Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 65-67

Sa Punong Mang-aawit. Salmo ni David. Isang Awit.

65 Magkakaroon ng katahimikan sa harapan mo
    at papuri sa Zion, O Diyos;
at sa iyo'y isasagawa ang mga panata,
    O ikaw na dumirinig ng panalangin!
Sa iyo'y lalapit ang lahat ng laman.
Mga kasamaan ay nananaig laban sa akin,
    tungkol sa aming mga kasalanan, ito ay pinapatawad mo.
Mapalad ang tao na iyong pinipili at pinalalapit
    upang manirahan sa iyong mga bulwagan!
Kami ay masisiyahan sa kabutihan ng iyong bahay,
    ng iyong templong banal!

Sa pamamagitan ng mga gawaing kakilakilabot, sa katuwiran kami'y iyong sinasagot,
    O Diyos ng aming kaligtasan;
ikaw na siyang tiwala ng lahat ng mga hangganan ng lupa,
    at ng mga dagat na pinakamalayo.
Sa pamamagitan ng iyong lakas ay itinayo ang kabundukan,
    palibhasa'y nabibigkisan ng kapangyarihan.
Ikaw ang nagpapatigil ng ugong ng mga karagatan,
    ng ugong ng kanilang mga alon,
    at ng pagkakaingay ng mga bayan.
Anupa't sila na naninirahan sa pinakamalayong hangganan ng lupa ay natatakot sa iyong mga tanda;
ang mga paglabas ng umaga at gabi ay pinasisigaw mo sa tuwa.

Ang lupa'y iyong dinadalaw at dinidiligan,
    iyong pinayayamang mainam;
ang ilog ng Diyos ay punô ng tubig;
    ang kanilang butil ay inihahanda mo,
    sapagkat sa gayon inihanda mo ang lupa.
10 Dinidilig mo nang sagana ang mga tudling nito,
    iyong pinapantay ang kanyang mga pilapil,
at pinalalambot ng ambon,
    at pinagpapala ang paglago nito.
11 Pinuputungan mo ang taon ng iyong kasaganaan,
    ang mga bakas ng iyong karwahe ay tumutulo ng katabaan.
12 Ang mga pastulan sa ilang ay umaapaw,
    ang mga burol ay nabibigkisan ng kagalakan,
13 ang mga pastulan ay nabibihisan ng mga kawan;
    ang mga libis ay natatakpan ng butil,
    sila'y sumisigaw sa kagalakan, oo sila ay umaawit.

Sa Punong Mang-aawit. Isang Awit. Isang Salmo.

66 Magkaingay kayong may kagalakan sa Diyos, buong lupa;
    awitin ninyo ang kaluwalhatian ng kanyang pangalan;
    gawin ninyong maluwalhati ang pagpupuri sa kanya!
Inyong sabihin sa Diyos, “Kakilakilabot ang iyong mga gawa!
    Dahil sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan, ang iyong kaaway ay pakunwaring susunod sa iyo.
Sasamba sa iyo ang buong mundo;
aawit sila ng papuri sa iyo,
aawit ng mga papuri sa pangalan mo.” (Selah)

Halikayo at tingnan ang ginawa ng Diyos:
    siya'y kakilakilabot sa kanyang mga gawa sa gitna ng mga tao.
Kanyang(A) ginawang tuyong lupa ang dagat;
    ang mga tao'y tumawid sa ilog nang naglalakad.
Doon ay nagalak kami sa kanya,
    siya'y namumuno sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan magpakailanman;
    ang kanyang mga mata ay nagbabantay sa mga bansa—
huwag itaas ng mga mapaghimagsik ang mga sarili nila. (Selah)

O purihin ninyo ang aming Diyos, kayong mga bayan,
    ang tinig ng pagpupuri sa kanya ay hayaang mapakinggan,
na umaalalay sa amin kasama ng mga buháy,
    at hindi hinayaang madulas ang aming mga paa.
10 Sapagkat ikaw, O Diyos, ang sumubok sa amin;
    sinubok mo kami na gaya ng pagsubok sa pilak.
11 Iyong inilagay kami sa lambat;
    nilagyan mo ng malupit na pasan ang aming mga balikat.
12 Hinayaan mong sakyan ng mga tao ang aming mga ulo;
    kami ay dumaan sa apoy at sa tubig;
at dinala mo kami sa kasaganaan.

13 Ako'y papasok sa iyong bahay na may dalang mga handog na susunugin,
    ang mga panata ko sa iyo ay aking tutuparin,
14 na sinambit ng aking mga labi,
    at ipinangako ng aking bibig, nang ako ay nasa pagkaligalig.
15 Hahandugan kita ng mga handog na sinusunog na mga pinataba,
    na may usok ng handog na tupa;
ako'y maghahandog ng mga toro at mga kambing. (Selah)

16 Kayo'y magsiparito at inyong dinggin, kayong lahat na natatakot sa Diyos,
    at ipahahayag ko kung ano ang kanyang ginawa para sa aking kaluluwa.
17 Ako'y dumaing sa kanya ng aking bibig,
    at siya'y pinuri ng aking dila.
18 Kung iningatan ko ang kasamaan sa aking puso,
    ang Panginoon ay hindi makikinig.
19 Ngunit tunay na nakinig ang Diyos;
    kanyang dininig ang tinig ng aking panalangin.

20 Purihin ang Diyos,
    sapagkat hindi niya tinanggihan ang aking panalangin
    ni inalis ang kanyang tapat na pag-ibig sa akin!

Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Isang Salmo. Isang Awit.

67 Ang Diyos nawa'y mahabag sa atin at tayo'y pagpalain,
    at pagliwanagin nawa niya ang kanyang mukha sa atin, (Selah)
upang ang iyong daan ay malaman sa lupa,
    ang iyong pagliligtas sa lahat ng mga bansa.
Purihin ka nawa ng mga bayan, O Diyos;
    purihin ka nawa ng lahat ng mga bayan!

Ang mga bansa nawa'y magalak at umawit sa kagalakan,
    sapagkat iyong hahatulan na may katarungan ang mga bayan,
    at ang mga bansa sa lupa ay papatnubayan. (Selah)
Purihin ka nawa ng mga bayan, O Diyos;
    purihin ka nawa ng lahat ng mga bayan.

Nagbigay ng kanyang bunga ang lupa;
    ang Diyos, ang ating Diyos, sa atin ay nagpala;
Ang Diyos ang sa amin ay nagpala;
    matakot sa kanya ang lahat ng mga dulo ng lupa!

Mga Awit 69-70

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa mga Liryo. Awit ni David.

69 O Diyos! Ako'y iyong sagipin!
    Sapagkat ang tubig hanggang sa aking kaluluwa ay nakarating.
Ako'y lumulubog sa malalim na putikan,
    ang mga paa ay walang tuntungan;
ako'y dumating sa tubig na malalim,
    at ang baha ay tumatangay sa akin.
Ako'y pagod na sa pagdaing ko;
    ang lalamunan ko ay nanuyo.
Ang mga mata ko'y lumalabo
    sa kahihintay sa aking Diyos.

Higit(A) kaysa mga buhok ng aking ulo ang bilang
    ng mga namumuhi sa akin ng walang kadahilanan;
ang mga nais pumuksa sa akin ay makapangyarihan na mga kaaway kong may kamalian.
Anumang hindi ko naman ninakaw ay dapat kong isauli.
O Diyos, nalalaman mo ang kahangalan ko;
    ang mga pagkakamaling nagawa ko'y hindi lingid sa iyo.

Huwag nawang mapahiya dahil sa akin ang mga umaasa sa iyo,
    O Panginoong Diyos ng mga hukbo;
huwag nawang malagay sa kasiraang-puri dahil sa akin ang mga nagsisihanap sa iyo,
    O Diyos ng Israel.
Sapagkat alang-alang sa iyo ay nagbata ako ng kasiraan,
    at tumakip sa aking mukha ang kahihiyan.
Sa aking mga kapatid ako'y naging isang dayuhan,
    sa mga anak ng aking ina ay isang taga-ibang bayan.

Sapagkat(B) ang pagmamalasakit sa iyong bahay ang sa aki'y umubos,
    at ang mga paghamak ng mga sa iyo'y humahamak sa akin ay nahulog.
10 Nang umiyak ako sa aking kaluluwa na may pag-aayuno,
    iyon ay naging kahihiyan ko.
11 Nang magsuot ako ng damit-sako,
    naging bukambibig nila ako.
12 Ang mga umuupo sa pintuang-bayan, ang pinag-uusapan ay ako,
    at ako ang awit ng mga lasenggo.

13 Ngunit para sa akin, ang dalangin ko'y sa iyo, O Panginoon,
    sa isang kaaya-ayang panahon, O Diyos,
    sa kasaganaan ng iyong tapat na pag-ibig, sagutin mo ako.
Sa pamamagitan ng iyong tapat na tulong,
14     sagipin mo ako sa paglubog sa putikan,
    at huwag mo akong hayaang lumubog;
iligtas mo ako sa aking mga kaaway
    mula sa tubig na may kalaliman.
15 Ang baha nawa'y huwag akong tangayin,
    ni ng kalaliman ako man ay lamunin,
    ni isara ng Hukay ang kanyang bunganga sa akin.

16 O Panginoon, ako'y iyong sagutin, sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay mabuti;
    ayon sa iyong masaganang awa, bumalik ka sa akin.
17 Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa iyong lingkod;
    sapagkat ako'y nasa kahirapan, magmadali kang sa aki'y sumagot.
18 O lumapit ka sa aking kaluluwa, at ako'y iyong tubusin,
    dahil sa aking mga kaaway ako'y iyong palayain!

19 Nalalaman mo ang aking kasiraan,
    ang aking kahihiyan at aking kakutyaan;
    lahat ng aking mga kaaway ay nasa harapan mo.
20 Ang mga paghamak sa aking puso ay sumira;
    kaya't ako'y may sakit.
Ako'y naghanap ng habag, ngunit wala naman;
    at ng mga mang-aaliw, ngunit wala akong natagpuan.
21 Binigyan(C) nila ako ng lason bilang pagkain,
    at sa aking uhaw ay binigyan nila ako ng sukang iinumin.
22 Ang(D) kanila nawang sariling hapag na nasa harapan nila ay maging isang bitag;
    kung sila'y nasa kapayapaan, ito nawa'y maging isang patibong.

23 Lumabo nawa ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag makakita;

    at papanginigin mo ang kanilang mga balakang sa tuwina.
24 Ibuhos mo sa kanila ang iyong poot,
    at ang iyong nag-aalab na galit sa kanila nawa'y umabot.
25 Ang(E) kanilang kampo nawa'y maging mapanglaw;
    sa kanilang mga tolda wala sanang tumahan.
26 Sapagkat kanilang inuusig siya na iyong hinataw,
    at isinaysay nila ang sakit nila na iyong sinugatan.
27 Dagdagan mo ng kasamaan ang kanilang kasamaan;
    at huwag nawa silang dumating sa iyong katuwiran.
28 Mapawi(F) nawa sila sa aklat ng mga nabubuhay,
    huwag nawa silang makasama ng matuwid sa talaan.
29 Ngunit ako'y nagdadalamhati at nasasaktan,
    ang iyo nawang pagliligtas, O Diyos, ang magtaas sa akin!

30 Sa pamamagitan ng awit ang pangalan ng Diyos ay aking pupurihin,
    at sa pasasalamat siya'y aking dadakilain.
31 Ito'y makakalugod sa Panginoon ng higit kaysa baka,
    o sa toro na may mga sungay at mga paa.
32 Nakita ito ng mapagkumbaba at sila'y natuwa,
    ikaw na naghahanap sa Diyos, ang puso mo'y muling mabuhay nawa.
33 Sapagkat dinirinig ng Panginoon ang kinakapos,
    at hindi hinahamak ang sariling kanya na nakagapos.

34 Purihin nawa siya ng langit at ng lupa,
    ng mga dagat, at ng lahat ng gumagalaw roon.
35 Sapagkat ililigtas ng Diyos ang Zion,
    at muling itatayo ang mga lunsod ng Juda;
at ang mga lingkod niya ay maninirahan doon, at aangkinin iyon;
36     ang mga anak ng kanyang mga lingkod ang magmamana niyon,
    at silang umiibig sa kanyang pangalan ay maninirahan doon.

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, para sa handog pang-alaala.

70 Malugod ka, O Diyos, na iligtas ako;
    O Panginoon, magmadali kang ako'y tulungan mo!
Mapahiya at malito nawa sila
    na tumutugis sa aking buhay!
Maitaboy nawa sila at mawalan ng karangalan,
    silang nagnanais na ako'y masaktan!
Pangilabutan nawa sila dahil sa kanilang kahihiyan,
    silang nagsasabi, “Aha, Aha!”

Lahat nawang nagsisihanap sa iyo
    ay magalak at matuwa sa iyo!
Yaon nawang umiibig sa iyong pagliligtas
    ay patuloy na magsabi, “Hayaang dakilain ang Diyos!”
Ngunit ako'y dukha at nangangailangan,
    magmadali ka sa akin, O Diyos!
Ikaw ang aking saklolo at aking tagapagligtas;
    O Panginoon, huwag kang magtagal!

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001