Chronological
Ginapi ni David ang Ammon at ang Siria(A)
10 At nangyari pagkatapos nito, ang hari ng mga Ammonita ay namatay, at si Hanun na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
2 Sinabi ni David, “Pagpapakitaan ko ng kagandahang-loob si Hanun na anak ni Nahas, gaya ng pagpapakita sa akin ng kagandahang-loob ng kanyang ama.” Kaya't nagsugo si David sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod upang aliwin siya tungkol sa kanyang ama. At dumating ang mga lingkod ni David sa lupain ng mga anak ni Ammon.
3 Ngunit sinabi ng mga pinuno ng mga anak ni Ammon kay Hanun na kanilang panginoon, “Inaakala mo bang pinararangalan ni David ang iyong ama, kaya't siya'y nagsugo ng mga tagaaliw? Hindi kaya nagsugo si David sa iyo ng kanyang mga lingkod upang siyasatin ang bayan, at upang tiktikan, at upang ito ay magapi?”
4 Kaya't dinakip ni Hanun ang mga lingkod ni David, at inahit ang kalahati ng kanilang balbas, at pinutol ang kanilang mga suot sa gitna, sa kanilang pigi, at sila'y pinaalis.
5 Nang ito ay ibalita kay David, siya'y nagsugo upang salubungin sila, sapagkat ang mga lalaki ay lubhang napahiya. Sinabi ng hari, “Manatili kayo sa Jerico hanggang sa tumubo ang inyong balbas, pagkatapos ay bumalik na kayo.”
6 Nang makita ng mga Ammonita na sila'y naging kasuklamsuklam kay David, ang mga Ammonita ay nagsugo at inupahan ang mga taga-Siria sa Bet-rehob, at ang mga taga-Siria sa Soba, dalawampung libong kawal na lakad, at ang hari sa Maaca na may isanlibong tauhan at ang mga lalaking taga-Tob na labindalawang libong lalaki.
7 Nang ito ay mabalitaan ni David, kanyang sinugo si Joab at ang lahat ng hukbo ng mga makapangyarihang lalaki.
8 Ang mga Ammonita ay nagsilabas at humanay sa labanan sa pasukan sa pintuang-bayan; at ang mga taga-Siria ng Soba, ng Rehob, at ang mga lalaking taga-Tob at mga taga-Maaca ay nasa parang.
9 Nang makita ni Joab na ang labanan ay nakatutok sa kanya sa harapan at likuran, pumili siya ng ilan sa mga hirang na lalaki sa Israel at inihanay sila laban sa mga taga-Siria.
10 Ang nalabi sa kanyang mga tauhan ay inilagay niya sa pamamahala ni Abisai na kanyang kapatid, at kanyang inihanay sila laban sa mga Ammonita.
11 Kanyang sinabi, “Kung ang mga taga-Siria ay napakalakas para sa akin, ay tulungan mo nga ako; ngunit kung ang mga Ammonita ay maging napakalakas para sa iyo, darating naman ako at tutulungan kita.
12 Magpakatapang ka, at tayo'y magpakalalaki para sa ating bayan, at para sa mga lunsod ng ating Diyos; at gawin nawa ng Panginoon ang inaakala niyang mabuti.”
13 Kaya't lumapit si Joab at ang mga taong kasama niya sa pakikipaglaban sa mga taga-Siria; at sila'y nagsitakas sa harap niya.
14 Nang makita ng mga Ammonita na ang mga taga-Siria ay nagsitakas, sila man ay nagsitakas din sa harap ni Abisai, at nagsipasok sa lunsod. Kaya't bumalik si Joab mula sa paglaban sa mga Ammonita at dumating sa Jerusalem.
15 Subalit nang makita ng mga taga-Siria na sila'y nagapi ng Israel, sila'y nagtipun-tipon.
16 Nagsugo si Hadadezer at dinala ang mga taga-Siria na nasa kabila ng Ilog Eufrates; at sila'y dumating sa Helam na kasama ni Shobac na puno ng hukbo ni Hadadezer sa kanilang unahan.
17 Nang ito'y ibalita kay David kanyang tinipon ang buong Israel at tumawid sa Jordan, at dumating sa Helam. At ang mga taga-Siria ay humanay laban kay David, at lumaban sa kanya.
18 Ang mga taga-Siria ay tumakas sa harap ng Israel; at pumatay si David sa mga taga-Siria ng mga kalalakihan ng pitong daang karwahe, at apatnapung libong mangangabayo, at sinugatan si Shobac na pinuno ng kanilang hukbo, kaya't siya'y namatay doon.
19 Nang makita ng lahat ng hari na mga lingkod ni Hadadezer na sila'y nagapi ng Israel, sila'y nakipagpayapaan sa Israel at napasakop sa kanila. Kaya't natakot ang mga taga-Siria na tumulong pa sa mga Ammonita.
Ang Sugo ni David ay Nilapastangan ni Hanun(A)
19 Pagkatapos nito, si Nahas na hari ng mga anak ni Ammon ay namatay, at ang kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
2 At sinabi ni David, “Papakitunguhan kong may katapatan si Hanun na anak ni Nahas, sapagkat ang kanyang ama ay nagpakita ng katapatan sa akin.” Kaya't nagpadala si David ng mga sugo upang aliwin si Hanun[a] tungkol sa kanyang ama. Nang ang mga lingkod ni David ay dumating kay Hanun sa lupain ng mga anak ni Ammon upang aliwin siya,
3 sinabi ng mga pinuno ng mga anak ni Ammon kay Hanun, “Inaakala mo bang pinararangalan ni David ang iyong ama, sapagkat siya'y nagsugo ng mga mang-aaliw sa iyo? Hindi ba ang kanyang mga lingkod ay pumarito sa iyo upang siyasatin, ibagsak, at tiktikan ang lupain?”
4 Sa gayo'y sinunggaban ni Hanun ang mga lingkod ni David, inahitan sila at ginupit sa gitna ang kanilang mga suot hanggang sa kanilang pigi, at sila'y pinaalis.
5 At sila'y humayo. Nang ibalita kay David ang nangyari sa mga lalaki, nagsugo siya upang salubungin sila, sapagkat lubhang napahiya ang mga lalaki. At sinabi ng hari, “Manatili kayo sa Jerico hanggang sa tumubo ang inyong balbas, at pagkatapos ay bumalik kayo.”
6 Nang makita ng mga anak ni Ammon na sila'y naging kasuklamsuklam kay David, si Hanun at ang mga anak ni Ammon ay nagpadala ng isang libong talentong pilak upang umupa ng mga karwahe at mga mangangabayo mula sa Mesopotamia, sa Aram-maaca, at mula sa Soba.
7 Umupa sila ng tatlumpu't dalawang libong karwahe at ang hari ng Maaca at ang kanyang hukbo, na dumating at nagkampo sa harap ng Medeba. At ang mga anak ni Ammon ay nagkatipon mula sa kanilang mga bayan at dumating upang makipaglaban.
8 Nang ito'y mabalitaan ni David, sinugo niya si Joab at ang buong hukbo ng mga mandirigma.
9 Ang mga anak ni Ammon ay lumabas at humanay sa pakikipaglaban sa pasukan ng lunsod, at ang mga hari na pumaroon ay sama-sama sa kaparangan.
Natalo ang Ammon at ang Aram
10 Nang makita ni Joab na ang labanan ay nakatuon sa kanya sa harapan at sa likuran, pinili niya ang ilan sa mga piling lalaki ng Israel, at inihanay sila laban sa mga taga-Aram,
11 at ang nalabi sa mga tauhan ay kanyang ipinamahala sa kanyang kapatid na si Abisai, at sila'y humanay laban sa mga anak ni Ammon.
12 At sinabi niya, “Kung ang mga taga-Aram ay napakalakas para sa akin, tutulungan mo ako, ngunit kung ang mga anak ni Ammon ay napakalakas para sa iyo, tutulungan kita.
13 Magpakatatag ka, at tayo'y magpakalalaki para sa ating bayan, at para sa mga lunsod ng ating Diyos, at gawin nawa ng Panginoon ang inaakala niyang mabuti sa kanya.”
14 Kaya't si Joab at ang mga taong kasama niya ay lumapit sa harapan ng mga taga-Aram sa pakikipaglaban at sila'y tumakas sa harapan niya.
15 Nang makita ng mga anak ni Ammon na ang mga taga-Aram ay nagsitakas, sila ay tumakas din mula kay Abisai na kanyang kapatid at pumasok sa bayan. At si Joab ay pumunta sa Jerusalem.
16 Ngunit nang makita ng mga taga-Aram na sila'y natalo ng Israel, sila'y nagpadala ng mga sugo at isinama ang mga taga-Aram na nasa kabila ng Eufrates, na kasama ni Sofac na punong-kawal ng hukbo ni Hadadezer upang manguna sa kanila.
17 Nang ito'y ibalita kay David, kanyang tinipon ang buong Israel, tumawid sa Jordan, pumaroon sa kanila, at inihanay ang kanyang hukbo laban sa kanila. Nang maihanda ni David ang pakikipaglaban sa mga taga-Aram, sila'y nakipaglaban sa kanya.
18 At ang mga taga-Aram ay tumakas mula sa harapan ng Israel. Ang pinatay ni David sa mga taga-Aram ay pitong libong katao na nakasakay sa karwahe, at apatnapung libong kawal na lakad, at si Sofac na punong-kawal ng hukbo.
19 Nang makita ng mga lingkod ni Hadadezer na sila'y natalo ng Israel, sila'y nakipagpayapaan kay David, at napailalim sa kanya. Kaya't ang mga taga-Aram ay ayaw nang tumulong pa sa mga anak ni Ammon.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
20 Ang Panginoon ay sumasagot sa iyo sa araw ng kaguluhan!
Ang pangalan ng Diyos ni Jacob ang magtataas sa iyo!
2 Nawa'y saklolohan ka niya mula sa santuwaryo,
at alalayan ka mula sa Zion!
3 Maalala nawa niya ang lahat mong mga handog,
at tanggapin niya ang iyong mga handog na sinusunog! (Selah)
4 Nawa'y ang nais ng iyong puso ay ipagkaloob niya sa iyo,
at tuparin ang lahat ng mga panukala mo!
5 Kami'y magagalak sa iyong pagliligtas,
at sa pangalan ng aming Diyos ay aming itataas ang aming mga watawat!
Ganapin nawa ng Panginoon ang kahilingan mong lahat!
6 Ngayo'y nalalaman ko na tutulungan ng Panginoon ang kanyang pinahiran ng langis;
sasagutin niya siya mula sa kanyang banal na langit
na may makapangyarihang pagtatagumpay sa pamamagitan ng kanyang kanang kamay.
7 Ipinagmamalaki ng ilan ang mga karwahe, at ang iba ay ang mga kabayo;
ngunit ipinagmamalaki namin ang pangalan ng Panginoon naming Diyos.
8 Sila'y mabubuwal at guguho,
ngunit kami ay titindig at matuwid na tatayo.
9 Bigyan ng tagumpay ang hari, O Panginoon,
sagutin nawa kami kapag kami ay tumatawag.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001