Chronological
Ang mga Tagumpay ni David sa Digmaan(A)
8 Pagkatapos nito, nilupig ni David ang mga Filisteo at pinasuko sila, at kinuha ni David ang Meteg-ama mula sa kamay ng mga Filisteo.
2 Nilupig din niya ang Moab at kanyang pinahiga sila sa lupa at sinukat sila sa pamamagitan ng isang tali. Bawat dalawang sukat ng tali ay ipinapatay, at isang sukat para sa ililigtas. At ang mga Moabita ay naging mga alipin ni David at nagdala ng mga buwis.
3 Nilupig din ni David si Hadadezer na anak ni Rehob, na hari ng Soba, habang siya'y humahayo upang ibalik ang kanyang kapangyarihan sa Ilog Eufrates.
4 Kinuha ni David mula sa kanya ang isanlibo at pitong daang mangangabayo, at dalawampung libong kawal na lakad. At pinilayan ni David ang lahat ng kabayo na pangkarwahe, ngunit nag-iwan siya ng sapat para sa isandaang karwahe.
5 Nang dumating ang mga taga-Siria mula sa Damasco upang tumulong kay Hadadezer na hari sa Soba, pinatay ni David sa mga taga-Siria ang dalawampu't dalawang libong tao.
6 Pagkatapos ay naglagay si David ng mga kuta sa Aram ng Damasco; at ang mga taga-Siria ay naging mga alipin ni David at nagsipagdala ng buwis. At binigyan ng Panginoon si David ng pagtatagumpay saanman siya pumunta.
7 Kinuha ni David ang mga kalasag na ginto na dinala ng mga lingkod ni Hadadezer, at dinala ang mga iyon sa Jerusalem.
8 Mula sa Beta at Berotai na mga bayan ni Hadadezer ay kumuha si Haring David ng napakaraming tanso.
9 Nang mabalitaan ni Toi na hari ng Hamat na nilupig ni David ang buong hukbo ni Hadadezer,
10 sinugo ni Toi si Joram na kanyang anak kay Haring David upang bumati sa kanya at purihin siya sapagkat siya'y lumaban kay Hadadezer at kanyang nilupig siya. Si Hadadezer ay madalas na lumalaban noon kay Toi. Nagdala si Joram ng mga kagamitang pilak, kagamitang ginto, at mga kagamitang tanso;
11 ang mga ito naman ay itinalaga ni David sa Panginoon na kasama ng pilak at ng ginto na kanyang itinalaga mula sa lahat ng mga bansa na kanyang pinasuko;
12 mula sa Edom, Moab, sa mga Ammonita, sa mga Filisteo, sa Amalek, at sa nasamsam kay Hadadezer na anak ni Rehob na hari sa Soba.
13 At(B) napabantog si David. Nang siya'y bumalik, nakapatay siya ng labingwalong libong mga Edomita sa Libis ng Asin.
14 Naglagay siya ng mga kuta sa Edom; sa buong Edom ay naglagay siya ng mga kuta, at ang lahat ng Edomita ay naging mga alipin ni David. At binigyan ng Panginoon si David ng pagtatagumpay saanman siya pumunta.
15 Kaya't naghari si David sa buong Israel; at naggawad si David ng katarungan at pagkakapantay-pantay sa kanyang buong bayan.
16 At si Joab na anak ni Zeruia ay pinuno ng hukbo; at si Jehoshafat na anak ni Ahilud ay tagapagtala;
17 si Zadok na anak ni Ahitub at si Ahimelec na anak ni Abiatar ay mga pari; at si Seraya ay kalihim;
18 si Benaya na anak ni Jehoiada ay pinuno ng mga Kereteo at Peleteo; at ang mga anak ni David ay mga pari.
Sina David at Mefiboset
9 Nagtanong(C) si David, “May nalalabi pa ba sa sambahayan ni Saul upang aking mapagpakitaan ng kabutihan alang-alang kay Jonathan?”
2 Noon ay may isang lingkod sa sambahayan ni Saul na ang pangalan ay Ziba. Kanilang tinawag siya upang humarap kay David, at sinabi ng hari sa kanya, “Ikaw ba si Ziba?” At kanyang sinabi, “Ako nga ang iyong lingkod.”
3 Sinabi(D) ng hari, “Mayroon pa bang nalalabi sa sambahayan ni Saul upang siya'y mapagpakitaan ko ng kabutihan ng Diyos?” At sinabi ni Ziba sa hari, “Mayroon pang isang anak si Jonathan; pilay ang kanyang mga paa.”
4 At sinabi ng hari sa kanya, “Saan siya naroroon?” Sinabi ni Ziba sa hari, “Siya'y nasa bahay ni Makir na anak ni Amiel, sa Lodebar.”
5 Kaya't nagsugo si Haring David at ipinakuha siya sa bahay ni Makir na anak ni Amiel mula sa Lodebar.
6 Si Mefiboset, na anak ni Jonathan, na anak ni Saul, ay pumaroon kay David, nagpatirapa sa kanyang harap, at nagbigay galang. At sinabi ni David, “Mefiboset.” Siya'y sumagot, “Ako ang iyong lingkod!”
7 Sinabi ni David sa kanya, “Huwag kang matakot, sapagkat pagpapakitaan kita ng kabutihan alang-alang kay Jonathan na iyong ama. Ibabalik ko sa iyo ang lahat ng lupain ni Saul na iyong ama at ikaw ay palaging kakain sa aking hapag.”
8 At siya'y nagbigay galang at nagsabi, “Ano ang iyong lingkod upang iyong tingnan ang isang asong patay na gaya ko?”
9 Nang magkagayo'y tinawag ng hari si Ziba na lingkod ni Saul, at sinabi sa kanya, “Lahat ng nauukol kay Saul at sa kanyang buong sambahayan ay aking ibinigay sa anak ng iyong panginoon.
10 Ikaw, ang iyong mga anak at mga alipin ay magbubungkal ng lupa para sa kanya, at iyong dadalhin dito ang mga bunga, upang ang anak ng iyong panginoon ay magkaroon ng tinapay na makakain. Ngunit si Mefiboset na anak ng iyong panginoon ay palaging kakain sa aking hapag.” Si Ziba ay may labinlimang anak na lalaki at dalawampung alipin.
11 Pagkatapos ay sinabi ni Ziba sa hari, “Ayon sa lahat ng iniutos ng aking panginoong hari sa kanyang lingkod ay gayon ang gagawin ng iyong lingkod.” Kaya't si Mefiboset ay kumain sa hapag ni David na gaya ng isa sa mga anak ng hari.
12 Si Mefiboset ay may isang anak na binata na ang pangalan ay Mica. At lahat ng naninirahan sa bahay ni Ziba ay naging mga lingkod ni Mefiboset.
13 Kaya't nanirahan si Mefiboset sa Jerusalem, sapagkat siya'y laging kumakain sa hapag ng hari. At pilay ang kanyang dalawang paa.
Naging Matatag at Lumawak ang Kaharian ni David(A)
18 Pagkatapos nito'y sinalakay ni David ang mga Filisteo at sinakop sila; kinuha niya ang Gat at ang mga nayon niyon sa kamay ng mga Filisteo.
2 Tinalo niya ang Moab, at ang mga Moabita ay naging alipin ni David, at sila'y nagdala ng mga kaloob.
3 Tinalo rin ni David sa Hamat si Hadadezer na hari ng Soba, habang siya'y papunta sa Hamat upang itatag ang kanyang kapangyarihan sa tabi ng Ilog Eufrates.
4 Kumuha si David sa kanya ng isang libong karwahe, pitong libong mangangabayo, at dalawampung libong kawal na lakad; at pinilayan ni David ang lahat ng mga kabayo ng mga karwahe, ngunit nagtira nang sapat para sa isandaang karwahe.
5 Nang ang mga taga-Aram sa Damasco ay dumating upang sumaklolo kay Hadadezer na hari ng Soba, nakapatay si David ng dalawampu't dalawang libong lalaking mga taga-Aram.
6 Pagkatapos ay naglagay si David ng mga himpilan sa Aram ng Damasco; at ang mga taga-Aram ay naging mga alipin ni David, at nagsipagdala ng mga kaloob. At binigyan ng Panginoon ng tagumpay si David saanman siya pumunta.
7 Kinuha ni David ang mga kalasag na ginto na dala ng mga lingkod ni Hadadezer, at dinala ang mga iyon sa Jerusalem.
8 Mula(B) sa Thibath at Chun na mga bayan ni Hadadezer, ay kumuha si David ng napakaraming tanso na siyang ginawa ni Solomon na dagat-dagatang tanso, mga haligi, at mga sisidlang tanso.
9 Nang mabalitaan ni Tou na hari ng Hamat na natalo ni David ang buong hukbo ni Hadadezer na hari ng Soba,
10 sinugo niya ang kanyang anak na si Hadoram kay Haring David, upang bumati sa kanya, at purihin siya, sapagkat siya'y lumaban kay Hadadezer at tinalo niya ito sapagkat si Hadadezer ay laging nakikipagdigma kay Tou. At siya'y nagpadala ng lahat ng uri ng kasangkapang ginto, pilak, at tanso.
11 Ang mga ito naman ay itinalaga ni Haring David sa Panginoon, pati ang pilak at ginto na kanyang kinuha sa lahat ng bansa; mula sa Edom, Moab, sa mga anak ni Ammon, sa mga Filisteo, at mula sa Amalek.
12 At(C) pinatay ni Abisai na anak ni Zeruia ang labingwalong libong mga Edomita sa Libis ng Asin.
13 Naglagay siya ng mga himpilan sa Edom; at lahat ng mga Edomita ay naging mga alipin ni David. At binigyan ng Panginoon ng pagtatagumpay si David saanman siya pumunta.
14 Kaya't si David ay naghari sa buong Israel at siya'y naglapat ng katarungan at pagkakapantay-pantay sa buong bayan niya.
15 Si Joab na anak ni Zeruia ang namuno sa hukbo; si Jehoshafat na anak ni Ahilud ay tagapagtala.
16 Si Zadok na anak ni Ahitub, at si Abimelec na anak ni Abiatar ay mga pari at si Sausa ay kalihim;
17 si Benaya na anak ni Jehoiada ay namamahala sa mga Kereteo at sa mga Peleteo; at ang mga anak ni David ay mga pinuno na naglilingkod sa hari.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001