Chronological
11 Si Hiram na hari sa Tiro ay nagpadala kay David ng mga sugo, ng mga puno ng sedro, mga karpintero, at mga kantero at ipinagtayo ng bahay si David.
12 Nabatid ni David na itinalaga siya ng Panginoon bilang hari ng Israel, at kanyang itinaas ang kanyang kaharian alang-alang sa kanyang bayang Israel.
13 Kumuha pa si David ng mga asawang-lingkod at mga asawa sa Jerusalem, pagkagaling niya sa Hebron; at may mga ipinanganak pang mga lalaki at babae kay David.
14 Ito ang mga pangalan ng mga ipinanganak sa kanya sa Jerusalem; sina Samua, Sobab, Natan, Solomon,
15 Ibhar, Elisua; Nefeg, Jafia;
16 Elisama, Eliada, at si Elifelet.
Tagumpay Laban sa Filisteo(A)
17 Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay itinalagang hari sa Israel, ang lahat ng Filisteo ay umahon upang hanapin si David; ngunit ito ay nabalitaan ni David at siya'y pumunta sa kuta.
18 Ang mga Filisteo ay dumating at kumalat sa libis ng Refaim.
19 Sumangguni si David sa Panginoon, “Aahon ba ako laban sa mga Filisteo? Ibibigay mo ba sila sa aking kamay?” Sinabi ng Panginoon kay David, “Umahon ka sapagkat tunay na aking ibibigay ang mga Filisteo sa iyong kamay.”
20 Dumating si David sa Baal-perazim at sila'y ginapi doon ni David. Kanyang sinabi, “Winasak ng Panginoon ang aking mga kaaway sa harap ko, gaya ng umaapaw na baha.” Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Baal-perazim.
21 Doon ay iniwan ng mga Filisteo ang kanilang mga diyus-diyosan, at tinangay ni David at ng kanyang mga tauhan ang mga iyon.
22 Muling umahon ang mga Filisteo, at kumalat sa libis ng Refaim.
23 Nang sumangguni si David sa Panginoon ay kanyang sinabi, “Huwag kang aahon; liligid ka sa likuran nila, at ikaw ay sasalakay sa kanila sa tapat ng mga puno ng balsamo.
24 Kapag iyong narinig ang yabag ng lakad sa mga dulo ng mga puno ng balsamo, lumusob ka agad sapagkat lumabas na ang Panginoon sa harap mo upang lupigin ang hukbo ng mga Filisteo.”
25 Gayon ang ginawa ni David gaya ng iniutos ng Panginoon sa kanya; at tinalo niya ang mga Filisteo mula sa Geba hanggang sa dumating sa Gezer.
Ang Kaban ay Dinala sa Jerusalem(B)
6 Muling tinipon ni David ang lahat ng piling lalaki sa Israel na tatlumpung libo.
2 Si(C) David at ang buong bayang kasama niya ay umalis mula sa Baale-juda upang iahon mula roon ang kaban ng Diyos, na tinatawag sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo na nakaupo sa mga kerubin.
3 Kanilang(D) inilagay ang kaban ng Diyos sa isang bagong karwahe, at kanilang inilabas sa bahay ni Abinadab na nasa burol. Sina Uzah at Ahio, na mga anak ni Abinadab, ang siyang nagpatakbo ng bagong karwahe,
4 na kinaroroonan ng kaban ng Diyos, at si Ahio ay nauna sa kaban.
5 Si David at ang buong sambahayan ni Israel ay nagsasaya sa harap ng Panginoon ng kanilang buong lakas, na may mga awitan, mga alpa, mga salterio, mga pandereta, mga kastaneta, at ng mga pompiyang.
6 Nang sila'y dumating sa giikan ni Nacon, iniunat ni Uzah ang kanyang kamay sa kaban ng Diyos, at hinawakan ito sapagkat ang mga baka ay natalisod.
7 Ang galit ng Panginoon ay nagningas laban kay Uzah; at pinatay siya roon ng Diyos sapagkat humawak siya sa kaban. Namatay siya doon sa tabi ng kaban ng Diyos.
8 Nagalit si David sapagkat pinarusahan ng Panginoon si Uzah; at ang lugar na iyon ay tinawag na Perez-uza hanggang sa araw na ito.
9 Kaya't natakot si David sa Panginoon sa araw na iyon, at kanyang sinabi, “Paanong madadala rito sa akin ang kaban ng Panginoon?”
10 Kaya't hindi nais ni David na dalhin ang kaban ng Panginoon sa lunsod ni David, kundi dinala ito ni David sa bahay ni Obed-edom na Geteo.
11 Ang(E) kaban ng Panginoon ay nanatili sa bahay ni Obed-edom na Geteo ng tatlong buwan; at pinagpala ng Panginoon si Obed-edom, at ang kanyang buong sambahayan.
12 Sinabi sa Haring David, “Pinagpala ng Panginoon ang sambahayan ni Obed-edom, at ang lahat ng nauukol para sa kanya, dahil sa kaban ng Diyos.” Humayo si David at iniahon ang kaban ng Diyos mula sa bahay ni Obed-edom patungo sa lunsod ni David na may kagalakan.
13 Nang ang mga nagdadala ng kaban ng Panginoon ay makalakad ng anim na hakbang, siya'y naghandog ng isang dumalagang baka at isang pinatabang baka.
14 Nagsayaw si David ng kanyang buong lakas sa harap ng Panginoon; at si David ay may bigkis ng isang efod na lino.
15 Sa gayo'y iniahon ni David at ng buong sambahayan ng Israel ang kaban ng Panginoon na may sigawan at may tunog ng tambuli.
16 Sa pagdating ng kaban ng Panginoon sa lunsod ni David, si Mical na anak ni Saul ay dumungaw sa bintana, at nakita si Haring David na naglululukso at nagsasayaw sa harap ng Panginoon; at kanyang hinamak siya sa kanyang puso.
17 Kanilang ipinasok ang kaban ng Panginoon, at inilagay sa kanyang lugar, sa loob ng tolda na itinayo ni David. Naghandog si David ng mga handog na sinusunog at mga handog pangkapayapaan sa harap ng Panginoon.
18 Nang makatapos si David sa paghahandog ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan, kanyang binasbasan ang bayan sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo.
19 Ang(F) kanyang ipinamahagi sa buong bayan, sa buong karamihan ng Israel, sa mga lalaki at sa mga babae, at sa bawat isa ay isang tinapay, isang karne, at isang tinapay na pasas. Pagkatapos nito, ang buong bayan ay umuwi sa kanya-kanyang bahay.
20 Bumalik si David upang basbasan ang kanyang sambahayan. Subalit si Mical na anak ni Saul ay lumabas upang salubungin si David, at sinabi, “Niluwalhati ngayon ng hari ng Israel ang kanyang sarili, na siya'y naghubad ngayon sa paningin ng mga babaing alipin ng kanyang mga lingkod, gaya ng kahiyahiyang paghuhubad ng isang taong malaswa.”
21 Sinabi ni David kay Mical, “Iyon ay sa harap ng Panginoon na siyang pumili sa akin na higit sa iyong ama, at higit sa buong sambahayan niya, upang hirangin ako bilang pinuno ng Israel, ang bayan ng Panginoon, kaya't ako'y magsasaya sa harap ng Panginoon.
22 Gagawin ko ang aking sarili na higit pang hamak kaysa rito, at ako'y magpapakababa sa iyong paningin; ngunit sa mga babaing lingkod na iyong binanggit, sa pamamagitan nila ako ay pararangalan.”
23 At si Mical na anak ni Saul ay hindi nagkaanak hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.
Ang Kaban ay Dinala sa Bahay ni Obed-edom(A)
13 Sumangguni si David sa mga pinunong-kawal ng mga libu-libo, at mga daan-daan, at sa bawat pinuno.
2 Sinabi ni David sa buong kapulungan ng Israel, “Kung inaakala ninyong mabuti at kung kalooban ng Panginoon nating Diyos, ay ipatawag natin ang ating mga kapatid na nananatili sa buong lupain ng Israel, kabilang ang mga pari at mga Levita sa kanilang mga bayan na may mga pastulan, upang sila'y sama-samang pumarito sa atin.
3 Pagkatapos ay muli nating dalhin ang kaban ng ating Diyos sa atin, sapagkat ito'y kinaligtaan natin sa mga araw ni Saul.”
4 At ang buong kapulungan ay sumang-ayon na kanilang gawin ang gayon, sapagkat iyon ay matuwid sa paningin ng buong bayan.
5 Kaya't(B) tinipon ni David ang buong Israel mula sa Sihor ng Ehipto hanggang sa pasukan sa Hamat, upang dalhin ang kaban ng Diyos mula sa Kiryat-jearim.
6 At(C) si David at ang buong Israel ay umahon sa Baala, samakatuwid ay sa Kiryat-jearim na sakop ng Juda, upang dalhin mula roon ang kaban ng Diyos, tinatawag ayon sa pangalan ng Panginoon na nakaupo sa ibabaw ng kerubin.
7 Kanilang dinala ang kaban ng Diyos na nakasakay sa isang bagong kariton mula sa bahay ni Abinadab. Sina Uzah at Ahio ang nagpapatakbo ng kariton.
8 At si David at ang buong Israel ay nagkakasayahan sa harapan ng Diyos nang buong lakas nila, na may mga awit, mga alpa, mga lira, mga tamburin, mga pompiyang, at mga trumpeta.
9 Nang sila'y dumating sa giikan ng Kidon, iniunat ni Uzah ang kanyang kamay upang hawakan ang kaban, sapagkat natisod ang mga baka.
10 At ang galit ng Panginoon ay nagningas laban kay Uzah, at siya'y kanyang sinaktan sapagkat siya'y humawak sa kaban, at doo'y namatay siya sa harapan ng Diyos.
11 Kaya't sumama ang loob ni David sapagkat nagalit ang Panginoon kay Uzah, at kanyang tinawag ang dakong iyon na Perez-uza[a] hanggang sa araw na ito.
12 At si David ay natakot sa Diyos nang araw na iyon, na nagsasabi, “Paano ko maiuuwi ang kaban ng Diyos?”
13 Kaya't hindi inilipat ni David ang kaban sa lunsod ni David, kundi ito'y dinala sa bahay ni Obed-edom na Geteo.
14 Ang(D) kaban ng Diyos ay nanatili sa sambahayan ni Obed-edom sa kanyang bahay nang tatlong buwan. At pinagpala ng Panginoon ang sambahayan ni Obed-edom, at ang lahat niyang ari-arian.
Ang Sambahayan ni David(E)
14 Si Hiram na hari ng Tiro ay nagpadala ng mga sugo kay David, at ng mga puno ng sedro, mga tagatapyas ng bato at mga karpintero upang ipagtayo siya ng bahay.
2 At nabatid ni David na itinatag siya ng Panginoon bilang hari ng Israel, at ang kanyang kaharian ay itinaas nang mataas alang-alang sa kanyang bayang Israel.
3 Si David ay kumuha pa ng mga asawa sa Jerusalem. Si David ay nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
4 Ito ang mga pangalan ng mga naging anak niya sa Jerusalem: sina Samua, Sobab, Natan, Solomon,
5 sina Ibhar, Elisua, Elfelet;
6 Noga, Nefeg, Jafia;
7 Elisama, Beeliada, at Elifelet.
8 Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay binuhusan ng langis upang maging hari sa buong Israel, nagsiahon ang lahat ng Filisteo upang hanapin si David. Nabalitaan ito ni David at siya'y lumabas laban sa kanila.
9 Ang mga Filisteo ay dumating at gumawa ng pagsalakay sa libis ng Refaim.
10 At si David ay sumangguni sa Diyos, na nagsasabi, “Aahon ba ako laban sa mga Filisteo? Ibibigay mo ba sila sa aking kamay?” At sinabi ng Panginoon sa kanya, “Umahon ka, sapagkat ibibigay ko sila sa iyong kamay.”
11 Kaya't umahon sila sa Baal-perazim[b] at doo'y nagapi sila ni David. At sinabi ni David, “Sinambulat ng Diyos ang aking mga kaaway sa pamamagitan ng aking kamay na gaya ng sumambulat na baha.” Kaya't kanilang tinawag ang dakong iyon na Baal-perazim.[c]
12 Kanilang iniwan doon ang kanilang mga diyos at ipinag-utos ni David na sunugin ang mga iyon.
13 At muling sumalakay ang mga Filisteo sa libis.
14 Nang si David ay muling sumangguni sa Diyos, sinabi ng Diyos sa kanya, “Huwag kang aahong kasunod nila; lumigid ka at salakayin mo sila sa tapat ng mga puno ng balsamo.
15 Kapag iyong narinig ang hugong ng lakad sa mga dulo ng mga puno ng balsamo, ikaw nga ay lalabas sa pakikipaglaban, sapagkat ang Diyos ay humayo sa unahan mo upang lupigin ang hukbo ng mga Filisteo.”
16 Ginawa ni David kung ano ang iniutos sa kanya ng Diyos; at kanilang pinatay ang hukbo ng mga Filisteo mula sa Gibeon hanggang sa Gezer.
17 At ang katanyagan ni David ay lumaganap sa lahat ng lupain; nilagyan ng Panginoon ng takot sa kanya ang lahat ng mga bansa.
Paghahanda Upang Ilipat ang Kaban
15 Gumawa si David[d] ng mga bahay para sa kanya sa lunsod ni David; at ipinaghanda niya ng isang dako ang kaban ng Diyos, at nagtayo para roon ng isang tolda.
2 Nang(F) magkagayo'y sinabi ni David, “Walang dapat magdala ng kaban ng Diyos kundi ang mga Levita, sapagkat sila ang pinili ng Panginoon upang magdala ng kaban ng Diyos at maglingkod sa kanya magpakailanman.”
3 Tinipon ni David ang buong Israel sa Jerusalem upang iahon ang kaban ng Panginoon sa lugar nito na kanyang inihanda para rito.
4 At tinipon ni David ang mga anak ni Aaron at ang mga Levita;
5 sa mga anak ni Kohat: si Uriel na pinuno at ang kanyang mga kapatid, isandaan at dalawampu;
6 sa mga anak ni Merari: si Asaya na pinuno at ang dalawandaan at dalawampu sa kanyang mga kapatid,
7 sa mga anak ni Gershon: si Joel na pinuno, at ang isandaan at tatlumpu sa kanyang mga kapatid,
8 sa mga anak ni Elisafan: si Shemaya na pinuno, at ang dalawandaan sa kanyang kapatid,
9 sa mga anak ni Hebron: si Eliel na pinuno, at ang kanyang walumpung mga kapatid,
10 sa mga anak ni Uziel: si Aminadab na pinuno, at ang kanyang isandaan at labindalawang mga kapatid.
11 Ipinatawag ni David ang mga paring sina Zadok at Abiatar, at ang mga Levita na sina Uriel, Asaya, Joel, Shemaya, Eliel, at Aminadab,
12 at kanyang sinabi sa kanila, “Kayo ang mga pinuno sa mga sambahayan ng mga Levita. Magpakabanal kayo, kayo at ang inyong mga kapatid, upang inyong maiahon ang kaban ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, sa dakong aking inihanda para rito.
13 Sapagkat dahil sa hindi ninyo dinala ito nang una, ang Panginoon nating Diyos ay nagalit sa atin, sapagkat hindi natin siya hinanap ayon sa utos.”
14 Sa gayo'y ang mga pari at ang mga Levita ay nagpakabanal upang iahon ang kaban ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
15 At(G) binuhat ng mga anak ng mga Levita ang kaban ng Diyos sa kanilang mga balikat sa pamamagitan ng mga pasanan, gaya ng iniutos ni Moises ayon sa salita ng Panginoon.
Ang Kaban ay Dinala ng mga Levita sa Jerusalem(H)
16 Inutusan rin ni David ang pinuno ng mga Levita na italaga ang kanilang mga kapatid bilang mga mang-aawit na tutugtog sa mga panugtog, mga alpa, mga lira at mga pompiyang, upang magpailanglang ng mga tunog na may kagalakan.
17 Kaya't hinirang ng mga Levita si Heman na anak ni Joel; at sa kanyang mga kapatid ay si Asaf na anak ni Berequias; at sa mga anak ni Merari na kanilang mga kapatid ay si Etan na anak ni Cusaias.
18 Kasama nila ang kanilang mga kapatid mula sa ikalawang pangkat: sina Zacarias, Ben, Jaaziel, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Benaya, Maasias, Matithias, Eliphelehu, Micnias, Obed-edom, at Jehiel, na mga bantay sa pinto.
19 Ang mga mang-aawit na sina Heman, Asaf, at Etan, ay tutugtog ng mga pompiyang na tanso,
20 sina Zacarias, Aziel, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Maasias, at Benaya, ay tutugtog ng mga alpa ayon kay Alamot;
21 ngunit sina Matithias, Elifelehu, Micnias, Obed-edom, Jehiel, at si Azazias, ay mangunguna sa pagtugtog ng mga alpa ayon sa Sheminith.
22 Si Kenanias na pinuno ng mga Levita sa musika ay siyang mangangasiwa sa pag-awit sapagkat nauunawaan niya ito.
23 Sina Berequias, at Elkana ay mga bantay ng pintuan para sa kaban.
24 Sina Sebanias, Joshafat, Natanael, Amasai, Zacarias, Benaya at si Eliezer na mga pari, ang magsisihihip ng mga trumpeta sa harapan ng kaban ng Diyos. Sina Obed-edom at Jehias ay mga bantay rin sa pintuan para sa kaban.
25 Kaya't si David at ang matatanda sa Israel at ang mga punong-kawal sa mga libu-libo, ay umalis upang iahon na may kagalakan ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa bahay ni Obed-edom:
26 Sapagkat tinulungan ng Diyos ang mga Levita na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon, sila'y naghandog ng pitong baka at pitong tupa.
27 Si David ay may suot na isang balabal na pinong lino, gayundin ang lahat ng Levita na nagpapasan ng kaban, at ang mga mang-aawit, si Kenanias na tagapamahala sa awit ng mga mang-aawit; at si David ay may suot na efod na lino.
28 Sa gayon iniahon ng buong Israel ang kaban ng tipan ng Panginoon na may mga sigawan, may mga tunog ng tambuli, mga trumpeta at may mga pompiyang, at tumugtog nang malakas sa mga alpa at mga lira.
29 Nangyari nga, samantalang ang kaban ng tipan ng Panginoon ay dumarating sa lunsod ni David, si Mical na anak ni Saul ay tumanaw sa bintana, at nakita niya si Haring David na sumasayaw at nagsasaya; at kanyang hinamak siya sa kanyang puso.
Nag-alay ng mga Handog na Sinusunog
16 Kanilang ipinasok ang kaban ng Diyos, at inilagay sa gitna ng tolda na itinayo ni David para rito, at sila'y naghandog ng mga handog na sinusunog, at mga handog pangkapayapaan sa harapan ng Diyos.
2 Pagkatapos makapaghandog si David ng handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan, kanyang binasbasan ang bayan sa pangalan ng Panginoon.
3 Siya'y namahagi sa buong Israel, sa lalaki at gayundin sa babae, sa bawat isa ng isang tinapay at isang bahaging laman, at mga tinapay na pasas.
4 Bukod dito'y hinirang niya ang ilan sa mga Levita upang maglingkod sa harapan ng kaban ng Panginoon, at upang manalangin, magpasalamat, at magpuri sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.
5 Si Asaf ang pinuno, at ang ikalawa'y sina Zacarias, Jeiel, Semiramot, Jehiel, Matithias, Eliab, Benaya, Obed-edom, at si Jeiel, na sila ang tutugtog sa mga alpa at mga lira. Si Asaf ang magpapatunog ng pompiyang,
6 at sina Benaya at Jahaziel na mga pari ang patuloy na hihihip sa mga tambuli sa harapan ng kaban ng tipan ng Diyos.
7 Nang araw na iyon ay unang iniutos ni David na ang pagpapasalamat ay awitin sa Panginoon, sa pamamagitan ni Asaf at ng kanyang mga kapatid.
Ang Awit ng Pagpapasalamat(I)
8 O kayo'y magpasalamat sa Panginoon, tumawag kayo sa kanyang pangalan;
ipakilala ninyo sa mga bayan ang kanyang mga gawa.
9 Umawit kayo sa kanya, magsiawit kayo ng mga papuri sa kanya;
ipahayag ninyo ang lahat niyang mga kamanghamanghang gawa.
10 Lumuwalhati kayo sa kanyang banal na pangalan;
magalak ang puso ng mga nagsisihanap sa Panginoon.
11 Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kanyang lakas;
palagi ninyong hanapin ang kanyang pakikiharap.
12 Alalahanin ninyo ang kanyang kamanghamanghang mga gawa na kanyang ginawa;
ang kanyang mga kababalaghan, ang mga hatol na kanyang binigkas,
13 O kayong binhi ni Israel na kanyang lingkod,
kayong mga anak ni Jacob na kanyang pinili.
14 Siya ang Panginoon nating Diyos;
ang kanyang mga hatol ay nasa buong lupa.
15 Alalahanin ninyo ang kanyang tipan magpakailanman,
ang salita na kanyang iniutos sa libu-libong salinlahi;
16 ang(J) tipan na kanyang ginawa kay Abraham,
at ang kanyang pangakong isinumpa kay Isaac,
17 na(K) kanyang pinagtibay bilang isang tuntunin kay Jacob,
bilang isang walang hanggang tipan kay Israel,
18 na sinasabi, “Ibibigay ko sa iyo ang lupain ng Canaan,
ang bahagi ng inyong mana.”
19 Noong sila'y kakaunti sa bilang;
at wala pang gasinong halaga, at nakikipamayan doon;
20 na nagpagala-gala sa iba't ibang bansa,
mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan,
21 hindi(L) niya hinayaan na pagmalupitan sila ng sinuman,
kanyang sinaway ang mga hari dahil sa kanila;
22 na sinasabi, “Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran ng langis,
huwag ninyong saktan ang aking mga propeta!”
23 Kayo'y magsiawit sa Panginoon, buong lupa,
ihayag ninyo ang kanyang pagliligtas sa araw-araw.
24 Ipahayag ninyo ang kanyang kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa,
ang kanyang mga kamanghamanghang gawa sa gitna ng lahat ng mga bayan.
25 Sapagkat dakila ang Panginoon at karapat-dapat purihin.
Siya'y marapat na katakutan nang higit sa lahat ng diyos.
26 Sapagkat lahat ng diyos ng mga bayan ay mga diyus-diyosan;
ngunit ang Panginoon ang gumawa ng mga langit.
27 Karangalan at kamahalan ang nasa harapan niya,
kalakasan at kasayahan ang nasa kanyang tahanan.
28 Iukol ninyo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan,
iukol ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian at ang kalakasan.
29 Iukol ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatiang marapat sa kanyang pangalan;
magdala kayo ng handog, at magsiparoon kayo sa harap niya.
Inyong sambahin ang Panginoon sa banal na kaayusan.
30 Manginig sa harap niya ang buong lupa:
oo, ang sanlibuta'y nakatayong matatag, hindi kailanman makikilos.
31 Magsaya ang mga langit, at magalak ang lupa;
at sabihin nila sa gitna ng mga bansa, “Ang Panginoon ay naghahari!”
32 Hayaang umugong ang dagat at ang lahat ng pumupuno dito,
matuwa ang parang at ang lahat ng naroon;
33 kung magkagayo'y aawit ang mga punungkahoy sa gubat dahil sa kagalakan
sa harapan ng Panginoon, sapagkat siya'y dumarating upang hatulan ang lupa.
34 O(M) magpasalamat kayo sa Panginoon sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
35 Sabihin din ninyo:
“Iligtas mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan,
at tipunin mo kami, at iligtas mo kami sa mga bansa,
upang kami'y magpasalamat sa iyong banal na pangalan,
at lumuwalhati sa iyong kapurihan.
36 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan.”
At sinabi ng buong bayan, “Amen!” at pinuri ang Panginoon.
Tagapangasiwa sa Harap ng Kaban
37 Kaya't iniwan ni David doon si Asaf at ang kanyang mga kapatid sa harapan ng kaban ng tipan ng Panginoon, upang patuloy na mangasiwa sa harap ng kaban, gaya ng kailangang gawain sa araw-araw.
38 Gayundin si Obed-edom at ang kanyang animnapu't walong kapatid; samantalang si Obed-edom na anak ni Jedutun at si Asa ay magiging mga bantay sa pinto.
39 At kanyang iniwan ang paring si Zadok at ang kanyang mga kapatid na mga pari sa harapan ng tolda ng Panginoon sa mataas na dako na nasa Gibeon,
40 upang patuloy na maghandog ng mga handog na sinusunog sa Panginoon sa ibabaw ng dambana ng handog na sinusunog sa umaga at hapon, ayon sa lahat nang nasusulat sa kautusan ng Panginoon na kanyang iniutos sa Israel.
41 Kasama nila si Heman at si Jedutun, at ang nalabi sa mga pinili at itinalaga sa pamamagitan ng pangalan upang magpasalamat sa Panginoon, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.
42 Sina Heman at Jedutun ay may mga trumpeta at mga pompiyang para sa tugtugin at mga panugtog para sa mga banal na awitin. Ang mga anak ni Jedutun ay inilagay sa pintuan.
43 At(N) ang buong bayan ay nagsiuwi sa kani-kanilang bahay, at si David ay umuwi upang basbasan ang kanyang sambahayan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001