Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mga Gawa 1-3

Kagalang-galang na Teofilo, isinalaysay ko sa aking unang aklat ang lahat ng mga ginawa at itinuro ni Cristo mula sa simula, hanggang sa araw na dalhin siya sa langit matapos magtagubilin sa pamamagitan ng Banal na Espiritu sa kanyang mga hinirang na apostol. Pagkatapos ng kanyang pagdurusa, nagpakita siya nang maraming ulit sa kanila upang mapatunayang siya ay buháy. Ginawa niya ito sa loob ng apatnapung araw at nagturo ng mga bagay tungkol sa paghahari ng Diyos. Habang kasama pa nila, nagbilin siya ng ganito sa mga alagad, “Huwag muna kayong umalis sa Jerusalem; sa halip, hintayin ninyo ang ipinangako ng Ama na narinig ninyo sa akin. Nagbautismo sa tubig si Juan; subalit ilang araw na lamang, babautismuhan kayo sa Banal na Espiritu.”

Ang Pag-akyat ni Jesus sa Langit

Nang muli silang magkasama, nagtanong ang mga alagad kay Jesus, “Panginoon, ito na ba ang panahong itatayo mong muli ang kaharian sa Israel?” Sinabi niya sa kanila, “Hindi na ninyo kailangang malaman pa ang mga oras o ang mga panahong itinakda ng Ama sa pamamagitan ng sarili niyang awtoridad. Sa halip, tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Banal na Espiritu, at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, hanggang sa dulo ng daigdig.” Matapos niyang sabihin ang mga ito, dinala siya sa langit habang sila ay nakatingin. Pagkatapos ay tinakpan siya ng ulap at siya'y hindi na nila nakita. 10 Samantalang nakatitig sila sa langit habang papalayo siya, biglang lumitaw ang dalawang lalaking nakaputi, nakatayo sa kanilang tabi 11 at nagsabi, “Mga taga-Galilea, bakit kayo narito at nakatingin sa langit? Itong si Jesus na dinala sa langit ay babalik kung paanong siya ay inyong nakitang umakyat sa langit.”

Pagpili sa Kapalit ni Judas

12 Pagkatapos ay nagbalik ang mga alagad sa Jerusalem mula sa bundok ng mga Olibo na halos isang kilometro ang layo sa lungsod.[a] 13 Nang makapasok sila sa lungsod, tumuloy sila sa silid sa itaas na pansamantala nilang tinitirhan. Ang mga ito ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, at si Judas na anak ni Santiago. 14 Kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus, gayundin ang kanyang mga kapatid, nagkakaisang inilaan ng mga alagad ang kanilang mga sarili sa pananalangin.

15 Nang mga araw na iyon, habang nagtitipon ang may isandaan at dalawampung mga kapatid, tumindig si Pedro sa gitna nila at nagsabi, 16 “Mga kapatid,[b] kailangang matupad ang Kasulatan, na noon pa ma'y sinabi na ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ni David, tungkol kay Judas na nanguna sa pagdakip kay Jesus. 17 Dati siyang kabilang sa atin at nabigyan ng bahagi sa paglilingkod na ito. 18 Ang taong ito ay bumili ng bukid mula sa bayad sa pagtataksil. Nang bumagsak siya roon nang patiwarik, pumutok ang kanyang tiyan[c] at sumambulat ang kanyang bituka. 19 Nalaman ito ng lahat ng taga-Jerusalem, kaya nga't tinawag ang bukid na iyon sa kanilang wika na “Akeldama” na ang ibig sabihi'y ‘Ang Bukid ng Dugo.’ 20 Sapagkat nasusulat (A) sa Aklat ng Mga Awit,

‘Hayaang mawalan ng tao ang kanyang tahanan,
    at huwag hayaang tumira doon ang sinuman;’ at
‘Hayaang kunin ng iba ang kanyang katungkulan.’

21 Kaya mula sa mga nakasama namin sa buong panahong naglilibot ang Panginoong Jesus kasama kami, 22 buhat sa pagbabautismo ni Juan hanggang siya'y kunin mula sa atin, isa sa mga ito ay dapat maging kasama namin bilang saksi na si Jesus ay muling nabuhay. 23 Iminungkahi nila si Jose na tinatawag na Barsabas, na kilala rin sa pangalang Justo, at si Matias. 24 Nanalangin sila ng ganito, ‘Panginoon, kayo na nakaaalam sa puso ng lahat, ipakita ninyo sa amin kung sino sa dalawang ito ang inyong hinirang 25 upang tumanggap ng katungkulan bilang apostol kapalit ni Judas, yamang ito'y kanyang tinalikuran at pumunta siya sa lugar na nararapat sa kanya.’ 26 Nagpalabunutan sila at si Matias ang napili. Kaya't idinagdag siya sa labing-isang apostol.

Ang Pagdating ng Banal na Espiritu

Pagsapit ng Araw ng Pentecostes,[d] nagtitipon silang lahat sa isang lugar. Biglang nagkaroon ng isang ugong mula sa langit, gaya ng isang napakalakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kanilang kinaroroonan. May nakita silang tila mga dilang apoy na nahahati at lumapag sa bawat isa sa kanila. Napuspos silang lahat ng Banal na Espiritu, at nagsalita sa iba't ibang wika, ayon sa kakayahang magpahayag na ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu. Naninirahan noon sa Jerusalem ang mga Judiong masigasig sa kanilang pananampalataya. Galing pa sila sa iba't ibang mga bansa. Nang dumating ang ugong na ito, nagtipon sila at namangha sapagkat nagsasalita ang mga alagad sa mga wika nilang mga nakikinig. Labis silang nagulat at namangha, kaya't sila'y nagtanong, “Pakinggan ninyo! Hindi ba mga taga-Galilea ang lahat ng mga nagsasalitang ito? Paanong nangyaring naririnig ng bawat isa sa atin ang ating mga sariling wika sa kanila? Tayong mga Parto, mga Medo, mga Elamita, mga naninirahan sa Mesopotamia, sa Judea, at sa Capadocia, sa Ponto at sa Asia. 10 Mayroon din sa ating taga-Frigia at Pamfilia, sa Ehipto at sa mga lupain ng Libya na sakop ng Cirene, at mga panauhing taga-Roma, mga Judio at mga nahikayat maging Judio. 11 May mga taga-Creta at taga-Arabia rin dito. Paano sila nakapagsasalita sa ating mga sariling wika tungkol sa mga kamangha-manghang gawa ng Diyos?” 12 Namangha sila at nalito, kaya sila'y nagtanungan, “Ano ang kahulugan nito?” 13 Ngunit ang iba nama'y may pangungutyang nagsabi, “Lasing ang mga iyan.” 14 Kaya't tumayo si Pedro, kasama ang labing-isa, at nagpahayag sa malakas na tinig, “Mga kababayan kong Judio at mga naninirahan sa Jerusalem, unawain ninyo ito at makinig kayong mabuti sa sasabihin ko. 15 Hindi lasing ang mga taong ito, gaya ng akala ninyo. Ngayo'y ikasiyam pa lang ng umaga.[e] 16 Sa halip, ang pangyayaring ito'y katuparan ng sinabi ni propeta Joel:

17 ‘Ito ang mangyayari sa mga huling araw, sabi ng Diyos,
ibubuhos ko sa lahat ng tao ang aking Espiritu;
    magpapahayag ang inyong mga anak na lalaki at babae ng mensahe mula sa Diyos,
makakakita ng pangitain ang inyong mga kabataang lalaki,
    mananaginip ang inyong mga matatandang lalaki,
18 maging sa mga aliping lalaki at babae,
    sa mga araw na iyon ay ibubuhos ko ang aking Espiritu,
    at sila'y magpapahayag.
19 Magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit,
    at ng mga tanda sa lupa;
    dugo, apoy, at makapal na usok.
20 Magdidilim ang araw,
    at magkukulay-dugo ang buwan,
    bago sumapit ang dakila at maningning na Araw ng Panginoon.
21 At mangyayari na sinumang tumawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.’

22 “Pakinggan ninyo ito, mga Israelita. Itong si Jesus na taga-Nazareth ay pinatunayan sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ng mga himala, mga kababalaghan at mga tandang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat naganap ang mga ito sa gitna ninyo. 23 Sa mula't mula pa'y alam na at ipinasya na ng Diyos na ibigay sa inyo si Jesus. At ipinako ninyo siya sa krus at ipinapatay sa mga makasalanan. 24 Subalit ang Diyos ang muling bumuhay sa kanya, at nagpalaya sa kanya mula sa pagdurusa ng kamatayan, dahil wala naman itong kakayahang maghari sa kanya. 25 Gaya nga ng sinabi ni David tungkol sa kanya:

‘Noon pa'y nakita kong lagi kong kapiling ang Panginoon;
    Siya'y kasama ko[f] kaya't hindi ako matitinag.
26 Dahil dito'y nagalak ang aking puso at sa dila ko'y nag-umapaw ang tuwa,
    at ang aking katawan ay mabubuhay sa pag-asa.
27 Sapagkat ang kaluluwa ko'y hindi mo hahayaan sa kamatayan[g];
    o ipahihintulot man lang na ang iyong Banal ay makaranas ng kabulukan.
28 Ipinakita mo sa akin ang mga daan ng buhay,
    at sa piling mo'y mapupuno ako ng kagalakan.’

29 Mga kapatid, buong katiyakang sasabihin ko sa inyo na ang ating ninunong si David ay namatay at inilibing. At ang libingan niya'y nasa atin hanggang ngayon. 30 Palibhasa'y propeta si David noong nabubuhay pa, nalalaman niya ang taimtim na pangako sa kanya ng Diyos: na magiging haring tulad niya ang isa mula sa kanyang angkan. 31 Nakita na at ipinahayag na ni David na muling bubuhayin ng Diyos ang Cristo nang kanyang sabihin:

    ‘Hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay; ni ang katawan niya'y makaranas ng kabulukan.’

32 Ngayon, kaming lahat ay mga saksi na ang Jesus na ito ay muling binuhay ng Diyos. 33 Dahil iniluklok siya sa kanan ng Diyos, at tinanggap niya mula sa Ama ang ipinangakong Banal na Espiritu, nakikita at naririnig ninyo ito na ibinuhos sa amin ngayon. 34 Sapagkat hindi si David ang umakyat sa langit, subalit sinabi niya: Ang Panginoon ang nagsabi sa aking Panginoon: ‘Maupo ka sa aking kanan, 35 hanggang mailagay ko sa ilalim ng iyong mga paa ang iyong mga kaaway.’ 36 Kaya't dapat malaman ng buong sambahayan ng Israel, na itong si Jesus na inyong ipinako sa krus ay itinalaga ng Diyos na Panginoon at Cristo.” 37 Nabagabag ang kanilang kalooban nang marinig nila ang sinabi ni Pedro, kaya't nagtanong sila kay Pedro at sa ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” 38 Sumagot si Pedro, “Talikuran ninyo ang inyong kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang patawarin kayo, at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Banal na Espiritu. 39 Sapagkat para sa inyo ang pangako, at para sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, at sa lahat ng tatawagin ng ating Panginoong Diyos tungo sa kanya.” 40 Marami pang sinabi si Pedro bilang patunay upang sila'y himukin. Nakiusap siya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa masamang lahing ito.” 41 Kaya't nagpabautismo ang tumanggap sa kanyang sinabi. At nang araw na iyon, may tatlong libong katao ang nadagdag sa mga alagad. 42 Masigasig silang nanatili sa mga turo ng apostol, sa pagsasama-sama bilang magkakapatid, sa pagpuputul-putol ng tinapay, at sa pananalangin.

Ang Buhay ng Magkakapatid

43 Naghari sa lahat ang takot, at maraming kababalaghan at himala ang naganap sa pamamagitan ng mga apostol. 44 At (B) nagsama-sama ang lahat ng mga mananampalataya at ibinahagi ang kanilang mga ari-arian para sa lahat. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at mga kayamanan at ang napagbilhan ay ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawat isa. 46 Araw-araw silang nagsasama-sama sa templo, at nagpuputul-putol ng tinapay sa bahay-bahay. Ginagawa nila ang mga ito nang may galak at bukás na kalooban. 47 Habang nagpupuri sila sa Diyos at kinalulugdan ng lahat ng mga tao, ay araw-araw namang idinaragdag ng Panginoon sa kanila ang kanyang mga inililigtas.

Ang Pagpapagaling sa Lumpo

Isang araw, pumunta sina Pedro at Juan sa templo; ikatlo ng hapon noon,[h] ang oras ng pananalangin.[i] Sa pintuan ng Templo na tinatawag na Maganda ay naroon ang isang lalaking lumpo mula pa nang isilang. Araw-araw siyang dinadala roon upang manghingi ng limos sa mga taong pumapasok. Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok sa Templo, humingi siya ng limos. Tinitigan siya ni Pedro gayundin ni Juan. At sinabi ni Pedro sa lumpo, “Tumingin ka sa amin.” Tumingin nga siya sa kanila na umaasang siya'y lilimusan. Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak at ginto, ngunit kung anong mayroon ako ay siyang ibibigay ko sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazareth, tumayo ka at lumakad.” Hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at itinayo ito. Kaagad lumakas ang mga paa at mga bukung-bukong ng lalaki. Palukso siyang tumayo at nagsimula nang lumakad. Kasama ng dalawa, pumasok siya sa Templo, lumalakad, paluksu-lukso, at nagpupuri sa Diyos. Nakita siya ng lahat ng tao na lumalakad at nagpupuri sa Diyos. 10 Nakilala nila na siya nga ang dating nakaupo at namamalimos sa Pintuang Maganda ng Templo. Labis silang nagulat at nagtaka sa nangyari sa kanya.

Si Pedro sa Portiko ni Solomon

11 Habang nakahawak pa siya kina Pedro at Juan sa lugar na tinatawag na Portiko ni Solomon, nagtakbuhang papalapit sa kanila ang mga tao na manghang-mangha. 12 Nang makita ito ni Pedro, sinabi niya sa mga tao, “Mga Israelita, bakit ninyo ito ipinagtataka at bakit ninyo kami tinititigan na para bang napalakad namin siya sa sarili naming kapangyarihan o kabanalan? 13 Niluwalhati ng (C) Diyos ni Abraham, ng Diyos ni Isaac, at ng Diyos ni Jacob, at ng Diyos ng ating mga ninuno ang kanyang lingkod[j] na si Jesus na inyong isinakdal at itinakwil sa harapan ni Pilato, gayong si Pilato ay nagpasya nang palayain siya. 14 Itinakwil ninyo (D) ang Banal at Matuwid at hiniling na palayain para sa inyo ang isang mamamatay-tao. 15 Pinatay ninyo ang May-akda ng buhay, ngunit ibinangon siya ng Diyos mula sa mga kamatayan, at kami ay mga saksi sa bagay na ito. 16 Sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan, gumaling ang lalaking ito na inyong nakikita at nakikilala. Ang pananampalataya kay Jesus ang lubusang nagpagaling sa kanya, gaya ng nakikita ninyong lahat. 17 Ngayon, mga kapatid, batid kong hindi ninyo naunawaan ang inyong ginawa, gayundin ng inyong mga pinuno. 18 Ngunit sa ganito'y natupad ang sinabi ng Diyos noon pa man sa pamamagitan ng pahayag ng lahat ng mga propeta, na ang kanyang Cristo ay kailangang magdusa. 19 Kaya nga magsisi na kayo at magbalik-loob sa Diyos upang mapatawad ang inyong mga kasalanan, 20 nang sa gayon ay dumating ang mga panahon ng ginhawa mula sa Panginoon; at upang kanyang maisugo si Jesus, ang Cristong itinalaga mula pa nang una para sa inyo. 21 Siya'y dapat munang manatili sa langit hanggang sa dumating ang panahong likhaing panibago ang lahat ng mga bagay, na sinabi ng Diyos mula pa noong una sa pamamagitan ng pahayag ng kanyang mga banal na propeta. 22 Sinabi nga ni Moises, (E) ‘Ang Panginoon ninyong Diyos ay pipili mula sa inyong mga kababayan ng isang propetang gaya ko. Sundin ninyo ang lahat ng sasabihin niya sa inyo. 23 Ang (F) sinumang hindi makikinig sa propetang iyon ay ititiwalag sa bayan[k] ng Diyos at pupuksain.’ 24 Ang lahat ng mga propeta, mula kay Samuel at ang mga kasunod niya, ay nagpahayag din tungkol sa mga nangyayari sa mga araw na ito. 25 Kayo'y mula sa lahi ng mga propeta at kabilang sa tipan na ibinigay ng Diyos sa inyong mga ninuno, nang kanyang sabihin kay Abraham, ‘Sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ko ang lahat ng mga angkan sa daigdig.’ (G) 26 Nang muling buhayin ng Diyos ang kanyang lingkod, una siyang isinugo ng Diyos sa inyo, upang bawat isa sa inyo'y pagpalain sa pamamagitan ng paglalayo sa inyo mula sa inyong mga kasamaan.”

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.