Chronological
4 Ito ang ibig kong sabihin: habang bata pa ang tagapagmana ay wala siyang pagkakaiba sa isang alipin kahit na siya ang may-ari ng lahat. 2 Sa halip ay nasa ilalim siya ng mga tagapangalaga at mga katiwala hanggang dumating ang panahong itinakda ng kanyang ama. 3 Ganoon din tayo. Noong tayo'y mga bata pa, inalipin din tayo ng mga espiritung naghahari sa sanlibutan. 4 Ngunit nang sumapit ang takdang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak. Isinilang siya ng isang babae, at namuhay sa ilalim ng Kautusan, 5 upang (A) palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan, nang sa gayo'y matanggap natin ang karapatang maging mga anak ng Diyos. 6 Sapagkat kayo ngayon ay mga anak na ng Diyos, isinugo niya ang Espiritu ng kanyang Anak, ang Espiritung sumisigaw sa ating[a] mga puso, “Ama,[b] aking Ama!” 7 Kaya't hindi ka na alipin kundi anak. At dahil ikaw ay anak, ikaw ay ginawa na ring tagapagmana sa pamamagitan ng Diyos.
Pinagsabihan ni Pablo ang mga Taga-Galacia
8 Kayo'y alipin ng mga diyus-diyosan noong hindi pa ninyo kilala ang Diyos. 9 Subalit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o mas tamang sabihing, kilala na kayo ng Diyos, bakit kayo bumabalik na naman sa mahihina at hamak na mga espiritung iyan? Bakit ibig ninyong muling maalipin ng mga iyon? 10 Nangingilin kayo ng mga araw, mga buwan, mga panahon, at mga taon! 11 Nangangamba akong ang mga pagpapagal ko para sa inyo'y mawalan ng kabuluhan.
12 Nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, gayahin ninyo ako, sapagkat ako nama'y gaya rin ninyo noon. Wala kayong ginawang masama sa akin. 13 Alam naman ninyong kaya ako nakapangaral ng ebanghelyo sa inyo ay dahil nagkaroon ako ng karamdaman. 14 At kahit na ako'y naging malaking pasanin sa inyo dahil sa aking karamdaman, hindi pa rin ninyo ako hinamak o tinanggihan. Sa halip, tinanggap ninyo ako na parang isang anghel ng Diyos, at para pa ngang si Cristo Jesus! 15 Nasaan na ang kagalakang iyon ngayon?[c] Ano na ang nangyari? Ako mismo ang makapagpapatotoo na kung maaari lang ay dudukutin ninyo noon ang inyong mga mata maibigay lang ito sa akin. 16 Naging kaaway ba ninyo ako ngayon dahil sa pagsasabi ko sa inyo ng katotohanan? 17 Masigasig ang mga taong iyan upang mahikayat kayo, subalit hindi mabuti ang kanilang layunin. Ang naisin nila ay ang ilayo kayo sa akin, upang kayo'y sa kanila maging masigasig. 18 Mabuti naman ang maging laging masigasig, basta para sa mabuting layunin. Gawin ninyo lagi ito at hindi lamang kapag kaharap ninyo ako! 19 Minamahal kong mga anak! Para sa inyo'y muli akong dumaranas ng hirap gaya ng isang babaing nanganganak, hanggang hindi nabubuo sa inyo ang pagkatao ni Cristo. 20 Sana'y kasama ko kayo ngayon upang maiba ko ang tono ng aking pagsasalita. Labis akong nag-aalala para sa inyo!
Paghahambing kina Hagar at Sarah
21 Sabihin ninyo sa akin, kayong nagnanais pailalim sa Kautusan: hindi ba ninyo naririnig ang sinasabi ng Kautusan? 22 Sapagkat (B) nasusulat doon na si Abraham ay nagkaroon ng dalawang anak na lalaki, isa sa aliping babae, at isa sa babaing malaya. 23 Ang anak niya sa alipin ay ipinanganak sa karaniwang paraan,[d] ngunit ang anak niya sa babaing malaya ay isinilang bilang katuparan ng pangako ng Diyos. 24 Ito'y isang paghahambing: Ang mga babaing ito'y larawan ng dalawang tipan. Ang isa ay ang tipan na nagmula sa bundok ng Sinai na inilalarawan ni Hagar na nagsilang ng mga anak para sa pagkaalipin. 25 Ngayon, si Hagar ay kumakatawan sa bundok ng Sinai sa Arabia, at larawan ng kasalukuyang Jerusalem na nasa pagkaalipin, kasama ng kanyang mga mamamayan. 26 Ngunit ang Jerusalem na nasa langit ay malaya, at siya ang ating ina. 27 Sapagkat (C) nasusulat,
“Magalak ka, O babaing baog, ikaw na hindi magkaanak;
umawit ka at humiyaw sa galak, ikaw na ang sakit sa panganganak ay hindi man lang dinanas;
sapagkat ang mga babaing pinabayaan ay higit na marami ang supling
kaysa supling ng mga babaing may asawang kapiling.”
28 At tulad ni Isaac, kayo, mga kapatid, ay mga anak ayon sa pangako. 29 Kung paanong inusig noon (D) ng ipinanganak sa karaniwang paraan ang ipinanganak ayon sa Espiritu, ganoon din naman ngayon. 30 Subalit (E) ano ang sinasabi ng kasulatan? “Palayasin mo ang babaing alipin at ang kanyang anak, sapagkat hindi magmamanang magkasama ang anak ng babaing alipin at ang anak ng babaing malaya.” 31 Kaya nga, mga kapatid, hindi tayo mga supling ng babaing alipin, kundi ng babaing malaya.
Ang Kalayaan kay Cristo
5 Pinalaya tayo ni Cristo upang patuloy na tamasahin ang kalayaang ito; kaya't magpakatatag kayo at huwag na muling magpaalipin.
2 Pakinggan ninyo ito! Ako mismong si Pablo ang nagsasabi sa inyo: kung kayo'y patutuli, mawawalan ng kabuluhan sa inyo si Cristo. 3 Narito muli ang aking babala: bawat taong nagpatuli ay kailangang tumupad sa buong kautusan. 4 Kayong mga nagnanais na ituring na matuwid sa pamamagitan ng Kautusan, napalayo na kayo kay Cristo at nawalay mula sa kanyang biyaya. 5 Subalit kami ay taimtim na umaasang ituturing na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya at ng kapangyarihan ng Espiritu. 6 Sapagkat kay Cristo Jesus, hindi na mahalaga kung ang pagiging tuli o di-tuli, kundi ang pananampalatayang pinatutunayan sa pamamagitan ng pag-ibig.
7 Maayos na sana ang pagtakbong ginagawa ninyo noon. Sino ang humadlang sa inyo sa pagsunod sa katotohanan? 8 Hindi iyan gagawin ng Diyos na tumawag sa inyo! 9 Ang (F) kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong masa. 10 Nagtitiwala ako sa Panginoon na walang tututol sa akin tungkol sa mga bagay na ito. At sinumang nanggugulo sa inyo ay tiyak kong parurusahan ng Diyos. 11 Tungkol naman sa akin, mga kapatid, kung ipinangangaral ko pa ang pagtutuli, bakit pa ako inuusig? At kung nangangaral ako na kailangan pa ang pagtutuli, mawawala na ang katitisuran ng krus. 12 At sila na mga nanggugulo sa inyo ay hindi lamang dapat magpatuli kundi tuluyan nang magpaputol.
13 Tinawag kayo upang maging malaya, mga kapatid. Kaya lang, huwag naman ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang pagbigyan ang hilig ng laman. Sa halip, maglingkod kayo sa isa't isa sa diwa ng pag-ibig. 14 Sapagkat (G) ito ang buod ng Kautusan: “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” 15 Ngunit kung kayu-kayo ang nagkakagatan at nagsasakmalan, mag-ingat kayo, baka kayo'y magkaubusan.
Ang mga Gawa ng Laman
16 Sinasabi ko sa inyo, mamuhay kayo ayon sa Espiritu, at huwag na huwag kayong susunod sa hilig ng laman. 17 Sapagkat (H) ang mga hilig ng laman ay laban sa nais ng Espiritu, at ang Espiritu ay laban sa mga hilig ng laman. Laging naglalaban ang dalawang ito, kaya hindi ninyo magawa ang nais ninyong gawin. 18 Subalit kung kayo'y pinapatnubayan ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Kautusan. 19 Hindi naman maikakaila ang mga gawa ng laman: pakikiapid, karumihan, kahalayan, 20 pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aaway-away, paninibugho, pagkagalit, pagkamakasarili, pagkakabaha-bahagi, mga pagkakampi-kampi, 21 pagkainggit, paglalasing, kalayawan, at mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, gaya ng babala ko noon, na ang mga gumagawa ng ganitong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.
Ang Bunga ng Espiritu
22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan, 23 kaamuan, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito. 24 Ipinako na sa krus ng mga nakipag-isa kay Cristo Jesus ang kanilang makalamang pagkatao, kasama ang masasamang pagnanasa at mga kahalayan nito. 25 Yamang binigyan na tayo ng Espiritu ng bagong-buhay, lumakad tayo ayon sa kanyang patnubay. 26 Huwag na tayong maging palalò, huwag na nating galitin ang isa't isa, at huwag na rin tayong mag-inggitan.
Ang Pagtutulungan
6 Mga kapatid, kung mayroon sa inyong mahulog sa pagkakasala, kayong mga espirituwal ang dapat na mahinahong magtuwid sa kanya. At mag-ingat kayo, baka kayo naman ang matukso. 2 Magtulungan kayo sa pagdadala ng pasanin ng isa't isa, at sa ganitong paraan ay matutupad ninyo ang utos ni Cristo. 3 Kung inaakala ng sinuman na siya'y mahalaga gayong wala naman siyang kabuluhan, dinadaya niya ang kanyang sarili. 4 Suriin ng bawat isa ang kanyang sariling gawa. Sa gayon, masisiyahan siya kung mabuti ang kanyang ginagawa nang hindi ihinahambing ang sarili sa iba. 5 Sapagkat ang pananagutan ng bawat isa ay ang kanyang sariling pasanin. 6 Ang lahat ng pagpapalang tinatamasa ng mga tinuturuan ay dapat nilang ibahagi sa mga nagtuturo sa kanila ng salita ng Diyos. 7 Huwag kayong padaya: ang Diyos ay hindi maaaring hamakin, sapagkat kung ano ang itinanim ng tao ay siya rin niyang aanihin. 8 Sapagkat ang nagtatanim ng mga bagay upang bigyang kasiyahan ang masasamang pagnanasa ng laman ay mag-aani ng kapahamakan. Subalit ang nagtatanim upang bigyan ng kasiyahan ang Espiritu, mula sa Espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan. 9 Kaya't huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti; pagdating ng takdang panahon ay mag-aani tayo, kung hindi tayo panghihinaan ng loob. 10 Kaya't habang may pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalung-lalo na sa mga kasambahay sa pananampalataya.
Babala at Basbas
11 Pansinin ninyo kung gaano kalalaki ang mga titik ng sulat-kamay ko! Ako mismo ang sumulat nito! 12 Ang mga taong naghahangad na gumawa ng panlabas na kapurihan ang mga namimilit sa inyong kayo'y magpatuli. Ginagawa nila ito upang huwag na silang usigin dahil sa krus ni Cristo. 13 Ngunit kahit sila na mga nagpatuli ay hindi rin naman tumutupad sa Kautusan. Gayunma'y nais nilang magpatuli kayo upang maipagmalaki nila ang pagpapatuli ninyo. 14 Subalit huwag nawang mangyari sa akin ang magmalaki. Ang tanging ipinagmamalaki ko ay ang krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa pamamagitan ng kanyang krus, ang sanlibutan ay patay na sa akin, at ako'y patay na sa sanlibutan. 15 Sapagkat[e] hindi na mahalaga ang pagtutuli o ang di-pagtutuli, kundi ang pagiging bagong nilalang. 16 Kapayapaan at kahabagan nawa ang sumakanilang lahat na lumalakad ayon sa tuntuning ito, maging sa Israel ng Diyos.
17 Bilang pagwawakas, huwag na akong guluhin pa ng sinuman; sapagkat ang mga pilat na taglay ko sa aking katawan ay patunay na ako'y alagad ni Jesus.
18 Mga kapatid, sumainyo nawang lahat ang pagpapala ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.