Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Chronological

Read the Bible in the chronological order in which its stories and events occurred.
Duration: 365 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Nehemias 8-10

At ang buong bayan ay nagpipisan na parang isang lalake sa luwal na dako na nasa harap ng pintuang-bayan ng tubig; at sila'y nangagsalita kay Ezra na kalihim, na dalhin ang aklat ng kautusan ni Moises, na iniutos ng Panginoon sa Israel.

At dinala ni Ezra na saserdote ang aklat ng kautusan sa harap ng kapisanan, na mga lalake at mga babae, at lahat na makadidinig na may kaalaman nang unang araw ng ikapitong buwan.

At binasa niya roon sa harap ng luwal na dako na nasa harap ng pintuang-bayan ng tubig, mula sa madaling araw hanggang sa katanghaliang tapat sa harapan ng mga lalake at mga babae, at ng makakaalam: at ang mga pakinig ng buong bayan ay nakikinig sa aklat ng kautusan.

At si Ezra na kalihim ay tumayo sa pulpitong kahoy, na kanilang ginawa sa panukalang ito; at sa tabi niya ay nakatayo si Mathithias, at si Sema, at si Anaias, at si Urias, at si Hilcias, at si Maasias, sa kaniyang kanan; at sa kaniyang kaliwa, si Pedaias, at si Misael, at si Malchias, at si Hasum, at si Hasbedana, si Zacharias, at si Mesullam.

At binuksan ni Ezra ang aklat sa paningin ng buong bayan; (sapagka't siya'y nasa mataas sa buong bayan;) at nang kaniyang buksan, ang buong bayan ay tumayo:

At si Ezra ay pumuri sa Panginoon, na dakilang Dios. At ang buong bayan ay sumagot: Siya nawa, Siya nawa, na may pagtataas ng kanilang mga kamay: at kanilang iniyukod ang kanilang mga ulo, at nagsisamba sa Panginoon na ang kanilang mga mukha'y nakatungo sa lupa.

Si Jesua naman, at si Bani, at si Serebias, at si Jamin, si Accub, si Sabethai, si Odias, si Maasias, si Celita, si Azarias, si Jozabed, si Hanan, si Pelaia, at ang mga Levita, ay nangagpakilala sa bayan ng kautusan; at ang bayan ay nakatayo sa kanilang dako.

At sila'y nagsibasa sa aklat, sa kautusan ng Dios, na maliwanag; at kanilang ibinigay ang kahulugan, na anopa't kanilang nabatid ang binasa.

At si Nehemias na siyang tagapamahala, at si Ezra na saserdote na kalihim, at ang mga Levita na nangagturo sa bayan, ay nangagsabi sa buong bayan: Ang araw na ito ay banal sa Panginoon ninyong Dios; huwag kayong magsitaghoy, ni magsiiyak man. Sapagka't ang buong bayan ay umiyak, nang kanilang marinig ang mga salita ng kautusan.

10 Nang magkagayo'y kaniyang sinabi sa kanila, Magsilakad kayo ng inyong lakad, magsikain kayo ng taba, at magsiinom kayo ng matamis; at mangagpadala kayo ng mga bahagi roon sa walang naihanda: sapagka't ang araw na ito ay banal sa ating Panginoon: huwag din kayong mangamanglaw; sapagka't ang kagalakan sa Panginoon ay inyong kalakasan.

11 Sa gayo'y napatahimik ng mga Levita ang buong bayan, na sinasabi, Kayo'y magsitahimik, sapagka't ang kaarawan ay banal; ni huwag man kayong mamanglaw.

12 At ang buong bayan ay yumaon ng kanilang lakad na nagsikain at nagsiinom at nangagpadala ng mga bahagi, at nangagsayang mainam sapagka't kanilang nabatid ang mga salita na ipinahayag sa kanila.

13 At nang ikalawang araw ay nagpipisan ang mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng buong bayan, ang mga saserdote, at ang mga Levita, kay Ezra na kalihim, upang makinig sa mga salita ng kautusan.

14 At kanilang nasumpungang nakasulat sa kautusan, kung paanong iniutos ng Panginoon, sa pamamagitan ni Moises, na ang mga anak ni Israel ay magsitahan sa mga balag sa kapistahan ng ikapitong buwan:

15 At kanilang ihahayag at itatanyag sa lahat ng kanilang mga bayan, at sa Jerusalem, na sasabihin: Magsilabas kayo sa bundok, at magsikuha kayo ng mga sanga ng olibo, at ng mga sanga ng olibong gubat, at ng mga sanga ng mirto, at mga sanga ng palma, at mga sanga ng mga mayabong na punong kahoy, upang magsigawa ng mga balag, gaya ng nakasulat.

16 Sa gayo'y lumabas ang bayan, at nangagdala sila, at nagsigawa ng mga balag, bawa't isa'y sa bubungan ng kaniyang bahay, at sa kanilang mga looban, at sa mga looban ng bahay ng Dios, at sa luwal na dako ng pintuang-bayan ng tubig, at sa luwal na dako ng pintuang-bayan ng Ephraim.

17 At ang buong kapisanan nila na bumalik na mula sa pagkabihag ay gumawa ng mga balag, at tumahan sa mga balag: sapagka't mula ng mga araw ni Josue na anak ni Nun hanggang sa araw na yaon ay hindi nagsigawa ang mga anak ni Israel ng gayon. At nagkaroon ng totoong malaking kasayahan.

18 Gayon din naman araw-araw, mula sa unang araw hanggang sa huling araw, kaniyang binasa ang aklat ng kautusan ng Dios. At kanilang ipinagdiwang ang kapistahan na pitong araw; at sa ikawalong araw ay takdang kapulungan, ayon sa ayos.

Nang ikadalawang pu't apat na araw nga ng buwang ito ay nagpupulong ang mga anak ni Israel na may pagaayuno, at may pananamit na magaspang, at may lupa sa ulo nila.

At ang binhi ni Israel ay nagsihiwalay sa lahat na taga ibang bayan, at nagsitayo at nangagpahayag ng kanilang mga kasalanan, at ng mga kasamaan ng kanilang mga magulang.

At sila'y nagsitayo sa kanilang dako, at bumasa sa aklat ng kautusan ng Panginoon nilang Dios ng isang ikaapat na bahagi ng araw; at ang isang ikaapat na bahagi ay nagpahayag ng kasalanan, at nagsisamba sa Panginoon nilang Dios.

Nang magkagayo'y nagsitayo sa mga baytang ng mga Levita, si Jesua, at si Bani, si Cadmiel, si Sebanias, si Bunni, si Serebias, si Bani at si Chenani, at nagsidaing ng malakas sa Panginoon nilang Dios.

Nang magkagayo'y ang mga Levita; si Jesua at si Cadmiel, si Bani, at si Hosabnias, si Serebias, si Odaias, si Sebanias, at si Pethaia, ay nagsipagsabi, Kayo'y magsitayo at magsipuri sa Panginoon ninyong Dios na mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan: at purihin ang iyong maluwalhating pangalan, na nataas ng higit sa lahat ng pagpapala at pagpuri.

Ikaw ang Panginoon, ikaw lamang; ikaw ang lumikha ng langit, ng langit ng mga langit, pati ng lahat na natatanaw roon, ng lupa at ng lahat na bagay na nangaroon, ng mga dagat at ng lahat na nangaroon, at iyong pinamalaging lahat; at ang hukbo ng langit ay sumasamba sa iyo.

Ikaw ang Panginoon na Dios, na siyang pumili kay Abram, at naglabas sa kaniya sa Ur ng mga Caldeo, at nagbigay sa kaniya ng pangalang Abraham.

At nasumpungan mo ang kaniyang puso na tapat sa harap mo, at nakipagtipan ka sa kaniya, upang ibigay ang lupain ng Cananeo, ng Hetheo, at ng Amorrheo, at ng Pherezeo, at ng Jebuseo, at ng Gergeseo, upang ibigay sa kaniyang binhi, at tumupad ng iyong mga salita; sapagka't ikaw ay matuwid.

At iyong nakita ang kadalamhatian ng aming mga magulang sa Egipto, at iyong dininig ang kanilang daing sa tabi ng Dagat na Mapula:

10 At nagpakita ka ng mga tanda at mga kababalaghan kay Faraon, at sa lahat niyang mga lingkod, at sa buong bayan ng kaniyang lupain; sapagka't iyong nakilala na sila'y nagsigawa na may kapalaluan laban sa kanila; at ipinagimbot mo ikaw ng pangalan gaya sa araw na ito.

11 At iyong hinawi ang dagat sa harap nila na anopa't sila'y nagsidaan sa gitna ng dagat sa tuyong lupa; at ang mga manghahabol sa kanila ay iyong ibinulusok sa mga kalaliman na gaya ng isang bato sa malalim na tubig.

12 Bukod dito'y iyong pinatnubayan sila sa isang tila haliging ulap sa araw; at sa isang tila haliging apoy sa gabi, upang bigyan sila ng tanglaw sa daan na kanilang lalakaran.

13 Ikaw rin naman ay bumaba sa bundok ng Sinai, at nagsalita ka sa kanila mula sa langit, at binigyan mo sila ng mga matuwid na kahatulan at mga tunay na kautusan, mga mabuting palatuntunan at mga utos:

14 At ipinakilala mo sa kanila ang iyong banal na sabbath, at nagutos ka sa kanila ng mga utos, at ng mga palatuntunan, at ng kautusan, sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod:

15 At nagbigay ka sa kanila ng tinapay na mula sa langit sa kanilang pagkagutom, at nilabasan mo sila ng tubig na mula sa malaking bato sa kanilang pagkauhaw, at inutusan mo sila na magsipasok na ariin ang lupain na iyong isinumpa upang ibigay sa kanila.

16 Nguni't sila at ang aming mga magulang ay nagsigawa na may kapalaluan, at nagpatigas ng kanilang leeg, at hindi dininig ang iyong mga utos.

17 At nagsitanggi na magsisunod, ni hindi man inalaala ang iyong mga kababalaghan na iyong ginawa sa gitna nila, kundi nagpatigas ng kanilang leeg, at sa kanilang panghihimagsik ay naghalal ng isang punong kawal upang magsibalik sa kanilang pagkabihag. Nguni't ikaw ay Dios na madaling magpatawad, mapagbiyaya at puspos ng kaawaan, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kahabagan, at hindi mo pinabayaan sila.

18 Oo, nang sila'y magsigawa sa kanila ng isang guyang binubo, at magsabi, Ito ay iyong Dios na nagahon sa iyo mula sa Egipto, at sila'y nagsigawa ng malaking pamumungkahi;

19 Gayon ma'y ikaw sa iyong masaganang mga kaawaan ay hindi mo pinabayaan sila sa ilang: ang tila haliging ulap ay hindi humiwalay sa kanila sa araw, upang patnubayan sila sa daan; ni ang tila haliging apoy man sa gabi, upang pagpakitaan sila ng liwanag at ng daan na kanilang lalakaran.

20 Iyo rin namang ibinigay ang iyong mabuting Espiritu upang turuan sila, at hindi mo inaalis ang iyong mana sa kanilang bibig, at bigyan mo sila ng tubig sa kanilang pagkauhaw.

21 Oo apat na pung taon na iyong kinandili sila sa ilang, at hindi sila nagkulang ng anoman; ang kanilang mga suot ay hindi naluma, at ang kanilang mga paa ay hindi namaga.

22 Bukod dito'y binigyan mo sila ng mga kaharian at mga bayan, na iyong binahagi ayon sa kanilang mga bahagi: sa gayo'y kanilang inari ang lupain ng Sehon, sa makatuwid baga'y ang lupain ng hari sa Hesbon, at ang lupain ni Og na hari, sa Basan.

23 Ang kanila namang mga anak ay pinarami mo na gaya ng mga bituin sa langit, at mga ipinasok mo sila sa lupain, tungkol doon sa iyong sinabi sa kanilang mga magulang, na sila'y magsiparoon, upang ariin.

24 Sa gayo'y ang mga anak ay pumasok at inari ang lupain, at iyong pinasuko sa harap nila ang mga mananahan sa lupain, ang mga Cananeo, at ibinigay mo sa kanilang mga kamay, pati ng kanilang mga hari, at ang mga bayan ng lupain, upang magawa nila sa kanila kung ano ang kanilang ibigin.

25 At sila'y nagsisakop ng mga bayan na nakukutaan, at ng matabang lupain, at nangagari ng mga bahay na puno ng lahat na mabubuting bagay, ng mga balon na hinukay, ng mga ubasan, at ng mga olibohan, at ng mga punong kahoy na may bungang sagana: na anopa't sila'y nagsikain, at nangabusog, at naging mataba, at nangaaliw sa iyong malaking kagandahang loob.

26 Gayon ma'y naging manunuway sila at nanghimagsik laban sa iyo, at tinalikdan ang iyong kautusan, at pinatay ang iyong mga propeta na nangagpatotoo laban sa kanila na sila'y magsipanumbalik sa iyo, at sila'y nagsigawa ng malaking pamumungkahi.

27 Kaya't iyong ibinigay sila sa kamay ng kanilang mga kalaban, na siyang nangagpapanglaw sa kanila: at sa panahon ng kanilang kabagabagan, nang sila'y magsidaing sa iyo, iyong dininig mula sa langit; at ayon sa iyong saganang mga kaawaan ay iyong binigyan sila ng mga tagapagligtas, na nangagligtas sa kanila sa kamay ng kanilang mga kalaban.

28 Nguni't pagkatapos ng kanilang kapahingahan, sila'y nagsigawa uli ng kasamaan sa harap mo: kaya't pinabayaan mo sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, na anopa't mga napapanginoon sa kanila: gayon ma'y nang sila'y magsipanumbalik, at magsidaing sa iyo, iyong dininig mula sa langit; at madalas na iyong iniligtas sila ayon sa iyong mga kaawaan.

29 At sumaksi ka laban sa kanila, upang mangaibalik mo sila sa iyong kautusan. Gayon ma'y nagsigawa sila na may kapalaluan, at hindi dininig ang iyong mga utos, kundi nangagkasala laban sa iyong mga kahatulan, (na kung gawin ng isang tao, siya'y mabubuhay sa kanila,) at iniurong ang balikat at nagpatigas ng kanilang leeg, at hindi nangakinig.

30 Gayon ma'y tiniis mong malaon sila, at sumaksi ka laban sa kanila ng iyong Espiritu sa pamamagitan ng iyong mga propeta: gayon ma'y hindi sila nangakinig: kaya't ibinigay mo sila sa kamay ng mga bayan ng mga lupain.

31 Gayon ma'y sa iyong masaganang mga kaawaan ay hindi mo lubos na niwakasan sila, o pinabayaan man sila; sapagka't ikaw ay mapagbiyaya at maawaing Dios.

32 Ngayon nga, aming Dios, na dakila, na makapangyarihan at kakilakilabot na Dios, na nagiingat ng tipan at kaawaan, huwag mong ariing munting bagay sa harap mo ang hirap na dumating sa amin, sa aming mga hari, sa aming mga prinsipe, at sa aming mga saserdote, at sa aming mga propeta, at sa aming mga magulang, at sa iyong buong bayan, mula sa kapanahunan ng mga hari sa Asiria hanggang sa araw na ito.

33 Gayon ma'y banal ka sa lahat na dumating sa amin; sapagka't gumawa kang may pagtatapat, nguni't nagsigawa kaming may kasamaan:

34 Kahit ang aming mga hari, ang aming mga pangulo, ang aming mga saserdote, o ang aming mga magulang man, hindi nangagingat ng iyong kautusan, o nakinig man sa iyong mga utos at sa iyong mga patotoo, na iyong ipinatotoo laban sa kanila.

35 Sapagka't sila'y hindi nangaglingkod sa iyo sa kanilang kaharian, at sa iyong dakilang kagandahang loob na iyong ipinakita sa kanila, at sa malaki at mabungang lupain na iyong ibinigay sa harap nila, o nagsihiwalay man sila sa kanilang mga masamang gawa.

36 Narito, kami ay mga alipin sa araw na ito, at tungkol sa lupain na iyong ibinigay sa aming mga magulang upang kanin ang bunga niyaon, at ang buti niyaon, narito, kami ay mga alipin doon.

37 At ang lupain ay nagbubunga ng marami sa ganang mga hari na iyong inilagay sa amin dahil sa aming mga kasalanan: sila nama'y may kapangyarihan din sa aming mga katawan, at sa aming hayop sa ikapagsasaya nila, at kami ay nangasa malaking kapanglawan.

38 At gayon ma'y dahil sa lahat na ito ay tapat na nangakikipagtipan kami, at isinusulat namin; at tinatakdaan ng aming mga prinsipe, ng aming mga Levita, at ng aming mga saserdote.

10 Yaon ngang nagsipagtakda ay: si Nehemias, ang tagapamahala, na anak ni Hachalias, at si Sedecias;

Si Seraias, si Azarias, si Jeremias;

Si Pashur, si Amarias, si Malchias;

Si Hattus, si Sebanias, si Malluch;

Si Harim, si Meremoth, si Obadias;

Si Daniel, si Ginethon, si Baruch;

Si Mesullam, si Abias, si Miamin;

Si Maazias, si Bilgai, si Semeias: ang mga ito'y saserdote.

At ang mga Levita: sa makatuwid baga'y, si Jesua na anak ni Azanias, si Binnui, sa mga anak ni Henadad, si Cadmiel;

10 At ang kanilang mga kapatid, si Sebanias, si Odaia, si Celita, si Pelaias, si Hanan;

11 Si Micha, si Rehob, si Hasabias;

12 Si Zachur, si Serebias, si Sebanias;

13 Si Odaia, si Bani, si Beninu;

14 Ang mga puno ng bayan: si Pharos, si Pahath-moab, si Elam, si Zattu, si Bani;

15 Si Bunni, si Azgad, si Bebai;

16 Si Adonias, si Bigvai, si Adin;

17 Si Ater, si Ezekias, si Azur;

18 Si Odaia, si Hasum, si Bezai;

19 Si Ariph, si Anathoth, si Nebai;

20 Si Magpias, si Mesullam, si Hezir;

21 Si Mesezabel, Sadoc, si Jadua;

22 Si Pelatias, si Hanan, si Anaias;

23 Si Hoseas, si Hananias, si Asub;

24 Si Lohes, si Pilha, si Sobec;

25 Si Rehum, si Hasabna, si Maaseias;

26 At si Ahijas, si Hanan, si Anan;

27 Si Malluch, si Harim, si Baana.

28 At ang nalabi sa bayan, ang mga saserdote, ang mga Levita, ang mga tagatanod-pinto, ang mga mangaawit, ang mga Nethineo, at lahat ng nagsihiwalay sa mga bayan ng mga lupain sa kautusan ng Dios, ang kanilang mga asawa, ang kanilang mga anak, na lalake at babae, bawa't may kaalaman at kaunawaan;

29 Sila'y nagsilakip sa kanilang mga kapatid, na kanilang mga mahal na tao, at nagsisumpa, at nagsipanumpa, na magsilakad sa kautusan ng Dios, na nabigay sa pamamagitan ni Moises na lingkod ng Dios, at upang magsiganap at magsigawa ng lahat na utos ng Panginoon na aming Panginoon, at ng kaniyang mga kahatulan, at ng kaniyang mga palatuntunan;

30 At hindi namin ibibigay ang aming mga anak na babae sa mga bayan ng lupain, o papagaasawahin man ang kanilang mga anak na babae para sa aming mga anak na lalake.

31 At kung ang mga bayan ng lupain ay mangagdala ng mga kalakal o ng anomang pagkain sa araw ng sabbath upang ipagbili, na kami ay hindi magsisibili sa kanila sa sabbath, o sa pangiling araw: aming ipagpapahinga ang ikapitong taon, at ang pagsingil ng bawa't utang.

32 Kami naman ay nangagpasiya rin sa sarili namin, na makiambag sa taon-taon ng ikatlong bahagi ng isang siklo ukol sa paglilingkod sa bahay ng aming Dios:

33 Ukol sa tinapay na handog, at sa palaging handog na harina, at sa palaging handog na susunugin, sa mga sabbath, sa mga bagong buwan sa mga takdang kapistahan, at sa mga banal na bagay at sa mga handog dahil sa kasalanan upang itubos sa Israel, at sa lahat na gawain sa bahay ng aming Dios,

34 At kami ay nangagsapalaran, ang mga saserdote, ang mga Levita, at ang bayan, dahil sa kaloob na panggatong upang dalhin sa bahay ng aming Dios, ayon sa mga sangbahayan ng aming mga magulang sa mga panahong takda, taon-taon, upang sunugin sa ibabaw ng dambana ng Panginoon naming Dios, gaya ng nasusulat sa kautusan.

35 At upang dalhin ang mga unang bunga ng aming lupa, at ang mga unang bunga ng lahat na bunga ng sarisaring puno ng kahoy, taon-taon, sa bahay ng Panginoon:

36 Gayon din ang panganay sa aming mga anak na lalake, at sa aming hayop, gaya ng nasusulat sa kautusan, at ang mga panganay sa aming bakahan at sa aming mga kawan, upang dalhin sa bahay ng aming Dios, sa mga saserdote, na nagsisipangasiwa sa bahay ng aming Dios:

37 At upang aming dalhin ang mga unang bunga ng aming harina, at ang aming mga handog na itataas, at ang bunga ng sarisaring punong kahoy, ang alak, at ang langis, sa mga saserdote, sa mga silid ng bahay ng aming Dios; at ang ikasangpung bahagi ng aming lupa sa mga Levita; sapagka't sila, na mga Levita, ay nagsisikuha ng mga ikasangpung bahagi sa lahat na aming mga bayan na bukiran.

38 At ang saserdote na anak ni Aaron ay sasama sa mga Levita, pagka ang mga Levita ay nagsisikuha ng mga ikasangpung bahagi; at isasampa ng mga Levita ang ikasangpung bahagi ng mga ikasangpung bahagi sa bahay ng aming Dios, sa mga silid sa loob ng bahay ng kayamanan.

39 Sapagka't ang mga anak ni Israel, at ang mga anak ni Levi ay mangagdadala ng mga handog na itataas, na trigo, alak, at langis, sa mga silid, na kinaroroonan ng mga sisidlan ng santuario, at ng mga saserdote na nagsisipangasiwa, at ng mga tagatanod-pinto, at ng mga mangaawit: at hindi namin pababayaan ang bahay ng aming Dios.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain