Chronological
Si Jesus sa Harapan ni Pilato(A)
23 Tumindig ang buong kapulungan at dinala si Jesus kay Pilato. 2 Nagsimula sila na paratangan si Jesus. Sinabi nila, “Natagpuan namin ang taong ito na inililigaw ang aming bansa at ipinagbabawal ang pagbubuwis sa Emperador. Sinasabi rin niyang siya ang Cristo, ang hari.” 3 Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” Sumagot siya, “Ikaw ang may sabi n'yan.” 4 Sinabi ni Pilato sa mga punong pari at sa mga tao, “Wala akong makitang kasalanan ng taong ito.” 5 Ngunit nagpumilit sila at sinabi, “Sinusulsulan niya ang mga tao sa pamamagitan ng kanyang pagtuturo sa buong Judea, mula Galilea hanggang sa lugar na ito.”
Si Jesus sa Harapan ni Herodes
6 Nang marinig ito ni Pilato, nagtanong siya kung ang taong iyon ay taga-Galilea. 7 Nang malaman niya na ang taong ito ay sakop ni Herodes, ipinadala niya ito kay Herodes, na nasa Jerusalem nang mga araw na iyon. 8 Tuwang-tuwa si Herodes nang makita si Jesus, sapagkat matagal na niyang nais na makita ito dahil sa mga narinig niya tungkol dito. Umaasa rin siyang makakita ng himalang gagawin ni Jesus. 9 Marami siyang itinanong dito, ngunit hindi sumagot si Jesus. 10 Nakatayo roon ang mga punong pari at tagapagturo ng Kautusan na walang tigil sa pagbibintang kay Jesus. 11 Kinutya siya at hinamak ni Herodes kasama ng mga kawal nito. Dinamitan siya ng magagandang kasuotan at pagkatapos ay ibinalik kay Pilato. 12 Kaya't ang dating magkagalit na sina Herodes at Pilato ay naging magkaibigan nang araw din na iyon.
Hinatulan ng Kamatayan si Jesus(B)
13 Tinipon ni Pilato ang mga punong pari, ang mga pinuno ng bayan at ang mga taong-bayan. 14 Sinabi niya sa kanila, “Dinala ninyo sa akin ang taong ito na parang nang-uudyok sa taong-bayan na maghimagsik. Pakinggan ninyo: ako ang nagsiyasat sa kanya sa inyong harapan at hindi ko matagpuang nagkasala ang taong ito ng ano mang bintang ninyo sa kanya. 15 Gayundin si Herodes, kaya ibinalik niya ang taong ito sa atin. Ang taong ito'y walang ginawang nararapat sa parusang kamatayan. 16 Kaya ipahahagupit ko na lamang siya at pagkatapos ay palalayain.” 17 [Tuwing Paskuwa, kailangang magpalaya siya ng isang bilanggo para sa kanila.][a] 18 Ngunit sabay-sabay silang sumigaw, “Patayin ang taong iyan! Palayain sa amin si Barabas.” 19 Si Barabas ay isang lalaking nabilanggo dahil sa paghihimagsik na nangyari sa lungsod at sa salang pagpaslang. 20 Sa kagustuhang mapalaya si Jesus, muling nagsalita sa kanila si Pilato. 21 Subalit nagsigawan ang mga tao, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” 22 Kaya't nagsalita siya sa kanila sa ikatlong pagkakataon, “Bakit? Ano'ng ginawang masama ng taong ito? Wala akong matagpuang sala sa kanya na karapat-dapat sa parusang kamatayan. Kaya matapos ko siyang ipahagupit, siya'y aking palalayain.” 23 Ngunit patuloy silang nagsigawan at nagpilit hinging ipako sa krus si Jesus. At nanaig ang kanilang mga tinig. 24 Kaya't ipinasya ni Pilato na pagbigyan ang kanilang kahilingan. 25 Pinalaya niya ang taong kanilang hiniling, ang nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpaslang, at ibinigay niya si Jesus sa kanila gaya ng kanilang nais.
Ipinako sa Krus si Jesus(C)
26 Habang dinadala nila si Jesus, hinuli nila si Simon na taga-Cirene na galing noon sa bukid at ipinapasan sa kanya ang krus upang dalhin kasunod ni Jesus. 27 Sinusundan si Jesus ng napakaraming mga tao, kabilang ang mga babaing nagdadalamhati at nananaghoy para sa kanya. 28 Lumingon sa kanila si Jesus at sinabi, “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ako ang iyakan ninyo kundi ang inyong mga sarili at inyong mga anak. 29 Sapagkat tiyak na darating ang mga araw kung kailan sasabihin nila, ‘Pinagpala ang mga baog at ang mga sinapupunang hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.’ 30 Sa sandaling iyon ay magsisimula silang magsabi sa mga bundok, ‘Gumuho kayo sa amin!’ at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ 31 Sapagkat kung ginawa nila ang mga ito sa sariwang kahoy, ano ang mangyayari kung ito ay tuyo?”
32 Dalawa pang salarin ang kanilang dinala upang pataying kasama ni Jesus. 33 Nang dumating sila sa lugar na tinatawag na Bungo, doon nila siya ipinako sa krus kasama ng mga salarin, isa sa kanan at isa sa kaliwa. 34 [At sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”][b] Nagpalabunutan ang mga kawal upang paghatian ang kanyang damit. 35 Nakatayong nanonood ang mga tao. Ngunit nilibak naman siya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas naman niya ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!” 36 Nilibak din siya ng mga kawal, nilalapitan siya at inaalok ng maasim na alak. 37 Sinabi nila, “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.” 38 May nakasulat din sa kanyang ulunan: “Ito ang Hari ng mga Judio.” 39 Isa sa mga salaring nakapako ang nagpatuloy sa paglait sa kanya. Sinabi nito, “Hindi ba't ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili; iligtas mo rin kami.” 40 Ngunit sinaway siya ng isa, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos gayong ikaw ay pinarurusahan din gaya niya? 41 Tama lang tayong maparusahan sapagka't dapat nating pagbayaran ang ating ginawa; ngunit ang taong ito ay walang ginawang masama.” 42 At sinabi pa nito, “Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian.” 43 Sumagot si Jesus, “Tinitiyak ko sa iyo, ngayon di'y makakasama kita sa Paraiso.”
Ang Kamatayan ni Jesus(D)
44 Noon ay magtatanghaling-tapat na,[c] at ang buong lupain ay nabalot ng dilim hanggang ikatlo ng hapon.[d] 45 Nawalan ng liwanag ang araw at ang tabing ng templo ay nahati sa dalawa. 46 Sumigaw nang malakas si Jesus, “Ama, sa iyong mga kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu!” At pagkasabi nito'y nalagutan siya ng hininga. 47 Nang makita ng kapitan ng mga kawal ang nangyari, pinuri niya ang Diyos at sinabi, “Tunay ngang matuwid ang taong ito!” 48 At nang makita ng lahat ng mga taong nagkakatipon doon ang nangyaring ito ay umuwi silang matindi ang kalungkutan. 49 Ngunit ang lahat ng mga kakilala niya, kabilang ang ilang kababaihan ay nakatayo sa di-kalayuan at pinagmamasdan ang mga pangyayari.
Ang Paglilibing kay Jesus(E)
50 May isang lalaking mabuti at matuwid na ang pangalan ay Jose, na bagama't kabilang sa Sanhedrin, 51 ay hindi sang-ayon sa kanilang kapasyahan at ginawa. Siya ay taga-Arimatea, isang bayan ng mga Judio, at naghihintay siya sa paghahari ng Diyos. 52 Lumapit ang taong ito kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. 53 Ibinaba niya ang bangkay, binalot sa telang lino at inilagay sa isang libingang inuka sa bato. Doon ay wala pang naililibing. 54 Noon ay araw ng Paghahanda at malapit na ang Sabbath. 55 Sumunod kay Jose ang mga babaing sumama kay Jesus mula sa Galilea. Nakita nila ang libingan at kung paano inilagay ang kanyang bangkay. 56 Pagkatapos, umuwi sila at naghanda ng mga pabango at mira. Nang dumating ang Sabbath ay nagpahinga sila ayon sa Kautusan.
Pagkakanulo at Pagdakip kay Jesus
18 Pagkasabi ni Jesus ng mga ito, lumabas siya kasama ang kanyang mga alagad patawid sa Libis ng Kidron sa lugar na may halamanan. Pumasok siya roon at ang kanyang mga alagad. 2 Alam ni Judas, na nagkanulo sa kanya, ang lugar sapagkat madalas makipagkita roon si Jesus sa kanyang mga alagad. 3 Kaya nagsama si Judas ng isang pangkat ng mga kawal at ng mga lingkod mula sa mga punong pari at mula sa mga Fariseo. Dumating sila roon na may dalang mga ilawan, mga sulo at mga sandata. 4 Alam ni Jesus ang lahat ng mangyayari sa kanya kaya lumabas siya at nagtanong sa kanila, “Sino ang hinahanap ninyo?” 5 “Si Jesus ng Nazareth,” sagot nila. Sinabi ni Jesus, “Ako iyon.” Si Judas, na nagkanulo sa kanya ay nakatayong kasama nila. 6 Nang sabihin ni Jesus sa kanila na siya iyon, napaatras sila at bumagsak sa lupa. 7 Muli siyang nagtanong, “Sino ang hinahanap ninyo?” “Si Jesus ng Nazareth,” sagot muli nila. 8 Tumugon si Jesus, “Sinabi ko na sa inyong ako si Jesus. Kaya kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong makaalis ang mga taong ito.” 9 Naganap ito upang matupad ang salita na kanyang sinabi: “Wala akong naiwala ni isa man sa mga ibinigay mo sa akin.” 10 Binunot ni Simon Pedro ang kanyang tabak at tinaga ang alipin ng Kataas-taasang Pari, at natagpas ang kanang tainga nito. Malco ang pangalan ng alipin. 11 (A)Sinabi ni Jesus kay Pedro, “Ibalik mo ang iyong tabak sa lalagyan nito. Hindi ba't kailangan kong uminom sa kopa na ibinigay ng Ama sa akin?”
Ang Pagharap ni Jesus sa Kataas-taasang Pari
12 Kaya't dinakip at iginapos si Jesus ng mga kawal at ng kanilang pinuno at ng pinuno ng mga Judio. 13 Dinala muna nila si Jesus kay Anas, na biyenan ni Caifas na Kataas-taasang Pari nang taong iyon. 14 (B)Si Caifas ang nagmungkahi sa mga Judio na mas makabubuting mamatay ang isang tao para sa bayan.
Ang Pagkakaila ni Pedro kay Jesus(C)
15 Sinundan ni Pedro at ng isa pang alagad si Jesus. Kilala ng Kataas-taasang Pari ang alagad na ito kaya pumasok siyang kasama ni Jesus sa bakuran ng Kataas-taasang Pari. 16 Subalit si Pedro ay nakatayo sa labas ng pintuan ng bakuran. Kaya ang alagad na kilala ng Kataas-taasang Pari ay lumabas at kinausap ang babaing bantay-pinto, at pinapasok nito si Pedro. 17 Sinabi ng babae kay Pedro, “Hindi ba isa ka rin sa mga alagad ng taong iyon?” “Hindi,” sagot ni Pedro. 18 Dahil sa maginaw, nagpaningas ng apoy ang mga alipin at mga kawal, at tumayo sila sa paligid nito upang magpainit. Nakatayo rin doon si Pedro, kasama nilang nagpapainit.
Ang Pagtatanong ng Kataas-taasang Pari kay Jesus(D)
19 Tinanong ng Kataas-taasang Pari si Jesus tungkol sa kanyang mga alagad at tungkol sa kanyang turo. 20 Sumagot si Jesus, “Nagsalita ako nang hayagan sa mundo. Madalas akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa templo na pinagtitipunan ang lahat ng Judio. Wala akong inilihim. 21 Bakit ako ang tinatanong mo? Tanungin mo ang mga nakarinig sa aking mga sinabi. Sila ang nakaaalam kung ano ang mga sinabi ko.” 22 Pagkasabi niya nito, sinampal siya ng kawal na nakatayong malapit sa kanya. Sinabi nito, “Ganyan ka ba sumagot sa Kataas-taasang Pari?” 23 Sumagot si Jesus. “Kung may nasabi akong masama, patunayan mo. Ngunit kung totoo ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?” 24 Pagkatapos, nakagapos siyang ipinadala ni Anas kay Caifas na Kataas-taasang Pari.
Ang Muling Pagkakaila ni Pedro kay Jesus(E)
25 Habang nakatayo si Pedro at nagpapainit, siya'y kanilang tinanong, “Hindi ba isa ka rin sa mga alagad ng taong iyon?” Ikinaila niya ito. “Hindi!” sagot ni Pedro. 26 Naroon ang isang lingkod ng Kataas-taasang Pari. Kamag-anak iyon ng lalaking natagpasan ni Pedro ng tainga. Nagtanong iyon, “Hindi ba nakita kitang kasama mo siya sa hardin?”. 27 Muling nagkaila si Pedro. At nang oras ding iyon, tumilaok ang isang tandang.
Si Jesus sa Harap ni Pilato(F)
28 Mula kay Caifas, dinala si Jesus sa punong-himpilan ni Pilato. Madaling araw noon at hindi sila pumasok sa punong-himpilan upang maiwasang maging marumi ayon sa kautusan at hindi maituring na di karapat-dapat kumain ng kordero ng Paskuwa. 29 Lumabas si Pilato at sinabi sa kanila, “Ano'ng paratang ninyo laban sa taong ito?” 30 Sumagot sila, “Kung walang ginagawang masama ang taong ito, hindi na sana namin siya dinala sa inyo.” 31 Sinabi ni Pilato sa kanila, “Kunin ninyo siya at kayo ang humatol sa kanya ayon sa inyong batas.” Sumagot ang mga Judio, “Hindi kami pinapayagan ng batas na hatulan ng kamatayan ang sinuman.” 32 (G)(Ito ay upang matupad ang sinabi ni Jesus nang ipahiwatig niya kung paano siya mamamatay.) 33 Kaya pumasok muli si Pilato sa punong-himpilan. Ipinatawag niya si Jesus at tinanong, “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” 34 Sumagot si Jesus, “Sa iyo ba galing ang tanong na iyan, o may nagsabi lamang sa iyo tungkol sa akin?” 35 Sumagot si Pilato, “Judio ba ako? Ang mga kababayan mo mismo at mga punong pari ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?” 36 Sumagot si Jesus, “Ang kaharian ko ay hindi mula sa sanlibutang ito. Kung mula sa sanlibutang ito ang kaharian ko, ipaglalaban ako ng mga alagad ko upang hindi ako mapasakamay ng mga pinuno ng mga Judio. Ngunit ang kaharian ko ay hindi mula rito.” 37 Tinanong siya ni Pilato, “Isa kang hari kung gayon?” Sumagot si Jesus, “Ikaw ang nagsasabing ako'y hari. Ito nga ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at pumarito sa sanlibutan, upang magpatotoo sa katotohanan. Ang sinumang nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa tinig ko.” 38 Tinanong siya ni Pilato, “Ano ang katotohanan?”
Hatol na Kamatayan kay Jesus
Matapos niyang sabihin ito, muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio, “Wala akong makitang anumang dahilan laban sa kanya. 39 Ngunit mayroon kayong kaugalian na magpalaya ako ng isang tao kapag araw ng Paskuwa. Nais ba ninyong palayain ko para sa inyo ang Hari ng mga Judio?” 40 Muli silang sumigaw, “Huwag siya kundi si Barabas!” Si Barabas ay isang tulisan.
Ang Paglibak ng mga Kawal kay Jesus
19 Pagkatapos ay ipinakuha niya si Jesus at ipinahagupit. 2 Gumawa ng koronang tinik ang mga kawal at inilagay ito sa kanyang ulo, at isinuot sa kanya ang isang balabal na kulay ube. 3 Lumapit sila sa kanya at nagsabing, “Mabuhay ang hari ng mga Judio!” at siya'y kanilang pinagsasampal. 4 Muling lumabas si Pilato at sinabi sa kanila, “Tingnan ninyo, ilalabas ko siya sa inyo upang malaman ninyo na wala akong nakitang anumang dahilan laban sa kanya.” 5 Kaya lumabas si Jesus, suot ang koronang tinik at kulay ubeng balabal. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Masdan ninyo ang taong ito!” 6 Nang makita siya ng mga punong pari at ng mga kawal, sumigaw sila, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” Sinabi ni Pilato sa kanila, “Kunin ninyo siya at kayo ang magpako sa kanya; wala akong nakitang anuman laban sa kanya.” 7 Sumagot ang mga Judio sa kanya, “Mayroon kaming batas, at ayon sa batas na iyon kailangan siyang mamatay sapagkat inaangkin niyang siya ay Anak ng Diyos.” 8 Nang marinig ito ni Pilato, lalo siyang natakot. 9 Pumasok muli siya ng punong-himpilan at tinanong si Jesus, “Tagasaan ka ba?” Ngunit hindi sumagot si Jesus. 10 Kaya sinabi sa kanya ni Pilato, “Ayaw mo ba akong kausapin? Hindi mo ba alam na ako'y may kapangyarihang palayain ka at ipapako sa krus?” 11 (H)Sumagot si Jesus, “Hindi ako saklaw ng iyong kapangyarihan malibang ibigay ito sa iyo mula sa itaas. Dahil dito, mas mabigat ang kasalanan ng nagdala sa akin sa iyo.” 12 Mula noon, humanap ng paraan si Pilato na palayain siya, ngunit nagsisigaw ang mga Judio, “Kung palalayain mo ang taong ito, hindi ka kakampi ng Emperador.[a] Sinumang nag-aangking siya'y hari ay kumakalaban sa Emperador.” 13 Nang marinig ito ni Pilato, dinala niya si Jesus sa labas at naupo siya sa upuan ng hukom, sa lugar na tinatawag na Platapormang Bato, na sa Hebreo ay Gabbatha. 14 Araw noon ng Paghahanda para sa Paskuwa, at magtatanghaling tapat na. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, “Masdan ninyo ang inyong hari!” 15 Kaya sumigaw sila, “Alisin! Alisin ang taong iyan! Ipako siya sa krus!” Tinanong sila ni Pilato, “Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?” Sumagot ang mga punong pari, “Wala kaming hari kundi ang Emperador.” 16 Kaya ibinigay ni Pilato si Jesus sa kanila upang ipako sa krus.
Ang Pagpako kay Jesus sa Krus
Kinuha nga nila si Jesus. 17 Habang pasan ni Jesus ang krus, lumabas siya tungo sa Lugar ng Bungo, na sa Hebreo ay tinatawag na Golgotha. 18 Ipinako nila roon si Jesus, kasama ang dalawa pa, ang isa ay nasa kanan niya, at ang isa ay sa kaliwa. 19 Sumulat si Pilato ng ganitong pahayag at inilagay sa krus: “Si Jesus na taga-Nazareth, ang Hari ng mga Judio.” 20 Nakasulat ito sa wikang Hebreo, Latin at Griyego. Maraming Judio ang nakabasa sa pahayag na ito sapagkat malapit sa lungsod ang lugar na pinagpakuan kay Jesus. 21 Kaya sinabi ng mga punong pari kay Pilato, “Huwag mong isulat, ‘Ang Hari ng mga Judio,’ kundi, ‘Sinabi ng taong ito, “Ako ang Hari ng mga Judio.” ’ ” 22 Sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko ay naisulat ko na.” 23 Pagkatapos ipako ng mga kawal si Jesus, kinuha nila ang damit niya at hinati ito sa apat na bahagi, isa para sa bawat kawal. Kinuha rin nila ang kanyang damit-panloob; wala itong tahi at hinabi nang buo mula sa itaas. 24 (I)Kaya sinabi nila sa isa't isa, “Huwag natin itong punitin; magpalabunutan na lang tayo kung kanino ito mapupunta.” Naganap ito upang matupad ang sinasabi ng Kasulatan,
“Pinaghati-hatian nila ang aking kasuotan, at para sa aking damit sila'y nagpalabunutan.”
Gayon nga ang ginawa ng mga kawal. 25 Samantala, nakatayong malapit sa krus ni Jesus ang kanyang ina, ang kapatid nitong si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. 26 Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang alagad na kanyang minamahal na nakatayo sa tabi nito, sinabi niya sa kanyang ina, “Ginang, narito ang iyong anak.” 27 At sinabi niya sa alagad, “Narito ang iyong ina.” At mula noon, kinupkop na ng alagad si Maria sa kanyang tahanan.
Ang Pagkamatay ni Jesus
28 (J)Pagkatapos nito, nang malaman ni Jesus na ang lahat ay naganap na, sinabi niya, upang matupad ang Kasulatan, “Nauuhaw ako.” 29 Isang sisidlang puno ng maasim na alak ang naroon. Kaya isinawsaw nila sa maasim na alak ang isang espongha at inilagay ito sa sanga ng isopo at inilapit sa bibig ni Jesus. 30 Matapos tanggapin ni Jesus ang alak, sinabi niya, “Naganap na.” Pagkatapos, yumuko siya at isinuko ang kanyang espiritu.
Ang Pagtusok sa Tagiliran ni Jesus
31 Dahil araw noon ng Paghahanda, ayaw ng mga Judio na manatili ang mga bangkay sa krus sa araw ng Sabbath, lalo na't ang Sabbath na iyon ay dakila. Kaya hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nakapako sa krus at alisin ang mga bangkay. 32 Kaya dumating ang mga kawal at binali ang mga binti ng una at ng isa pang lalaki na kasama ni Jesus na ipinako. 33 Subalit nang dumating sila kay Jesus at nakitang siya ay patay na, hindi na nila binali ang kanyang mga binti. 34 Tinusok na lang ng sibat ang kanyang tagiliran ng isang kawal, at kaagad na lumabas ang dugo at tubig. 35 (Siya na nakakita nito ay nagpapatotoo upang kayo ay maniwala. Ang kanyang pagpapatunay ay totoo, at alam niya na totoo ang kanyang sinasabi.) 36 (K)Nangyari ang mga ito upang maganap ang Kasulatan, “Wala ni isa man sa kanyang mga buto ang babaliin.” 37 (L)At muli, sinasabi rin ng isa pang bahagi ng Kasulatan, “Pagmamasdan nila ang tinusok nila ng sibat.”
Ang Paglilibing kay Jesus
38 Pagkatapos ng mga ito, hiniling ni Jose na taga-Arimatea na payagan siyang kunin ang katawan ni Jesus. Siya ay isang lihim na alagad ni Jesus dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio. Pumayag si Pilato, kaya pumunta si Jose at tinanggal ang katawan ni Jesus sa krus. 39 (M)Dumating din si Nicodemo, na nagpunta noon kay Jesus isang gabi. May dala siyang mga pabango, na pinaghalong mira at mga aloe na may isang daang libra ang timbang. 40 Kinuha nila ang katawan ni Jesus at binalot ito ng mga telang may pabango ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing. 41 May halamanan sa lugar na pinagpakuan kay Jesus. Doon ay may isang libingang kailanman ay hindi pa nagagamit. 42 Dahil ang libingan ay di-kalayuan, at noon ay araw ng Paghahanda ng mga Judio, doon nila inilibing si Jesus.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.