam sa pag-iisip ng Panginoon, upang magpayo sa kanya?” Subalit taglay namin[c] ang pag-iisip ni Cristo.
Mga Kamanggagawa para sa Diyos
3 Ngunit ako, mga kapatid, ay hindi makapagsalita sa inyo na tulad sa mga taong espirituwal, kundi tulad sa mga taong namumuhay ayon sa laman, tulad sa mga sanggol kay Cristo. 2 Pinainom ko kayo ng gatas at hindi ng pagkain para sa nasa hustong gulang, sapagkat hindi pa ninyo ito kaya. Hanggang ngayon nga ay hindi pa ninyo kaya, 3 sapagkat kayo ay namumuhay pa ayon sa laman. Sapagkat habang sa inyo'y may mga pagseselos at mga pag-aaway, hindi ba kayo'y namumuhay ayon sa laman at lumalakad ayon sa kaugalian ng tao? 4 Sapagkat kapag may nagsasabi, “kay Pablo ako,” at ang isa naman, “kay Apolos ako,” hindi ba asal ng mga tao iyan? 5 Sino nga ba si Apolos? At sino si Pablo? Mga lingkod na kinasangkapan upang sumampalataya kayo, ayon sa itinakda ng Panginoon sa bawat isa. 6 Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpapalago. 7 Kaya't hindi ang nagtatanim o ang nagdidilig ang mahalaga, kundi ang Diyos na nagpapalago. 8 Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay may iisang layunin, at ang bawat isa ay tatanggap ng kabayaran ayon sa kanyang pinagpaguran. 9 Sapagkat kami ay mga kamanggagawa ng Diyos, at kayo ang bukid ng Diyos, at ang gusali ng Diyos.
10 Ayon sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin, na tulad sa isang mahusay na punong-tagapagtayo, naglagay ako ng saligan, at iba ang nagtatayo sa ibabaw nito. Ang bawat isa ay mag-ingat sa kanyang pagtatayo. 11 Sapagkat walang maaaring maglagay ng ibang saligan, maliban sa nakalagay na, at ito ay si Jesu-Cristo. 12 At kung sa ibabaw ng saligang ito, ay may magtatayo ng gusali na yari sa ginto, pilak, mamahaling bato, kahoy, dayami, at pinaggapasan, 13 ang gawa ng bawat nagtayo ay mahahayag, sapagkat ibubunyag ito sa takdang araw. Ito ay mahahayag sa pamamagitan ng apoy, at ang apoy ang magpapatunay kung anong uri ng gawain ang ginawa ng bawat isa. 14 Kung ang gawang itinayo ng sinuman sa ibabaw ng saligan ay manatili, tatanggap siya ng gantimpala. 15 Kung ang gawa ng sinumang tao ay masunog, makararanas siya ng pagkalugi, bagaman siya ay maliligtas, ngunit tulad sa dumaan sa apoy. 16 Hindi ba ninyo nalalaman na kayo ay templo ng Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo? 17 Kung sinisira ng sinuman ang templo ng Diyos, ang taong iyon ay sisirain din ng Diyos, sapagkat ang templo ng Diyos ay banal, at kayo nga iyon.
18 Huwag dayain ng sinuman ang kanyang sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-aakalang siya ay marunong sa kapanahunang ito, dapat siyang magpakahangal, upang siya ay maging marunong. 19 Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kahangalan sa paningin ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Binibitag niya ang marurunong sa kanilang katusuhan.” 20 At muli, “Nalalaman ng Panginoon na ang pag-iisip ng marurunong ay walang kabuluhan.” 21 Kaya't hindi dapat ipagmalaki ng sinuman ang mga tao. Sapagkat ang lahat ng bagay ay sa inyo. 22 Kahit si Pablo, o si Apolos, o si Pedro,[d] o ang sanlibutan, o ang buhay, o ang kamatayan, o ang mga bagay na kasalukuyan, o ang bagay sa hinaharap, lahat ng ito ay sa inyo, 23 at kayo'y kay Cristo, at si Cristo ay sa Diyos.
Ang Gawain ng mga Apostol
4 Kaya't dapat kaming ituring ng tao bilang mga tagapaglingkod ni Cristo, at mga katiwala ng mga hiwaga ng Diyos. 2 Bukod dito, inaasahan sa mga katiwala na sila'y matagpuang tapat. 3 Ngunit para sa akin ay napakaliit na bagay ang hatulan ninyo ako o ng hukuman ng tao. Ni hindi nga ako humahatol sa aking sarili. 4 Sapagkat wala akong nalalamang anuman laban sa aking sarili, ngunit hindi ibig sabihin nito na ako'y walang sala. Ang humahatol sa akin ay ang Panginoon. 5 Kaya't huwag kayong humatol ng anuman nang wala pa sa takdang panahon, hanggang sa dumating ang Panginoon, na siyang magdadala ng liwanag ng mga bagay na nakatago sa kadiliman, at magbubunyag sa mga hangarin ng mga puso. Pagkatapos, ang bawat isa ay magkakaroon ng papuri mula sa Diyos.
6 Ang mga bagay na ito, mga kapatid, ay ginamit kong halimbawa sa aking sarili at kay Apolos para sa inyo, upang sa pamamagitan namin ay matutuhan ninyo ito: Huwag lumampas sa mga bagay na nasusulat. Sa gayon, ang sinuman sa inyo ay hindi maging palalò laban sa iba. 7 Sapagkat sino ang nagsasabing naiiba ka? At ano ang mayroon ka na hindi mo tinanggap? At kung tinanggap mo, bakit mo ipinagmamalaki na parang hindi mo ito tinanggap? 8 Nasa inyo na ang lahat ng gusto ninyo! Mayayaman na kayo! Naging mga hari kayo kahit wala kami! Naging hari nga sana kayo upang kami ay naging hari ding kasama ninyo. 9 Sapagkat sa palagay ko, kaming mga apostol ay ipinakita ng Diyos na pinakahuli sa lahat, tulad ng mga taong nahatulan ng kamatayan, sapagkat kami ay naging isang palabas na pinanonood ng sanlibutan, ng mga anghel, at ng mga tao. 10 Kami'y mga hangal dahil kay Cristo! Ngunit kayo'y marurunong kay Cristo. Kami ay mahihina, ngunit kayo'y malalakas! Kayo ay pinararangalan ngunit kami ay hinahamak! 11 Hanggang sa oras na ito ay nagugutom kami, nauuhaw, mga hubad, binubugbog, at mga pagala-gala, 12 at nagpapagod kami sa pagtatrabaho sa pamamagitan ng sarili naming mga kamay. Kapag kami'y nilalait, gumaganti kami ng pagpapala, kapag pinahihirapan, kami'y nagtitiis; 13 at kapag inaalipusta, magalang kaming sumasagot. Hanggang ngayon ay para kaming mga basura ng daigdig, dumi ng lahat ng mga bagay.
14 Hindi ko isinusulat ang mga ito upang kayo'y hiyain, kundi upang kayo ay pagpayuhan bilang aking mga minamahal na anak. 15 Sapagkat kahit magkaroon pa kayo kay Cristo ng libu-libong mga tagapagturo ay hindi naman marami ang inyong ama; sapagkat kay Cristo Jesus ako ang naging ama ninyo sa pamamagitan ng ebanghelyo. 16 Kaya't nakikiusap ako, tumulad kayo sa akin. 17 Dahil dito, pinapunta ko sa inyo si Timoteo na aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon, na siyang magpapaalala sa inyo ng aking pagtalima kay Cristo Jesus[e] katulad ng itinuturo ko sa bawat iglesya sa lahat ng dako. 18 Ngunit may mayayabang na para bang hindi na ako darating sa inyo. 19 Ngunit ako'y darating agad sa inyo, kung loloobin ng Panginoon, at malalaman ko, hindi lamang ang sinasabi ng mga taong nagyayabang diyan, kundi ang kanilang kapangyarihan. 20 Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi sa pananalita lamang, kundi sa kapangyarihan. 21 Ano'ng gusto ninyo? Pumunta ako riyan na may dalang pamalo, o may pagmamahal at may kaamuan?
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.