Chronological
Si Pedro at si Juan sa Harap ng Sanhedrin
4 Nagsasalita pa sina Pedro at Juan[a] sa taong-bayan nang lumapit sa kanila ang mga pari, ang pinuno ng mga bantay sa templo, at ang mga Saduceo. 2 Labis ang galit ng mga ito sapagkat nagtuturo sila sa mga tao, at nagpapahayag na si Jesus ay muling nabuhay, na siyang katibayan ng muling pagkabuhay ng mga patay. 3 Kaya dinakip nila ang dalawa at ikinulong hanggang kinaumagahan sapagkat gabi na noon. 4 Gayunma'y marami sa mga nakarinig sa kanilang ipinangaral ang sumampalataya; at umabot ang bilang nila sa may limang libong lalaki. 5 Kinabukasan, nagtipon sa Jerusalem ang mga pinuno ng mga Judio, ang mga matatandang namamahala sa bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan.
6 Kabilang doon si Anas, na Kataas-taasang Pari, si Caifas, si Juan, si Alejandro, at ang buong angkan ng Kataas-taasang Pari. 7 Pinatayo nila sa gitna sina Pedro at Juan, at tinanong, “Sa anong kapangyarihan, o kaninong pangalan ninyo ginagawa ito?” 8 Kaya sumagot si Pedro na puspos ng Banal na Espiritu, “Mga pinuno at matatandang namamahala sa bayan, 9 kung sinisiyasat ninyo kami ngayon dahil sa kabutihang ginawa namin sa isang taong may kapansanan, at tinatanong ninyo kung paano siya napagaling, 10 dapat malaman ninyong lahat at ng buong sambayanang Israel, na nakatayo ang taong ito sa inyong harapan nang walang sakit sa pamamagitan ng pangalan ni Jesu-Cristo na taga-Nazareth, na inyong ipinako sa krus ngunit ibinangon ng Diyos mula sa kamatayan. 11 Siya,
‘ang (A) batong itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay
ang siyang naging batong panulukan.’
12 Sa iba ay walang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay ng Diyos sa mga tao na sa ati'y makapagliligtas.” 13 Namangha sila nang makita nila ang katapangan nina Pedro at Juan, lalo na nang malamang sila'y mga taong walang pinag-aralan at mga karaniwang tao lamang. Nabatid nilang sila'y nakasama ni Jesus. 14 At dahil nakikita nila ang taong pinagaling na nakatayong kasama ng mga apostol ay wala silang masabing laban sa mga ito. 15 Kaya't pinalabas muna ng Sanhedrin ang dalawa bago sila nagpulong. 16 “Ano'ng gagawin natin sa mga taong ito?” tanong nila. “Alam na ng buong Jerusalem ang pambihirang himalang nangyari sa pamamagitan nila. Hindi na natin ito maikakaila. 17 Ngunit upang huwag nang lalo pa itong kumalat sa bayan, pagbawalan natin silang magsalita pa kaninuman tungkol sa pangalang ito.” 18 Kaya't ipinatawag nila ang dalawa at inutusang kailanma'y huwag nang magsalita ni magturo sa pangalan ni Jesus. 19 Subalit sumagot sa kanila si Pedro at si Juan, “Kayo na ang humatol kung matuwid sa paningin ng Diyos na kayo ang aming sundin sa halip na ang Diyos. 20 Sapagkat hindi maaaring hindi namin sabihin ang aming nakita at narinig.” 21 Pagkatapos mahigpit na pagbantaan, pinakawalan nila ang dalawa. Wala silang makitang anumang dahilan upang parusahan sila sapagkat nagpupuri sa Diyos ang buong bayan dahil sa nangyari. 22 Mahigit apatnapung taong gulang na ang lalaking pinagaling sa pamamagitan ng himalang ito.
Ang Panalangin para sa Katapangan
23 Pagkatapos na sila'y mapalaya, pumunta sila sa kanilang mga kasamahan at ibinalita ang lahat ng sinabi sa kanila ng mga punong pari at ng matatandang tagapamahala ng bayan. 24 Nang (B) marinig nila ito, sama-sama silang tumawag sa Diyos, “Panginoon, ikaw na lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng naroroon, 25 ikaw (C) na nagsalita sa pamamagitan ng aming ninunong si David na iyong lingkod,[b] nang ipahayag niya sa patnubay ng Banal na Espiritu,
‘Bakit nagalit ang mga bansa,
at nagbalak ang mga bayan ng mga walang kabuluhan?
26 Naghanda ang mga hari sa lupa upang lumaban,
at ang mga pinuno ay nagtipon laban sa Panginoon,
at laban sa kanyang Hinirang.’
27 Sapagkat (D) totoo ngang sa lungsod na ito nagkaisa sina Herodes at Poncio Pilato, kasama ng mga Hentil at ng mga mamamayan ng Israel laban sa iyong Banal na Lingkod[c] na si Jesus, na iyong hinirang. 28 Nagkaisa sila upang gawin ang itinakda ng iyong kamay at ng iyong kalooban na mangyayari. 29 At ngayon, Panginoon, tingnan mo po kung paano nila kami pinagbabantaan. Ipagkaloob mo po sa iyong mga alipin ang buong katapangan upang ipahayag ang iyong salita. 30 Iunat mo po ang iyong kamay upang magpagaling at gumawa ng mga tanda at mga kababalaghan sa pamamagitan ng pangalan ng iyong Banal na Lingkod na si Jesus.” 31 Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang lugar na kanilang pinagtitipunan; napuspos silang lahat ng Banal na Espiritu at buong tapang nilang ipinahayag ang salita ng Diyos.
Ang Pagtutulungan ng mga Mananampalataya
32 Lahat ng mga mananampalataya ay nagkakaisa sa puso at kaluluwa. (E) Hindi sinarili ng sinuman ang kanyang mga ari-arian, kundi lahat ng mga bagay ay kanilang pinagsasaluhan. 33 Taglay ang dakilang kapangyarihan, nagpatotoo ang mga apostol tungkol sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus. At sumakanilang lahat ang dakilang pagpapala ng Diyos. 34 Walang sinumang naghihikahos sa kanila sapagkat ipinagbibili ng lahat ang kanilang mga lupa at mga bahay at ipinapaubaya ang pinagbilhan ng mga ito 35 sa pamamahala ng mga apostol at ipinamamahagi naman iyon ayon sa pangangailangan ng bawat isa. 36 Ganoon nga ang ginawa ni Jose, isang Levitang taga-Cyprus. Bernabe ang tawag sa kanya ng mga apostol, na ang kahulugan ay “anak ng pagpapalakas-loob”. 37 Ipinagbili niya ang isang bukid na kanyang pag-aari, at ipinaubaya niya ang salapi sa pamamahala ng mga apostol.
Si Ananias at si Safira
5 May isang lalaki namang nagngangalang Ananias, kasama ang kanyang asawang si Safira, ang nagbili ng bahagi ng kanyang ari-arian. 2 Itinago ni Ananias para sa sarili ang ilang bahagi ng napagbilhan at isang bahagi lamang ang ibinigay sa pamamahala ng mga apostol. Sinang-ayunan ito ng kanyang asawa. 3 Kaya tinanong siya ni Pedro, “Ananias, bakit mo hinayaang puspusin ni Satanas ang iyong puso[d] at nagawa mong magsinungaling sa Banal na Espiritu at itago para sa sarili ang bahagi ng pinagbilhan ng lupa? 4 Hindi ba sa iyo naman ang lupa bago mo iyon ipinagbili? At nang maipagbili na, hindi ba ang napagbilhan ay nasa iyo ring pasya? Bakit naisipan mo pang gawin ang bagay na ito? Hindi ka sa tao nagsinungaling kundi sa Diyos.” 5 Nang marinig ni Ananias ang mga salitang ito, bumagsak siya at namatay. At matinding takot ang naghari sa lahat ng mga nakarinig nito. 6 Lumapit ang mga kabataang lalaki at siya'y binalot, inilabas at inilibing.
7 Pagkaraan ng halos tatlong oras, pumasok ang kanyang asawa na hindi nalalaman ang nangyari. 8 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin, ito ba ang halagang pinagbilhan ninyo sa lupa?” Sumagot siya, “Iyon nga.” 9 Sinabi sa kanya ni Pedro, “Bakit nagkasundo kayong subukin ang Espiritu ng Panginoon? Tingnan mo, nakatayo sa pintuan ang mga naglibing sa iyong asawa, at dadalhin ka rin nila sa labas.” 10 Noon di'y nabuwal si Safira sa paanan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga kabataan, natagpuan nilang patay na ang babae kaya't siya'y kanilang inilabas at inilibing sa tabi ng kanyang asawa. 11 Naghari ang matinding takot sa buong iglesya at sa lahat ng mga nakarinig ng mga ito.
Ang mga Himalang Ginawa ng mga Apostol
12 Sa pamamagitan ng mga apostol, maraming mga tanda at kababalaghan ang naganap sa gitna ng mga taong-bayan. Lahat ng mananampalataya ay patuloy na nagsasama-sama sa portiko ni Solomon. 13 Subalit wala nang iba pang nangahas na sumama sa kanila bagaman mataas ang pagtingin sa kanila ng mga tao. 14 Gayunma'y lalo pang dumarami ang mga lalaki at mga babaing sumampalataya sa Panginoon. 15 Dinadala ng mga tao sa mga lansangan ang mga maysakit, at inilalagay sa mga higaan at mga banig upang pagdaan ni Pedro ay madaanan man lamang ng kanyang anino ang ilan sa kanila. 16 Sama-sama ring pumunta ang maraming tao mula sa mga karatig-bayan ng Jerusalem, dala ang mga maysakit at ang mga pinahihirapan ng maruruming espiritu. At silang lahat ay pinagaling.
Ang Pag-uusig sa mga Apostol
17 Matinding inggit ang naghari sa Kataas-taasang Pari at sa lahat ng mga kasama niya, na sekta ng mga Saduceo. Kaya kumilos sila. 18 Dinakip nila ang mga apostol at ikinulong sa bilangguang bayan. 19 Ngunit kinagabihan, isang anghel ng Panginoon ang nagbukas sa mga pintuan ng bilangguan, at pagkatapos silang ilabas ay sinabi sa kanila, 20 “Pumunta kayo sa Templo at sabihin ninyo sa mga tao ang buong balita tungkol sa buhay na ito.” 21 Pagkarinig nila nito, pumasok sila sa templo nang madaling-araw at nagturo. Nang dumating ang Kataas-taasang Pari at ang mga kasamahan niya, pinulong nila ang Sanhedrin, ang buong kapulungan ng mga tagapamahala ng Israel. Nagsugo sila ng mga kawal sa bilangguan upang kunin ang mga apostol. 22 Ngunit pagdating ng mga kawal sa bilangguan, hindi sila natagpuan doon. Bumalik ang mga kawal at nag-ulat, 23 “Nadatnan naming nakakandadong mabuti ang bilangguan, at nakatayo sa mga pintuan ang mga bantay, ngunit nang buksan namin, wala kaming natagpuang tao sa loob.” 24 Nang marinig ito ng pinuno ng mga kawal ng templo at ng mga pinunong pari, nabahala sila. Labis ang kanilang pagtataka kung ano ang nangyayari. 25 Siya namang pagdating ng isang taong nagsabi ng ganito, “Tingnan ninyo! Ang mga lalaking ibinilanggo ninyo ay naroon sa Templo at nagtuturo sa mga tao!” 26 Kaya sumama ang pinuno ng mga kawal sa bantay ng templo at kinuha ang mga apostol. Ngunit hindi sila gumamit ng dahas, sa pangambang baka sila'y batuhin ng mga taong-bayan. 27 Nang kanilang madala ang mga apostol, pinatayo sila sa harap ng Sanhedrin. Tinanong sila ng Kataas-taasang Pari, 28 “Hindi (F) ba't mahigpit namin kayong pinagbawalang magturo sa pangalang ito? Ngunit tingnan ninyo, pinalaganap na ninyo sa Jerusalem ang inyong aral, at nais pa ninyo kaming managot sa pagkamatay[e] ng taong ito!” 29 Ngunit sumagot si Pedro at ang ibang mga apostol, “Ang Diyos ang dapat naming sundin at hindi ang mga tao. 30 Ang Diyos ng ating mga ninuno ang nagbangon kay Jesus, na inyong pinatay nang bitayin ninyo siya sa punongkahoy. 31 Itinaas siya ng Diyos sa kanyang kanang kamay bilang Tagapanguna at Tagapagligtas, upang bigyan ng pagkakataong magsisi ang Israel, at mapatawad ang mga kasalanan. 32 Saksi kami sa mga sinasabi naming ito, gayundin ang Banal na Espiritu na ipinagkaloob ng Diyos sa mga sumusunod sa kanya.” 33 Nang marinig nila ito, nagngitngit sila sa galit at nagbalak na patayin ang mga apostol. 34 Ngunit tumindig ang isang kaanib ng Sanhedrin, isang Fariseo na ang pangalan ay Gamaliel. Siya'y isang dalubhasa sa Kautusan at iginagalang ng buong bayan. Iniutos niyang ilabas sandali ang mga apostol. 35 Sinabi niya sa kanila, “Mga kababayan kong Israelita, huwag kayong padalus-dalos sa inyong gagawin sa mga taong ito. 36 Sapagkat kailan lang ay lumitaw si Teudas, na nagpakilalang siya'y magaling. Sumama sa kanya ang may apatnaraang tao, ngunit nang siya'y mapatay, lahat ng sumunod sa kanya ay nagkawatak-watak at sila'y walang kinahinatnan. 37 Pagkatapos ay lumitaw naman si Judas na taga-Galilea nang panahon ng pagpapatala, at nakaakit din siya ng mga tagasunod. Ngunit siya man ay napahamak at ang lahat ng sumunod sa kanya'y nagkahiwa-hiwalay. 38 Kaya't pinapayuhan ko kayo ngayong huwag gumawa ng anumang laban sa mga taong ito. Hayaan ninyo sila. Sapagkat kung ang balak nila, o ang gawa nilang ito ay mula sa tao, ito'y hindi magtatagumpay. 39 Ngunit kung ito'y sa Diyos, hindi ninyo sila kayang pabagsakin. Baka lumabas pa kayong lumalaban sa Diyos!” 40 Sila'y napapayag niya. Kaya nang maipatawag nila ang mga apostol, ipinahagupit nila ang mga ito at inutusang huwag nang magsalita sa pangalan ni Jesus, at pagkatapos ay pinalaya. 41 Umalis sila sa Sanhedrin na nagagalak sapagkat sila'y naging karapat-dapat magtiis ng kahihiyan alang-alang sa Pangalan. 42 Araw-araw, sa templo at sa mga bahay-bahay, wala silang tigil sa pagtuturo at pangangaral na si Jesus ang Cristo.
Ang Pagpili sa Pitong Tagapaglingkod
6 Nang mga araw na patuloy ang pagdami ng mga alagad, nagreklamo ang mga Helenista laban sa mga Hebreo. Ito'y sa dahilang napapabayaan ang kanilang mga babaing balo sa pang-araw-araw na pamamahagi ng ikabubuhay. 2 Tinawag ng labindalawa ang buong kapulungan ng mga alagad, at sinabi, “Hindi nararapat na pabayaan namin ang salita ng Diyos upang maglingkod sa mga hapag. 3 Kaya mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking kilalang may mabuting pagkatao, puspos ng Espiritu at ng karunungan, at itatalaga namin sila sa tungkuling ito, 4 habang iuukol namin ang aming sarili sa pananalangin at sa paglilingkod para sa salita.” 5 Nasiyahan ang buong kapulungan sa kanilang sinabi at pinili nila si Esteban, lalaking puspos ng pananampalataya at ng Banal na Espiritu, kasama sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at si Nicolas na taga-Antioquia na nahikayat sa Judaismo. 6 Pinatayo sila sa harapan ng mga apostol at sila'y ipinanalangin ng mga ito at pinatungan ng kamay. 7 Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at mabilis na dumami ang bilang ng mga alagad sa Jerusalem, kabilang ang maraming pari sa mga naging tagasunod ng pananampalataya.
Ang Pagdakip kay Esteban
8 Si Esteban, na puspos ng biyaya at ng kapangyarihan, ay gumawa ng mga dakilang kababalaghan at mga himala sa gitna ng mga taong-bayan. 9 Ngunit nakipagtalo sa kanya ang ilan mula sa sinagoga, na tinatawag na Mga Pinalaya at mga Cireneo, at mga Alejandrino, at mga taga-Cilicia, at taga-Asia. 10 Hindi nila kayang salungatin ang karunungan at ang Espiritu na nagkaloob sa kanya ng kanyang sinasabi. 11 Kaya lihim nilang sinulsulan ang ilang lalaki na sabihing, “Narinig namin siyang nagsasalita ng mga kalapastanganan laban kay Moises at laban sa Diyos.” 12 Sinulsulan din nila ang taong-bayan, maging ang mga matatandang namamahala sa bayan, at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Lumapit sila kay Esteban, pagkatapos ay sinunggaban siya at dinala sa Sanhedrin. 13 Nagharap sila ng mga sinungaling na saksi na nagsabi, “Walang tigil ang taong ito sa pagsasalita laban sa banal na lugar na ito at laban sa Kautusan. 14 Sapagkat narinig naming sinabi niya na gigibain nitong si Jesus na taga-Nazareth ang lugar na ito, at babaguhin ang mga kaugaliang ipinamana sa atin ni Moises.” 15 Nakita ng lahat ng nakaupo sa Sanhedrin na nakatitig sa kanya na ang mukha niya ay tulad ng sa isang anghel.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.