Chronological
Sa Punong Mang-aawit: sa Saliw ng mga Plauta. Awit ni David.
5 Dinggin mo ang aking mga salita, O Panginoon,
pakinggan mo ang aking panaghoy.
2 Pakinggan mo ang tunog ng aking daing,
hari ko at Diyos ko;
sapagkat sa iyo ako'y nananalangin.
3 O Panginoon, sa umaga ang tinig ko'y iyong pinapakinggan;
sa umaga'y naghahanda ako para sa iyo, at ako'y magbabantay.
4 Sapagkat ikaw ay hindi isang Diyos na nalulugod sa kasamaan;
ang kasamaan ay hindi mo kasamang naninirahan.
5 Ang hambog ay hindi makakatayo sa iyong harapan,
kinapopootan mo ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan.
6 Iyong lilipulin sila na nagsasalita ng mga kasinungalingan;
kinasusuklaman ng Panginoon ang mamamatay-tao at manlilinlang.
7 Ngunit ako, sa pamamagitan ng kasaganaan ng iyong wagas na pag-ibig,
ay papasok sa iyong bahay;
at sa iyo'y may takot na sasamba sa templo mong banal.
8 Patnubayan mo ako, O Panginoon, sa iyong katuwiran
dahil sa aking mga kaaway;
tuwirin mo ang iyong daan sa aking harapan.
9 Sapagkat(A) walang katotohanan sa kanilang bibig;
ang kanilang puso ay pagkawasak,
ang kanilang lalamunan ay isang bukas na libingan,
sa pamamagitan ng kanilang dila ay nanlilinlang.
10 O Diyos, ipapasan mo sa kanila ang kanilang pagkakasala,
sa kanilang sariling mga balak ay hayaan mong mabuwal sila,
dahil sa marami nilang mga pagsuway, sila'y iyong palayasin,
sapagkat silang laban sa iyo ay suwail.
11 Ngunit hayaan mong magalak ang lahat ng nanganganlong sa iyo,
hayaan mo silang umawit sa kagalakan
at sila nawa'y ipagsanggalang mo,
upang dakilain ka ng mga umiibig sa pangalan mo.
12 O Panginoon, sapagkat iyong pinagpapala ang tapat,
na gaya ng isang kalasag ay tinatakpan mo siya ng paglingap.
Awit ni David, para sa handog pang-alaala.
38 O Panginoon, sa pagkagalit mo ay huwag mo akong sawayin,
ni sa iyong pagkapoot ay huwag mo akong supilin!
2 Sapagkat ang iyong mga palaso sa akin ay tumimo,
at pumisil sa akin ang kamay mo.
3 Walang kaginhawahan sa aking laman
dahil sa iyong kapootan;
walang kalusugan sa aking mga buto
dahil sa aking kasalanan.
4 Sapagkat ang mga kasamaan ko ay nakarating sa ibabaw ng aking ulo,
ang mga iyon ay gaya ng isang pasan na napakabigat para sa akin.
5 Ang aking mga sugat ay mabaho at nagnanana,
dahil sa aking kahangalan.
6 Ako'y yukong-yuko at nakabulagta,
ako'y tumatangis buong araw.
7 Sapagkat nag-iinit ang aking mga balakang,
at walang kaginhawahan sa aking laman.
8 Nanghihina at bugbog ako;
ako'y dumaing dahil sa bagabag ng aking puso.
9 Panginoon, lahat ng aking inaasam ay batid mo;
ang aking hinagpis ay hindi lingid sa iyo.
10 Ang aking puso ay kakaba-kaba, ang aking lakas ay kinakapos,
at ang liwanag ng aking paningin, sa akin ay nawala din.
11 Ang aking mga kaibigan at mga kasamahan ay walang malasakit sa aking kapighatian,
at nakatayong napakalayo ang aking kamag-anakan.
12 Yaong mga nagtatangka sa aking buhay ay naglagay ng kanilang mga bitag,
silang nagsisihanap ng aking ikapapahamak ay nagsasalita ng pagkawasak,
at nag-iisip ng kataksilan sa buong araw.
13 Ngunit ako'y gaya ng taong bingi, hindi ako nakakarinig;
gaya ng taong pipi na hindi nagbubuka ng kanyang bibig.
14 Oo, ako'y gaya ng tao na hindi nakakarinig,
at walang pangangatuwiran sa aking bibig.
15 Ngunit sa iyo ako naghihintay, O Panginoon,
ikaw, O Panginoon kong Diyos ang siyang tutugon.
16 Sapagkat aking sinabi, “Huwag mo lamang hayaang sila'y magalak laban sa akin,
na laban sa akin ay nagmamataas kapag ang paa ko ay nadudulas!”
17 Sapagkat ako'y malapit nang matumba,
at ang aking kirot ay nasa akin tuwina.
18 Ipinahahayag ko ang aking kasamaan;
ako'y punô ng kabalisahan dahil sa aking kasalanan.
19 Yaong aking mga kaaway na walang kadahilanan ay makapangyarihan,
at marami silang napopoot sa akin na wala sa katuwiran.
20 Silang gumaganti ng kasamaan sa aking kabutihan,
ay aking mga kaaway sapagkat sinusunod ko ang kabutihan.
21 O Panginoon, huwag mo akong pabayaan;
O Diyos ko, huwag mo akong layuan!
22 Magmadali kang ako'y tulungan,
O Panginoon, aking kaligtasan!
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
41 Mapalad siya na nagbibigay-pansin sa dukha!
Ililigtas siya ng Panginoon sa araw na masama.
2 Iniingatan siya ng Panginoon at pinananatiling buháy
siya'y tatawaging pinagpala sa lupain;
hindi mo siya ibinigay sa kagustuhan ng kanyang mga kaaway.
3 Aalalayan siya ng Panginoon sa kanyang higaan ng karamdaman,
sa kanyang pagkakasakit ay iyong inaayos ang buo niyang higaan.
4 Tungkol sa akin, aking sinabi, “O Panginoon, sa akin ay maawa ka,
pagalingin mo ako, sapagkat laban sa iyo, ako'y nagkasala!”
5 Ang mga kaaway ko ay nagsalita ng kasamaan laban sa akin,
“Kailan siya mamamatay, at ang kanyang pangalan ay mapapawi rin?”
6 At nang siya'y pumarito upang tingnan ako, siya'y nagsasalita ng mga salitang walang laman,
habang ang kanyang puso ay nagtitipon ng kasamaan,
kapag siya'y lumabas, ipinamamalita niya ito.
7 Lahat ng napopoot sa akin ay nagbubulung-bulungan laban sa akin;
kanilang iniisip ang pinakamasama para sa akin.
8 Kanilang sinasabi, “Isang masamang bagay ang ibinuhos sa kanya,
hindi na siya muling babangon sa kanyang pagkahiga.”
9 Maging(A) ang matalik kong kaibigan na aking pinagtitiwalaan,
na kumain ng aking tinapay, ay nagtaas ng kanyang sakong sapagkat sa akin ay laban.
10 Ngunit ikaw, O Panginoon ko, maawa ka sa akin,
at ibangon mo ako, upang sa kanila'y makaganti ako!
11 Sa pamamagitan nito ay nalalaman ko na nalulugod ka sa akin,
dahil sa ang aking kaaway ay hindi sisigaw sa pagtatagumpay laban sa akin.
12 At tungkol sa akin, inaalalayan mo ako sa aking katapatan,
at inilalagay mo ako sa iyong harapan magpakailanman.
13 Purihin(B) ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
mula sa walang pasimula at hanggang sa walang hanggan.
Amen at Amen.
IKALAWANG AKLAT
Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.
42 Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos,
gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos.
2 Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos,
sa buháy na Diyos,
kailan ako makakarating at makikita
ang mukha ng Diyos?
3 Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi,
habang ang mga tao sa akin ay nagsasabi,
“Nasaan ang iyong Diyos?”
4 Ang mga bagay na ito ay aking naaalala,
habang sa loob ko ay ibinubuhos ko ang aking kaluluwa:
kung paanong ako'y sumama sa karamihan,
at sa paglakad sa bahay ng Diyos, sila'y aking pinatnubayan,
na may awit ng pagpupuri at sigaw ng kagalakan,
napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan.
5 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
Bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
dahil sa kaligtasan mula sa kanyang harapan.
6 O Diyos ko, ang aking kaluluwa ay nanlulumo sa loob ko;
kaya't aking naaalala ka
mula sa lupain ng Jordan at ng Hermon,
mula sa Bundok ng Mizhar.
7 Ang kalaliman ay tumatawag sa kalaliman
sa hugong ng iyong matataas na talon.
Lahat ng iyong alon at iyong malalaking alon
sa akin ay tumabon.
8 Kapag araw ay inuutusan ng Panginoon ang kanyang tapat na pag-ibig,
at sa gabi ay kasama ko ang kanyang awit,
isang panalangin sa Diyos ng aking buhay.
9 Sinasabi ko sa Diyos na aking malaking bato:
“Bakit kinalimutan mo ako?
Bakit ako'y tumatangis sa paghayo
dahil sa kalupitan ng kaaway ko?”
10 Tulad ng pagkadurog ng aking mga buto,
ang aking mga kaaway, tinutuya ako,
habang patuloy nilang sinasabi sa akin,
“Nasaan ang Diyos mo?”
11 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001