Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mateo 27

Iniharap si Jesus kay Pilato(A)

27 Kinaumagahan, ang lahat ng mga punong pari at ang matatandang pinuno ng bayan ay nagsanggunian kung paano maipapapatay si Jesus. Siya'y ginapos nila, dinala sa labas, at iniharap sa gobernador na si Pilato.

Nagpakamatay si Judas(B)

Nang makita (C) ng nagkanulong si Judas na si Jesus ay nahatulan na, siya'y nagsisi at isinauli niya ang tatlumpung pirasong pilak sa mga punong pari at sa matatandang pinuno. Wika niya, “Nagkasala ako sa pagkakanulo sa dugong walang sala.” Ngunit sinabi nila, “Ano iyon sa amin? Bahala ka sa sarili mo.” At inihagis ni Judas ang mga piraso ng pilak sa loob ng templo at siya'y lumabas. Umalis siya at nagbigti. Pinulot ng mga punong pari ang mga piraso ng pilak at sinabi nila, “Hindi nararapat na ilagay ang mga ito sa kabang-yaman, sapagkat dugo ang katumbas nito.” Kaya't napagkasunduan nilang gamitin iyon upang bilhin ang bukid ng magpapalayok, na gagawing libingan ng mga dayuhan. Dahil dito, ang bukid na iyon ay tinawag na Bukid ng Dugo hanggang sa araw na ito. Kaya't (D) natupad ang sinabi sa pamamagitan ni Propeta Jeremias,[a] “At kinuha nila ang tatlumpung pirasong pilak, na inihalaga sa kanya ng ilang anak ng Israel, 10 at ang mga iyon ay ipinambayad nila sa bukid ng magpapalayok, gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon.”

Si Jesus sa Harapan ni Pilato(E)

11 Samantala, tumayo si Jesus sa harap ng gobernador at tinanong siya nito, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” “Ikaw ang nagsasabi niyan,” sagot ni Jesus. 12 Subalit nang magparatang sa kanya ang mga punong pari at ang matatandang pinuno ay wala siyang sinabing anuman. 13 At sinabi ni Pilato sa kanya, “Hindi mo ba naririnig kung gaano karami ang ibinibintang nila sa iyo?” 14 Ngunit ni isa mang kataga ay hindi siya sumagot sa kanya, na lubhang ipinagtaka ng gobernador.

Hinatulang Mamatay si Jesus(F)

15 Nakaugalian na noon ng gobernador na sa tuwing kapistahan ng Paskuwa ay nagpapalaya siya para sa mga taong-bayan ng sinumang bilanggo na kanilang maibigan. 16 Nang panahong iyon ay mayroong isang bilanggo na kilabot sa kasamaan, na nagngangalang Jesus Barabas.[b] 17 Kaya't nang magkasama-sama ang mga tao ay sinabi ni Pilato sa kanila, “Sino ang ibig ninyong palayain ko para sa inyo? Si Barabas ba, o si Jesus na tinatawag na Cristo?” 18 Sinabi niya ito sapagkat nahalata niyang dahil sa inggit ay iniharap nila si Jesus sa kanya. 19 At habang nakaupo siya sa upuan ng paghuhukom, ipinasabi sa kanya ng kanyang asawa ang ganito, “Huwag mong gagawan ng anuman ang taong iyan na walang sala, sapagkat labis akong pinahirapan sa panaginip ko sa araw na ito dahil sa kanya.” 20 Ngunit inudyukan ng mga punong pari at ng matatandang pinuno ang mga taong-bayan na kanilang hilingin si Barabas at patayin naman si Jesus. 21 Muling sumagot ang gobernador at sinabi sa kanila, “Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko sa inyo?” Sila'y sumagot, “Si Barabas!” 22 Sinabi sa kanila ni Pilato, “At ano naman ang gagawin ko rito kay Jesus, ang tinatawag na Cristo?” Lahat sila'y nagsabi, “Ipako siya sa krus!” 23 At sinabi niya, “Bakit, ano ba'ng ginawa niyang masama?” Ngunit lalo silang nagsisigaw, “Ipako siya sa krus!” 24 Kaya't (G) nang makita ni Pilato na wala na siyang magagawa, at sa halip ay mayroon nang namumuong isang malaking kaguluhan, kumuha siya ng tubig at hinugasan niya ang kanyang mga kamay sa harap ng madla, at kanyang sinabi, “Wala akong kinalaman sa pagdanak ng dugo ng taong ito.[c] Kayo ang may kagagawan nito.” 25 Sumagot ang buong bayan at nagsabi, “Hayaang panagutan namin at ng aming mga anak ang kanyang dugo.” 26 Pagkatapos ay pinalaya niya sa kanila si Barabas. Subalit si Jesus ay ipinahagupit niya at ipinaubaya upang ipako sa krus.

Tinuya ng mga Kawal si Jesus(H)

27 Dinala si Jesus ng mga kawal ng gobernador sa Pretorio at tinipon nila ang buong batalyon ng mga kawal sa harapan niya. 28 Siya'y kanilang hinubaran at isinuot sa kanya ang isang balabal na matingkad na pula. 29 Gumawa sila ng isang koronang tinik at ipinatong sa kanyang ulo. Ipinahawak nila sa kanang kamay niya ang isang tambo at sila'y lumuhod sa harapan niya at siya'y kanilang nilibak, sa pagsasabing, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 30 Siya'y kanilang dinuraan. Kinuha nila ang tambo at paulit-ulit na inihampas sa kanyang ulo. 31 Matapos siyang kutyain, hinubaran siya ng balabal at isinuot sa kanya ang kanyang mga damit. Pagkatapos, siya ay kanilang inilabas upang ipako sa krus.

Si Jesus ay Ipinako sa Krus(I)

32 Habang lumalabas sila sa lungsod, nakasalubong nila ang isang lalaking taga-Cirene, na nagngangalang Simon. Pinilit nila itong magpasan ng kanyang krus. 33 Dumating sila sa isang pook na tinatawag na Golgotha (na ang ibig sabihin ay “Ang Pook ng Bungo”). 34 Doon, siya ay kanilang binigyan (J) ng maiinom na alak na may halong apdo. Subalit nang kanyang matikman ay ayaw niyang inumin. 35 At (K) nang siya'y maipako nila sa krus, nagpalabunutan sila upang mapaghati-hatian ang kanyang mga damit. 36 Pagkatapos, umupo sila at nagbantay sa kanya roon. 37 Sa itaas ng kanyang ulo ay kanilang inilagay ang paratang sa kanya, na may ganitong nakasulat: “Ito si Jesus, ang Hari ng mga Judio.” 38 May dalawang tulisan na ipinakong kasama niya, isa sa kanan at isa sa kaliwa. 39 Ang mga nagdaraan (L) ay nangungutya sa kanya at pailing-iling 40 na (M) nagsasabi, “Ikaw na magwawasak sa templo, at sa ikatlong araw ay muling magtatayo nito, iligtas mo ang iyong sarili! Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!” 41 Sa gayunding paraan ay kinutya siya ng mga punong pari, kasama ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng matatandang pinuno. Wika nila, 42 “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Siya raw ang Hari ng Israel. Bumaba siya ngayon sa krus, at maniniwala tayo sa kanya. 43 Nagtiwala (N) siya sa Diyos. Tingnan natin ngayon kung ililigtas siya ng Diyos, kung gusto niya, sapagkat sinabi niyang siya ang Anak ng Diyos.” 44 Kinutya rin siya ng mga tulisang ipinako sa krus na kasama niya.

Namatay si Jesus(O)

45 Mula sa katanghaliang-tapat[d] hanggang sa ikatlo ng hapon[e] ay nagdilim sa buong lupain. 46 At (P) nang malapit na ang ikatlo ng hapon, sumigaw si Jesus nang napakalakas, na sinasabi, “Eli, Eli, lama sabacthani?” na ang ibig sabihin ay “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” 47 Nang marinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon ay sinabi nila, “Tinatawag ng taong ito si Elias.” 48 Agad na tumakbo (Q) ang isa sa kanila, kumuha ng isang espongha at isinawsaw sa suka,[f] ikinabit sa isang tambo, at ibinigay sa kanya upang inumin. 49 Ngunit ang iba'y nagsabi, “Hayaan muna ninyo siya. Tingnan natin kung darating si Elias upang siya'y iligtas.” 50 Muling sumigaw si Jesus nang napakalakas at nalagot ang kanyang hininga. 51 At (R) biglang napunit sa dalawa ang tabing ng templo, mula itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa, nabiyak ang mga bato. 52 Nabuksan ang mga libingan, at maraming katawan ng mga taong banal na namatay ang muling nabuhay. 53 Lumabas ang mga ito sa mga libingan at pagkatapos ng muling pagkabuhay ni Jesus, sila'y pumasok sa banal na lungsod at doon ay nakita ng maraming tao. 54 Nang makita ng senturyon at ng mga kasamahan niyang nagbabantay kay Jesus ang lindol at ang mga pangyayari, kinilabutan sila, at nagsabi, “Totoo ngang ito ang Anak ng Diyos.”[g] 55 At (S) maraming babaing naroroon din ang nakatanaw mula sa malayo. Sumunod sila kay Jesus mula pa sa Galilea upang maglingkod sa kanya. 56 Kabilang sa mga iyon ay si Maria Magdalena, si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang ina ng mga anak ni Zebedeo.

Inilibing si Jesus(T)

57 Nang magdadapit-hapon na ay dumating ang isang mayamang lalaking taga-Arimatea, na nagngangalang Jose, na naging alagad din ni Jesus. 58 Ang taong ito ay pumunta kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At ipinag-utos ni Pilato na iyon ay ibigay kay Jose. 59 Kinuha ni Jose ang bangkay at binalot sa isang malinis na telang lino, 60 at inilagay ito sa sarili niyang bagong libingan, na kanyang ipinaukit sa bato. Pagkatapos ay iginulong niya ang isang malaking bato sa pasukan ng libingan, at siya'y umalis. 61 Naroon at nakaupo si Maria Magdalena at ang isa pang Maria sa tapat ng libingan.

Naglagay ng mga Bantay sa Libingan

62 Nang sumunod na araw, pagkatapos ng araw ng Paghahanda, nagpulong sa harapan ni Pilato ang mga punong pari at ang mga Fariseo. 63 Kanilang sinabi, (U) “Ginoo, natatandaan naming sinabi ng bulaang iyon noong siya'y nabubuhay pa na siya raw ay muling mabubuhay pagkalipas ng tatlong araw. 64 Kaya't pabantayang mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw; baka pumaroon ang kanyang mga alagad at nakawin siya, at ipagsabi sa mga tao na siya'y muling nabuhay mula sa mga patay. Kapag nagkagayon, magiging masahol pa ang huling pandaraya kaysa una.” 65 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Mayroon kayong bantay;[h] pumunta kayo roon at tiyakin ninyong hindi iyon mabubuksan.” 66 Pumunta nga sila roon, at tiniyak na hindi mabubuksan ang libingan. Sinelyuhan nila ito at mahigpit na pinabantayan.

Marcos 15

Si Jesus sa Harapan ni Pilato(A)

15 Pagsapit ng umaga'y nagsabwatan ang mga punong pari kasama ang matatanda ng bayan, mga tagapagturo ng Kautusan at ang buong Sanhedrin. Iginapos nila si Jesus, inilabas at ibinigay kay Pilato. Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus, “Ikaw ang may sabi niyan.” Naghanap ng maraming paratang ang mga punong pari laban kay Jesus. Muli siyang tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Tingnan mo ang dami nilang paratang laban sa iyo.” Ngunit wala nang anumang sinabi pa si Jesus, kaya nagtaka si Pilato.

Hinatulang Mamatay si Jesus(B)

Tuwing Pista ay kaugalian na magpalaya ng isang bilanggo, na hihilingin ng taong-bayan. Noon ay may isang bilanggo na ang pangalan ay Barabas. Kasama siya sa mga nakulong dahil sa pagpatay noong panahon ng pag-aaklas. Lumapit ang mga tao kay Pilato at nagsimulang humiling na gawin para sa kanila ang kanyang dating ginagawa. Tinanong sila ni Pilato, “Ibig ba ninyong palayain ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?” 10 Alam ni Pilato na inggit lamang ang nagtulak sa mga punong pari kung bakit isinasakdal nila si Jesus. 11 Ngunit sinulsulan ng mga punong pari ang taong-bayan na si Barabas na lamang ang palayain para sa kanila. 12 Muling nagtanong si Pilato, “Ano ngayon ang gusto ninyong gawin ko sa tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?” 13 Sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” 14 Ngunit patuloy silang tinanong ni Pilato, “Ano ba'ng ginawa niyang masama?” Subalit lalong lumakas ang kanilang sigaw, “Ipako siya sa krus!” 15 Sa pagnanais ni Pilato na pagbigyan ang taong-bayan, ibinigay sa kanila si Barabas at ibinigay si Jesus upang ipahagupit at ipako sa krus.

Nilibak si Jesus ng mga Kawal(C)

16 Dinala si Jesus ng mga kawal sa bulwagan na tinatawag na Pretorio. Tinipon nila doon ang buong batalyon ng mga kawal. 17 Sinuutan nila si Jesus ng balabal na kulay-ube. Pagkatapos, gumawa sila ng koronang tinik at ipinutong nila ito sa kanya. 18 At binati siya ng ganito, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 19 Paulit-ulit siyang pinalo sa ulo ng isang tungkod, pinagduduraan, at sila'y nagsiluhod at sumamba sa kanyang harapan. 20 Matapos siyang kutyain, hinubad nila ang kanyang balabal na kulay-ube at isinuot sa kanya ang kanyang sariling damit, at siya'y inilabas upang ipako sa krus.

Ipinako si Jesus sa Krus(D)

21 Naglalakad (E) noon galing sa bukid si Simon na taga-Cirene, ama ni Alejandro at ni Rufo. Pinilit nila itong pasanin ang krus ni Jesus. 22 Dinala nila si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ibig sabihin ay "Pook ng Bungo." 23 Binigyan nila siya ng alak na hinaluan ng mira, ngunit hindi niya ito tinanggap. 24 At (F) siya'y kanilang ipinako sa krus, pinaghati-hatian ang kanyang mga damit at nagpalabunutan kung kanino ito mapupunta. 25 Ikasiyam ng umaga[a] nang siya'y ipako sa krus. 26 Nakasulat sa taas nito ang sakdal laban sa kanya: “Ang Hari ng mga Judio.” 27 Dalawang tulisan ang kasama niyang ipinako sa krus, isa sa gawing kanan, at isa sa kanyang kaliwa. 28 [At (G) natupad ang sinasabi ng kasulatan: Siya'y ibinilang sa mga salarin.][b] 29 Hinamak (H) siya ng mga nagdaraan, at umiiling na sinasabi, “Ah! Ikaw na gigiba sa templo at magtatayo nito sa loob ng tatlong araw, 30 bumaba ka mula sa krus, at iligtas mo ang iyong sarili!” 31 Kinutya rin siya ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya kayang iligtas ang kanyang sarili. 32 Hayaan nating bumaba ngayon mula sa krus ang Cristong Hari ng Israel para makita natin at maniwala tayo sa kanya.” Nilait din siya ng mga kasama niyang nakapako sa krus.

Ang Pagkamatay ni Jesus(I)

33 Nagdilim sa buong lupain mula tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon.[c] 34 (J) Nang ikatlo na ng hapon, sumigaw nang malakas si Jesus, “Eloi, Eloi, lama sabacthani?” na ang ibig sabihin ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” 35 Narinig ito ng ilang nakatayo roon at kanilang sinabi, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias.” 36 Tumakbo (K) ang isang naroon at kumuha ng espongha. Binasa niya ito ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at inialok kay Jesus. Sabi niya, “Tingnan nga natin kung darating si Elias upang iligtas siya.” 37 Sumigaw nang malakas si Jesus at nalagutan ng hininga. 38 At (L) nahati sa gitna ang tabing ng templo, mula itaas hanggang ibaba. 39 Isang senturyon ang nakatayo malapit sa krus. Nang makita niya kung paano namatay si Jesus, sinabi niya “Tunay na ang taong ito ang Anak ng Diyos.”[d] 40 Naroon (M) din ang ilang kababaihang nagmamasid mula sa malayo. Kabilang sa kanila sina Maria Magdalena, Mariang ina ni Santiago na nakababata at ni Jose, at si Salome. 41 Sila ang mula pa noon sa Galilea ay sumunod na at naglingkod kay Jesus. Naroon din ang iba pang mga kababaihan na kasama niyang pumunta sa Jerusalem.

Ang Paglilibing kay Jesus(N)

42 Dumidilim na noon, araw noon ng Paghahanda, ang araw bago ang Sabbath, 43 naglakas-loob si Jose na taga-Arimatea na pumunta kay Pilato upang hingin ang bangkay ni Jesus. Siya ay isang iginagalang na kagawad at naghihintay rin ng paghahari ng Diyos. 44 Nabigla si Pilato nang marinig na patay na si Jesus. Ipinatawag niya ang senturyon at itinanong kung patay na nga siya. 45 Nang matiyak niya mula sa senturyon na patay na nga si Jesus, pumayag siyang kunin ni Jose ang bangkay. 46 Bumili si Jose[e] ng telang lino at pagkababa sa bangkay ni Jesus, binalot niya ito ng nasabing tela at inilagay sa isang libingang inuka sa bato. Pagkatapos, iginulong ni Jose ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan. 47 Nakita ni Maria Magdalena at ni Mariang ina ni Jose kung saan inilibing si Jesus.

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.